Wednesday, January 28, 2009

If only....

12 Enero 2008

Kanonood ko lang ng pelikulang If Only. Okey naman siya. Maganda ang kuwento. Maganda ang idea.

Hindi ko lang type yung artista. Si Jennifer Love Hewitt ang bida. E, yung babaeng yon, parang laging nagpapacute sa camera. Saka pinagmumukha niyang cheap ang mga Amerikana. Briton ang kanyang boypren sa pelikula at sa UK ang setting nito.

Kada magsasabi ng I love you, siya o yung boyfriend niya, e hahalik nang matindi itong si Jennifer na para bang ito lang ang paraan para maipakita ng isang Amerikana ang pagmamahal niya sa bf.

Hello? How primitive.

Me eksena pa nga doon na nang sabihan siya ng jowa niya ng I love you, biglang nakipagtorrid si Jennifer at nagtanggal ng blouse. Para bang, I love you sabi ng guy. Sex na! sagot niya hahaha

Nakaimpluwensiya din yung sinabi ni Karen sa akin bago ko mapanood ang pelikula. Tungkol daw iyon sa number of deaths. Me mamamatay at mamamatay sa isang araw. Me quota ng death araw-araw.

Bigla ko tuloy naisip, what if hindi pa nakakaquota si Kamatayan at ikaw ang nasalubong niya?

Yari ka.

Kaya eto, I’m doing what i love to do most. Writing.

Makasalubong ko man siya ngayon, at least nagawa ko kung ano yung gustong gusto kong gawin bago ako mamatay.

Sana lagi akong makapagsulat. Mas maganda sa umaga. Dati gusto ko nang gawin itong habit. uma-umaga, sulat-sulat. Di ko naman magawa.

Kasi ang pagsusulat para sa akin, ay dapat na pinag-uukulan talaga ng oras. Yung tipong uupo ka nang matagal. Ayos lahat ng nasa paligid mo. Walang problema.

Bigla tuloy akong nagdoubt. Tangina. Hindi yata talaga bagay sa akin ang maging manunulat.

Magulo lagi ang paligid ko. Lagi akong me problema. Lagi akong me iniisip. Kung wala naman, naghahanap ako ng problema at iisipin. Kung wala talaga, umiiwas pa rin ako sa pagsusulat.

Pano na?

O baka wala lang talaga akong disiplina ng isang manunulat.

Pano na nga?

Dahil diyan, 'wag ka munang sasalubong, ha, Kamatayan?

Loser!

12 Enero 08



Nawalan na naman ako ng cellphone.



At ang masakit doon, biglaan na naman. At kagabi at ngayon ko lang na naman nare-realize ang epekto. Siyempre masakit. Magpapalit na naman ako ng cel kung kailan medyo nagiging close na kami nitong cel kong nawala na nga. Gamay ko na kasi ang cel ko e. Alam ko na ang mga sumpong nito. Tapos ngayon, ano? Panibagong cel na naman? Kasi kailangan e. Wala namang magawa.



Bakit kaya ganon?



Ang naiisip ko tuloy, life is but a series of loss. Life is all about coping with loss. How you deal with it.



Pero hello, you win some you lose some. Hindi naman laging nawawalan ka. At katulad ng batas ng kalikasan, kapag may nawawala, may dumarating.



Pag may napipigtal na dahon, may tumutubong bago. Kapag may nahuhulog na bunga, may susulpot na bago. Kung may paalis na alon, mayamaya lang ay mayroon din namang darating.



Hay. I guess this, writing about loss, is my way of coping.

Friday, January 23, 2009

Gullas, por yu

Katatapos lang ng academic lecture ni Mam Dinah Ocampo Cristobal. Ang pamagat ay LITERACY DEVELOPMENT. Ang galing-galing niya at napapanahon ang kanyang lecture. Siyempre wish ko lang katabi ko si Gullas kaninang umaga.

Narito ang mga natutuhan ko, AT YES, GULLAS, KUNG NABABASA MO ITO, PARA RIN SA IYO ITO:

Mas mahusay na makapagbabasa ang isang tao kung pamilyar sa kanya ang paksa ng babasahin niya. Isa sa mga dahilan nito ay may better recognition of words.

Kaya huwag nang pabasahin ang mga estudyante ng mga irrelevant na mga bagay. Ibinigay na halimbawa ni Mam Dina ang ginawa ng isang guro na kakilala niya. Pinabasa raw nito ang mga estudyante ng isang teksto tungkol sa paggawa ng maple syrup. Ang maple syrup pala ay ginagawa lamang sa Virginia, US kung saan tumutubo ang mga maple tree. Kaya ang bulalas ni Mam Dina, who cares about maple syrups and trees in the Philippines? Oo nga naman.

Ang kaalaman sa salita ay nag-uumpisa sa kaalaman sa tunog.

Kapag mas maraming experience ang bata sa mundo, mas marami siyang masasabi tungkol dito at mas malilinang ang kanyang language skills dahil dito.

Kung sa mas maraming language models exposed ang bata, mas maraming opportunities ang naibibigay sa bata para matuto ukol sa wika.

Di maganda ang overemphasis sa grammar. Kasi baka ito lang ang nauunawaan o nasusundan ng isang bata. Tapos hindi naman naiintindihan ’yung binabasa. Nagdedepende lang siya sa kaalaman niya sa grammar para matapos sa pagbabasa.

Madaling ma-associate ng bata ang visual symbols sa concept. For example ang letter ng M ng Mcdo. Kahit M lang yan, kung anu-ano ang naaassociate ng bata rito.

Ang mga batang mahusay sa tugma ay nagiging mahusay na mambabasa.

More experience=more words=more knowledge=gives them more experience uli. It's a cycle, baby!

Magandang ituro rin ang idioms ng bawat subject. Halimbawa, sa math.
A table with corresponding values….
Dapat naituturo natin sa estudyante na ang table sa phrase na ito ay hindi na ang karaniwang table na alam natin. At ang values ay hindi ukol sa pagpapahalaga. Dapat ay iniinspect din ng mga guro ang mga parirala at ipinapaliwanag sa estudyante kung may idiom man ang mga ito.

Iminumungkahi ni Mam Dina na maghinay-hinay tayo sa English language teaching kasi mas makakatulong kung pag-iigihin muna ang pagtuturo sa wika na mas bihasang sinasalita ng mga estudyante.

Decoding or language skills?
Marami sa mga school children natin ang marunong ngang magbasa pero hindi naman nauunawaan ang binabasa.

Ang nakakalungkot, hindi ginagamit ng gumagawa ng batas ang mga ganitong klase ng pananaliksik tungkol sa pagbabasa.

Ang mahusay na mambabasa ay nagiging mas mahusay pa. (parang diving a, best teacher sa diving ay diving mismo.) at poor reader becomes poorer reader.

Ang pagbabasang muli ng iisang aklat ay nagbibigay sa’yo ng confidence sa paglikha ng kahulugan. Kasi hindi naman talaga nagbabago ang aklat. Ang nagbabago ay ikaw. So as you get older, may “bago” kang nababasa sa isang akda na hindi mo nabasa noon. You create meaning at magdudulot ito ng tuwa sa sarili mo.

Dahil dito, mas nagiging meaningful ang iisang aklat na binasa nang maraming ulit.

Ang kalidad ng teksto ay nakakaapekto sa comprehension. Kasi ang organisasyon ng teksto ay nakakatulong sa atin para makaunawa.

Kung nababasa mo ang isang salita, malamang ay nauunawaan mo ito. Kasi ibig sabihin, narinig mo na ito noon.

Ang pinakapangunahing layunin ng pagbasa ay ang pagbibigay-ligaya sa sarili.

Ang pagbabasa sa wikang Filipino ay mas madali kaysa sa pagbabasa sa Ingles. Kasi hindi lang abilidad sa pagbabasa ang kailangan sa Ingles. Pati ang pagde-decode, kailangan din.

May isang research na isinagawa si Mam Dina. Pinabasa raw nila ang ilang grupo ng mga estudyante mula sa pangkat-etnikong Manobo. Ang mga pinabasa ay:
teksto sa Ingles at ang paksa ay city life
teksto sa wikang Manobo at ang paksa ay city life
teksto sa Ingles at ang paksa ay buhay-Manobo
teksto sa wikang Manobo at ang paksa ay buhay-Manobo

Tapos nagpa-exam sila sa comprehension.

Pinakamataas ang score ng mga nakabasa ng tekstong ukol sa buhay-Manobo at nasa wikang manobo. Pumangalawa ang nasa wikang Ingles at ukol sa buhay-Manobo.

Ang development ng literacy ng isang bata ay nakadepende sa wika. Hindi pantay ang literacy development sa wikang Filipino at sa wikang Ingles.

Hindi sabay na natututuhan ng bata ang pandiwa, pang-abay at iba pa sa wikang Filipino at sa wikang Ingles. Kaya hindi tamang itinuturo at pinag-aaralan ito nang sabay.

Mas mabilis talagang matuto sa Filipino kaysa sa Ingles. Kaya sa pagtuturo ng comprehension o analytical skills o anumang cognitive skills, gamitin ang Filipino tapos saka ipasok ang mga akda sa ibang wika dahil meron na silang nabanggit na skills, language skills na lamang ang kailangan nilang linangin.

Maraming natu-turn off na estudyante sa pagbabasa kasi akala nila mahirap ito. Pero actually, nahihirapan lang sila sa pagbasa ng tekstong nasa Ingles kasi dalawang skills agad ang kailangan nilang paganahin. Yung language at yung cognitive.

Kaya iminumungkahi ni Mam ituro muna ang cognitive skills sa wikang Filipino. kapag alam na alam na nila ito, saka sila pabasahin ng teksto sa Ingles. Dapat laging tingnan ang strength ng mga estudyante at doon mangapital. Kasama sa strength ng sinumang estudyante ay ang wikang nasa puso niya.

Importante ring matuto ng strategies sa pagbabasa. Ang mga estudyanteng nagte-take notes ay mas maraming naaalala kaysa sa mga nagbabasa lamang ng hand out sa isang lecture.

Nakakalungkot ang mga bill tulad ng Gullas bill. Kasi isinusulong nito, sa bulag na paraan ang wikang Ingles. Ayon sa batas na ito, must ang paggamit ng Ingles maging sa social interaction. E di, maghahari ang katahimikan sa playground! Paano na kaya ang mga Christmas party? Sa Ingles magsasalita ang lahat? E, paano kung sa Bicol ang Christmas Party? Ingles din? Sana maunawaan ng mga gumagawa ng batas na ito na ang pinakasentro ng edukasyon ay ang bata. At ang wikang nasa puso ng bata ay makakatulong sa tunay niyang pagkatuto.

Ang literacy ay nangyayari kung mayroon kang sapat na kasanayang pangwika para masuportahan ang komprehensiyon.

Knowledge in oral language helps you to read.

Buti na lang at may House Bill 3719 ni Gunigundo. Isinusulong ng batas na ito na ang inang wika ang gamitin bilang medium of instruction. Aba, mas natural nga namang magturo ng science sa wikang Ibatan kung ikaw ay taga-Batanes.

Isa sa mga narealize ko sa seminar na ito ay napaka-Filipino at English centered naman pala ng mga advocates ng dalawang wika. Parang bigla akong nagising. Bakit nga ba kinakalimutan natin ang wika mula sa ibang panig ng Pilipinas? Bakit hindi natin ito isama at gamitin sa pag-e-educate ng mga kabataang Filipino? Bakit patuloy nating ipinaglalaban ang Ingles o Filipino bilang iisang wikang gagamitin ng lahat?

Nakalimutan yata ng mga gumagawa ng batas na 7107 islands ang bumubuo sa Pilipinas. 90 million ang ating populasyon. May kanya-kanya tayong paraan ng pagkatuto at pag-aaral. Bakit hindi gawing ito ang batayan ng batas?

Sana ay maging kasingdiverse at flexible ng kulturang Filipino ang ating mga batas lalo na sa wika.

Saturday, January 17, 2009

ronald everywhere!

Napapalibutan ako ng mga Ronald.

Hindi ko napansin ito hanggang dumating siya sa buhay ko.

One. Ang pangalan ng dati kong bespren ay Ronald. Well, kaibigan ko pa rin ang Ronald na ito hanggang ngayon, pero hindi na kami magbespren. Kasi bespren ko rin ang asawa niya. Si Eris. In fact, dahil sa akin kaya nagkakilala silang dalawa. Magbespren kaming tatlo. Pero magmula nang magkarelasyon sila’t eventually ay ikasal, hindi na kami naging super close ni Ronald.

Ayos lang naman. Hindi naman sa talagang nag-iwasan kami pero ethics na rin siguro iyon. Kasi nga, may asawa na siya at bespren ko pa ang napangasawa niya. Baka kapag nagsarah's kami o maglakwatsa sa sulok-sulok ng Luzon, Visayas, Mindanao at may makakita, mapag-isipan pa kami nang masama. Saka sa totoo lang, parang hindi naman namin sinasadyang lumayo sa isa’t isa. Nawalan lang yata kami ng pag-uusapan. Nag-uusap na lang kami pag organisasyon namin ang paksa. Bago ako ay siya ang pangulo namin.

E, ngayon, di siya masyadong aktibo sa org, kaya di na rin kami nakakapag-usap.

Two. Yung parang tumatayong bespren ni Jowa ngayon ay Ronald din ang pangalan. Taga-Bataan naman 'to. Kapatid ng isang mayor doon. Masayahing tao ang Ronald na 'to. Magaan kasama. Laging nasa shop ni Jowa kahit hindi naman magda-dive. At nag-Mason pa, dahil sa impluwensiya ni Jowa.

Three. Four. Five. Six. Sa faculty room, may apat na Ronald:

Si Paguts, na ka-close ko ngayong 2nd sem dahil lagi kong kasabay maglunch. Di naman kaming dalawa lang, ano? Kasama namin lagi sina Sir Mak, Mam Cora, Sir Benj, Sir Bob at Karen. Econ teacher si Paguts na, yes it’s a small world, dating estudyante ni Sir Mike Coroza sa southridge. Mahusay daw tumula itong Ronald na ito sabi ni Sir Mike. I'm yet to discover hahaha... Matangkad at patpatin itong si Paguts, na siyang dahilan kung bakit me naaalala akong ibang Ronald kapag nakikita ko ang kanipisan niya.

Si Sir Manalo na teacher sa Math at medyo cute ang height. Taga-Cavite rin!

Si Sir Ronnie na Econ teacher (din) at payat na payat (din). Parang pang-grade 5 ang katawan. Unfortunately, ganon din ang height.

At si Sir Fernandez na Computer course naman ang itinuturo. Yummy este matipuno ang katawan niya.

Kapag me napadayong estudyante sa faculty room at nagtanong ng “andiyan po ba si Sir Ronald?” Ang ibinabalik naming tanong ay

Anong size? Large? Medium? Small? O extra small?

Common nga yata talaga ang pangalan na 'yan.

RONALD.

Seven. Sabay ng kasagsagan ng problema ko sa pag-ibig ay ang tulawikaan event ng aming org. At parang joke talaga ng tadhana dahil ang assistant ni Mam Madrunio, ang chair ng departamentong tumulong sa aming org para maisakatuparan ang tulawikaan event, ay Ronald ang pangalan.

Lagi kong kausap noon pa man itong si Sir Ronald. As in first day ng pagtuturo ko pa lang sa Uste noong 2007. Siyempre hindi ko rin napansin na Ronald ang pangalan niya! Siguro nasanay akong may sir ang tawag sa kanya.

Dahil assistant siya ni Mam Madrunio at ako ang contact nila sa org namin, lagi kaming magkausap. Sir Ronald, Sir Ronald, kako. Minu-minuto.

Agosto yan. Kasagsagan ng bagyo. Sa puso at sa career.

Hay.

At ang Ronald na dahilan ng blog entry na ito?

Ay isang kaibigan na nakilala dahil sa trabaho ko noon sa panitikan.com.ph. Nagre-research ako tungkol sa mga pampanitikang samahan at ibinigay ni Sir Vim ang cel no. niya. Isa siya sa pinakamabilis na nagreply nang humingi ako ng mga detalye tungkol sa org nila. Nagmeet pa kami para maipaliwanag niya ang mga sagot sa tanong ko tungkol sa kanilang org, ang Cavite Young Writers Organization kung saan siya ang pangulo.

2005 iyon. At hindi ko akalaing magtatagal at lalalim ang ugnayan namin sa isa’t isa. Akala ko nga, dahil maraming nanghuhulang ikakasal ako last year, ay talagang tadhana na itong pagkikita namin. Akala ko rin, sign pa ang pagkakaroon niya ng pangalang iyan, na pangalan nga ng asawa ng bespren ko at pareho pa sila ng pinanggalingang lugar: Cavite.

Iyon pala, narealize ko, na marami ang nanghuhulang ikakasal ako ay dahil panahon na para ikasal ako. 29 na ako. Natural lang na tuksuhin nang tuksuhin ng kasal ang mga nasa ganyang edad, ano? At yung kapangalan niyang bespren ko ay coincidence lang talaga. Patunay pa ngang common ang pangalang iyan ang nasa listahang ito.

Gayumpaman, ang partikular na Ronald na ito ay isa sa mga ipinagpapasalamat kong dumating sa buhay ko.

Dahil sa kanya, I have learned to see things in a different way.

Salamat uli ha, Poy.

Saturday, January 10, 2009

turning siamese

sa hndi malamang dahilan, ang pumasok sa isip ko kaninang umaga, in fact, unang thought sa isip ko paggising, ay tungkol sa siamese twins.

tinanong ng utak ko sa akin eto:

kapag ba kinurot ng isa sa siamese twin na magkadikit sa balakang ang binti ng kakambal niya ay masasaktan din siya?

tawa nang tawa ang mga estudyante ko kanina nang ikuwento ko itong nangyari sa akin sa umaga. nawiwirdohan siguro sila.

may napanood ako dati na spanish film. may isang quote doon tungkol sa siamese twin. parang fuck yourself.

siguro ang ibig sabihin nito, kapag sinuntok mo ang kakambal mo, sinuntok mo na rin ang sarili mo.

Hindi copyright, pero usapin pa rin ng karapatan ng manunulat

  Minsan, hindi talaga usapin ng copyright ang isang bagay. Ito ay recently kong naengkuwentro. Si Kyla ay na-meet ko sa isang writers works...