ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi ng pahayagang Perlas ng Silangan Balita
Isa ako sa mga gurong nagtse-check at nagbibigay ng puntos sa mga sanaysay na isinulat ng mga guro sa Filipino at estudyanteng nag-aaral para maging guro sa Filipino (ang major nila ay education). Ang proyektong ito ay nationwide at isinasagawa sa pamumuno ng isang foreign funding agency at ng isang state university sa Pilipinas.
May ilan akong obserbasyon sa mga sumulat ng sanaysay (tawagin natin silang respondent) at sa kalidad ng kanilang akda. Hahatiin ko sa dalawa ang aking mga naisip tungkol sa mga ito.
Magagandang puntos:
1. Mahusay ang nilalaman ng karamihan sa mga sanaysay. Nakakapagpahayag ng magandang ideya ang mga respondent tungkol sa paksang ibinigay sa pagsusulat. Nauunawaan ng respondents ang paksa at ang ideya nila tungkol dito.
2. Sari-sari ang ideyang lumabas tungkol sa paksa. Ibig sabihin, ginagamit ng mga respondent ang kanilang imahinasyon sa pagsusulat tungkol sa paksa. Marahil, malay ang karamihan sa kanila na magiging pare-pareho ang kanilang sagot kapag hindi nila masyadong pinagana ang kanilang imahinasyon sa pagsusulat ng sanaysay.
3. Malawak ang bokabularyo ng mga respondent at mahusay silang pumili ng mga salita. Karamihan sa mga sanaysay ay isinulat sa pormal na paraan. Marami ang gumamit ng mahahabang salita mula sa ating wika at nagagamit nila ang mga ito sa tamang paraan.
4. Marunong magbalangkas ng pahayag ang mga respondent. Malinaw ang simula, gitna at wakas ng mga sanaysay.
5. Karamihan sa mahusay ay mula sa unibersidad na nasa Maynila.
Di magagandang puntos:
1. Napakahina ng mga respondent sa basics ng pagsusulat. Karamihan sa kanila ay hindi marunong gumamit ng bantas at ng malaki at maliit na titik.
2. Napakahina ng mga respondent sa gramatika. Saan sila nahihirapan? Sa pandiwa. Lumalabo ang mga pangungusap nila dahil sa maling anyo ng pandiwa.
3. Napakahina ng mga respondent sa pagbabaybay. Marahil, sa pagmamadaling matapos ang sanaysay, naisasantabi na ng respondent ang pag-iingat sa pagbaybay ng bawat salita. Malaking factor din ang impluwensiya ng lokal na wika sa pagbabaybay ng mga salita sa wikang Filipino. Ngunit hindi ito dapat gawing excuse. Nagagamit ng mga respondent ang e para sa i at ang o sa u at vice versa. May tama at maling pagbabaybay at mayroon din namang katanggap-tanggap na paraan ng pagbabaybay. Mukhang hindi rin malay ang mga respondent sa tamang panghihiram ng mga dayuhang salita o ang pagbabaybay sa mga ito.
Narito ang ilang halimbawa ng bad spelling:
maari
telebisyo
utoridad
mabaksig
Alvin Publishing (para sa Anvil Publishing)
iwagay ang bandila
ibakyowisyon center
4. Mahina rin ang mga respondent sa tamang paggamit (at di paggamit) ng espasyo.
Narito ang ilang halimbawa:
Sa kaling mawalan ng kuryente
Sa Kuna’y Iwasan (malalaking titik pa ang ginamit sa unang mga titik ng bawat salita dahil ito ang pamagat ng kanyang sanaysay)
5. Paulit-ulit ang punto. May ilang sanaysay na parang nambobola lang ng mambabasa. Idinadaan na lang ng mga ito sa haba pero kung susumahin ay paulit-ulit lang naman ang sinasabi.
6. Marami ang nabawasan ng puntos sa simpleng dahilan lamang. Hindi sumunod sa panuto ang mga respondent kaya hindi sila nakatugon sa hinihinging pormat ng sanaysay. Marahil, sa kamamadali ay nilalaktawan na ng mga respondent ang pagbabasa sa panuto.
7. Halos 10% lamang ang maituturing na mahusay sa mga sanaysay. Karamihan din sa mga sanaysay ay hindi kakikitaan ng pagnanasang makapagpa-impress. Ang naiisip ko, maaaring marami sa respondent ay hindi nagseryoso sa pagsagot sa buong exam.
Kung pagbabasehan ang mga sanaysay na ito, masasabi kong napakalaki ng pangangailangan para sa mas mahaba at intensibong pagsasanay sa basics ng pagsusulat (bantas, espasyo, pagbabaybay, gramatika) ng mga guro sa Filipino at estudyanteng magiging guro sa Filipino. Hindi maaaring ito rin ang ituturo nila sa mga estudyante nila.
Sa isang banda, maaaring ito nga ang kanilang natutuhan mula sa mga guro nila sa Filipino. At mas nakakatakot nga kung ito ang dahilan.
Sabi ng isa sa mga kasamahan ko sa proyektong ito, dapat ay ituring na kamalian sa gramatika ang maling paggamit ng respondent sa mga salitang raw at daw, rin at din at iba pang katulad na salita. Dahil ayon daw sa tuntuning pang-ortograpiya na inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino, kung ang katinig na susundan ng raw o daw ay titik R, dapat ay daw ang gamitin.
Halimbawa:
Maaari daw, hindi maaari raw.
Ayon sa kasamahan ko na isang gurong may edad na at matagal na sa pagtuturo ng Filipino, ito raw ay usaping panggramatika. Sabi ko, “hindi po. Ito po ay usapin ng spelling. Ayon nga po sa inyo ay nasa tuntunin ito ng ortograpiya.” Ang sagot niya, “hindi. Ito ay maling paggamit ng salita. Samakatuwid, ito ay kamalian sa gramatika.”
Nahindik man ako’y hindi na ako umimik. Ngunit hindi ko rin ito sinunod sa ginawa kong pagtse-check. Mabuti na lamang at bibihira ang ganitong kamalian sa mga sanaysay.
Ngayon, dadako na ako sa punto ko para sa akdang ito. Paano kung wala na ang subject na Filipino sa kolehiyo? Pakaalalahanin na ang mga respondent na tinutukoy ko kanina ay guro na sa Filipino at estudyanteng nagpapakadalubhasa sa pagtuturo ng Filipino. Kumusta kaya ang writing skills sa sariling wika ng karaniwang mga estudyante at guro? Paano na kaya ang writing skills sa sariling wika ng mga college graduate na produkto ng programang K to 12? Ano ang mangyayari sa ating educational institutions? Sa mga kompanyang papasukan ng mga college graduate na ito? May epekto kaya ito sa pag-unlad ng Pilipinas? May epekto kaya ito sa atin bilang mga mamamayang Filipino?
Sabay-sabay nating abangan ang sagot, mahal kong mambabasa. In five years siguro. Game?
Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment