Thursday, August 29, 2019

First Love (Maikling Kuwento ni Beverly W. Siy)

Pinakapaborito kong bahagi ng prom ang paghahanda at pag-aayos ng sarili. Hindi
kasi ako napagastos. At wala rin naman kasi akong panggastos.

Bihira akong magladlad ng buhok, kahit halos hanggang baywang ang buhok kong
sing-itim ng gabi. Bakit? Puro kasi kuto, ’tsaka ayoko ’yong suklay nang suklay, kaya naman
mula elementary hanggang high school, lagi lang akong naka-pony tail. Idol ko si Olive Oyl
sa hair style.

Para sa JS prom, nagsuyod ako maghapon-magdamag para lang makapagladlad ako
ng buhok. Tapos nag-practice ako sa harap ng salamin kung paanong luminga-linga habang
pinasasayaw ang sariling buhok. Nakatapat pa ako sa electric fan habang nakangiti sa
salamin, tuloy ay parang hinahangin na kurtina ang buhok ko, akala mo, masarap haplusin.
Wala akong headband. Walang tali. Walang ispre-spray net. Walang gel. Walang pomada. Ni
laway, wala. Ako, ang buhok ko, at isang henerasyon ng mga itlog ng kutong wala nang
magulang, all set para sa JS Prom.

Hindi rin ako nag-make up. Talo ko pa ang Boyoyong clown kapag nalalagyan ng
make-up ang mukha. Meron yata talagang ganoon na mukha, lalong sumasagwa kapag
nalalapatan ng kolorete. Kaya ang putla-putla ko nang araw at gabi na iyon. Pero ayos lang.
Mas gusto ko nang mapagkamalan akong white lady kaysa Boyoyong clown.

Hindi rin ako nag-gown, na siyang ikinukuwento ng mga kaklase kong isusuot daw
nila sa JS. Ayoko, dahil baka hindi ko kayang dalhin ang ganoon kagarbo at ganoon ka-
feminine na damit. Ayoko ring mag-practice pa ng paraan ng paglakad. Sayang ang oras.
Magbabasa na lang ako ng Sweet Valley Twins.

Isa pa, wala akong pambili o pangrenta man lang ng gown. Kaya naghanap na lang
ako ng disenteng damit, iyong malinis, walang tastas, walang butas at walang sobrang
himulmol, mula sa kabinet ng pinsan kong si Donna. Nakakita ako ng damit na hindi ko alam
kung paano ipaliwanag.

Kulay: navy blue.
Tela: cotton.
Burloloy ng damit: dalawang gintong butones na sinlaki ng piso, sa gitna ng dibdib
nakapuwesto.
Piraso: isa, isang buong mahaba kasi magkarugtong ang pantaas at pambabang bahagi.
Kamukha: bestida at pantalon, bestida ang pang-ibabaw tapos, pantalon naman, imbes na
palda, ang makikita sa dulo ng bestida. Ano ba ang tawag diyan? Bestilon? Pantestida?

Simple ang damit, pero mukha pa ring elegante. Hindi ko alam kung bakit. Baka dahil
sa nagsusuot. Ako ’yon, ako ’yon, ano be?

Eto ang napag-usapan namin before JS.

Meeting time: 5pm
Meeting place: gate ng school, kasi mga tatlumpung kandirit lang ang layo nito sa hotel na
pagdarausan ng JS Prom
Sino-sino: Ako, Eris, Loti, Cocoy, Nestor, Betong, Paeng, Jessie-dog, Ling, Lizbeth, Borre at
Analyn

Nagdyip ako papunta sa school. Wala namang hassle, hindi ako pinagtinginan o
pinagbulungan ng mga kapwa ko pasahero. Kasi ’yong damit ko, parang casual na rin kung
tutuusin. Dagdag pang nakalugay ang buhok ko at wala akong make up. Siguro, kung
napukaw ko ang pansin ng ibang pasahero, ang naisip nila ay masyado akong maganda at
malinis para sa palengkeng pupuntahan ko.

Nang magkita-kita na ang magbabarkada, napabunghalit ng tawa ang mga lalaki, mga
gago. Pinagtawanan nila ang mga kaibigan naming naka-gown at kuntodo make up. Baliktad!
Kung sino pa ang mga talagang nag-effort-effort-an at nakahanda para sa JS, iyon ang
pinagtatawanan. At kaming mga walang kalatoy-latoy ang mukha at suot, siyang nagtatawa.
Itong mga lalaking hambog at pasimuno ng lahat, walang ayos-ayos. Pinakintab lang ng gel
ang mga buhok. O baka nga tubig lang iyon, hindi gel. O baka something. O baka _________
(Fill in the blank.) Iyong iba sa kanila, nakarolyo pa ang mahahabang manggas. At nakalabas
ang laylayan ng mga polo. Tuck out. Parang matandang lalaking na-stress sa trabaho, gano’n.
Siguro, isang paraan iyon ng pagre-rebelde. Nila. Namin. Anyway, pagkatapos ng laitan mula
anit hanggang cuticle, lumarga na kami.

Habang naglalakad, nilapitan ako ni Borre at bumulong sa akin. “Tingnan mo si
Analyn,” sabi niya.

Kaklase namin si Analyn. Maganda siya, pero walang nagkaka-crush sa kanya.
Simple lang kasi siya. Walang ipinapahid sa mukha during regular days. Simple ang buhok,
straight, itim, hanggang tenga. Simple manamit. Pag civilian kami, shirt at maong lang siyang
lagi. Pati bag niya, simple. Knapsack na itim, walang design, walang bulsa.
Pero nang gabing iyon, lumitaw ang ganda ni Analyn. Naka-make up siya’t pink ang
talukap ng mata. Naka-gown siyang pula, malobo ang pambaba.

Siguro, may crush si Borre kay Analyn. Nilingon ko si Borre. At sabi ko, “Oo nga.
Bagay sa kanya ang suot niya.”

“Pero tingnan mo ’yong sapatos,” dagdag ni Borre.

Tiningnan kong mabuti ang paanan ni Analyn. Ang suot niyang sapatos ay ang sapatos niya
sa eskuwela. Bulldog na itim at kulu-kulubot.

Lumingon uli ako kay Borre. Nang magtama ang tingin namin, tumawa siya. At batay
sa tono ng tawa niya, parang gusto niyang mag-duet kami ng tawa. Pero hindi ako natawa.
Wala namang nakakatawa.

Na-scan ko tuloy si Borre nang wala sa oras. Mula ulo hanggang paa. Poging-pogi
siya sa barong niya. At ang pantalon ay parang pinagawa pa para lang sa okasyong ito. E, ang
sapatos?

Maitim. Makintab.

Perfect si Borre.

Kaya pala.

Pero hindi pa rin ako tumawa. Ni hindi ngumiti. Inunahan na lang tuloy ako ni Borre
sa paglalakad. Siguro, nawirduhan siya sa akin.

Habang nakatalikod siya, doon ako napaisip. Ayun pala ang hindi bagay sa buo
niyang get up: budhi na maitim, parang bulok na sapatos.

Sa Manila Midtown Hotel ang aming JS Prom. Ito ay isang three-star hotel sa puso
ng Ermita-Malate area. Pero dahil mababaw ang kaligayahan namin noon, ang tingin namin
dito ay five-star hotel na. Sikat.

Mayroon itong 21 floors at 500-600 na kuwarto. Malaki at engrande, para sa akin.
Wala pa naman kasi akong napapasok na ibang hotel noon. Malay ko ba sa Shangri-la Edsa?
Dusit Hotel? Heritage? Manila Peninsula?

Turista ang market ng Manila Midtown. Iyong mga turistang haling na haling sa
sunset ng Manila Bay at sa mga night club ng Ermita.

Malapit ang Manila Midtown sa bahay namin. Walking distance lang. Kaya kampante
ang tatay kong makakauwi ako nang maaga at hindi mapapaano sa kalsada.

Pagdating sa hotel, nanibago ako. Hindi lang sa elegance ng venue kundi pati sa
hitsura ng mga tao. Ang mga teacher namin, kilo-kilo ang make up sa mukha. Pati ang mga
lalaking teacher. Hindi na nga namin makilala. Ang mga walang cleavage, nagka-cleavage,
singlalim ng Lagusnilad. Ang mga teacher na may permanenteng kunot sa noo, naplantsa ang
mukha.

Ang mga estudyanteng babae, iba-iba rin ang get up. May mukhang prinsesa. Kulang
na lang ay tore. May mukha rin namang katulad ko, mamamalengke. Kulang na lang ay
bayong, saka putik sa sakong.

Ang ibang lalaking estudyante, naka-lipstick. Binansagan tuloy silang bading. At
’yong mga tunay na bading, medyo malungkot, kasi agrabyado sila. Ni-require silang
magdamit-lalaki. Pero ang iba kong schoolmate na bading, hindi nagpasindak. Pinagana ang
pagiging malikhain. Since hindi sila makapag-gown, nag-ipit na lang sila ng mga bulaklak sa
tenga. Hindi sila mapagbawalan ng mga teacher. Ano nga naman ang masama? Ang babango
tuloy nilang tingnan sa mga picture.

