Saturday, August 17, 2019

bloody moon

last aug 10, nagkuwento ako sa commune, makati tungkol sa pukiusap. grrrl gang manila ang organizer at si alice sarmiento ang nag-imbita sa akin.

wala akong expectation sa hapon na ito. as in hindi ako nag-research about the organizer/the group. at noong nag-pm si alice na may kasunod akong speaker, saka ko lamang nalaman na may kasama pala akong magsasalita sa hapon na iyon. wala talaga akong idea for this event.

the venue: ang ganda ng commune, nakarating ako doon nang isang bus lang mula sa cavite ang sinakyan, ayala na bus. bumaba ako sa may glorietta at naglakad ako sa kahabaan ng makati avenue hanggang jupiter. malapit ang commune sa kanto ng jupiter at makati ave. si teacher fiona ang nagturo sa akin paanong makarating doon. commune is a coffee shop and a co-working space. maliit siya sa baba or so i think (baka maluwag naman pero ang damng chairs and tables), pero maluwag siya sa 2nd floor, as in parang may malaking sala sa 2nd floor. may veranda rin sa 2nd floor and people kept coming starting at 4pm onwards. so may steady clients siguro sila. at noong nagliligpit na kami, a group of guys and girls started hanging balloons. mukhang may magbibirthday. i ordered latte around 150 pesos. napakasarap niya at gusto ko yung mug kung saan ito isinerve. nga lang pag-uwi ko, medyo sumama ang tiyan ko. baka di ako sanay sa mahal na kape hahaha

the audience: there were around 10 to 12 ladies, mostly working women in their 20s, 30s, 40s. may lawyer, may govt employee, may advocate ng rights ng mga batang babae, may writer (si alice!), may foreigner (si amber! at isa pang babae na si dona naman ang kakilala), may sales agent, naroon din ang buong group ng sinaya cup (audrey and her business partners/friends), there was a mom who brought her baby and toddler, there was a mom athlete (swimmer) who went there with her daughter. most of them looked sosyal for me. at batay din sa pananalita nila, halos lahat sila nag-iingles, hahaha so feeling ko mga soshalin ito. i tried to mumble some sentences, pero wala, lagi akong nako-conscious sa grammar, i always ended up using taglish phrases! so nag-filipino na lang ako! mabuti naman at wala namang problema sa kanila.

the talk: ang talk ko ay tungkol sa pagsasalin ng pukiusap, hango ito sa version na pinresent ko sa prwf 2019 at sa salin event nina wennie sa uste. iilang slides lang din ang aking ipinakita, mabuti na lang at may kopya ng pukiusap sa mismong event, nagbenta ang grrrl gang manila, naipaliwanag ko ang iba't ibang bahagi ng libro at naipakita ko ang magaganda nitong ilustrasyon. i discussed the process, zoom out, then process ng pagsasalin ng mga salita, zoom in. i discussed how i used the humor to bridge the gap of two cultures (sweden and filipino), dahil likas na palatawa ang mga filipino, masayahin, in short. i think, na-amuse at nanggigil din ang members of the audience sa inilahad kong kasaysayan ng diskriminasyon sa puke na siyang tampok sa libro.

the second speaker: it was dona esteban tumacder. isang payat na babae na napakagaslaw in a graceful way. she kept opening and closing her thighs, at noong una, naasiwa ako, sabi ko, ano ba ito, parang di mapakali. but later on, during her talk, mesmerized na ako hahaha now i found out bakit siya ganoon gumalaw. ito anglarawan ng isang tao na nakapa-intact at napaka-lapit sa kanyang loob. she understands her body very well, her own rhythym and everything. and she became beautiful and more beautiful as her talk progressed. sabi ko, shit ang tali-talino naman nito. bakit ngayon ko lang nalaman ito. sabi niya, lagi nating naa-associate sa mga pangit na salita ang menstruation o ang pagreregla. its time to change our perspective and way of thinking. she went on to discuss the many phases that a woman's puson undergoes: shedding phase, luteal phase, etc. etc.

overall experience: i highly recommend this activity not just to women but to men, as well. ang ganda. i feel so empowered. i have discovered a lot of things about my body. i feel so lucky that i have matris. that i shell out an egg every month and the bahay-bata lining crumbles if there was no sperm cell that penetrated the egg.

sabi nga ni dona, yung renewal phase na nagaganap sa kalikasan ay nagaganap din sa loob natin, sa matris natin. nariyan ang pagtubo ng mga dahon, ang pagkaluoy nito at ang tuluyang pagkatanggal sa pagkakaugnay sa tangkay at balakay.


tugon sa headline ng diyaryo na: mukhang militar ang mga trabahador mulang china


di ko alam kung naikuwento ko na rito na sa line of work ko, may nakilala akong lalaking cultural worker mula sa china. siya ay nagsilbing parang apprentice sa isa sa mga department ng ccp. nag-o-observe siya at ipinakikilala sa kanya ang mga proseso ng aming ahensiya, ipinakikilala siya sa aming lahat at nalalaman niya ang aming mga pangalan at kung ano ang mga ginagawa ng bawat division.

siya raw ay nagtatrabaho sa isang govt agency sa china na directly related sa performing arts at theater. nang time na iyon ay kalalabas lamang ng VLF book 3 namin kaya nainteres ako kung ano ang puwede naming maging ugnayan sa kanilang ahensiya. so nag-set ako ng meeting with him. one on one.

ano-ano ang mga nalaman ko?

1. napakalaki ng populasyon nila ang sumusuporta sa mga palabas sa teatro. hello, beijing opera!

2. mas type ng mga chinese ang teatro kaysa sine.

3. naisasanla ang script. sabi ko, literal ba na printed copy? oo raw. nilalagay sa vault.

4. napakalaki ng respeto nila sa writers, lalo na sa mga playwright.

towards the end of our meeting, tinanong ko kung saan na siya nakapasyal. sa puerto galera daw. sabi ko, you should try scuba diving. there are lots of nice diving spots in puerto. sabi niya, yes. i know i always go there to dive.

naantig ang scuba diver in me. pinagyabang ko pa na technical diver din ako noon. Dahil ito sa ex kong may-ari ng dive center, libre lahat, dahil siya ang dive instructor ko at kanya ang dive center, hello, i am sam, as in samantala galore, di ba? sayang ang pagkakataon.

ano ang technical diver? ito iyong pumapatos sa malaliman na dive, lagpas 100 meters ganern, at sumusuot sa mga lumubog na barko. at minsan, sa mga kuweba. kailangan ng napakaraming training, skills, at dahil mahal ang equipment, ang training fees, ang renta ng boat, mahal din ang bawat dive, mahal ang mga lisensiya, yes, hindi lang siya isang lisensiya, dahil bago ka tuluyang makapag-technical diving, dadaan ka sa parang hagdan. kailangan mo ng lisensiya 1 bago magkalisensiya 2, and so on and so forth!

alam n'yo, sagot niya? i know.

technical diver si koya. siniguro ko pa ito, mga besh, dahil kako baka mali lang ang intindi niya sa ingles ko. pero tama raw ako. tango siya nang tango nang inisa-isa ko ang mga nagagawa ng tech diver.

nayanig pagkatao ko, nayanig pagka-pilipino ko. mga tatlong minuto yata akong walang imik.

kakaibang kumbinasyon! sigaw ng utak ko. may mali. may mali! cultural worker, pero technical diver? hindi. imposible. unless tulad ko itong samantala galore din ang peg, tipong may ex din na may dive center at libreng nakakakuha ng mga training, equipment, lisensiya!

anong ginagawa nito sa pilipinas?

siguradong-sigurado ang lahat ng neurons ko nang mga sandaling iyon... may mino-monitor ito sa karagatan ng aking bayan.

agad kong tinapos ang meeting. ok, sir, see you around. tindig ako. napatitig din ako sa pansit na inihain ko sa kanya pagdating namin sa meeting area. ni minsan nga pala ay di niya ito ginalaw.

Friday, August 16, 2019

payment blues sa ccp

hi, how are you? ako? madalas pa ring malungkot. pero lumalaban. sobrang busy ko ngayon sa mga personal book project. kasabay ng mga project sa opis. medyo nangangarag na ako sa opis, andaming sumasablay na bagay. andami naming payables na hindi mabayaran dahil sa mga estupidong rule. halimbawa, kailangan may special power of attorney para ma-claim ko ang check ng tao na hinayr namin for a project.

kung may bank account, bakit di na lang bayaran nang direkta ng cashier ang mga tao? una, hindi na trabaho ng artistic ito. trabaho na ito ng mga taga-financial services. kaya dapat, sila ang gumawa ng paraan para makapagbayad sa mga tao. ang ginagawa nila, nire-require nila ang mga tao na magpunta sa ccp para i-claim ang sariling check. as if, napakadaling magpunta rito. ako nga na 1.5 to 2 hours lang ang biyahe papasok ng ccp ay iritang-irita sa biyahe, paano pa kaya ang iba?

grabe. napaka-old school ng mga nag-i-implement ng estupidong rules na ito. kung hindi makakapunta ang tao ay puwede namang mag-special power of attorney at ipanotaryo ito. e magkano ba ang notaryo? 100 to 200 pesos. dito lang sa kanto ng vito cruz at taft ang may 30 pesos na notaryo, na tinatanggap ng ccp! at kailangang dalhin ang notarized special power of attorney dito sa ccp para mabigyan ako ng power na ma-claim ang check. guess what magkano ang courier? 75 to 150 pesos, depende sa distansiya. so pagagastusin mo ang tao na kailangan mong bayaran, nakakaloka.

sa ibang govt agency, balita ko, puwede na ang bank to bank transaction. so tinanong ko kung puwede ba ito sa ccp. una, mas efficient. pangalawa, mas safe. ang nakuha kong sagot, hindi raw kasi kami ordinaryong govt agency. parang gocc kami, under kami ng gcg (government commission for the goccs). andaming kiyeme, nagiging anti-artist tuloy ang rules sa pagtanggap ng bayad.

siguro sa lahat ng division dito, kami ang pinakakawawa. ang mga writer kasi ay makakapagbigay ng serbisyo at akda nila nang hindi nagpupunta sa ccp. mabubuo ang libro nang hindi sila nagpupunta sa ccp.

unlike ang mga direktor, performer, singer, dancer, lahat sila, makakapunta ng ccp para sa kanilang performance or show, kaya posibleng pisikal nilang ma-settle at mapirmahan ang mga kontrata at iba pang dokumentong pinansiyal.

so, paano na iyan? ano ang dapat gawin? ganyan na lang, agrabyado na lang kami?

isa pa, may pataw na 120 pesos na reprocessing fee kapag na-stale ang check. e hindi naman laging narito sa metro manila ang mga tao na babayaran namin. posibleng nasa sulok sila nga kapuluan. o kaya ay nasa abroad. so paano nila makukuha ang check nila in 180 days (ang haba ng buhay ng isang check)? dapat i-scrap na ang P120 na reprocessing fee. kasi hindi naman perpekto ang sistema ng payment ng ccp. hindi bukas ang cashier's office kapag sabado at linggo. hindi rin naman ito bukas nang beyond office hours, 8am to 5pm lang ito.

kaya sana, huwag nang parusahan financially ang mga tao na dapat namang bayaran ng ccp. dapat scrap ang 120 pesos reprocessing fee. ang mga tao na kailangang bayaran ng ccp ay hindi nangangarap na ma-stale ang check nila. so, huwag na silang parusahan for reprocessing it. saka kung ang isinusumbat nila ay ang tagal at hirap ng pagproseso nila para lang magka-check ang isang tao, bakit, pinapatawan ba sila ng parusa ng artist kapag late ang payment sa kanila? humihingi ba ng additional payment ang mga artist? nagcha-charge ba ito ng interes for the delay? hindi naman. so dapat, fair lang. patas lang. walang penalty-penalty. wala nang reprocessing fee.



Saturday, August 3, 2019

Tampisaw (sanaysay tungkol sa pagkatha ng isang libro)

ni Beverly W. Siy

First time kong magsasalita tungkol sa It’s Raining Mens.

Isa ito sa mga libro ko na pinakamatagal na nabuo. Mga two years. Handa na ang mga rekado pero inabot pa rin nang dalawang taon ang pagsasalansan nito. Bakit?

Background muna. Ito ay sequel ng it’s a mens world, isang koleksiyon ng sanaysay tungkol sa kabataan ko. Dahil childhood nga siya, naisip ko na sundan ito para ikuwento naman ang mga nangyari nang tumanda na ang Bebang Siy sa It’s a mens world.

Ang It’s raining mens ay tungkol sa mga lalaki sa buhay ko nang adult na ako. But of course, hindi lang ito tungkol sa mga lalaking may romantiko akong kaugnayan. Nariyan ang isang essay ko tungkol sa pinakulong ko na lalaki, dahil nagpakita ng titi niya sa bangketa, nariyan ang akda ko tungkol sa isang lalaking bulag na na-encounter ko sa bus at nakita kong bumaba ito sa bus at naglakad sa maling direksiyon, sa lasing na lalaking may buhat na sanggol sa LRT, paskong-pasko.

Marami ding akda ang tungkol sa mga lalaking naging karelasyon ko. May tungkol sa puppy love, sa TOTGA, sa lalaking nakabuntis sa akin, sa isang ex at sa aking nakatuluyan.
Ang tawag ko sa koleksiyon na ito ay autobiographical collage. Lahat ng nasa loob, based sa totoong tao at pangyayari. Pero ang mga akda ko ay nasa iba’t ibang anyo: may tula, may radio drama, may short story, may storyline proposal. At karamihan ay sanaysay o essay, (short and long). Conscious ako sa mga genre na ito noong binubuo ko ang libro. Kaya nang i-nominate ang librong ito sa National Book Awards, hindi nila alam kung saan ito ikakategorya. Hindi puwede sa maikling kuwento, hindi puwede sa nobela, hindi puwede sa CNF o sanaysay. Alam ninyo, kung saan ito ipinasok? Sa kategoryang antolohiya. Ito raw ay anthology of works, pero ng iisang writer. Kakaiba!

Naging finalist lang ang it’s raining mens, talo na naman ako for the second time, pero ok lang. importante ang award pero mas natuwa ako na kahit paano ay nasindak ang sistema nila ng pagkakategorya ng libro.

Anyway, rewind tayo sa panahon na inihahanda ko na ang manuscript, na-realize ko na napakahirap pala nitong buuin.

Bakit?

Dahil marami akong aaminin sa mambabasa. Kasama na ang katotohanan na ako ay namangka sa dalawang ilog. Just like all of us here, may mga image tayo na gustong i-project bilang mga tao at bilang mga writer. May image ako na gustong i-project, at definitely, hindi ang pagiging two-timer. No.

Take note sa mga ni-reveal ko sa librong ito:

1. hindi issue sa akin ang nabuntis ako, in short, disgrasyada. Kasama po ako sa stat ng teen pregnancy noong 1998,

2. hindi issue sa akin na hiwalay ako at a young age, mag-isang nagpalaki ng anak at a young age,

3. hindi issue sa akin na napaka-adventurous ko pagdating sa relasyon, in short, minsan, ako ang nagpapa-cute sa tao na gusto ko, minsan, ako ang lumalapit o ako ang naghahabol. Sa dila ng mapanghusga, malandi ang kategorya ko,

4. hindi issue sa akin kung ma-perceive ako bilang porn writer o mahilig sa porn, or manyak na babae. I wrote about Eli, a woman who had a sexual relationship with a virgin guy, someone na hindi naman niya karelasyon. Again, sa dila ng mapanghusga, malandi ang kategorya ng Eli na ito. Pero hindi issue sa akin iyan.

Hindi ako nahirapan sa mga isyu na iyan.

Saan ako nahirapan? Noong na-realize ko na ibabahagi ko sa mambabasa ang ginawa kong panloloko sa kapwa.

Dumating ako sa punto na ayoko nang ilabas ang libro dahil alam kong huhusgahan ako ng mga tao. Alam kong masasabihan ako nang masama, mapapahiya ako. Kahit anong jumble ko sa timeline, wala, e. Talagang malalaman ng mambabasa na may pinagsabay akong dalawang lalaki sa buhay ko.

Tapos, nakausap ko pa ang marketing manager noon ng Anvil, si Mam Gwenn. Nabalitaan niya ang sequel na ito ng It’s a mens world. Sabi niya, ang hirap naman i-market niyan, Bebang. Hindi ko iyan maibebenta sa eskuwela.

Ay, totoo naman! Pero wala akong pangarap na bumenta ang libro ko sa eskuwela! Que horror! Ano ang sasabihin ng mga madre at pari na supervisor ng mga school?!

Therefore, ano ang nag-udyok sa akin na ipagpatuloy ang proyekto na ito?

Para sa royalty? Para sa pera? Para ba sa panitikan? Para sa bayan?

Hindi.

Ang tanging nag-udyok sa akin na ilabas pa rin ito bilang isang libro ay ang pagnanasa na malaman kung paano ito tatanggapin ng mambabasa. Gusto kong marinig ang feedback nila. Pag ang isang tao, nagbasa ng ganitong libro, ano kaya ang magiging reaksiyon niya? Magagalit? Manghuhusga? Matutuwa?

So far, awa ng diyos, puro maganda ang naririnig ko at nababasa.

Gino-google ko ang sarili ko, at muli, awa ng diyos, wala pa akong nabasang judgmental sa mga nakasaad sa libro na pinaggagawa ko.

Sa mga pampanitikang event gaya nito, may mga lalapit sa akin at magpapapirma ng it’s Raining Mens. Ang iba, magpapa-picture pa.

So far, awa ng diyos, wala pang nagsasabi sa akin na, uy, malandi ka, uy, manloloko ka, bastos ka. Manyak. Wala pa.

Hindi ko rin alam kung bakit. Wala naman akong balak magtanong o mag-survey.

Kaya sa mga gustong sumabak sa CNF, ang reality TV ng panitikan, ‘wag kayong matakot. Takot ang number 1 na pumipigil sa mga libro na nasa inyong puso at utak.

Isiwalat ninyo ang lahat. Kahit ang pinakamarumi ninyong kasalanan. Ibilad ito sa sikat ng araw.

Huwag matakot sa sasabihin ng iba.

Ano ang natutuhan ko sa paglalabas ng librong ito?

Marunong magpatawad ang mga mambabasa, siguro ay dahil ikaw at siya ang nakikinabang sa liwanag ng katotohanan.

Friday, August 2, 2019

for my talk about gender

i have random things on my mind:

1. madalas na nagsusulat ako ng mga bagay-bagay na hindi ko pa nababasa, i mean, i sometimes create because i find a gap and i create to fill that gap.

2. ang it's a mens world ay nag-ugat sa isang ideya pagkabasa ng libro ni bob ong na abnkkbsnplako. sabi ko, kaya ko ring gumawa nito, at tungkol sa mens dahil walang nagsusulat tungkol sa mens sa ganitong paraan.

3. so ganon ako laging mag-isip. i write to fill a gap. i write because i want to help in creating a balanced world for us.

4. nakikita ko ang kabuuan, nakikita ko ang problema, at ang pagkatha ang nakikita kong solusyon dito.

5. na-realize ko ito a few days ago. ibang-iba ang intro ni roma sa lila sa intro ko. she tackled the history/background of filipinas writing filipino poetry. sabi niya, dahop sa ganitong koleksiyon. binanggit din niya ang lahat ng libro na inilabas ng lira, binanggit din niya ang male gaze. na for me ay medyo makaluma. i think, lira women did not think about the male gaze nor antagonizing male gaze when they wrote their poems. they just wrote. nagsulat lang, nag-express ng trip. ako, i tackled the process of coming up with the book.

hey im tired, kanina pa. hindi ako dapat magpanggap na ayos lang ako. i need to get some rest.

but before signing out, id like to share that lila is going to be launched na! on aug 24. yahoo! august is a lucky month!

4th draft ng ccp historical marker

ALAY SA SAMBAYANANG FILIPINO NOONG IKA-8 NG SETYEMBRE 1969, ANG SENTRONG PANGKULTURA NG PILIPINAS AY BUNGA NG ILANG DEKADANG PAGPUPUNYAGI NG MARAMING ALAGAD NG SINING NG PILIPINAS, KATUWANG ANG MGA OPISYAL NG PAMAHALAAN UPANG MAKAPAGTATAG NG ISANG TANGHALANG PAMBANSA, UPANG MAGKAROON NG NATATANGING LUNAN PARA SA ORIHINAL AT PINAKAMAHUHUSAY NA PRODUKSIYONG ARTISTIKO MULA SA IBA’T IBANG BAHAGI NG KAPULUAN, UPANG MAGSILBING SINUPAN NG DIWANG FILIPINO NA IPINAPAHAYAG SA PAMAMAGITAN NG SINING AT KULTURA, AT UPANG MAGING ISANG INSTITUSYON NA PATULOY NA TUTUKLAS, LILINANG AT MAGTATAGUYOD NG TALINO, TALENTO, AT LIKHA NG SUSUNOD NA SALINLAHI NG MGA FILIPINO PARA SA LAHAT.

ITINAYO SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSANG TAGAPAGPAGANAP BLG. 30 NOONG 25 HUNYO 1966 SA PATNUBAY NG UNANG GINANG IMELDA ROMUALDEZ MARCOS AT AYON SA DISENYONG PANG-ARKITEKTURA NG PAMBANSANG ALAGAD NG SINING NA SI LEANDRO V. LOCSIN.

pinatawag ako sa corporate planning division, nandoon pala si sir endriga, miyembro ng ccp board of trustees. dala niya ang mga draft at ipinapaliwanag niya sa akin kung bakit hindi puwedeng ang isa sa mga iyon ang dapat na gawing historical marker. so sabi niya, ipag-combine ko ang teksto ng nhcp at ang ilang bahagi ng 3rd draft. ito ang kinalabasan.

pero na-realize ko na, kaya kami hirap na hirap dito ay dahil sinusundan namin ang nhcp format. tapos napaisip ako kung historical ba ang ccp. hindi naman. therefore, bakit kailangang humingi ng permit sa kanila for the historical marker? ang ccp ay mas heritage or cultural. so either ncca or something else. wala namang naganap na makasaysayan sa ccp, e. kung meron man ay makasaysayan sa larang ng sining at kultura.

in short, walang kailangang habulin ang ccp sa nhcp. therefore, kahit anong format ay puwede!

Friday, July 26, 2019

3RD DRAFT ng salin ng CCP Historical Marker

ahahay nakakaloka, so may aprubado pala na salin ng historical marker text.

so ang order sa akin ay pagsamahin ang aprubadong salin at ang 2nd draft. eto ang resulta:

ANG SENTRONG PANGKULTURA NG PILIPINAS

IPINATAYO SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSANG TAGAPAGPAGANAP BLG. 30 NOONG 25 HUNYO 1966 UPANG MAKAPAGTATAG NG ISANG TANGHALANG PAMBANSA, UPANG MAGKAROON NG NATATANGING LUNAN PARA SA ORIHINAL AT PINAKAMAHUHUSAY NA PRODUKSIYONG ARTISTIKO MULA SA IBA’T IBANG BAHAGI NG KAPULUAN, UPANG MAGSILBING SINUPAN NG DIWANG FILIPINO NA IPINAPAHAYAG SA PAMAMAGITAN NG SINING AT KULTURA, AT UPANG MAGING ISANG INSTITUSYON NA PATULOY NA TUTUKLAS, LILINANG AT MAGTATAGUYOD NG TALINO, TALENTO, AT LIKHA NG SUSUNOD NA SALINLAHI NG MGA FILIPINO PARA SA LAHAT. SINIMULAN ANG PAGPAPATAYO AYON SA DISENYONG PANG-ARKITEKTURA NG PAMBANSANG ALAGAD NG SINING NA SI LEANDRO V. LOCSIN, 17 ABRIL 1967. PINASINAYAAN, 8 SETYEMBRE 1969.