Sunday, April 19, 2015

Interbyu ng NBDB kay Bebang Siy para sa Copyright/IP Champion

Nag-email ng mga tanong sa akin si Debbie Nieto, ang project development officer ng NBDB. Para ito sa gagawin niyang article tungkol sa mga IP Champion. Mahihirap ang tanong, buti na lang at hindi ako pinilit ni Debbie na sagutin ito nang face to face, haha!


Q. Kung hindi ka naging isang manunulat, ano sa palagay mo ang karera o trabahong pinasok mo na makapagpapaligaya rin sa ‘yo?

A. Mahirap sagutin itong tanong na ito. Kasi mula nang mapasok ako sa publishing industry natin, hindi ko na ma-imagine ang sarili ko na nagtatrabaho sa labas nito.

Pero sige, sasagutin ko na rin ang tanong, siguro NGO worker ako ngayon. Mahalaga sa akin ang trabaho o gawain na nakakatulong sa kapwa. Siguro nga hindi malaki ang kita o ang sahod dito. Pero sanay naman ako sa hirap kaya palagay ko, kayang-kaya kong gampanan ito.


Q. Para sa iyo, ano ang best part ng pagiging isang manunulat?

A. Sa proseso? Siyempre, iyong makatapos. Iyong panahon na maisasantabi mo na ang isang tapos na akda!

The best part din para sa akin ay iyong nakakatanggap ako ng feedback mula sa mambabasa. Minsan kasi, very suprising. Kumbaga, hindi ko inaasahan na ganito o ganyan ang impact sa kanila ng isinulat ko. Ang init sa puso kapag ang punto ng feedback nila ay nagiging tinig ka ng kanilang isip at saloobin sa isang yugto ng buhay nila.

May sumulat sa akin na isang babaeng Maranao! Relate na relate daw siya sa akin. May sumulat na rin sa akin na graduate student sa Europe. Naiyak daw siya sa park (kung saan niya binabasa ang isa sa aking mga libro) dahil bigla raw niyang naalala ang Divisoria. May nakilala na rin akong estudyante na nakaranas ng harassment noong bata siya. At pinapatatag lang daw niya ang kanyang sarili all along, kaya noong mabasa niya ang isang libro ko, para daw siyang nakatagpo ng isang kaibigan. May sumulat na rin sa akin na solo parent at dahil daw sa mga ibinahagi ko ay nagbalik ang tiwala niya sa pag-ibig. May kaibigan din ako na nagsabing pagkabasa raw ng kaibigan niya sa isa kong aklat, nagkalakas-loob itong makipaghiwalay sa asawa. Finally.

Hindi ba’t nakakapag-init ng puso ang mga ganitong feedback?

Worth it ang ilang gabi, linggo, buwan at taon ng pagsusulat na napakasolitaryong gawain.


Q. Ano ang worst part ng pagiging isang manunulat?

A. Marami! Haha! Eto:

1. Maliit ang kita, hindi nagbabago ang rate mula noon hanggang ngayon.
2. Ay, iyong nadedehado ka sa mga business deal.
3. Kapag nakikita mo kung paanong napapagsamantalahan ng iba ang kapwa mo manunulat.
4. Nafu-frustrate din ako dahil napakahirap i-unite ang mga manunulat dito sa ating bansa.
5. Naikukumpara ka sa foreign writers, haha! Siyempre, lahat naman iyan may strengths at weaknesses. Ang local writers din, meron. Magkaiba lagi sila ng ino-offer kaya sana ang mga mambabasa, tingnan ang dalawang uri ng manunulat na ito bilang bahagi ng diversity. Huwag pagkumparahin! Sa unang sipat, they will always be better than us. Pero huwag sanang matigil sa unang pagsipat ang ating mga mambabasa.
6. Kapag hindi natutuloy na maisalibro ang mga akda mo.


Q. Ano sa tingin mo ang mga pangunahing hamon na kinahaharap ng mga Filipinong manunulat ngayon, lalo na ng humor writers?

A. Hindi sineseryoso ang humor writers, haha! Kasi nga, humor ang paraan nila ng pagpapahayag ng mga ideya.

Kapag nabansagan kang humor writer, laging tungkol sa humor ang paksa ng mga itatanong sa iyo. Nalilimutan na ang ibang aspekto ng pagsusulat mo, samantalang ang humor, katulad ng sinabi ko sa ikalawang pangungusap, paraan lang iyan ng pagpapahayag. Puwede pang sipatin ang mga paksa ng isang humor writer, puwede ring sipatin kung ano ang pinagtatawanan nito, ano ang background niya, ano ang merit ng kanyang isinusulat, kumusta ba ang quality ng wika ng kanyang akda, kumusta ba ang silbi ng isinusulat niya sa kanyang lipunan at panahon, at marami pang iba.

