Di ko na alam ang gagawin kay Colay. Huli kaming nagkita noong October 31 hanggang umaga ng November 1, dinalaw namin si Dadi sa sementeryo. Kasama namin sina Incha, Dilat, Kagome, Noah, Iding at Bianca.
Ang meeting place namin ay Jollibee Kabihasnan. Mga 1.5 hours kami roon dahil itong si Colay ay huli nang pinahabol si Noah. So habang naghihintay, kumain muna kami, tutal ay kabi-birthday lang ni Iding. Iyong dala kong gamit na kandila sa birthday cake ni Gene ang itinundos ko sa tatlong cupcake na binili ni Incha sa kaibigan niya that same night. Tapos nagkantahan kami ng happy birthday. Saka kumain.
Habang kumakain ay dumating si Noah. Nag-order na rin ito at sumabay sa amin. Di ko siya masyadong nakasalamuha noong birthday ni Ayin, mabuti rin at nakita ko sila ni Iding ngayon. Maporma ang dalawa. Akala mo ay tipikal na teenager, walang problema. Naka-t-shirt, maong at rubber shoes. Si Iding, makapal na silver ang kuwintas, ang gara ng relo, bago ang rubber shoes, puti. Si Colay, ampayat na naman, mukhang haggard, mukhang hindi pa naliligo. Naka-t-shirt at shorts, tsinelas. Walang dala kundi isang payong. Parang wala ring dalang wallet o coin purse. Meaning, wala siyang kapera-pera.
Pagkatapos kumain, ibinalot niya sa wrapper ng kanin ang mga buto ng manok. Para daw sa mga alaga niyang pusa. May natira din siyang kanin, ibinalot din niya ito, tapos, inutusan niya si Iding na humingi ng plastik sa counter. Sa plastik niya inilagay ang mga ibinalot. Sabi ni Incha, te, bawal yan. Napalingon ako. Nag-angat ng tingin si colay habang nakangiti sa amin. Sabi niya, bawal ba? Dahan-dahan niyang inilabas ang isang kutsara na mabilis pala niyang ipinasok din sa plastik.
Sabi ko, kung kailangan mo niyan, bibilhan kita. Di umimik si colay. Alam ko, nahiya siya sa kanyang ginawa. Di ko alam kung bakit niya ginawa iyon. Kulang ba ang kutsara sa bahay niya? Ginawa na ba niya iyon dati? Mataas ang pride ni Colay. Kaya nga nagkawengwang buhay niya, e. Ayaw niyang humihingi ng tulong. Di rin iyan nagnanakaw. Sabi ni Mami, kahit walang-wala si Colay ay mas pipiliin nitong gumawa ng paraan kaysa mangutang, kaysa magnakaw.
Sa biyahe, ambon-ulan na. Pagdating sa sementeryo, ambon-ulan pa rin. Dahil iisa na lang ang tricycle papasok ng sementeryo ay napilitan kaming maglakad ni Colay. Noon niya naikuwento na nasaksak si Gilmore. Sabi ko, bakit, anyare? Sabi niya, nagpatakbo daw siya ng P300 sa isang kaibigan. 'Yong singkuwenta raw, para sa kanyang kaibigan pero inestapa pa rin siya nito. Nang sitahin daw ni Gilmore iyong nang-estapa, ito pa raw ang nagalit. Isang gabi ay bigla nitong sinaksak sa likod ng balikat si Gilmore. Si Colay ang naghatid dito sa ospital at nagbantay. Malamang, siya rin ang gumastos sa lahat. Ate, sabi niya, di makausap nang maayos ang doktor. Kada ilang oras ay pinapa-x-ray niya ang likod ni Gilmore. Sabi ko, bakit po? Sagot sa akin ay basta, sumunod ka na lang. Ba't ganon,te, e gusto lang naman naming malaman kung bakit.
