ni Beverly W. Siy
Yes to Favoritism
Mahigit sampung taon na akong nagsusulat ng malikhaing akda sa iba’t ibang genre: tula, kuwento, sanaysay, comics script, dulang pambata, kuwentong pambata, nobelang erotika at talumpati. Ang ilan sa mga akdang ito ay nalimbag o nai-produce na, sa kaso ng mga dulang pambata, sa loob at labas ng akademya. Karamihan sa pagsusulat ko sa mga genre na ito ang siyang pinagmulan ng kabuhayan ko at ng aking anak na si EJ.
Ang ibang genre ay batis ng kabuhayan naming mag-ina, masasabi kong ang tula ay hindi. Bihira akong mabayaran para sa paglalathala ng aking tula at kung mabayaran man ay hindi naman masyadong malaki. Halimbawa nito ay ang bayad sa akin sa tula kong nailathala sa journal na inililimbag ng isang pangkulturang ahensiya ng pamahalaan, tumataginting na tatlong daang piso. Baka tumaas na ang rate na ito, ilang taon na rin naman ang lumipas mula nang ma-publish ako doon.
Ayon kay Abdon Balde, Jr., isang manunulat at dating consultant ng National Book Store, ang mga koleksiyon ng tula sa National Book Store ang isa sa mga uri ng aklat na kakaunti ang mamimili.
(Abdon Balde, Jr.)
Kadalasan ay napu-pull out daw ang mga koleksiyon ng tula dahil hindi “moving,” ibig sabihin ay madalang ang bumibili nito. Malungkot oo, pero ito ang katotohanan para sa mga makata.
Pampalubag-loob na ring malaman na hindi lang naman koleksiyon ng mga tula ng mga makatang Filipino ang kapiranggot ang merkado. Ayon kay G. Balde, kahit daw ang mga aklat ni Billy Collins, isang makata (at propesor!) sa US ay hindi naman “blockbuster.” Kung tutuusin, international author na ito at talaga namang sikat hindi lamang bilang manunulat kundi bilang tagapagtanghal ng tula. “Slow moving” pa rin daw ang mga koleksiyon nito ng tula sa National Book Store.
Noong isang buwan, natuklasan ko naman na ganon din ang kaso ng mga makata sa Australia. Sa isang di pormal na panayam ay ibinahagi ni Ken Spillman, isang children’s book author mula sa Australia, na kumikita lamang ang mga makata sa kanilang bansa sa pamamagitan ng pagtuturo. Karamihan sa mga makata ay propesor sa unibersidad. Bakit? Kasi hindi rin daw sapat ang kita ng makata mula sa kanilang mga tula kaya kailangan nilang maghanap ng iba pang ikabubuhay.
Natuwa ako at nalungkot at the same time nang marinig ang mga kuwento ni G. Spillman hinggil sa pagiging makata sa kanilang bansa. Natuwa dahil normal pala ang ganitong sitwasyon ng mga kumakatha ng tula. Akala ko, sa Pilipinas lang ito nangyayari! Karamihan ng kaibigan at kakilala kong de kalidad na makata ay nagtuturo sa unibersidad, nagtatrabaho sa Malakanyang, nagsusulat sa malalaking TV network, nagsasalin, nagsusulat ng mga dulang pampelikula, nagko-call center, nag-eedit, nagpo-proofread at nagtatrabaho sa kung saan. Kung aasahan nila ang kita mula sa kani-kanilang tulang nakalimbag, ay, malamang taong-grasa ang kahihinatnan nila, hilahod sa hirap. At nalungkot akong talaga. Kahit saan palang bahagi ng mundo, kabuntot ng mga makata ang pagdaralita.
Ngunit ganito man ang pang-ekonomiyang estado na ibinubunga ng pagtula, ang genre pa rin na ito ang aking pinakapaborito. Sa pagsulat kasi ng tula, natuto akong pumili ng mga angkop na salita para sa gusto kong ipahayag, na-appreciate ko ang tunog ng bawat salita, at natuto akong magtipid sa salita pag may gusto akong sabihin. Sa tuwing sumusulat ako ng tula, nag-iiba ang tingin ko sa bawat salita, bigla itong nagkakaroon ng sariling buhay.
Kaya ito na ring genre na ito ang pinili ko para sa huling kahingian ng kursong Malikhaing Pagsulat 215 sa ilalim ni Prop. Vladimeir Gonzales. Ba’t lalayo pa ako sa aking pinakapaborito?
Bukod diyan, mahaba na rin ang karanasan ko sa pagsulat ng tula. Sa kolehiyo, sa kursong BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino na kinuha ko sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, nahasa akong magsulat ng tula batay sa kahingian ng subject. Pag sinabi ng guro na magsulat ng tula tungkol sa EDSA Dos, sulat, submit. Pag sinabi ng guro na magsulat ng tula tungkol sa mga comfort women noong panahon ng Hapon, sulat, submit. Marahil ay nakadalawampung tula rin ako sa kolehiyo. Di pa kabilang dito ang mga isinulat ko nang dahil sa katangahan sa pag-ibig, pagkainis sa ermats, pagkaburyong, pagka-emo at iba pang personal na dahilan. Di pa rin diyan kabilang ang mga tulang isinali ko sa mga poetry writing contest sa unibersidad. Manalo, matalo, at least, nakatula ako.
Bago ako magtapos ay nakapasok ako sa UP National Writers Workshop bilang fellow sa tula. Lalong lumakas ang loob ko. Feeling makata na talaga ako.
Ilang buwan bago ako magtapos sa kolehiyo, pumasok ako sa taunang palihan sa pagtula ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Hunyo 2002 ito. Noon ko nalaman na hindi naman pala ako marunong magsulat ng tula. Nakakatsamba lang pala ako sa mga pinagsususulat ko noon.
Sa ilalim ng patnubay ni Sir Rio Alma (o Prof. Virgilio S. Almario na noo’y hindi pa Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan kundi isang masungit na ama sa lahat ng fellows), isang buong batch kaming sumubok na kumatha ng tula. Bawat Sabado, sa maliit na bahagi ng Adarna House sa may Tomas Morato area, isang buong maghapon kaming nag-aaral ng tula. Actually, madalas ngang maghapon-magdamag ang mga session na ito dahil nauuwi sa inuman ang mahahabang talakayan ng tula. Tula naming mga fellow ang pulutan. Noon na-develop ang malalim kong pagmamahal sa mga bula ng San Mig Light, pati na rin sa sariling wika, sa mismong craft ng pagtula at sa panitikang Filipino. Tulad ng anumang pag-aaral, nagsimula ang batch namin sa basics- tugma’t sukat, tanaga, bugtong, diona, villanelle, sestina, soneto at marami pang iba hanggang sa tumuloy kami sa malayang taludturan. Nag-aral din kami ng elemento ng tula, pagsasalin ng tula, tulang pambata, tula noon, tula ngayon, tula mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig at pati buhay ng makata, inaral din. Nakabungguang-baso namin sina Lamberto Antonio, Rogelio Mangahas, Krip Yuson, Teo Antonio, Fidel Rillo, Bienvenido Lumbera (na noo’y hindi pa Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan) at napakarami pang dakilang makata ng bansa. Aba’y, hindi na masama. Lalo na at libre naman ang palihang LIRA nang time na ‘yon.