Isa pa palang challenge ay bihira kang maikonsidera para sa mas mabibigat na mga proyekto sa pagsusulat. Akala nga kasi ng marami, kapag humor writer ka, hindi mo kaya ang mabibigat o seryosong proyekto.


Q. Ano naman para sa iyo ang mga pangunahing hamon na kinahaharap ng mga babae sa ating bansa ngayon?

A. Ang mga bading! Kaagaw pa sila sa tunay na mhin. Hahaha, joke lang.

Babae? Generally? I mean, hindi babaeng manunulat?

Palagay ko, problema o hamon para sa babae ang weak men. Napakarami niyan sa henerasyon ngayon, at dadami pa siya in the future. May nadaluhan ako noon, isang seminar tungkol sa education at sabi roon, pataas nang pataas ang percentage ng drop out ng mga lalaking estudyante sa basic education. Ibig sabihin, ang mga lalaking estudyanteng ito ay magiging adult in the future. Ang mga counterpart nila, edukadong mga babae, mas advance pagdating sa education at malamang sa career at trabaho.

So sa future siguro, nariyan na ang career women, mas matatalino at may leadership skills, tapos ang ka-partner nila sa buhay ay hindi nila kapantay pagdating sa career, sa intelligence at sa leadership skills. In short, baka may tendency na maging pabigat sa kababaihan ang ganitong lalaki. Isang henerasyon ng ganitong lalaki.

Challenge din para sa babae ang mga trabahong physically at mentally intensive. Halimbawa, cashier sa mga grocery. Puro babae lang ang tinatanggap dito. Okey nga na mas maraming trabaho ang available sa babae, pero ang problema kasi rito, ginagawa nilang package deal ang iisang trabaho kaya nagiging physically exhausting ito para sa babaeng manggagawa. Noon, ang cashier (na babae) ay taga-compute lang ng pinamili ng customer. Nakakaupo pa siya, provided ang upuan. Minimal pa ang pagod, mentally intensive lang kasi kailangang sipatin nang maigi ang pera, bilangin ito at magsukli nang tama. Pero ngayon, hindi lang cashier ang mga cashier. Ginagawa na rin siyang bagger! Ini-scan niya isa-isa ang items. Siya na rin ang naglalagay ng items sa mga paper o plastic bag! Isasara pa niya ang paper o plastic bag at iaabot pa sa customer. Kung walang customer ay nakakapagpahinga ba ang mga cashier? Hindi! Dahil sa isang major chain ng grocery, wala nang upuan ang mga cashier.

Dagdag pa, dahil babae ang mga cashier, kailangan nilang mag-make up, mag-ayos ng buhok, maghikaw at mag-stockings (pansinin ang mga cashier sa SM Department Store, Hypermart at mga katulad na establishment). At lahat ng ito ay dagdag na gastos at ipinapataw lang sa babaeng manggagawa tulad ng mga cashier.



Q. Sino sa mga manunulat na Filipino ang pinakatinitingala mo at bakit?

A. Naku, napakarami! Sa disiplina, si Sir Rio Alma. Dahil sa disiplina niya sa pagsusulat, napakarami niyang na-produce na aklat! Hinahangaan ko rin siya sa pagiging cultural organizer niya.

Sa disiplina rin, at sipag, ang yumaong si Rene O. Villanueva. Natagpuan ko sa kanya ang passion to express using words, at ang matinding hangarin na mabago ang pag-iisip ng kabataan sa pamamagitan ng malikhaing mga akda.

Si Mam Fanny Garcia, napaka-humble na manunulat. At very prolific din.

Sina Mam Luna Sicat-Cleto, Mam Mayette Bayuga, Mam Rebecca Anonuevo-Cunada, may lalim ang kanilang mga akda pero gagabayan ka ng mga salita nila para maabot mo ang lalim na iyon.


Q. Ano ang pinakapaborito mong salita sa Filipino?

A. Karagatan :)

Bata pa ay mahilig na ako sa dagat. Para sa akin, kambal ang dagat at ang paglubog ng araw. Lumaki kasi ako sa isang bahay na napakalapit sa Manila Bay. Halos tuwing hapon kong nasasaksihan ang sunset, kasama ang aking mga kalaro. Natuto rin akong maglangoy nang mag-isa noong maliit pa ako. Kaya hindi ako takot lumusong sa tubig.

Noong malaki na ako’t nag-aaral ng Malikhaing Pagsulat sa pamantasan, natuwa ako nang malaman kong ang karagatan ay isang lumang anyo rin ng poetic contest sa Pilipinas. (Na sinasambit kapag may... patay. Nge!) Noong panahon na iyon, nahilig akong sumulat ng tula.

Anyway, ang napangasawa ko ay takot naman sa dagat, pero fascinated siya rito. Ang una nga niyang kumpanya ay pinangalanan niyang Balangay Multi-media Productions, hango sa salitang balangay na katawagan sa sasakyang pandagat ng ating mga ninuno. May kinalaman pa rin sa dagat, di ba? Isang araw, mahigit isang taon mula nang ikasal kami, naisip niyang magandang ipangalan sa isang sanggol ang salitang karagatan. Sumang-ayon naman ako. Kaya, Karagatan ang pangalan ng una naming supling.


Q. Kung makakapag-imbento o makakapagpauso ka ng isang salita o termino, ano iyon at ano ang ibig sabihin nito?

A. Puwedeng to follow ? Hahaha! Pag-iisipan ko uli ang isasagot ko rito.


Q. Kilala ka rin bilang isang copyright advocate. Maaari mo bang ikuwento sa ‘min kung paano ka nagsimula sa adhikaing ito?

A. Opo, seryoso ako sa pagiging copyright advocate. Nakikita ko kasi na napakababa pa ng kamalayan ng mga creator sa Pilipinas tungkol sa mga karapatan nila sa kanilang likha.

Marahil, malaking tulong ang pagiging tibak ko noong nasa kolehiyo pa ako. Sumama ako sa mga rally, naging kasapi ako ng isang organisasyon na tumutulong sa mga magsasaka, aktibo ako sa mga outreach project sa loob at labas ng mga siyudad. Bata pa ay exposed na ako sa realidad. Andami talagang mahirap at hilahod na hilahod sila. Pero andami ring mayaman, at naliligo sila sa karangyaan.

Bago ako magtapos sa kolehiyo, nakapasok ako sa UP National Writers Workshop. Ginanap ito sa Baguio. Ang tema ng workshop ay Ang Manunulat bilang Manggagawa. Nang mga panahon na iyon, walang sumeryoso sa amin sa nasabing tema. Pero ngayong aktibo na ako sa publishing industry, nakita ko ang lahat ng kabuluhan ng pinagdaanan namin sa workshop na iyon sa pagsusulat at sa pagiging manggagawa ng manunulat.

Kung bayad o sahod ang pag-uusapan, parehong maliit. Check. Kung hirap ng trabaho ang pag-uusapan, parehong labor intensive, mental nga lang ang isa, at ang isa ay pisikal. Check. Kadalasang may kapitalistang namumuhunan at kumikita sa labor ng manggagawa, gayun din sa labor ng manunulat. Check. May hilahod na hilahod, (kadalasan ay manunulat/manggagawa) may naliligo sa karangyaan (kadalasan ay kapitalista). At marami pang pagkakatulad.

Noong 2010, pumasok ako sa Filipinas Copyright Licensing Society bilang Executive Officer for Membership. Ako ang nagre-recruit at nag-aasikaso sa membership ng mga manunulat, sa heirs nila (kung pumanaw na ang manunulat) at sa mga representative nila (sakaling mayroon). Doon ay lalo kong nalaman ang nakakaiyak na mga kuwento ng buhay-manunulat. Nalaman ko rin kung gaano kakonti ang alam nila sa kanilang mga karapatan sa sariling akda. Naglunsad kami ng information campaign tungkol sa copyright. Nakarating kami sa iba’t ibang educational at literary event sa Luzon, Visayas at Mindanao. At mas marami pa akong narinig na sad stories ng mga manunulat.

Taong 2012 nang umalis ako sa FILCOLS. Pero hindi na napalis sa akin ang matinding malasakit sa kapwa ko manunulat. Ngayon pa? Ngayong nauunawaan kong lalo ang dahilan ng kanilang mga problema (karamihan ay pinansiyal) at ang mga posibleng solusyon sa mga ito? Nagpatuloy ako sa pag-aaral ng copyright at intellectual property (IP) sa tulong ng FILCOLS at Intellectual Property of the Philippines (IPOPHL). Patuloy ako sa pagsasalita sa mga paaralan at pampanitikang okasyon hinggil sa copyright at buhay-manunulat sa wika at sa paraan na madaling maintindihan. Patuloy akong nagsusulat sa aking blog tungkol sa copyright at IP. Patuloy din ako sa pagtuligsa sa mga nakikita kong di makatarungan na copyright policies, lalo na sa mga writing contest.

Hindi mahirap para sa akin ang pagsabayin ang pagsusulat at ang pagiging copyright advocate. Nakakatulong ang dalawa sa isa’t isa.


Q. Gaano kahalaga para sa iyo ang maging bahagi ng Copyright Campaign na ito at maging isang “IP Champion” ng mga Filipino?

A. Malaki ang maitutulong nito sa aking advocacy hinggil sa copyright para sa manunulat dahil mas malawak ang Copyright Campaign na ito kaysa sa kaya kong maabot bilang isang indibidwal na manunulat. Kasi hindi lamang manunulat ang maaabot ng Copyright Campaign natin kundi pati na ang mga guro na dapat ding matuto tungkol sa mga karapatan ng mga manunulat, mga manunulat na kanilang ipinapabasa sa mga estudyante.

Sa pamamagitan ng campaign na ito, lalo pang mapapatatag ang kultura ng paggalang sa mga gumagawa at pinagmumulan ng isang akda, lalong-lalo na sa loob ng akademya. Kung ganap nang matatag ang ganitong kultura, sigurado akong mas marami ang maeengganyo na pasukin ang publishing industry at lumikha ng mas marami pang akda para sa kapwa Filipino.

At para sila makalikha ng akda, kailangan nilang magbasa.

In short, makakatulong at mahalaga ang Copyright Campaign na ito sa tulad kong copyright advocate at writer dahil mapaparami nito ang responsableng mambabasa at manlilikha/manunulat.


Q. Sa tingin mo, paano magiging matibay o epektibo ang pagsulong ng Copyright Campaign na ito?

A. Kailangang may isang programa ang campaign na nakapokus lamang sa bata. As in elementary students. Pag maagang naitanim ang paggalang sa copyright at IP para sa ating mga aklat, mas receptive sila sa mga ideya tungkol sa mga ito habang sila ay lumalaki.

Maaaring dagdagan ang bookmaking workshops for kids at isama sa gagawin ng mga bata ay ang copyright page kung saan isusulat ng mga bata ang pangalan nila sa tabi ng copyright symbol. Mahalagang may magpaliwanag ng kahulugan nito sa kanila.

Maglabas ng campaign materials (written, audio-video, etc.) na ang target readers ay bata.

Makipag-ugnayan sa iba pang government agency para mas mapatatag ang network at makatipid sa gastusin para sa copyright campaign. Nariyan ang Commission on Indigenous Peoples (dahil marami pang intellectual property mula sa sektor na ito ang hindi nailalabas at nabibigyang-pansin), Cultural Center of the Philippines (mayroon silang outreach projects tungkol sa kultura, maaaring ipasok ang copyright dito), National Commission for Culture and the Arts (lahat ng sub-committee ay may network sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas) at IPOPHL (na siyang may technical expertise sa paksang copyright at IP). Mayroon silang mga satellite office sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at maaaring maging venue ito para sa mga copyright related activities.

Sana rin ay mayroong ilabas na compilation ng best practices sa copyright at IP para sa ating publishing industry ang NBDB.

Magandang proyekto ang copyright clinic na inyong inumpisahan. Nawa’y gawin itong mainstay na proyekto sa inyong tanggapan. Maganda rin na gawin na lamang itong online para mas madaling mailapit sa inyo ang copyright-related issues ng mga manunulat mula sa iba pang rehiyon sa Pilipinas.


Q. Anong genre o literary piece ang pinakanatatakot kang isulat?

A. Historical! Pangarap kong makapagsulat ng isang historical novel. Pero alam ko ring massive research ang gagawin ko para mabuo ito. ibig sabihin, kailangan kong paghandaan ito physically, mentally at financially, haha!


Maraming salamat sa interbyu na ito. Napakahirap ng mga tanong! Pero marami din akong natutuhan sa aking sarili bilang isang manunulat at copyright advocate. Maraming-maraming salamat, Debbie, at sa NBDB, lalo na kay Mam Ciela. Karangalan ko at ni Karagatan ang makapaglingkod para sa panitikan, para sa bayan!

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...