ni Beverly W. Siy
Tanghali sa Smokey Mountain,
Si ordinaryong tao ng lungsod,
Nakalutang.
Mga sulat sa pader
Sa ilalim ng araw
Ang mga istambay.
Ulat-pampamilya:
Sa iba’t ibang panahon,
Tinali
Ang batang ito.
Madalas, kapag nasa dilim,
Siya
Ang rosas bilang rosas.
Imadyin:
Isang ama, isang anak,
Erotika sa Hunyo.
Tag-ulan ni Inay.
Kumusta
Ang terorista sa bangkete,
Sa loob ng Megamall,
Poblasyon,
City park?
Doon po sa amin sa maralitang bayan
Sa baryo ng alikabok,
Araw-araw na taglagas
Sa punerarya.
Masdan ang magsasaka,
Sa tambakan ng kasaysayan,
Mga tuyong dahon
Sa gitnang bukid.
Libing sa tag-araw.
Ang putik na ito,
Bahala na
Kapag panahon ng kidlat at kulog.
Takot sa tubig
Ang bangkay.
Kuwentong pambata:
Ang manyikang naglaro ng apoy
Sa kabaret.
Ang babaeng kumain ng asawa,
Isang linggo sa sirko.
Peryodiko sa almusal:
Daigdig sa tabing-riles,
Trahedya sa pabrika,
Kuwento ng mga paghihiwalay,
Mga bagyo,
Lindol.
Propesiya
Ang pagpatay sa bathala.
Masama, masama na talaga ang lagay ng mundo.
Kalatas ng sampagita:
Darating ang sandali,
Masasayang gunita
Luksampati.
Wika nga,
Modernisasyon
Sapagkat napapanahon?
Estremelenggoles!
Isang musmos
Ang nayon ko
Sa kapritso ng apoy.
*Ang pamagat at bawat taludtod ng tulang ito ay pamagat ng mga tula ni Rio Alma na nasa Talaan ng Nilalaman ng ilang piling aklat niya.
No comments:
Post a Comment