Friday, August 8, 2014

Comics script tungkol sa climate change: Ang Kuwento ni Aldo

Draft #1
Comics script para sa Story #2
Manunulat: Beverly Siy ng Kamias, QC

Topic: Ang pag-adapt ng mga magbubukid sa climate change

Working Title: Ang Kuwento ni Aldo

Setting: Contemporary times, rural at siyudad, isang season ng pagsasaka

Mga Pangunahing Tauhan:

1. Aldo, 40’s, magbubukid na magiging lider sa training para sa magbubukid
2. Amihan, 30’s, kasintahan ni Aldo, simple lang ang beauty, tauhan sa isang eatery sa Kutitap City
3. Maya, 30’s, farmer trainor, maganda
4. Ber, 40’s, kaibigang magbubukid ni Aldo
5. Prospero, 50’s, kakilala ni Aldo, ahente ng real estate


FRAME 1: Isang hapon, sa labas ng isang dampa, nakaupo sa isang maikling bench si Aldo, may kausap siya sa cellphone. Nakatanaw si Aldo sa malayo, nakakunot ang kanyang noo. Nakataas ang isang paa niya.

Ang kausap niya ay ang kasintahan na si Amihan. Nasa Kutitap City si Amihan, nagtatrabaho bilang tagaluto sa isang kainan.

CAPTION: Pinipilit na naman si Aldo ng kanyang nobyang si Amihan.

AMIHAN (off-frame): Sabi ko na sa ‘yo, dito ka na lang sa magtrabaho. Kailangan pa nila ng tao dito sa eatery. Okey naman ang sahod, makakaraos. Ang importante, magkasama tayo rito sa Kutitap City.


FRAME 2: Si Amihan, sa loob ng isang eatery, nakaupo sa dining area, walang kumakain doon sa kasalukuyan. Bakas din sa mukha ni Amihan ang pagod at katandaan. Medyo inis din siya.

ALDO (off-frame): Binibiro ka na naman ba ng cook n’yo? Susuntukin ko ‘yan pagdating na pagdating ko d’yan.

AMIHAN: Ay, oo. Akala ay puwede pa akong pormahan. Single pa raw kasi.


FRAME 3: Gabi na. Tapos na silang mag-usap sa telepono. Nasa loob na ng kanyang dampa si Aldo. Nakahiga siya sa banig sa isang sulok ng dampa. Mulat na mulat pa siya.

CAPTION: Dahil sa pagkakalayo nila ni Amihan, inalihan na naman ng kaba si Aldo.

ALDO (Thought balloon): Matagal na ring naghihintay si Amihan. At isa pa, hindi na rin naman kami bumabata. Sa magkakapatid, ako na lang naman ang naiwan dito. Pag sumunod ako kay Amihan sa Kutitap, wala nang titingin sa bahay namin.


FRAME 4: Umaga, mga alas-diyes. Nasa labas ng kanyang dampa si Aldo kausap ang kaibigang si Prospero, ahente ng mga bahay at lupa.

May dalang bag at folder si Prospero. Halatang salesman sa itsura pa lang. Nakatingin si Prospero sa dampa ni Aldo, parang sinisipat.

CAPTION: Naisip ni Aldo, ibenta na lang ang kanilang bahay. Kinonsulta niya ang kilalang ahente sa kanilang bayan, si Prospero.

PROSPERO: Puwede nang ibenta. Pero, Pareng Aldo, kung maipapaayos mo ito, tataas pa ang presyo ng bahay mo. Mga ilang daang libo rin. Marami ang magkakainteres diyan kasi malapit-lapit sa highway.


FRAME 5: Same day, nakaalis na si Prospero. Nanatili si Aldo sa tapat ng kanyang dampa. Nakatanaw pa rin sa malayo.

CAPTION: Pagkaalis ni Prospero…

ALDO (thought balloon): Tama. Sana maganda ang ani ko para maipaayos ito. Sasapat naman na siguro iyong mapagbebentahan ng bahay para sa amin ni Amihan. Saka kakayod naman kaming dalawa sa Kutitap City. Di na siguro kami magugutom.


FRAME 6; Flashback (puwedeng black and white ang frame na ito). Hatiin sa tatlong makikitid na parihaba ang buong frame.

