Saturday, August 3, 2019

Tampisaw (sanaysay tungkol sa pagkatha ng isang libro)

ni Beverly W. Siy

First time kong magsasalita tungkol sa It’s Raining Mens.

Isa ito sa mga libro ko na pinakamatagal na nabuo. Mga two years. Handa na ang mga rekado pero inabot pa rin nang dalawang taon ang pagsasalansan nito. Bakit?

Background muna. Ito ay sequel ng it’s a mens world, isang koleksiyon ng sanaysay tungkol sa kabataan ko. Dahil childhood nga siya, naisip ko na sundan ito para ikuwento naman ang mga nangyari nang tumanda na ang Bebang Siy sa It’s a mens world.

Ang It’s raining mens ay tungkol sa mga lalaki sa buhay ko nang adult na ako. But of course, hindi lang ito tungkol sa mga lalaking may romantiko akong kaugnayan. Nariyan ang isang essay ko tungkol sa pinakulong ko na lalaki, dahil nagpakita ng titi niya sa bangketa, nariyan ang akda ko tungkol sa isang lalaking bulag na na-encounter ko sa bus at nakita kong bumaba ito sa bus at naglakad sa maling direksiyon, sa lasing na lalaking may buhat na sanggol sa LRT, paskong-pasko.

Marami ding akda ang tungkol sa mga lalaking naging karelasyon ko. May tungkol sa puppy love, sa TOTGA, sa lalaking nakabuntis sa akin, sa isang ex at sa aking nakatuluyan.
Ang tawag ko sa koleksiyon na ito ay autobiographical collage. Lahat ng nasa loob, based sa totoong tao at pangyayari. Pero ang mga akda ko ay nasa iba’t ibang anyo: may tula, may radio drama, may short story, may storyline proposal. At karamihan ay sanaysay o essay, (short and long). Conscious ako sa mga genre na ito noong binubuo ko ang libro. Kaya nang i-nominate ang librong ito sa National Book Awards, hindi nila alam kung saan ito ikakategorya. Hindi puwede sa maikling kuwento, hindi puwede sa nobela, hindi puwede sa CNF o sanaysay. Alam ninyo, kung saan ito ipinasok? Sa kategoryang antolohiya. Ito raw ay anthology of works, pero ng iisang writer. Kakaiba!

Naging finalist lang ang it’s raining mens, talo na naman ako for the second time, pero ok lang. importante ang award pero mas natuwa ako na kahit paano ay nasindak ang sistema nila ng pagkakategorya ng libro.

Anyway, rewind tayo sa panahon na inihahanda ko na ang manuscript, na-realize ko na napakahirap pala nitong buuin.

Bakit?

Dahil marami akong aaminin sa mambabasa. Kasama na ang katotohanan na ako ay namangka sa dalawang ilog. Just like all of us here, may mga image tayo na gustong i-project bilang mga tao at bilang mga writer. May image ako na gustong i-project, at definitely, hindi ang pagiging two-timer. No.

Take note sa mga ni-reveal ko sa librong ito:

1. hindi issue sa akin ang nabuntis ako, in short, disgrasyada. Kasama po ako sa stat ng teen pregnancy noong 1998,

2. hindi issue sa akin na hiwalay ako at a young age, mag-isang nagpalaki ng anak at a young age,

3. hindi issue sa akin na napaka-adventurous ko pagdating sa relasyon, in short, minsan, ako ang nagpapa-cute sa tao na gusto ko, minsan, ako ang lumalapit o ako ang naghahabol. Sa dila ng mapanghusga, malandi ang kategorya ko,

4. hindi issue sa akin kung ma-perceive ako bilang porn writer o mahilig sa porn, or manyak na babae. I wrote about Eli, a woman who had a sexual relationship with a virgin guy, someone na hindi naman niya karelasyon. Again, sa dila ng mapanghusga, malandi ang kategorya ng Eli na ito. Pero hindi issue sa akin iyan.

Hindi ako nahirapan sa mga isyu na iyan.

Saan ako nahirapan? Noong na-realize ko na ibabahagi ko sa mambabasa ang ginawa kong panloloko sa kapwa.

Dumating ako sa punto na ayoko nang ilabas ang libro dahil alam kong huhusgahan ako ng mga tao. Alam kong masasabihan ako nang masama, mapapahiya ako. Kahit anong jumble ko sa timeline, wala, e. Talagang malalaman ng mambabasa na may pinagsabay akong dalawang lalaki sa buhay ko.

Tapos, nakausap ko pa ang marketing manager noon ng Anvil, si Mam Gwenn. Nabalitaan niya ang sequel na ito ng It’s a mens world. Sabi niya, ang hirap naman i-market niyan, Bebang. Hindi ko iyan maibebenta sa eskuwela.

Ay, totoo naman! Pero wala akong pangarap na bumenta ang libro ko sa eskuwela! Que horror! Ano ang sasabihin ng mga madre at pari na supervisor ng mga school?!

Therefore, ano ang nag-udyok sa akin na ipagpatuloy ang proyekto na ito?

Para sa royalty? Para sa pera? Para ba sa panitikan? Para sa bayan?

Hindi.

Ang tanging nag-udyok sa akin na ilabas pa rin ito bilang isang libro ay ang pagnanasa na malaman kung paano ito tatanggapin ng mambabasa. Gusto kong marinig ang feedback nila. Pag ang isang tao, nagbasa ng ganitong libro, ano kaya ang magiging reaksiyon niya? Magagalit? Manghuhusga? Matutuwa?

So far, awa ng diyos, puro maganda ang naririnig ko at nababasa.

Gino-google ko ang sarili ko, at muli, awa ng diyos, wala pa akong nabasang judgmental sa mga nakasaad sa libro na pinaggagawa ko.

Sa mga pampanitikang event gaya nito, may mga lalapit sa akin at magpapapirma ng it’s Raining Mens. Ang iba, magpapa-picture pa.

So far, awa ng diyos, wala pang nagsasabi sa akin na, uy, malandi ka, uy, manloloko ka, bastos ka. Manyak. Wala pa.

Hindi ko rin alam kung bakit. Wala naman akong balak magtanong o mag-survey.

Kaya sa mga gustong sumabak sa CNF, ang reality TV ng panitikan, ‘wag kayong matakot. Takot ang number 1 na pumipigil sa mga libro na nasa inyong puso at utak.

Isiwalat ninyo ang lahat. Kahit ang pinakamarumi ninyong kasalanan. Ibilad ito sa sikat ng araw.

Huwag matakot sa sasabihin ng iba.

Ano ang natutuhan ko sa paglalabas ng librong ito?

Marunong magpatawad ang mga mambabasa, siguro ay dahil ikaw at siya ang nakikinabang sa liwanag ng katotohanan.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...