Wednesday, August 28, 2019
LILA
ni Bebang Siy
Noong March 2007, nagkaroon ng multi media exhibit ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo ((LIRA) sa Ortigas Library featuring the female members of the organization who practice multi media arts tulad ni Maningning Miclat at Vivian Limpin na parehong painter, Kora Dandan Albano (illustration), Pamela Maranca (photography), at ako dahil nagsusulat ako ng radio drama, at nai-produce ito noon. Ang pamagat ng exhibit na iyon ay LILA.
LILA dahil kulay ito ng matris at LILA dahil malapit din sa pangalan ng organisasyon.
Napakaganda ng pangalan na LILA dahil bukod sa kulay ito at bulaklak, ang isa pa palang kahulugan nito ayon kay Sir Rio, ang National Artist for Literature at ang aming founder, ang ibig sabihin nito ay melting pot. Dito nagtatagpo-tagpo ang lahat.
Nagsimula ang pagbuo sa LILA bilang libro noong 2013. Iminungkahi ko kay Phillip Kimpo Jr. na maglathala kami ng isang kalipunan ng mga tula ng babaeng members ng LIRA. Si Phillip ang pangulo ng LIRA nang taon na iyon. Kasi naman, iilan ang babaeng kasapi na nakakapaglabas ng sariling koleksiyon. Sa LIRA, puro lalaking kasapi ang nagkakalibro ng tula.
Maraming dahilan kung bakit. Sa karanasan ko, nanay muna ako bago empleado/trabahador bago manunulat bago org person o taga-LIRA. Nanay duties first, before anything else. Solo parent ako for 15 years. Ngayon naman ay dalawa pa ang toddler ko, ang isa ay normal, ang isa ay autistic.
Ang iba pang dahilan ay kakaunti noon ang babaeng members, di rin masyadong active sa LIRA, bihirang makapagpabasa at makapagpa-workshop ng sariling akda at bihirang makapunta sa taunang workshop para sa mga baguhang makata kung saan may oportunidad din upang makapagsuri ng tula ng iba.
Kumakain ng oras ang LIRA. At kakaunti ang oras ng babaeng makata para sa kanyang sarili, para sa mga pangarap niya. In general, bihira na kaming magkaoras para tumula at magsuri ng tula. Nakakapagsulat ng tula, oo, pero bibihira. Kaya paisa-isa ang aming output.
Sige, tanggapin na nga natin, paisa-isa kung ganon.
Kaya isinilang ang Lila. Itinalaga ko ang sarili bilang coordinator, at kinausap ko noong Mayo 2013 si Mam Rebecca Añonuevo para maging editor nito. Anim na buwan kaming nag-anunsiyo, nag-promote, nanghikayat.
Layunin ng koleksiyon na
1. maipakita ang husay sa panulat ng mga babaeng kasapi ng LIRA
2. maipakita ang estetika ng mga babaeng makata,
3. maibahagi sa publiko ang pinakahuling obra ng mga babaeng tumutula sa kasalukuyan,
4. makapag-ambag sa panitikang kinatha ng kababaihan,
5. at higit sa lahat, makapag-ambag sa panitikang Filipino.
Ang tatayog ng layunin, ano? At feeling ko, matutupad ang lahat ng iyan, kahit na paisa-isa lamang tumula ang babaeng LIRA. Nasa pagtitipon sa mga paisa-isang tula ang kaganapan. Nasa pagbubuo ng
koleksiyon.
Ang orihinal na plano ay ilathala ang digital at printed editions ng Lila sa ilalim ng Librong LIRA at ilunsad ang mga ito sa ika-30 anibersaryo ng organisasyon na idinaos noong Disyembre 2015. Kaya tuwang-tuwa ako noong 24 Agosto 2013, exactly six years ago today, nang makatanggap ako ng isang submission sa email. Limang tula mula kay Mary Gigi Constantino.
Pero sa kasawiampalad ay iyon na pala iyon. Isa. Wala nang ibang nagsumite kundi si Gigi.
Walang koleksiyon na malalathala dahil hindi sapat ang materyal. Pansamantalang nabaon sa limot ang proyekto.
Pero may mga proyektong hindi ka mapakali hangga’t di mo natatapos, di ba?
Alam n’yo kung bakit?
May nagpása sa Lila: isa.
Kahit isa lang iyan, isa pa rin iyan. Isang babae na may mga tula at gustong maglathala.
Kaya noong Hulyo 2017 ay ikinuwento ko ang project na ito kina Louise Adrianne O. Lopez at Roma Estrada. Sila ang nagbigay ng ikalawang buhay sa proyektong Lila.
Nag-meeting kami't nag-usap face to face, kung saan-saan, sa CCP, sa Cafe Alicia sa Vito Cruz, sa Jollibee, minsan sa email, sa group chat, at Messenger.
May editor kami na napusuan, ngunit sa sobrang busy nito ay di siya natuloy mag edit ng lila, ang ending ay pinangatawanan na namin nina louise at roma ang libro bilang mga editor nito.
Kinausap namin si Aldrin Pentero, ang presidente ng LIRA (nang taon na iyon, at hanggang ngayon), at excited din siya para sa Lila. Kinausap namin ang Librong LIRA kung game pa rin itong maglathala. Ngunit may nakapila pa pala rito kaya hindi na nito maa-accommodate ang Lila.
Pero hindi ako natinag. Ngayon pa ba? Ang sabi ko kina Louise at Roma ay saka na namin problemahin ang publisher kapag nariyan na ang koleksiyon. Sa isip-isip ko, worse comes to worst, nariyan naman ang Balangay Productions, isang munting production company ng asawa kong si Ronald Verzo. Makakatanggi ba siya sa akin?
Nag-call for submissions kami uli sa social media, sa emails, sa messenger. Todo suporta si Aldrin at ang iba pang miyembro ng LIRA.
Sa wakas, dumagsa na ang submissions.
Nagpasiya rin ang grupo na pumili mula sa mga tulang nalathala ni Maningning Miclat. Miyembro siya, at dangal ng Lila ang makasáma sa koleksiyon ang kaniyang tula. Napagpasiyahan din ng grupo na humiram ng likhang-sining ni Maningning upang itampok bilang cover artwork ng Lila. Ang napili namin mula sa website na maningning.com ay ang “The Tree is Awakened by the Memory of Her Leaves.” Pumayag ang kaniyang pamilya sa pamamagitan nina Mam Alma Cruz-Miclat at Banaue Miclat-Janssen nang ihingi namin ng permiso ang mga napili naming tula at ang nasabing artwork.
Finally, nabuo ang LILA noong 2018.
Pero may humabol pang problema!
Nang kausapin ko si Ronald na ilathala na lamang namin ito sa pamamagitan ng kaniyang Balangay, natural, umoo siya. Ang estratehiya ng Balangay ay maglalathala muna ito at magbebenta ng isang manipis na libro na pang-young adult. Si Joshelle Montañano ang writer, ako ang ilustrador. Ang kikitain dito ay siyang ipang-iimprenta namin ng Lila.
Hayun, awa ng Diyos, nag-flop ang Biyak. At naantala na naman ang LILA.
Pero 2019 pala ang tunay na taon ng Lila.
Nagkita kami ni Aldrin sa general assembly at eleksiyon ng LIRA nitong June, napag-usapan ang Lila at doon muling nanariwa ang idea na ilabas ito bilang isa sa mga proyekto ng organisasyon. Di naglipat-buwan ay kinumpirma sa akin nina Aldrin at ng VP na si Dok Joey "Joti" Tabula na LIRA na ang sasagot ng imprenta ng manuskrito, at may financial support din ng Merck (through Dok Joti). Napagkasunduan din namin na co-publisher pa rin ang Balangay dahil ito ang magbabayad sa mga editor, contributor, layout artist, at ng copyright fee para sa cover.
Nagkaroon kami ng group chat: ako, Louise, Roma, Aldrin at Joti, doon pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman sa manuskrito hanggang sa tuluyan na itong mabuo. Pati ang launch doon din pinag-usapan.
Six years mula nang unang pinlano!
Mula sa initial na limang tula, mayroon na itong 86 na tula.
Mula sa isa ay mayroon na itong 36 makata na galing sa sari-saring background. May literature teachers sa college, communication teacher sa college, executive sa health sector, IT expert, children’s book illustrator, lifestyle writer, high school teacher,film producer, CPA, empleyado ng department of National Defense, empleyado ng Komisyon sa Wikang Filipino, PR person, multi-media artist, museum assistant, physical therapist, painter, haciendera, food writer, travel writer, copywriter, retired cpa, consultant sa ad agency, playwright, nanay na full time government employee, market research analyst, MA student, tv show producer at agriculturist.
Ganyan ka-diverse ang mga makata.
Kaya tamang-tama talaga ang title ng ating libro, hindi ba? LILA, melting pot, dito nagsasama-sama ang lahat.
Iniaalay namin ang LILA sa lahat ng babaeng tumula, tumutula, at gustong tumula.
At para sa lahat na nasa mundo ng pagtula at panitikan, huwag tayong bibitaw. Napakahirap mabuhay ngayon. Mas kailangan ng kapwa natin ang panitikan. Dahil dito matatagpuan ang dahilan para magpatuloy sa buhay.
— BEVERLY W. SIY
24 Agosto 2019
Maynila
*Binasa ni Bebang Siy noong ilunsad ang LILA Mga Tula sa Amethyst Room, Manila Diamond Hotel, Roxas Boulevard, Manila.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment