Isang kahingiang papel para sa asignaturang Kontemporaryong Panitikan
Mga mananaliksik:
Palmera Alvarez-Isles
at Mark Joseph N. Rafal
Mga Mag-aaral ng
Masterado ng Sining sa Filipino
(M.A. in Filipino)
Paaralang Gradwado
P.U.P. Sta, Maynila
Ipinasa kay
G. Efren R. Abueg, Ph. D.
Maaari, sabihin na nating siya ang babaeng Bob Ong, mula sa estilong satiriko na kumakalmot ang mga punchline hanggang sa wit at humor na di mapapasubaling umaapaw sa kanyang mga akda lalong higit sa kanyang seminal na akdang “It’s A Mens World”, at tiyak, isama pa ang wikang pumapasintabi sa mga padron ng Pormalismo at Puristang Tagalog, masasabi natin at mapagkakasunduan na si Beverly Wico Siy o mas kilala sa pangalang Bebang Siy, ay mayroon nang tinutuntungang espasyo, na kanyang-kanya lamang, sa lupain ng Panitikang Filipino. At oo, hindi na niya kailangang magtago at umiwas sa madla, may kung anong gayuma ang manunulat na ito.
Ang Maynila Sa Mga Kuko Ni Bebang
Malaki ang kahalagahan ng lunan, ng lugar ng mga pangyayari sa isang akda. Ito ang lumilikha ng wika, ang tuntungan ng tunggalian at ugali’t kapasidad ng mga karakter sa isang akda. Sa mga akda ni Bebang, lalong higit sa It’s A Mens World, umiigpaw ang tatak ng urbanidad. Nilalaro tayo ni Bebang, inilalakbay sa kaniyang mundo: Ermita, Roxas Boulevard, Rajah Sulayman Plaza , Taft Avenue, Binondo, Intramuros. Ang Maynila para kay Bebang ay isang paraiso, gayon din, ito’y pinamumugaran ng mga impluwensiyang simbangis ng masasamang elemento.
“Lumaki ako sa maraming lugar,” ika nga ni Bebang. Ngunit partikular siya sa kanyang kinalakhan, ang Kamaynilaan. Kaya nga’t alam ni Bebang kung paano himayin ang bawat sulok ng Maynila, gamit ang kanyang panulat.
Ang mga lugawan, ang mga liblib na tindahan, ang mga prutasan, ang mga pasugalan, ang mga highway, ang mga bar at kapihan, ang mga plaza at kung saan pa. Dahil dito siya lumaki at namulat, nailalantad niya sa atin ang loob at labas nito, sa nakatutuwa at nakaiinis man nitong anyo. Sa nakatatakot o nakasisiya nitong mga lugar at espasyo. Doon tayo naaakit sa kanyang mga salita, dili nga’t may panghihinayang sa bawat sanaysay ng kanyang aklat sa mga sandaling natatapos natin ang pagbabasa. Hinahanap natin ang Maynila ni Bebang, ang mapulang mundo ng kaniyang Mens.
Mga Agos ng Mens: Ang Pagkababae at Identidad
Si Bebang ay produkto ng nasirang pamilya, ng broken home. Ang kanyang ama ay isang purong Chinese, samantalang ang kaniyang nanay ay purong probinsiyana. “’Yung nanay ko, isa s’yang probinsyana. Talagang she wanted to ‘make it big’ sa big city. Lumuwas s’ya nang maaga, bata pa lang s’ya nang lumuwas. Galing s’yang Pangasinan, ‘yung talagang probinsyana talaga.”
Kaya’t hindi na kataka-takang kaya niyang libutin ang mundo nang hindi na kakailanganing ipihit ang sarili sa paghahanda, dumadaloy sa kanyang dugo ang magkahalong mga kultura: bilang isang Tsinay at bilang isang Pinay. Pero, alam ni Bebang kung nasaan ang kanyang sarili, “Alam ninyo? I’m so Filipino, 100 %!”
Nauunawaan niya ang mga agwat at layo ng kaniyang sarili sa iba. “E, ako pag nagdamit ako, ang puti-puti ko, akala ng mga tao ang yaman-yaman ko. E wala ngang makain. Tapos akala ng iba, kapag isang syllable lang ang apelyido, akala mayaman ka na. No’ng nag-apply ako sa UP, inilagay ako sa dulong bracket, zero. Parang ang sabi: you don’t deserve any scholarship! Sabi ko, “Bakit? Pag pumunta kayo sa bahay namin, wala kaming gripo, ni wala kaming TV. ‘Yung kuryente namin, jumper.” At kung paano siya sinusubukang ikahon sa pamantayang pang-ekonomiya at pang-kultura ng dalawang kultura. “Actually, ‘yung mga kultura ng Chinese sa akda ko, ‘yun pa nga ‘yung kini-criticize ko.”
Bilang babaeng hinasa ng mga danas, alam ni Bebang kung paano ang maging babae sa isang lipunang patriyarkal. Solong ina sa kanyang anak na si EJ, bahagya lamang marahil ang pagsisisi sa panig ng kanyang mga pinagdaanan, ikaw nga niya, “Siyempre, naisip ko na may reason lahat ng karanasan. Lahat hindi patapon, for keeps. ‘Yung pinaghuhugutan ko rin, karanasan.”
Ang kanyang karanasan bilang babae ang nagpapatingkad sa kanyang mga akda, at sino pa nga ba ang makapagkukuwento nang tapat at nang walang anumang pretensiyon sa karanasan ng isang babae kundi ang isa ring babae? Kuwalipikado si Bebang kung magkakaroon man ng pamantayang makapagbibigay-buhay sa isang babaeng hinubog ng lipunang tumitimbang ng pagkatao sang-ayon sa kasarian.
Sanay sa Salaysay: Ang Totoo Bilang Hindi Totoo o Pagsisiwalat ng Sarili
Sa kasalukuyan, higit sa anumang genre ng mga sulating pampanitikan, ang dagli at sanaysay ang higit na kinahuhumalingan ng mga kabataang manunulat. Paanong hindi? Nariyan ang isang Bob Ong at ang creative non-fiction o ang isang Eros Atalia at ang kanyang mga dagli; dalawang pangunahing manunulat ng kasalukuyan na nakakasungkit sa panlasa ng mga kasalukuyang mambabasa at kabataan ng sinasabing Computer Age. Ano ngayon ang saysay ng mga salaysay ng isang Bebang Siy?
Madaling maunawaan, higit kaninuman, alam ni Bebang ang pangangailangan ng Panitikan. Isang sanay sa salaysay, sino nga ba sa kasalukuyan ang pangunahing babaeng manunulat na nagbabandila ng pagkababae ng isang babae sa lipunang Filipino? Masyado nang naiiwanan ng mabilis na usad ng panahon ang isang Lualhati Bautista, ngunit hinding-hindi naman ito manipestasyon ng paglimot sa kanyang mga akda. Lagi na at natatabunan ng bago ang mga luma. Kung gayon, nasaan nga ba ang mga babaeng manunulat sa kasalukuyan?