Ngayong 2013, isang dekada na ako sa piling ng LIRA. Bagama’t madalang na akong tumula, naia-apply ko naman ang mga elemento nito sa ibang genre at mahilig pa rin akong magbasa ng tula. Binabasa ko ang mga ka-LIRAng sina Dr. Rebecca Anonuevo, Jerry Gracio, Nikka Osorio, Luna Sicat-Cleto, Maningning Miclat, Faye Cura, Salvador Biglaen, Erwin Lareza at iba pa. Binabasa ko rin sina Dr. Eugene Evasco at Allan Popa. Malaon ko nang paborito ang tapang ng talinghaga nina Joi Barrios, Marra Lanot at Elynia Mabanglo, ang siste ni Jose Lacaba at ang lumbay ng dila ng Eraserheads.
Utang ko ito sa LIRA at siyempre pa sa ama nitong si Sir Rio Alma.
May kagat ang bawat pamagat
Ang final project ko para sa MP 215 ay isang tula na pinamagatang Kontra-ruta. Ito ay binubuo ng 61 linya na aktuwal na pamagat ng mga tula ni Rio Ama mula sa sari-sari niyang aklat ng tula. Inareglo ko ang mga pamagat hanggang sa makabuo ng isang tula na nagbibigay ng komento sa pagiging modernisado ng sangkatauhan. Wala akong binago ni isang salita sa lahat ng pamagat ngunit nagkaltas ako o nagdagdag ng punctuation marks. Para sa akin, wala namang bago o eksperimental sa mismong anyo ng aking proyekto. Tula pa rin ito, malaya ang taludturan, paminsan-minsang nakakatsamba sa tugma pero wala talagang tugma ang mga saknong. Ang bago ay ang proseso ng pagsulat ng tula. Unlike sa conventional na pagsulat ng tula kung saan ang building blocks ay mga salita, ang akin ay mas advanced nang konti. Ang building blocks ko ay mga pamagat na ng tula.
Na-inspire kasi ako sa ipinost ng kabataang makata na si Mark Angeles noong 5 Enero 2013 sa Facebook Wall niya: isang retrato ng patong-patong na mga librong Filipino. Spine Sonnet ang tawag niya rito.
Wala rin namang bago rito sa proseso. Ito ay book spine poetry. Ayon kay Amanda Nelson ng bookriot.com, “the concept of book spine poetry appeared in 1993 with Nina Katchadourian’s Sorted Books project. Katchadourian began collecting interesting titles and arranging them in clusters so the spines could be read like a sentence. Maria Popova of Brain Pickings adapted the spine sentences into poetry, and the idea quickly spread around the interwebs.”
Ngunit ang bago sa ginawa ni Mark ay ang paggamit ng mga librong Filipino para sa kanyang soneto at book spine poetry. At naisip kong puwede ko rin itong gawin pero this time, pamagat naman ng mga tulang Filipino.
Napili kong gamitin sa munting eksperimentong ito ay ang mga pamagat ng tula ni Sir Rio Alma. Kilala ko na kasi ang kanyang mga akda. Napapag-aralan namin ito sa kolehiyo, sa LIRA at maging sa masters: MA Filipino major in Panitikan. Dagdag pa rito, noong 2011, nagsubok kami ng aking nobyo na magnegosyo. Sabi ko’y hindi naman aklat lamang ang hantungan ng tula, dapat ay mina-market ito sa iba pang paraan. Naisip niyang maglagay ng tula o bahagi ng tula sa mug at ibenta ang mug. Sa pamamagitan ng kanyang kompanyang Balangay Productions, sinimulan namin ang Berso sa Baso project.
Ano ngayon ang ilalagay sa mug? Sabi ko, ako ang maghahanap. Sinuyod ko ang mga aklat ng tula ni Sir Rio. Nakahanap ako ng mga sampu. Ipinaalam namin ito kay Sir Rio (May porsiyento siya sa bawat mug na mabebenta, nakasaad ito sa kontratang inihain namin sa kanya. Siyempre, ayaw kong naaagrabyado ang makata.) at iyon ang pina-design namin sa graphic artist na kuya ng nobyo ko. Heto ang resulta:
Nakatatak sa mukha ng mug ang
“Aanhin ang dambana kung walang Bathala?” mula sa tula niyang Ugat ng Lahat ng Obligasyon.
Bagama’t walang masyadong nabentang mug ang Berso sa Baso project, nagkaroon naman ako ng pagkakataong mabasa nang walang puknat si Sir Rio. At napakasarap namang talagang basahin ng kanyang mga akda. Sa sobrang sarap, pamagat pa lang, ulam na.
Kaya naman, isinama ko na sa puhunan ang kariktan ng mga pamagat ng tula ni Sir Rio para sa aking final project. Tutal, libre naman. Ayon kay Atty. Mark Robert Dy, dating abogado sa Copyright Support Services ng Intellectual Property of the Philippines (IPOPHL) at ngayo’y isang creative industries lawyer, walang copyright ang mga pamagat ng akda. Ibig sabihin, libre itong gamitin ng kahit na sino, kahit di magpaalam sa unang gumamit nito.
Isa pa ay wala pa akong kilalang manunulat sa Pilipinas na gumawa ng prosesong ito para makabuo ng tula: ang mag-areglo ng mga pamagat ng tula. Kaya’t talagang eksperimental ito para sa akin.
Ilang araw kong ginawa ang unang draft ng Kontra-ruta. Hirap na hirap akong aregluhin para makabuo ng saknong na may sense. Ang pinaghanguan ko ng mga pamagat ay isang aklat lamang ni Sir Rio: ang Una kong Milenyum na inilimbag ng UP Press noong 1998. Mayroon siyang 276 na tula rito na kinatha niya mula noong siya’y 20 taong gulang lamang hanggang sa siya’y sumapit ng 50 taong gulang at lumabas sa siyam niyang kalipunan ng tula at apat na antolohiya:
Mga kalipunan:
Makinasyon, 1968
Peregrinasyon, 1970
Doktrinang Anakpawis, 1979
Retrato at Rekwerdo, 1984
Palipad-Hangin, 1985
(A)lamat at (H)istorya, 1986
Katon para sa Limang Pandama, 1987
Mga Retaso ng Liwanag, 1990
Muli sa Kandungan ng Lupa, 1994
Mga antolohiya:
Parnasong Tagalog, 1964
Manlilikha, 1964
Talaang Ginto, 1971
Talaang Ginto, 1991
Nang ipasa ko sa aking propesor ang unang draft ng Kontra-ruta, tinanong niya kung bakit ang Una kong Milenyum ang pinili kong aklat at ano ang significance ng makata sa eksperimento ko. Hindi ko ito nasagot agad kaya binasa ko nang paulit-ulit ang tula ko. Inisip ko rin kung paano pang maikokonekta ang aking tula sa aklat at makatang pinaghanguan nito.
At ito ang naging resulta ng aking pagbubulay-bulay: Kilala si Sir Rio bilang makatang wagas kung makalingon sa pormalismo at tradisyon. Marami sa kanyang mga akda ang may tugma’t sukat at may ritmo ng pagtula ng mga sinaunang makata. Heto ang
halimbawa:
Diona sa Unang Gabi
Kung ako ay kutsinta
Payag na sa binatang
Pagkatamis ang dila;
At kung mag-eksperimento man siya ay sa anyo pa rin ng tula. Heto ang halimbawa na kahugis ng aktuwal na kawayan:
Kawayan
Pagsungaw
Ng
Labong,
Agad
Itong
Sumilip
Sa
Puyo
Ng
Hangin;
Kahit sa LIRA, idinidikdik ni Sir Rio sa kabataang gustong tumula ang halaga ng tradisyonal at katutubong anyo. Bago ka maka-Grade 2, magpakahasa ka muna sa Grade 1, ang walang kamatayang tugma’t sukat. Ngunit itinuturo niya ito para malaman ng kabataan kung ano ang dapat basagin na mga tuntunin sa pagkatha ng tula. Dahil siya mismo, si Rio Alma, ay nagrebelde sa tradisyonal na pagtula.
Bumuntot si Rio Alma kasama sina Lamberto Antonio at Rogelio Mangahas (ng campus paper na Dawn ng University of the East) sa mga ama ng Modernismo sa Panulaan sa Pilipinas na sina Jose Garcia Villa at Alejandro G. Abadilla. Sina Sir Rio at ang mga kapanabayan niyang manunulat sa campus paper ng FEU, UP, UST, Lyceum, MLQU at iba pa ang nagtulak sa ikalawang daluyong ng modernismo sa panulaan ng Pilipinas.
Mahilig din talagang mag-experiment si Sir lalo na sa form. Kahit sa paksa ay ginagawa niya ito. Isang halimbawa ay ang pinakabago niyang aklat ng tula, Ang Romansa ng Pagsagip ng Osong Marso na inilimbag ng UST Publishing House ngayong 2013 na siyang pinakaunang aklat ng speculative poems sa Pilipinas. Ang paksa nito ay Osong Marso, isang nilalang mula sa sinaunang daigdig na malaon nang inabandona, noon pang pagkaraan ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig, at iba pang nilalang na katulad nito. Ang setting ng pagkadakip sa Osong Marso at ng iba pang mangyayari sa nilalang na ito ay sa isang solar system na may dalawang araw.
Nang mag-ulat ako sa klase ng aking progreso para sa final project na ito, inirekomenda ng isang kaklase na damihan ko pa ang mga aklat na pagbabasehan ng aking tula. Gayon nga ang ginawa ko. Idinagdag ko sa aking hanguan ang pinakahuling aklat ni Sir Rio, ang Osong Marso, at binuklat ko rin ang sumusunod na mga aklat upang makakuha pa ng mga dagdag na pamagat: Ang Hayop na Ito (Anvil, 2004), Estremelenggoles (Anvil, 2004), Sentimental (Anvil, 2004), Mga Biyahe, Mga Estasyon (Anvil,
2008) at Dust Devils (Adarna House, 2005).
Para sa akin, nararapat lamang na paghanguan ng building blocks ng isang eksperimental na tula ang mga tula ng isang makatang eksperimental din, sa anyo at paksa. (Iyon nga lang, mas kilala talaga si Sir bilang may akda ng mga tulang nasa tradisyonal na anyo.)
Tumula ako hinggil sa pagkabulok ng ubod ng lipunan habang tumatanda ang daigdig, nagkakagulang ang sangkatauhan at nagiging moderno ang lahat. Ipinakita ko sa tulang Kontra-ruta ang mga nagaganap ngayon at ang ilan sa mga problema natin: kahirapan, terorismo, pagkonti ng mga magsasaka (na magsasanhi ng food shortage sa hinaharap), pag-deteriorate ng relasyong pampamilya,
isang indikasyon nito ang mga seksuwal na pang-aabusong nagaganap sa loob nito at napakaraming iba pa. Kadalasan, ang mga tula ni Sir Rio ay may ganito ring tema, ang pagkamoderno ng mga tao ngunit pagkabulok ng ubod nila. Halimbawa ay:
Di na tayo Umiibig Tulad Noon
Di na tayo umiibig tulad noon,
Dibdib nati’y walang init ng bituin
Pagkat puso’y mga plastik at de-motor.
At hinggil naman sa kahirapan, o, hindi ba’t mahirap pa rin tayo ngayon kahit napakayaman ng ating bansa sa natural resources? Sabi ng dating Pangulong Corazon Aquino hinggil sa Pulse Asia data (2004-2006), “three out of every four adult Filipinos consider their families to be poor; more than half our countrymen think their quality of life will worsen in the next year; and 23% believe that our country is hopeless.”
Kabi-kabila naman ang banta ng terorismo, hindi lang sa mga liblib na probinsiya kundi maging sa mga mall at mataong lugar. Ayon nga sa isang ulat sa Bombo Radyo noong 2009, “Inamin na rin ni DILG Sec. Jesse Robredo, na tatlong lugar umano ang posibleng target ng mga terorista na kinabibilangan ng Isetann, ang shopping mall na nasa tabi mismo ng Recto LRT Station at Carriedo LRT Station; 168 Mall na karaniwang dinadayo ng mga mamimili at sa Quiapo area mismo kung saan nagpupunta ang milyon-milyong deboto.” Hindi nawala ang terorismo, lumipat lang sa mas mataong lugar para mas marami ang maapektuhan ng kanilang pagsalakay.
At katulad ng iniulat noong 11 Mayo 2010 ni Helen Flores ng Philippine Star, parami nang parami ang nagiging biktima ng seksuwal na pang-aabuso ng sariling kapamilya, “The Child Protection Unit-Philippines on Thursday expressed concern over the high incidence of incest cases in the country. CPU legal consultant Katrina Legarda said 33 percent of the total child abuse incidents recorded in 2009 were incest.”
Ilan lamang ito sa isyu na kinakaharap ng sangkatauhan ngayon habang patuloy tayong umuunlad batay sa mga bagong tuklas at paggamit ng teknolohiya. Ito rin ang ginawa kong basehan sa realidad na itinatanghal ng bawat linya ng tulang Kontra-ruta. Ang totoo, hindi ko alam ang dahilan kung bakit hindi tayo umuusad kasabay ng ating mga likhang teknolohiya at modernong mga infrastructure at kagamitan. Bakit nga ba hindi tayo nagpo-progress kahit sa piling ng pinakakumbinyenteng yugto ng
ating mga buhay (kung ikukumpara sa buhay ng ating mga ninuno)?
Isa lang ang tiyak ko, may ginagawa tayong mali sa araw-araw nating pag-iral.
Ako at ang aking eksperimento, ang Kontra-ruta, ay umaasang paglilimian ng mga mambabasa ang posibleng kalutasan sa inihaing mga suliranin.
SANGGUNIAN
Almario, Virgilio S. Mahigit Sansiglo ng Amerikanisasyon at Nasyonalismo. Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas. Pasig City: Anvil Publishing, 2006.
Aquino, Corazon C. A Reality Check. Understanding Poverty. Makati City: Institute for People Power and Development of the Benigno S. Aquino, Jr. Foundation, 2007.
Balde, Abdon Jr. Panayam para sa FILCOLS Huntahan na ginanap sa Conference Room, Malong Building, Pangasinan Provincial Capitol Complex, Lingayen, Pangasinan noong 28 Enero 2011.
Dy, Mark Robert. Copyright Basics, FILCOLS IP Made E-Z na ginanap sa Little Theater, Arellano University (AU) Main Campus, Legarda, Maynila noong 17 Marso 2012.
Flores, Helen ng Philippine Star. Number of incest cases in Philippines increasing na inilathala sa http://www.abs-cbnnews.com/nation/11/05/10/number-incest-cases-philippines-increasing noong 11 Mayo 2010.
Nelson, Amanda. The Best of Book Spine Poetry na inilathala sa http://bookriot.com/2012/10/26/the-best-of-book-spine-poetry/ noong 26 Oktubre 2012.
Walang awtor. Banta ng terorismo sa NCR, nananatili na inilathala sa http://www.bomboradyo.com/story-of-the-day/92492. Walang eksaktong petsa ang nakalagay.
Pagkilala
Copyright ng larawan: Alvin Buenaventura.
Ginamit ang larawan nang may permiso mula sa may ari ng copyright.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
2 comments:
nasaan yung tula, Maam Bebs? hehe
gusto ko mabasa. hehe
Hello, MJ! Salamat sa pagbisita mo rito sa blog ko. Heto, o: http://babe-ang.blogspot.com/2013/03/kontra-ruta.html
Post a Comment