Thursday, October 15, 2009

huwaw

inaaway niya ako dahil inuuna ko raw lagi ang ibang bagay kesa sa kanya.

katatapos ko lang mag-exam. yung malupit na malupit na exam. eto na yata ang compre.

ansakit ng ulo ko dahil sa pagod at puyat.

ansakit ng puso ko kasi late kong naipasa ang exam ko. sabi ni mam 5:00 pm.

nag-aalala tuloy ako kung tatanggapin pa niya iyon o hindi.

hay. bat ako laging ganito? palpak. late. late. late.

inumpisahan ko naman nang maaga. kahapon. 5:30.

e ba't ganon, late pa rin akong nakapagpasa? anong meron sa akin?

ang masakit pa rito, inc na naman ako. kay sir vim. kasi ngayon pala ang deadline ng paper sa kanya. hindi na-move kahit na-move ang kalendaryo ng buong pilipinas dahil kay ondoy.

parang minsan gusto ko nang bumitaw sa lahat nang ito. ang liit-liit ng problema ko kumpara sa iba. napaka-irrelevant.

tamo, meron pa akong hindi nagawa. ang column sa nuno sa puso. kahapon ang deadline.

Huling Pagsusulit

5:30-9:30 ng gabi- nag-exam sa library
9:30-10:30 ng gabi- kumain at nagpahinga
10:30-4:00 ng umaga- nag-exam sa bahay
4:30-6:00 ng umaga-kunwaring tulog
6:00-7:00 ng umaga-ligo, bihis, larga
7:00-8:00 ng umaga-biyahe pa-iskul
8:00-9:00 ng umaga-klase
9:00-10:00 ng umaga-gumawa ng exam ng estudyanteng mag-e-e-special exam
10:00-12:00 klase
12:00-2:30-nagpaquiz at nagpaulat
2:30-3:15 kumain ng tanghalian
3:15-7:00 nag-exam sa library ng ust

late ako nang halos dalawang oras sa nakatakdang deadline. naku lord sana ay tanggapin ito ni mam.

I. MGA PANGKALAHATANG PAHAYAG
UKOL SA MAIKLING PANULAANG KATUTUBO

Ang maikling panulaang katutubo ng Pilipinas ay katulad ng dagat. Kung aaninaw ka rito ay makikita mo ang iyong sarili. Pakatitigan mo't huhugis ang iyong mukha, mata, ilong, bibig. Ngunit hindi lang iyan ang mayroon ito at kaya nitong gawin. Kung sisisirin mo'y baka malula ka sa lalim at lawak ng ilalim. Kung nais mo'y puwede ka pang magpatambling-tambling. Pero baka ikapugto pa ng iyong hininga kapag wala kang dalang tamang aparato. Kaya bago sumisid, siguraduhing kompleto ang iyong gamit. Kailangan mo ring magsuot ng natatanging salamin, iyong dive mask na tinatawag, para makita ang lahat nang malinaw.
Kung susubuking lakarin ang pampang nito, kung anu-ano ang iyong mapupulot: sigay, iyong dambuhala't munti, tsinelas na pigtas, gamit na diaper. Pinaghalo-halong noon, ngayon at bukas. Hala, dampot. Ganyan sa dalampasigan. Ganyan sa dagat. Karamihan, libre.
Ang maikling panulaang katutubo ng Pilipinas ay sari-sari ang ipinapaksa at katangian. Narito ang ga-tabong nasalok ko:

1. May pagpapahalaga sa kababaang-loob.

Kakambal ng pagpapahalaga sa kababaang-loob ang wika ng matatanda na “mapagbirong tadhana.” Kinikilala ng katutubo ang di-nakikitang kamay na maaaring maglaro sa buhay ng isang tao. Kaya napakaliwanag ng mensahe sa maraming mga katutubong tula: iwasang magpakayabang-yabang kahit pa ikaw ay malaki at mahalaga dahil hindi mo alam ang mangyayari mamya, bukas o sa makalawa. Kamukat-mukat mo ay taong sinliit ng buhangin pa ang makabulag sa iyo. Narito ang isang halimbawa ng tanaga ukol sa kababaang-loob:

Magdalita ang niyog,
huwag magpapakalayog,
kung ang uwang ang umuk-ok
mauubos pati ubod.

Isang hamak na uwang lang pala ang maaaring magpabagsak sa isang matayog na niyog!

Isa pang ipinapahiwatig dito ay ang maging mabait sa maliliit. Kasi naman, kung salbahe ka at dumating ang panahong nasa tuktok ka na at hindi mo na makita ang ibaba, may maliliit (din) na bagay silang kayang gawin na maaaring makapagpabagsak nga sa iyo.

Namumutiktik sa mga tulang may ganitong mensahe ang Vocabulario de la Lengua Tagala. Maaaring sinadya ng mga prayle na ang mga ganitong tula ang isali sa diksiyonaryo upang ipakadiin ang halaga ng kababaang-loob. Na-predict nila (marahil pagkatapos nilang sunugin at sirain ang mga bagay na isinulat ng katutubo), wala nang ibang pagbabatayan ang susunod na mga henerasyon ukol sa kanilang alaala o sa orihinal na mga bagay na pinahahalagahan kundi ang diksiyonaryong gawa nila, ng mga Kastila. At sa ganitong paraan mabe-brainwash nila ang mga henerasyon na mapagkumbaba pala talaga ang mga ninunong katutubo. Bakit nga ba nila ginagawa ito? Kasi naman, mahirap sermunan ang taong malakas ang dating at mayabang. Baka nga naman talikuran lang sila't iwan.

2. Nagbibigay-babala.

Ang nabanggit na tanaga sa itaas ay maaari ding ituring na babala sa hambog na niyog. Ginagamit ng katutubo ang panitikang oral upang magbigay-babala. Maaaring pinapatungkulan nila ay iyong katulad nila ngunit maaari ding iyong hindi nila kapantay. Iyong mas mataas sa kanila't may hawak ng kapangyarihan. Basahin ang isa sa pinakapaborito kong tanaga:

Katitibay ka, tulos,
sakaling datnang agos
akong mumunting lumot
sa iyo'y pupulupot.

Malinaw na ito ay babala sa tulos. Gawin natin siyang tao. Si Tulos ay mahalaga at malaki. Siya ang nagbibigay-suporta sa malalapad at nakahigang kahoy na estruktura sa pier o daungan. Nakatulos si Tulos sa dagat at lupa ng dagat. Pero nakaangat ang itaas na bahagi nito. Nakaturo sa langit at kadalasan ay tuyo. Si Lumot naman na siyang nagsasalita sa tanaga ay walang halaga, marumi, nakakadiri at kung magkakakumpol-kumpol ay mabilis dumami. Sabi ni Lumot, oy, Tulos, huwag kang magpakasaya diyan dahil kahit anong tibay mo, kapag umalon lang nang malaki (ibig sabihin ay mayanig ang status quo), pupulupot agad ako sa'yo at alam mo kung anong mangyayari? Madudumihan ka at pagkatagalan,lalambot ka, dudulas at rurupok.

Hayan, malinaw na babala ng maliit sa malaki, ng walang kapangyarihan sa may hawak ng kapangyarihan.

3. May pagpapahalaga sa kabataan.

Madalas itong makikita sa iba’t ibang anyo ng panitikang oral. Laging inaalagaan, pinoprotektahan at binubuhusan ng pagmamahal ang anak, sanggol at/o bata. Si Mepiya Bawa ng mga Manobo, lumikha pa ng awit para lang patulugin ang inaalagaang anak ng buwaya. Sa awit na iyon, inihalintulad niya sa mabangong pulbos, dahon at halaman ang amoy ng sanggol. Tumatagos ang pagmamahal sa anak, sanggol at/o bata kahit hindi kauri o kadugo. Ito ngang si Mepiya (na isang tao) ay napakamaarugain sa anak ng buwaya. Sa susunod na laji, makikita ang gayon ding pagmamalasakit.

EACH TIME I LOOK DOWN

Each time I look down from Mount Chavalitan,
I can see the young of the munamon swimming.
So I catch it with the finest net,
then I place it in a deep coconut shell,
then I bring it home to take care of it:
and I do not say a harsh word to it
lest I hurt the offspring of the munamon.

ANU KADAUDAUNG KO

Anu kadaudaung ko du tukun di Chavalitan,
Duri a m’dungasungay u anak nu munamon:
Sidwan ko na siya nu masen a sahakeb,
Dahuran ko na siya du mahungtub a duyuy;
Udiyan ko na niya a pidakudakuhen,
A di chu a pabelsayi su madahmet a chirin
Du kahawahawa ko nu kaichay nu anak nu munamon.

Ang persona ay maaaring naninirahan sa bundok. Lagi niyang nakikita ang lumalangoy na mga supling ng munamon. Sa kagustuhan niyang maalagaan at mapahaba pa ang buhay ng mga ito, maingat niyang hinuli sa pamamagitan ng pinakamahusay na lambat ang mga ito. May paniniwalang ang anumang nasa captivity ay mas mahaba ang buhay kaysa iyong mga nakakawala lang. Hindi pa natatapos doon ang pagmamalasakit niya. Kinakausap pa niya ang mga supling ng munamon. At iniisip niya ang bawat salitang bibitawan dahil naniniwala siyang nakakarinig at may damdamin ang mga ito. Makokonsensiya siya nang husto kapag may isa sa man sa kanila ang masaktan sa kanyang mga sinasabi.

Sa supling pa lang ng munamon ay ganyan na siya, paano pa kaya sa kabataang mula sa sariling uri o sariling dugo?

4. Daluyan ng hinaing.

Hindi lang naman puro pagpapakumbaba ang isinasatinig ng mga katutubo kundi maging ang mga hinaing at reklamo nila. Nakakalungkot na marinig ang mga ito ngunit nakakatuwa rin na naipreserba ang mga tulang naglalaman nito dahil patunay ito na hindi basta tanggap na lamang nang tanggap ang katutubo sa kanyang mga karanasan. Ang mga tulang ito ay patunay na tinitimbang ng katutubo ang lahat ng nangyayari, kung ano ang tama at mali at bukod doon, ipinakikita ng mga tulang ganito na may konsepto ng karapatan ng isang tao ang katutubo. Mayroon din siyang konsepto ng kulang, sapat at labis. Kapag nadarama niyang labis na ang pagtrato, hindi na makatao, ipinahahayag niya agad ito para maisilid sa gunita ng lahat.

Heto ang isang garay:

Saan ako pupunta
saan ako paroroon
may tinandaan akong damuhan,
ibang tao ang kumakaingin.

Asa na ako paingon,
Asa na ako pasidiin;
May tinim-an akong libon,
Laing tawo nay nagkaingin.

5. May pagpapahalaga sa kalinisang pangkatawan.

Sa panitikang oral, matatagpuan ng mga mahilig maligo at mag-spa at magpa-foot spa at magpa-hair spa ang kanilang ninuno. Hindi nakapagtatakang mahalaga ang kalinisang pangkatawan sa katutubo. Ito ang idinidikta ng ating heyograpiya. Nuknukan ng init lalo na’t tag-init. Ngunit kahit pawisan ka at maging mabantot, napakadali namang maligo dahil sagana sa tubig ang paligid, kaliwa’t kanan, tubig. Bumabahang katibayan ang mga alamat ng karagatan, dagat, lawa, look, ilog, batis, sapa kulang na lang ay kanal. Kahit ang mga kuwentong bayan, may pagsambit at pahiwatig ng tubig: Pagong at Matsing, Juan Tamad at ang Alimango, Pilandok at ang Buwaya at marami pang iba. Ang dalawang pares ng magkapatid na sina Molingling at Kobodboranon saka Kalapungat at Patulangan nang gumawa ng bagay na ipinagbabawal ay hinabol ng baha at naging mga igat at/ ilog. Ang tanaga sa #2, ang laji sa #3 at mga ambahan sa #7 at #8 ay pawang nagbabanggit ng katubigan.

Ngunit ano ang katunayan na mahalaga nga ang kalinisang pangkatawan para sa mga katutubo? Porke ba may pagbanggit sa mga anyo ng tubig na iyan ay naliligo na ang mga tao? Ang sagot, hindi naman.

Pero narito sa isa pang garay ang patunay.

May isang babae
Naligo sa ilog
Tatlong malalaking bato
Ang kanyang panghilod
Nagkawasak-wasak
Nagkadurog-durog
Hanggang mangaglaglagan
Ang dumi sa leeg.

May usa ka babaye
Naligo sa salog
Tulo ka dakong bato
Ang iyang gipanlugod
Nagkabuakbuak
Nagkadurugdurog
Wala gayud mataktak
Ang buling sa liug.

Dahil sa konsepto ng panghilod o batong ginagamit pananggal ng libag, mahihinuhang napakahalaga ng kalinisang pangkatawan sa mga katutubo. Hindi sila sanay na basta na lamang nadadaluyan ng tubig ang kanilang katawan kundi ginagamitan pa nila ng bato at ikakaskas ito para tiyak na walang libag na maiiwan. Ibig sabihin, napapansin nila ang libag o mga dead skin cell at nakikita nila ang pangangailangan na palisin ito sa kanilang balat.

Sa garay na nasa itaas, hindi karaniwang panghilod ang gamit niya. Malalaking bato ang gamit niya. At hindi isa o dalawa kundi tatlo. Maaaring vain ang babae dahil kahit na mahirap para sa kanya ang pagdala ng gayong mga bato sa ilog ay ginawa pa rin niya masiguro lamang niyang mangaglaglagan ang dumi sa kanyang leeg.

6. Nagtatangan ng mga hangarin ng katutubo na makapag-kontrol ng mga bagay sa kalikasan.

Kung hindi sinakop ng Kastila ang Pilipinas noon, malamang ay progresibo na rin tayong bansa at napakahusay sa agham at teknolohiya. At hindi tulad ngayon na kukule-kulelat sa Math at Science ang mga bata.

Mahuhusay ang sasakyang pandagat natin noon, halimbawa niyan ang balangay. May efficient na sistema ng patubig kahit nasa bundok ang palayan. Masdan na lang ang mga payaw ng Banawe. May tiyak na paraan ng pagbilang mula sa isa hanggang angaw o milyon.

Ang pagkakaimbento sa koryente ay pagkakatuklas ng tao sa kakayahan niyang manduhan ang liwanag at init. At mula sa koryente ay nagtuloy-tuloy na ang imbensiyon ng mga tao. Kung ang isang lugar ay may koryente, progresibo ang tingin dito.

Maski sa panitikang oral, nababanaag ang pagnanasa ng katutubo na magkaroon ng kontrol sa kanyang paligid. Nariyan si Juan Tamad na nag-uutos sa mga alimangong umuwi. At ang pinakamainam na halimbawa nito ay ang susunod na ambahan:

Look! The moon so full and bright,
Shining in front of the house!
How can you explain to me,
That the rays are soft and cool?
If a man like us he were,
I would hold him by the hand!
Seize the hair to keep him back!
Grasp the clothes to make him stay!
But how could I manage that!
It is the moon in the sky!
The full moon shining so bright,
Going down beyond the hills,
Disappearing fro the plain,
Out of sight behind the rocks.

Anong si kanaw bulan
Sinmalhag sa rantawan
Kabiton lugod ginan
Salhag mabalaw diman
No ga tawo di ngaran
Kang way inunyawidan
Buhok ngatay tawidan
Palaylay ngatay huytan
Unhunon sab araw man
Tida ti kanaw bulan
Tida kuramo diman
May bantod pagpaday-an
May ratag pagrun-ugan
May ili pag-alikdan

Lubos na hinahangaan ng persona ang buwan. At sa ikalawang taludtod, kinikilala nito ang liwanag na idinudulot ng buwan sa harap ng bahay. Nagagandahan siya rito at malamang ay hangad niyang manatili ang gayong liwanag sa bahay. Sa ikatlo at ikaapat na taludtod, inilalarawan niya sa positibong paraan ang sinag ng buwan. Para na ring sinasabi na hindi ito dapat katakutan bagkus ito ay magdudulot ng ginhawa (soft and cool). At sa ilalim ng mensaheng iyan, “parang masarap hawakan o di kaya, manipulahin ang liwanag ng buwan.”

Sa ikalima hanggang ikawalong taludtod, doon lumabas ang plano ng katutubo sakaling maging makapantay o makaharap (na parang tao) niya ang buwan. Ikukulong niya ito sa kanyang kamay. Hindi niya ito pakakawalan. Ito ay pagpapahayag ng kagustuhang mapanatili ang buwan. Sa ikasiyam na taludtod, bumalik sa realidad ang huwisyo ng katutubo. Paano nga ba niya ito gagawin? Ito ay maihahalintulad sa pag-iisip pa ng metodolohiya. Mayroon siyang ideya, nakapag-isip na siya ng plano, tapos inisip din niya kung paano niya ito gagawin (metodolohiya). Ang taludtod na How could I manage that! ay pagkilala sa suliranin na kanyang hinaharap para sa kanyang plano. Iniisip niya ang kanyang limitasyon, ang gap sa pagitan ng kalikasan at tao. Tao lamang siya samantalang buwan, ang nag-iisang buwan, ang kanyang pinagpaplanuhan. Ang huling apat na taludtod naman ay pag-e-enumerate sa mga balakid sa kanyang plano: hills, plain, rocks, na lahat ay mula rin sa kalikasan. Maaaring ang nais niyang sabihin dito, kailangan muna niyang unahin na aralin ang hills, plain, rocks at kung paano makontrol ang mga ito. Sapagkat ang mga ito ang daan patungo sa pagkontrol sa buwan at napakarikit nitong sinag.

Maliwanag pa sa buwan ang sinasabi ng ambahang ito: pinag-iisipan ng katutubo ang benefits ng pagkakaroon ng buwan sa anumang panahon at pagkakataon na naisin niya. Ito ay pagpapahayag ng mga gusto niyang gawin para magkaroon ng buwan lagi. Napakaorganisado ng pag-iisip, may sistema at lohikal ang plano. Sa madaling salita, mala-siyentista ang katutubong lumikha ng ambahan na ito. Kung hindi napadpad ang mga Kastila sa Pilipinas at sakali ngang magtagumpay ang persona, hindi malayong siya ang nakatuklas ng koryente o di kaya ng unang ilaw sa mundo.

7. Mataas ang pagpapahalaga sa kaibigan.

Karamihan sa magkakaibigan sa kuwentong bayan ay naglolokohan, nag-aabusuhan at nagtataksilan. Nariyan si Pagong at Matsing na nagpakita ng tunay na kulay nang makatagpo ng puno ng saging. Nariyan ang Unggoy at ang Uod ng Maguindanao at maraming marami pang iba. Kaya mahalagang bigyang-diin ang susunod na ambahan sapagkat pambalanse ito sa mga negatibong imahen ng isang kaibigan. Sapagkat sa ambahan na ito, matatagpuan ang kaibigang one-of-a-kind.

Si kaibigan,
Kahit may tinatawirang tubig
Kahit may nakaharang na kahoy
Kung iniisip ko
Parang nand’yan lamang sa malapit
Parang tinatandayan ko lang.

Si aypod bay opadan
May ulang madi kagnan
Maytakip made kaywan
No kang tinaginduman
Ga siyon de sa adngan
Gapagtangdayondiman.

Una, matatalos na affectionate sa kaibigan ang mga katutubo. Ang salitang tinatandayan ay nagpapahiwatig ng pagiging pisikal na malapit sa isa’t isa. Ang ibig kong sabihin, para sa katutubo, normal ang pisikal na contact sa isang kaibigan. Maaaring akbay, yakap o simpleng tanday. Ikalawa, para sa magkaibigan, walang kuwenta ang layo, panganib at iba pa. Ang pinakamakapangyarihan ay ang isip. Ang magkaibigan sa ambahan ay magkalayong pisikal ngunit malapit pa rin dahil pinananatili ang alaala ng isa’t isa. Ibig sabihin, kahit malayo, walang iwanan lalo na sa isip. Mukhang nag-migrate o naglakbay ang isa sa kanila at namimingaw ang naiwan. Ang ginawa na lamang niya’y lumikha ng ambahan ukol sa kaibigan para maibsan ang mingaw. Wala pa naman kasing text noon o email.

At isa namang parikalang maituturing ang nangyayari ngayon na ang magkaibigan lalo na kung malayo sila sa isa’t isa ay bibihira nang magkausap. Parikala sapagkat nakahatag ang teknolohiya para makapag-usap ang mga tao. Personal kong nararanasan ito. May email naman, yahoo messenger at cellphone, pero bihira pa rin kaming magkausap ng aking best friend na nasa Australia. Pasulong ang daluyan ng komunikasyon ngunit paurong ang mga kalidad ng relasyon?

8. Dinadaluyan ng kasanayang pangkabuhayan.

Ang maikling katutubong tula ay parang librong For Dummies. Halimbawa, Accounting for Dummies, ganyan. Natanto ko ito nang talakayin sa klase ang Siblaw Taraw. Kasama sa kuwentong ito ang ilang detalye ukol sa pangangaso at iyon daw, ayon sa aking guro, ay isang paraan para ituro ang ABC o batayang kaalaman sa pangangaso. Ang galing! Naipapasa nga naman sa susunod na henerasyon ang kaalaman.

Kaya naisip kong puwede rin ito sa katutubong tula. Heto ang isang ambahan:

The Pait fish in the creek
Is impossible to catch.
Under stones its hiding place.

Si isda pait-pait
Kabitay kang bumanwit
Sa bato magpasipit.

Sa umpisa, mukhang simpleng reklamo lang ang tula. Pero hindi lang ito reklamo. Nagbibigay din ito ng clue kung saan mahahanap ang Pait. Sa ikalawang taludtod, binibigyan din ng tip “na maghanda nang husto o kaya mag-praktis” ang sinumang gustong manghuli ng Pait dahil nga hindi ito basta-bastang nahuhuli. Ang napakaikling ambahan na ito ay masasabi kong unang pahina ng librong (kung magkakaroon man) Pait Fishing for Dummies.

II. MGA ELEMENTO NG KABABALAGHAN SA ILANG KUWENTONG BAYAN

Nang mabigyan ako noon ng assignment na magsulat ng nakakatakot na kuwento (tampok ang multo-multo), ang una kong inisip, ano ba ang katatakutan? Pero hindi dapat doon nagtatapos ang tanong. Ano ba ang katatakutan para sa aking mambabasa? Pero natanto ko na hindi rin naman malaki ang ipinagkaiba ko sa mambabasa ko. Kaya ang sunod kong tanong, ano ba ang katatakutan para sa akin?

Iyan ang naging gabay kong mga tanong para masagot ang ikalawang tanong sa pagsusulit na ito. Una kong dapat tanungin ay ang sarili ko. Ano ba ang kababalaghan?

Ito ay isang pangyayaring mahirap paniwalaan. Pinipilipit nito ang lohika, pinatatalon ang mga tao at tauhan mula sa realidad papunta sa ibang dimensiyon at pabalik. Pabalik-balik. Pagkaminsan, hindi mo maintindihan ang kababalaghan ngunit nangyayari. Ganon lang. Iyon ang kababalaghan doon minsan. Nangyayari na lang basta. Nang walang dahilan.