Doon sa hotel na namin pinlanong magkita ni Denden.

Si Denden? Siya ang first love ko. Fourth year high school na nang maging kami. Isa sa mga
CAT (Citizens’ Army Training) officers noon si Denden. Doon kami nagkakilala. Mabait
siya sa girls. Hindi niya kami pinaparasuhan, no sit-ups, no push-ups, no ear pumps, maski
magkamali-mali na kami sa pagsunod sa mga command niya. Doon ako nainlab.
Marami sa mga kaibigan ko ang nagsasabing di kami bagay, hitsura pa lang. Pangit daw si
Denden, mukhang tsonggo. Pero nang mga panahong iyon, para sa akin, siya ang
pinakamagandang hayop sa balat ng lupa.

Brown ang balbunin na balat ni Denden. Kulay-uling naman ang alon-alon niyang
buhok na super-iksi dahil sa haircut requirement ng CAT. (Ito na yata ang tanging misyon ng
department na ’yan, ang manita ng mahahabang buhok ng boys. Mas karapat-dapat itong
tawaging Hair-CAT.) Makapal ang kilay niya. Akala ko nga dati, may bangs siya. Wala pala,
kilay pala ’yon. Weakness ko ang boys na may makapal na kilay, para kasing lalaking-lalaki,
at saka serious type ang hitsura. Laglag ang panty ko pag nakikita ko ang sabog na kilay ni
Brad Pitt o kaya ang mala-gubat na kilay ni Jomari Yllana. Matangos ang ilong ni Denden.
Mamula-mula ang matambok niyang pisngi. Rosy cheeks? Hindi, mas mukhang hadhad.
Heartshaped naman ang labi niya. Perfect smile kapag itinerno sa mapuputi niyang ipin.
Sa height naman, di kami masyadong nagkakalayo. Mas matangkad ako nang konti sa kanya.
Kapiranggot lang, mga dalawang dangkal lang. Sa built naman ng katawan, lamang siya ng
tatlong almusal sa butiking Pasay.

Paano naging officer ang isang bonsai at tingting na tulad ni Denden? Ayon sa kanya,
idinaan niya sa sipag maski nagmistula na siyang aliping saguiguilid noong 3rd year kami. 0o
nga pala, ninong niya ang CAT Commandant ng eskuwelahan.

Galing sa ibang section si Denden. Hambog ang mga kaklase ko. Nilalait nila ang
mga estudyanteng wala sa star section, ang section namin.

Weakness ni Denden ang subject na English. Nahihilo raw siya pag nakakakita ng
English words. Kapag periodical test, sabay sa pagmemeryenda namin ang pagrerebyu.
Ginagawan ko siya ng reviewer para makapaghanda siya nang mas maigi sa aktuwal na
exam. May mga salitang hindi niya maintindihan. Minsan, inaabot kami ng uwian sa
pagpapaliwanag ko sa mga ito.

Pero malaki ang talent ni Denden sa Drafting. Ito ’yong pagdo-drawing ng iba’t ibang
perspective o anggulo ng isang bagay. Halimbawa, ang front view ng cube o kaya side view
ng cube na may uka sa gitna o kaya top view ng cube na korteng hagdan. Dito siya magaling.
Patunay nito ang matataas kong grades. Siya yata ang taga-drowing ko.

Kapag recess, magkatapat kaming lagi sa canteen. North Pole at South Pole ang tawag
sa amin. E, ano? Basta, hindi kami naghihiwalay. Tambay din kami sa gym kapag walang
klase dahil sa PTA meetings o Teachers’ Conference o Committee Meetings ng teachers.

Tinagurian kaming Unlikely Love Team ng Taon nang minsang maabutan kami ng mga
kaklase ko sa 711 na malapit sa amin. Tuloy lang ako sa pagpaypay kay Denden at pagpunas
ng likod niya (pawisin kasi si Denden). Inismiran ko ang nang-alaskang mga kaklase, “Inggit
lang kayo. Tse!”

Umabot sa isang sako ang love notes na ipinadala ni Denden sa akin. “I love you,
honeysweet.” “Take care to your house.” Lagi ko siyang pinapayuhan na hindi kasalanan ang
magsulat ng love note sa wikang Filipino. Pero makulit pa rin siya. “Honeysweet, congrats
your being Best in Conduct.” “I’m missing your presence in beside me.”

Minsan, nagtampo siya sa akin. Di ko na kasi napigil ang tawa ko. Sabi ng love note
niya, “With you, I have self-confident.” Sabi ko, gawin niyang “self-confidence”.