At diyan natin maipakikilala ang isang Bebang Siy. Ilan manunulat na nga ba ng bansa ang nangahas na magsiwalat ng kanyang sarili sa mga mambabasa? Lalo pa’t isang babae? Biktima gayundin ay suspek, bida gayon din ay kontrabida, babae gayo’y minsan di’y lalaki, ganyan ang kasalukuyang kalagayan ng mga kababaihan sa bansa, at naghubad si Bebang ng kanyang karanasan upang maunawaan natin ang mga ito. Isang katapangan, walang anumang itinago si Bebang, dahil maging ang kanyang Mens ay nakita natin. At hindi niya ito ikinahihiya. “100 % totoo ang nilalaman ng It’s a Mens World.”
Pag-uungkat: Panayam Kay Bebang
Upang higit na maunawaan ang impluwensiya at halaga, ang tradisyon at tinutungo ng panulat ni Bebang Siy, kinapanayam ng mga mananaliksik ang may-akda ng Mingaw at It’s A Mens World. Narito ang kabuuan ng panayam:
Sino at ano si Beverly Wico Siy?
Ako po si Beverly Siy. Yung Wico, apelyido ‘yan ng mama ko. 11 years na akong nagsusulat sa iba’t ibang publication, sa loob at labas ng academe. Mostly ng na-publish kong works ay popular literature. So ibig sabihin, ‘yung talagang mass produced.
Lumaki ako sa maraming lugar, kasi naghiwalay ang parents ko. Kaya, papalit- palit kami ng lugar. Kasi minsan, do’n ako sa nanay ko, minsan do’n sa tatay ko sa Ermita; tapos kukunin ulit ako ng mama ko, dadalhin kami sa Parañaque, sa Las Piñas. Tumira ako iba’t ibang place. Pero masasabi ko na Metro Manila naman. So very city, city girl ako, very urban ‘yung mga lugar na tinirhan namin.
Product ako ng broken home. Tapos no’ng bata ako, talagang dinadamdam ko s’ya, kasi everybody’s telling me broken ‘yung family ko. So, ako naman, wala akong idea sa broken home. Ang idea ko lang do’n ay nanggagaling din sa ibang tao. Lumaki ako sa ganoong pag-iisip na produkto ako ng broken home. Tapos, di ko na alam kung paano ako dapat mag-respond sa ganoong uri ng pagle-label. Parang ang naisip ko lang, I was no one, I was nobody; di ako masyadong nag-e-excel sa school pero hindi naman ako bumabagsak, hindi din ako sikat. Hindi ako nag-aral sa Chinese School, kasi, no’ng time na gusto sana kaming ipasok sa Chinese school, malalaki na kami. Kasi nga di ba, papalit palit kami ng bahay? So, until finally, nang mag-give up na ang nanay ko na makuha kami, ‘yung papa ko nag-decide na ipapasok ako sa Chinese school. E, Grade 5 na ako no’n, malaki na ako. Parang I have to go back to Grade 1 sa Chinese na grade, pero the rest of the subject, pang-Grade 5 naman. So, naisip nila na hindi naman ganun ka-practical, kaya umusad na lang ako sa isang protestant school.
Nag-aral ako sa Ermita Catholic School, sa Parañaque Elementary School, tapos PCU [Philippine Christian School], Union Elementary School at nagtapos ako ng hayskul sa PCU Integrated Science High School. Tapos, nag-college ako sa UP Diliman. Hanggang ngayon, doon ako nag-aaral, after more than a decade.
Mayroon akong apat na younger sisters, lahat kami babae. Ang papa ko ay babaero, so parang feeling ko, karma sa kanya ‘yun. Kasi di ba, parang kami, lahat babae. Puwede kaming buntisin at iwanan. May ganoong danger. ‘Yung nanay ko, isa s’yang probinsiyana. Talagang she wanted to ‘make it big’ sa big city. Lumuwas s’ya nang maaga, bata pa lang s’ya nang lumuwas. Galing s’yang Pangasinan, ‘yung talagang probinsiyana talaga. ‘Yung parang, ang sepilyo daw niya e ‘yung sanga ng guava, bayabas, ‘yung mga ganyang uri. Tapos pagdating niya dito, ginawa s’yang maid ng kanyang kamag-anak. Di ba usually, ganun naman ang entry level ng mga taga-probinsiya para makarating dito? After that, nag-waitress s’ya. Tapos nakilala n’ya ‘yung papa ko. Dun sa kung saan s’ya nag-waitress. Batang-bata s’ya no’n, as in teenager. Tinanan siya ng tatay ko. E ‘yung tatay ko, ang laki ng gap nila. Mga, I think 10 years siguro. So, anlaki talaga, kaya parang pedophile ang papa ko. Kasi, sobrang bata pa ng mama ko no’n e, and I think 20 something na ‘yung papa ko. So kung ngayon, iisipin mo, kunwari, 14 years old saka 24 years old, nagkarelasyon, anong iisipin mo dun sa 24?
So, itinanan n’ya ‘yung nanay ko tapos ‘yung nanay ko, tumira s’ya doon sa bahay ng parents ng aking tatay. Tapos, ‘yun na, ‘yun na ‘yung simula ng It’s A Mens World, di ba? So, nagkaroon sila ng anak. Ako yun. Tapos sunud-sunod kami, ang dami namin, apat. Tapos nadagdagan kami, kasi, no’ng maghiwalay sila, ‘yung mama ko, nagkaroon ako ng stepfather. ‘Yung mama ko ay nakisama sa isang guy. Tapos nagkaroon pa sila ng isang anak. So ‘yun, lima kaming puro babae. Mukhang ano talaga, talagang hindi nakatakdang magkaroon ng lalaking anak. Pero halos lahat ng apo, ay lalaki. Ang weird nga e, pero buti na lang din, kasi ako, halimbawa, dati gusto kong magpakasal sa tatay ng anak ko. Sabi ko, “Oh my God, anong sasabihin ng lipunan?” So no’ng time na ‘yun, buntis ako, sabi ko, magpakasal tayo kahit sa huwes. E, bata pa kami no’n, as in batang-bata. Teenager days. Di ko nga alam kung sinundan ko ‘yung yapak ng nanay ko o ano. College na ‘yon. Pero huminto kasi ako no’n sa college.
So anyway, sabi ko ano, magpakasal na tayo. Buti na lang, wala kaming pera. As in, zero balance. Tapos nung nagkapera kami, manganganak naman ako. 7000 pesos, sakto. So nanganak na lang ako. So after that, doon ko na-realize na, sabi ko, parang di ko gusto ang ganitong buhay. Kasi isang kahig, isang tuka kami. Ito ‘yung hindi ko pa masyadong nasabi doon sa interview sa PDI [Philippine Daily Inquirer]. Nagtrabaho akong waitress. Kasi ang nakalagay do’n, nurse, di ko nga alam kung bakit ang nakalagay do’n nurse.