Iba ang nasa isip ko, hindi ang masamang pakikitungo ng doktor, kundi.. di pa rin talaga siya tumitigil. Nakababad na ang puso ko sa takot sa tokhang. Dahil kay Colay. Kapag may nababalitaan akong babaeng binaril sa Las Pinas o Paranaque o Cavite, tine-text ko agad si Colay. Tsine-check ko kung buhay pa siya. Nakakatawa, ano? Minsan nga, nag-panic kaming magkakapatid dahil hindi siya makontak nang ilang araw. Hindi siya sumasagot sa mga text o sa FB. Ayaw sana naming sabihin kay Tisay pero siya ang pinakamalapit in terms of location kaya sabi namin ay puntahan na. Ang pinapunta ni Tisay ay si Dadi, at ang report nito, buhay pa si Colay. Sabi daw kasi ng napagtanungan niyang bata sa lugar nina Colay, ay, kadadaan lang po dito kanina. Tawa kaming lahat. Kinukuryenteng tawa dahil sa nerbiyos. Hindi kasi talaga malayong may mangyaring masama kay Colay.
Na-round up na siya ng pulis noon. Ibig sabihin ay identified na siya. Baka nasa kung anong listahan ang kanyang pangalan. Baka minamanmanan na siya. O baka isunod na siya kapag naubusan ng maipampupuno sa quota ang mga alagad ng bala. Isang beses, kuwento ni Colay, nang dadalhin na siya sa presinto, nagmakaawa siya sa mga pulis dahil maiiwang mag-isa si Bianca sa bahay. At delikado ang lugar nila, naglipana ang mga gago. Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit ipinoder ko na si Bianca sa amin since June. Marami na ring kaibigan si Colay na nahuli ng pulis. Ang isang kaibigan niya'y ninakawan daw ng mga laptop at iba pang gadget ng isang media personnel habang nagaganap ang hulihan at imbestigasyon sa presinto. Walang magawa at hindi makangawa ang ninakawan. Nagsumbong sa akin si Colay sa text, kanino daw puwedeng ilapit ang nangyari sa kanyang kaibigan. May koneksiyon daw ba ako sa media, baka kakilala raw iyon ng kakilala ko. Ipadiyaryo ko daw. Ipa-Tulfo. Puwede ko raw bang magawan ito ng paraan. Hindi ko alam ang isasagot. Te, sabi niya, basta na lang hinarbat ang backpack niya pagdating sa kulungan. Wala nang naibalik sa gamit niya, te. Alarmed ang tono ng text ni Colay. Pero ako, hindi ako makasimpatya, though, nalulungkot ako kasi malamang na ang iniisip lang ni Colay ay puwede rin itong mangyari sa kanya anytime. May mga kaibigan na rin siyang nabaril. Ang isa sa kanila, sa mata tinamaan ng bala, pero nabuhay. Muli, nag-text siya sa akin, ano raw ang dapat gawin? Baka raw balikan ang kaibigan niya at tuluyan nang patayin ito. Kanino puwedeng lumapit ang kanyang kaibigan? Ang hihirap ng tanong niya. Di tulad noong bata kami, ang tinatanong lang niya sa akin ay kung ano ang ibibigay kong stationery kapalit ng notepad niyang Kerrokerropi at kung sinong mas magandang kakampi sa ten-twenty, si Ana na mataas lumukso o si Sharon na mahaba ang legs. Te, puwede bang kasuhan 'yong bumaril? Eto na naman siya. Kako, oo, kaya lang ay napakahaba at napakahirap ng proseso. Nang ikuwento sa akin ito ni Colay sa personal, kita ko ang hindik sa sarili niyang mga mata. Ako ay walang reaksiyon, di ako makasimpatya, e anong gagawin ko, wala rin akong mai-offer na solusyon? Sa totoo lang, ang mas nananaig sa akin ay bahagyang pagkainis at pagkasuya. Gusto ko siyang tanungin, bakit di mo na lang layuan ang mga ganyang tao? Ba't di ka na lang kasi magbago? Alam mo bang matanda na tayo at di ka na teenager? Ba’t di mo na lang tigilan ang bisyo na ‘yan? Di ka pa ba sawa? Wala ka na ngang napala, di ka pa huminto. Marami kaming nagmamahal sa iyo. May pag-asa pa. Si Tisay, alam mo ba, di pa rin sumusuko sa 'yo? Pero matagal ko nang tinanong sa kanya ang mga ito. Sasagutin niya lang ako nang pabalang. Papatulan ko naman. Magsisigawan kami. Mag-iiyakan. Lalayas siya. Kakanlong sa bisyo. At muli, sa masasamang kaibigan.
Kung itatanong ko sa kanya ang mga ito ngayon, alam kong tatahimik lang siya. Ngayong matatanda na kami, bihira na ang nag-aaway sa aming magkakapatid. Bihira na lang kasi kaming nagkikita at nagkakasama. Nasa Mindoro si Incha. Nasa Vigan si Kim. Dati akong taga-QC pero taga-South na ngayon tulad nina Colay at Budang. Pag may Pasko o birthday ni Tisay na lang nagkikita, di pa kami madalas na nabubuo bilang pamilya. Kaya ngayon, pag nagkakainitan na ay tumatahimik na lamang kami at di nagkikibuan. O kaya may biglang magjo-joke, sasabog ang tawa at okey na uli kaming lahat.
Pagdating namin sa area ni Dadi, nahirapan kaming matagpuan ang puntod niya. Kasi pala ay pinutol na ang puno na katapat ng kanyang puntod. Ito pa naman ang aming landmark. Napaka-chaka ng puno na iyon, kaya kapag bumibisita kami sa sementeryo at naghahanap ng puntod, ang lagi kong sinasabi, “basta, kapag nakakita kayo ng pangit na puno, 'yon na ‘yon!” Baliko ang katawan nito, parang baliktad na S, at lagi itong nagbabalat, aakalain mong isda dahil tadtad ng kaliskis. Minsan, sa lilim kami nito naglalatag. Minsan din, dito namin tinitipon at sinisilaban ang mga basura't tuyot na dahon. Hahanap kami ng patpat, saka tutusukin ang mga basura at parang litson na padidilaan ito sa apoy. Sayang at wala na ang puno ngayon. Ni hindi ko nalaman ang kanyang pangalan.
Nagulat din ako, and at the same time, nalungkot, nang makita kong bagong-bago ang lapida nina Ape at Auntie Garet. Matagal ko na rin gustong papalitan ang lapida ni Dadi, kasi pinakapangit ito sa mga lapida noon nina Ape, Angkong, Ahma at Coco Terry. Pero sabi ni Ditsak, di raw basta-basta pinapapalitan iyon. May feng shui daw na kailangang sundin. E, di sige, kako, papinturahan ko na lang ang letters. Pero isang taon lang yata ay burado na uli ang ilang letra nito.
Sinupress ko ang feeling ng pagkaawa sa lapida ng tatay namin. Tutal naman ay may bulaklak na nakapatong dito. Gayon din sa iba pang puntod ng mga namayapang kamag-anak. Ibig sabihin, nauna na ang mga auntie at uncle namin sa pagbisita, at nag-alay naman sila ng bulaklak sa lahat, pati kay Dadi.
Lumakas ang ambon-ulan. Dumating na ang traysikel nina Incha, ganon katrapik sa main road ng sementeryo, nauna pa kami ni Colay kahit naglakad lang kami mula sa gate. Sumilong agad kaming lahat sa isang malapad na tent na nakatindig sa kambal na nitso. Mga isang oras kami doon, mga labinlimang puntod ang layo kay Dadi. Nag-ikot kami ni Colay sukob sa payong niya. Nakakita kami ng isa pang tent na walang nilililiman kundi patong-patong ng monoblock chairs. Sabi ko ay hiramin namin at isoli na lang bago umuwi. Wala namang tao sa paligid na mapagpapaalaman. Anim na upuan ang pinagtulungan naming buhatin at dinala ang mga iyon sa pansamantala naming himpilan, doon sa may kambal na nitso. Pero nakaupo na silang lahat sa ibabaw ng nitso, nakahiga pa nga si Kagomeng tulog. Inilabas ko ang banig at maliliit na unan na dala ko, para maibaba ni Incha si Kagome nang mas maayos.
Di kami nakatiis ni Colay, sabi ko’y maghanap tayo ng tent na puwede nating itindig sa puntod ni Dadi. Ginawa na namin iyon dati! Pero kung tama ang pagkaalala ko ay hindi iyon undas kaya walang masyadong tao na puwedeng sumita sa amin. This time, undas season kaya super dami ng tao at naka-set up ang mga ito para mag-overnight. Around 12 midnight na ito.
Nag-ikot-ikot kami ni Colay. Isang beses, ako lang. Isang beses, siya lang. Mga 10-15 minuto kada ikot. Tatlong beses kaming bumalik sa kambal na nitso. Tapos kapwa kami nagre-report ng mga natatagpuan naming "options": may isang tent na kaaalis lang ng mga may ari, puwede ko pang habulin ang mga ito para magpaalam. Kaya lang ay mataas pa ang kandila sa puntod na kanilang iniwan. Mukhang hindi papayag ang mga ito na ipahiram sa amin ang tent dahil mababasa ang itinundos nila. May isang tent na mababa, halos kasingtangkad lang namin. Sa madilim na bahagi ito na malapit sa pader ng sementeryo. Mukhang madaling bunutin at ilipat ang mga paa ng tent. Ang problema ay punong-puno ng tubig ang bubong at noong sundutin ni Colay ang bahaging may tubig para matanggal ang tubig, biglang sumandal ang tent sa kanya. Naku, masyadong mabuway. Hindi puwede. Isa pang option: tent na malapit sa kambal na nitso. Pero anim ang paa ng tent. Kulang kami sa manpower na magbubuhat nito nang sabay-sabay! May isa pang tent na mukhang madaling ilipat, nasa madilim din na lugar, walang ibang grupo ng tao na malapit doon. Kaso ay nakatali sa mga patpat na itinusok sa lupa ang mga paa nito. E, di kalasin! Ayun. Nagpaalam kami sa puntod, sabi namin, sori po, hihiramin lang namin ang inyong bubong para po makapagdasal na kami at makauwi. Mag-a-ala una na iyon ng madaling araw, grabe. Sina Incha ay uuwi pa ng Mindoro kinabukasan.
Pinatayo namin si Bianca malapit sa puntod ni Dadi, para may palatandaan kami sa aming target destination. Apat kaming naglipat ng tent: ako, Colay, Noah at Iding. Nakapaa si Iding. Putik naman kasi, bagong rubber shoes ang suot, puti pa, e inuulan na sementeryo ang pupuntahan niya? Tawa kami. Pero pigil-pigil din ng tawa, baka kasi marinig kami ng mga tao sa iba pang tent. Baka bigla kaming sitahin. May tent ba naman na naglalakad sa kalaliman ng gabi, paiwas-iwas sa mga nitso? Ilang beses kaming napahinto sa ilang puntod, hindi namin alam kung paanong malalampasan ang mga ito. Sino ang unang hahakbang? Saan pupuwesto ang kaliwang paa ng tent? E, yung kanan? Iaangat ba? Aatras? Nagtatalo-talo pa kami. Biglang may naapakan si Iding, akala niya’y tae. Naihi na si Colay sa kapipigil ng tawa.
Una naming ibinaba ang tent sa space na malapit sa kinatirikan noon ng pangit na puno. Naglatag kami ng banig. Pero after a few minutes, na-realize namin na tumatagos sa banig ang tubig sa damuhan. Lipat na naman kami ng tent. Sino ang unang hahakbang? Saan pupuwesto ang kaliwang paa ng tent? E, yung kanan? Iaangat ba? Aatras? Tawanan. Naihi uli si Colay sa kapipigil ng tawa. Ikalawang ulit naming ibinaba ang tent ay sa pagitan ng nitso nina Ape at Angkong. Nasa gitna kasi nila ang libingan ni Dadi. Pero ganon din, basang damuhan din iyon! Tatagos uli sa banig namin. Lipat na naman kami ng tent. Sino ang unang hahakbang? Saan pupuwesto ang kaliwang paa ng tent? E, yung kanan? Iaangat ba? Aatras? Tawa na naman si Colay. Ikatlo at final na puwesto ng tent ay sa tapat ng mismong nitso nina Ape at Auntie Garet. Sa ibabaw ng nitso naglatag ng banig. Binalikan ko ang mga upuan na “hiniram” namin at dinala sa puwesto namin. Nasa ibabaw silang lahat. Kumbaga, nasa "second floor". Ako sa monoblock chairs. Mezzanine para sosyal pakinggan. Ground floor ang damuhan.
Sabi namin, pagkatapos magdasal ay uuwi na kami. Agree ako, pagod na rin ako buong araw dahil sa trick or treat events nina Ayin at Dagat sa mall at sa subdivision namin. Pero lalong lumakas ang ulan. Hindi ito humihina, lalong hindi tumitigil. Parang ayaw talaga kaming pauwiin. O baka si Colay ang ayaw pauwiin. O baka si Dadi iyon, ayaw pang pauwiin ang paborito niyang anak.
Buong magdamag kaming nag-abang ng paghinto ng ulan. Dahil doon ay nagkakuwentuhan ang mag-iina. Lalabas na raw sa Munti ang tatay nina Iding at Noah early 2018. Sabi ni Noah, lagi naman ganon ang ibinabalita sa amin, pero di naman nagkakatotoo. Pero nangingintab sa pag-asa ang mga mata ni Colay. Hindi, totoo na raw ito, nagmamatigas ang kanyang tinig. Sumabat si Iding, ni hindi nga niya ako binati sa FB noong birthday ko. E, siyempre, di active sa FB iyon, bawal ‘ata iyon sa loob, sagot ni Colay. Wala siyang pakelam sa ‘kin, sabi ni Iding. ‘Wag mo siyang husgahan hangga’t ‘andon siya, payo ni Colay. Napunta kay Bianca ang usapan. Pinagsabihan nilang tatlo si Bianca na ‘wag nang magboypren. Bubugbugin daw ng magkuya ang uhugin nitong boypren na nakita nilang lahat sa FB nang i-post ni uhugin ang picture nila gamit ang FB account ni Bianca. (Kaya nalantad ang itinatago ni Bianca.) Inaasar pa ni Iding si Bianca na baka maging pa-walk ito balang araw. Walk meaning sex for money. Sabi ni Colay, ‘wag mo nga itulad ‘yan sa mga nakikilala mong babae, ‘Ding. Patuloy sa pang-aasar si Iding. Sabi ni Bianca, nag-aaral kaya ako. Bakit nga, Ding, di ka na lang bumalik sa eskuwela? Tanong ni Colay. E, ito ngang kuya mo, noong pinapili ni Lolo Maning kung ‘yong babaeng nabuntis niya o pag-aaral, sagot agad si Noah, pag-aaral. O, third year na ngayon, tamo. Napikon si Iding. Sa kanilang tatlo ay siya lang ang di nag-aaral. Di ba, sabi ko sa' yo, i-enrol mo na ‘ko sa hepa? Ikaw ang may ayaw. Sana nag-aaral uli ako ngayon.
Aba, parang si Colay itong si Iding kung mangatwiran. Ipinapasa ang sisi sa ibang tao, haha. Ang version ni Colay ng kanyang kabataan na ikinuwento rin niya that night noong nasa sementeryo kami ay ganito, nagalit daw siya kay Tisay nang ilipat siya nito from private to public school. Hindi raw siya sanay. Nagulat daw siya kaya ayaw na niyang pumasok. Kaya ang ending, nahinto siya sa pag-aaral. Ayan, what is karma? Ginagaya tuloy siya ni Iding. Siguro iyan din ang dahilan kung bakit di niya masabihan si Iding na mali ang demands nito. Na magpakatotoo ito, mahirap lang kami. Kasi kahit siya, hanggang ngayon ay si Mami pa rin ang sinisisi sa mga nangyari sa kanyang buhay. Ang hepa na tinutukoy ni Iding ay isa yatang programa sa private school para sa mga na-late na sa kanilang pag-aaral. In short, private school ang gustong pasukan ni Iding! Ewan ko lang kung titino siya doon dahil wala naman iyan sa school. Noong nasa poder namin si Iding, pinag-aral naman namin nang maayos. Iyon nga lang, sa public school din. Pero anong ginawa niya? Nasangkot sa marijuana scandal sa eskuwelahan nila. Natuklasan din namin na nagbebenta siya ng pipa na mula sa nilinis na tube ng chipipay na glitter glue.
Iyon din ang isang problema sa mga anak ni Colay. Pangmapera ang mindset. Siguro kaya rin lalong nababaon sa ilegal na gawain itong si Colay dahil pinipilit niyang makapag-provide sa mga anak niya kahit hindi niya kaya. Nabalitaan ko noon, kung ano-ano pinapabiling sapatos o tsinelas ni Iding. O medyas na mamahalin, sa mall, ayaw sa bangketa. Sumbrerong Dickey’s o t-shirt. Nagkasakit din daw si Iding sa titi niya, at kay Colay humihingi ng panggamot. Lumayas ito sa piling ni Colay pero sa kanya nagpupunta kapag nagkakaproblema na, kapag gutom na. Nabalitaan ko rin noon na humihingi ng pera si Noah kay Colay. Amputangina. Dito ako pinakagalit, e. Nakabuntis na nga, kapal pa ng mukhang manghingi ng pera sa ina. Alam na nga niya na wala namang maayos na hanapbuhay ang nanay niya. At isa pa ay hindi siya nagpaparamdam kay Colay o sa amin kapag wala siyang kailangan. Kaya kahit na close siya kay EJ noong maliliit pa sila dahil magkaedad sila’t sabay na lumaki, di malapit ang loob ko sa tarantadong ito. Tuwing makakasagap ako ng balita tungkol sa kanya, laging bad news. Nakabuntis, nang-iwan ng babae, pinabayaan ang anak sa babae, nanghihingi ng pera. Si Bianca, ganon din, mahilig sa mga bagong damit. Gusto laging may pera sa bulsa. Gusto ng sosyal na lutu-lutuan, kabinet na Hello Kitty. Minsan din, insensitive ang mga anak, ano? Dito naman ako naaasar sa mga pamangkin kong ito. Kaya sabi ko, ba’t naghahanap ka ng private? Si EJ nga, public school buong buhay niya, o malapit nang maka-graduate ng college ngayon. Walang problema sa public, ‘Ding.
Napunta na naman kay Bianca ang kuwentuhan. ‘Wag ka ngang ano diyan. Nakikipagkita ka pa rin sa boypren mo, e, singhal ni Noah. Magiging pokpok ka rin, sabi ni Iding. Pumatol na ako, ‘wag mong igaya sa iyo ‘yan, ‘Ding. Di ‘yan tulad mo na kayang ibenta ang katawan. Magtatapos iyan hanggang college. Natahimik si Iding. Tahimik lang din si Colay. Sinabihan ko rin si Noah, oy, ikaw, akala mo, maayos kang tao, e nambuntis ka nga, tapos inabandona mo lang ‘yong nanay at anak. Sabay na sumagot si Noah at si Colay. Nasa akin/Na kay Noah, ‘yong baby. Namamasukan na kasi iyong nanay.
A, buti naman, sagot ko agad, habang deep inside, e pahiya ako to the max. Tulog si Incha at mga anak nito. Ako ay nanatiling nasa mezzanine, napahiga na rin sa pinagdugtong na monoblock chairs.
Marami pang saloobin ang nabunyag sa mag-iina nang magdamag na iyon, tungkol sa tatay nina Iding, sa tatay ni Bianca, kay Gilmore. Minsan, masaya sila, nagtatawanan. Minsan, nagsasagutan, nagsusumbatan. Minsan, katahimikan.
Giniginaw na ako sa ulan at sa simoy ng Nobyembre, giniginaw din ako para kay Colay. Alam kong napakahirap ng sitwasyon niya. At ako ang ate sa pamilyang ito. Alam ko, partly, may kasalanan ako ba’t siya nagkakaganyan ngayon. Alam ko rin, may fault din ako kahit paano, kung bakit after so, so many years, hindi masyadong nagbabago ang kalagayan namin sa tuwing dadalaw kami kay Dadi. Wala kaming dala kundi banig, kuwento, sitsirya’t maliliit na kandila. Hanggang ngayon, “nanghihiram” pa rin kami ng tent nang may tent. Ni wala kaming sasakyan. E, ang tanda ko na. Ako ang panganay. Ni hindi ko mabigyan ng ginhawa ang sarili kong pamilya. Wala akong mai-offer kay Colay kundi kaunting salita, kaunting katahimikan kapag malapit na akong mainis at bumalik sa paninisi sa kanya sa sarili niyang sitwasyon.
Walang kumain ng biko na niluto ni Tisay. Inilagay ito ni Colay sa mas malaking plastik. Doon din niya inilagay ang butter coconut na binili ko sa Zapote, ang mga cupcake na binili ni Incha sa kaibigan niya sa Kabihasnan. Ang nasa isip ko’y iuwi niyang lahat iyon mamaya.
Pagsapit ng alas-kuwatro y medya, tahimik na sa dakong iyon ng sementeryo. Nakatulog na ang mag-iina. Sina Incha naman ang bumangon. Nagdesisyon kaming kahit hindi pa tumitila ang ulan, basta’t humina lang ito’y uuwi na kami. Umaga na. Pagsapit ng alas-sais, naging ambon ang ulan, kaya ginising na namin sina Colay at kami’y gumayak para umuwi. Isinoli ko ang mga upuan, pagbalik ko sa tent kung saan ko “hiniram” ang mga upuan, may isang buong pamilya (nanay, tatay, dalawang batang lalaki) ang nag-uusap sa tapat ng ibang upuan na naiwan doon. Pagdating ko’y napalingon silang lahat sa akin. Ayan, sabi ng babae, tatlo na lang ang kulang. Sabi ko, sori po, nasa amin po magdamag. Ngumiti siya, nakatulog din kasi kami. Bumalik ako sa puntod namin para isoli ang tatlo pa. saka ko na-realize na nagtatrabaho sa sementeryo ang pamilya. May hawak nang walis si ate, busy na sa paglilinis. Ang mga bata ay palipat-lipat sa gilid ng mga puntod, hinahawi ang tubig sa ibabaw ng nitso. Antok na antok na ako.
Sinabi ko kay Ate na “hiniram” din namin ang tent. Sabi niya, kanino? Sabi ko, Rita Sumagpang po ang pangalan. A, kay Ate Rita, sabi niya. OMG, kamag-anak niya, kanila rin pala ang tent? Patay. Doon po iyong puntod niya? tanong ko. Naglakad ako habang itinuturo ang puwestong pinagmulan ng tent. Sumunod siya. A, iyon ang pangalan sa lapida? Opo, kako. A, kami na ang bahala. Kung may magliligpit na ng tent doon, ituturo na lang namin ang puwesto n’yo, anya. Oo, te, kako, dahil baka isipin nilang nawala na ang tent. Salamat.
Naglakad na kami papalabas ng sementeryo. Nakakalat sa kahabaan ng kalsada ang mga bote ng Coke at balat ng Clover, parang nagka-street party at major sponsor ang mga junk food at soft drink company. Tulog pa ang mga nag-overnight. Basa ang mga tent. Marami na rin ang lumalabas at pumapasok na sasakyan. Malapit sa exit ay nakakita ng McDo si Colay. Sabi niya, te, tinatawag tayo ng McDo, tapos tumawa siya. Nagyayaya, baka nagugutom na. Nilampasan namin ang hilera ng temporary stalls ng kainan, naghihilik pa ang puyat na staff ng mga ito. Hindi na uli nagyaya si Colay. Paglabas namin ng sementeryo, ako naman ang nagyaya, sa Maty’s, ang paborito naming tapsilugan sa Paranaque, 24 hours iyon. Si Incha ang sumagot, te, dalawang sakay pa ‘yon, malayo. Sa bahay na lang tayo ni Tisay, sabi niya. Sabi ko, o sige. Pero pagdating namin sa Kabihasnan, ang nasakyan namin ay Zapote. Sabi ko’y didiretso na lang kami ni Bianca sa Zapote para makauwi na. Tinamad na akong umuwi sa bahay nina Tisay. Ang buong akala ko’y uuwi sa bahay ni Tisay sina Colay, Iding at Noah para kumain dahil nga alam kong gutom si Colay. Pero naghiwa-hiwalay na sila sa dyip pa lang. Si Iding lang ang bumaba sa simbahan, kasabay sina Incha. Si Colay ay nagpaiwan at bumaba na rin pagdaan nang ilang kanto. Wala siyang dala kundi ang payong, isang balot ng mga buto ng manok at isang balot ng kanin mula sa Jollibee. Ni hindi niya ginamit ang plastik na nahingi sa Jollibee. Nahiya rin siguro siyang hingin kay Incha para iuwi ang malaking plastik ng mga pagkain na hindi nagalaw sa sementeryo. Si Noah ay bumaba rin pagkatapos nang ilang minuto. Walang imik ang mag-iina nang maghiwa-hiwalay. Antok na. At siguro’y pagod na pagod. Kayrami kasing multo ang dumalaw sa kanilang magdamag.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment