Isang panunuring pampanitikan ni Beverly W. Siy
Ang papel na ito ay batay sa tatlong nobela mula sa iba't ibang panahon at isinulat ng tatlong manunulat na Filipino. Ito rin ay nasusulat sa tatlong wika: Filipino, Iloko at Ingles. Binasa at ginamit ko ang salin sa Filipino ng nobelang Iloko bilang batayan sa pagsuri ng nobelang Iloko. Ang tatlong nobela ay nagpakita ng matinding pang-aapi sa mahihirap: uring manggagawa (sa planta at konstruksiyon), magsasaka, mangingisda at marami pang iba.
Susuriin sa papel na ito ang treatment at pananaw ng mga manunulat ng tatlong nobela sa mga tauhan nilang babae at kung paanong nakakapag-ambag pa ang mga ito ng maling persepsiyon sa kababaihan sa lipunang Filipino. Peminismo ang ginamit na lente para sa pagbusisi.
ANG NOBELANG WITHOUT SEEING THE DAWN
Ang unang nobela ay ang Without Seeing the Dawn ni Steven Javellana na inilathala noong 1947 at ang bersiyon na ni-reprint noong 1976.
Ito ay kuwento ni Carding na isang karaniwang magsasaka mula sa kanayunan (isang sityo sa Baryo Sta. Barbara, Manhayang, Panay Island.) Ang nobela ay nahahati sa dalawa: Book One Day at Book Two Night. Ang una ay tungkol kay Carding at sa mga tao sa Manhayang bago dumating ang mga Hapon at ang ikalawa naman ay ang Manhayang at iba pang karatig na lugar nang sakupin ng mga Hapon ang Pilipinas.
Bago at halos perfect na couple/mag-asawa sina Carding at Lucing. Maligaya ang lahat ng tao sa baryo nang magkatuluyan sila. Subalit napakaraming pangyayari ang sumubok sa kanilang relasyon at pagkatao: pagkakaroon ng kalaguyo, pagsilang at pagkamatay ng mga anak, matinding bagyo, baha, digma at marami pang iba. Sa dulo ay nagkahiwalay sila. Si Carding ay tuluyang naging pinuno ng bolo battalion at sila ay lumusob sa mga kaaway. Samantalang si Lucing ay naiwan sa kanilang bahay habang ipinagdadasal ang kaligtasan ng mga susuong sa digma.
Ang buo nga palang pangalan ng bida ay Ricardo Suerte. Maparikala!
ANG NOBELANG SILANG NAGIGISING SA MADALING ARAW
Ang ikalawang nobela naman ay Dagiti Mariing Iti Parbangon o Silang Nagigising sa Madaling Araw na isinulat ni Constante C. Casabar. Inilathala ito sa Bannawag bilang serialized na nobela mula 1956 hanggang 1957.
Ito ay tungkol sa binatang si Salvador na tubong-Guilang. Ang Guilang ay fictitious na bayan pero ayon kay Prop. Noemi U. Rosal sa kanyang introduksiyon sa nobela, ito raw ay kumakatawan sa Narvacan, Ilocos Sur, ang mismong bayan ng may akda. Ang nobela ay isang naghuhumindig na komento sa paraan ng pag-iisip ng mga Pilipino noong panahon na ma-publish ang akda. Isang eksena ang katibayan nito: ‘yong pag-uumpukan ng mga tao kapag may naaksidente hindi para tumulong kundi para lang mag-usyoso.
Si Salvador o Adoy ay isang napakatalinong binata mula sa mahirap na pamilya. Sa sobrang talino niya ay napapansin niya ang di magagandang ugali ng kapwa at mga pagbabagong nagaganap sa kanyang bayan. Masugid niyang pinupuna ang mga kamalian at kabulukan sa paligid. Naniniwala siyang ang ugat ng lahat ay ang katatapos lamang na digma.
Nagkautang siya kay Apo Julian nang maaksidente ang kanyang lolo sa pangingisda. Para makabayad ng utang, sapilitan siyang pumasok sa planta pagkatapos mag-high school. Doon ay ginawa siyang lider ng isang lihim na pangkat laban kay Apo Julian.
Umibig kay Mering itong si Adoy. Si Mering ay dalagang mula sa mas maalwan na pamilya mula sa isa pang baryo. Masugid ang pagmamahal ni Mering kay Adoy at humantong ito sa pagbubuntis ng dalaga at sa pagpapakasal nila. Ang kapatid ni Mering na si Julian ang naging problema. Ito ay maagang naging kawatan at naging tauhan ni Apo Julian. Nang matuklasan ni Apo Julian ang lihim na pangkat sa planta, inutusan niya si Julian na patayin si Adoy. Nabaril nito sina Mering at Adoy ngunit nakaligtas naman ang dalawa. Nagwakas ang nobela sa pagpatay ni Julian kay Apo Julian samantala ay naghahanda naman ang munting mag-anak ni Adoy para lumipat sa Cagayan, Mindanao.
ANG NOBELANG SA MGA KUKO NG LIWANAG
Sa Mga Kuko ng Liwanag ang ikatlong nobela. Isinulat ito ni Edgardo M. Reyes at unang inilathala noong 1986 ng DLSU Press.
Ito ay tungkol kay Julio Madiaga, isang mangingisdang nakipagsapalaran sa Maynila para hanapin ang kanyang nobyang si Ligaya Paraiso. Dumaan si Julio sa pinakamararahas, pinakamasasaklap at pinakamapapait na karanasan habang nasa lungsod. Nanakawan siya, nabugbog, niloko sa suweldo sa construction, namatayan ng matalik na kaibigan at tinalikuran ng isa pang kaibigan kung kailan niya kailangang-kailangan ang tulong nito. Sari-sari ang mga taong kanyang nakilala. Karamihan ay masama ngunit may iilang mabuti na siyang tumulong para mabuo ang kuwento ng paglaho ni Ligaya pagtuntong nito sa Maynila.
Hindi lang nagpokus kina Julio at Ligaya ang buong nobela. Ipinakita at idinetalye nito ang buhay ng mga construction worker at iba pang karaniwang Filipino. Ipinakita rin dito ang napakalaki at lalo pang lumalaking puwang sa pagitan ng mayayaman at mahihirap at kung ano ang papel na ginagampanan ng mayayaman para manatiling mahirap ang mahirap.
Napakanipis ng plot ng nobela pero napakaganda ng pagkakalarawan sa buhay ng mahihirap lalo na ng mga construction worker at ang kanilang pamilya. Halos maaamoy at mauulinigan ang mga amoy at tunog mula sa kanilang mundo sa pamamagitan ng nobela.
INTRODUKSIYON
Ang tatlong ito ang napili ko dahil lahat ay nagpapakita ng di makataong kondisyon sa lipunang Filipino at makatotohanan ang pagtatanghal ng mga pangyayari (bagama’t fictional ang bayan ng Guilang ng nobelistang si Constante Casabar ay realistiko naman ang lahat ng nangyari sa akda).
Ang mga bidang tauhan sa tatlong nobela ay puro lalaki at galing sa uring mahirap. Silang lahat ay nakaranas ng opresyon mula sa kapitalista’t may hawak ng pera o kapangyarihan. Si Carding ay ilang ulit na pinalayas ng maylupa sa kanyang sinasakang lupa at nakaranas ng kalupitan sa kamay ng mga Hapon. Samantala, ginagawang gatasan ni Apong Julian ang mga tulad ni Adoy na sapilitang namasukan sa pabrika para makabayad ng utang sa kanya. Si Julio naman at ang mga tulad niyang construction worker ay ninanakawan at minamaltrato ng mga big time (pati ng small time) sa mga construction firm at iba pang tagasiyudad.
Nais kong suriin kung ano ang pananaw sa babae ng mga manunulat ng mga akdang ganito ang lalaking pangunahing tauhan. Ano kaya ang role ng kababaihan sa mga kuwento ng opresyon? Ginagamit ba sila ng mga may akda para lalong kuminang ang mga lalaking pangunahing tauhan? Nakakatulong ba ang mga akda para ma-empower ang babaeng mambabasa na nakakaranas ng opresyon gaya ng mga lalaking pangunahing tauhan?
Pinili ko rin ang tatlong nobelang ito dahil nasa iba't ibang wika na ginagamit sa Pilipinas ang bawat isa sa kanila. Tatlong panahon din ang kinakatawan ng mga nobela (panahon ng Hapon, pagkatapos ng panahon ng Hapon at dekada sisenta). May nangyaring pag-usad sa panahon, umusad din kaya ang paraan ng pagtingin ng mga lalaking manunulat sa kanilang tauhang babae at sa mga babae sa lipunang Filipino?
PAGPAPAKILALA SA MGA PANGUNAHING TAUHAN NA BABAE AT KATUWANG NA TAUHANG BABAE SA MGA NOBELA
Mula sa nobelang Without Seeing the Dawn ay sina Lucia at Rosing
Pangalan/Palayaw: Lucia /Lucing
Okupasyon: Housewife
Karelasyon: Carding
Magulang: tenyente (o lider ng baryo nila) at maybahay
Lugar ng kapanganakan: Manhayang (lalawigan)
Edad: 16
Pinakamataas na natapos sa pag-aaral: elementarya
Narito ang ilan sa katangian ni Lucia:
1. Kulang sa self-confidence
Maraming nanliligaw kay Lucing noong dalaga pa siya. Naging barrio fiesta queen din si Lucing kaya sikat siya sa kanilang lugar. Ngunit may mga pagkakataong kulang siya sa self-confidence. Bagama’t napakaganda niya ay pangit pa rin ang tingin niya sa kanyang sarili. Nang magkaanak sila ni Carding ay nadismaya siya nang makitang kamukha niya ang sanggol. “He has my snub nose and my eyes. …He has taken after my ugly features. Now, if he looked more like Carding,” ani Lucing.
2. Masipag
Noong dalaga pa lang si Lucing, babae ang nagtatrabaho ng gawaing-bahay sa kanilang bahay. Siya at ang nanay niya ang nakatoka dito. Makikita sa nobela ang eksenang ito: si Lucing ay naghuhugas ng pinggan habang ang tatay niya ay nakaupo, relaxed na relaxed, sa may tabi ng bintana, nagto-toothpick. Ang dalawang kapatid na lalaki ay tulog na.
3. Hindi vocal
Kahit walang muwang ay very sensual mag-isip si Lucing lalo na pag naaalala si Carding. Pero hindi niya sinasabi ito gaya ng marami pa niyang iniisip. Hindi siya vocal sa kanyang thoughts at feelings. Kahit noong naghamon ng tanan si Carding, hindi niya nasabing game siyang sumama rito kahit gustong-gusto naman niya.
4. Submissive
Masunuring anak itong si Lucing. Kagaya ng nanay niyang si Pia, madalas ay sumusunod lang sila kay Tiniente Paul, ang haligi ng tahanan. Hindi kataka-taka na napakamasunurin din niya kay Carding nang maging mag-asawa na sila. Sobra din siyang magmahal ng asawa. Sa lahat-lahat ng pinagdaanan niya sa piling ni Carding, nag-standby pa rin siya dito. Hindi siya umalis kahit lumilikas na ang lahat ng kababaryo niya. Gusto niyang manatili sa bahay nila, para lang maghintay sa pagbabalik ni Carding, na isa nang lider ng bolo battalion.
Napakaraming pangit na karanasan ni Lucing. Sa tatlong pangunahing tauhang babae, siya lang ang nakaranas ng digma. Iyon pa lang ay napakahirap at napakasakit nang karanasan. Ilan sa kanyang mga kaibigan at kapamilya (ang kanyang tatay) ay nilapastangan, sinaktan at pinatay. Naranasan din niya ang maloko ng asawa. Nambabae si Carding! Naranasan din niya ang isang baha. Nabuntis din siya nang tatlong beses at namatayan ng tatlong anak. Naranasan din niya ang gahasain ng maraming sundalong Hapon. Suerte ang apelyido ng kanyang asawa. Sumalungat dito ang kanyang kapalaran.
Pangalan/Palayaw: Rosita/Rosing
Okupasyon: mananayaw sa kabaret
Karelasyon: Carding at pagkatapos ay si Nestong
Narito ang ilan sa katangian ni Rosing:
1. Napakaganda at seksi
Si Rosing daw ay kasingganda ng isang fairy. Madali para sa kanya ang magkaroon ng customer sa kabaret. Hindi rin nagtagal, narahuyo si Carding sa kanya. Nang dumating naman ang mga Hapon, siya naman ay naging star ng putahan dahil sa kanyang ganda.
2. Malalim magmahal
Mabilis siyang na-in love kay Carding at magmula noon ay gumagawa siya ng paraan para ito ay mapagsilbihan at mapasakanya. Ang sukdulan ng kanyang pagmamahal at ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsunog sa hotel (at eventually ay nadamay sa sunog ang tunay na target: ang ammunition dump ng mga Hapon). Alam niyang delikado ito at maaaring buhay niya ang kapalit ngunit ginawa pa rin niya ito para lang kay Carding.
Mula sa Sa Silang Nagigising sa Madaling Araw ay sina Emerita at Baket Basil.
Pangalan/Palayaw: Emerita/Mering
Okupasyon: estudyante
Karelasyon: Adoy
Magulang: magsasaka
Lugar ng kapanganakan: Bimmikal (lalawigan)
Edad: teenager
Pinakamataas na natapos sa pag-aaral: nakatuntong sa kolehiyo
Narito ang ilan sa katangian ni Mering:
1. Napakaganda at seksi
Si Emerita o Mering ay isang maganda at seksing dalaga, (ayon sa nobela, tila ipinaglihi sa tuktok ng Bundok Tirad ang kanyang mga dibdib). Noong 3rd year high school, napili itong maging mutya ng foundation day celebration ng eskuwela. Maganda rin ang kanyang boses. Very sensual din siyang tao. Nakaramdam siya ng pagnanasa nang makita niyang maglakad sa dagat ang hunk na si Adoy.
2. Matalino, mas mataas ang pinag-aralan at mas may kaya kaysa kay Adoy (ang lalaking gustong-gusto niya)
Bagama’t sa paanan ng bundok naninirahan si Mering, kumikita nang sapat ang kanyang mga magulang para mapag-aral siya sa Maynila. Nakaabot siya sa kolehiyo pero hindi ito natapos dahil sa siya ay nabuntis.
Makikita rin na malalim ang unawa ni Mering sa ugnayan ng mga taga-Guilang sa isa’t isa. Nang magkuwentuhan sila ni Baket Basil nang unang dumayo sina Mering kina Adoy, ikinuwento niya ang pagsasaka ng mga taga-Bimmikal para ipalit sa asin ng taga-Sabangan
3. Assertive
Alam niya ang gusto niya at assertive siya. Matagal na siyang may gusto kay Adoy. Nagawan niya ng paraan na matuloy sa pakikipagtalik ang kanilang pagliligawan. Nagbunga ito at siya’y nabuntis. Noong buntis na siya, nang magpasya siyang magbenta ng isda para makatulong kay Baket Basil, pinanindigan niya ito kahit tutol sina Adoy at Baket Basil.
Sinubukan din ni Mering na kumbinsihin si Baket Basil na paluwasin ng Maynila si Adoy para mag-aral sa araw at magtrabaho sa gabi, iyon nga lang ay nakapangako na ang mag-ina kay Apong Julian.
4. May malasakit sa kapwa babae
Isang araw, nang nasa Maynila na si Mering, mula sa loob ng dormitoryo niya, may nakita siyang babaeng nakatayo sa kalsada at naghihintay ng dyip. Nilapitan ito ng isang lalaki at tiningnan ang katawan nito. Walang magawa si Mering kundi magbulalas ng saloobin habang nakadungaw sa bintana. Inis na inis siya sapagkat “Masakit para sa kanya ang ano mang nasasaksihang pagsasamantala ng lalaki sa kapwa niya babae,” sa isip ni Mering (sa pahina 203). Nang irapan ng babae ang lalaki na lumapit, nagdiwang si Mering. Binubuyo pa niya ang babae (sa isip lamang dahil malayong malayo siya sa babae) na sampalin ng mga aklat ang lalaki.
5. Totoo sa sarili
Ipinagmamalaki ni Mering ang kulay ng balat ng isang Ilokana. Binabatikos ni Mering ang mga taong hindi proud at hindi totoo sa kanilang pinagmulan tulad na lang ni Perfecta Maglianos, ang isa sa kanyang roommates na nagpapatawag na Perfie samantalang Pittang naman ang kinagisnan nitong pangalan. Pati ang pagtawag ni Perfie ng Mama at Papa sa sariling magulang ay binabatikos ni Mering sa kanyang isip. Anya, Tatang at Inang naman talaga ang tawag ng dalaga sa magulang, bakit kailangan pang baguhin pagtuntong nito sa Maynila.
Narito naman ang ilan sa mga katangian ni Baket Basil:
Pangalan: Baket Basil
Okupasyon: tindera ng isda
Karelasyon: Ama ni Adoy
Lugar ng kapanganakan: Sabangan (tabing-dagat)
Edad: marahil ay nasa 40’s
1. Mapagmahal
Si Baket Basil ay mapag-arugang ina kay Adoy, at mapag-arugang anak naman kay Apong Binoy. Pinagamot niya sa doktor si Apong Binoy nang maputulan ito ng binti kahit pa wala naman silang ibabayad sa doktor at mga gamot. Hangga’t makakaya ay binibigyan niya ng pera si Adoy para makapagdulot ng ginhawa kahit saglit (diyes sentimo pamasahe para hindi na ito maglakad pauwi).
2. Napakasipag
Tindera ng isda si Baket Basil at kung wala si Adoy ay siya lang ang nagbubuhat ng mga bakul ng paninda papuntang palengke at pauwing Sabangan. Nagko-complement ang katangiang ito ni Baket Basil sa kanyang malalim na pagtanggap sa kapalaran bilang mahirap. Nang unang magkakilala sila ni Mering, hindi siya nangimi sa kahirapan nilang mag-ina. Ipinagpaumanhin niya ito ngunit hindi niya itinago o ikinahiya. Di man sinabi sa nobela, madarama ang dangal ng taong mahirap sa tulad ni Baket Basil.
3. Responsable
Niyakag na ni Adoy ang kanyang ina na dumayo na lang sa Cagayan at iwan na lang ang utang kay Apong Kulian ngunit ayaw pumayag ni Baket Basil. Hindi raw nila maaaring takbuhan ang malaking utang sa lalaki. Siya rin ang nagpapaalala kay Adoy na mag-remit ng bayad kay Apong Julian.
4. Mapagtiis
Kahit napakahirap ng buhay sa Sabangan ay hindi umaalis dito si Baket Basil. Walang tigil siyang gumagawa ng paraan para maka-survive ang pamilya sa tabing-dagat. Kayod-marino siya sa pagbebenta ng isda at hindi miminsan na ginabi siya sa daan at naglakad pauwi mula sa palengke dahil wala nang dumadaang kalesa patungo sa kanila.
Mula sa Sa Mga Kuko ng Liwanag ay si Ligaya.
Pangalan/Palayaw: Ligaya Paraiso
Okupasyon: Babae sa kasa/Maybahay
Karelasyon: Julio, Ah Tek
Magulang: mangingisda
Lugar ng kapanganakan: Marinduque
Edad: hindi binanggit, tantiya ko’y wala pang bente
Pinakamataas na natapos sa pag-aaral: hindi binanggit
Narito ang ilan sa mga katangian ni Ligaya:
1. Maganda
Maganda siya kaya napili siya ng illegal recruiter na si Misis Cruz para dalhin sa kasa imbes na pagsilbihin bilang kasambahay. Sa kasa, natipuhan siya ni Ah Tek, ang Tsinong customer ng kasa. Binalik-balikan siya nito, sinuyo at tinakot hanggang sa maiuwi sa sariling bahay. Doon siya ay kinulong pagkatapos ay inanakan.
2. Matapang
Lagi niyang inaaway si Ah Tek noong dinadalaw pa siya nito sa kasa kahit alam niyang maaari siyang saktan nito o gawan ng masama. (Ngunit lubos siyang tinakot ni Ah Tek na patuturukan ng morpina at iiwan sa kasa kapag tuluyan nang nainis kay Ligaya kaya nasukol din si Ligaya sa huli. Naiuwi/nabili siya ni Ah Tek.) Ipinakita rin ni Ligaya ang katapangan niya nang subukan niyang tumakas mula sa bahay ni Ah Tek noong gabing makatagpo niya si Julio sa Central Market. Bagama’t kinumbinsi siya nang husto ni Julio para gawin ito, matapang niyang hinarap ang mga panganib ng pagtakas niya at ng kanyang baby. Iyon nga lang at hindi ito naging matagumpay. Nagbuwis din siya ng buhay kinalaunan.
Pangalan: Perla
Okupasyon: taga-gantsilyo/puta
Karelasyon: wala
Magulang: Mang Pilong Paralitiko
Lugar ng kapanganakan: Quezon City
Edad: 19
Narito ang ilan sa mga katangian ni Perla:
1. Maganda
Sa taglay niyang kagandahan, lagi tuloy siyang nabibiro ng mga lalaki kapag nag-iigib siya ng tubig. Nagkagusto rin sa kanya si Pol, ang kaibigan ni Julio. Ngunit hindi naman natuloy ang kanilang ligawan.
2. Masipag at maaruga
Naggagantsilyo siya kahit gabing-gabi na para lang makatulong sa gastusin sa kanilang bahay. Mabilis siyang nag-aasikaso ng mga bisita at handang maghain kung nagugutom ang mga ito. Inaasikaso niyang mabuti ang ama nilang paralitiko. Ito ang inuuna niyang pakainin bago ang sarili.
3. Kimi
Hindi masyadong palaimik, hindi niya nakakakuwentuhan ang mga kaibigan ng kuya niyang si Atong. Hindi nagrereklamo sa hirap ng buhay nila. Nang mapatay si Atong sa City Jail, hindi na niya inasikaso ang paghahabla laban sa maysala dahil mag-isa na lang siya at binalaan siya ng mga kapitbahay na huwag na lamang maghabla para hindi manganib ang buhay nila ni Mang Pilong Paralitiko.
PAGSUSURI
May pagkakatulad ang mga tauhang babaeng binanggit. Narito ang ilan:
a. Lahat sila ay mula sa lalawigan o probinsiya.
Karamihan ay mga anak ng mga lalaking nagtatrabaho sa bukid o sa dagat. Ang kanilang mga ina naman, bagama’t hindi tuwirang binanggit, ay maybahay ang okupasyon. Isinasaad sa mga nobela kung paano silang tumutulong sa gawain ng kanilang mga asawa.
b. Lahat din ng pangunahing tauhang babae ay maganda at kaakit-akit ang hubog ng katawan.
Marahil, ginawa itong katangian ng mga pangunahing babaeng tauhan para mas maging interesante ang personal na buhay ng mga pangunahing lalaking tauhan at upang sila ay bumagay sa mga bidang lalaki na inilarawan bilang may mga hitsura din (angat sa karaniwan) kahit paano at kadalasan ay matipuno ang katawan. Si Carding kasi ay magsasaka kaya banat ang katawan. Sina Adoy at Julio ay parehong mangingisda kaya maganda rin ang pangangatawan.
Hindi lang naman sa panitikan kundi maging sa iba pang anyo ng sining, madalas talaga ang tampok o bidang babae ay maganda at seksi. Wala namang problema rito ngunit kung ganito nang ganito, lagi na lang napapako ang atensiyon ng mambabasa sa pisikal na anyo ng bidang babae at hindi sa kanyang kabuuan bilang tao. Isa pa, paano naman ang mga bidang babaeng salat sa pisikal na kagandahan? Malamang ay nababawasan ang atensiyon na ibinibigay ng mambabasa sa tulad nilang bidang babae dahil nasanay na ang mambabasa sa maganda at seksing bidang babae.
Dagdag pa, ayon kay Thelma Kintanar sa akda niyang Babae: Bilanggo ng Kasarian o Babaylan?
“Napipirme sa ating isip ang larawan ng babae na laging maganda, laging mabango, laging maayos at nakangiti. Idinadambana natin na parang santo ang ganitong imahen at nalilimutan natin na ang babae’y tao: pinagpapawisan, nagugusot ang buhok, naapagod, umiinit ang ulo. At hindi lang iyon: na siya’y may sariling isip, sariling damdamin, sariling minimithi, sariling pinapangarap.”
Oo nga naman. May depth ang bawat tao, babae man o lalaki. Mahalagang masalamin ito ng panitikan para hindi flat ang mga tauhan at nang hindi pare-parehong mag-isip ang mga tauhan sa lahat ng akda.
Sa tatlong nobela, pinagtuunan din ng pansin ang pagiging seksuwal na tao ng mga pangunahing babaeng tauhan. Narito ang paglalarawan kay Mering: noong 3rd year, napili siyang mutya sa Foundation Day Celebration. Ipinagmamalaki ito ng mga kanayon sa Bimmikal. Hinog na allagat ang kanyang labi, kawangis ng balat ng hindi pa naaarawang buho ang kanyang kutis at tila ipinaglihi sa tuktok ng Bundok Tirad ang kanyang mga dibdib.
Narito naman ang unang banggit kay Lucing sa nobela: Hoy, Carding, do you know who finished taking a bath just now? You should have come earlier so you would have seen Lucing’s thighs as we did. I’ll tell you that they are big and white like the inside of the banna stalk; that is if you haven’t seen them already.
Narito naman ang kay Ligaya nang sa wakas ay matagpuan siya ni Julio sa Central Market: hinabol ni Julio ng tingin ang babae, tinanaw sa ulo, sa balikat, sa balakang, sa binti, pinanood ang mga hakbang at imbay.
Masasabi ko namang out of character ang isang pangyayari sa nobelang Without Seeing the Dawn. Muntik nang makipagtalik si Lucing kay Luis, ang tisoy na anak ni Don Diego. Si Don Diego ang may ari ng lupang sinasaka ni Carding. Kagagaling lang ni Lucing sa mundo ng pagdadalamhati dahil namatay ang panganay nila ni Carding. Sa pagtigil ni Luis sa bahay nila ay natukso na si Lucing na patulan ang pagfi-flirt ni Luis. Biglang dumating si Luis sa bahay nilang mag-asawa.
Marahil ay walang maisip ang manunulat kung paanong mapapaalis ang mag-asawa sa lupa nilang sinasaka kaya bigla niyang ipinasok ang steamy hot scenes nina Lucing at Luis. Nahuli kasi sila ni Carding sa akto kaya binugbog ni Carding si Luis. Nagsumbong, natural, si Luis kaya pinaalis na sina Carding at Lucing sa lupang sinasakahan.
Sa buong nobela ay ito lamang ang eksena na nagpakita ng kahinaan ng paninindigan ni Lucing pagdating sa sex kaya tingin ko ay out of character talaga ito. Siguro para maging kapani-paniwala ang mga pangyayari, isinalang na lang ng may akda ang dangal at karakter ni Lucing. Hinayaan niya itong matukso sa isa pang lalaki.
c. Ang mga nagtatrabahong babaeng tauhan ay alinman sa tatlo:
1. Mababa ang posisyon
2. Maliit ang kita
3. Walang kita o walang kapasidad na kumita kahit nagtatrabaho
Si Lucing ay nagtatrabaho sa bukid at sa bahay ngunit hindi siya kumikita mula rito. Ito ang paraan niya ng pagiging mabuting asawa at pagsisilbi kay Carding. Si Rosing naman ay mananayaw at kailangang gamitin ang katawan para mabuhay at kumita nang maayos.
Si Mering na siyang pinaka-promising sa lahat na pangunahing babaeng tauhan dahil siya lang ang may pinakamataas na naabot sa pag-aaral ay nabuntis naman. Nang siya’y buntis, sinubukan niyang magtinda ng isda sa palengke hindi para sa sarili kundi para makatulong sa mga gastusin sa bahay nina Adoy.
Si Baket Basil ay tindera ng isda sa palengke. Kailangan niyang magbenta hanggang maubos ang kanyang paninda para mabuhay sila nina Adoy at Apong Binoy. Minsan, kusa rin niyang binababaan ang presyo ng paninda para magkaroon ng tapat na suki tulad ng asawa ng doktor na gumamot kay Apong Binoy.
Si Ligaya naman ay mamamasukan sana bilang kasambahay sa Maynila. Ngunit niloko siya ni Misis Cruz na siyang nagkulong sa kanya sa kasa para ibenta sa mga lalaki. Wala siyang kinikita rito dahil kinukuhang lahat ng taga-kasa. Nang maging asawa siya ni Ah Tek, binigyan siya ng pera nito para ipadala sa probinsiya. Hindi siya pinagtatrabaho kaya’t maaaring isa sa dahilan kung bakit di siya makaalis sa kahindik-hindik niyang sitwasyon ay ang kawalan ng pinansiyal na kakayahan para gumawa ng anumang hakbang.
Si Perla naman ay pa-sideline-sideline na tagapaggantsilyo, kahit paano ay nakakatulong na panggastos nila ni Atong at Mang Pilo. Nang mamatay si Mang Pilo, natagpuan si Perla sa kasa.
May kasabihan sa Ingles na “women’s work is never done.” Sa US at maging sa iba pang bahagi ng mundo (lalo na dito sa Pilipinas), nagtatrabaho ang babae nang mas mahabang oras kaysa sa lalaki dahil bukod sa tunay niyang trabaho, “kasama” din sa trabaho niya ang gawaing-bahay (na hindi naman nababayaran) at ang pag-aalaga sa kapamilya. Dagdag pa rito, kung sumusuweldo naman siya, kadalasan ay mas mababa ang kanyang kinikita kaysa sa lalaki.
Ayon naman sa Rethinking the Nature of Work na sanaysay ng aklat na Feminist theory from margin to center ni Bell Hooks, “receiving low wages or no wages is seen as synonymous with personal failure, lack of success, inferiority…” Naniniwala ako na ang sinabi ni Hooks ay hindi lang sa tunay na buhay maaaaring i-apply kundi maging sa mga tauhan sa panitikan. Bakit nga ba laging hikahos ang mga babaeng tauhan sa tatlong nobela? May kakayahan mang kumita ang iba sa kanila ay napakaliit naman ng kinikita ng mga ito, di hamak na mas maliit sa maliit na ngang suweldo ng mga bidang lalaki.
Ayon kay Thelma Kintanar, ang malimit na paglalahad ng ganitong paglalarawan ay nagpapalakas at nagpapairal ng mga maling palagay at huwad na paniniwala tungkol sa babaeng Pilipino. Kung laging hikahos ang babae sa panitikan, laging mura ang pasuweldo sa kanya, laging libre ang kanyang paggawa, malaki ang tsansang tatanggapin ito ng mga mambabasa bilang isang katotohanan. Na okey at normal lang naman ang karampot o walang suweldo sa pagtatrabaho ng isang babae. At magpapatuloy pa lang itong mangyari. In fact, hanggang ngayon, ang paggawa ng babae sa bahay ay hindi naman itinuturing na trabaho. Wala itong katumbas na halaga sa ekonomiya samantalang oras at pagod din naman ng mga babae ang ipinantatapat nila rito, gaya ng ipinantatapat ng mga lalaki kapag sila ay nagtatrabaho halimbawa bilang tagahugas ng pinggan.
d. Ang mga pangunahing babaeng tauhan ay biktima o isang taong hindi hawak ang kanyang kapalaran.
Laging biktima ang mga pangunahing babaeng tauhan. Noon pa, 1920’s pa, ay ganito na ang pag-represent sa kababaihan sa panitikan. Ayon nga kay Helen Lopez sa akda niyang From the Outsider Within: The Cultural Representation of Women in Selected Tagalog Novels of the 1920’s, “women in works are represented as overwhelmed by life - by suffering, misfortune, poverty, tyranny, disloyalty, treachery, infidelity, oppression and thus often adrift or wallowing in a sea of emotion or powerful sensation.” Lahat na lang ng pangit na pangyayari na puwedeng idulot sa mga pangunahing babaeng tauhan ay itinambak na sa kanila ng mga may akda.
Si Lucing ay namatayan ng tatlong anak. Siya ay niloko ni Carding nang makipagrelasyon si Carding kay Rosing. Naranasan din niya ang bahain ang sakahan. Biktima rin siya ng digma. Pinatay ang kanyang ama at ginahasa siya ng mga Hapon. Nabuntis pa siya ng Hapon.
Si Mering, bagama’t mas may kontrol sa mga nangyari sa kanya halimbawa ay ang pagkakaroon ng relasyon kay Adoy at ang pagkabuntis nito sa kanya, ay marami ring ulit na naging biktima. Binaril siya ng sariling kapatid na si Julian Buligo.
Si Baket Basil naman ay isang balo. Biktima siya ng lubos na kahirapan. Wala siyang sapat na pera para mapag-aral ang tanging pag-asa niyang makakapagsalba sa kanila sa hirap. Biktima siya ni Apong Julian na napakahirap utangan at napakalaking magpatubo. Sa pang-araw-araw niyang buhay, biktima siya ng mapanamantalang empleyadong nagbebenta ng tiket ng puwesto sa palengke at ng iba pang barat na mamimili.
Si Ligaya ay biktima ng pamimilit ng kanyang magulang. Ayaw naman niya talagang lumuwas ng Maynila pero dahil sa pamimilit ng magulang ay sumama siya kay Misis Cruz, na isa palang illegal recruiter. Biktima rin siya ni Misis Cruz nang dalhin siya sa kasa para pagkakitaan at ipagahasa sa isang customer. Biktima rin siya ni Ah Tek, ang customer na “nakabili” sa kanya dahil inasawa/ginawa siyang kabit nito at pinatay pa sa pagsasara ng nobela.
Si Perla at ang kanyang pamilya ay biktima ng pang-aagaw ng lupa. Siya rin ay biktima ng kawalang-katarungan nang mamatay ang kuyang si Atong dahil hindi naman nahuli ang suspek. At pinakahuli, biktima siya ng sunog, natupok ang kanilang bahay. Namatayan siya ng ama dahil sa sunog na ito. Isang araw, natagpuan na lang siya sa kasa, nagbebenta na rin ng katawan.
Lahat sila ay parang mga helpless na babae, damsel in distress, nangangailangan ng tulong at proteksiyon. Na siyempre kanino pa maaaring magmula kundi sa mga lalaking tauhan? Maaaring tinambakan ng mga may akda ang kababaihang ito ng kamalasan upang pagandahin ang imahen ng mga pangunahing lalaking tauhan. Sa umpisa’y laging timbulan ng lakas ni Lucing si Carding. Si Mering ay sinagip ni Adoy nang pakiusapan nito si Julian na huwag nang bariling muli si Mering. Si Baket Basil ay magkakaroon ng pag-asang guminhawa ang buhay dahil sa pagpapasya ni Adoy na magpa-Cagayan na lamang. Si Ligaya ay sasagipin sana ni Julio kundi lamang nahuli ni Ah Tek. Si Perla ay liligawan sana ni Pol kung hindi lang napunta sa kasa.
Wari ay isinulat ang mga kasawian ng kababaihang ito para lang magmukhang mga bayani ang pangunahing lalaki na bagama’t kinatawan ng inaaping uri ay simbolo pa rin naman ng sistemang patriyarkal. Sa madaling salita, maaaring ginagamit ng mga may akda ang babaeng tauhan para mapanatili ang paniniwala ng mambabasa sa sistemang patriyarkal.
Sa paglalarawan sa iba pa o minor na mga babaeng tauhan, makikita rin na parang iginigisa sa sariling mantika ang kababaihan. Halos lahat ay negatibo:
SA WITHOUT SEEING THE DAWN
a. Ayon kay Polo, isang minor na tauhan ni Javellana, “female children are such a nuisance. They grow up and want to have their hair curled and tempt young men to serenade them at night.” Makikita rito ang pagka-bias ni Polo. Mas gusto niya ang mga batang lalaki. Ini-imply niya na mas makabuluhan ang mga naiisip ng batang lalaki kaysa batang babae.
b. Si Nanay Pia, ang nanay ni Lucing, ay napilitan lang magpakasal kay Tinyente Paul. Ayaw pa niya sanang mag-asawa si Lucing dahil bata pa ito ngunit wala siyang nagawa. Napilitan siyang magbigay-payo kay Lucing hinggil sa pag-aasawa. Sabi niya ay sumunod na lamang itong lagi sa asawa dahil ito ang pinuno ng tahanan. Tinuturuan niya pang maging kimi at submissive si Lucing kay Carding!
c. Sabi naman ni Manong Marcelo, “use tongues to settle their differences. Which is the way of those who wear skirts. But it’s the civilized way. Truly civilization makes men effeminate.” Ito ay hayagang pagsasabi na bagama’t sibilisado ang paraan ng kababaihan (tinutukoy ng those who wear skirts) sa pag-aareglo ng gusot, hindi pa rin ito preferred way dahil sa himig ng pangungutya sa salitang “effeminate.”
d. Si Rosing, sa umpisa ng nobela, ay patay na patay kay Carding. Hindi siya mapakali hangga’t di niya nakikilala si Carding. Dumating sa punto na sa loob ng 30 minuto, akyat-baba, akyat-baba siya sa kanyang silid at tindahan para lang alamin mula kay Tia Bebang kung dumating na si Carding. Parang pusang di makapanganak ang babae dahil sa lalaki. Ito ay malinaw na pangungutya sa babae!
e. Si Alicia na kababata nina Lucing ay napakabusilak na babae. Sa gitna ng nobela, ginahasa siya ng mga Hapon. Sa bandang dulo naman, naging tanyag siyang puta at talagang pinipilahan siya ng mga sundalong Hapon. Naka-survive siya sa digmaan sa ganitong paraan. Ginamit niya ang seksuwalidad niya para makaganti sa mga Hapon. Nakikipagtalik siya sa pinakarami gabi-gabi para bigyan ang mga ito ng sakit na nakakahawa.
f. Sabi naman ni Gondoy ni Javellana, “nevertheless, when someone helps me I feel like an old man. Or a girl.” Sinabi niya ito noong maputulan siya ng paa at sinisikap niyang makaakyat ng hagdan nang mag-isa.
g. Ayon naman kay Ruben, “Don’t talk like a silly old woman.”
h. Heto naman ang kutya ni Carding sa taong mahinang uminom: He who cannot down six cups of tuba is a girl and not worth spitting upon. Sa madaling salita ay pangkutya nila ang imahen ng babae sa taong mahina uminom ng alak
Sa items f, g at h makikita na kahit malaki at mahalaga ang papel ng ilang mga babaeng tauhan sa digmang sinuong nina Carding, ang persepsiyon pa rin sa kanila ng mga lalaking tauhan ay mabababaw at hindi nila kaparehas o kapantay.
SA SILANG NAGIGISING SA MADALING ARAW
a. ‘Yong usiserang nagtanong kung anong pinagkukumpulan sa planta nang may mahulog na anluwage rito at bumagsak sa lupa. Tapos itong usiserang ito ay sumigaw na parang itsinismis niya sa iba ang nangyari. Dahil sa ginawa nya, naglabasan ang lalaki, babae at mga bata para makiusyoso din. Usyoso, hindi tulong.
b. Si Honorata Ubal/Onong na kasamahan sa pabrika ni Adoy. Lagi siyang nakakapatid ng sinulid kaya natatakot kapag ioobserbahan na siya ng supervisor. Lagi pa naman siyang nagkakamali sa pagsusulid. Hindi siya masyadong articulate sa Tagalog kaya natatakot na mapansin nang husto ng supervisor. Hindi rin siya binigyan ng mas progresibong isip, iyong tipong nagtatanong tungkol sa nature ng trabaho nya, sa nature ng pabrika o iyong mas kritikal na pag-iisp katulad ng mga lalaki sa pabrika.
c. Si Fe na kaibigan ni Mering ay minsan ding inilarawan sa paraang seksuwal, “sa alon, inangat (ni Fe) ang kanyang palda at lumabas ang mapuputing hita. Waring kumulo ang dugo sa mga ugat ni Salvador.”
d. Si Pittang o Perfie na taga-Cagayan, nakipagsabwatan sa lalaki sa kabila ng kalsada para maipa-date si Mering sa lalaki. Napakasinungaling nitong si Pittang at very scheming din. Manggagamit siya ng kaibigan at manipulative na tao. Sa sobrang husay niyang mag-manipulate, napapapayag niya si Mering kahit ayaw nitong sumamang manood ng sine.
e. Kung titingnan sa malayuan, si Mering ay naipit lamang sa away ng mga lalaki (Apong Julian, Julian Buligo, Adoy). Ngunit siya at ang kanyang nasa sinapupunan ang pinakanaapektuhan. Kung ia-apply natin sa realidad ang ganitong pangyayari, masasabing napakalimit nitong maganap. Mga lalaki ang magkaaway pero ang madalas na napapahamak ay ang mga mahal nila sa buhay na babae.
SA SA MGA KUKO NG LIWANAG
Hindi masyadong na-highlight ang mga babaeng tauhan dito. Ginamit lamang sila ng awtor upang mapalitaw ang kadakilaan ng pag-ibig ng isang lalaki (Julio) sa pinakamamahal niya (At Ligaya). Ginamit din ang kababaihan upang mapalitaw ang kabutihang puso ng kalalakihan (si Atong, hindi niya pinapabayaan si Perla). Lahat ng babae, kung hindi salbahe (tulad ni Misis Cruz) ay tragic ang ending (tulad ng nangyari kina Ligaya, Perla at sa mga puta) halatang lalaki ang gumawa ng nobela. Sina Saling at Edes, pangit kaya ginawa na lamang silang katulong
ni Misis Cruz. Si Misis Cruz, ang illegal recruiter, ay inilarawan sa nakakatawang paraan! “Tatlong suson ang baba, ang likod ay sinlapad ng likod ng kalabaw, ang mga braso’y tila dalawang patang hamon na nakabitin sa magkabilang balikat,” sulat ni Reyes. ‘Yong babae sa construction, puta. Payag siyang pilahan ng mga construction worker basta the price is right. ‘Yong kasambahay ni Ah Tek ay walang simpatya kay Ligaya. Parang naging tau-tauhan lamang ito ni Ah Tek, alagad, parang ganon. Idagdag pa rito ang mga babae sa kasa na adik sa morpina, yaya ng baby ni Ligaya, (isang Tsina) and at the same time, tapagbantay sa baby at nang hindi na makidnap ni Ligaya ang sariling anak. Isama na rin ang tatlong serbidora (description ni Reyes: hindi magagandang babae) sa isang maruming bar na walang jukebox, noon at doon ipinagtapat ni Pol kay Julio ang nangyari kay Ligaya
NEGATIBO
Halos lahat ng mga nabanggit na babaeng tauhan ay negatibo ang karakterisasyon at pagkakalarawan. Maitatanong natin, may sama ba ng loob ang mga may akda sa kababaihan? Bakit nga ba napakanegatibo ng portrayal nila sa babae? Na para bang ito rin ay kalaban ng kanilang inaaping bidang lalaki.
POSITIBO
Mabuti na lamang at may iilang paglalarawan sa kababaihan ang mga may akda na sa pagkakataong ito ay positibo naman.
Sa Sa Mga Kuko ng Liwanag, ang matiyagang paggagantsilyo ni Perla kahit madilim na at gasera lang ang kanilang ilawan ay maaaring isang paraan ng paglalarawan ng mind set ng dalaga, na kahit anong mangyari patuloy niyang igagantsilyo ang kinabukasan niya, patuloy niyang bubuuin ang buhay niya, kahit mahirap kahit pa madilim na. Ang paggagantsilyo ay tinitingnan bilang passive na gawain, puwede ring sign of weakness pero maaari ding tingnan ito bilang simbolo ng tahimik na pakikipaglaban ng isang babae sa lahat ng puwersa sa paligid niya. “I will create. I will still create no matter what,” iyon ang isa sa maaaring kahulugan nito.
Si Nanay Maria sa Without Seeing the Dawn. Ina siya nina Melchor at Gaspar na pinatay ng mga Hapon. Si Nanay Maria ang ilan sa mga babaeng gumawa ng paraan para maipaghiganti ang mahal nila sa buhay. Mahusay din niyang naplano kung paano silang makakaganti ni carding sa mga Hapon. Si Nanay Maria din ang naging boses ni Javellana nang sabihin niyang, “Even the civilians are victims of war.”
Ito ay patunay na hindi lamang tagaiyak ang kababaihan nang panahon ng gera. Hindi lamang sila saksi o biktima. Sila rin ay lumalaban. Kahit sa gitna ng panganib, aktibo silang naghahanap ng katarungan para sa minamahal na pinatay ng kaaway.
Sa lahat ng babaeng tauhan na sinuri mula sa tatlong nobela, si Mering ang pinakakahanga-hanga bilang isang babae. Matapang siya at malakas ang loob. Kung gusto niya ay talagang pinu-pursue niya (tulad ni Adoy). Mas bukas ang kanyang isip kumpara kina Fe at Soling, ang kanyang mga kaklase. Very vocal din siya, sinasabi niya nang walang pangingimi ang kanyang nararamdaman.
Narito ang isang bahagi ng liham ni Mering para kay Adoy:
Marahil ay luluwas na ako patungong Maynila sa susunod na linggo. Kahit ngayon, dahil ayoko pang umalis, ay alam ko nang marami akong pangungulilahan. Pero babaunin ko ang paniniwalang mahal mo ako. lagi kitang nkikita sa aking panaginip, kagaya rin sa pagkakaalala ko lagi sa gabing naroon tayo sa kapandanan! O! Nalilipos ako ng kaligayahan!
Mahusay makipag-usap si Mering, halimbawa nito ay nang una niyang makilala si Baket Basil. Hindi niya pinadamang payak at maralita ang pamumuhay nina Baket at Adoy. Binanggit din niya ang pangangailangan ng mga taga-Bimmikal sa mga taga-Sabangan at vice-versa. Malay siya sa human ecology ng Guilang. Promising ang kanyang character dahil sa oportunidad na dumarating sa kanya, halimbawa ay ang pag-aaral sa Maynila. Pagkaluwas naman niya sa Maynila, intact pa rin ang kanyang identity (proud to be Ilokana siya) at ang values (mapagkumbaba pa rin, analitikal at mapanuri). Alam niya kung kailan napapagsamantalahan na ang isang tao o hindi. At umaalma talaga siya kapag nasasaksihan o nararamdaman niya ang pagsasamantala ng iba.
Sa madaling salita, kumpara sa iba pang pangunahing babaeng tauhan ng mga akdang sinusuri, si Mering ay ang pinaka-empowered sa lahat.
KONGKLUSYON
Tunay ngang malikhain ang paraan ng mga nobelistang sina Javellana, Casabar at Reyes para ipahayag sa pamamagitan ng prosa ang pang-aapi at pananamantala ng mga makapangyarihan sa magbubukid, factory worker, mangingisda, construction worker at iba pang walang kapangyarihan sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng lipunang Filipino. Di matatawaran ang ambag ng mga nobelang ito para maipaunawa sa mambabasa ang mga struggle ng mga walang kapangyarihan sa ating bansa.
Ang problema lamang, marahil ay sa laki ng pagnanais ng mga tampok nating nobelista na ma-expose ang ganitong mga di makatarungang pagtrato sa mga walang kapangyarihan, natuon ang pansin nila lalo na sina Javellana at Reyes sa tunggalian ng panginoong may lupa at sakada, sa tunggalian ng mananakop at ng mga sinasakop, sa tunggalian ng kapitalista at manggagawa, at sa tunggalian ng kapitalista at construction worker.
Sang-ayon sa ideya ni Bell Hooks, tinatalakay ng tatlong nobelista ang opresyon, oo, ipinakikita nila ang ugat nito, oo, at sinasabi nila na mali ito at hindi dapat na mangyari. Ngunit iminumungkahi rin ng mga akda nila (na may mababang pagtingin at defeatist na portrayal sa kababaihan) na ang paglaya sa ganitong opresyon ay para lang sa mga inaaping kalalakihan. Samakatuwid, ang mga inaaping kalalakihan lang ang nangangailangan ng kalayaan. Bakit? Nag-aalok ang tatlong nobelista ng isang pagsusuri sa lipunan, imperyalismo, piyudalismo at kapitalismo ngunit nakaligtaan nila (lalo na sina Javellana at Reyes) na isaalang-alang ang papel ng kasarian sa mga ito. Hindi nakapagbigay ng mas solidong pundasyon ang tatlong nobela para makabuo ng mas malawak at buo na pagtingin sa mundo kung saan talaga namang bahagi rin ang kababaihan.
At ang ang mga ganitong akda ang siyang bumubuo sa canon at tradisyong pampanitikan natin. Ayon pa kay Rosario Cruz-Lucero, sa tradisyong pampanitikan ng Pilipinas, masasabing ang babae’y tumatayo lamang bilang alegorikong simbolo ng kahinaan ng lalaki o di kaya’y ng mga karanasan sa buhay na nagsisilbing mga balakid sa paglalakbay nito tungo sa kaluwalhatian.
Sumasang-ayon din ako kay Cruz-Lucero nang sabihin niyang “hindi makakasalok sa ganitong bersiyon ng tradisyon at kasaysayang pampanitikan ang babaeng manlilikha. Hindi ito mapag-igiban ng mga pagpapakahulugang pambabae; bagkus puno ito ng mga imahen ng babaeng tauhang nagbibigay-kahulugan sa mga karanasang panlalaki lamang.”
Isang nakakalungkot na katotohanan, hindi ba?
REKOMENDASYON
Kaya naman, sang-ayon muli sa ideya ni Hooks, kung para sa pagsusulong ng tunay na pagbabago at pagwasak sa lahat ng anyo ng pananakop at pang-aapi ang hangad ng mga manunulat na tulad ni Casabar lalo na nina Javellana at Reyes sa pag-akda ng kanilang mga nobela, dapat ay binibigyang-pansin din nila at nilalabanan ang pang-aaping may kinalaman sa kasarian sa kanilang mga akda.
Para naman sa mga kapwa ko manunulat na babae, rekomendasyon ko’y kung hangad nating makatulong sa pagpapaangat ng kamalayang panlipunan ng mambabasa, at sa pag-agos at pagpapadaloy ng tema, imahen, karanasang pambabae at pagpapakahulugang pambabae sa kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas, magsulat tayo nang magsulat. Damihan natin ng Mering ang ating mga akda. Malaon na tayong na-etsa puwera bilang mamamayan, manggagawa, asawa, ina, anak at tao ngunit hindi natin dapat ikalungkot ito. Maiging maging pro-active tayo at gamitin ang natatanging perspektibong ito para patuloy na suriin ang namamayaning hegemony sa tunggalian ng magkaibang uri: may kapangyarihan at walang kapangyarihan para patuloy na lumikha o sumulat ng counter-hegemony na patas at makatarungan sa lahat, babae man o lalaki (sang-ayon pa rin sa ideya ni Hooks).
SANGGUNIAN:
Casabar, Constante C. Trans by Duque, Reynaldo A. 1993. Silang Nagigising sa Madaling Araw. Quezon City: ADMU Press.
Hooks, Bell. 1984. Black Women: Shaping Feminist Theory. Nasa Feminist Theory from Margin to Center. Cambridge, MA: South End Press.
Javellana, Stevan. 1976. Without Seeing the Dawn. Quezon City: Phoenix Press, Inc.
Jose, Mary Dorothy DL Jose at Navarro, Atoy M., eds. 2010. Kababaihan sa Kalinangan at Kasaysayang Pilipino. Quezon City: C& E Publishing.
Kintanar, Thelma. ed. 1992. Babae: Bilanggo ng Kasarian o Babaylan? Nasa Ang Babae. Pasay City: Cultural Center of the Philippines.
Lucero, Rosario Cruz. 2007. Ang Talinghaga ni Mariang Makiling: Isang Panimulang Maka-Pilipinong Teoryang Feminista. Nasa Ang Bayan sa Labas ng Maynila. Quezon Ciy: ADMU Press.
Reyes, Edgardo M. 1997. Sa Mga Kuko ng Liwanag Ikawalong Limbag. Manila: DLSU Press.
Reyes, Soledad S. ed. 2003. Silid na Mahiwaga Ikalawang Limbag. Mandaluyong City: Anvil Publishing.
Shaw, Susan M. at Lee, Janet, eds. 2004. Women’s Voices, Feminist Visions Classic and Contemporary Readings. New York, U.S.A: McGraw Hill Companies.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment