Saturday, August 16, 2014
Ang Filipinong Pangkolehiyo
ni Bebang Siy para sa KAPIKULPI column
Nagulantang ang mga guro sa Filipino sa kolehiyo nang matanto nilang mawawalan sila ng trabaho dahil sa implementasyon ng K to 12 program, pagsapit ng 2016.
Wala na kasing Filipino courses sa kolehiyo. Ang mga ito ay ituturo na sa Grades 11 at 12 sa bagong programa.
Nitong mga nakaraang buwan, masigasig na ipinagtanggol ng mga Filipino teacher ang kanilang kurso para mapanatili ito sa kolehiyo. Ano ba namang uri ng bansa ang itinatatwa ang sariling wika sa edukasyong pang-tertiary? Tanging Pilipinas lamang!
Ngunit sa aking palagay, may batayan ang paglalagay ng mga education expert sa pangkolehiyong Filipino courses sa antas ng high school. Masyado kasi itong basic! Ano ba ang laman ng Filipino 1 na pangkolehiyo? Kasaysayan ng wikang Filipino at mga sistema nito tulad ng Ponolohiya (tungkol sa tunog ng wikang Filipino) at Morpolohiya (tungkol sa kung paanong nabubuo ang mga salita sa wikang Filipino). Kasama rin sa Filipino 1 ang paglilinang sa apat na kasanayan (pagbabasa, pagsusulat, pakikinig at pagsasalita) at introduksiyon sa konsepto ng komunikasyon.
Ang Filipino 2 naman ay hinggil sa dagdag na kasanayan sa pagbabasa at pagsusulat. Research ang oryentasyon nito. Ang output ng kurso ay isang pananaliksik sa wikang Filipino.
May suspetsa ako na kaya ganito ang pangkolehiyong kurso sa Filipino ay dahil ang ginagaya nito ay ang takbo ng English 1 at English 2 sa kolehiyo. Pag pinagtabi ang mga syllabus na hawak ng mga guro sa dalawang kurso na ito, makikita na parang isinalin lamang sa Filipino ang syllabus sa Ingles. At gayundin ang Ingles, patungo naman sa Filipino. Kung pareho ang daloy, paksa at hangarin (maging malay sa ugnayan ng wika at kultura) sa likod ng pag-aaral ng dalawang kurso, bakit kailangang kunin ng estudyante ang Filipino 1 at 2 at English 1 at 2 sa kolehiyo? Sayang lang ang tuition dito. Sayang din ang effort at panahon ng estudyante. Wika lang naman ang ipinagkaiba nila sa isa’t isa.
Para sa akin, ang Filipino 1 (at ang English 1 at 2) ay pang-high school level kaya dapat ay itinuturo na ito sa nasabing antas. Dapat, bago makapasok ng kolehiyo ang isang estudyante, alam na niya ang kasaysayan ng kanyang wika, alam na niya ang mga sistema nito, at expert na siyang magbasa, magsulat, makinig at magsalita lalong-lalo na sa sariling wika.
Ang Filipino 2 naman, puwedeng manatili sa kolehiyo. Pero dapat ay gawin itong parallel sa kurso na kinukuha ng isang college student. Kung Criminology, ay di dapat nakakiling na agad sa mga terminong pangkriminolohiya ang Filipino 2! Pagpasok pa lang ng estudyante, ituro na agad ang mga angkop na termino na may kinalaman sa kanyang kurso. Build up agad ng vocabulary! Sa pagtatapos ng kurso, dapat din, ang lahat ng output ay pananaliksik sa kriminolohiya sa wikang Filipino. Dapat ang bawat departamento ng Filipino sa lahat ng kolehiyo at pamantasan ng bansa, kada taon ay may inilalabas sa publiko na koleksiyon ng mga pananaliksik sa Filipino na gawa ng mga estudyante. Ito ang tunay na intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. (Sad to say, 97% ng mga pananaliksik sa bansa natin ay hindi nagagamit, walang pakinabang. At may teorya ako na ito ay dahil sa wika kung saan nakasulat ang pananaliksik. Kung tungkol sa agrikultura, bakit isusulat sa Ingles? Para kanino ba ang pananaliksik? Sa Amerikanong magsasaka?)
(Ang tanong ko lamang dito, sino ang tamang guro para sa ganitong uri ng Filipino subject? Ang gurong eksperto sa kurso ng estudyante o ang karaniwang Filipino teacher? Kung ang gurong eksperto sa kurso ng estudyante, baka hindi sapat ang skills niya sa sariling wika at sa pagsulat ng pananaliksik! Pero kung karaniwang Filipino teacher naman, baka hindi sapat ang alam niya sa kurso ng estudyante.)
Ang pagpapanatili ng Filipino courses sa kolehiyo ay dapat na maging output oriented. Dapat ay mayroong kongkretong output ang lahat ng estudyante sa bawat pagtatapos ng kurso. Sa ganitong paraan, ine-encourage natin ang pag-produce ng intellectual properties at siyempre, ang paggalang dito.
Kaya ang isa pang kursong iminumungkahi ko (puwedeng ipamalit sa Filipino 1) ay malikhaing pagsulat sa Filipino para sa mga college student. Ang kursong ito ay hindi lamang output oriented kundi makakapaglinang din ng pagiging malikhain ng bawat estudyante. Sa paglikha, makikita ang pinakamataas na antas ng pagkatuto ng isang estudyante. Mapipilitan silang mag-identify, mag-sort, mag-analyze, mag-predict, at iba pa. Lahat ito ay kailangang daanan ng isang taong gusto (o kailangang lumikha).
Isa pa, makakatulong din ito na mapunan ang dahop na mga libro at materyales sa sarili nating wika. In time, kaya na nating mabaliktad ang sitwasyon sa loob ng mga library at bookstore kung saan ang majority ng mga aklat ay nasa wikang banyaga, gawa ng mga banyaga.
Kaya palagay ko, habang isinusulong ng mga guro sa kolehiyo ang karapatan ng Filipino courses sa tertiary education, pag-isipan na rin nilang maigi kung paanong babaguhin ang mga ito (at ang mga atake, kagamitan, silabus, estilo, etc.) para maging mas angkop at kapaki-pakinabang sa mga estudyante mula sa iba’t ibang kurso. Sa hinaharap, makakatulong ito nang malaki sa ating bayan dahil… major production ito ng mga intelektuwal na produkto.
Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment