Thursday, May 24, 2012

No islip



Hindi na ako iinom ng Nescafe 3 in 1 Strong nang alas-singko ng hapon.

Hinding-hindi na po.

gising pa ako. kanina, nag-eedit ako ng notes ng bibliya, bigla akong nahikab. nag-toothbrush na ako tapos konting google-google, pampaantok. lekat, nawala naman ang antok. mga dalawang oras na akong naggo-google, wala pa rin yung antok. di na bumalik.

di bale, at least nakakapagsulat ako. antahimik sa bahay. sa sala, ako lang at konting patak ng ulan. at saka yung lamok sa kanan ko at electric fan sa kaliwa, stand by me mode sila.

for the past few days, di ako masyadong maka-concentrate sa mga bagay na dapat ay ginagawa ko. yung isa kasi tungkol sa bible. hindi talaga ako relihiyosa. tapos masyadong teknikal yung pagkakasulat kaya parang nire-reject siya ng isip ko. at kapag nire-reject siya ng isip ko, mas matagal akong magtrabaho. tipong one page per hour. e higit isandaan 'to, patay na, di ba?

isa pa, pag nahaharap ako sa computer, di ko maiwasang di mag-google ng tungkol sa kasal. 2014 pa nga kami pero sobrang excited, e. di talaga ako makapagpigil.

no'ng una, hirap na hirap kami umisip ng theme. tungkol ba sa bundok? kasi do'n siya nag-propose. tungkol ba sa pagiging chinese-filipino at filipino? kasi parehong mahalaga sa amin ang ethnicity namin. filipiniana ba? kasi bagay sa simbahan kung sa'n gaganapin ang aming big day: ang san agustin. 'yan pa lang kasi ang sigurado, ang simbahan. gusto ko rin sana, fiesta ang theme. kaya lang, parang wala namang masyadong depth. kaya ang naisip namin, sadako-themed wedding. para talagang malalim ang pinanggagalingan.

joke.

naisip ko, una, valentine's kaya ang theme? kasi valentine's day ng 2014 ang napipisil at nakukurot naming petsa. kung valentine's naman, hindi kaya OA na? kasi valentine's day na nga yon, e. paglabas ng attendees namin sa san agustin church at sa wedding reception, 'yong buong pilipinas, ka-theme namin. hearts everywhere. parang extension ng kasalang siy at verzo. OVERKILL na pag ganon. baka masuka sa puso at keso ang mga tao. pero ok din kasi tipid sa decorations. imagine, pati mall, kasama namin nagse-celebrate ng wedding ceremony yadah?

so nag-isip uli kami. sa'n ba kami mahilig? sa pagbabasa. ayun. books. mahilig kami sa books.


(ako with mam luna)


(si poy with national artist for literature bien lumbera)

meron akong maliit na library sa isang kuwarto dito sa bahay.



akala ko, ako lang ang me ganong uri ng collection. nang makita ko ang collection ni poy, potek, lampaso ako. isang buong cabinet na puno ng libro ang mga libro niya. at me isang pader pa sa kuwarto kung nasaan ang cabinet na 'yon, puno rin ng libro. siyempre nung una kong makilala ang mga libro nya, naglaway na akong talaga. ang gaganda: poetry, play, drama, script, screenplays, literature, review, theory. massive din ang collection niya ng filipiniana. laway talaga ako. want. want. want.

nang una naman akong makatapak sa bahay ng parents niya sa sta. mesa, hindi parents niya o lolo o mga kapatid niya ang pinansin ko maghapon. nakatitig lang ako sa mga libro sa harapan ko, sa may tapat ng sofa kung saan ako nakaupo. shelves ng libro, libro at libro pa.

joy

happiness

bliss

oh-oh-oh

pagbuklat ko ng isang libro, nag-good afternoon sa akin ang tatak sa unang page: Verzo Library.

at may ganyan pa? Library? ng pamilya nila? Meron?

joy

happiness

bliss

oh-oh-oh

lumunok ako at huminga-hinga nang malalim. sabay awit ng:

I wanna be a Verzo now SO FREAKIN' BAD.

akala tuloy ng parents niya, namamanhikan na ako. nang mag-isa. okey lang naman. hello, lagpas trenta na 'ko, puwede na 'kong gumawa ng desisyon para sa sarili ko. kung gusto ko makipagkasalan ngayon, puwede. legal. ba't iisipin ko pa magulang ko, e eto na nga, andaming libro, ano pa'ng hahanapin ko?

pero siyempre, hindi ako namanhikan. nakikain lang ako ng Amber's pichi-pichi.

back to preps, so there we went. Books ang naisip naming tema. since we write and design books, bakit hindi na lang 'yon ang tema? kaya mega-research na ako. at andami-dami palang idea para dito. nakita ko lahat sa net. thank you, google!

after ng theme, wedding reception na ang inisip namin. siyempre gusto namin sa library. or something like that. nag-i-scout pa kami hanggang ngayon. sa filipinas heritage library sana kaya lang ay medyo limited ang space. unless ipatibag namin ang harang dun at mag-spill kami sa ayala triangle. ay, anlaki nun. ano naman kung dun ako mag-bouquet toss? lalakad ako nang bongga palayo para makabuwelo ang mga gustong makasalo. mga isang basketball field ang layo ko. winner talaga ang makakasalo.

kinokonsidera din namin ang museo pambata. kasi may library naman sa labas ng pinakamuseo. puwede na.

plano ko ring maghanap ng mobile library. gagawin naming bridal car. ilang oras lang namang aarkilahan. baka makatulong pa ang ibabayad namin para mapondohan ang mobile library. eto ang isusulat namin sa harap:

pagkahaba-haba man ng prusisyon,
sa simbahan din ang tuloy.

tapos sa likod, eto naman:

pagkahaba-haba man ng kasal,
e, mahaba talaga,
kaya honeymoon na!

gusto ko ring may book fair sa aming wedding reception. iimbitahan ko ang publisher ko siyempre, ang anvil. si teena ng black pen, iimbitahan ko rin. ang visprint ni mam nida. si maru ng pandora's, kung kaya niya magbenta habang uma-attend ng reception, game. at mga kakilala sa bazaar pilipinas. kung gusto nilang magbenta ng books, game.

gusto ko sana may book drive din. no book, no entry. yung books ay ido-donate sa library na mapipili namin.

ang souvenir namin ay baka books din. or journal. para naman makatulong kami na ma-encourge sa pagsusulat ang mga kaibigan namin.

gusto ko sana librarian ang magkasal sa amin. joke. hindi. pari pa rin. si father vir. siya lang ang naiisip kong pari na significant sa aming dalawa ni poy. partner siya ni poy sa mga literary project niya noong presidente pa siya ng cywa. at noong maging isa kami sa mga tagapag-asikaso ng palihang rogelio sicat, isa si father vir sa recipients ng kahon-kahong libro na nakalap namin for the event. yep, magbi-bring your own pari kami sa araw ng kasal. para naman medyo personal ang sermon sa 'min ni poy kasi medyo kilala niya kami. wag kayo mag-agawan sa libro. wag kayo mag-away pag wala na kayong makain kakabili ninyo sa booksale. sabawan n'yo na lang 'yang mga libro n'yo pag gipit-gipit na kayo. organic naman yan, kumbaga laman tiyan din.

pati cake, gusto ko, me disenyo ng libro. 'yung bouquet ko kung puwede, pahina na lang ng mga libro. tipid na, di pa malalanta. para me souvenir ako, iipit ko sa libro ang mga petal ng "bulaklak". siyempre sisiguruhin ko na magaan ang pahinang gagamitin para sa "bulaklak". mahirap mag-toss nang nakangiti kung 'yong bouquet ay ga-encyclopedia brittanica sa bigat.

ano pa ba? excited much talaga, 'no? wedding ring? wala pa akong idea. e hindi naman puwedeng lagyan ng disenyo 'yon. traditional na rings pa rin ang pang-wedding.

program? gusto ko me games. buwis buhay at ubusan ng dangal na uri ng games. panahon na para i-subject sa mga ganitong karanasan ang ilan sa mga kaibigan ko/namin na kulang sa adventure ang dugo sa katawan.

uso pa kaya ang photo booth by 2014?

baka iba na itsura no'ng san agustin church, a. wag naman sana.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...