Noong 1st quarter ng taon, nag-propose ako kay Mam Karina ng Anvil ng isang translation project. Nakabili kasi ako ng Chulalongkorn book ni Sir Ambeth Ocampo at natuwa ako sa aking nabasa. Napakagaan din ng kanyang wika. Sabi ko, kayang-kaya ko itong isalin.
Kaya sinabi ko ito kay Mam Karina. Sagot niya, tamang-tama, gusto ni Ambeth na magkaroon ng Filipino column sa mga tabloid.
Tipong katabi raw ng column ni Dr. Margie Holmes (na tungkol sa sexuality, hahaha)! Wow! Sabi ko, serendipity! At sa 2015, ika-25 anibersaryo daw ng Rizal Without the Overcoat (RWTO) ni Sir Ambeth. Gusto rin daw nitong magkaroon ng Filipino version para dalawa ang ilulunsad nito. Isang Filipino at isang 25th anniversary edition.
Wow uli! Sabi ko, sige po, sige po. Sabi ni Mam Karina, magpadala raw ako ng sample translation.
Agad kong hinanap ang RWTO na kopya namin. Nahanap ko ito kaya lang pagkatapos lamang nang ilang araw, nawala na ito. Sa sobrang desperate ko, nagtanong-tanong na ako sa ilang kaibigan para makahiram ng aklat na ito. Kaya lang, hindi rin daw nila mahanap ang kanila! Hay.
Pagkaraan pa ng ilang linggo, email sa akin ni Mam Karina, nasabi na raw niya iyong proposal ko kay Sir Ambeth at hinihintay na nga raw ako nito.
Naisip ko kailangan ko na talagang i-bribe si EJ para halughugin niya ang buong bahay namin, ahahha!
Pero isang araw, bigla na lang itong sumulpot uli at binasa ko na nga nang paisa-isa at paputol-putol.
Nakakatuwa talaga ang wika ni Sir at tinuturuan din niyang maging critical thinker ang kanyang mambabasa. May mga tanong sa karamihan sa mga akda, tulad ng Do you believe this? I think... what about you? Ini-spark din niya ang pagiging inquisitive ng reader and I think effective naman ito kasi kahit ako, napapa-Google ako sa mga sinasabi niya sa kanyang mga akda.
Di ba kapag affected ang reader, effective ang writer?
Andami kong nalaman uli tungkol kay Rizal. Kontrobersiyal ang ating pambansang bayani! Exciting ang kanyang buhay!
Hindi deserve ni Rizal ang atakeng ginagamit ng karamihan sa mga Social Studies at P.I. 100 teacher natin. I'm sure, sinadya ni Rizal na maging exciting ang buhay niya para mapanatili tayong nakatuon at mapagmasid sa ating kasaysayan. Tapos ay ano? ipe-present siya bilang amboring-boring na tauhan sa kasaysayan ng Pilipinas?
utang na loob.
Anyway, finally nakapag-submit na ako ng sample translation ko kay Mam Karina. para na rin ito sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ng aking blog.
Heto po:
Ang mga Sulat nina Gettie at Pettie
ni Ambeth Ocampo
Salin ni Beverly W. Siy
Lagi kong naiuugnay ang buwan ng Agosto kay Manuel Quezon dahil laging walang pasok noon pagsapit ng ika-19. At sa eskuwela, lagi naming ipinagdiriwang ang Linggo ng Wika.
Sa panahon ngayon, malamang na nasa loob lang ng bahay ang mga bata dahil sa ulan na dulot ng habagat, hindi dahil kay Quezon. Pero sigurado akong itinuro rin sa kanila ang kasabihang:
Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika
Ay mahigit pa sa hayop at malansang isda
Ito marahil ang pinakasikat na taludtod na gawa ni Rizal, pumapangalawa sa “Adios patria adorada;” pero kapag sinilip muli ang mga kopya ng tulang “Sa aking mga kababata,” ang sabi ni Rizal doon ay “sariling salita” at hindi “wika.”
Binusisi ko ito ngayon dahil napapaisip ako kung si Rizal nga ba talaga ang may-akda ng simpleng tula na ito sa Tagalog samantalang wikang Espanyol ang kadalasang gamit niya sa pagsusulat. Nasa wikang Tagalog nga ang mga personal na liham ni Rizal at isang nobelang inumpisahan niya ngunit hindi natapos, pati na ang salin niya sa William Tell ni Schiller at ilang fairy tale ni Andersen, pero nasa wikang Espanyol ang karamihan sa kanyang mga akda.
Walong taong gulang daw si Rizal nang isulat niya ang tulang ito. Hindi naman sa nagdududa ako sa pagiging genius ni Rizal sa murang edad, pero mula sa punto de bista ng isang historian, kulang na kulang kasi ang dokumentasyon patungkol sa nasabing tula. Parang walang natirang bahagi man lang ng manuskritong ito, kung tatanggapin nating may ganito ngang manuskrito.
Unang nalathala ang tula noong 1906, isang dekada mula nang pumanaw si Rizal. Lumabas ito sa isang aklat na pinamagatang Kun Sino ang Kumatha ng Florante ni Herminigildo Cruz. Dahil sa katiting lang ang dokumentasyon para matukoy kung sino ang tunay na may-akda ng “Sa aking mga kababata,” ipinagpalagay na lang na ito ay gawa ni Rizal, sang-ayon sa tradisyon noon.
Pero posible kaya na noong ideklara ang Tagalog bilang Pambansang Wika noong 1930s ay ginamit lamang ang pangalan ni Rizal – at lalo na ang tulang ito – para mapadali ang pagtanggap ng mamamayan sa Tagalog bilang Pambansang Wika?
May mga burador si Rizal na nasa wikang Tagalog at Espanyol para sa (pinaniniwalaan kong) ikatlo sana niyang nobela, pagkatapos ng Noli me tangere at El filibusterismo. Nang ma-reconstruct ko ang mga burador na ito, may nagtanong sa akin kung ito na ang huling piyesang matutuklasan natin na bahagi ng kamangha-manghang Rizaliana collection. Sabi ko, a, walang nakakaalam niyan.
Baka nga bukas, bigla na lang may maglantad ng isang baul ng manuskrito. At iyon pala ang magiging dahilan para i-revise natin nang todo ang mga aklat natin tungkol kay Rizal!
Nakakalungkot lang talaga at inabot ng malas ang napakarami nating historical document nang masira ang mga ito noong panahon ng digma. Ang iba naman, nasira dahil lang sa kapabayaan, o di kaya dahil sa klima, o dahil sa mga peste (insekto at tao ang tinutukoy ko rito).
Dahil dito, hindi na natin malalaman kung gaano kapusok ang naging pagsusulatan nina Rizal at Leonor Rivera. Sinunog kasi ni Leonor ang lahat ng sulat nila, pagkatapos ay isiniksik niya’t ipinatahi sa laylayan ng kanyang wedding gown ang abo ng mga ito.
Sa kaso ng “Sa aking mga kababata,” tradisyon lamang at hindi dokumentasyon ang nababalikan natin. Sa kaso ng love life ni Rizal, may dokumentasyon tayo nito noon, pero tradisyon na lamang ang nananatili sa atin ngayon.
Alam n’yo bang ang palayaw ni Rizal sa London ay “Pettie,” at “Gettie” naman ang sa “girlfriend” niyang si Gertrude Beckett na anak ng kanyang landlord doon?”
Talagang nakakaintriga ang mga sulat nila sa isa’t isa, ito nga ang dahilan kung bakit sinunog ang mga ito. Para daw mapanatiling malinis ang image ng ating bayani.
Sa isang award-winning biography na lumabas bago maganap ang digma laban sa Hapon, isinama ng awtor nitong si Carlos Quirino ang bahagi ng isang liham ng tambalang Gettie-Pettie.
Ito ang nakasaad doon:
Mahal kong Ginoong Rizal:
Sana ay huwag mong isipin na pasaway ako o di kaya ay malilimutin, dahil lamang sa hindi ko sinagot ang sulat mo noon, pero ang totoo, naghihintay kami ng tugon mula sa iyo, sapagkat hindi namin alam kung ligtas ngang nakarating sa iyo ang iyong kahon, isa pa’y hindi ako sigurado kung tama ang tirahan na pinagpadalhan namin, lagi ka namang lumilipat ng tirahan, kakaiba ka talaga, kung sumama ako sa iyo, disinsana ay mayroon na tayong sarili nating kuwarto, maliit pero kaaya-ayang kuwarto, mapipirmi ka na at di na maaaligaga pa.
Nag-alala ka ba noong hindi mo natanggap ang unang sulat na ipinadala ko sa iyo? Noong makalawa, gumawa ako ng paraan para bumalik ito sa akin, parang hibang lang, ano?, isinulat ko ang liham pagkaalis na pagkaalis mo, matatanggap mo sana ito nang sumunod na umaga. Ang lungkot-lungkot ko noong mga oras na iyon, hindi ko na napigilan, sumulat na ako sa iyo, huwag kang mag-alala, wala namang nakakaalam nito. Maraming salamat sa pagpapadala mo ng babasahin tungkol sa fashion pero wala naman akong nakitang magandang damit sa babasahin na iyon, walang-wala ang mga naroon sa kalingkingan ng English fashion. Tinanggap na ba nila ang busto na ginawa natin? Malamang ay tinanggap na nila iyan, napakaganda ng iyong paglikha sa mga bagay-bagay, tiyak na hindi sila tatanggi.
Ipinapaliwanag ng liham na ito ang isang dahilan kung bakit nagmamadali si Rizal noong nilisan niya ang London. Nawawala na sa kanyang kontrol ang ilang bagay!
Sabi pa ni Rizal kay Antonio Regidor, “Hindi ko siya kayang lokohin. Hindi ko siya mapapakasalan dahil may iba pa akong obligasyon na nagpapaalala sa aking bayan, at siya ring dahilan kung bakit hindi ko siya mapapakasalan. Walang dignidad sa pagpapasyang unahin pa ang aking nilulunggati kaysa sa dalisay at busilak na pag-ibig na maaari niyang ialay sa akin.
Talaga namang napakadakila ni Rizal. Pinaniniwalaan n’yo ba ito? Anyway, nakakaaninag ng iba pang kahulugan mula sa mga palayaw na Gettie at Pettie ang medyo mahalay at pang-20th century kong huwisyo. Kayo, ganon din ba?
Ito ay isa lamang sa napakaraming paraan para bigyang-kahulugan ang dokumentasyon na matatagpuan.
End of translation.
copyright ng salin: beverly w. siy
Sa pagsasalin ko nito, naisip ko ang ilang bagay.
1. Kailangan ng mahabang panahon para ito maisalin nang maganda at maayos. Ilang oras ko lang itong isinalin (pero ilang oras ding in-edit), pero ito na kasi ang pinakasimpleng piyesa sa aklat (sa opinyon ko, ha?). Napakaraming piyesa ang may passages mula sa Noli at El Fili, may passages mula sa mga aktuwal na liham, at may passages mula sa mga aktuwal na aklat. Marami din ang nasa Espanyol ang orihinal na akda. Sa RWTO, nasa Ingles na ito. Pero kung iyon ang isasalin ko, ay di ba magiging salin na lamang ng salin ang aking gawa? Ibig sabihin, kailangan kong konsultahin ang orihinal na bersiyon, iyong nasa Espanyol. At pagkaganon, kailangan kong mag-hire ng eksperto sa Espanyol. Dahil kinakalawang na ang Espanyol na natutuhan ko mula kay Prop. Beatriz Alvarez ng UP.
2. Kailangan kong magbasa ng marami. Siyempre, kailangang balikan ang Noli at El fili. Kailangan ko ring basahin ang mga nababanggit na aklat na tinalakay sa ilang piyesa. Halimbawa nito ay ang Animal Farm ni George Orwell. Kapag tinalakay ang mga pamosong tao, halimbawa si Ho Chi Minh, kailangan kong magbasa nang bongga tungkol sa kanya. Hindi puwede ang stock knowledge dito.
3. Kailangan kong kumonsulta lagi kay Sir Ambeth. May mga linya kasi na wala talaga sa orihinal niyang akda pero kapag in-apply-an ng common sense ay saka lang mauunawaan nang lubos ang linyang iyon. E, ito pa namang common sense ko ay NPA! hahaha no permanent address, minsan lumilipad palabas ng bintana!
Halimbawa nito ay iyong ...
Lagi kong naiuugnay ang buwan ng Agosto kay Manuel Quezon dahil laging walang pasok noon pagsapit ng ika-19. At sa eskuwela, lagi naming ipinagdiriwang ang Linggo ng Wika.
Sa panahon ngayon, malamang na nasa loob lang ng bahay ang mga bata dahil sa ulan na dulot ng habagat, hindi dahil kay Quezon. Pero sigurado akong itinuro rin sa kanila ang kasabihang:
Ang orihinal nito ay:
I associate August with Manuel Quezon because we always had a holiday on the nineteenth, and in school we always celebrated Linggo ng Wika.
This year the monsoon rains kept the children indoors, but I'm sure they were taught the saying:
Kung isasalin ko nang literal ang ikalawang linya, "This year the monsoon rains kept the children indoors, but I'm sure they were taught the saying:" hindi ko na kailangang sabihin ang "hindi dahil kay Quezon." kasi wala namang ganon na nabanggit sa naturang linya. Pero dahil parang pinaghahambing ng awtor ang kanyang childhood experience of August sa experience ng mga bata sa ngayon, idinagdag ko na rin ang "hindi dahil kay Quezon."
Proud ako sa bahaging ito ng salin ko. Kasi na-detect ko ang maliit na unwritten part na iyon sa akda ni Sir Ambeth. Pero paano kung iyong ibang ganito ay hindi ma-detect ng aking NPA na common sense? Hala, lagot!
Kaya palagay ko, matinding konsultasyon ang magaganap para magawa ko ang proyektong ito. Sana lang ay di makulitan sa akin si Sir Ambeth.
Hmmm... dito na muna. Dasal ko lang ay sana matuwa dito si Sir Ambeth at Mam Karina. Kagabi ay nabanggit sa akin ni Poy na mayroon na raw na tinanggihan na translator si Sir Ambeth. Si ano raw. Sabi ko, bakit kaya? Kilala ko pa naman ang writer/translator na iyon at napakahusay niyon. Ngi. Bakit kaya hindi nagustuhan ang gawa niya? OMG kinabahan na naman tuloy ako :(
Pero hindi man matanggap ang proposal/sample ko, keri lang.
Mantakin n'yo, nabisita kong muli ang kaloob-looban ng pambansang bayani!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment