Friday, March 8, 2013
Happy Women's Day
Para sa lahat ng babae, ina, guro at mandirigma:
Ang Nanay kong Titser
ni Orly Agawin
Teacher ang nanay ko. Retired public school teacher. After 38 years of teaching Grade 1 in a public elementary school in Pasay, nag-retire na siya 7 years ago.
Oo, Grade 1. Sa public. Kapag Grade 1 teacher ka sa public, sayo nagsisimula ang mga bata sa halos lahat ng mga foundational learning skills. Sa unang araw ng klase, papasok ang mga bata sa classroom mo na tanging pad paper at lapis lang ang dala. Kadalasan, ang tanging laman ng utak ay ang mga naiwang laruan sa kwarto, at ang mga nangungulilang kalaro sa kabilang bahay. Hindi tulad ng mga bata ngayon na Kinder pa lang ay marunong nang magbasa at magsulat ng pangalan, ang mga pangalawang anak ng nanay ko noon ay mga non-readers.
Pagbukas pa lang ng telon sa unang taon ng pag-aaral, stress na agad ang bumubulaga sa nanay ko.
Sa unang mga buwan ng school year, walang ibang gagawin si nanay kundi ang turuang pabasahin at pasulatin ang mga bago n’yang mga anak. Gamit ang isang mahabang patpat, ituturo n’ya ang bawat letrang nakasulat sa nakabungkos na Manila Paper at imo-model ang bawat tunog.
“KA…ke-KI…ko-KU!” ang instruction ni nanay.
“KAaaaa…ke-KIiiiiii…ko-KUuuuuu!!!” sigaw ng mga bata pabalik.
“JOSEPHUS! Itago mo yang robot mo. Ipapakain ko sa iyo yan!” sigaw ni nanay sa pinaka-pasaway nyang estudyante noong 1984.
“Ma’am, ma’am!” biglang sabat ng isang batang babae sa tabi ng kabinet. “Bisaya naman po ‘un koku, e. ‘Kuko’ po yan.”
“Pantig ito. Syllables. Ito ang mga gumagawa ng mga salita,” ang natatandaan kong sagot ni nanay na nakangiti.
“Bisaya po yan Ma’am,” pilit pa rin ni bagets. “Alam ko, ‘yan kase Bisaya si papa ku.”
“Mamaya na nating pag-usapan ang tatay mo!” sagot ni nanay, sabay baling pabalik sa klase. “TULOOOOOY: DA…de-DI…do-DU!!!”
Malakas na tawanan ang sinagot ng mga bata. Mala-palengkeng ingay ang sumalubong sa bagong set ng pantig ni nanay, habang si Josephus Tatlonghari naman ay tuloy pa rin sa pagpapalipad kay Voltez Five gamit ang kamay, braso at ang imagination na siya si Little John Armstrong.
“DODO! DODO! DEDE! DEDEeeeeeee!!!” ang narinig ko sa gitna ng ingay at gulo.
“SOSU! SOSU!!” sabi naman ng batang may Bisayang tatay.
“QUIET!” sigaw ni nanay, sabay pinapalo ng patpat sa teacher’s table.
Kapag Reading class naman, Inglesan ang labanan. Paulit-ulit na mga phrases, na parang isinisiksik sa utak mo ang bawat balangkas na English, para di mo malimutan.
See Bantay run, Nita.
See Bantay run, Tony.
See Bantay run, Mother.
Sa Writing naman, halos mabutas na ang pad paper ng mga bata sa diin ng pagsulat ng mga pangalan nila, dala ng stress, at takot kay Ma’am.
“Bakit lumalampas ang ‘s’ mo sa pulang linya, Kristopherson?!” duro ni nanay gamit ang patpat sa parang pinigang papel ni Peter John Kristopherson Delina. “Kaya nandyan yang pulang linya na yan, para hindi lampasan ng mga maliliit na letters!”
Pero nakayuko pa rin si Kristopherson. Hindi naalis ang tingin sa papel. Babaligtarin ang lapis para burahin ang mali. Tuloy ang lakad ni Ma’am.
“Ma’am Agawin, tingnan n’yo,” sabi minsan ni Esmeralda Gollaba habang itinataas ang kanyang papel. “Ang ganda ng small ‘t’ ko!”
Nilapitan siya ni nanay, tiningnan ang gawang sulat. “Tama. Tama yan. Beri gud, Esmeralda!”
Kapag recess, naghalong arnibal, sopas, pawis at Nutribun ang biglang bubulaga sa’yo. Nakapila ang mga bata sa tray ni nanay na galing sa canteen. Limang piso sa sopas, tatlong piso sa sago, at dalawang piso sa Nutribun (for the labor daw).
Walang kita ang nanay ko sa tray ng canteen. Lahat ito’y bumabalik sa canteen manager at ginagamit para sa cooperative.
Ok na. May extra namang kita si nanay sa tinitimpla niyang skinless longganisa na iniaalok n’ya sa mga co-teachers n’ya.
Makikita mo kung gaano kagutom ang mga bata. Sa kakarampot na pink sopas, at maputlang sago, tanging ang maasim na Nutribun ni Marcos lang ang nagpapabigat sa tiyan.
Sa bahay, pagkatapos maglaba, magluto at mamlantsa, halos tatlong oras na uupo ang nanay ko sa ibinabang kabayo ng plantsa para tapusin ang mga lesson plans ng susunod na linggo. Di siya makausap. Di pwedeng maistorbo. Matapos nito, visual aids naman. Gupit dito, gupit doon. Dikit ng pictures dito, dikit ng pictures doon. Sulat dito, sulat doon.
Ka Ke Ki Ko Ku.
Bukas, isang bagong giyera na naman sa classroom, isang araw rin ng bagong pakatuto.
Sobra ang dedikasyon ng nanay ko sa pagtuturo. Noong araw na malaman n’yang sumakabilang-bahay na ang tatay ko at hindi na uuwi sa amin, magdamag siyang umiyak mag-isa sa kwarto. Kami ni Arvin, umiyak din hanggang sa makatulog. Pag-gising ko kinabukasan, nakahanda na ang mesa’t may agahan na sa pinggan.
“Papasok ka? ‘E depressed ka, ‘di ba?”
Hindi raw pwedeng mawala sa klase. Kawawa ang mga bata. Ipaampon sa mga katabing classroom, mag-iiyakan.
Pumasok ang nanay ko noong araw ring ‘un. Umagang uamaga, para makahabol sa flag ceremony. Umalis siya sa bahay, suot ang uniform na pang-Martes, dala ang bag ng mga lesson plans, visual aids, at ang bigat ng pag-iisa.
She won the Excellence Award for Elementary Education in her school’s district a year before her retirement. Sa kanya ako nagmana ng pagiging award-winner!
Isang araw noong College ako, sinundo ko si nanay sa school. Pupunta kasi kami sa City Hall para samahan siyang kumuha ng mga forms para sa COMELEC. Malapit na naman ang eleksyon. Sila na namang mga teachers ang nakasalang sa madumi at mapanganib na proseso ng pagpili ng mga uupo sa pwesto.
Habang naglalakad kami sa may Decena sa Pasay, isang Toyota Corona ang pumarada sa tabihan namin. Bumaba ang nakasakay. Babae. Matangkad, maputi, naka-high heels.
“Ma’am Agawin?”
Tumigil kami ni nanay sa paglakad
“Ako po si Esmie,” nakangiting sagot ng babae. “Esmeralda Gollaba.”
“Ung magaling magsulat? Ung magaling mabasa!” bulas ni nanay. “Natatandaan kita!”
“Kamusta kayo Ma’am? Nagtuturo pa rin kayo? ”
“Oo, doon pa rin,” sabi ni nanay. “Doon na ata ako tatanda.”
“Anak ninyo? ”
Tumago si nanay. “College na,” proud na proud na sabi ni nanay.
“Saan kayo papunta?” tanong ni Ate Esmie.
“Sa City Hall.” nakangiting sagot ni nanay.
“Malayo pa lalakarin ninyo. Sabay na kayo sa amin. Papunta kaming Astrodome.”
Pagsakay namin sa kotse ni Ate Esmie, may nakita akong bata sa passenger’s seat. Anak n’ya. Grade 1 na daw sa may Montessori School sa malayong subdivision. Asawa niya ang nagmamaneho. Taga Bangko Filipino daw. Bank Manager.
“Jen,” tawag ni Ate Esmie sa anak. “I’d like you to meet my Grade 1 teacher. This is Ma’am Agawin. She’s my most favorite teacher.”
Tumingin lang ang bata.
“She taught me how to write,” tuloy n’yang pagkwento sa anak. “Now, mommy’s teaching other people how to write!”
“Terror po ‘yan,” sabi ng asawa ni Ate Esmie habang nakatingin pa rin sa kalsada. “Hindi ko alam kung kanino nagmana.”
Tiningnan ko si nanay. Napalunok lang siya.
College Professor na raw si Ate Esmie sa isang mamahaling kolehiyo sa Maynila. Creative Writing ang natapos sa UP Diliman. Hanggang ngayon, nagtuturo pa rin siya ng Malikhaing Pagsulat.
Pagbaba namin sa City Hall ng Pasay, nagpa-alam si Jen, kumaway sa amin ang asawa ni Ate Esmie.
“Salamat, Esmeralda.” Hanggang ngayon, walang nickname-nickname kay nanay.
“Naku wala po iyon,” sagot ng dating estudyante. “Salamat din po Ma’am. Napakalaki ng naitulong ninyo sa akin.”
Tahimik ang nanay ko habang papasok kami ng COMELEC. Nang matabihan ko siya, nakita ko ang mga ngiti. Naging masigla, halos lahat ng staff ng office ay binati.
Matapos sa COMELEC ay pinakain pa ‘ko sa Jollibee sa may Holiday Plaza. Take note: nuknukan ng kakuriputan ang nanay ko, ah?
Inisip ko ang huling sinabi ni Ate Esmie. Kung tutuusin, isang taon lang ang naiambag ng nanay ko sa mahigit isang dekadang pag-aaral niya. Isang taon ng laro, ingay, kawalang-malay, Nutribun, at see-Bantay-run-Father-see-Bantay-run-Mother.
ero iyon ang taon ng mga simula. Simula ng pag-aaral at ng tamang pag-iisip. Simula ng disiplina dala ng mga libro, lapis at chalk. Doon sa taon na yun, unang binibigkas ang mga pantig, sabay ng pagbibigay kahulugan sa mga letra nito. Dito buong nagaganap ang pagyakap sa mga nasimulang pangarap na maging nars, doktor, engineer, piloto, karpintero. Dito natin nalalaman na may paraan pala para makamit ang mga ito, at sa taong ito ang mga unang hakbang. Dito nagsisimula ang dahan-dahang pagkalas mula sa inosenteng diwa patungo sa malawakang pagkilala sa tunay na mundo. Sa mga paraan ni Mam o ni Ser na Fuller Technique, Audio-Lingual Method, at ang walang kamatayang paghabol kay Bantay, dito tayo naunang natutong magsulat, magbasa, makisama, magpahid ng sipon at magturo ng kung sino ang umutot.
Nakamulatan kong eight thousand pesos lang ang sweldo ni nanay kada buwan. Tumaas naman noong panahon ni Erap. Naging thirteen thousand per month hanggang sa mag-retire siya noong 2005. Napagtapos n’ya kaming magkapatid sa kakarampot na sweldo at pagod. Hindi madali. Dalawa ang pamilya nya. Isa sa bahay, isa sa eskwelahan.
Pero naging happy ending din naman.
Ngayon ay teacher na rin ako, ‘di nga lang Grade 1. Sa tuwing nagtuturo ako ng mga estudyante at mga guro, lagi kong dala dala si nanay. Sa bawat matang nakatingin sa akin, sigurado akong nandun lang ang mga katulad nina Esmeralda Galloba, Peter John Kristopherson Delina, Josephus Tatlonghari, at ang batang babae sa may tabi ng kabinet.
Ang sanaysay na ito ay ipinost nang may permiso mula kay Orly Agawin, ang awtor. Bisitahin ang kanyang blog!
http://www.jellicleblog.com/ang-nanay-kong-titser/
Copyright ng mga larawan ay kay Ronald Verzo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
1 comment:
Naku! Salamat sa pag-repost mo nito, kapatid!
Happy Women's Month!
Post a Comment