Saturday, August 22, 2015

24 NA KATANGIAN NG ISANG MABUTING ESTUDYANTE SA KOLEHIYO

Tinipon nina
Ma. Elena Consolacion Tacata
at Ma. Lourdes Quinabo

Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second Language
Paaralan: Philippine Cultural College
Petsa: Hunyo 18, 2015


I. Introduksiyon

A. Background ng proyekto
Ang makabuluhang proyektong ito ay isang pananaliksik tungkol sa 24 na Katangian ng Isang Mabuting Estudyante sa Kolehiyo. Ang paksa ng pananaliksik na ito ay napiling ibigay sa mga mananaliksik na sina Elena Tacata at Ma. Lourdes Quinabo ng kanilang propesor sa Filipino II na si Beverly Siy.

Noong ikalawang semestre, sa asignaturang Filipino II, kadalasan, kung hindi man nahuhuli sa pagdating sa klase, lumiliban naman ang mga mananaliksik sa nabanggit na asignatura. Sa kadahilanang ito, walang nakukuhang puntos ang mga mananaliksik sa kanilang quizzes at kung papasok minsan, mababa naman ang mga nakukuha nilang puntos.

Nagbigay naman ang propesor ng pananaliksik na siyang magiging proyekto buong semestre. Hinati ang klase at nagkaroon ng grupo-grupo.
Habang tumatagal, isa ang grupo ng mga mananaliksik, na siyang laging huli sa pagpasa ng mga draft ng pananaliksik na dapat maitama ng propesor.
Nang dumating ang depensa para sa pananaliksik, ang mga mananaliksik at ang mga kagrupo nila ay hindi nakapagtanghal ng kanilang tapos na gawa. Dahil doon, nagkaroon sila ng Extension Class ngayong Mayo-Hunyo 2015 para tapusin ang bago at sarili nilang pananaliksik.

Sa palagay ng mga mananaliksik, ito ang napiling ibigay ng propesor na paksa dahil ang mga katangian ng isang mabuting estudyante sa kolehiyo ay mainam na malaman at taglayin ng mga mananaliksik.

B. Metodolohiya
Upang maisagawa ang pananaliksik na ito, kinakailangan ng mga mananaliksik na mangalap ng ilang datos mula sa limang propesor ng mga kilalang unibersidad, mga huwarang estudyante sa kolehiyo, aklat, internet, at mula rin sa diyaryo o magasin.

Sa unang araw ng pangangalap ng mga datos (Mayo 19, 2015), nagpunta ang mga mananaliksik sa Manila City Library, malapit sa Manila City Hall, kung saan sila nakakita ng isang aklat, ito ay ang Principles and Practices of Teaching. Sa sumunod na araw, nagpunta naman ang mga mananaliksik sa Marikina Public Library. Nakita nila ang kanilang paksa sa hanay ng mga aklatan na pang-inspirasyonal at pang-akademiya sa tulong na rin ng pagtatanong sa librarian kung saang seksiyon makakakita ng patungkol sa paksa nila. Ngunit, ang mga nakalap na datos mula sa mga aklat ay ‘yong isinulat ng mga Amerikanong awtor dahil ang mga mananaliksik ay hindi nakakita ng mga aklat na ang nagsulat ay Pilipinong awtor. Noong araw ng Lunes (Hunyo 1, 2015), natapos na ang pagkalap ng mga datos galing sa aklat.

Ang sumunod namang kinalap ng mga mananaliksik ay mga datos mula sa diyaryo at magasin. Sila ay nagbalik sa Manila City Library. Ang mga diyaryo at magasin doon na patungkol sa edukasyon at kalidad ng isang mabuting estudyante ang binasa ng mga mananaliksik. Ito ay ang sumusunod: Scientific Facts, New Invention of the World, Student Guide to Success, Time Magazine, U.S. News & World Report, diyaryo mula sa isang kolehiyo sa London, Brunel University, at diyaryong The Independent. Mula sa mga ito nakahanap ang mga mananaliksik ng mga kailangan nilang datos. Ang mga diyaryo at magasin na hindi kinuhanan ng datos ng mga mananaliksik ay iyong hindi talaga angkop sa kanilang paksa katulad na lamang ng A Way To Success, hindi ito angkop sa kanilang paksa sapagkat patungkol ito sa kalidad ng isang manggagawa.

Hindi naging madali para sa mga mananaliksik ang mangalap ng datos sa internet dahil hindi naman lahat ng mga lumalabas na resulta sa ‘research engine’ ay magagamit. Ang ilan sa mga ito ay may listahan ng mga katangian ng isang mabuting estudyante sa kolehiyo ngunit walang nakalagay na paliwanag sa mga nasabing katangian. Ang mga binasa at binuksan na site ng mga mananaliksik ay blogs, forums, websites, at websites ng mga unibersidad o kolehiyo. Sa estimate ng mga mananaliksik ay halos naka-25 silang site na binasa at sinuri. Pero ilan lang sa mga ito ang kanilang pinili. Sa search engine naman, ang itina-type ng mga mananaliksik ay ‘Qualities of a good college student’, ‘Qualities of a successful college student’, at ‘Qualities you should apply as a college student’.

Ang pananaliksik na ito ay nagtatampok din ng limang respondent na mga propesor sa iba’t ibang kilalang unibersidad at kolehiyo. Pinili ang mga propesor na nakapanayam dahil ang iba sa mga ito ay kakilala ng mga mananaliksik at ang iba naman ay ini-refer ng Associate Dean ng Philippine Cultural College na si G.Ying Chiong Kong. Ang unang propesor na nakapanayam ng mga mananaliksik ay si Propesor Rosalie Divina na naging guro ng mga mananaliksik at nagtuturo ng asignaturang Childhood and Adolescence Development. Karamihan sa mga propesor ay sobrang abala sa kanilang gawain dahil enrollment ng mga estudyante noong mga araw na iyon (Hunyo 1-5, 2015) at ang iba naman ay hindi natutuloy sa nasabing iskedyul ng pakikipanayam. Ngunit kahit na ganoon, nagtagumpay pa rin ang mga mananaliksik na makapanayam ang ibang propesor dahil ilan sa kanila ay nagpaunlak.

Ang mga huwarang estudyante na nakapanayam ng mga mananaliksik ay pinili batay sa kanilang magagandang katangian at sila ay may katangi-tanging parangal sa kanilang pinapasukang unibersidad o kolehiyo. Ang iba sa kanila ay kakilala at kaibigan ng mga mga mananaliksik.

C. Layunin
Ang mga mananaliksik ay may munting hiling na sana’y makatulong ang akda nila sa kapwa estudyante na nagsasagawa din ng isang pananaliksik tungkol sa Katangian ng Mabuting Estudyante sa Kolehiyo. Sana rin ang pananaliksik na ito ay magbigay-kaalaman at aral sa kahit na sino mang makabasa nito patungkol sa magagandang katangian na dapat taglayin ng isang estudyante sa kolehiyo.


II. 24 na Katangian ng Isang Mabuting Estudyante sa Kolehiyo

A. Mula sa Aklat

1. Napapanatili ang grado

Ayon kay G. Jose F. Calderon, Ed. D. sa aklat na “Principles and Practices of Teaching”, ang estudyanteng huwaran ay napapanatili ang kanyang grado, may mga magandang ipinapakita sa klase at napakaaktibo pagdating sa mga gawaing pang-akademya. Dito nasusukat ang mga estudyante kung talagang sila ay karapat-dapat na sabihing huwarang estudyante (isinalin ng mga mananaliksik).

2. Pag-uugali

Ayon kina Bruce Beiderwell at Linda Tse sa aklat na “College Success”, ang mga estudyante ay dapat mayroong kakayahan at kagustuhan na matutunan ang isang asignatura kahit ang nasabing asignatura ay hindi nakakapukaw ng interes (isinalin ng mga mananaliksik).

3. Pang-akademyang Kakayahan

Ayon kay Carol Critchlow sa aklat na “Foundation of Successful College”, sinasabing ang pang-akademyang kakayahan ay patunay na may katangian ka sa pagiging mahusay na estudyante. Ang kakayahang maging isang komprehensibong mambabasa, epektibong manunulat, dalubhasa sa pananalita, at kakayahang makipag-usap sa ibang tao nang maayos ay ang siyang susi para masabing may katangiang maganda ang isang estudyante. Kapag lahat ng ito ay magandang naipapakita ng isang estudyante, siya ay maituturing na mahusay (isinalin ng mga mananaliksik).

4. Kasipagan

Ayon kina Raymond Gerson (awtor) at Lorna Adams (editor) sa aklat na “Achieve College Success: Learn How in 20 Hours or Less, 4th Ed”, ang pagiging masipag ay isa sa mga importanteng kalidad ng isang mabisang estudyante ng kolehiyo. Kung wala ang pagganyak tungo sa tagumpay, walang magdadala sa iyo upang humakbang pasulong sa extra-curricular activities at tuklasin ang iyong kakayahan. Kapag ikaw ay masipag, huwag mong hayaang mapigilan ka sa pag-abot ng mataas na marka at pigain ang sarili na mabilang sa mga pinakamahusay. Ang masipag na estudyante ay maayos na pumapasok araw-araw, dumadating sa tamang oras, nakikinig sa bawat impormasyong inilalahad, nagtatala sa kuwaderno at pinagtuunan ng oras ang pag-aaral (isinalin ng mga mananaliksik).

5. Pagiging alisto sa sarili

Ayon kina George Kuh, Jillian Kinzie, John H. Shuch, at Elizabeth J. Witt sa aklat na “Student Success in College: Creating Conditions That Matter,” ang epektibong estudyante ay kinakailangan maging aware sa kanilang sarili at kayang alamin ang kanyang mga kahinaan at kalakasan. Ang pagiging aware sa sarili ay nakatutulong sa iyo upang makatuklas pa ng mga bagong kakayahan at hayaang magamit ang iyong kalakasan. Ayon sa isang propesor sa pagnenegosyo na si Scott Williams ng Wright State University, makakabuo ka ng kakayahang maging aware sa sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga bagay-bagay tungkol sa iyong sarili sa limang kategorya: ang iyong personality traits, personal values, habits, emosyon, at ang sikolohikal na pangangailangan na nakakaapekto sa iyong ugali. Halimbawa, kapag mayroon kang mabuting pag-unawa sa iyong sarili at alam mo kung anong kaya mong gawin at ang mga kasalungat sa katangian ng iyong personalidad, di ka makakaramdam ng stress at pangamba. Malalaman mo rin kung saang kategorya ang kailangan mo pang paghusayan (isinalin ng mga mananaliksik).

B. Mula sa Diyaryo o Magasin

1. Komportable sa Kabiguan

Ayon sa aklat ni Ken Bain na isang historian at educator, na naging bahagi ng artikulong isinulat ni Annie Murphy Paul na “Secrets of the Most Successful College Student” sa Time Magazine, noong nag-aaral pa lamang sa kolehiyo ang komedyanteng si Stephen Colbert ay nagsimula nang magtrabaho si Colbert sa isang improvisational theater sa Chicago. “Ito talaga ang nagbukas sa akin sa mga bagay na hindi ko inaasahan,” tugon ni Colbert kay Ken Bain. “Dapat ikaw ay mahusay sa mga bagay na hindi inaasahan. Mahalin mo lang ito,” dagdag ni Colbert. ang pagsasalita nang hindi handa ay isa sa mga kasiya-siyang matutunan pagdating sa pagkabigo. Wala namang paraan para makuha mo ito nang tama sa lahat ng oras (isinalin ng mga mananaliksik).

2. Mahusay sa gawaing pangkolaborasyon

Ayon kay Bradford Holmes sa artikulong “Hone the Top 5 Soft Skills Every College Student Needs” sa diyaryong U.S. News & World Report, mahalaga para sa mga estudyante sa kolehiyo na maging mahusay at angkop sa mga grupo, sa pakikipagtulungan sa mga proyekto at tanggapin nang buo ang anumang pamumuna kapag may ibang kasama sa pagtatrabaho. Ang mga taong nais mapag-isa sa mga gawain ay mahihirapan pagtuntong ng kolehiyo dahil napakaraming pagdadaanan upang matapos ang bawat gawain. Kailangan ng team work o organisasyon ng mga kagrupo upang mas maging maayos at maging perpekto ang ginagawang proyekto o gawain tulad na lamang ngayon na karamihan sa mga career ay nangangailangan ng kolaborasyon. Ang mga estudyante ay maaaring maglinang ng mga kasanayan na kinakailangan upang epektibong makapagtrabaho kasama ang ibang tao sa maraming paraan. Kabilang na rito ang paglahok sa mga paligsahan at extra-curricular na gawain (isinalin ng mga mananaliksik).

3. Pagkakaroon ng Kontrol sa Sarili

Ayon kina Lynn F. Jacobs at Jeremy S. Hyman sa artikulong “Top 10 Secrets of College Success” sa diyaryong U.S. News & World Report, para sa maraming estudyante, ang pinakakapansin-pansin na pagkakaiba ng kolehiyo at high school ay sa kolehiyo, wala ni isang tao roon na tatayo at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat gawin. Pagpunta sa klase, paggawa ng takdang-aralin, sa pagkuha ng iyong mga papeles sa tamang oras, ang lahat ng ito ay mga bagay na ang mga estudyante mismo ang gumagawa nang hindi na tinutulungan ng magulang o kailangan pang bigyan ng corporal punishment ng guro. (isinalin ng mga mananaliksik).

4. Pagkakaroon ng Lakas ng Loob

Ayon kay Hilary Wilce sa artikulong “Six of the Best: The Traits Your Child Needs to Succeed” sa diyaryong The Independent, isa sa mga dapat ugaliin ng isang estudyante ang pagkakaroon ng lakas ng loob lalo na sa pag-aaral. Ang pagkakaroon ng lakas ng loob ay hindi rin nalalayo sa kahulugan ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili. Kapag may lakas ka ng loob, magagawa mo ang mga bagay at hindi ka takot na mabigo. Sinusubukan mo ang mga bagay nang buo ang loob. Tulad na lamang kung may recitation, hindi ka nahihiyang magtaas ng kamay, tumayo at sumagot kahit na hindi ka sigurado kung tama o mali ang iyong magiging sagot. Hindi ka takot na magkamali. Hindi ka takot na ipahayag ang sarili kahit na ang iba ay di sang-ayon sa iyo (isinalin ng mga mananaliksik).

5. Mapagkakatiwalaan

Ayon kay Derrick Meador sa artikulong “What are Some Characteristics that Make the Perfect Student?” sa diyaryong pang-unibersidad na inilathala ng Brunel University sa London na About Education, ang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang kalidad na maaaring magustuhan ka at makabuo ng tiwala hindi lang mula sa iyong mga guro pati na rin sa iyong mga kaklase. Walang nagnanais na ihalubilo ang sarili sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan nang ganap. Ang mga guro na napamahal sa mga estudyante ay maaaring magbigay ng kalayaan lalo na sa oportunidad na sila ay matuto (isinalin ng mga mananaliksik).

C. Mula sa Internet

1. Pagkatuto kaysa sa Pagkakabisa lamang

Ayon kay Joseph Micawber, isang propesor sa kolehiyo, (hindi niya nilagay ang impormasyon kung saan siya nagtuturo), karamihan sa mga naging resulta ng isang sarbey na siyang kumukuha ng mga opinyon tungkol sa katangian ng isang mabuting estudyante ay mas importante na unawain ang isang konsepto o paksa kaysa kabisaduhin lamang ito. Ang mga kinabisadong teorya at mga napag-aralan ay nagtatagal lamang sa memorya ng isang estudyante habang sila ay nasa paaralan, kolehiyo o unibersidad. Kapag umalis na ng paaralan ang mga estudyante ay tuluyan na nilang makakalimutan ang mahahalagang konsepto na kanilang natutunan. Kaya't mas mahalaga sa isang mabuting estudyante ang unawain ang isang konsepto (isinalin ng mga mananaliksik).

2. Pagiging Mapagkumbaba

Ayon kay Propesor Todd Pettigrew, isang Associate Professor sa English sa Cape Breton University bansang Canada, kumbaga ang kabaliktaran ng pagpapakumbaba ay maambisyon. Ang mga estudyante na nagtataglay nito’y may tiwala sa sarili na magawa ang mga bagay sa abot ng kanilang makakaya, ngunit napapanatili pa rin ang pagiging mapagkumbaba na malaman na marami pang dapat na matutunan. Ang buhay ay maikli lamang at ang pagkatuto ay inaabot ng pangmatagalan (isinalin ng mga mananaliksik).

3. Balanse

Ayon kay Ashley Miller na isang manunulat sa blogsites na nagsagawa ng pananaliksik patungkol sa kalidad ng mahusay na estudyante sa kolehiyo, ang pagbabalanse ng responsibilidad ay mahalaga ngunit ito rin ay mahirap lalo na sa mga estudyante ng kolehiyo. Ang kolehiyo ay isang nakaka-stress na lebel ng edukasyon lalo na para sa mga kabataan gayung ito ay kritikal lalo na sa paghahati ng oras na siyang inilalaan sa lahat ng aspekto ng buhay. Kabilang dito ang pang-akademya, pakikipaghalubilo sa ibang tao, pagtulog, at maging sa pag-eehersisyo. Ang pagiging balanse ay makakatulong makaiwas sa pagkabalisa at sobrang pagod. Sa katunayan, sa isang pag-aaral na nailathala sa isyu ng Winter 2000 ng “American Journal of Health Studies” natuklasang ang estudyanteng may kasanayang mamahala ng sariling oras ay hindi nakararanas ng sobrang stress na nakukuha sa pag-aaral at pagkabalisa kung ikukumpara sa ibang estudyante (isinalin ng mga mananaliksik).

4. Pagpapahalaga sa Sarili

Ayon sa Rouge Community College, dapat na mayroon kang pagpapahalaga sa sariling kilos at dapat ay alam mo ang epekto nito sa ibang tao (maging sa social media). Bago mo gawin ang isang bagay, nararapat lamang na isipin muna ang magiging resulta nito, tama man o mali (isinalin ng mga mananaliksik).

D. Mula sa Propesor

1. Dedikasyon at Determinasyon

Ayon kay Bb. Rosalie Divina, isang propesor sa Philippine Cultural College, isa sa mga katangiang dapat taglayin ng isang estudyante ay may dedikasyon at nag-kakaroon ng determinasyon sa pag-aaral. Ilan sa mga estudyante ngayon ay napipilitan lang mag-aral dahil sa kagustuhan ng kanilang magulang, doon nasasabing walang determinasyon ang estudyante sa pag-aaral. Ngunit kung ang isang estudyante ay determinado, gagawin niya ang lahat makatapos lang ng pag-aaral.

Si Bb. Rosalie Divina ay nagtapos ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in English sa Philippine Normal University. Nagtapos siya ng kanyang Masteral Degree at nagsimulang magturo noong 1997 hanggang sa ngayon. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Childhood and Adolescence Development sa Philippine Cultural College.

2. Disiplinado

Ayon kay G. Mauricio Baldisimo, naging propesor sa Our Lady of Fatima University sa Valenzuela, ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili ay isa sa mahahalagang katangian na dapat taglayin ng isang estudyante sa kanyang pag-aaral. Ang pagiging disiplinado ay mahalaga dahil alam mong may obligasyon kang mag-aral nang mabuti. Ginagawa mo ang mga bagay sa tama at sa konsistent na pamamaraan. Kumbaga, ang isang estudyanteng may disiplina ay nakasanayan nang sa pagdating sa bahay, babalikan niyang muli ang kanyang mga napag-aralan. Di tulad ng isang estudyanteng nanaisin pang sumama sa barkada at gumala kahit na alam na may pagsusulit sila kinabukasan.

Si G. Mauricio Baldisimo ay nagtapos ng kursong Computer System Design sa AMA Computer University. Nagtapos din siya ng AB Philosophy sa AMA Computer University at naging Cum Laude. Nagtapos siya ng kanyang Masteral Degree sa Philosophy at nagturo ng Philosophy sa Our Lady of Fatima University sa loob ng pitong taon.

3. May kagustuhang matuto ng mga bagay-bagay

Ayon kay Bb. Rowelyn Kaye Bautista, isang propesor sa Far East University, masasabing mabuti ang isang estudyante kung kagustuhan niya talagang matuto ng mga bagay-bagay. Ang oras, panahon at pagpupursiging inilalaan mo sa pag-aaral ay siyang sasalamin sa magiging resulta nito balang araw.

Si Bb. Rowelyn Kaye Bautista ay nagtapos ng kursong BS Accountancy sa Far East University. Nagtapos siya ng kanyang Masteral Degree sa Accounting sa Far East University at kasalukuyang nagtuturo ng Accounting sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

4. Kagustuhang matapos ang isang kurso

Ayon kay Bb. Yhen Alvar Diaz, isang propesor sa National University, mahalaga ang katangiang ito upang maabot ang pangarap na naisip mo kahit noong simula ka pa lang na pumasok sa paaralan. Dapat ay gawin mong pasyon ang matapos ang isang kurso anumang pagsubok ang makaharap at maranasan mo.

Si Bb. Yhen Alvar Diaz ay nagtapos ng kursong BS Mathematics sa Jose Rizal University. Nagtapos siya ng kanyang Masteral Degree sa Mathematics sa Jose Rizal University at kasalukuyang nagtuturo ng Mathematics sa National University.

5. Matiyaga

Ayon kay Gng. Marthy Tomagos, isang propesor sa University of Northern Philippines sa Vigan City, Ilocos Sur, napakahirap maging estudyante lalo na sa kolehiyo. Mainam sa isang estudyanteng maging matatag o matiyaga sa pag-aaral dahil kahit na alam niyang mahirap, titiisin niya iyon para lang matapos sa pag-aaral at iyon ang magiging dahilan upang maging matagumpay sa buhay.

Si Gng. Marthy Tomagos ay nagtapos ng kursong BA Political Science sa University of Northern Philippines sa Vigan City, Ilocos Sur at nagtuturo ng History sa nasabing unibersidad.

E. Mula sa Mga Huwarang Estudyante

1. May tiwala sa sariling kakayahan

Ayon kay Marc Denielle Torres, sa pagkakaroon ng matibay na paniniwala sa sariling kakayahan magagawa mo ang mga nais mo para sa ikabubuti ng iyong kinabukasan.

Si Marc Denielle M. Torres ay nag-aaral ng kursong Association Accounting (AAT Section 1A) sa Centro Escolar University.
Ilan sa parangal sa kanya ay Perfect Attendance, Winner of Monthly Scripture Memorization, School of Management and Accountancy (SAM Leader), at Best in Math (2014). Kasapi rin siya ng Junior Philippine Institute of Accountants.

2. May Layunin

Ayon kay Jesheer C. Ynot, ang unang katangiang dapat na taglay ng isang estudyante ay ang pagkakaroon ng layunin sa buhay dahil ang buhay na walang layunin ay walang kabuluhan. Ngunit kung aabutin natin ang ating mga layunin, ang buhay natin ay laging masaya at masigla.

Si Jesheer C. Ynot ay nag-aaral ng Political Science sa Polytechnic University of the Philippines.
Ilan sa kanyang mga naging parangal ay History Quiz Bee (1st place) at English Quiz Bee (2nd place). Kasapi rin siya ng Junior Philippine Institute of Political Science at siya ay isang Dean’s Lister.

3. Pagiging propesyonal

Ayon kay Marc Louie Manalo, ang pagiging propesyonal sa isang larangan ay pagmamahal na rin sa sariling gawain.

Si Marc Louie Manalo ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration Major in Business Management sa San Sebastian College kamakailan lamang
.
Ilan sa kanyang mga achievement ay pagiging bahagi ng Promoting and Selling Products sa Sta. Mesa Trade Exhibit Event, pagiging kalahok sa AFP-RSBS Training bilang Collection Assistant (2014), pagiging Dean’s Lister at 2nd Honorable Mention.


4. May respeto sa mga propesor o sa kapwa estudyante

Ayon kay Kahlil Villoso, isa ito sa mga kaugalian na dapat isinasapuso ng isang estudyante. Dahil ang respeto sa sarili at sa kapwa ay mahalaga at madadala ka nito sa iyong tagumpay. Madali mong mapapakisamahan ang lahat ng taong nakapaligid sa iyo at ang mga bagay-bagay ay magiging madali na lamang.

Si Kahlil Villoso ay nag-aaral ng Psychology sa Arellano University sa Legarda, Maynila

Ilan sa kanyang mga naging achievement ay Top 1 at Consistent Dean’s Lister, University Representative para sa YMCA National Congress, Quiz Bee Winner – Philippine Youth to Government Delegate, napili bilang Education Representative para sa Supreme Student Council, Young Educator’s Society Officer at Overall Top 1 para sa mga first year student.

5. Pagpili ng Tamang Kaibigan

Ayon kay Celine Miranda, “dapat ay piliin natin bilang kaibigan iyong mga taong pahihintulutan nating makakaimpluwensiya sa atin. Dahil sa kolehiyo, doon tayo nagkakaroon ng kamalayan, doon nabubuo ang ugali natin na makakatulong sa career natin balang araw.”

Si Celine Miranda ay nakapagtapos ng BS Information Technology sa Philippine Cultural College Main Campus.

Ilan sa kanyang mga naging parangal ay 1st Honorable Mention, I.T. Special Awardee, Mr. and Mrs. Benito Cu uy Gam Special Award for Information Technology, Dean's List Award (1st – 4th year), Recipient of Ongking Foundation Scholarship (1st - 4th year) at Loyalty Award.


Sanggunian

Aklat
1. Adams, Lorna, at Raymond Gerson, Achieve Success in College: Learn How in 20 Hours or Less, Ikaapat na edisyon, Kabanata: Essential Student Success. London, United Kingdom: Peter Owen Publisher, Agosto 1, 2012. p. 58
2. Beiderwell, Bruce, at Linda Tse, College Success. Lewisville, United States: Gryphon House Inc., Mayo 1, 1998. p. 168
3. Calderon, Jose F. Principles and Practices of Teaching. Lungsod Quezon, Philippines: Great Books Trading, 1998. p. 319
4. Critchlow, Carol, Foundation of Successful College, Kabanata 5. London, United Kingdom: Usborne Publishing, Abril 18, 1993. p. 31
5. Kinzie, Jillian, George D. Kuh, John H. Shuch, at Elizabeth J. Witt, Student Success in College (Creating Conditions That Matter), Kabanata 11. New York, United States: Crown Publishing Group, Hunyo 8, 2010. p. 61

Diyaryo o Magasin
1. Holmes, Bradford. “Hone the Top 5 Soft Skills Every College Student Needs”, diyaryong U.S. News & World Report, (Mayo 12, 2014.)
2. Hyman, Jeremy S., at Jacobs, Lynn F. “Top 10 Secrets of College Success”, diyaryong U.S. News & World Report, (Agosto 17, 2010.)
3. Meador, Derrick. “What are some Characteristics that Make the Perfect Student?”, diyaryong About Education, (W.P.)
4. Paul, Annie Murphy. “Secrets of the Most Successful College Student”, Time Magazine, (Marso 13, 2013.)
5. Wilce, Hilary. “Six of the Best: The Traits Your Child Needs to Succeed”, diyaryong The Independent, (Oktubre 23, 2013.)

Internet

1. Micawber, Joseph. “Qualities of a Good Student.” www.englishforums.com. Abril 16, 2006. www.englishforums.com/English/QualitiesOfAGoodStudent/cwlhw.post.htm.
2. Miller, Ashley. “What are Some Qualities that Make You an Effective College Student?”. http://classroom.synonym.com. Enero 16, 2010. http://classroom.synonym.com/higher-education-prep/.
3. Pettigrew, Todd. “3 Secret Qualities of a Top Students.” http://www.macleans.ca. Pebrero 2, 2012. http://www.macleans.ca/education/uniandcollege/the-three-secret-qualities-of-top-students/.
4. Rouge Community College. “Qualities of a Successful Student.” https://www.roguecc.edu. W.P. https://www.roguecc.edu/SASP/QualitiesforSuccess.asp.

Mga Panayam

Mga Guro
1. Baldisimo, Mauricio. Hunyo 3, 2015. Tahanan ng mga Baldisimo, Marikina City.
2. Bautista, Rowelyn Kaye. Hunyo 3, 2015. SM Megamall, Mandaluyong City.
3. Diaz, Yhen Alvar. Hunyo 4, 2015. Tahanan ng mga Diaz, Marikina City.
4. Divina, Rosalie. Mayo 28, 2015. Faculty Room ng Philippine Cultural College Main Campus, Tondo, Maynila.
5. Tomagos, Marthy. Hunyo 4, 2015. Tahanan ng mga Tomagos, Marikina City.

Mga Estudyante
1. Manalo, Louie Marc. Hunyo 1, 2015. C.M. Recto Avenue, Quiapo, Maynila.
2. Miranda, Celine. Hunyo 1, 2015. Jollibee, Jose Abad Santos Avenue, Tondo, Maynila.
3. Torres, Marc Denielle. Mayo 28, 2015. Parang, Marikina City.
4. Villoso, Kahlil. Hunyo 3, 2015. Tahanan ng mga Villoso, Marikina City.
5. Ynot, Jesheer C. Hunyo 1, 2015. Brgy. 266, UP Diliman, Quezon City.

All rights reserved.

Gawa ito ng dalawang delingkuwente kong estudyante. Sana talaga marami silang natutuhan sa proyektong ito. Isinumite nila ito online nang araw na isinisilang ko si Dagat!


No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...