Kinabukasan, natanggap ko ang love note of the day sa isang Hello Kitty na stationery,
“Thanks for always. With you, honeysweet, I have self-confidents.” Susmarya.

Mula nang maging kami, sinasabayan niya ako sa pagpasok sa gate ng school.
Maghihintayan kami tuwing umaga sa tabi ng gate. Kung may oras pa, nag-aalmusal kami sa
tindahang malapit. Nagsusubuan kami ng biko at iisa lang ang straw ng buko juice namin.
(Pero madalas, hindi na ako nakikihati, para mas marami siyang makain at nang tumaba-taba
naman siya nang konti.) Pagkatapos, sabay kaming papasok sa gate.

Isang araw, bago ang guwardiya ng eskuwelahan. Estrikto ito. Sinisita niya ang lahat
ng estudyante. Hindi siya ngumingiti. Ang walang ID, hindi makalusot sa gate. lkinabit ko
agad ang ID ko. Maluwalhati naman akong nakapasok. Si Denden, hinarang ng bagong
sekyu.

“ID mo?” dumadagundong ang boses ng guwardiya.

“Eto po.” ipinakita ni Denden ang ID niya.

“I-pin mo,” sabi ng guwardya.

Buong luwang na ngumiti si Denden. Ipinakita niya sa guwardya ang mapuputi
niyang ipin.

Umamin si Denden na dumalas ang pagmemeryenda niya dahil sa akin. Lagi ko
siyang niyayaya sa canteen, karinderya o kaya ay bakery na malapit sa eskuwela. Minsan,
pinuntahan namin ang bagong bukas na bakery. Malinis at hi-tech ang gamit nila sa paggawa
ng iba’t ibang tinapay. Nakasalang noon ang mga empanada sa lutuan (’yong may umiikot na
metal bars). Hhmmm... katakam-takam, fresh from the oven.

“O, anong kakainin mo?” thoughtful na tanong ni Denden.

“’Yang empanada? Masarap kaya ang filling niyan?” tanong-sagot ko.

Nakatitig si Denden sa iniinit na empanada sa lutuan. “Hindi siguro. E kung ikaw ang
isalang sa lutuan na ’yan, masarap ba ang feeling mo? Masasaktan ka, mapapaso,” seryoso
niyang paliwanag.

Bihira naman kaming magkagalit. Isang malaking tampuhan namin ay noong intrams
sa eskuwelahan. Hindi ako nakasali sa volleyball team dahil ayaw niya akong pagsuotin ng
shorts na siyang uniporme ng mga player. Hindi puwedeng nakapantalon o kaya palda. Nang
siya naman ang maglalaro para sa basketball team midget division (para sa mga kasing-cute
niya ang height), gumanti ako.

“Hindi ka puwedeng magsuot ng shorts. Pag ginawa mo ’yan, hiwalay na tayo!”
panakot ko. Pero papayagan ko naman talaga siyang maglaro.

“Alam mo namang matagal ko nang pangarap ang makapaglaro sa intrams natin, e!”
kakamot-kamot siya ng ulo.

“Ako rin naman. Pero dahil sa shorts na binawal mo, buong araw lang akong
pasigaw-sigaw para mag-cheer. Ni hindi ako nakahawak ng bola.” mataray kong sumbat.

Hindi siya umimik. Kinabukasan, sa laro nila, bangko siya maghapon dahil ayaw
siyang ipasok ng coach sa court nang naka-jogging pants. Nakonsensiya ako. Binawi ko na
lang iyon sa pagiging dedicated personal tutor niya sa English.

Nasubukan ang partnership naming sintamis ng wine, sintatag ng sunshine nang
dumating ang Junior-Senior prom. Ayaw kasi ng daddy kong um-attend ako noon.

Napakamahal daw ng ticket. Isang libong piso. Taong 1995. Twenty six pesos is to one ang
dollar rate. At wala raw kaming ekstrang pera para sa sosyalang hilaw tulad ng JS Prom.
Pera din ang problema ni Denden. Kaya naman nag-tipidity moments na kami, binawasan na
namin ang pagmemeryenda. Hindi na kami nagbubuko juice sa umaga. Sa library na kami
tumatambay at hindi sa canteen. Pinababayaran ko na rin ang intermediate pad na dati ay
hinihingi lang sa akin ng buong section tuwing may seatwork o exam. Piso, isa. Buo, one-
fourth man, one-half lengthwise o crosswise pa ’yan. Magdala sila kung ayaw nilang
magbayad. Dito na rin nalagas ang koleksiyon ko ng Funny Komiks. Naibenta ko isa-isa.
Hanggang sa wala nang matira dito. Sinabak na rin ni Denden ang paglalako ng brownies ng
tita niya. Seven ang isa. Five ang puhunan. Ang dos, subi na niya. Siyempre, ako ang mas
maraming naibenta.

Di pa rin umaabot ng dalawang libo ang kita namin. Pinutakti pa kami ng problema:
bukod sa pambayad sa prom ay ang pambili ng isusuot na damit at sapatos. Kaya ko namang
gawan ng paraan ang damit ko, pero kung ano-ano ang kapritso ng mga kaklase ko para mas
mapaganda pa raw ang prom, porke dapat daw makilala ang nasa star section, kaya dapat
daw, pare-pareho kaming may shades o kaya pare-parehong may scarf. Kaya kinulit ko pa
rin ang tatay ko. Sabi ko, “Dad, anong silbi ng high school life ko kung hindi ako makaka-
attend ng JS? Isang libo lang naman.”

Napayuko ang tatay ko. Kaya sumundot pa ako. “Dad, biruin mo, ako lang ang wala
roon kung sakali. Lahat ng third year at fourth year, a-attend. Ano na lang ang maisisingit ko
kapag nagkuwentuhan na ang mga kaklase ko pagkatapos ng JS na ’yan? Wala?” Natutunan
ko ang pagdadramang ito kanonood ng Mara Clara sa hapon.

Dahan-dahang nag-angat ng mukha ang aking erpats. Ayan, nasusukol ko na yata
siya. Nagpatulo ako ng isang patak ng luha. Sa kanang pisngi lang muna.

Sabi niya, “Oo, anak, wala. Walang himala. E, sa wala tayong pera, e. Kahit
magpatulo ka ng isang litro ng luha diyan, wala akong maibibigay sa iyo,” singhal ng daddy
ko, parang si Kevin Cosme lang.

Eyng. Napaatras ang susunod na luha sa tearduct ko.

Pero pagkaraan ng ilan pang ganitong eksena at ilan pang patak-patak ng luha sa
magkabila kong pisngi, natinag ko rin ang kanyang pusong sintatag ng bato, sintibay ng
semento. Pumayag na rin siya, yes. Inunti-unti nga lang niya ang pagbibigay ng perang
pambayad sa tiket ng JS. Pa-fifty-fifty. Minsan, bente. Sabay naming kinausap ni Denden ang
teacher-in-charge. Pumayag naman na installment na lang ang bayad para sa prom.

Dumalas din ang kupit-hingi ko sa daddy ko. Pambayad ng Lakas-Diwa current events
journal, pambili ng nakapaketeng katsa, gunting at pattern para sa proyektong apron,
pambayad sa membership ng Filipino Club, Math Club at kung ano-ano pang club na wala
namang proyekto sa buong school year kundi pakontes sa balagtasan at newspaper drive.
Saka lang ako nakabili ng ticket sa JS noong deadliest deadline na talagan ng bayaran.

Bukod sa pambayad sa prom at ang pambili ng damit at sapatos na isusuot, isa pang
pinoproblema namin ay... ang height ni Denden. Umigting ang pagnanais ni Dendeng
tumangkad para sa espesyal na gabi ng JS Prom.

“Epektibo ba ang growth ball, ’yong gamot na pampatangkad?” usisa ni Denden.

“Kung effective ’yon. supermodel na sina Winona Ryder at Roderick Paulate.
’Andami yata nilang pambili no’n!” sabi ko.

“Sabi ng kapitbahay namin, ’yong kaibigan daw ng pinsan ng kaklase niya, uminom
ng apat na growth balls at tumangkad nang three inches pagkatapos. Pero, leeg ang humaba
sa kanya, hindi binti,”sabi ni Denden.

“O, handa ka bang magmukhang giraffe sa JS natin?” natatawa kong hamon sa kanya.
Palinga-linga si Denden nang mamataan ko. Nagsasayaw ang mga ilaw sa kagubatan
ng kanyang kilay. At sa kagubatan din ng kanyang bigote. Mukha siyang mamamatay-tao.
Gano’n kasi siya kapag nag-iisip nang malalim at kapag seryoso. Parang naiinip na ‘ata sa
pagdating ko. Pero kapag nakangiti na siya at kitang-kita ang mapuputi at pantay-pantay
niyang ngipin, nag-iiba na ang kanyang aura. Nagmumukha na siyang politiko. Mala-Mayor
Sanchez. Nilapitan niya ako. Dahan-dahan.

Nasolusyonan nga namin ang pambayad sa prom at ang iba pang gastos para sa prom.
Pero wala kaming nakitang solusyon para sa height niya. Dahil sa suot kong sapatos na may
mataas na takong, mukha akong prinsesang may akay na duwende. Bobombahin na naman
kami ng tukso ng mga kaklase niya’t kaklase ko. Kaya nagpalit na lang ako ng shoes. ’Yong
flat na lang ang isinuot ko.

Masaya iyong pagpunta ko sa prom ay alam ko na kung sino ang partner ko. Tingin
ko, mukhang tanga ’yong mga walang partner sa JS. Pero noong JS na, mas masaya ’yong
mga walang partner. Hindi sila nako-conscious. Kung makatawa sila, labas tonsil at ngala-
ngala, pati esophagus. Kahit paano, nainggit ako. Kasi, ayun ako, buntot nang buntot sa
partner at ’yong partner ko rin, buntot nang buntot sa akin.

Nakasama ko si Denden buong gabi. Nagkuhaan kami ng retrato kasama ang barkada.
Noong tapos na ’yong program proper, nagpatugtog sila ng sari-saring kanta. Pati, siyempre,
mga love song.

Niyaya ako ni Denden na sumayaw noong pinatugtog na ang kantang So Many
Questions ng Side A. Nagkuwentuhan kami habang nagsasayaw. Siyempre, nagbubulungan
lang kami (excuse ’yong masyadong maingay ang paligid). Nakukuryente ang tumbong ko
sa tuwing lalapit ang bibig niya sa tenga ko.

Niyakap ko siya at niyakap din niya ako. Gano’n, di ba, pag nagsasayaw? ’Yong girl,
nakalambitin ang dalawang kamay sa leeg ng guy, ’yong guy, nakahawak sa baywang ng girl.
Pagkatapos ng kanta, lumabas kami sa hall kung saan ginaganap ang JS prom. Namasyal
kami sa loob ng hotel, hanggang sa magkayayaang sumakay ng elevator. Mataas ang hotel
kaya matagal-tagal din bago nakaakyat ang elevator sa tuktok. Pero lahat ng floor, pinindot
namin. Kusa lang na bumubukas at kusa ring sumasara ang pinto nito papaakyat.
Magkahawak-kamay lang kami, pero parehong namamawis ang mga kamay namin.

Papaano, kami lang dalawa ang sakay ng elevator na pinapalibutan ng salamin. Pababa na
ang elevator sa ground floor nang magsalita siya. “I love you, honeysweet.” Tumingkayad si
Denden sa abot nang kanyang makakaya ’tsaka niya ako hinalikan sa labi. Bigla kong naalala
ang kissing scene nina Patrick Swayze at Demi Moore sa pelikulang Ghost.
Ang tamis ng kiss sabay hug. Kiss sabay hug. Kiss sabay hug. (Hindi namin naisip
kung may hidden camera doon!) Pero ang pinakanaaalala ko, wala pang pindutan na
nangyari. Nanatiling nakasara ang pinto ng elevator.

Siguro, parehong humihiling ang puso namin nang sandaling iyon. Sana luma ang
elevator para bumagal ang pagbaba nito. Sana mag-brown out. Sana ma-stuck kami forever
and ever. Sana...

Humintong bigla ang sinasakyan namin. Awtomatikong nagkalas ang aming mga labi.
Bumukas ang pinto ng elevator at bumulaga ang ilang schoolmate namin. Naku, naiwang
nakalambitin ang mga braso ko sa leeg ni Denden. Napayuko kami at patakbong lumabas ng
elevator. Papikit-pikit ako sa hiya, pero anong luwang ng aking ngiti.

Pagbalik namin sa ballroom, nagyuyugyugan to the max ang sangkatauhan, sa saliw
ng Ice, Ice, Baby at Always, na pinasikat ng Universal Motion Dancers. Hindi mo alam kung
feel talaga nila ang kanta o sarkastiko ang pagsasayaw nila. Maya-maya, me dumapo na
pandesal sa mukha ni Denden. At pag-ikot ko, sa mukha ko naman. Paghakbang ko, may
naapakan akong malambot. Pandesal! Aba, pandesal here, there and everywhere.

Ay, ang mga sutil kong schoolmate, nakapalibot sa table ng pagkain. Nandoon ang
kanin, menudo, at pritong tilapya na may mayonnaise. At isang bundok ng pandesal.
Pinalipad nila ang mga ito. Naghagalpakan kami at pasimple na ring gumaganti ng
bato ng pandesal. Inumpisahan ko kay Borre.

Natural, na-high blood ang mga teacher. Food fight sa gitna ng pinagpipitaganang JS
prom?

Saglit na naantala ang yugyugan, dahil sinermunan kami ng isang guro. Ang masakit
doon, gumamit siya ng mikropono at doon pa siya sa stage nagsermon. Sabi niya, “Ang
gugulo ninyo. Hindi na kayo nahiya.”

Tingin ko, iyong ginawa namin ay reaksiyon lamang sa inihain sa amin. Ang mahal-
mahal kasi ng tiket tapos napakasimple lang naman pala ng pagkain. ’Yon nga, may pandesal
pa. Money-making scheme lang ba talaga ang JS na ito?

Ito rin ay isang patunay na hindi pa panahon para sa mga tulad naming teenager ang
ganoon kapormal na okasyon. Ibig sabihin, puro kalokohan at good time pa ang laman ng
utak namin. Hindi pa sosyalan at pabonggahan. Kaya hindi pa dapat umasa ang mga teacher
na magbe-behave kami tulad ng inaasahan nila sa loob ng ilang solid na oras.
Sana nakibato na lang sila ng pandesal.

Pagkatapos ng JS prom, nagyaya ang isa kong kaklase, si Cocoy. Joy ride daw
hanggang sa bahay nila, sa Las Piñas. Maghahatinggabi na ’yon. Sumama sina Paeng, Abet,
Nestor at Betong. Kami lang ni Eris ang sumama mula sa girls. Hindi na ako nagpaalam sa
dadi ko, alam kong hindi niya ako pasasamahin. Isa pa, babalik naman agad kami. Dumaan
ang sasakyan sa tapat ng bahay ni Denden kaya bumaba siya ng sasakyan para magpaalam sa
magulang. Kaso, hindi na siya nakalabas ng bahay. Sa bintana, umiling lang siya nang
nakaismid, itinuro ng dalawang daliri ang dalawang mata at iniikot sa hangin, at nasundan ko
ang labi niyang nagsasabi ng “sa dati.”

Minsan lang akong makapaglakwatsa sa malayong lugar kasama ang mga kaibigan,
joy ride pa. Bihira ang may kotse sa high school noon. Pick up truck ang sasakyan ni Cocoy.
Feel na feel namin ang pagsalubong ng hangin sa aming mga mukha habang bumibiyahe.
Gumuhit sa kahabaan ng Roxas Boulevard ang kinakanta naming Wishing Wells ng
Eraserheads. Ikalawang linya pa lang, swak na: Forget the real world a while…

Halos isang taon lang ang masasayang araw namin ni Denden. Totoo palang some
good things never last. Pagsapit ng graduation, marami nang bagay ang naghiwalay sa aming
dalawa. Noong bakasyon, wala nang klase kaya dumalang ang pagkikita namin (i.e. wala ng
baon para maipamasahe at makapag-meet). Sa kolehiyo, nasa Quezon City ang eskuwelahang
pinasukan ko. Mga dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe. Si Denden nama’y
kinailangang kumayod habang nag-aaral. Nahirapan na kaming magkita at magkausap.
Talaga yatang pinaglalayo kami ng tadhana. Hanggang sa tuluyan na lang nawala ang
relasyon namin. Ang feelings sa isa’t isa. Ang lahat.
Sayang.

Kung sino man ang nagsabi ng first love never dies, tama siya sa tingin ko. Parang
isang milenyo ang tagal ng kiss sabay hug na iyon, pero sa totoong buhay, wala pa yatang
isang segundo. That night, paulit-ulit kong binalikan ang first kiss na iyon sa elevator. Pasikat
na ang araw, gising pa ako. Huli kong naalala, napipi na ang unan sa pagkakayakap ko,
nakatulog akong nakaharap sa bintana, at sa buwan. Hanggang ngayon, pagkatapos ng halos
limang taong hindi pagkikita, naaalala ko pa rin si Denden at ang mga gimik, bungisngisan,
at kulitan namin. Hindi ko alam kung dahil mag-isa ako ngayong nagpapalaki ng anak ko.
Pag unang pag-ibig kasi, pareho pang walang muwang ang mga puso, sincere ang
pagmamahalan, ideyal ang relasyon. Noon, parang lahat ng bagay sa mundo ay sa amin lang
nakasentro, sa akin at sa first love kong si Denden.

Pagdating sa bahay nina Cocoy, ni-raid namin ang ref nila. Nagpalaman kami ng ilang
hiwa ng Eden Cheese sa tasty na natagpuan sa mesa. Nagtimpla ng juice. Nagbukas ng bote
ng Coke at Sprite. May nagplanong lumabas para bumili ng tapsilog sa kanto. Nagkantahan
uli, naggitara pa sa sala. Nagising tuloy ang nanay ni Cocoy. Lumabas ito ng sariling
kuwarto. Nang makita kami (dalawang babae) ay isang malaking O ang binuo ng bibig niya.
Malaki talaga. Kasinlaki ng plato.

Hinarap niya si Cocoy. Bakit daw siya nagsama ng babae? Anong oras na ba? Hindi
raw ba kami hahanapin ng mga magulang namin? Ano raw ang ginagawa namin doon?
Wala naman kaming maisagot dahil naka-off na ang katwiran machine sa aming mga utak.
Agad kaming inihiwalay sa boys. Pinahiram kami ng mga lawlaw na t-shirt at pilit na
pinatulog sa isang kuwarto, kahit na gising na gising pa kami sa sugar ng softdrinks na
kasasayad lang sa aming lalamunan. ’Yong boys, doon sa kuwarto ni Cocoy nagpalipas ng
oras. Kinabukasan, wala nang almu-almusal, daliang ipinahatid kami sa kanilang driver.
Nauna ako kay Eris na bumaba sa 711 na malapit sa bahay namin. Namataan ko kasi si
Denden na nakaupo sa loob at pilit na iminumulat ang mata.

“Denden! Hindi ka umuwi?”

“’Yan din ang tanong ko sa ’yo.” Pakiramdam ko, nagagalit na sa akin noon si
Denden kahit mahinahon ang tugon niya. Tinanong niya ang detalye nang mga nangyari
noong gabi. Hindi ko alam kung naniniwala siya. Wala na akong pakialam, pagod ako sa
puyat.

Sinabayan niya ako sa paglalakad pauwi. Pagdating sa bahay namin, noon ko na-
realize kung gaano kabigat ang ginawa ko.

Buong magdamag palang nagtatatawag ang dadi sa mga kaklase ko. Akala niya, e
napaano na ako. Kaya’t pagkakitang pagkakita sa akin ng dadi ko, lumuha siya? Hindi po.
Ubod lakas niyang pinaghahahagis sa kalsada ang mga damit ko. Bumalik na raw ako sa
pinanggalingan ko.

Naiyak ako sa pagkakapahiya sa mga estranghero. Siguro mukha akong babaeng
kamatis sa pamumula ng mukha ko habang nagpupulot sa gitna ng kalsada ng mga t-shirt ko,
pantalon, uniform, bra, panty (hindi bale sana kung malinis iyong naihagis).
Naiyak din ako dahil nahihiya ako sa dadi ko sa ginawa kong iyon. Oo nga naman.
Hindi ko na siya iginalang nang magpasya akong hindi sabihin sa kanya kung saan ako
pumunta o pupunta. Pero bakit hindi niya muna ako pinakinggan bago niya ako
ipinagtabuyan?

Naiyak ako dahil maituturing na milagro ang pag-uwi kong iyon nang ligtas, ni walang
isang guhit ng sugat sa katawan o sa isip. Noon ko lang din kasi napagdugtong-dugtong ang
takot at galit ng dadi ko at ang mga nangyari nang buong magdamag.

• • Si Cocoy ang nagmaneho ng sasakyan, hatinggabi, mula Maynila hanggang
Las Piñas. Si Cocoy, tulad ko, fifteen years old.

• • Lumipas ang gabi na ang kapiling ko, bukod sa nag-iisang kaibigang babae, ay
mga kaklaseng lalaki. Na buti na lamang ay hindi masasamang tao o hindi pinasok ng
kung anumang topak nang gabing magkakasama kami.

• • Walang nakakaalam sa iba naming kaklase kung saan kami nagpunta. Parang
news black out nga naman.

Dinampot ko ang mga nagkalat kong kagamitan. Takot na takot ako na may maselang
gamit akong maiwan. Mabilis ding hinakot ni Denden ang mga gamit ko at isinilid sa
maletang itinapon din ng dadi ko. Pinakalma niya ako sa bangketa. Iniwan ako’t pumasok sa
aming bahay.

Hindi ko na alam kung anong nangyari sa loob o kung gaano katagal si Denden doon.
Basta lumabas na lang siya kasama ang dadi ko. Itinayo ako ng dadi ko at inakay papasok sa
loob ng bahay. Binuhat ni Denden ang maleta at iniwan ito sa may pintuan. Siguro nakita rin
ni dadi ang nakita ko kay Denden noon sa CAT. “Your beautifulness is lovely,” bulong ni
Denden sa akin. Pinilit kong lumingon para ngitian siya. Pero hindi ko nakita ang mukha ni
Denden. Matangkad na siya sa pintuan.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...