So ‘yun nga, nag-waitress ako, nag-ahente ako ng Avon saka Sara Lee, tapos nag-clerk ako sa pawnshop, 6 months 6 months, ‘yung mga gano’n. Tapos nagbenta din ako ng kotse, nakapasok din ako sa Hyundai no’ng hindi pa ito sikat. Kung sinu-sino ang tinatanggap nilang sales do’n. A, alam n’yo ‘yung nagsu-survey? ‘Yung kumakatok sa pinto, “Survey po.” Naranasan ko ‘yun. Kaya ako mabait ako sa kanila, pinapapasok ko talaga, “o, ito magmeryenda ka.” Kasi, ang hirap. Kasi, kunwari, ikaw, kinatok kita tumanggi ka. 5 houses bago ako kumatok uli. Imaginine mo. Rules ‘yun! Kasi random e. Random respondent chorva. Iba-iba ‘yung sinu-survey namin no’ng time na ‘yun e. May toothpaste, mga product. Halimbawa, kapag ginamit n’yo po ba ang toothpaste n’yo ay kinikilig po ba kayo? Gano’n ka-precise ‘yung questions. Tapos ikaw, gusto mo mabilis, kasi marami ka pang kailangan i-survey. Di mo na tinitingnan ‘yung ini-interview mo. Mabilis. Tanong ka na lang nang tanong. Naalala ko, no’ng time na ‘yon, buntis ako. Buti na lang, mabait sa akin ‘yung Diyos, ang bait ng naging boss ko sa survey-survey na ‘yun. Kasi alam nila, wala akong pera, tapos alam nila buntis ako, so alam nila wala akong pera. Kaya binibigyan nila ako ng maraming assignment. Kahit papaano, kumikita ako. Ano ‘yun e, 40-50 pesos per respondent. So makasampu ka, may 500 ka, kahit mainit. ‘Yun ‘yung buhay ko.
Saleslady, naging saleslady din ako, ng Blowing Bubbles, so alam ko kung gaano nakakabobo ang trabaho na ‘yun. As in, talagang feeling ko, nabubulok talaga ‘yung utak ko sa bawat maghapon. Nakatayo ka lang. Bawal umupo. Tapos, wala kaming pantry. Hindi kami sa loob ng department store e, boutique kami. So ‘yung boutique namin, cashier sa gitna, tapos may fitting room na dalawa. The rest, talagang damit, so wala kaming lugar para sa stock. Ando’n na mismo naka-display. Para kami makakain, sa fitting room kami kakain. Nakasalampak ka doon. Noong time na ‘yun, syempre, di ako naaawa sa sarili ko, kasi di ko naman alam. Akala ko, normal ‘yun e. Kakain ka, mag-isa ka lang, wala kang kausap, para kang nasa CR. Tapos, para makalipas ‘yung maghapon, magtutupi ka para lang na may ginagawa ka. Para gumana lang ‘yung utak mo. Dun mo malalaman na may art ang pagtutupi. Tapos minsan, walang customer, so walang manggugulo, ako nang maggugulo sa mga damit, para may matupi ako. Ganoon kami maghapon. Kaya di ba, kapag saleslady, naiinis kayo kapag sunod nang sunod sa inyo, kasi wala s’yang magawa, kaya ‘yung pagpasok n’yo, talagang susundan kayo kasi para may magawa naman, iba naman, maiba naman ‘yung hapon n’ya. 8 hours a day, ang hirap talaga. So ganoon mga naging trabaho ko, sari-sari.
Kailan at paano mo nalaman na isa kang manunulat?
Noong hayskul ako, mga 4th year, hindi ako napa-publish sa campus paper. Magaling ako sa English, hindi naman sobrang galing, pero maayos na, maganda naman ‘yung grammar ko. Nagsa-submit ako pero hindi napa-publish ng school paper namin na English. Sabi ko, “Bakit kaya?” 1st to 4th, wala talaga, zero. Pagdating ng 4th year, nainis na ‘ko. So, ang ginawa ko, gumawa ako ng spoof , sa Filipino ‘yun. ‘Yung newspaper na ‘yun, ako lahat sumulat. Niloko ko mga teacher namin, para lang clown. Loko talaga ‘yung newspaper na ‘yun, puro joke laman no’n, kung anu-anong joke. Tapos pino-photocopy ko, tapos ibinebenta ko, 2 pesos. Walang bumibili, kami-kami lang din. Hindi ‘yun alam ng school, mga kaklase ko lang din bumibili. Hindi nga ‘ata umaabot sa kabilang section ‘yun e. So ‘yun, dun ako nag-start. Ako nagle-lay-out, tapos di ko alam na “ano” na pala ‘yun. It was something different; ako ‘yung sa writing. Ako rin sa publishing, kasi ako ‘yung nagpapa-photocopy e. Sa halagang 2 piso, talagang tinatiyaga ko ‘yun.
Ay! Hindi ko pa doon na-realize [na manunulat ako]. Kasi ‘yung mga classmate ko, ang yayabang, exam-exam kami sa UP. Ang dami sa section namin ang nag-exam, isa ‘ko sa nakapasa. Then, ang first choice ko talaga is Psychology, kasi, ‘yung crush ko, ‘yun ang gusto n’yang course. Hindi ko s’ya schoolmate. Gusto n’ya magdoktor. Kaya ‘yun, inilagay ko, Psychology—sa UP Manila. 2nd choice, kasi malapit kami dun eh. Pero pagpunta ko d’on [UP Diliman], my God! Ang nakalagay, any non-quota course. So, tiningnan ko [ang mga choices], Agriculture, B.A. Malikhaing Pagsulat sa Filipino saka Geodetic Engineering. E, nakapila na kami. Magaling ako sa Math noon; may alam ako sa Math. Sinulat ko [‘yung Geodetic Engineering], e hindi ko naman talaga alam ‘yun. Binura ko ulit. Tapos sabi no’ng kausap ko sa pila, “B.A. Film and Audio Visual Communication, maganda d’yan. Manonood ka lang ng sine, tapos makakapasa ka na.” “Wow! Talaga?” [sagot ko]. Tapos sinulat ko na.
Tapos ito na, no’ng nakapili kami, naisip ko, wala kaming pansine. Patay na ‘yung tatay ko no’n. Sa mga kamag-anak ko, wala nang susuporta sa’min, kasi parang ‘yun na ‘yung last thread. They were just helping us because of my Dad. No’ng namatay na ‘yung Dad ko, nawalan na rin sila ng interes na tulungan kami. At no’ng time na ‘yun, umuwi na kami sa Mama ko. Parang you don’t see it, out of my mind, out of your life. So, wala akong pera pang-enroll, lalo na ng pansine! So, B.A. English Studies, B.A. Malikhaing Pagsulat [ang pinagpilian ko]. Kasi, siguro, wala namang masyadong pera d’on. Nag–toss coin ako. Ayon, B.A. M.P.! Ayon ‘yung sinabi ko sa admission. Sabi ko, “B.A. Malikhaing Pagsulat po.” Sabi niya, “Bakit writer ka ba?” Sabi ko, “Opo!”
So after that, ‘yung 1st year 1st sem ko, ‘yung usual na subjects na kinukuha ng lahat. Wala pang writing d’yan. Pero nakakuha naman ako ng grades karamihan sa subjects ko. Tapos naka-enroll ako, kasi nangutang ako ng pera sa tatay ng classmate ko n’ong hayskul, as in pinuntahan namin sa Paco. “Kailangan po namin ng 2 thousand.” Tapos ‘yung 3 thousand inutang ko sa UP. Sobra silang mabait sa pera. N’ong natapos ko na ‘yung isang sem, ‘yung 3 thousand hindi ko nabayaran! S’yempre natakot ako, kasi bata ka no’n e, baka idemanda ka. Hindi na ako pumasok.
Tapos do’n na nag-start ‘yung iba’t iba kong trabaho. Kahit ano pinapasok ko. Noong time na ‘yun wala kaming kapera-pera, tapos ako ‘yung panganay. ‘Yung nanay ‘saka ‘yung stepfather ko pa, parang pabagsak [na ang negosyo]. Nagtitinda sila ng ulam. Sa mga gambling joint, sa saklaan. Low-end talaga! Sa mga patay-patay, sugalan sa loob ng night club. Nagtitinda rin sila ng prutas. Naalala ko pa, kasi noon, kami ang taga-deliver ng prutas. ‘Yung prutas, kukunin n’ya nang 8 ibebenta n’ya ng 10. Tapos kaming mga bata’ yung pagdedeliverin [pagbebentahin] n’ya, para ‘yung mga nagsusugal, di makakatanggi. Sasabihin ng nanay ko, “Nakikita mo ba ‘yung may tuwalya na yun? Lapitan mo ‘yun, bigyan mo ng apple, sabihin mo 10 pesos.” Gano’n kami nakaraos. Tapos no’ng ako na ang puwedeng mag-work, do’n ko na pinasok ‘yung mga ikinuwento ko kanina.
So kinalimutan ko na ‘yung UP, kumikita naman ako kahit hindi naka-graduate. No’ng time na ‘yun, may boyfriend ako, ‘yung tatay ng anak ko [si EJ]. ‘Yung BF ko na ‘yun, parang sinusulsulan n’ya ako. Sabi n’ya, “Ano ba ‘yang nanay mo? Hindi ka ma-provide ng mga ganyan.” E ‘yung nanay n’ya supportive, ayon nagtanan kami. Hindi sila mayaman, front lang. ‘Yung mama n’ya, living more than what she can afford. Ganoon sila.
Tapos, nabuntis na ‘ko. Tumira kami sa maliit na kwarto. Sa Harrison. One time, ‘yung maid nila kasama namin sa isang mall—ang pangalan pa no’ng mall e, Manuela, sa Las Piñas. [‘Yung maid] may dalang dalawang anak, nagpapabili ng maliit na laruan over something, tapos hindi n’ya mabilhan. May anak na ako that time. Tapos naisip ko, “Ayaw ko namang dumating sa point na ganito, ‘yung anak ko, may gustong ipabili tapos hindi ko mabili.” Doon ko naisip na kailangan kong maka-graduate. So, dala-dala ko ‘yung anak ko [iniwan ko si boyfriend]. Goodbye!
Dinala ko ‘yung anak ko sa nanay ko, tapos nagtrabaho ako, kasi kailangan ko ng pambayad sa UP. ‘Yung pinagtrabahuan kong restaurant no’n, kung sino ‘yung unang dumating, sa’yo ‘yung unang table. Kung ilan kayo, halimbawa sampu, yung ika-eleven, ikaw na ulit. Talagang ako ang maaga no’n, pinakamaaga. Kasi ang suweldo namin, depende sa tip. Ang suweldo naming 100 a day, the rest manggagaling sa tip, saka sa service charge. So kailangan, marami kang ma-serve-an para marami kang tip. So, my God! Ang pasok namin, alas singko nandoon na ‘ko ng alas tres, natutulog ako sa waitress room. Tapos ayon, nakaipon ako. ‘Yung time na ‘yun, nagstruggle na ‘yung relationship ko with the guy. Kasi wala na ‘yung focus ko do’n, ang focus ko sa pera, pera.
So ‘yun, nakapagbayad na ako, nakapag-enroll ako. Pagka-enroll ko, gutom na gutom ako sa subjects. Sabi ko, “Bring it on! Sige!” No’ng time na ‘yun 18 units lang [ang puwedeng i-enroll], sabi ko, “21 units po”. E, bawal. Kaya 18 units [na lang]. ‘Yung mga grades ko pagpasok muli, pasado lahat. Tapos sumulat ako [sa admin office], “Puwede bang 21 units? Kasi may hinahabol akong oras.” E, nung time na ‘yun, ako na pinakamatanda sa classroom, tapos may anak pa, pero di nila alam. Nando’n lang sa Las Piñas ang anak ko. Umuuwi lang ako every weekend. So, ang buhay ko no’n, nag-aaral ako sa umaga, nagtatrabaho sa gabi. Then, uuwi ako ng weekend sa Las Piñas, hanggang sa mamatay ako!
Pero ang pinakanagustuhan ko sa trabaho ko e, parang it was like all manual. Lahat ng naaaral ko, napo-process ko sa gabi. Natututo ka na, kumikita ka pa. Halimbawa, may assignment kami, pagsulat ng tula. Si Vim Nadera pa teacher ko no’n. Sa gabi, iniisip ko na ‘yun, buo na s’ya. Eight hours ‘yung trabaho ko, eight hours ko rin s’ya iniisip. Di ko na nga maintindihan ang inuutos ng customer sa ’kin.
So, kailan ko naisip na isa akong manunulat? Hindi ako conscious e, hanggang hayskul to college. Pero, parang no’ng later years ng college, [iniisip ko] parang ‘yung gawa ko, mas maganda sa gawa ng mga classmates ko. Parang ‘yung gawa ko hindi rush, yung gawa nila parang rush. Sabi ko, “P’wede!” Naisip ko na may kembot ‘yung mga gawa ko. Kaya ‘yun, naisip ko na “Puwede kong career-rin ‘to a!”
Basta nung time na ‘yun nagra-rush ako, gusto ko nang matapos. Gusto ko nang matapos ‘yung course ko.
Kilala ka bilang isang masayahing tao, paano ito nakakatulong sa iyong pagsulat?
Ang palagay ko, dahil masiyahin ako, lagi kong naipapasok ‘yung hope sa mga isinusulat ko. Bihira ako sumulat ng mga defeatist na works.
After ko makatapos, napasok ako sa NGO tapos nag-freelance ako. Ang nakuha kong trabaho, nag-i-storytelling. Nag-i-storytell ako, sa Adarna [Publishing] ni Rio Alma. ‘Yung pag-storytell ng Pag-ibig ni Lam-ang, ‘yun ang favorite ko. Tapos naisip ko, parang nagbibigay ka ng joy. Maganda na habang nagsusulat ka, nagbibigay ka ng joy, happiness. So, habang nagsusulat ako, nagiging conscious ako do’n. Naipapasok ko s’ya, parang hindi ko rin kasi mapigilan. ‘Yung mga nauna kong na-publish [na gawa]: Hilakbot, Haunted Philippines 8 and 9, sa Palalim Nang Palalim, napansin ko na kahit horror, hindi ko mapigilang magpatawa. Pati nga ‘yung Mingaw, erotic s’ya pero may mga parts na nakakatawa. Kasi hindi ko talaga napigilan. Nakatulong sa’kin ‘yun. Kasi ang sinusulat ko e, popular literature.
‘Yung mama ko kasi [mas] wacky pa kausap sa ’kin. ‘Yung mama ko, mas maraming pinagdaanan, mas mahirap ‘yun, kasi lima ang ana,k e. Pero kahanga-hanga na kahit gano’n ‘yung buhay, ‘yung mind set niya e, masaya pa rin siya. Dinadaan n’ya parati sa joke, pag na-meet nyo ‘yung family ko, pag nagsama-sama kami, ako na ‘yung pinaka-tame.
Sinu-sino ang mga manunulat na nakaimpluwensya o inspirasyon mo upang maging isang manunulat?
Siyempre ‘yung mga teachers sa UP. No’ng hayskul, ang naituro sa akin love for reading. In-encourage nila ako, although hindi ako nagbabasa.
So, una sa lahat, si Sir Vim Nadera. Kasi si Sir, lahat ng project n’ya sa amin ini-involve n’ya talaga ‘yung estudyante n’ya sa outside world: sa buhay ng mga manunulat, pupuntahan namin ‘yung manunulat, pupunta kami sa mga book launch para ma-meet namin ang mga writer. Na-meet ko si Genoveva Edrosa Matute. Pinapunta kami [ni Sir Vim] sa talk ni Aling Bebang. ‘Yung mga project din ni Sir Vim, laging book. Kunwari tayong mga magkakaklase tayo, ang output natin, compilation ng outputs natin. Tapos, ilalaunch. May poetry-poetry reading pa.
‘Yung mga inspirasyon ko, siyempre, ‘yung mga nababasa ko. Si Lualhati Bautista, Luna Sicat-Cleto. Ang gusto ko pang writer ay si Rene Villanueva. Naabutan ko s’ya right after n’yang mabaril. Ang sungit-sungit sa klase pero ang galing, walang katulad maging teacher.
Siyempre si Sir Rio rin [Virgilio Almario]. Although, hindi ko s’ya naging teacher. Late ko na s’ya nakasalamuha, graduate na ‘ko ng college. Una ko s’yang na-meet no’ng nakapasok ako sa UP Writers Workshop, nung hindi pa ito upgraded . Na-meet ko siya sa UP. Ang sabi ni Sir Vim, “Ay, ‘yan po si Bebang!” Sabi ko, “Ako po ‘yung sumulat ng kantang-bayan.” Sa kantang-bayan ko kasi ibinase ‘yung mga tula ko para makapasok sa UP Writers Workshop. Tapos ang sabi n’ya sa akin, “Ikaw pala ‘yun! So, anong backgound mo, bakit ganyan mga tula mo? Kilala mo ba si Teo Antonio?” “E, hindi po e. Nabasa ko lang po sa books. Nabasa ko lang po, tapos inilalagay ko sa tula.” Mga anim na ganun [mga kantang-bayan] ang nagawa ko. “A, ganun ba? Mag-LIRA ka!” sabi niya. Tapos pagkababa ng Baguio [after ng UP Writers Workshop], do’n ako nag-start mag-LIRA. Doon ko uli s’ya na-meet. Very inspiring talaga, kasi nakikita mo ‘yung dedication n’ya sa young poets. Basta willing kang matuto at may time ka, pupuntahan ka. Tapos ‘yung aral ko sa LIRA, every Saturday ‘yun, buong araw. Alam mo, kahit mag-isa ka lang, ando’n s’ya, rain or shine. Di ba? Nakakakilabot. Pero no’ng time na ‘yun hindi pa s’ya National Artist, papunta pa lang s’ya.
Mas mahigpit s’ya [Virgilio Almario] sa amin—sa attendance, lates. Kaya nagkaroon s’ya ng rules, na bago ka maka-graduate, kailangan may certain number of attendance ka. Parang regular school. Actually, ang best description ng LIRA e, para itong MA Level ng poetry. Lahat nando’n: Filipino Poetry, English poetry, mga salin, pag-aaral sa tula mula lumang panahon hanggang makabagong panahon.Very hands on si Sir Rio, kaya love s’ya ng mga bata ng LIRA kasi talagang nakatutok s’ya. Dati, Sabado’t Linggo, ‘andoon s’ya; ngayon, every Sunday na lang. Kasi, ang Sunday ay workshop, ang Saturday ang lecture.
Si Bob Ong, inspiring ‘yung una n’yang aklat, ABNKKBSNPLAKO? Nasa UST na ako no’n. Napansin ko ‘yung isang estudyante ko, hindi nakikinig. Nilapitan ko, kasi naiinis na ako. Nakita ko, binabasa ‘yung kay Bob Ong. So binasa ko s’ya. Naku! Naka-apat akong libro! Hiniram ko nang hiniram sa UST. No’ng nabasa ko s’ya, sabi ko , “Ito ba ‘yung pinagkakaguluhan nila?” E no’ng nabasa ko, tungkol lang sa storytelling ng childhood. Kaya naisip ko na, “Kaya ko ‘to, a? Pero iba, tungkol naman sa pagiging girl.”
Actually, naispire talaga ako do’n sa sinulat ni Bob Ong. Kaya si Bob Ong talaga is “a very important [writer] sa Philippine Literature”, kahit hindi sa Phil. Lit. e. Sa reading na lang, e. Tinalo n’ya ang sales ng Noli at Fili, sang-ayon sa NBS. Ganun s’ya kagaling. Hindi s’ya lumalabas, baka kasi mawala ang kinang.
Sa Foreign, nagbabasa rin ako, si Raymond Carver.
Ano ang tradisyon ng Panitikang Filipino ang nakaimpluwensya sa iyong panulat?
Sa LIRA, itinuturo sa amin ‘yung traditional forms of poetry sa Philippines. So, lahat yan nadaanan namin. Hinasa kami nang hinasa. Dahil do’n, natuto akong maging very careful sa pagpili ng mga salita. It was a training for me when I was writing horror stories at iba pang genre. So, language talaga.
Sa tradisyon din ng pagsulat ng kababaihan. Kasi, ‘yung time na nag-aaral ako sa UP, boom na boom ‘yung women-women. Actually, sa sobrang boom, sabi ng teacher ko na si Luna Sicat-Cleto pag may nagsa-submit sa kanya ng paper, “Women na naman?” So, parang namulat talaga ako sa pagsulat ng mga kababaihan, lalo ng Filipina writers. Sina Lilia Quindoza-Santiago, etc., sila na naging mga teacher ko rin.
‘Yung course ko kasi, parang binubuksan lahat. Hindi lang s’ya isang genre, pati sa dula at iba pa, binabalikan. Anong itsura ng dula noon? Ngayon? Sarsuwela? Sa tingin ko, lahat ng napag-aralan ko nakatulong sa pagsusulat ko, nagiging visual ka, natututo kang magplano. Paano kung ito’y visual na? Anong itsura? Kaya kung mapapansin n’yo, visual din ang aking telling pero may mga emotions at nilalagay ko ang mga ito sa tangible na mga bagay.
Ano ang papel ng pagiging babae sa iyong pagsulat?
Ako, dahil na-expose ako sa literature ng kababaihang Filipino writers, naging conscious ako sa image ng women sa mga isinusulat ko, kung paano ko ipino-portray sa panulat ko. Halimbawa, sa erotic, I make sure na hindi s’ya inaapi: may consent ‘yung sex, ‘yung babae ang nag-u-urge gumamit ng condom, ‘yung babae ang nagde-decide kung anong gusto n’ya sa buhay, pinaglalaban n’ya yung karapatan n’ya bilang asawa saka bilang nanay. ‘Yung tipong hindi passive ang babae. ‘Yan ang mga iniisip ko everytime I write, anong puwedeng gawin ng women character?
Recently, nagsusulat ako for children, sinisiguro ko pa rin na hindi oppressed ‘yung mga women character: matatalino ‘yung mga character ko,nag-iisip, very promising, may leadership skills. Nagsusulat ako ng horror, ang mga women character ko ay usually curious, very investigative, matapang, very vocal.
Paano nakatutulong sa iyong pagsusulat ang mga pansariling mong karanasan?
Siyempre, naisip ko na may reason lahat ng karanasan. Lahat hindi patapon, for keeps. ‘Yung pinaghuhugutan ko rin, karanasan.
Halimbawa, may kuwento ako about sa waitress. Nagamit ko [ang pagiging waitress dati] no’ng ako ay nagsusulat na ng radio drama. Oo, nagsulat din ako ng radio drama, pagka-graduate ko ng college. Ang karakter ko do’n ay isang saleslady ng mga facial-facial [mga make-up]. Nasisante ang bida. Nasisante dahil sa anak n’ya. Maliit pa ang anak n’ya e, walang magbabantay. So, nawalan s’ya ng work. Galing sa karanasan ko ito e; pag nanghihingi s’ya [‘yung bida sa radio drama] ng tulong sa tatay ng anak n’ya, bibigyan sya ng 100 pesos. Tapos sasabihin ng guy, “Sige, magba-basketball pa ko e!” E, pamasahe pa lang ng saleslady ‘yung 100 pesos e, kulang. Then, isang araw, nag-apply ‘yung bida as waitress, ipinasok s’ya ng friend nya. ‘Yung uniform ng waitress, sobrang ikli, baba siya nang baba ng palda. Tapos may nkita s’yang guy, ‘yun pala ‘yung may ari ng restaurant. Kaklase n’ya pala no’ng hayskul, tapos may crush sa kanya, gustong-gusto s’ya. So, ang ginawa sa kanya, ginawa s’yang cashier.
Alam ko ‘yung sitwasyon—paano kung gusto akong i-table? Nando’n ‘yun sa radio drama. Sinasabi ko kung paano lumalaban ‘yung babae, kung paano s’ya nagsasalita against things na ayaw n’ya.
Mayroon din akong story about clerk sa pawnshop. Halimbawa, I know what a vault inside the pawnshop looks like, which is very bihira. Halimbawa kayo, karaniwang mamamayan, hindi n’yo alam [what inside the vault looks like]. May isa akong horror story na ikinulong ko ‘yung clerk na magnanakaw [sa loob ng vault]. D’un sa napasukan kong pawnshop, papasok ka ng vault, puwede ka mag-alahas. No’ng writer na ako, naisip ko, may problema don sa rule na ‘yun. Halimbawa, kung may nagsanla, tapos ako ‘yung maglalagay sa vault, paano kung i-switch ko? ‘Yun, madaling ipuslit, ‘yung singsing. Hindi naman kasi tsini-check, hindi naman tutunog.
Nangyari ‘yun e, sa Baclaran pa ako no’n, may mga nakaw talagang isinasangla, tinatanggap naman. Mayroon kaming naging guest sa pawnshop na ang ganda-ganda, siya ‘yung nag-uuri. Parang one day pa lang siya or 2 days, pero matagal na s’yang nag-uuri, galing sa ibang branch. May nagpunta, magsasanla, ang pangalan Gigi Cruz tapos nakatira sa Gigi Cruz Street. Ang dala, makapal na makapal na bracelet. Inuri n’ya, tapos ang binigay niya: 12, 500, times two pa y’un so 25, 000 ‘yung bracelet. Nakatira raw ‘yung Gigi Cruz sa Baclaran. Maya-maya, parang di mapakali ‘yung taga-uri namin; alam n’yo, kiniskis n’ya ‘yung isinanlang bracelet at nalaman niyang fake! ‘Yung surface lang ‘yung gold. So, hinanap nila ‘yung Gigi Cruz Street. Sabi ko sa isip ko, “Bobo ka e, Gigi Cruz? E, halatang fake naman ‘yung address.” Pinuntahan nga nila, walang Gigi Cruz sa Gigi Cruz Street.
Alam n’yo, nagpasama ‘yung boss namin sa isang staff. “Isanla n’yo ‘yan sa ibang lugar,” sabi n’ya. Nasanla naman, kaso hindi ganun ‘yung amount, ‘yung discrepancy, bayad s’ya, para hindi lugi si may-ari ng pawnshop. ‘Yan ‘yung mga bagay na di ko malimutan, in the future, isusulat ko yan. Si “Uri”.
Nakaaapekto ba ang iyong pagiging Tsinay (half Filipino, half Chinese) sa iyong pagsulat? Anong kultura ang umiiral o pinaiiral mo sa iyong mga akda?
Alam ninyo? I’m so Filipino, 100 %! Actually, ‘yung mga kultura ng Chinese sa akda ko, ‘yun pa nga ‘yung kini-criticize ko. “Ang yabang n’yo naman porket ang nanay ko, 100 % Pinay, super tisay naman nanay ko, e!”
100 % Pinay ako. Sa It’s a Men’s World ko lang naman naipakita kung paano naapi ang half breed na tulad ko na hindi marunong mag-Chinese at mahirap. Kasi, kami lang naman ‘yung gano’n sa pamilya, hindi naman kasi lahat ng half-Chinese o ng pure Chinese ay mayaman. E, ako pag nagdamit ako, ang puti-puti ko, akala ng mga tao ang yaman-yaman ko. E, wala ngang makain. Tapos akala ng iba, kapag isang syllable lang ang apelyido, mayaman ka na. No’ng nag-apply ako sa UP, inilagay ako sa dulong bracket, zero. Parang ang sabi: you don’t deserve any scholarship! Sabi ko, “Bakit? Pag pumunta kayo sa bahay namin, wala kaming gripo, ni wala kaming TV. ‘Yung kuryente naming, jumper.” Tapos, hinihingian kami ng resibo sa tubig, sa kuryente, e wala nga kaming ma-present. So, ang nangyari, pina-imbestigahan ako. Pumunta sila sa bahay namin. Pumasok sila sa bahay. “O, naniwala na kayo na umiigib kami sa balon? ‘Ayan kami, per container, piso. Isang galon, bayad.” Gano’n kami maligo. Tapos, ‘yun binigyan nila ako scholarship.
‘Yun, gusto ko lang ipakita dy’an ‘yung discrimination. Hindi lang siya nangyayari sa inyo, nangyayari ito sa ating lahat.
Ang kulturang umiiral sa ‘kin ay siyempre, 100 % Pinoy.
Bilang isa sa mga itinuturing na kabataan/bagong manunulat, paano mo maipaliliwanag ang puwersa o lakas ng iyong estilo sa kontemporaryong panitikan?
Batay sa mga sumusulat sa akin na gusto ring maging manunulat, napansin ko na kapag nagpapa-check sila sa email ko at ipinapabasa ang mga gawa nila, napansin ko na ang laman, laging very personal and very conversational, at parang confessional. Pero naisip ko na after nila mabasa ang It’s a Mens World, kaya rin pala nilang gumawa ng katulad nito.
At recently, every time na nai-invite akong magsalita, parati kong sinasabi na hindi ko alam kung paano ako makakaimpluwensya sa ganitong paraan o ganyang paraan, pero tingnan ninyo na lang ‘yung nangyari sa akin, hindi ako nag-give up. May mga work akong nare-reject, hindi ko ‘yun inaalintana.
More on… inspirational ‘yung It’s a Mens World, hindi s’ya confessional. Kasi ang confessional, may drama-drama. ‘Yung sa molestiya isa lang ‘yun, pero kung titingnan mo ‘yung aklat as a whole, play siya sa emotions ng reader.
100 % totoo ang nilalaman ng It’s a Mens World. Pero may mga pangyayari doon na hindi ‘yung eksakto. Halimbawa, ‘yung sa ninakaw kong chiclet, ‘yung kinain ng mga pinsan ko: Taquitos, etc., etc., hindi na ‘yun ‘yung eksakto. Pero no’ng time ko na ‘yun, ‘yun talaga ‘yung kinakain e, kaya malamang na p’wede naman silang kumain ng gano’n. Hindi ko talaga ni-reveal ‘yung ninakaw ko. Hulaan na lang nila, hanggang sa end. May isa ngang writer, ‘yun ‘yung unang binasa, ‘yung “Nakaw na Sandali”. Akala niya kasi, erotic. Kasi kilala ako sa mga erotic-erotic e.
Sa iyong palagay, may mga elemento/nilalaman/paraan ba sa iyong aklat na It’s A Mens ang makaaangkop sa pamantayan ng Kontemporaryong Panitikan? Ang Mingaw?
Sa palagay ko, contemporary ang It’s A Mens World. Nasa panahon e, kung ano ang mga issues ngayon, kung anong wika ang ginagamit. So sa tingin ko, para matawag na contemporary, nakakabit siya sa panahon kung saan siya nag-e-exist. Parang yung “Mga Agos sa Disyerto”, no’ng time nila.
Kasi, ‘yung word na contemporary, new! Very fluid adjective. Sabihin mo kung ano ‘yung time, language, malalaman mo kung anong panahon. ‘Yung Mingaw, it’s about immigrants, hindi ‘yun tungkol sa cyber-sex tulad ng nakalagay sa pabalat. Mali nga ‘yung inilagay nila. Saka, hindi nga ako marunong nun e [ng cyber sex]. Paano ka magsusulat ng isang bagay na hindi mo alam, di ba?
Sa kuwento ng Mingaw, nag-asawa ‘yung characters, 20-22 years old sila. Kainitan ng sex life nila, naghiwalay sila. Kailangan, para makapag-abroad ‘yung isa. So, paano ‘yung longing for each other? Kaya lahat ng gusto nilang sabihin, lahat ng sex position, sa email nila sinasabi lahat. So, ang kuwento nila dy’an, anong ginagawa nila kapag binabasa nila yung email? Kaya ang topic, OFW problems. ‘Yung language ng Mingaw, very contemporary. I think yung genre n’ya kasi, ‘yung erotic, is not very luma sa atin. Although, may mga erotic na noon, pero pasundot-sundot lang e. Ang Mingaw all-out, para nga siyang porn. Sinabi ko rin doon ‘yung oppression, mababa kasi ‘yung sahod. Halimbawa sa Korea, sa factories, may iba’t ibang lahi. Mas malaki ang sahod ng isang lahi kaysa sa ibang lahi, so may discrimination. Ipinakita ko rin [sa Mingaw] kung paano sila nagwo-work do’n. Halimbawa, sira ‘yung heater nila, they have to buy thick clothes. Pero hindi sila binibigyan ng pera ng company to buy, sa ipon pa nila kinukuha. So, talagang lugi. Tapos, minsan, hindi pa sila pinapasahod sa tamang oras. Ni-research ko talaga ‘yun, ni-research ko. Nag-interview ako sa mga Korean, sa mga OFW.
Maaari mo bang talakayin kung bakit humantong sa It’s A Mens World ang titulo ng iyong aklat?
Maikli lang ‘to, ang corny. Nakasakay ako sa jeep, bigla ko lang naisip, “It’s A Mens World!” Hindi s’ya hango sa kanta. ‘Yung bago kong lalabas na aklat, “It’s Raining Mens”, hango ‘yun sa kanta, pero naisip ko na ‘yun after ma-publish ng It’s A Mens World.
Nag-umipsa kasi ‘yung Mens as essay, ‘yung title nga ‘yung It’s A Mens World. Ang original title nga n’ya, Regla Baby, galing sa Regal Baby, kina Mother Lily. Tapos, hindi ma-publish-publish, walang nangyayari. Tapos pinalitan ko ng title, ‘yun nga no’ng nasa jeep nga ako.
Nang isang buong collection na siya ng essays, tungkol din naman sa babae lahat, ‘yung It’s A Mens World na lang ‘yung ginamit kong title.
Sinong kabataang manunulat sa kasalukuyan ang iyong hinahangaan? Bakit mo sila hinahangaan? Paano sila nakaiimpluwensiya sa iyong pagsulat?
Puros lalaki e, konti lang babaeng writer: Adam David, Eros Atalia, Norman Wilwayco, Sir Jerry [Gracio], ‘yung mga kasama ko sa LIRA, ‘yung mga ka-batch ko sa UP Writers Workshop. Si Vladimeir Gonzales, si Angelo Suarez, si Ariel Tabag, Si Anna Sanchez.
Ang suwerte ko lang, sa akin napunta ‘yung mga wala. ‘Yung mga genre na walang nagsusulat. Kasi sinong nagsusulat ngayon na babae [sa Filipino]? Di ba puro mashoshonda na?
‘Yun pa, sina Russell Mendoza. Siya si Alvin, siya ‘yung sumulat ng Emails, ‘yung last na part sa It’s A Mens World. Pag binabasa ko ‘yung email n’ya sa akin, para kang nagbabasa ng isang akda, magaling siya. Ginawa kong last part ‘yun kasi matanda na kami do’n, pero may hook pa rin sa childhood.
‘Yung mga batang writer din from the regions: Ariel Tabag, Jason Chancoco, Christian Sendon Cordero. Itong mga tao na ‘to sobrang naka-inspire sa ‘kin, hindi masyadong nagkaka-market and yet they strive, they fight the center by writing.
Paano mo tinitingnan ang hinaharap ng Panitikang Filipino? Ano ang mga mensahe mo sa mga bagong manunulat o sumusubok na maging manunulat?
Mas marami ngayong mga manunulat na nagsusulat, mas marami. It’s because of Bob Ong. Parang si Jun Cruz Reyes, na sa tingin ko, counterpart ni Bob Ong; no’ng isinulat niya ‘yung Utos ng Hari, sa academe siya, inaaral natin siya sa academe. Pero si Bob Ong, siya ‘yung number 1 book na Non-School Book Read. Ibig sabihin nito, hindi nire-require sa school. Dahil sa kanya, nakita ng mga bata na it’s possible na magsulat ka about childhood kahit di ka pa masyadong matanda. Mas naging malaya ‘yung paggamit ng language. Kasi, ang akala ng iba ay the only way to write is the formal way, kasi influence din ng school, hindi n’ya [si Bob ong] ipinapakilala kung saan siyang galing na school.
So, I think there will be more about our culture, our existence, ‘yung mga bagay na akala natin hindi na kailangang pansinin. I think, younger writers will write about these things. Kasi nga parang na-pave ni Bob Ong ‘yung daan para pansinin itong mga bagay na ito na maliit kung titingnan pero malaking bagay sa mga taong nakaka-experience nito.
Mensahe sa mga bagong manunulat? Magsulat ka lang. Kung marami kang excuses, hindi ka talaga makakasulat. ‘Wag mo munang isipin ‘yung editing, ‘wag munang tumalon kaagad.
Magbasa nang magbasa! Ang maganda kasi sa mga writers, tulad ni Eros, maraming nabasang libro bago makapagsulat, so, alam niya ‘yung mga naisulat na at ‘yung wala pa. Hindi tulad no’ng iba na hindi palabasa, so, akala nila na bago ‘yung isinusulat nila, ‘yun pala hindi na bago.
Halimbawa, ‘yung pagsulat sa kahirapan, puro na lang ba kahirapan? Anong bago? ‘Yung Ungaz Press: PAK U, gusto ko ‘yun. Maganda. Kasi they talked about poverty, violence, yung inefficiency sa Educational System, drugs—it’s so 3rd world. Tapos ipinackage nila ‘yung book nila na hindi glossy at hindi maganda—it’s so 3rd world. Kaya ikaw, ramdam na ramdam mo ‘yung nao-offer ng publishing na walang editing, walang proofreading, ‘yung quality ng papel naka-stapler lang. ‘Yun ‘yung sa tingin ko na hindi nagagawa ng ibang writers na sumulat about kahirapan. They [Ungaz Press writers] made the reader experience the real 3rd world. Pati ‘yung violence sa wrong spelling, mali-mali, ang pangit ng grammar. Di ba, ikaw as a reader naba-violate ka rin? E, ‘yung kanilang book ay about violence.
Maganda rin ‘yung paraan para ka makabili ng book, para kang bumimili ng drugs. Kailangan palihim, underground. Hindi mo mabibili kung saan-saan lang. So what we’re talking about is that they made the readers experience the 3rd world. ‘Yun ang nagagawa ng Ungas Press: PAK U na sa tingin ko ay hindi pa nagagawa ng kahit na sinong sumulat about what they wrote about. At siyempre maganda ‘yung nilalaman, very contemporary ‘yung language saka kaunti ‘yung melodramatic.
Noon, takot na takot ako e [as a writer], pero ngayong taon na ‘to, hindi na. Kasi alam ko na ito na ang magpapasaya sa akin, ang pagsusulat. So, iniwan ko lahat. Walang monthly suweldo. Writer ako ngayon, full-time.
Kanino mo inaalay ang akdang It’s A Mens World?
Sa nanay ko. Gusto kong sabihin na kahit na dysfunctional siya—totoo naman di ba? Napakasugarol, ang daming naging boyfriend. Tingin ko kasi, way of survival n’ya ‘yun e. Pero madiskarte siya, kahit gano’n siyang magulang, napalaki naman niya kami na hindi salot sa lipunan. Kahit broken home, may chance kang umunlad at hindi maging ganun. Hindi naman kami lumaki bilang basura ng lipunan. Kahit na naging mahirap ang buhay namin, mabubuting tao naman kami. Hindi salbahe. Honest, kahit mahirap kami. Nakatira kami sa maliit na kuwarto, gaya no’ng naikuwento ko sa It’s A Mens World. Nagnakaw ako ng Chiclet—gusto kong sabihin na, she will not tolerate that. Parang tribute ko ‘yan [ang It’s A Mens World] sa mama ko, na nakapagpalaki siya ng maayos na tao kahit na mahadera siya.
Nabasa ng Mama ko ang Mens. No’ng nabasa n’ya, ‘yun, galit na galit siya sa akin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment