Tuesday, May 1, 2012
Post Post Office
Hindi ko akalaing magkakaroon ako ng sandamakmak na insight sa tour na ito. Ang gusto ko lang,
1. maipasyal ko ang tatlo sa pinakamalapit kong kaibigan ngayong nandito sila sa Pinas at
2. ang maka-bonding sila.
Sa Post Office ko sila kinaladkad. Pito kami:
Ako
Poy- BF ko
Russ- BFF
Janice- Fiance ni BFF Russ that time, ngayon wife na
Tristan- BFF ni Russ from Pangasinan
Eris-BFF
Ron-BFF
Noong una, gusto ko lang din na makita ni Poy ang likod ng Post Office. Hindi kami dinala doon ni Rence Chan noong April 15, ang aming Postal Heritage Tour. Sa Arroceros Park niya kami dinala, na isa rin namang enchanting na lugar kasi kakaibang Ilog Pasig ang bumulaga sa 'min paglusot namin sa mga puno-puno sa Arroceros Park.
Ito namang binabanggit ko na puwesto para maangguluhan nang maayos ang Post Office (PO), naisip ko, magandang mapuntahan ni Poy. Bago man lang maging hotel ang Post Office. Sa June kasi, isasara na ito. Uumpisahan na ang pagre-repair at ang pag-construct ng mga dapat i-construct para mai-convert bilang Fullerton Hotel ng Singapore ang iconic na building na 'to. (Ops, sa mga gustong sumali sa Postal Heritage Tour, pumunta lamang sa Liwasang Bonifacio sa ikatlong linggo ng Mayo, 12:30 ng tanghali. Libre 'to, no joke, no hidden charges! Kailangang magpa-register pero kahit hindi naka-register, sa totoo lang, pinasasama na rin kapag sumipot doon.)
Anyway, so ayun, since gusto kong makita ni Poy ang likod ng PO at gusto kong makasama ang mga BFF ko, ba't hindi na lang pag-isahin ang mga lakad? So ginather ko ang mga utaw last week at nagkita-kita kami sa monumento ni Bonifacio sa tapat ng fountain. (Plaza Lawton ang tawag do'n no'n, named after Henry Lawton na mahusay na heneral during the American time. Napatay siya ng isang Pinoy sharp shooter. Sori naman. Kumbakit sa kanya ipinangalan ang Plaza, ewan ko sa mga ninuno nating baliktad mag-isip. Buti na lang, pagpasok ng 1970's, tinawag nang Liwasang Bonifacio ang lugar. Kaya andun ang magiting na Supremo.)
So...mabagal kaming lumarga papasok ng PO. Piktyur kami nang piktyur. Sabi ko, friends, countrymen, samantalahin n'yo na at in a few days, isasara na 'to. At sa muli nitong pagbubukas, di na 'to post office. Hotel na. Ibang-iba sa nakagawian natin.
Pagdating sa loob, inikot namin ang lobby. Nandoon pa rin ang exhibit ng stamps na sobra kong kinagiliwan nang una kong makita at nang una akong makarinig ng lecture tungkol dito. Suwerte 'tong mga kasama ko. Last week na pala ng exhibit do'n, naabutan pa nila! So, explain-explain ako nang konti kasi wala 'yong lecturer that afternoon:
1. Ang bahagi ng sobre na pinaglalagyan ng To, From at stamp ay tinatawag na cover. May mga nangongolekta ng cover at pinag-aaralan ang mga ‘to.
2. Ang mga cover na nagmula sa panahon ng pananakop ng Hapon sa Pinas ay napaka-rare. Kasi nang time na ‘yon, lahat ng sulat ay pinagsususpetsahan na may mga mensaheng sumasalungat sa gobyerno led by the Japs. Konti lang ang nagpapadala ng mga sulat/cover kasi ang sinumang mapagsuspetsahan ng mga Hapon, pinapatay. May mangilan-ngilang sulat ang nakalusot. At ang ilan doon ay kasama sa nabanggit na exhibit.
3. May mga tao na inaaral ang mismong nakatatak sa mga cover. Halimbawa ay ang slogan o logo na tangan nito. Ang nasa exhibit ay evolution ng mga slogan at logo na ginagamit ng PO.
4. Isang collection ng mga kakaibang stamp ang makikita doon. ‘Yong sa Canada, ang perforation ng stamps ay kahugis ng dahon na simbolo ng bansang ito. Meron ding stamps na 3D, glow in the dark, scented, gawa sa silk (Thailand), gold plated, silver plated, heart shaped, embossed at iba pa.
5. May isang collection doon na tungkol naman sa pre-stamp era sa Pinas. Noong wala pang stamp, ano ang itsura ng mga sobre? Malalaki ang sulat, parang font na Lucida handwriting. Kasi ‘yong mga balahibo pa ng manok ang panulat noon, makakapal ang bawat titik. Nakasulat doon sa cover ang To at From siyempre, tapos petsa kung kelan dinala sa post office ang sulat at kung kailan ito tinanggap sa post office na malapit naman sa addressee. Noon daw ay trust system lang. Magbabayad ka for a service na hindi pa ginagawa for you (sending), kumbaga, ine-entrust mo lang ang letter para maibigay sa addressee. Tapos ‘yong addressee will also pay for the service pagka-deliver ng sulat sa kanya.
Etcetera, etcetera. Feeling tour guide talaga.
Ewan ko lang kung namamangha rin sila sa mga pinagsasasabi ko. Basta ako, sobrang amazed hanggang ngayon. Me mga gan'to palang uri ng pagtingin sa mga sulat, stamp at sobre.
Bumaba kami, piktyur-piktyur uli sa hagdan. Tumuloy kami sa Parcel Area. Itinuro ko ang mga bakal na nakaharang sa counter. Mukhang matitibay dahil original daw ang mga bakal na 'yon. No'ng unang panahon pa. Walang binago. Wala ring linis-linis.
Itinuro ko rin ang mga electric fan do'n na nakakaeskandalo ang kapal ng dumi at alikabok. Iisipin mong di 'to ginagamit mula pa nang panahon ni Lawton but no, ginagamit ito ng staff doon, na mukhang kapanuhan din ni Lawton. Ino-on ang electric fan slash alikabok and hika maker araw-araw na ginawa ng Diyos except Saturdays, Sundays and special holidays.
Lumipat na kami sa Philately Museum at Library. First time ko rin itong napasok. Last time na nandoon ako ay sarado ito. Sunday, hello?
Na-meet namin si Mam Nena de Guzman, librarian yata siya doon. Hinayaan niya kaming mag-ikot-ikot sa museong maalikabok (na naman, hay. Ubo...ubo...ubo!). Ando'n ang mga lumang gamit ng PO: typewriter, telepono, weighing scale at marami pang iba. As in mga gawa pa ito sa bakal. Mahigit siguro sa dalawampu ang mga antigo doon. Kapag ibinenta sa antique shop o ipa-auction, di biro-birong halaga ang makakamit. Ano't binubulok lang dito, walang nakakakita kundi iilang tao?
Malapit sa entrance ng Museum ay mga stamp na naka-mount katulad ng sa stamp exhibit sa may lobby. Si Pope John Paul II ang feature. May mga kabinet sa buong kapaligiran. Paghila ni Poy sa nakausling handle ng isang kabinet, bumulaga ang isang parang naka-laminate na poster ng mga stamp. Guatemala, ang sabi. Paghila niya ng isa pa, Japan.
Naku, iba't ibang stamps mula sa iba't ibang bansa pala ang lahat ng 'yon.
'Ando'n lang at nakikipag-party-party sa mga alikabok at lamok?
Tiningnan ko uli ang lahat ng kabinet sa paligid namin. Massive ang collection na 'to. Bakit ando'n lang? Ba't nakatago? Nag-iisa lang ang Philately Museum sa bansa. Kung ganon, sa'n na 'to dadalhin? Kasama ba sa ni-lease ng Fullerton Company ang bahaging ito ng PO? I-showcase kaya nila ang collection na 'to pag hotel na ang building? Isama sa cultural tour ni Carlos Celdran? Patok sigurado.
Sabi ni Poy, dapat me isang advocate ang opisinang 'to para naman hindi mapunta sa wala ang collections. I agree. Sana may isang masigasig na stamp lover na magsulat tungkol dito at mangampanya para mapanatili ang museum sa nasabing area. Sana makagawa siya ng paraan para maipakita ang lahat ng ito sa marami pang iba.
Pumasok na kami sa library. Puro catalogue ang nandoon, tsaka mga magasin. Nandoon din ang ilang mga libro tungkol sa stamp. Karamihan daw ng dumadalaw doon ay estudyante at researcher.Sayang, kung nalaman ko lang 'to noong nagtuturo pa 'ko, isa 'to sa mga pinapuntahan ko sa aking mga estudyante.
Halos lahat ng laman ng library ( na one room affair) ay nakatali na. Aalis na raw kasi sila. Kumbaga, pack up na. Pack up. At during our visit, sabi ni Mam Nena, di pa rin niya alam kung saan na siya ililipat. (Less than two months at wala pang kaalam-alam ang empleyado mo kung sa'n mo na siya dadalhin? Que barbaridad!)
Sayang. Talaga. Ambait pa naman ni Mam Nena. Ibinenta pa nga si Russ kay Janice dahil Pangasinan din pala si Mam Nena. Sabi niya, mabait at maasikaso raw ang mga lalaking Pangasinan. Tawa lang nang tawa ‘yong dalawa. Nag-blush pa nga kasi hindi sila tinantanan ni Mam Nena!
Inimbitahan din kami ni Mam Nena na mag-avail ng mga philately bulletin. Katabi ng library ang Stamp Design Office. At sabi ni Mam Nena, kapag may special design ang stamp ng Pilipinas, may inilalabas na bulletin tungkol dito. 'Yon nga, Philately Bulletin. One page lang 'to at nandoon ang details kung paanong ginawa ang isang design at siyempre kung magkano ang partikular na stamp na ‘yon. Para talaga siya sa mga collector ng stamp.
Heto ang mga kinuha naming bulletin:
1. Carlo Caparas collection-mga front page ng komiks, ginawang stamp: Totoy Bato, Pieta at iba pa.
2. UP Centennial-ikinuha ko rin nito si Tristan at si Eris (wala pa si Eris at si Ron nang time na 'to, late!)
3. Valentine Special- heart shaped na stamp ang feature, sabi ko, 'yon na gift ko kila Russ at Janice hahahaha
at
4. Front ng simbahan ng Gumaca, Quezon-gusto 'to ni Poy, sinubukan pa nga naming bumili ng stamp pero ubos na raw.
After the museum and library stroll, pumunta na kami sa may likod ng PO, sa canteen area. 'Yon din, 'yong mababang structure na 'yon ay luma na. Siyempre, kasabay na itinayo ng PO. Sabi ng tour guide namin noon, sinadya raw na mababa ang iba pang structure sa paligid ng PO Complex para mag-stand out ang PO main building. Para magmukha itong mas enggrande.
Ipinakita ko rin sa mga kasama ko ang super daming brown envelope from PLDT na hindi nakarating sa mga addressee, for a number of reasons: moved out, no forwarding address, incomplete address at iba pa. Noong Postal Heritage Tour, isang kasamahan namin ang nagbukas ng isang brown envelope. Curious din ako pero ayoko namang ako pa'ng magbubukas ng sobre. Kaya buti na lang nagbukas siya ng isa. Notice pala ‘yon para sa shares ng stockholder ng, I assume, PLDT rin siyempre. Tapos sabi pa ng isa naming kasamahan, baka raw dahil meron nang email, hindi na pinupursiging makarating ang mga ito sa addressees. Oo nga. Nawawalan ng urgency at significance ang mga gan'tong mail dahil sa teknolohiya. Naku. Pero ganon talaga.
Times change.
Ga’no kadami ‘yong sobreng nakatambak do’n? Five figures siguro. Minimum 10,000.
Tumingala ako sa Post Office main building. Bigla akong nalungkot na gagawin nang hotel ang Post Office. Puwede pala ‘yon, kahit ga’no ka kaimportante noon, sa isang iglap lang, ipasasara ka na. O kaya ililipat. Or worse, titibagin ka. Bukas, makalawa, wala ka na.
Puwede pala 'yon.
Hindi na kasi kumikita ang PO at masyado nang malaki ang lugar para sa kanilang operations. Sa isang banda, tama lang naman na mag-evolve na rin ang function ng building. At ang building mismo. Para maging significant pa rin ito. Hindi naman puwedeng gawing government office kasi ganon din, magde-decay din ito eventually. Ang hina ng gobyerno sa maintenance! Lalo namang hindi puwedeng gawing school dahil marami ang masisira sa dami ng estudyante at sa activities para sa kanila. Kung isang malaking museo naman, hindi ito magiging income-generating. Maintenance pa lang, malaki-laking amount na ang kailangan. (Sabi ni Rence noong tour namin, milyones na ang utang ng PO sa tubig dahil marami nang butas at sira ang mga tubo ng PO. Hindi naman maipagawa dahil malaking pera rin ang gagastusin.)
Pabalik na kami nang finally, dumating na ang mag-asawang Eris at Ron. Do’n namin nalaman na magkakilala pala sina Eris at Tristan. Yep, small world. Magka-block sila noong Stat pa ang course ni Eris. Later on, nalaman namin na naging magkaklase kami ni Tristan sa Philo I. Siyempre, wala pang pansinan noon, isa ako sa ireg (short for irregular) ng klase nila. Di ko na maalala ‘yon, actually. Pero definitely, naging magkaklase kami: ako, Eris at Tristan noong mga 16 years old pa lang kami. Weird, ‘no?
Anyway, naglakad uli kami pa-lobby. Sabi ko, piktyur-piktyur pa. Tinour ko uli si Ron sa may exhibit ng stamps. Sina Russ at Tristan, nasa gitna ng lobby. Tumingin-tingin ng puwedeng bilhin from the Stamp Group (group ni Sir Rence). Si Janice, nasa upuan sa gilid, may kausap sa telepono. Sabi ni Russ, di pa raw kasi ayos ang ilang detalye para sa kasal nila. E, sa Sat na ‘yon. Kaka-rattle nga naman.
Nagpiktyur-piktyur pa uli kami sa labas ng PO bago kami tumulay papuntang Escolta. Naglakad kami hanggang sa makarating sa Savory. Nadaanan namin ang Burke Street na ang landmark ay isang Mini-stop, ang City College of Manila na nasa isang lumang building, ang Calvo Building (dating building ng GMA 7) at ang Capitol na dating sinehan, ngayon abandonadong estruktura. Pasyal, gala hanggang sa makarating kami sa Ambos Mundos, super lumang restawran sa may Recto, as in 1880s pa. Naghapunan kami sa tapat no'n, lumang restawran din, same management, at masayang nagtapos ang aming gabi.
Neto ko nang na-realize na symbolical din ang post office tour sa akin at sa aking matatalik na kaibigan. Nagpunta kami doon para makita sa huling pagkakataon ang isang bagay na nakasanayan naming makita sa personal, sa diyaryo, sa TV, sa internet. Icon ang building na ‘to. Sino sa 'min ang nakaisip na someday, titigil na 'to sa pag-iral bilang kanlungan ng mga sulat? Sino sa 'min ang nakaisip na magiging hotel ito in the future? Siyempre, wala.
Dinala ko sila sa isang lugar kung saan may pagbabagong magaganap. Massive na pagbabago. Nariyan pa rin ang building pero iba na ang building na haharap sa lahat bukas, makal'wa.
Unconsciously, hinahanda ko na pala ang sarili ko (at sila) para sa mga mangyayari sa pagkakaibigan namin. Pinagbaba-bye ko na pala ang sarili ko (at sila) sa dating anyo ng friendship namin. Na sa totoo lang, until now, ay pumapatay sa pagmamahal ko para sa matatalik kong kaibigan.
Parang post office lang, hindi nakasabay ang utak ko sa takbo ng panahon at ng sitwasyon.
Para sa akin kasi, ang best friend ay best friend ay best friend pa rin. Mananatiling ganon. At ganon. Kahit wala na sila, iniwan na nga ako, malayong lahat, ganon pa rin, okey? Wala pa ring iwanan kahit saan. Mangangarap nang sabay-sabay. Wala pa ring sikre-sikreto. Ikaw pa rin ang laging una. Nariyan pa rin sa petsa at oras na kailangan mo. I was simply fucking myself with expectations. Hindi nag-sink in sa akin, for the longest time, na malaki ang nagagawa ng distance sa mga relasyon, maging sa pinakamatitibay na pagkakaibigan.
Tulad ng napakarangyang gusali ng post office, nariyan pa rin ang ugnayan, nariyan pa rin ako, sila, definitely. Pero kailangang dumaan sa pagbabago. Sa isang massive na pagbabago. Para makasabay sa takbo ng panahon at ng sitwasyon. Para manatiling significant sa lahat. At para manatiling buhay.
Ang pinagkaiba lang namin sa building na 'to, June pa ang umpisa ng pagbabago niya. E, 'tagal pa no'n. 'Tong sa 'kin, sa 'min, puwede namang now na.
Eris, Russ at Ron, maraming salamat sa napakaraming taon ng pagkakaibigan. Pagbalik n’yo uli sa Pinas, i-treat n’yo ‘ko sa Fullerton Hotel Post Office Branch, ha?
Me post card kaya silang ii-issue? Kung meron, padadalhan ko kayo. With sangkatutak na stamps, of course! Para lagi n'yo pa rin akong maaalala, milya-milya man ang ating distansiya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment