Monday, March 4, 2013

Isang Rebyu sa Dulang The Collection ni Floy Quintos

Ano ang mga sinasabi/gustong sabihin ng dula?

Ang pinakabagong dula ni Floy Quintos na The Collection ay isang farce tungkol sa mga importanteng lunan at bagay na matatagpuan sa Pilipinas at sa kulturang Filipino. Ang mga ito ay binibili ng mayayaman (mula sa loob o labas man ng bansa) upang maging bahagi ng kanilang “koleksiyon.” Ilan sa mga ito ang Banawe Rice Terraces at isang antigong imahen ng Birheng Maria na gawa sa ivory.

Ang buong dula ay komento sa kung paanong pinahahalagahan ng mga Filipino ang sarili nitong mga cultural icon. Dahil sa kahirapan, hindi nauunawaan ng karaniwang Filipino ang halaga nito sa bayan at sa sariling kaakuhan. Matining pa rin ang tinig ng sikmura kaya’t kahit ang bahagi ng sariling kaakuhan ay handa nang ipagpalit sa kaunting pera (P40,000!).

Isa rin itong komento sa minsa’y absurdong paraan ng pag-iisip ng mga makapangyarihan sa lipunan, halimbawa ay ang lubhang mayayaman. Wala silang iniisip kundi ang kanilang sarili. Sa pamagat pa lang ng dula, The Collection, ipinakikita na rito kung paanong mas pinahahalagahan ang wants ng sarili kaysa ang ano pa man, kahit pa sabihing extreme ang wants na ito. Ang collection ay pagtitipon ng mga bagay na kadalasan ay may iisang tema. Kadalasan, ang halaga nito ay nasa mata lamang ng collector at wala naman talaga sa mata ng ibang tao. Ngunit sa pagkakataong ito, ang halaga ng koleksiyon ay pambansa (or so we thought!).

Kinatawan ng sumusunod na tauhan ang matinding gutom na ito para lang sa isang collection:

1. Si Tatiana na ginagamit pa ang relihiyon para lang mapasakanya ang ivory na birhen.

2. Si Alphonse na ginagamit pa ang sining (pelikula, fashion, visual arts) para sumikat at magkamal ng salapi at mapasakanya rin ang ivory na birhen.

3. Si Helena na siyang nakaisip na magbigay ng pera sa mahihirap bilang bahagi o parte ng mga ito mula sa mapagbibilhan ng importanteng lunan o bagay mula sa Pilipinas, ay ginagawa ang lahat ng paraan para magmukhang malasakit sa mahirap ang bawat desisyon ng kanilang grupo. Wala siyang pakialam kahit twisted ang realidad na kanyang inihahain sa media/lahat ng tao.

4. At siyempre si Manolo, na parang balon sa lalim ang kasakiman at lahat na lang ay gustong mapasakanya. At gagawin niya ang lahat (particularly, paandarin ang makina ng sariling salapi) makuha lang ang ninanais.


Paano ipinakita sa anyo ng dula ang mga gustong sabihin ng dula?


1. Sa panahon

Ang dula ay isinet sa isang futuristic na panahon. Balang araw, parang nagbabanta ang dula, ganito ang mangyayari sa Pilipinas.

2. Sa mga costume

Halimbawa ay ang absurdo (at nakakatawang) mga creation ni Alphonse na kumakatawan sa paraan ng kanyang pag-iisip.

3. Ang presensiya ng crowd

Ang crowd na minsan ay mamamayang Filipino sa kasalukuyan, mamamayang Filipino noong unang panahon (panahon ng Babaylan at Hermana), minsan mga reporter at minsan naman ay clubgoers. Dahil sa presensiya nila, naramdaman kong itinatawid ng mandudula ang konsepto ng excess. Extreme excess. Na laging hindi maganda ang anuman na sobra. Sumasakit ang ulo ko kapag lumalabas ang crowd na ito sa entablado. Naiingayan ako, naaasiwa ako sa dami nila, nakakapalan ako sa mga nagaganap sa entablado. Para akong nalulunod sa sabay-sabay na pagkilos/pagsasalita/pag-iingay.
Palagay ko, kahit ito ay isang device ng mga lumikha ng dula. Isang napakahusay na device kung tutuusin.

4. Ang set design

Isa ito sa pinaka-highlight ng dula. Dahil dito, mas malinaw ang daloy ng kuwento. Napag-iiba-iba ng set design ang panahon at lunan. Napakahirap itong ma-achieve dahil ang kuwento ay parang stream of consciousness, tuloy-tuloy, walang patda, anything goes. Ngunit nagawan ito ng paraan ng set designer. Maging ang pangungutya sa mga tauhan ng dula ay naiparamdam ng set design. Halimbawa nito ay ang mga eksena nina Tatiana, Alphonse at Helena at ang face-off nina Manolo at Stephen Yan.


Ano-ano ang mga eksperimentong nakita o napansin?

Para sa akin ay ang futuristic na setting. Bago ito sa aking pananaw sapagkat mabisang nabitbit ng mga lumikha ng dula ang sentiments ng iba’t ibang Filipino na mula pa sa hinaharap. Kumbaga, ‘yong buong mind set at emotional status ng mga Filipino sa hinaharap ay nailagak sa dula at produksiyon na ito. At nagdulot ito ng takot sa akin dahil napakaposible ng lahat batay sa paraan ng pag-iisip at mga hakbang patungkol sa sariling kultura ng karaniwang Filipino ngayon.


Bago rin para sa akin ang paggamit sa imahen ng birhen para mapalitaw ang iba’t ibang nature ng tao: ang kapangyarihan (ng Babaylan), ang purity at innocence (ng Hermana), ang kaignorantehan (ng taumbayan noon at ngayon) at ang kasakiman (ng mayayaman). Sa tuwing susulpot sa entablado ang birhen, may nagaganap sa mga tauhan. Para silang tinatalupan sa harap ng manonood. Hinuhubaran sila hanggang sa malantad ang kulay ng kanilang mga buto. Naging lubhang makapangyarihan ang dula para sa akin dahil nag-iba ang pagtingin ko sa mga birhen. Akala ko noon, iisa lang ang kayang gawin nito, ang maging batis ng inspirasyon at pag-ibig ng Diyos para sa mga Katoliko. Hindi pala. Napakarami nitong kayang gawin, napakarami nitong kapangyarihan. Remember the Hermana, ang panawagan ng dula, nang hindi maligaw ang ating mga kaluluwa.





Copyright ng photo: Ronald Verzo.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...