Ang napili kong kuwento upang talakayin ang mga elemento ng kababalaghan ay ang:
A. Molingling
B. Monkey and the Worm
C. Paladayan
Ang mga elemento ng kababalaghan na matatagpuan sa panitikang oral ng Pilipinas ay ang sumusunod:
1. Karakterisasyon o pagbibigay-buhay sa mga tauhan
Ito ay ang maaaring ang pagkakaroon ng mga natatanging kapangyarihan ng tauhan.
Sa kuwentong Molingling, itong si Molingling ay may special powers na sumangga ng ga-trak na mga bato dahil may hawak siyang special na bato (na maliit lang).
Makikita rin ito sa Monkey and the Worm kung saan may magic si Worm dahil nagawa niyang palasyo ang ilang piraso ng buhok sa kilikili ng tatay ng kanyang asawa.
Ang karakterisasyon ay maaari ding umaarteng parang tao ang mga hayop o bagay. Sa The Monkey and the Worm, sa umpisa pa lang, iyon na, nagpasya silang maghanap ng mapapangasawa. Parang bachelor na bachelor ang dating. Hayop nga lang. Kakatwa namang binabati din sila ng mga taong nakakasalubong nila na para bang magkakauri lamang sila. Sa palasyo naman ni Sultan Dipatuan, hinarap at tinanggap niya ang dalawa na parang taong bisita. At nang makapag-asawa, naglinang pa ng bukid itong si Worm. Una muna ang kaingin at nakapagtumba siya ng napakatabang puno sa pamamagitan ng isang maliit na kutsilyo.
Sa kuwentong Paladayan, ang aso ni Paladayan ay parang taong nabuwisit at nangatwiran sa kapatid ng kanyang amo. Kinulit kasi siya nang kinulit ng kapatid ni Paladayan. At nang hindi makatiis ay bigla niyang sinagot ito ng, “ang kulit mo. Aso ako, di ba? At ang aso, hindi sumasagot sa mga tanong ng tao. Ba’t mo ako tinatanong kung nasaan ang amo ko? Dahil diyan ay may mangyayaring masama.” May nangyari nga.
2. Banghay
Nagbabago o nag-iiba-iba at madalas ay may nakakagulat na twist.
Sa Molingling, nakakagulat ang bigla na lamang na pagbabagong-isip ni Molingling na huwag pakasalan ang babaeng kanyang unang napili. Dahil sa totoo lang, di biro-birong pagod ang ipinuhunan niya para makahanap ng asawa. Umikot pa nga siya sa buong mundo. Pero iyon nga, umuwing sawi itong si Molingling. Ang nangyari tuloy, inasawa niya ang kanyang kapatid. Nang sila ay tumatakbo na palayo sa humahabol na kulog (para makalayo sa parusa dahil sa nagawa nilang incest), nakarating sila sa dalawang bangin na magkaharap sa isa’t isa. Alam ni Molingling na ito ay magsasara kaya ipinalabas niya kay Kobodboranon ang mga gamit nila sa pagtugtog, isang plawta at isang zither. Iyon ang ipangtutukod nila para hindi mag-cave in ang dalawang bangin. Nakakagulat ito dahil bakit naman sila may dalang instrumentong pangmusika samantalang sila ay nakatakdang maglaba at maligo sa ilog? Siguro mas kapani-paniwala kung palupalo na lang ang kanilang inilabas.
Sa The Monkey and the Worm naman, twist din ang biglang pagbabanyuhay ni Worm. Wala namang palatandaan ng ganito sa umpisa. Pareho lang silang hayop ni Monkey, isang masipag, isang tamad. Bago matapos ang kuwento, si Worm ay naging isang napakamakisig na Haring Sulaiman nang mapatunayan niyang mahal talaga siya ng kanyang asawa kahit noong anyong uod pa siya. Bigla rin silang yumaman dahil sa mga buhok sa kilikili ni Sultan Dipatuan.
Sayang, kung naging mabait lang si Monkey, ano kayang hitsura niya?
Sa Paladayan naman, nakakagulat din ang pangyayaring pagbaha nang umuwi si Paladayan. Makaraang sabihin ng aso na may mangyayaring masama, bigla na lang bumaha at tinangay na ang buong bahay at natapos ang kuwento. Sino ang mag-iisip na iyong pagsagot ng aso sa kapatid ni Paladayan ay magdudulot agad ng baha at kayang baguhin ang anyo ni Paladayan? Mulang tao ay naging ilog. Naging mga pagong din ang mga anak ni Paladayan.
3. Lunan at panahon
Kakatwa ang lunan. Maaaring ito ay imagined lamang. Maaari ding isang lugar sa isa pang mundo o uniberso.
Sa isang bundok nanirahan ang mag-asawang Worm at Princess. Doon ay mayroon silang palasyo at masaganang bukid. Ang palasyo ay pitong palapag ang taas (langit kaya ito? 7th heaven?), kompleto ang gamit at palamuti at naglalaman ng 40 lalaking alalay at 40 babaeng alalay.
4. Tema
Isang halimbawa nito ay ang kabutihan laban sa kasamaan. Tulad na lamang ng sa The Monkey and the Worm. Ang kabutihan at kasipagan ni Worm laban sa kasamaan at katamaran ni Monkey.
Iyong sa Molingling, ang tema ay incest na isa sa pinakabawal na gawin ng mga tao. Ang sa Paladayan ay ang pagdating ng dambuhalang kamalasan sa sinumang makikipag-usap sa hayop. Itinuturing itong bawal ng mga Tagabawa.

III. ANG DANAS AT IMPLUWENSIYA NG KOLONYALISMO
SA BUHAY AT PANITIKANG KATUTUBO

Maihahalintulad sa tsunami ang danas at impluwensiya ng pananakop sa buhay at panitikang katutubo. Tsunami dahil malaki, mapanira, malawak ang sakop at kumikitil.


1. Dahil sa p/mananakop, marami ang nagbago sa kultura ng katutubo.

a. Pangalan at wika ng katutubo=Napakaraming salitang Kastila ang pumasok sa bokabularyo ng katutubo. At karamihan sa mga ito ay iyong tungkol sa pamahalaan at simbahan. Maging ang mga kuwentong bayan ay pinamumugaran ng mga salitang dayuhan. Sa Mariang Makiling, sa Tagalog nagsulat si Rizal ngunit ilan sa mga salita sa akda ay Kastila. Ibig lang sabihin nito ay tuluyan nang naipasok ng Kastila ang kanilang kultura (sa pamamagitan ng wika) sa atin. Ginamit ni Rizal ang mga salitang prayle, diyus-diyusan, palasyo, relikaryo, nimpa, relihiyon, kintos, kawal, kuwartel,guwardiya sibil at iba pa. Sa dalawang akdang ukol kay Montor naman ay ginamit ang sumusunod: Asuncion, Julian, Ramon at Andres na pawang mga ngalang dayuhan. Ginamit din ang mga salitang: Martes na pantukoy ng araw, ang Antike bilang lugar, rosaryo, kampana, sementeryo, ideya, pasahero, kamarote,kombento, opisyal, ang katawagang Moro, tropa, kampo, kuwarto, mesa, kanyon, bapor, rebolusyon at iba pa. Dahil din sa p/mananakop, isinilang ang Chavacano, isang wikang nabuo sa pagniniig ng isang wikang katutubo at Kastila. Bagama’t marami-rami ang salitang Kastila ay nakabatay sa wikang katutubo ang syntax nito. Isinilang din ang salitang kumposo na mula raw sa Mexico.

Sa Balagtasan ng Kalayaan, binanggit din ang latore, birhen, regla, mantenador at iba pa. Iba naman ang atake ng Amerikano sa pananakop. Pagkat mas nakasentro sa kultura, inuna siyempre nito ang wika. Ipinaaral ito sa mga Filipino, di tulad ng Kastila na ipinagkait ang wika sa katutubo dahil hindi raw ito “ karapat-dapat” aralin ng mga Indio. Kaya magmula noon, ang mga katutubo ay lalo pang nahati-hati. Sa bansa natin, sobra-sobra na nga ang pagkakahating batay sa wikang mula sa mga rehiyon at pangkat-etniko, dinagdagan pa ng pakikisangkot ng wikang dayo. Ang pagpasok ng Ingles ay sinadya ng mga Amerikano upang lalong guluhin at hatiin ang taumbayan. Kaya nga hanggang ngayon ay nasasalamin ang epektong dulot nito. Ang Ingles ay pinamahayan ng aura ng edukado at mayaman. Sosyal. Kaya’t ito ang ginagamit ng edukado at mayaman. Iyong hindi makapag-Ingles, Tagalog/Filipino ang ginagamit. Sila iyong karaniwang tao at di-nakapag-aral. Bakya.

Ano ang implikasyon nito sa panitikan? Naging easy way out ng marami sa mga nag-aaral ng panitikan ang wikang dayuhan partikular na ang Ingles kapag sila ay nagsasalin ng tekstong may ibang wikang mulang rehiyon. Isang napakagandang halimbawa nito ay ang Maragtas ni Monteclaro na nakasulat sa Ingles. Isa pang halimbawa nito ay ang ilang ambahan na walang salin sa Filipino. Sa Ingles lang.
Alam nating lahat na bawat wika ay may bitbit na ideolohiya. At sa tuwing gagamit tayo ng dayuhang wika upang magpahayag o magkuwento tungkol sa ating karanasan, halos kalahati ng mensahe at iba pang pahiwatig ang hindi naipaparating. Iba pa rin ang salin sa sariling wika (wikang mulang rehiyon man iyan o ano) at sa Filipino kaysa sa wikang dayuhan.


b. Sa larangan naman ng panitikan, bagama’t napakalakas ng p/mananakop, hindi tuluyang nagpalamon ang katutubo. Ang bawat akda ay maaaring ituring na pakikipagtunggali ng katutubo sa impluwensiya ng kultura ng dayuhan. Nariyan ang mga loa na kahit ang ugat ay sa dayuhan, ginamit ng mga katutubo sa panggagagad upang mailantad ang pilit na ipinatatago ng mga prayle: seksuwalidad. Ang balagtasan, kahit na maiuugat ang anyo sa awit at korido ng mga Kastila ay ginamit namang tatangnan ng argumento at opinyon hinggil sa pagmamahal sa bayan at kasarinlan sa kamay ng Amerikano. Ang pasyon na pamana ng Kastila ay nagkaroon ng maraming bersiyon. Iyong pinakasikat ay Pasyon Pilapil. Pangalan pa lang ay Pinoy na Pinoy na. Bagama’t Pilapil ang apelyido ng katutubong pari na kilala bilang editor (pero ayon sa pinakahuling pag-aaral ay wala namang malaking binago sa orihinal na teksto kaya’t hindi pa kilala ang tunay na awtor nito) ng pasyong ito, maaari ring tingnan bilang pag-angkin ng katutubo sa teksto sa pamamagitan ng pagre-retain ng salitang pilapil sa Pasyong Pilapil. Ang pilapil ay tulay na gawa sa lupa. Matatagpuan ito sa gitna ng bukirin. Iyon lamang mga sanay ang paa sa lupa’t sakahan ang walang problemang makatatawid dito. Silang mga anak ng bukid at laging inaagawan ng lupa.

Ito ay isang subersibong ideya: ang pagkakabit ng salitang pasyon na lumalagom sa lahat ng kabanalan at pagsasakripisyo ng pinakanatatanging tao sa mundo sa salitang kasing karaniwan ng pilapil. Ang hakbang na ito ay isang paraan ng pagtanggi sa kung ano lamang ang inaalok ng dayuhan. Napakadali nga namang ulit-uliting basahin ang ibang pasyon ngunit itong Pasyong Pilapil pa rin ang nanaig. Ito ay isang paraan ng pagsasabi sa dayuhang “oo, alam naming may Hesus kayo. Ngunit may sarili din kaming Hesus. Na higit na malapit sa amin, sa kabuhayan at sa aming karanasan. Kung nais mong basahin ang buhay ng aming Hesus, magpaa ka at tawirin ang Pasyong Pilapil.

Bagama’t ukol kay Hesus ang pasyon, kabanalan and all, ayon kay Prop. R.C. Lucero ay katatagpuan pa rin ito ng pinakamasasamang salita. Para itong isang librong Swearing/ Insulting For Dummies. Ang nakikita kong dahilan kung bakit inilagay ang mga salitang ol-ol (ulol), tampalasan, honghang, aliping bohong, ay upang lalong mailapit ang pasyon sa karaniwang tao. Makikita ng karaniwang tao na karaniwang tao din ang mga nasa pasyon. Nagmumura, naiinis, nabubuwisit, napipigtalan ng pasensiya. At ito ay maaari nilang gamiting excuse kapag sila naman ang nakakaramdam nito. Kapag sobra-sobra nang nakakainis, nakakaumay at pasakit ang prayleng pilit na iginigiit ang pananaw sa katutubo, maaari din namang sumigaw ng hunghang.

Malaki ang impluwensiya ng p/mananakop sa kuwentong bayan tulad ng Mariang Makiling ni Rizal. Ang kuwentong bayan na noo’y ginagamit na pang-aliw ay hindi na inosenteng pang-aliw kundi naging instrumento sa pagmumulat ng iba pang kababayan sa nakakaiyak na sitwasyon ng sariling tao at bayan. Maaaring malikhain na talaga si Rizal noon pa man ngunit maaari ding nadagdagan pa ang pagiging malikhain niya nang itago niya ang palihim na pagtuligsa sa p/mananakop sa kuwentong bayan. Ibig sabihin, isa ito sa mga impluwensiya ng p/mananakop, mas nagiging malikhain ang katutubo para magawa niya ang gusto niyang gawin ngunit bawal. Halimbawa nito, maitanim ang mensahe ng protesta sa kahit na pinakasimpleng mga kuwento o tula. Ibinulgar niya sa kuwento ang pangangamkam ng ari-arian ng mga prayle at kahit ang mala-diyosang si Mariang Makiling ay hindi pinatawad ng matatabang pari. Ibinulgar din niya ang impiyernong kung tawagin ay mga kuwartel. Na siya namang inaalagaan ng pamahalaan.

Isa pang halimbawa ay ang kumposo na isang anyo na nagmula raw sa Mexico at hinatid ng Kastila sa Pilipinas. Ngunit sa Kumposo ni Montor, ang paksa ay buhay ng isang Moro.
Sa Si Montor ni Magahum, itinampok din ang mga Kastila, heneral pa ang iba, ngunit ang nakakatuwa rito, ginamit lamang ang mga pangalan at ranggo ng opisyal upang higit na tumingkad ang paglalarawan kay Montor. Ibig sabihin, hamak na mga ekstra lamang sila rito kahit malaki ang kanilang mga ginawa. Si Montor kasi ang bida, na isang Moro, perpetuwal na yatang mga kaaway ng Kastila.

c. Sa larangan naman ng relihiyon, marami ang nagpabinyag at napilitang magpabinyag sa Katolisismo. Masaya nga ba bilang mga bagong alaga ng simbahan ang katutubong Katoliko? Ayon sa Kumposo ni Montor, oo. Ito pa ang huli niyang inihabilin sa asawang si Asuncion, ang siya’y ipagdasal sa kanyang pagpanaw at pagrepekehin ang mga kampana ng simbahan. Ngunit taliwas naman ito sa Mariang Makiling ni Rizal. Maihahalintulad sa bathala si Mariang Makiling. Lahat ng nais ng taumbayan basta’t dumulog sila at humiling ay ibibigay ni Maria. Siya ay mahiwaga at may kung anong kapangyarihan. Mapagbigay siya sa kanyang nasasakupan ngunit nagpaparusa kung kinakailangan. Ang binata naman ay ang kumakatawan sa taumbayan. Matamis ang kanilang ugnayan, masipag ang binata at siya’y pinoprotektahan ni Maria. Madalas silang nag-uusap (kapag nakikitang mag-isa ang binata sa isang sulok at kumikibot-kibot ang labi). Ngunit lahat ng ito ay naputol nang dumating ang mga Kastila kipkip ang kanilang mga kalokohang pagre-require ng pagiging kintos at kawal sa katutubo. Nagtampo ang Bathala dahil natuklasan niyang marupok pa ang tao at sariling kapakanan lang pala ang uunahin sa ganitong sitwasyon.

2. Dahil sa p/mananakop, nagbago ang tingin ng katutubo sa kanilang sarili.

Sikolohikal na epekto ito ng paulit-ulit na pagdiin sa ilang katangian na gustong ipaangkin ng mga mananakop sa kanilang nasasakupan tulad na lang ng:

a. takot ang katutubo sa dayuhan= halimbawa ay ang eksena sa Maragtas na kung saan pagdating ng mga Datu ay nagsipagtago ang katutubo. Si Marikudo lang ang humarap. Mukhang in-edit na ng mga mananakop o kung sino man ang may hawak ng kapangyarihan upang baguhin ang kuwentong ito. Kakaiba ang ganitong eksena. Madalas kung ikaw ay nasa teritoryo mo, hindi ka natatakot. Kasi nga kabisado mo ang lugar at kilala mo ang lahat ng naroon. Ang mga dayo pa nga ang may baong takot at alinlangan sa dibdib kada tapak nila sa banyagang lupain. Kaya’t kakatwa na ang mga katutubo raw ay nagsipagtago pagdating ng mga Datu.
b. matakaw sa materyal na kayamanan ang katutubo= Sa Maragtas, nainis daw ang ilang babaeng katutubo sa mga asawa ng datu dahil ayaw umupo ng mga ito sa lupa. Natatakot na marumhan ang kanilang mga damit. Medyo nainsulto pa ang mga babaeng katutubo ngunit madali namang napawi ang inis at pagkainsulto nang bigyan sila ng mga babaeng mula sa Borneo ng panyo, kuwintas at suklay na yari sa kahoy. Sa kabilang babasahin naman, hiram nang hiram ng kagamitan at hingi nang hingi ng kung ano-ano ang katutubo sa Mariang Makiling.
c. hindi masipag at walang tiyaga ang katutubo-Sa Maragtas, mas pinili raw ng mga katutubo na ibenta na lamang ang kanilang lupa kaysa tiyagaing linangin ito. Mas pipiliin pa raw ng mga ito na lumipat sa ibang lugar dala ang limpak-limpak na pera kaysa magtrabahong muli sa lupang nahusto na nila sa kaingin.
d. Abusado ang katutubo- Si Montor ni Magahum ay dating kinupkop ng kombento at bininyagan bilang Katoliko. Ngunit sa pagdaloy ng kuwento, mismong mga Kastilang/Katolikong ninong at heneral na kumupkop sa kanya ang kanyang kinalaban at pinatay. Abusado siya sapagkat wala na nga siyang utang na loob, kinuha niya pa ang buhay ng tumulong sa kanya. Sa isang banda, hiram nang hiram ng kagamitan at hingi nang hingi ng kung ano-ano ang katutubo kay Mariang Makiling. Isang teorya kung bakit nawala si Mariang Makiling ay dahil hindi naman daw ibinabalik ng taumbayan ang hinihiram nila sa dalaga.
e. Kulang sa matinong pag-iisip ang katutubo-Ayaw na ayaw ko ang unang saknong ng Kumposo ni Montor dahil ipinapahiwatig nitong basta na lamang napagkatuwaan ni Montor na lapastanganin ang bayan. Tipong kapag tinanong si Montor bakit mo ginawa iyon, ang isasagot niya, ‘wala lang!’ Masyadong masamang impresyon ang nais na ibigay dito kay Montor.
Ang mga nasa itaas ay ang isinasaksak na mga katangian ng dayuhan sa kanilang sinasakop. Dahil sa paulit-ulit na pagpapamulat sa mga kasunod pang henerasyon, dumating nga ang panahon na ito na ang pinaniwalaan ng mga Pilipino.

3. Dahil sa p/mananakop, pisikal na nagbago ang kapaligiran ng katutubo.= Noong unang panahon, walang kasingganda at kasinglusog ang bayang ito. Pearl of the Orient nga. Sa Maragtas, umaagos ang pagkaing inihanda para sa mga bisita nang nagbebentahan na ang dalawang pangkat. Ibig sabihin, sagana ang pamumuhay ng katutubong naghanda. Sa Balagtasan, binanggit ang isang paraiso kung saan may batisan, ibong pipit, tahimik na bundok at kakahuyang lipos ng alindog. Sa Mariang Makiling, paraiso rin ang paligid dahil kay Maria. Maraming magagandang halaman, puno, hayop at iba pa. Ngunit pagdating Sa Montor ni Magahum, nariyan na ang kombento, Parian at lugar na kung tawagin ay Villa de Arevalo na malamang ay isang saradong lupain at pag-aari ng isang indibidwal o pamilya lamang.

Ibig sabihin, nagkaroon ng mga estrukturang naghahati sa mga tao sa lipunan. Ang kombento, para sa mga Katoliko. Ang Parian, para sa mga Tsino (sapagkat inihihiwalay pa sila noon sa Indio at lalong lalo na sa Kastila) at ang mga Villa, para sa mga mayayaman at ang kanilang bukid para sa kanilang tauhang magbubukid. Hindi na lamang nasa isip ang paghahati sa lipunan kundi nakikita na rin sa pisikal na mga estruktura. Higit itong nagbigay ng pagkakahati-hati sa taumbayan. Sa Kumposo ni Montor, may binanggit na kuta at bilangguan. Ibig sabihin, mayroon nang mga kriminal at kailangan silang ikulong. Binanggit din dito ang sementeryo. Bagama’t noon pa ma’y may tiyak nang lunan ang mga katutubo para lagakan ng mga labi ng mga yumao, ang sementeryo ay isang ipinakilalang konsepto ng Kastila. Ang paglilibing at mga ritwal o seremonya para sa mga yumao ay nahalinhan ng mga ritwal o seremonyang mula sa simbahan. Ilan sa pagkakaiba ay mga rebulto ng santo, anghel, krus sa mga sementeryo. Sa Mariang Makiling, buong bundok ay kay Maria ngunit nang umeksena ang mga prayle, may ilang balitang nagsasabing kaya nawala si Maria ay dahil pinag-aaangkin ng mga prayle ang kanyang ari-arian at kalahati ng bundok na tahanan ni Maria.

Marahil ay nagtataka kayo kung saan napunta ang mga paraiso, malalawak na lupain, mayamang puno at halaman. Ayon sa personang si Rizal sa Balagtasan ng Kalayaan:

Ano pang katwiran ang dapat hintayin sa isang nanlupig.
Ano pang dahilan ang paglulubirin ng isang limatik
Ang utos ng Diyos ay di mababakli, sapagkat matuwid
Sa hindi mo ari’y huwag makialam, huwag kang manghamig.

Ito ay patunay na ganid sa pag-aari ang mananakop. Kailangan pa silang sabihan na huwag nang makialam at manghamig. (ibig lang sabihin nito ay likas at talagang ginagawa nila ito: ang pangingialam at panghahamig kaya kailangan pang pagbawalan sila sa pagkakataong ito.)

4. Dahil sa p/mananakop, lalong nabawasan ang pag-asang mapag-isa ang mga Filipino. –Makikita sa Montor ni Magahum na may panghuhusga na sa dila ng personang nagkukuwento. Kapwa sila Filipino (si Montor at ang persona) ngunit madaramang hindi sila magkakampi. Ang paggamit ng salitang kaliwete para ilarawan ang mga Moro ay isang halimbawa nito. Ang kaliwete ay naiuugnay sa pagtataksil o di kaya sa mali o sa rebelde. Inihalintulad din si Montor sa mga hayop sa gubat pagdating sa tapang at bangis. Sa paggamit ng mga salitang ito, magkakaroon ka ng negatibong impresyon kay Montor na isang Moro at iigting pa ang impresyong iyon kung ikaw ay Katoliko sapagkat dating kinupkop ng kombento at nabinyagan na Katoliko si Montor. Ngunit inilahad sa kuwento na ang mismong mga Kastilang/Katolikong ninong at heneral na kumupkop sa kanya ang kanyang kinalaban at pinatay. Nagkahati-hati rin ang kalalakihan sa Mariang Makiling, iyong mga kintos/kawal at iyong mananatiling karaniwang mamamayan. Pagkatapos ng pananatili sa kuwartel ay gumagaspang na ang ugali’t nagiging malahayop pa raw. Sino pa ba naman ang tagakomunidad na nanaising makisama sa gayong klase ng tao?
5. Dahil sa p/mananakop, nawawasak ang mabubuting relasyong personal at pampamilya- Maraming pamilya ang nawalan ng kuya, ama, bunso, asawa dahil sa pangangailangang maglingkod bilang kintos/kawal. Maging si Mariang Makiling ay hindi nakaligtas dito. Nawalan siya ng minamahal dahil sa sistemang ito ng Kastila.

Sunday, October 11, 2009

papel 12

11 Oktubre 2009

Paksa: Ikalimang kabanata ng Beyond the “Primitive” the Religions of Nonliterate People ni Sam D. Gill

Ilang tala:

Ang kabanata ay isang pagsusuri sa mga anyo ng oral na tradisyon ng mga taong hindi nakaranas ng kulturang pasulat. Maaari daw itong pagkunan ng impormasyon ukol sa relihiyon at paniniwalang pang-espirituwal ng mga nasabing tao.

 Dapat ay hindi hinihiwalay ang isang anyo ng tradisyong oral sa pagkakatanghal nito sa isang okasyon dahil susi ang okasyon, ang komunidad, ang panahon, ang mga taong kasangkot para maunawaan at mabigyang-halaga ang isang anyo ng tradisyong oral.

 Huwag umasa sa mga pagsusuring isinagawa nang walang pagsasaalang-alang sa pinagmulang kultura at lipunan ng mga akda.

 Iyong paggu-grupo-grupo ng kuwentong bayan ay hindi laging tama kasi madalas ang pinagbabasehan nito ay iyong universality o unibersal na mga elemento ng akda samantalang unique ang mga dahilan ng pagpapahayag sa mga ito. Laging may kakaibang pagkakataon para ito maitanghal. Kailangan lamang saliksikin at tuklasin kung ano ang mga ito.

 Laging once upon a time ang umpisa ng mga akda mula sa panitikang oral samantalang hindi naman ito ang umpisa kapag tiningnan ang orihinal. Hindi tinitingnan ito ng lipunang oral na nangyari noong unang panahon. Malapit kasi ito sa kanila.

 Kaya nabuo ang isang akda ay dahil may pangangailangan itong pinupunan noong panahon na nabuo ito. At dapat alam mo ito para makita mo ang kabuluhan ng bawat bahagi ng akda.

 Sa West Ceram, New Guinea at Melanesia, bago ang 1900, halos pantay-pantay ang yaman ng pamilya sa isang komunidad. Ang yaman at prestige ay sinusukat hindi sa pamamagitan ng kung gaano karami ang mayroon ka kundi sa kakayahan mong magbigay ng halagang katapat ng natatanggap mo. Kapag hindi mo ito magawa, hindi ka prestigious, wala kang “K” at say. Sa ganitong paniniwala at sistema, napapanatili nila ang pagkakapantay-pantay.

 Ang kuwento ni Hainuwele, bagama’t hindi naman naging solusyon sa problema noon ng taga-West Ceram, ay isang paraan ng pagpapahayag ng mithi ng mga taga-West Ceram na malutas ang problema. Ang paggawa at pagbigkas ng kuwento ay siyang nakita nilang pinakamakapangyarihan na paraan na magagawa nila sa gayong sitwasyon. Isa ito sa mga binigyang-diin na tungkulin at papel ng tradisyong oral.

 Ayon kay Eliade na sumulat ng Cosmos and History: The Myth of the Eternal Return, sa ibang kultura na pinagmulan ng maraming mito, hindi linear ang konsepto ng panahon. Hindi ito linyang iisa ang direksiyon. Ito ay bilog, paulit-ulit at maaaring bumalik sa nakalipas na. Sa ganitong paraan, nagiging past ang future at future ang past.

 Ang mga naaalala na historical event ay binabago para iyong mga naka-pattern lang sa banal na modelo ang mananatili at maipapasa-pasa.

 Maganda ring banggitin na kagila-gilalas ang pagkaka-retain ng isang period sa pamamagitan ng epiko o kuwento na katumbas ng isa o dalawang siglo. Ito ay patunay na mataas ang interes at pagpapahalaga ng mga tao mula sa nonliterate na kultura sa kanilang kasaysayan.

 Mula rito, ibig sabihin, ang mga detalye na nabuhay hanggang ngayon ay siyang pinaniniwalaang mahalaga at may kabuluhan sa pagdaan ng panahon. Mabubura na iyan at mawawala kung hindi ‘yan mahalaga. Kaya’t may papel ang bawat detalyeng iyan. Kailangan lang nating alamin kung ano ang kabuluhan niyan sa ating kultura at lipunan. Interesante, hindi ba?

 Sa pamamagitan ng kuwento, ang nakalipas at ang hinaharap ay nabubuhay sa kasalukuyan.

 Ang mga taong ito ay may pagtinging mistikal at panghabambuhay sa kanilang mga kuwento at salaysay. Hindi sila katulad natin na hindi ma-imagine ang sariling maaaring bahagi ng nakalipas dahil malinaw sa ating isip ang pagkakahati sa nakalipas, kasalukuyan at hinaharap.

 Ang mito ay salaysay ukol sa mga diyos sa isang panahon na ibang-iba sa karaniwang karanasan ng sangkatauhan.

 Ang katotohanan ng mga salaysay na ito ay makikita sa konteksto ng sangkatauhan dahil ang mundo ay naging ganito dahil sa mga ginawa ng mga diyos.

 Karamihan sa iskolar na nag-aral ng mga mito ay nakalimot na isali sa pagbibigay-kahulugan at pagsusuri ng mito ang mga kuwentong bayan, alamat, epiko, kantang bayan at iba pa. Ito rin ang nangyari sa pag-aaral sa relihiyon. Nakalimutang isaalang-alang ng mga iskolar ang mga anyo ng oral expression. Puro na lang banal na kasulatan at intelektuwal na interpretive writings ang pinag-aaralan.

 Ang mga kuwentong pusong o trickster ay kilala sa pagiging batis ng aliw at tuwa pero hindi ibig sabihin noon, hindi na ito dapat seryosohin. Ang bida sa mga kuwentong ito ay napaka-unpredictable. Ibig sabihin, karamihan sa mga hakbang niya’t ideya ay iyong taliwas sa nakagawian. Rebelde, ika nga. Tugmang-tugma sa tinalakay na katangian ni Nick Tiongson ng mga pusong sa dulang Tagalog.

 Kilala rin sa paghahatid ng halakhak ang pusong. Ngunit ito ay dahil nakikita ng tagapakinig ang kanilang sariling limitasyon at katangahan sa mga gawain at desisyon ng pusong. Sa ganoong paraan, nagiging mas magaan para sa tagapakinig ang realisasyon na hindi siya perpekto.

 Daluyan ng kultura ng mga taong nonliterate ang oral na tradisyon. Ito ang nagtuturo sa kanila, nagbabawal at nagbibigay-kahulugan sa kanilang mga gawain at layunin. Ito rin ang daluyan kung may nais silang baguhin sa kanilang kultura. Sa pamamagitan ng tradisyong oral, nakakatugon sila at nakakaangkop nagbabagong kapaligiran at ugnayan sa isa’t isa.

 Kaya mahalaga ang tradisyong ito para maunawaan natin ang mga taong mula sa kulturang oral.

talinghagang bukambibig

Ito sana ang thesis ko: koleksiyon ng anekdota at kuwento sa likod ng mga talinghagang bukambibig natin. Kaya lang, ‘yong mismong guro ko sa pananaliksik ang nag-discourage sa akin. Hindi raw ito gaanong mahalaga kasi may ganito na. May diksiyonaryo na. Siya pa mismo ang gumawa. Nag-iba tuloy ako ng paksa.

Pero gayumpaman, ayokong malimutan ang ilan sa mga natuklasan ko. Kaya ipopost ko na lang.

Nagsusunog ng kilay-nag-aaral nang mabuti

Noong unang panahon, lampara o gasera ang ilaw sa bahay. Kaya kapag nagbabasa ka, malapit ang ilaw sa mukha mo. At kapag aantok-antok ka habang nagbabasa, hindi maiwasang mamaya lang ay amoy-sunog na buhok na ang paligid. Kinabukasan, mataas ang marka mo sa pagsusulit pero hindi na mawari ang hugis ng iyong kilay.

Baka abutin ng siyam-siyam-mabagal ang pagkilos

Ito raw ay biblikal. Siyam na araw na umulan, bumagyo at bumaha. Para ka hindi maabutan ng mga iyan, kelangan bilisan mo ang pagkilos mo. Mananaliksik pa ako tungkol dito.

Putok sa buho-anak sa labas

Ang buho ay pangalan ng isang kawayan. Sa lipunang Pilipino, madalas ay imbisibol ang magulang ng anak sa labas. Ikinahihiya kasi nila ang sitwasyon. Kaya kung hindi uungkatin, hindi mo malalaman kung sino ang magulang ng isang putok sa buho. Ang talinghagang bukambibig na ito ay galing daw sa kuwentong bayan na Si Malakas at Si Maganda. Dahil sila ang unang tao sa mundo, wala silang magulang. At sila ay lumabas lang sa kawayan nang mabiyak ito sa pagtuka ng isang ibon.

Mabilis pa sa alas-kuwatro-mabilis na mabilis

Noong uso pa ang tren sa paglalakbay para makauwi ng probinsiya, mayroon daw tren na alas-kuwatro lagi ang dating. At ang tren na ito ay hindi naghihintay. Pagsapit ng alas-kuwatro, lalarga at lalarga. Walang pakialam kung may naiwan o ano. Kaya pagdating ng pasaherong na-late lang nang isang minuto at magtatanong siya ng, “nasaan na ang tren?”
sasagutin siya ng, “umalis na ho,” ay 101 %, mapapasabi siya ng “ambilis naman.”

Narito pa ang ilan sa mga gusto kong saliksikin:

Maghabol ka na lang sa tambol-mayor
Butiking pasay
alilang kanin
salimpusa
utak-biya
balimbing

Marami pa iyan. Nalimutan ko ang iba. Kapag nakita ko ang proposal ko, ipopost ko pa ang iba. Wait lang po.

papel 11

10 Oktubre 2009


Paksa: Pilantik ng Pusong Kiliti ng Rebelyon: Ang Tradisyon ng Pamumusong sa Dulang Tagalog ni Nicanor G. Tiongson

Kapag Sineryoso ang Pusong…

Ang akdang Pilantik ng Pusong Kiliti ng Rebelyon: Ang Tradisyon ng Pamumusong sa Dulang Tagalog ay isang panunuring pampanitikan. Sinuri ni Nicanor Tiongson ang isang uri ng tauhan sa 14 na dula na itinanghal/isinulat mula 1860 hanggang 1977. Ang tauhang ito ay tinawag niyang pusong, sa pangkalahatan.

Ayon kay Tiongson, ang pusong ay maaaring ituring na kinatawan ng karaniwang Pilipino. Hindi ito itinatampok sa mga pag-aaral sapagkat hindi naman bida. Ang mga “pusong” sa lahat ng dula ay iyong mahirap, walang pinag-aralan, tagagawa ng maruming trabaho, walang kapangyarihan, walang lakas o koneksiyon o kapit o sa pangkalahatan ay iyong laging extra. Sa tunay na buhay, iyong mga taong marginalized sa lipunan.

Sa tuwing magsasalita ang pusong sa mga dula, bumabalong sa bibig nito ang damdamin at isip ng sektor sa lipunan na kanyang kinakatawan. Ayon kay Tiongson, ang mga ginagawa ng pusong sa entablado na siyang madalas na pinagtatawanan ng manonood ay isang uri ng rebelyon. Halimbawa nito ay ang pagiging bastos o kaya’y tatanga-tanga kahit ang kaharap ay may awtoridad o kapangyarihan.


Sinipi sa sanaysay ni Tiongson at ito raw ay mula sa Paglipas ng Dilim, sarsuwela ni Precioso Palma:

(Isang eksena)

Donya Carmen: Felipe, que pasa?
Felipe: Nabasag ang tasa…
Don Torcuato: Valor, valor, chico…
Felipe: Hindi po sa chico kundi sa mangga.

(Isa pang eksena)

Pakita: Excuse me, Ricardo, shall we have o dance?
Felipe: Yes, yes, we two are going to dance, hasta que Dios diga basta.
Pakita: Ah, you keep quiet.
Luis: Adios, pinauwi ka tuloy sa Kawit.
Pakita: Ah… you foolish…
Luis: At tatawag pa raw ng pulis.

Ito ay pangungulit ng mga tauhang sina Felipe at Luis (ang mga pusong sa dulang ito) sa mayamang pamilya ng don at donya na bagama’t Pilipino ang kausap ay pa-Espanyol-Espanyol pa rin. Sa kasalukuyan, ginagawa pa rin ito. Ginagaya ng ilang komedyante ang pag-i-Ingles ng mayayaman, kasama pati ang arte at intonasyon. Kung minsan pa, nilalabisan o ine-exaggerate. Ang paggaya sa nag-i-Ingles at pagsagot nang pamali-mali ay isang pagkutya sa kaartehan at ka-estupiduhan ng mga Inglisero sa pakikipagtalastasan. Kung marunong ka namang mag-Filipino at ang kausap mo ay Filipino na marunong din mag-Filipino, gagamit ka pa ba ng wikang dayuhan?

Kapag nakapanood ka ng ganito, matatawa kang talaga at iyong tawa mo ay isang indikasyon ng pagkakatanto mo na tama nga naman ang “pusong.” May mali sa ginagawa ng nasa taas at napupuna ito ng nasa baba.

Napakahusay ng sanaysay ni Tiongson. Empowering. Ngunit ang nakakalungkot dito, para namang hindi tayo natuto. Taong 1860 ay may pusong na pala at nagmula pa ito kay Pilandok na mula sa isang kuwentong bayan. Ibig sabihin, wala pa ang mga dayuhan ay may konsepto na ng pusong. Pero bakit parang hindi pa rin lumilitaw ang kamulatan sa mga hakbang ng karaniwang Pilipino? Bakit parang nasasailalim pa rin tayo ng baluktot na tagapamahala at saliwang pamumuno? May nabago ba sa kalagayan ng karaniwang Pilipino noon at ngayon?

Ang pusong ay madalas na nagpapatawa ngunit ang basa ko rito ay naging kontento na ang mga Pilipino sa pagtawa lang sa mga pusong na ito. Kontento na tayo sa pakonti-konting sundot, pakonti-konting rebelyon. Maaaring nakakapagbukas ng isip, nakakapagmulat ang mga pusong ng modernong panahon ngunit hanggang tawa lamang ang tugon ng Pilipino.

Tinatawanan na lamang natin ang mga problema. Ayon nga kay Prop. Vim Nadera na nagtapos ng sikolohiya sa undergraduate at masteral na antas, itong pagtawa at paggawa ng katatawanan mula sa mga problema ay isang hakbang ng pag-iwas. Mukhang ito ang problema natin. Hindi natin hinaharap ang problema.

Pinalilipas na lang natin ang lahat at kapag nadagdagan pa ang problema na dulot ng unang problema, itatampok na naman ito ng isa pang pusong at magiging balon muli ng halakhak. Ngunit tulad ng dati, hanggang doon na lamang. Hindi natin nadadala sa mas mataas ng antas, sa mas kongkretong hakbang ang pamumusong.

Hindi ko alam ang solusyon dito. Makatulong kaya kung seryosohin ng lahat ang pusong? Tipong sabayan natin ng tinimbang na aksiyon ang bawat hirit niya.

PILIPINO Forever ni Pete Lacaba

Una kong nabasa ito sa plaridel egroup. ipineyst ko dito pagkatapos ay tinanggal ko uli. akala ko kasi ay nagalit si sir pete. Ngayon, ipinopost ko uli nang may talang MULA SA BLOG NI SIR PETE LACABA na kapetesapatalim.blogspot.com.Salamat po, Sir, at pasensiya na uli. Maligayang pagbabasa sa inyong lahat.


PILIPINO FOREVER!
Or, The Decline And Foreseeable Fall Of English In the Philippines.

by Jose F. Lacaba
Staff Member
Philippines Free Press, August 29, 1970, pp. 6-7

SEVEN YEARS ago, just before I dropped out of college, I liked to annoy some of my friends—intense young writers who dreamt of crashing the New Yorker or the Free Press with labored Nabokov or Nolledo imitations, and who were all under the delusion that they were destined to write what we called the GFN, or the Great Filipino Novel—by telling them they were wasting their time mastering the niceties of English prose, for there was no future in their efforts, posterity would be able to appreciate them only in translation. English in the Philippines was on the way out, I said, and would surely go the way of Spanish. Its days were numbered. I gave it fifty years or less.

Today I am inclined to say “less.” I’m giving English in the Philippines a decade at the most. That’s a fearless forecast based on a concrete analysis of concrete conditions.

Seven years ago, being myself afflicted with the GFN Complex, I wrestled with The Language Problem. In what tongue was I to express my Filipino soul? In what language was I to write the GFN that I thought was struggling to get out of my skin? Part of the reason I became a college dropout—aside from the usual “sensitive adolescent” compound of existential angst, the alienation bit, the crisis-of-faith thing, the complete De Profundis Syndrome—was the conviction I had arrived at, that the language of my GFN could never be English. The characters I wanted to write about were people who spoke no English at all, or spoke it only when drunk. How could I make a jeepney driver curse the cop at the corner in English? I wrote about a housemaid once, and though the story was accepted for publication in this magazine, I thought it was funny to have a maid speak like a Maryknoll coed. None of the attempts made by established writers to render the native speech in English could satisfy me. The narrative portions of stories by the best Filipino writers in English were almost letter-perfect, but dialogue was something else. My ear always told me something was wrong.

What language was I to use then? Spanish was definitely out. Not only was it deader than a dodo; the 21 units of it that I had passed couldn’t even enable me to read Mabini’s memoirs without consulting a Spanish-English dictionary after every other line. Though I was born in Cagayan de Oro, a Visayan-speaking city in Mindanao, and though my father was a Boholano who wrote poetry in his native tongue, my GFN could not be in Visayan either, because I had left my birthplace at an early age and could no longer speak the language; besides, I knew absolutely nothing of its literary tradition.

The only logical choice then, for me if for nobody else, was the only other language I knew besides English, the language my mother had been teaching in school since I was a year old: the national language. At that time, I didn’t want to call it Pilipino; I preferred Tagalog.

I was an English major in a school renowned for its English, or at least for the way its students spoke English—the Ateneo. I should have been happy enough with English Lit., but the Language Problem kept, as we used to say in our philosophy classes in those days, “impinging itself on my consciousness.”

I had a professor in philosophy, a disciple of the Christian existentialists, who liked to tell the class of Tagalog’s strength and beauty as an “existential language.” At its current stage of development, he said, Tagalog was weak in abstract concepts, but in dealing with “existents,” it was more sophisticated than English. I remember one of his examples. Tagalog would say: Umuulan—“Raining”—and have a complete sentence. English, to complete the sentence, would have to say: “It is raining.” What, my professor asked, did it refer to? Nothing that could be measured by hand or eye; nothing that could be found in existence. He told us about the German philosopher Immanuel Kant, who, confronted by what in his time was also an existential language, decided to “teach German to speak philosophy.” (This was in a time when the language of philosophy was either Greek or Latin.) I wasn’t too keen on philosophy, but since I was wrestling with The Language Problem, I wanted to prove that the language I was inclined to favor was adequate for 20th-century needs. I decided to teach Tagalog to speak philosophy. I started by trying to translate Kierkegaard, and gave up after a few attempts. It was not that Tagalog could not cope with philosophy, I reasoned out; I could not cope with philosophy.

As an existential language, however, Tagalog was perfect for poetry. I had two English professors who, strangely enough, were passionately interested in Tagalog literature. They wrote Tagalog poetry, as I did. This was, I think, my most fertile period (I was writing at the rate of a tula a night), and after class I would discuss Tagalog poetry with my English professors. Twentieth-century Tagalog poetry, we agreed, not only lacked roots in native tradition, but, worse, was alienated from contemporary world literature. We arrived at the conclusion that the trouble with Tagalog poetry was its addiction to sound and conventional music; it badly needed the ballast of imagery. We thought it was vital to established the importance of the concrete thing, the real object, the image. So we launched, without benefit of manifestoes or any other formalities, the Bagay Movement.

Today, seven years later, other Tagalog poets whom we didn’t know at the time, but who were themselves on a parallel course with us, speak to me of Bagay. I am surprised that they have even heard of it; we published only in the Ateneo’s literary journal and in an avant-garde magazine that folded up after the first issue. There are those who still do not quite understand what we were trying to do at the time, equating Bagay poetry with the “mestizo poems” of one of our members, who was writing a la The Sun before The Sun was ever thought of, and with more ease and naturalness. On the whole, however, as I keep discovering to this day, the Bagay Movement created something of a ripple in Tagalog literature. I like to think that it has, anyway.

So there I was, an English major writing in Tagalog, and all the while still debating in my mind what language to champion unreservedly. In my last year of college, I began to find it more and more difficult to write term papers on “The Archetype in Canterbury Tales” or “The Early Cantos of Ezra Pound,” things like that. Down went my grades and out went my scholarship, and I decided it was time to write, not the GFN, but something, anything, in Tagalog. I dropped out.

This was towards the end of 1964. Early in 1965, an election year, I found work as an interviewer, at the six-peso minimum wage, for Robot Statistics, a survey firm and a subsidiary of the international Gallup Polls. I liked the job: there was something offbeat, adventurous, glamorous about it; it brought me closer to the people I wanted to write about but felt alienated from; and it enabled me to stop wrssh-wrsshing like a goddam Arrnean. The job brought me to the wilds of San Nicolas and Tondo, to the hinterlands of Sapang Palay, to godforsaken barrios in the Tagalog region. I made mental notes of the linguistic quirks, in accent and vocabulary, that could be discovered in Batangas, Bulacan, Rizal, Marinduque. I spoke virtually no word of English during those trips; in the barrios I met nobody who was “English-spokening.”

I left Robot after about five months because I began getting what to me were bum assignments. Robot must have found out I could wrssh-wrssh like the best of its executives, and it put me to work in the plush districts of Manila, where most of the time I had to wait outside a high gate while the maid who had peered at me through a small round hole went into the house to inform the lord and master of my presence. Never was the gap between have and have-not more clear to me than it was in those humiliating hours of waiting—and I could see that language was an important instrument to maintain the gap. Once inside the Class A home, sunk in the soft sofa, surrounded by stereo and television and refrigerator and modern painting and maids in uniform, I found myself once again exercising my Arrneow acent, what little of it I had imbibed by osmosis. After two weeks of Ermita-Malate assignments, I said goodbye to Robot. It was no way to write a GFN.

Ironically enough, I ended up here in the Free Press. Jobs that required a knowledge of Tagalog were hard to come by.

It was here in the Free Press that I became finally and irrevocably convinced that English in the Philippines was in horribly bad shape, so grievously ill I doubted if it had any chances of recovery. I worked at the desk for more than three years, as copyreader and rewrite man, and the most irritating thing I had to do was edit the copy of earnest schoolteachers who angrily insisted that Filipinos had mastered English as a medium of communication and that English was here to stay. What reached my desk was copy that the executive editor already deemed worthy of publication—that is to say, it wasn’t as excruciatingly bad as the usual stuff he received. The stuff that the executive editor rejected outright and didn’t bother to pass on to me for copyreading was simply unbelievable.

Here’s a typical example of the sort of thing that pours daily into the Free Press office (it was passed on to me because it praises one of my articles to high heavens):

“Sunog! (Ang Lagay E…?) FP—June 14/69, by Jose F. Lacaba. Its enough to fervor your feeling against this redden society of ours with all sort of evils. It’s no longer a joked this Nation is really edging to ‘Satan’s’ path. The cunning characters of all government personnel are the inherited facts from the Americans. Their excessived display of their unmannerism and auspicious wheeling of their personal needs, which is not supposed to be conducived within our Nation, plunged those with weaks humors in such dubious weal.”

I wasn’t much of a newspaper reader before I joined the Free Press. Because in the beginning part of my job was to do a weekly news roundup, I found myself reading the papers daily, almost line by line, from front page to back. Reading the papers regularly, I soon found out, was an infuriating experience, a stomach-turning exercise, not only because the news was invariably bad but also because the grammar was worse. Never mind the reporters, but the columnists who were supposed to be tops in the trade! One could count on the fingers of one’s left hand those who could write a straight English sentence without garbling the syntax, putting subject and predicate at odds, misusing words, mixing metaphors, and wallowing in clichés. The mass media were often cited as proof that English was widely understood in the country; as far as I was concerned, they were the best evidence that the language was being debased and would come to ruin.

At the same time that I despaired of the future of English in the Philippines, I became hopeful about Tagalog. It was at this time that I learned to call it Pilipino.

As staff writer for the Free Press, I have done quite a lot of traveling around the country. What strikes me the most whenever I come into a new town is the abundance of theaters showing Tagalog movies, and stands selling or renting out Tagalog comic books. Nora Aunor is everywhere, from Jolo to Sorsogon, and I suppose all the way to Ilocos Sur, where I have not been to yet. I remember a film exchange representative telling me that in the provinces Tagalog movies beat English-language pictures any time, even if the Tagalog moviehouses are mostly rundown and flea-bitten. And everywhere, too, Pogi and Pilipino Komiks and all those little comic books available at every corner in Manila are doing brisk business.

What this proves is that Tagalog-based Pilipino is more widespread than its enemies think. The squealing teenager in Naga who adores Nora Aunor will not endure the fleas and the bedbugs if she cannot understand what Nora Aunor is saying between songs, and the housewife in Samar who buys Romansa Komiks will not throw away 50 centavos of hard-earned money if Romansa Komiks will not make her momentarily forget the routine and the drudgery of housework. Thanks to the movies and the comic books, I have very seldom encountered difficulty in communicating with people born and bred in a different Philippine language. They may not be able to express themselves very clearly in Pilipino, they may not be able to pronounce it properly, but they understand me and we understand each other.

I am talking, of course, of the so-called lower classes, those who have not had much of an education and can only afford the inexpensive pleasures of Tagalog movies and comic books. Higher up on the social scale, one needs English to communicate—and these are usually the people who are opposed to Pilipino as the national language, knowing as they do that it endangers their position as the current elite.

Dr. Bienvenido Lumbera, professor of English at the Ateneo, writing in Pilipino for Pilipino, sister magazine of the Free Press, has this to say on the situation:

“In the bourgeois mind of the power elite, the interests of their small group represent the interests of the entire nation. What is good for their class is good for the entire masses….

“Perhaps the Philippine situation can never be fully understood by someone belonging to the power elite. The Westernization of those who have graduated from the university is practically complete. The students who have learned English easily are the same ones who have quickly embraced the culture embodied by the English language. They are the citizens alienated from their fellow Filipinos because they live in an artificial society, a society built on the principles and objectives imported through the use of English. It is not surprising that many intellectuals believe that nationalism and the language problem are separate, that it is possible to show concern for the country without supporting Pilipino….

“As it is now, English is the language of government leaders, of the rich, of the professionals. While a leader unavoidably stands out from those he leads, the two should never be kept far apart. Neglect of the people’s needs or blindness to the nation’s true situation is the effect of the English language which, instead of being a bridge, serves as a fence separating the leader from the led.”

The students demonstrating in our streets are perceptive in that they realize their need to bring themselves closer to the masses. We keep worrying that Pilipino will cut us off from the world, but we are not bothered by the thought that English has kept us apart from our own people. The students who have turned their backs on the easy life of the privileged few, to which their education naturally qualifies them, and who have instead opted to, as they put it, “integrate with the masses” and “serve the people,” know that they can achieve their objective only by speaking a language known to the masses of the people.

Those who say that Pilipino is inadequate to meet the needs of the modern world are simply unaware that Pilipino has been making great strides in the past 10 years. Those who say that Pilipino has produced no significant literature are only confessing that they have read nothing of the literature written in Pilipino in the past 10 years. Those who say that Pilipino cannot cope with 20th-century science and technology have not heard Filipino engineers, for instance, talking business in Pilipino: their sentences are in Pilipino but they use English terminology when no terms in the language exist, in the same way that English unashamedly incorporated foreign words, spelling, and pronunciation, unchanged, into its own vocabulary. Those who fear that Pilipino will throw us back to the stone age do not know that Pilipino is already advancing into the space age, the age of revolution.

This is a very exciting period for Pilipino. The language is being bent, battered, hammered into shape, molded, to meet the needs of a rising generation. Read through the convoluted manifestoes of student radicals and you will see what I mean. The Pilipino they use may sound strange and artificial now, but that is because they are trying to make Pilipino bear a burden it has never borne before: they are teaching Pilipino to speak political science. Even now, the bright young men and women of the new generation are giving the language a cram course in philosophy, history, the social sciences, the natural sciences, even space technology. Give Pilipino a few more years and it will be the equal of any modern language in the world.

papel 10

11 Okt. 2009

Paksa: Ilang Tala ukol sa Siblaw Taraw

Pamagat:

Siblaw Taraw:
Ilang Palatandaan ng Incest at ang Kuwento bilang Isang Babala


Buod:

Sa paligid ng mahiwagang lawa ng Siblaw ay maraming hayop. Isang mangangaso ang doo’y nanghuli ng usa. Inabot siya ng gabi sa pagkatay nito. Pagkatapos, nakarinig siya ng matamis na tawanan sa may lawa. Pumunta siya roon at nakakita ng naliligong mga babae. Kinabukasan, pagsapit ng gabi, bumalik ulit siya sa lawa. Nasaksihan niya ang pagbaba ng mga nilalang na may pakpak. Pinagmasdan niya ang pinakamagandang nilalang sa lahat habang hinuhubad nito ang sariling pakpak.

Ninakaw ng lalaki at itinago ang kabiyak na pakpak ng pinakamagandang nilalang na iyon. Pagbalik niya, nag-iisa ito, naiwanan na ng mga kasama. Inalok niya ng tulong sa paghahanap ng pakpak ang nilalang.

Sabi ng nilalang, isa siyang taraw. Mungkahi ng lalaki, sumama na lang ito sa kanya bilang asawa. Malungkot na pumayag ang taraw. Hindi na kasi siya makalipad pabalik sa ama at mga kapatid na nasa langit.

Bilang mag-asawa, nagpatuloy sa pangangaso ang lalaki at si Taraw naman, tagaluto at tagalinis ng bahay. Nagkaanak sila, isang napakaganda ring sanggol.

Isang araw, habang naglilinis, natuklasan ni Taraw kung saan nakatago ang kanyang pakpak. Ginamit niya ito at nakalipad pero agad din siyang bumalik nang maalalang napakaliit pa ng kanilang anak. Hindi naman nagkahinala ang lalaki na alam na pala ni Taraw ang ginawa nitong panloloko noon.

Hinintay ni Taraw na magkagulang ang anak. Isang araw, kinausap na niya ang dalagitang anak. Ipinagtapat ni Taraw ang lahat. Bago siya tuluyang umalis ay nagbigay-babala pa siya. “Huwag sasayaw sa oras kung nais magtagal ang buhay.” Ang oras ay isang uri ng pagdiriwang sa kultura ng Ifugao. Buwan ang tagal nito at walang habas na kainan at kasiyahan ang nagaganap.

Natuklasan ng lalaki ang nangyari pag-uwi niya. Nalungkot siya ngunit agad ding sinabi, ang anak na ang papalit sa ina. Ito na ang magluluto at magtatrabaho sa bahay. Isang araw, dinala ng ama ang anak sa oras. Doon ay pinilit ng iba pang babae ang dalaga na magsayaw. Tumanggi ang dalaga pero pinilit ito ng ama. Pagkatapos ng ilang araw, nagkasakit ang dalaga. Ipinagtapat nito sa ama ang babala ngunit huli na ang lahat dahil hindi gumaling ang sakit ng dalaga. Tuluyan itong pumanaw. Mag-isang hinarap ng lalaki ang kanyang katandaan.


Muni-muni

Nabasa ko ang kuwentong ito pagkatapos kong basahin ang Tagabawa Texts at Molingling. Marami sa mga akda ang tungkol sa pagpaparusa sa sinumang makikisama (bilang kabiyak) sa kapamilya.

1. nabanggit sa Mga Tala ng kuwentong Paladayan na ang mismong pagnanasang pakasalan ang isang malapit na kamag-anak ay isa nang taboo.


2. Sa kuwentong Karapungat at Patulangan, ang magkapatid na Karapungat at Patulangan ay naging ilog. Ganito ang nangyari: isang araw, habang tumutugtog ang dalawa, isang linta ang dumapo sa suso ni Patulangan. Pinalis ni Karapungat ang linta gamit ang sarili niyang plawta. Tapos bigla na lang binaha sa kinatatayuan nilang dalawa.


3. Sa isang kuwentong mula sa A Voice from Mt. Apo, may magkapatid: sina Molingling at Kobodboranon. Nalunod si Kabodboranon at si Molingling ay naging igat nang sila ay nagpasyang magsama bilang mag-asawa.


Kaya naman, ang una kong naisip ay tungkol uli sa incest ang kuwentong Siblaw Taraw.

Ang “aral” na naisip ko ay huwag manloko dahil kapag ginawa mo ito ay ito rin ang magiging balon ng iyong dalamhati AT may masamang mangyayari kapag ikaw ay nakisama bilang asawa sa sarili mong kadugo.

Pinakadiin-diin sa kuwento ang kagandahan ni Taraw. Ito pa nga ang dahilan kung bakit siya ang napili ng lalaki na pagnakawan ng pakpak. Kaya noong sabihing babae rin ang naging anak nilang dalawa, may umuulpot-ulpot nang ending sa isip ko, “parang may incest na mangyayari dito,” kako. (Marahil ay malaki talaga ang impluwensiya sa akin ng mga balita sa tabloid sa kasalukuyan.)

Hinala ko’y aasawahin ng lalaki ang anak nang umalis na si Taraw. Nakadagdag pa sa aking hinala nang sabihin ng lalaki na ang anak na ang papalit sa ina. Sa ilang kaso kasi ng incest, ganon sa umpisa, iyong mga responsabilidad muna na dati ay sa nanay tulad ng pagpapanatili ng kaayusan ang unang ipinapaako sa anak: pagluluto at paglilinis. Pagkatapos, hindi maglalaon ay pati na 'yong papel na ginagampanan ng asawa pagdating sa sex.

Posible talagang mangyari ito dahil mukhang napakakimi ng anak. Nang iiwanan na siya ng ina, ni hindi ito nagprotesta. Hinabol lang niya ng tingin ang nanay nang ito ay paakyat na sa langit. Ni hindi niya kinumpronta ang tatay niya kahit alam na niyang niloko ng tatay niya ang nanay niya. Nang utusan siya ng tatay niyang pumalit sa ina sa pagtatrabaho sa bahay, hindi rin siya nagreklamo. Pagkatapos, isang hiling lang ng ama na magsayaw siya sa orasan ay ginawa na niya agad.

Kaya ang naisip ko, kapag nagpakita na ng seksuwal na pagnanasa ang tatay sa anak, hindi ito manlalaban.

Mabuti na lang at namatay siya. Kumbaga, gumawa ng paraan ang nanay na hindi maabuso ang sariling anak. Iyon nga lang, malupit ang kabayaran: sariling buhay.

Ang isa pang interpretasyon ko sa kuwentong Siblaw Taraw: ang kuwentong ito ay isang babala sa dayo.

Ayon kay Prop. Virgilio Almario, bagama’t bantog ang Pinoy sa pagiging hospitable, ang salitang hospitable ay walang katumbas sa ating wika. Malaki ang posibilidad na ito ay bansag lamang ng dayuhan sa mga dinatnang katutubo. Kumbaga, brainwash. Kung tinatawag ka nga namang maganda araw-araw, hindi ba’t tatangos ang ilong mo at tatanim sa isip mong maganda ka nga? At aasta kang beauty queen? Gayundin ang ginawa ng mga mananakop. Ipinamulat nila sa mga katutubo na hospitable ang mga ito para ibigay sa kanila ang pinakamahusay na papag kahit sa lapag matulog ang may-ari ng bahay at pakainin sila ng pinakamalinamnam kahit pa sa mga susunod na araw ay ipangungutang ng nagpapakain ang ilalaman sa sariling tiyan. At marami pang iba.

Sa kuwentong Siblaw Taraw, katutubo ang lalaki at dayo si Taraw. Palihim ang ginawang pagdayo ng mga taraw at aksidente ang pagkakatuklas sa kanila ng katutubo. Ngunit umpisa pa lang ay hindi na pinalampas ng katutubo ang pagkakataon. Pinili niya ang pinakamagandang taraw at sinimulang isagawa ang isang maitim na balak.

Wala sa bokabularyo ng katutubo ang hospi-hospitality. Hindi laging magiliw ang katutubo sa bagong salta. Kaya masasabi kong ang Siblaw Taraw ay isang babala. Kung dadayo, mag-ingat.

Thursday, October 8, 2009

papel 9

Konseptong Papel

Ebolusyon ng Pagong at Matsing:
Mulang Kuwentong Bayan Hanggang Aklat-Pambata

Bata pa ako ay narinig ko na ang kuwento ni Pagong at Matsing. Naawa ako kay Pagong dahil niloko ni Matsing. Galit akong lagi kay Matsing. Kampi akong lagi kay Pagong. Nang tumanda ako nang kaunti, nakita ko ang dalawa, sumasayaw at kumakanta na! Sa Batibot, isang pantelebisyong programa para sa batang Filipino noong dekada 80. Minahal ko na rin noon si Kiko Matsing pero katulad ng karaniwang bata, mas mahal ko pa rin si Pong Pagong.

Nang magkaanak ako at maging fan ng Adarna (Publishing), laking tuwa ko nang makakita ng kopya ng kuwentong Si Pagong at Si Matsing. Maganda at higit sa lahat ay may kulay ang drowing. Hanggang ngayon nga, parang bago pa rin ang binili naming aklat.

Noong isang buwan lang ay naatasan akong magkuwento sa mga batang bisita ng outreach program ng aming paaralan. Naghanap ako ng dadalhing tatlong aklat na pambata sa aming bahay. Isa sa mga ito ang Si Pagong at Si Matsing.
Matagal nang natapos ang pagkukuwento ko sa mga bata sa aming paaralan ay pakalat-kalat pa rin ang aklat sa aming bahay. Kaya nang nag-iisip ako ng paksa para sa aking papel na pananaliksik, isa ito sa mga isinaalang-alang ko. Tutal naman ay panitikang oral pa rin ito.

Bagama’t popular bilang kuwento (at kuwentong pambata) ay bibihirang gawing paksa ng pag-aaral ang kuwento ni Pagong at Matsing. Ang nakakalungkot pa, hindi lamang ito nangyayari sa Pagong at Matsing kundi sa napakaraming obra mula sa panitikang oral ng Pilipinas. Kaya naisip kong hindi na masama kung sa paggawa ng aking papel na pananaliksik ay makapag-ambag ako nang kahit kaunti sa larangang ito.
Ang Ebolusyon ng Pagong at Matsing ay isang pagsusuri sa iba’t ibang bersiyon ng kuwento ng Pagong at Matsing mula sa iba’t ibang pangkat-etniko sa Pilipinas hanggang sa popular na anyo nito ngayon, ang aklat-pambata.

Narito ang ilan sa mga layunin ng pag-aaral na ito:

1. Maitampok ang isang akda mula sa panitikang oral ng Pilipinas
2. Makatulong sa pagpe-preserba at pagpapanatili ng popularidad ng kuwentong bayan anuman ang anyo nito
3. Makatulong sa pagsusulong ng pag-aaral ukol sa mga kuwentong bayan
4. Maipakita at masuri ang mga pagbabagong naganap sa isang kuwentong bayan habang nagpapalit ito ng anyo
5. Maipakita ang mga kaibhan, pagbabago, dagdag at bawas sa mga bersiyon ayon sa konteksto ng pinaghanguan o pagkaka-produce nito
6. Matukoy ang mga puwersang nakakaapekto sa mga kaibhan, pagbabago, dagdag at bawas ng mga bersiyon
7. Makatulong sa pag-unawa at makapag-ambag sa pag-aaral ukol sa sikolohiyang Filipino

Ilan sa mga bersiyong pagbabatayan ng pag-aaral ay ang sumusunod:

1. bersiyon ni Jose Rizal na inilathala sa Philippine Folklore (Damiana Eugenio)
2. bersiyon ni Jose Rizal na inilathala sa Early Philippine Literature from Ancient Times to 1940 Revised Edition (Asuncion Maramba)
3. bersiyong Bilaan na inilathala sa Philippine Literature: A History and Anthology (Bienvenido Lumbera at Cynthia N. Lumbera)
4. bersiyon ni Padre Alcina na inilathala sa Barangay (William Henry Scott)
5. bersiyong Maranao na isinalaysay muli ni Maximo Ramos at inilathala sa Literature for Filipino Children (Lydia Profeta at Remedios Coquia)
6. bersiyong Kalinga na isinalaysay ni Pedro Bayangan at inilathala sa Stories and Legends from Filipino Folklore (Ma. Delia Coronel)
7. bersiyon ni Danilo Consumido na inilathala ng Adarna House, Inc.

Madaragdagan pa ang bilang ng bersiyon na ito. Ayon kay Coronel, ika-26 ang bersiyon na nalathala sa kanyang aklat dahil si Prop. Fansler daw ay nakakita na ng 25 bersiyon nito.

Sisipatin din sa pag-aaral na ito ang pagpasok ng mga dagdag na tauhan, pangyayari, lunan, paraan ng pag-iisip ng mga tauhan at ang kanilang mga hakbang, gawain at tugon. Sasaliksikin din ang pinagmulang kultura ng bawat bersiyon.
Inaasahang pagkatapos ng pag-aaral ay magkakaroon ng mas malalim na pagtingin at pagbibigay-importansiya sa mga puwersang matutukoy na nakakaapekto sa produksiyong pampanitikan. Inaasahan ding madaragdagan ang pag-unawa at ugnayan ng mambabasa o tagapakinig sa mga tauhan ng kuwentong bayan o aklat-pambata. Inaasahan ding magdudulot ang pag-aaral na ito ng dagdag na interes na pag-aralan pa ang mga aklat-pambata, kuwentong bayan, panitikang oral at panitikang Filipino sa pangkalahatan.

Panimulang Sanggunian

Alcina, Francisco Ignacio. Historias de las Islas e Indios de Bisayas 1668. Translated, annotated and edited by Cantius J. Kobak and Lucio Gutierrez, O.P. Manila: UST Press, 2002.

Balayon, Theresa D. “An Analysis of Three Bilayan Folktales.” Mindanao Journal 1, 2 pp. 47-50. Oct.-Dec. 1974.

Beyer, H. Otley. Philippine Folktales, Beliefs, Popular Customs and Traditions. A collection of original source material for the study of popular literature and native social culture of the Philippines. Selected in May 1914, from the General Henry Otley Beyer in Philippine Ethnography. Vol. 1: Data from Christian Provinces. Manila: 1941-1943.

Consumido, Danilo. Si Pagong at Si Matsing. Quezon City: Adarna Book Services, 1987 at 2006.

Coquia, Remedios at Profeta, Lydia (eds.). Literature for Filipino Children. Quezon City: Ken Inc., 1968.

Coronel, Ma. Delia. Stories and Legends from Filipino Folklore. Manila: UST, 1967.

De Castro, Leonardo. Folklore: Pilosopiya ng Masa. PSSC Social Sciences Information v. 28 no. 1, pp. 1-3. Jan.-June 2000.

Eugenio, Damiana (ed.). Philippine Folk Literature: The Folktales. Quezon City: UP Press, 2001.

Fansler, Dean. Filipino Popular Tales. Hatboro, Pennsylvania: Folklore Associates, Inc., 1965.

____________. Story Patterns, Story Groups, Incidents, and Motifs in Philippine Folktales. Typescript. UP Main Library, Filipiniana.

Lumbera, Bienvenido and Lumbera, Cynthia (ed.). Philippine Literature A History and Anthology. Pasig City: Anvil Publishing, 1997.

Manning-Sanders, Ruth. Tortoise Tales. London: Methuen Children’s Books, 1976.

Maramba, Asuncion David. Early Philippine Literature from Ancient Times to 1940 revised edition. Pasig City: Anvil Publishing, 2006.

Ramos, Maximo (ed.). Tales of Long Ago in the Philippines. Manila: Alip and Sons, Inc. 1953.

__________________Philippine Myths and Tales. Manila: Bookman, Inc., 1957.

__________________Philippine Myths, legends and Folktales. Quezon City: Phoenix Publishing House, 1990.

Rizal, Jose P. “Two Eastern Fables,” Trubner’s Oriental Record, 3rd Ser. No. 247 (July 1889). Reproduced in University of Manila Journal EAS, VIII, 1-2 (Jan.-Apr.1959), 187-188.

Sax, Boria. The Mythical Zoo: An Encyclopedia of Animals in World Myth, Legend and Literature. Santa Barbara, CA: ABC-Clio, 2001.

Scott, William Henry. Barangay Seventeenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City: ADMU Press, 1994.

The Standard Dictionary of Folklore, Mythology and Legend. Ed. By Maria Leach. New York: Funk and Wagnalls Company, 1949.

Thompson, Stith. The Types of Folktale: A Classification and Bibliography. FFC 184. Helsinki, 1961. Trans and enlargement of Antti Aarne’s Verzeichnis der Marchentypen, FFC 3.

Werness, Hope. The Continuum Encyclopedia of Animal Symbolism in Art. New York: Continuum, 2003.

AT SA KASAWIAMPALAD ANG TANONG NG GURO KO AY: PAANO MO PALALALIMIN PA ANG IYONG PANANALIKSIK?

LORD, PA'NO BA?

papel 8

PANITIKANG ORAL 230
7 Okt. 2009


Paksa: Mariang Makiling ni Jose P. Rizal

Si Maria at Ang Endo

Nalathala sa La Solidaridad noong 1890 ang bersiyon ng kuwento ni Mariang Makiling na isinulat ni Rizal sa ilalim ng sagisag-panulat na Laong Laan. Sa lahat ng nabasa at narinig kong kuwento ukol sa babaeng ito, ang kay Rizal ang pinakanagustuhan ko. Madulas ang wika at kahit mahaba ay hindi nakakabagot. Kung gaano ka-magical si Mariang Makiling, ganon din ka-magical ang dating ng akda. May pakiramdam din na para akong nakikinig lang sa isang kaibigang nagkukuwento. Isang kaibigang ubod ng lungkot.

Narito ang buod:

May isang mahiwagang babaeng ang ngalan ay Mariang Makiling. Mag-isa siyang naninirahan sa bundok. Napakabait niya sa kapwa. Lahat ng humihiling sa kanya ay kanyang binibigyan. Ngunit marunong din siyang magparusa. Ang sinumang manakit ng hayop ay makakatikim ng parusang may halong kapilyahan ni Maria.

Lumipas ang pagkarami-raming taon ay hindi nagbago sa hitsura at ugali si Mariang Makiling. Ngunit dumating ang panahong bigla na lang siyang naglaho. Tatlo ang itinuturong dahilan: ang pagiging abusado ng mga tao sa paligid, ang pangangamkam ng mga prayle sa kanyang ari-arian at ang ikatlo ay kasawian sa pag-ibig.

Isang binatang magbubukid ang inibig daw ni Mariang Makiling. Wala sanang suliranin sa kanilang suyuan kundi lang dumating ang panahong kailangang makipagbunutan ang binata para maging kintos o kawal. Lahat ng binata’y takot sa sitwasyong gayon. Nagiging masamang tao ang sinumang mamuhay sa kuwartel. Ngunit may paraan naman para doon ay hindi magtuloy: ang magputol ng sariling daliri, sirain ang sariling ngipin sa pamamagitan ng pagpapabunot, mamundok, magpatiwakal o mag-asawa.

Ang huli ang pinili ng binata. Ngunit sa iba at hindi kay Maria. Mula nga noon ay hindi na napagkita ang mahiwagang dalaga.

Muni-muni

Nang mabasa ko ito ay naalala ko ang pelikulang Endo. Tungkol naman ito sa isang lalaking paiba-iba ng trabaho dahil sa contractual lamang ang kanyang napapasukan. Pagkaraan ng anim na buwan ay endo na siya. End of contract. At kailangan niyang iwan ang trabaho kahit napamahal na ito sa kanya. Kailangan din niyang iwan ang mga kasama. Kahit pa napamahal na rin ang mga ito sa kanya. Bigla na lang ay hindi na sila magkikita-kita tulad ng nakagawian nila dahil magtatrabaho siya sa ibang kompanya naman.

Ipinakita sa pelikula kung paanong naapektuhan ng kontraktuwalisasyon ng trabaho maging ang personal na buhay at pakikipag-ugnayan sa kapwa ng karaniwang Filipino. Napakatingkad ng mensahe: ang kontraktuwalisasyon ay hindi nakakatulong sa pagkakabuo at pananatiling buo ng pagkatao ng isang Filipino. Ito ang dahilan ng pagkakawasak ng mga relasyon, sa pag-ibig man, pagkakaibigan at iba pa.

Nakita ko ito sa Mariang Makiling ni Jose Rizal.

Palagay ko’y mananatili ang ugnayan ni Maria at ng binata kung hindi naman dumating ang “panahong nararapat nang makipagbunutan kung sino ang sa bawa’t lima katao’y magiging kintos o magiging kawal.” Ito ang pumutol sa maliligayang araw ng dalawa. Ito ang “istorbo.” Katulad ng kontraktuwalisasyon, ito ay hindi nagdudulot ng kabutihan sa pagkatao ng tao. Binanggit ni Rizal ang mga dahilan kung bakit tiyak na aayaw ang binata tulad ng marami pang katutubo sa pagiging kintos o ang paglilingkod sa hukbo:

1. Mawawala ang kabataan, tahanan, angkan, mga dakilang damdamin, hiya, kung minsa’y karangalan.
2. Pito o walong taong pamumuhay sa kuwartel na ipinagiging hayop at nakapagtuturo ng mga bisyo…
3. …na ang malalaswang salitang pabulas ay nagpapakilalang walang kinikilalang batas na umiiral sa hukbo na hangga ngayo’y nasasandatahan pa ng panghagupit…
4. …na ang tao’y natutulog nang may mga luha sa mata at nananaginip ng kakila-kilabot na bagay, upang magising na matanda na, walang kabuluhan, masama ang kaasalan, mahilig sa dugo, at malupit.

Sa kontraktuwalisasyon, iniipit ng sistema ang manggagawa. Lumalabas na dadalawa lamang ang mapagpipilian: kawalan ng trabaho o trabahong kontraktuwal. Sa ibang salita: gutom o basag-basag, putol-putol na relasyon sa kapwa. Parehong bangin.

Sa Mariang Makiling, heto ang pagpipilian ng binata:

kintos/ O pagputol ng sariling daliri
kawal pagpapabunot ng ngipin noong
(balikan ang bilang 1-4 sa itaas) panahong kailangan pang
kagatin ang kartutso,
pamumundok/panunulisan
pagpapatiwakal
pag-aasawa (na madalas ay arranged
marriage sa taong hindi mo gusto)

Pareho ring bangin. Katulad ng manggagawang walang masyadong pagpipilian, pikit-matang tumalon ang binata sa bangin para lang “mabuhay.”

Kaya masasabi kong wala talagang hatid na maganda ang “panahong nararapat nang makipagbunutan kung sino ang sa bawa’t lima katao’y magiging kintos o magiging kawal.”

At maaaring basahin bilang “ang mananakop na mismo” ang tinutukoy na panahong ito dahil sila naman ang nagdala niyan sa ating bayan. Kung hindi dumating ang mananakop, walang ganitong panahon, walang kailangang pagpiliang mga bangin, walang kailangang maghirap at mamatay. Patuloy lang ang matamis na ugnayan. Patuloy ang buhay sa piling ni Mariang Makiling.

Hindi copyright, pero usapin pa rin ng karapatan ng manunulat

  Minsan, hindi talaga usapin ng copyright ang isang bagay. Ito ay recently kong naengkuwentro. Si Kyla ay na-meet ko sa isang writers works...