CAPTION: Ngunit maaalala ni Aldo ang mga nagdaang sakuna: bagyo, baha, tagtuyot.

Parihaba 1: Puno ng niyog na sinasabunutan ng napakalakas na hangin. Simbolo ito ng bukid na binabayo ng bagyo.

Parihaba 2: Bukirin na lubog sa baha.

Parihaba 3: Isang usbong ng palay na nakatanim sa lupa na sobrang tuyot at nagka-crack na.



FRAME 7: Close up ng mga kamay ni Aldo.

ALDO (thought balloon): Huli na ito. Sakaling pumalpak ang ani, ibebenta ko na ang bahay kahit hindi pa ito napapaayos. Susunod na ako kay Amihan sa Kutitap City.


FRAME 8: Umaga. Sa bukid, nagkakaingin si Aldo.

CAPTION: Di na nagpatumpik-tumpik si Aldo, hinarap na niya ang mga trabaho sa bukid.


FRAME 9: Same scene sa Frame 8. Hahangos si Ber, isang kaibigan ni Aldo na magbubukid din.

CAPTION: Napadaan si Ber, kaibigan ni Aldo na isa ring magbubukid. Sinita nito si Aldo.

ALDO: Bakit? Anong problema?
BER: Masama ang kaingin, di mo ba alam?


FRAME 10: Close up ng isang tanim na wala nang bunga.

BER (off frame): Kasi para yumabong ang pananim, huhugot ito ng napakaraming sustansiya sa lupa. Kapag sinunog mo ito pagkatapos anihin ang puwedeng maani, ang tanim ay bumabalik sa lupa bilang abo. Wala nang masyadong sustansiya ang abo.

ALDO (off frame): Oo nga. Napuputol ang pag-ikot ng sustansiya mula sa lupa papunta sa mga pananim at mula pananim pabalik sa lupa!

FRAME 11: Medium shot ni Ber. Nakangiti ito.

CAPTION: Naisip ni Aldo na baka ito ang dahilan kung bakit mas maganda ang ani ni Ber kaysa sa kanya nitong mga nakaraang taon. Nagtanong pa si Aldo pero iba na ang mungkahi ni Ber.

BER: Kailangan talaga, alam natin ang mga bagong paraan ng pagbubukid. Sumama ka na kasi sa ‘kin. Ipapakilala kita sa farmer trainor namin. Teka, di ba, Aldo, wala ka pang asawa? Maganda si Maya. Single pa.

ALDO: Ku, ikaw talaga, Ber! Meryenda nga muna tayo. Ikukuwento ko sa ‘yo ang mga plano ko sa buhay.

FRAME 12: Sa isang pagpupulong ng mga magbubukid, nakaupo ang mga magbubukid na babae at lalaki sa mga bench na gawa sa mga plank ng niyog. Isa roon si Aldo. May hawak na papel at panulat ang lahat. Lahat sila ay nakikinig sa babaeng farmer trainor na si Maya. Tanaw ang bukirin mula roon.

CAPTION: Unang araw pa lang ng pagkakakilala ni Aldo kay Maya, marami na itong natutuhan.

MAGBUBUKID: Maya, hindi lahat ng insekto ay peste.

MAYA: Tama. Kaya ‘wag tayong bomba nang bomba ng pesticide. Dahil pinapatay nito ang lahat, pati na gagamba o tutubi, mga insektong nakakatulong sa atin. Pinupuksa din nila ang mga pesteng insekto.


FRAME 13: Same day, same venue. Pagkatapos ng pulong, magkausap sina Aldo, Maya at Ber.

MAYA: Mabuti‘t nahila ka na ni Ber dito.

ALDO: Oo nga, Maya. Lagi na akong dadalo rito. Ang dami ko na palang hindi alam.

BER: Tiyak na lalo pang gaganda ang ani mo, Aldo. Mapapaayos na ang bahay mo!



FRAME 14: Malakas ang ulan. Sa sarili niyang bukid, nakamasid si Aldo sa isang bahagi ng bukirin kung saan katatanim lamang niya ng binhi ng “submarino,” isang variety ng rice na nabubuhay at yumayabong kahit lubog ito sa baha nang ilang araw.

Si Aldo ay nakasumbrero, sangga niya sa malakas na ulan ang isang dipa ng plastic cover.

CAPTION: Mula noon, ginagawa na ni Aldo sa sariling bukid ang mga natututuhan niya sa mga pulong na pinamumunuan ni Maya.

ALDO (thought balloon): Tamang-tama pala itong pagkakatanim ko ng binhi ng submarino mula kina Maya. Bumaha man o mababad sa ulan, tutubo pa rin ito at yayabong.



FRAME 15: Sa pulong uli ng magbubukid, magkaharap sina Aldo at Maya. May inaabot na dalawang plastik si Aldo sa dalaga.

CAPTION: Dahil sa paliwanag ni Maya tungkol sa pakikipagpalitan ng binhi sa magbubukid mula sa iba pang lugar, ginanahan si Aldo at iba pang dumalo sa pulong na magbigay ng binhi para rito.

MAYA: Salamat dito sa mga itlog, Aldo. Iluluto ko bukas ng umaga. Salamat din dito sa mga binhi, makakarating ito sa iba pang magbubukid!

ALDO: Walang anuman. ‘Yon ngang binhi na ibinigay ninyo sa amin, iyong galing sa kabilang bayan, ay, napakaganda ng tubo! Naobserbahan kong hiyang sa lupa natin ang binhi nila.



FRAME 16: Sa harap ng dampa, pinagmamasdan ni Aldo ang bunga ng kanyang mga halamang kamatis, kalamansi, papaya at paminta.

May ulo ni Maya sa gilid ng frame.

MAYA: Magtanim ng perennials. ‘Yon bang mga halamang namumunga buong taon kahit isang beses mo lang itanim. Me pang-ulam ka na, kikita pa ng ekstrang pera mula riyan.

ALDO: Oo nga, ba’t ako aasa sa iisang uri lang ng pananim? Para mas maraming maaasahan kahit panahon ng bagyo, baha o tagtuyot, magtanim ng marami at iba’t ibang uri.



FRAME 17: Gabi, sa dampa, nagpapahinga na si Aldo. Medium shot ng text ni Amihan sa cellphone ni Aldo.

CAPTION: Pagdaan ng ilang ulan at bagyo, isang gabing nagpapahinga si Aldo, nag-text si Amihan. Pero hindi niya ito ma-reply-an dahil wala siyang load.

ITO ANG TEXT NI AMIHAN:

Kmusta jan? Bkit d k n nagttxt o tumatawag?



FRAME 18: Isang araw, pinuntahan ni Maya at ng iba pang magbubukid (babae at lalaki) si Aldo sa bukirin. Mayabong ang lahat ng pananim ni Aldo. Nakayuko ang ilan sa mga magbubukid at ine-eksamin ang mga pananim habang nagsasalita si Aldo.

Ipakita na magkatabi sina Maya at Aldo.

CAPTION: Samantala, buo ang atensiyon ni Aldo sa pagbubukid. Magkakapera siya rito. Mapapaayos niya ang bahay. Makakapagbenta siya ng bahay sa mas mataas na presyo. Makakaluwas na siya sa Kutitap City. Mapapakasalan na niya si Amihan.

ALDO: Alam n’yo, ang obserbasyon ko sa ganitong binhi na sinasabing mabubuhay kahit sa lugar na malapit sa tubig-alat, hindi kailangan ng maraming abono.

MAYA: Aba, maganda ‘yan. Tipid! Gaano kakonti ang abono na kailangan dito, Aldo?



FRAME 19: Sa eatery sa Kutitap City, di mapakali si Amihan sa isa sa mga upuan. Matumal ang customer. Maluha-luha siya habang hawak nang mahigpit ang cellphone na luma at sa apron niyang lukot-lukot na.

CAPTION: Pagkaraan pa ng ilang buwan, matagal nang walang komunikasyon galing kay Aldo. Halos araw-araw nang napapaiyak si Amihan.

AMIHAN (thought balloon): Ano na nga ba ang plano niya sa ‘min? Mahal pa kaya niya ‘ko? Baka may iba na siya…



FRAME 20: Sa harap ng taong pinagbentahan ng kanyang ani, nagbibilang si Aldo ng pera. Maluwang ang ngiti ni Aldo.

CAPTION: Di nagtagal, dumating ang tag-ani. Tumaas nga ang kita ni Aldo kaysa noong nakaraan. Naisip niya ang orihinal niyang plano. Gagawin pa kaya niya ito?

ALDO (thought balloon): Di ko na yata kailangang pumunta ng Kutitap! Kung isasabay ko lang lagi sa pagbabago ng panahon ang paraan ko ng pagbubukid, makakaraos naman at makakaranas din ng ginhawa!



FRAME 21: Sa tapat ng isang pondahan, kausap ni Aldo si Ber at isa pang magbubukid na lalaki. Kasama nito ang isa pang teenager na lalaki.

ALDO: Okey na? P300 kada araw, mga pare. Bale, sa makalawa ang dating ng materyales. Asahan ko kayo sa bahay, ha? Alas-nuwebe.

BER: Okey na okey. Ekstrang kita rin ito, mga pare ko. Doon na tayo dumiretso ke Aldo pagkagaling sa bukid.

ALDO: O siya, una na ako. Pupuntahan ko pa si Maya.


FRAME 22: Magkausap sina Maya at Aldo sa lugar kung saan sila nagpupulong lagi. Sila lang ang tao roon. Medyo nahihiya ang itsura ni Aldo. May iniaabot siyang sobre. Pera ang laman niyon. May hawak na papel si Maya.

CAPTION: Pinakiusapan ni Aldo si Maya na bumili ng kanyang surpresa para kay Amihan.

ALDO: Pasensiya ka na. Kailangan ko kasing tutukan ang pagpapagawa ng bahay. At palagay ko, mas maganda ang mapipili mo. Dahil babae ka, tiyak na alam mo ang gusto ng kapwa babae.

MAYA: Walang problema, Aldo! Paluwas din naman ako, ipapadala ko kasi sa office itong rekomendasyon na gawin kang farmer trainor dito sa atin. ‘Tsaka may kaibigan ako sa bayan, nagtitinda ng alahas. Baka may singsing doon na maganda ang disenyo!


FRAME 23: Pagdating ng makalawa, sa tapat ng bahay ni Aldo, may tatlong lalaking nagko-construction. Isa roon si Ber. Ang isa’y may nakaumang na panukat, ang isa’y may hawak na yero, ang isa’y may pasan na sako.

Si Aldo ay nasa gitna nilang lahat. Kausap niya sa cellphone si Amihan.

CAPTION: Buong pananabik niyang sinabi kay Amihan ang nasa isip.

ALDO: Kung puwede sana’y hindi na ako pupunta riyan... Mungkahi ko, dito na lang tayo sa atin… Oo, alam ko na kung paano tayong mabubuhay dito nang maayos at maginhawa… Siyempre. May plano ako para sa atin.



FRAME 24: Nakapikit si Aldo. Nag-i-imagine siya.

ITO ANG LAMAN NG IMAGINATION NIYA:

Maayos na ang kanyang bahay. Pero hindi lumaki ang bahay. Same size pa rin ito. Ang pawid na bubong ay napalitan na ng yero. Ang mga dingding ay naging plywood na. Mas malaki ang bintana at nakukurtinahan na ito. Maraming namumungang halaman sa paligid.

Nakaluhod si Aldo sa harap ni Amihan. Nakatungo si Amihan. Nakatingin sa singsing na iniaalay sa kanya ni Aldo bilang simbolo ng pagmamahal at commitment ng lalaki.

Larawan ng kaligayahan sina Aldo at Amihan.

CAPTION: Abang-abang ni Aldo ang takdang araw ng pag-uwi ni Amihan sa kanilang bayan. Nasa isip na rin niya ang kanyang gagawin at sasabihin sa pinakamamahal.

SPEECH BALLOON NG ALDO NA NASA LOOB NG IMAGINATION:
Amihan, tatanggapin mo ba ako bilang asawa?



Wakas.

No comments:

Hindi copyright, pero usapin pa rin ng karapatan ng manunulat

  Minsan, hindi talaga usapin ng copyright ang isang bagay. Ito ay recently kong naengkuwentro. Si Kyla ay na-meet ko sa isang writers works...