ni Beverly W. Siy
Para sa kolum na Kapikulpi sa lingguhang pahayagan mula sa Imus, Cavite, ang Perlas ng Silangan Balita
Isa ako sa ipinakilala ng National Book Development Board (NBDB) bilang kasapi ng unang batch ng Book Champions at Intellectual Property Ambassadors noong Abril 23, 2015 sa Atrium ng SM Aura, Taguig City. Isang karangalan ang mapabilang sa batch na ito.
Bigatin ang aking mga kasamang sina:
1. Bodjie Pascua (yes, si Kuya Bodjie ng Batibot TV program!);
2. RJ Ledesma (si Joey sa TV commercial noon ng Royal Tru-Orange);
3. Von Totanes (tagapamuno ng Ateneo de Manila Rizal Library);
4. Bob Ong (at dahil ayaw pa rin magpakita ay kinatawan na lamang ng kanyang publisher na si Nida Ramirez), at
5. ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio S. Almario.
Ang iba pang IP ambassador sa batch na ito ay sina:
1. Noel Cabangon (ang singer-songwriter na officer din ng maraming organisasyon para sa mga musikero); at
2. Kenneth Cobonpue (ang designer ng mga furniture sa bahay at opisina).
Bilang book champion at IP ambassador, inaasahan na magiging aktibo kami sa pagpapalaganap ng halaga ng IP at copyright. Bukod dito, ipo-promote pa naming lalo ang benepisyong makukuha mula sa pagbabasa at mga aklat.
Hindi na bago sa akin ang mga tungkuling ito. Matagal ko na itong ginagawa dahil kung walang mahilig magbasa, walang kuwenta ang propesyong pinili ko: ang pagiging manunulat. Kung walang marunong gumalang sa IP at copyright, mababalewala ang lahat ng aking akda sa kamay ng mga mapagsamantala.
Sabi ni Atty. Allan Gepty, ang Officer-in-Charge ng Intellectual Property of the Philippines, sa international arena, lagi tayong kulelat pagdating sa mga imbensiyon at innovation. Pero napansin daw niya na laging may kasaping Filipino ang mga team (mula sa ibang bansa) na nagfa-file ng mga imbensiyon at innovation para sa proteksiyon sa kanilang IP. Ibig sabihin, hindi problema ang talino. Nasa atin ang talino. Sabi rin niya, sa international arena, may laban tayo pagdating sa mga IP na kabilang sa copyright industries dahil napakarami nating kababayan na mahusay sa sining. World class ang ating mga painter, animators, graphic artists, writers, filmmakers at iba pa.
Hindi na uso ang world domination sa pamamagitan ng paramihan ng teritoryo o paramihan ng armas o paramihan ng pera. Namamayagpag ngayon ang South Korea pero ano ang ginamit nilang kasangkapan para ma-dominate ang mundo? Cultural products!
Kahit saan ay patok ang mga Korean song (kahit hindi naman maintindihan ang lyrics ng mga ito). Kaliwa’t kanan ang telenobela nila sa iba’t ibang channel. Ang mga pelikula nila ay ina-adapt sa iba’t ibang kultura. Ang mga cultural products nila ay nakakatawid sa mga karagatan at himpapawid at nagiging pagkain ng diwa ng iba’t ibang lahi. At dahil sa maayos nilang IP at copyright system, patuloy na umuunlad ang manlilikha ng cultural products na ito. Dahil sa mga sistemang ito, mas dumarami ang nalilikha ng kanilang manlilikha.
E, tayo? Aba’y hindi naman tayo nalalayo sa kanila. Napakarami at sari-sari ang ating cultural products. Number two tayo bilang isang bansang lumilikha ng content para sa Wattpad, isang website kung saan nagkukrus ang landas ng mambabasa at manunulat. (Number one ang U.S.).
Ang kailangan lang natin ay palaganapin ang mabuting balita na may sistemang mangangalaga sa karapatan ng mga manlilikha at tayo ay nakahandang suportahan ito sa pamamagitan ng pagrespeto sa kanilang mga karapatan.
Kung may komento, mungkahi o tanong, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment