Wednesday, April 18, 2012

Palawan!

Eto ang tunay na werk.

Pagkatapos naming um-attend sa 42nd National Scientific Conference ng Crop Science Society of the Philippines para sa isang copyright talk, mag-a-Underground River naman kami bukas!

At gagawin namin ito nang walang tulong ng travel agency. Pumalpak kasi ang travel agency ng tinutuluyan naming pensionne house. Ako ang pinakukuha ng permit kaninang umaga. Mabuti na lamang at kinakasihan pa rin kami ng mabuting palad, nakakuha ako ng permit in 1.5 hours na pagpila. Mahaba ang pila pero mabilis ang proseso.

Karamihan sa mga kumukuha ng permit ay para sa slot sa ibang araw. Sa Mayo pa. At karamihan sa kanila ay taga-travel agency. Ang mga tulad kong walk in, madalas na pinapayagan naman. Hinihingi lang nila ang tiket (ng walk in) at iche-check kung kailan ang departure date.


Sabi ko sa boss ko at kay Leo, do it yourself na lang ang gawin namin. Magta-trike kami bukas hanggang San Jose. Pagdating doon, sakay kami ng jeep na Sabang. Tapos ang baba namin, sa underground river na.

Makikiusyoso kami sa mga dapat gawin at 'yun na. 'Yun na 'yun. Ayaw ko nang mag-travel agency. Napapamahal lang talaga (though konti lang ang difference, nge!) pero, at least, masusubukan namin 'yung kami lang talaga ang lalakad. Kakaibang experience din 'yun, di ba?

Kung may oras pa pagbalik namin, susubukan naming dumalaw sa iba pang tourist spot dito sa Puerto. Without the assistance of anyone, as usual.

Kanina pagkatapos ng conference, bumalik kami sa Casis Pensionne, then nag-trike kami papuntang simbahan. Namangha akong muli. At mas maganda pala ang loob nito pag gabi (no'ng una kong punta years ago ay hapon kasi). May mga capiz lantern sa kisame, dati wala. Napaka-peaceful ng loob ng simbahan. Kaunti lang ang tao. Ang marami, lamok. Para ngang may itim na halo 'yung mga nagdadasal do'n.

Inarkila na namin ang trike. Arianne ang name ng aming driver. Pagkatapos naming magsimba, itinuro niya sa amin ang Plaza Cuartel, tapat lang ng simbahan. Hindi ko 'to alam noon kaya kahit isang lingon lang ay 'andoon ka na, hindi ko 'to napuntahan dati. Pero ngayon, napasyalan na nga namin. Tiyak akong mas maganda 'to sa araw. Ang daming puno tapos may mga upuan sa landscaped na bahagi ng parke. Meron ding kalesa (minus the kabayo). Para ito sa photo ops. Tapos meron ding maliit na bridge. also for photo ops. Ang linis-linis ng lugar at ang bango. Walang kapanghi-panghi. Sabi ko nga, e sa maynila meron ding ganito, definitely, pero mapapanghi ang sulok! Amoy jebs! At me nakatirang tao, hayop at iba pang nilalang!

Me World War 2 monument din doon. Ginawa ito ni Don Schloat na isang WWII veteran. Sculptor na siya ngayon. Nakaukit sa mga plake ang pangalan ng mga nasawi sa Palawan Massacre.

Hindi ko pa naririnig ang massacre na 'to sa mga history class ko! Ganito raw 'yung nangyari doon, ayon sa nabasa namin sa plake:

Dec 14/15, 1944, mahigit 100 Amerikanong prisoner of war ang pinapasok ng mga sundalong Hapon sa air raid shelter. Parang tunnel ito. Pagkatapos ay bigla na lang silang binuhusan ng gasolina at sinalaban ng mga sundalong Hapon. Habang nasusunog ang mga Amerikanong sundalo, pinagbababato pa sila ng hand grenade ng mga sundalong Hapon. Siguro para masigurong walang mabubuhay at walang makakatakas! 'Yung mga nagtangka raw na tumakas ay pinagbababaril o kaya ay pinaghahahambalos hanggang sa mamatay (clubbed to death ang nakaukit sa plake).

Grabe, 'no?

But wait there's more!

'Yung iba pa, nagtangka pa ring makatakas sa pamamagitan ng pagtakbo sa kabilang dulo ng tunnel. Sinubukan nilang tumakbo at maka-dive sa tubig para lumangoy papunta sa pinakamalapit na land area: ang Iwahig Penal Farm. Dahil sa mga natamong sugat mula sa baril at paso ng apoy, at pati na sa kahinaan at mga sakit-sakit, karamihan sa kanila, nangalunod. Patay din.

100 plus ang American POWs sa eksenang 'yon. Wala pang 20 ang nabuhay.

Hay. Ang bigat dalhin sa dibdib. Kumbakit naimbento ang gera. Kumbakit kelangang danasin ito ng mga tao. Bigaaat! Sabi ko kina Boss at Leo, magandang material ito para sa isang kuwento. Maganda ring isapelikula! Agree naman sila. 'Yong parang pelikula ni Cesar Montano, 'yong The Great Raid. Pangit pamagat, pero actually maganda ang movie.

Anyway, naglakad-lakad pa kami. Tapos ay lumabas na. Sabi ng mama sa may gate, nang tanungin ko siya kung anong oras nagsasara ang Plaza Cuartel: hindi po kami nagsasara sa inyo. Pero po pag tagarito, hindi na po namin pinapapasok nang ganitong oras. Kayo lang po, mga bisita.

Okey 'to pero hindi ako masyadong natuwa sa privilege na ibinigay niya sa "mga tulad ko."

Hinayaan ko na lang at sumakay na uli kami ng trike. Nagpunta naman kami sa tiangge. Asus, ang daming tinda! Hikaw, ang dami, sobra, pearl, pulseras, kuwintas, beads, ipit sa buhok, table runner, bul-ol, native na drum, bag, native, basket at backpack, shirt, sando, sarong, board shorts, kasoy: roasted or fried, pastillas, sampalok, brittle, cashew tart, etc.

Ang binili ko? Puto seko!

At siyempre, kasoy para ke Mami at Mami ni Poy.

Pagkatapos, dumiretso na kami sa.... Baywalk! Ang ganda! Kamukha ng baywalk ng Bislig. Upgraded at modernized lang na baywalk ng Bislig. Kamukha rin ito ng baywalk ng Maynila. Minus the polusyon, kalat at residents (Sa Maynila, ang mga resident ng Baywalk ang siya pang masungit sa mga turista, naiistorbo kasi ang pagtulog nila, ang pamamahinga nila. 'Kala mo, napatituluhan nila ang Baywalk sa kanilang mga pangalan!). Pag suminghot ka ng hangin dito sa baywalk ng Puerto, mapapangiti ka sa bango. Wala ni isang pirasong basura sa baybayin, higit sa lahat, sa dagat.

May mga kainan sa tapat ng Baywalk at do'n na kami naghapunan. Umorder kami ng tatlong kanin, 8 barbekyu (si Leo ang umorder kaya ang dami) at halaan, dalawang set. 'Yong isa, inihaw at 'yong isa, me sabaw. P90 lang ang 2 set ng halaan at andami-dami ng isang set. Mga pito 'ata. Hindi nabitin. Actually, nagsawa kami!

Freshness!

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...