Monday, May 26, 2014
si iding
kabi-kabila ang problema sa pamilya namin. ang pinakamalaki ay ang tungkol sa pamangkin kong si iding.
sa akin pinakahuling nanirahan si iding. dito siya nag-grade 8 sa poder ko. medyo sumakit ang ulo namin ni poy to the point na nag-iisip na si poy kung gusto pa niyang magkaanak kami in the future o di bale na lang, hahaha
may kung ano sa loob ni iding na hindi namin mawari. hindi namin siya maintindihan, hindi tuloy namin siya matulungan.
sa loob ng isang taon niya sa amin, ilang beses kaming napatawag sa eskuwela. ang una ay noong september, noong mahulihan siya ng marijuana sa bag.
isang umaga, pagkaalis ni iding papuntang eskuwela, ginising kami ni ej. nag-iwan daw ng sulat sa mesa si iding. nagsosori ito sa amin lalo na kay poy na siyang madalas na nagbibigay ng baon kay iding. tapos sabi pa nito sa sulat, hahanap na lang siya ng trabaho. magko-construction na lang daw siya. sori daw kasi naimpluwensiyahan lang daw siya ng barkada niya.
hangos kami sa eskuwela, walang ligo-ligo. pagdating namin doon, natuklasan naming matagal na pala kaming pinapatawag. kasi nga, nahulihan daw ng marijuana si iding. pinabasa sa amin ng assistant principal ang kasulatan na pinirmahan ni iding. sabi niya roon, binentahan daw siya ng kaklaseng si quedilla at kaya lang daw niya binili iyon ay dahil gusto niyang manghiram kay quedilla ng speaker para sa nalalapit nilang field trip.
pero nag-request din siya sa kasulatan na iyon na huwag na siyang ipa-test dahil sigurado raw na magpa-positive, dahil nakasubok na rin daw siya ng marijuana sa las pinas noon. baka raw nasa dugo pa niya ang epekto niyon.
hinanap namin si iding. hindi pala siya pumasok sa eskuwela that morning. may dala na pala siyang ilang damit sa kanyang school bag. nalaman din namin na may girlfriend siya sa ibang section at iyon ang pinakontak namin kay iding. pinapunta namin si iding sa eskuwela.
habang hinihintay namin si iding, sa sobrang galit ko, inaway ko ang batang si quedilla. sabi ko bat siya nagbebenta ng marijuana sa school. sabi nito, ginawa raw niya iyon para sa tumulong sa mga kaibigan. me kaibigan daw siya na naghahanap ng mabebentahan. me kaibigan din daw siyang naghahanap ng nagbebenta. pinagkonek lang daw niya. ganon lang. just for friendship. diyos ko! anong logic ito? grabe. it turned out, me supplier ng marijuana sa loob ng eskuwelahan. isang 4th year high school na naninirahan sa balara.
ito pala iyong estudyanteng naabutan namin sa opisina ng asst. principal. hindi naman mukhang estudyante! mukha nang tatay. bakit naman pinapapasok pa ito? dapat pagkaganon at may kaso, automatikong tanggal na sa eskuwela! pero hindi. sabi ng asst. principal, wala raw silang tinatanggal doon lalo at 4th year high school na. dahil lalo raw walang future ang bata kapag pinatigil sa pag-aaral. bata? e, baka nga apat na ang anak ng hinayupak na pusher na ito. baka nagpapanggap lang na estudyante ito at ginagawa lang market place ng marijuana and god knows what else ang eskuwelahan nila!
anyway, hindi nagtagal, dumating nga si iding at iyon, nagkaharap-harap kami. nalaman kong matagal na palang kinakaibigan si iding ng mga siga doon. at sumasama naman siya!
nagpasya kaming patigilin si iding. one month siyang hindi pumasok sa school. ang orihinal naming plano ay mag-home schooling na muna siya. after one month, bumalik kami ni poy sa eskuwela para pakuhanin ng exam si iding para sa 3rd grading period. gusto naming magkaroon ng grades si iding sa grading period na iyon. sayang nga naman. kaso pinigilan siya ng principal. dahil hindi raw ito nakauniporme. nagkaaberya pa that day. papayag ba naman ang tita sa ganong dahilan lang?
(may back story pa ito. umpisa pa lang ng school year ay iritado na sa amin ang principal dahil isa ako sa mga tumulong sa mga magulang na nagrereklamo hinggil sa compulsory payment ng PTA fee na P500. ang PTA fee na ito ay kasama sa kailangang bayaran ng magulang bago i-release ang clearance at report card ng kanilang anak. actually, wala naman talaga akong pakialam dito. unang taon pa lang ng pamangkin ko sa eskuwelahan nila, public school nga pala ito, wala pa akong karanasan sa pagkuha ng clearance at report card doon. pero na-feel ko ang isang ale na umiyak pa noong parents-teachers assembly. hindi makapag-enrol ang anak niya dahil hindi niya makuha ang card nito sa eskuwelahan na iyon. therefore, the katipunera in me stood up. sabi ko, baka po puwedeng ihiwalay ang financial obligation ng magulang sa academic requirements ng estudyante? ayun na, medyo napag-initan na ako ng principal dahil lamang dito. at isa pa pala, nagtanong din ako hinggil sa ID. kayang-kaya kong magbayad ng P50 na id na talaga namang maganda. iyong kamukha ng ATM. walang problema sa akin ang presyo. pero ako iyon. ako na may kabuhayan nang kaunti. e paano naman ang mga magulang na halos walang kita sa araw-araw? bakit ire-require na magbayad sila ng P50? hindi ba dapat nga ay libre naman ang ID? actually, hindi naman tatalino ang bata kung mala-atm ang id nila o kung iyong simple lang. ang tanong ko sa principal noong parents-teachers assembly, baka po puwedeng iyong simpleng id na lamang ang ipagamit sa mga bata, iyong papel/karton na tagsasampung-piso kapag ni-laminate, para po mas abot-kaya ng lahat? ayan. kaya iritado sa akin/ sa amin ang principal, hahaha)
anyway, ang ending ay hindi nakakuha ng exam si iding. (dahil nga sa principal) pero after a few days, natuklasan namin na inilipat ang principal sa isang elementary school sa proj. 2-3 area. hindi namin alam kung bakit. nag-imbestiga rin kami kung pumapasok pa si quedilla. ang sabi ng mga kaklase ni iding, once a week na lang daw. sobra daw bulakbol iyon sa klase. kinausap din kami ni mam canlas, ang adviser ni iding. pabalikin na lang daw namin ang bata sa eskuwela. wala naman na raw ang mga problema.
pinabalik na nga namin siya sa school. november na iyon. mabuti at pinayagan pa siya ng iba pa niyang mga teacher. talaga namang inunawa rin nila ang kalagayan ni iding.
(lahat ng teacher ni iding ay nakilala ko noong panahon na hindi namin pinapapasok si iding. dahil gusto naming makapagpadala pa rin si iding ng schoolwork para sa 3rd grading period niya. sabi ng mga teacher, tahimik lang daw si iding noong una pero nitong mga nakaraang linggo ay medyo distracted daw sa klase. pero hindi lang naman daw si iding ang ganon. halos lahat ng estudyante ay maingay, makulit at magulo.)
so akala ko, normal lang din talaga ang nangyayari kay iding at ang mga pinagdadaanan niya.
noong katapusan ng january, isang araw ay nagpapasundo si iding sa school. pinuntahan siya ni poy. pero wala naman ito sa eskuwela. iyon pala umalis na ito at tumuloy sa bahay ng isang kaklase. pag-uwi ni iding, tinanong namin kung ano ang nangyari. meron daw nag-aabang sa kanya sa labas ng eskuwela, mga 3rd year high school student. mga kaibigan daw ng kaklase niyang si quedilla. siyempre, natakot kami. at hindi na namin alam ang gagawin kay iding.
so nagpatuloy pa rin si iding sa pagpasok sa school. wala kaming unusual na napansin. umuuwi siya on time. minsan, atrasado nang 30 minutes to one hour. pero ang sasabihin lang niya sa amin, kumain lang daw sila ng street food ng mga kaklase niya sa may anson's.
kaya laking gulat namin nang noong early feb, pinatawag uli kami sa eskuwela. nakipagsuntukan daw si iding. natural, galit na galit ako. ano ba talaga ang gusto ni iding sa buhay? bakit ganon? anong meron? bakit hindi siya mapakali?
nang time na iyon, natuklasan din namin na lagi pala siyang tumatambay sa isang squatter's area sa may sikatuna. after class, doon daw siya madalas na dumidiretso. iyong kaklase niyang naging kaibigan na niya ay nakaaway niya at iyong mga kaibigan ng estudyanteng iyon (na mas matanda kina iding) ang nakaaway ni iding. isang grupo iyon. iyon ang kaaway ni iding. mga hindi taga-eskuwela.
sabi ni iding, wala naman daw siyang ginagawa. naangasan lang daw sa kanya ang mga iyon. siyempre, sinermunan namin ang bata. bakit, kako, kailangan kang tumambay doon? bakit kailangang makipagkaibigan sa mga siga? naiinip daw siya sa bahay namin. wala raw tv. bawal daw mag-internet. bawal lumabas. andami raw bawal. at marami pa siyang sinabi. batay sa mga sagot ni iding sa paulit-ulit kong tanong at imbestigasyon, nahinuha kong bumubuo ng grupo si iding sa eskuwela niya. wow, may leadership skills! juskoday. gang leader itey in the making.
maangas siya. gusto niya, laging cool ang dating niya, maayos ang damit hanggang sapatos. at gusto niya, lagi siyang sunod sa uso. mahilig din siyang bumili at kumain ng kung ano-ano. (kaya lagi siyang walang pera. nauubos sa gamit at pagkain.) gusto rin niya, meron siyang girlfriend. gusto rin niya, humahanga sa kanya ang mga kaibigan niya.
at dahil sa panlabas niyang anyo, laging sunod sa uso ang mga gamit niya, nagkakaroon siya ng image na sobra siyang cool. dinidikitan siya at kinakaibigan ng iba niyang kaklase. doon siya nagiging leader.
inis na inis ako sa mga ginagawa ni iding. hindi na namin alam ang gagawin sa kanya. okey lang naman ang maging leader, ang maging cool, ang pumorma, o sige na nga, pati ang mag-jowa, pero ang makipagsuntukan?
binigyan namin ng ultimatum si iding. kapag may ginawa pa siyang kalokohan sa eskuwela, hindi na kami ang haharap doon. papuntahin na lang niya roon si colay o si tisay. kaya noong ipatawag uli ang magulang ni iding, hindi na kami nagpunta ni poy. pinatawag namin si tisay, pero hindi makapunta si tisay sa pag-aasikaso ng negosyo niya sa las pinas. pinahanap namin si colay pero hindi ito mahagilap. walang nagpunta in behalf of iding. buti na lang at hindi na kinulit ng guidance office si iding. suko na talaga kasi kami ni poy.
binigyan din namin ng parusa si iding. tinanggalan namin siya ng baon na pera.
noong last day ng final exams ni iding (at ni ej), agad na naming pinauwi sila sa las pinas. sobra na kaming stressed sa presence ni iding (at ni ej). ayaw pang umuwi noon ni iding dahil clearance week pa raw nila the following week pero kami ang nanaig. umuwi sila ni ej kay tisay. doon, nabalitaan namin, hindi raw nalabas si iding ng bahay. nagbabantay lang daw ito ng pisonet.
good kako. pero wala pang isang buwan, nalaman namin na lagi na raw lumalabas si iding. nabarkada uli doon sa las pinas. worse ang mga bata doon. si colay ay doon nga tuluyang napariwara. nag-text ako sa kapatid kong nasa mindoro. sabi ko, ipoder na lang niya doon si iding pansamantala. sabi ni incha, hindi raw puwede. mas malala raw ang mga kabataan doon. may mga adik-adik nga raw sa malapit sa kanila. baka doon naman daw mapabarkada si iding.
ang helpless na ng pakiramdam namin ni poy, hindi puwedeng bumalik si iding sa QC. hindi niya mapigilan ang sarili niya. labas din siya nang labas sa qc. at may nagbabanta na raw sa buhay niya rito. iyon ngang mga siga sa sikatuna. hindi naman namin siya mababantayan 24 hrs. maraming araw na wala kami sa bahay. ito rin ang panahon na inaabot ako ng hatinggabi sa library.
so nag-stay si iding sa las pinas. isang araw, pinalayas na siya ni tisay. nalaman namin, kailan lang, na nagnanakaw na raw si iding ng kita ng pisonet. noong una, hindi ako naniniwala. kahit na pasaway si iding, hindi siya nagnanakaw ng kahit ano sa bahay namin. may pera din naman kasi siya kahit paano. kapag inuutusan ko siyang pumunta sa isang lugar, binibigyan ko siya ng pera. bukod pa iyon sa baon niya.
sinabihan ko si sak, ang isa kong kapatid, na hanapin si iding. dito na lang sa bahay namin ito uli maninirahan. sa qc. natakot ako na baka mapariwara na nga si iding ngayong summer. wag naman. ang purpose ko, at least mai-delay man lang, hahaha, natatakot ako para sa pamangkin ko, parang naroon na kasi talaga ang tunguhin ng buhay niya. pero kung makakagawa ako ng paraan para mai-delay ito at makita niya na maganda ang buhay na maayos, malay natin baka magbago ang takbo ng utak niya, di ba?
pinag-usapan namin ito ni poy. ngani-ngani kong i-suggest na doon na lang mag-stay si iding kay rianne. sa bacoor. tutulong-tulong na lang si iding sa clinic ni rianne. tutal tuwang-tuwa si rianne kay iding. guwapo raw kasi at mukhang behave (iyon nga ang dating ni iding, mukha siyang behave. mukhang maayos na bata, pero sa unang tingin lang, sa totoo lang). pero naisip ko, masyadong malapit ang bacoor sa las pinas. siguradong pupunta at pupuntahan ni iding ang mga barkada niya doon. at baka puntahan pa sila ng mga barkada niya sa bahay o clinic ni rianne, mapaano pa silang dalawa. delikado!
naisip ko rin na patirahin si iding kina tita nerie (sa bahay nina poy sa sta. mesa) tutal ay wala silang taumbahay noon. at may eskuwelahang malapit sa bahay nila. as in less than a block away. pero marami ding loko doon, baka mabarkada rin si iding. ang magkakapatid nga ay walang barkada roon dahil hindi sila lumalabas ng bahay. at kapag mabarkada si iding doon, baka punta-puntahan din si iding sa bahay at ma-endanger pa ang buhay ng pamilya ni poy. naku, delikado!
isang araw, biglang may nag-text sa akin. papunta raw siya at si mama niya at si iding sa bahay namin sa qc. nasa labas kami noon ni poy. sabi ko, si bianca itong nag-text, ang bunsong kapatid ni iding. sabi rin ni ej, nag-text sa kanya si tita colay, ang mama ni iding. nasa araneta cubao na raw sila at papunta nga sa amin. sabi ko, paghintayin sila hanggang 3pm. wag paalisin sina tita colay dahil gusto ko sanang kausapin si colay sa harap ni iding. tinext ko rin si colay na hintayin ako.
maya-maya pa, nag-text si ej na umalis na raw sina colay at bianca. iniwan nila si iding sa bahay namin. galit na galit ako kay colay. tinawagan ko ito. sabi niya, di ba pinapahanap mo si iding, o ayan na. ipa-check up mo si iding dahil hinimatay daw iyan noong isang gabi. nahanap ko iyan sa cavite. sa bahay ng girlfriend niya. sabi ko kay colay, pabalik na ako ng bahay, kakausapin kita sa harap ng anak mo. ayaw bumalik ni colay. nasa ortigas na raw sila. sabi ko ay bumaba siya sa ayala at sumakay ng mrt na pabalik ng qc. pinatayan ako ng cellphone ni colay. sa galit ko ay sabi ko (sa text), wag mong iwan ang anak mo sa bahay ko. hindi na iyan sumusunod sa akin. sumagot si colay na itetext daw niya si iding at pababalikin na lang ito ng las pinas. sabi ko, mas gusto mo pang pabalikin sa katarantaduhan iyang anak mo kesa ang magkausap tayo? hindi na nag-reply si colay. tinawagan ko ito pero patay na ang kanyang cellphone.
pagdating ko sa bahay, wala na si iding. sabi ni ej, sobra daw payat nito. at ang suot ay sandong puti lang. hindi iyon nagdadamit ng ganon lang. lagi iyong maporma. kako, baka nagbenta na ng gamit o nanakawan sa tinutuluyan niya.
noong mothers' day, umuwi kami ng las pinas. ikinuwento ni daddy ed na nag-iba na raw talaga si iding. nahuli niya minsan na nakadistrungka ang isang kahon ng pisonet. si iding ang bantay noon sa mga computer. mula din daw nang umuwi si iding doon, pag naka-cash out sila, halos wala nang laman ang mga kahon. nabubuksan daw kasi iyon ni iding bago pa sila mag-cash out. nalaman din nila na pag lumalabas ng bahay si iding, sa cavite ito nagpupunta. sa isang barangay na malapit na sa dasmarinas. may girlfriend daw doon si iding. sabi pa ni daddy ed, kung wala siyang pera, paano siya makakapunta doon?
hindi ko na malaman kung ano ang gagawin ko. ansama ng loob ko kay colay. siya dapat ang namomroblema sa anak niya. may sarili akong anak na dapat problemahin. magkokolehiyo na si ej, hanggang ngayon ay hindi ko pa ito napaghahandaan financially. pero alam kong hopeless case na rin si colay. wala na talaga siya, hindi na magbabago. para asahan ko pa na mag-alala siya sa kapakanan ng mga anak niya, katangahan na lang iyon.
recently ay nagtext si iding kay ej. pinatatawag ni iding si ej sa cellphone na iyon. pagtawag ni ej, pinakukuha ni iding ang report card niya sa school. gusto na raw ni iding na doon na lang mag-aral sa las pinas. through ej, pinatanong namin ang mga gusto naming malaman tungkol sa kanya.
saan ka nakatira?
sa barkada ko
sino ang magpapaaral sa iyo?
sarili ko. me trabaho na ako
anong trabaho mo?
kung ano-ano. diskarte lang. pero hindi ako nagnanakaw.
kumain ka na ba?
hindi pa (11:00 p.m. na ito)
asan ka?
dito-dito lang (nagsuspetsa kaming nasa qc area siya o iba pang lugar dahil kung nasa las pinas siya, sasabihin niya, las pinas)
anong plano mo?
pupuntahan ko papa ko sa munti, hihingi ako ng pera sa kanya para mapag-aral ko sarili ko.
ayaw mong bumalik dito?
ayoko. daming bawal diyan. 'tsaka baka mapatay ako diyan.
nagkuwento pa si iding na wala na nga raw siyang pera. nabebenta na raw niya ang mga naipundar niyang gamit noong nandito siya sa qc: mga original na shirt at sapatos.
ano na lang ang natira sa iyo?
nasa akin pa ang mga orig kong damit.
after that, nag-usap kami ni poy tungkol kay iding. sabi na lang ni poy, ipagdasal namin ang pamangkin ko. ganon na kami ka-hopeless, kadesperado. naniniwala ako sa dasal pero para sa akin, last resort na iyon. at dahil wala na akong maimungkahi na hakbang para kay iding, i guess, wala na talaga kaming magagawa.
noong isang gabi, nag-text sa akin si sak, ang isa kong kapatid na nakatira sa las pinas, sa bahay ni tisay. nawalan daw siya ng P2000 at si iding ang pinagbibintangan niya. nagulat ako. umuwi pala doon si iding. pero agad din itong pinalayas ni tisay. hindi na nabanggit ni sak kung bakit pinalalayas na naman si iding. pero ang sabi lang ni sak sa akin, pag-akyat niya ng bahay, nakabukas ang bag niya at nakalabas ang lalagyan niya ng pera, wala na ang P2000 sa wallet niya. wala na rin daw si iding na nag-empake ng mga gamit a few minutes ago.
kung talagang si iding nga ang kumuha, ilang araw o linggo lang ba ang itatagal ng P2000? after that, paano na siya? at pag desperate na siya, saan siya babaling? ano na ang mangyayari sa kanya? sa mundong ginagalawan niya ngayon, sino ang mga puwedeng lumapit sa kanya o manggamit sa kanya?
i know all the answers.
i-deny ko man hanggang kamatayan, kapag may nangyari sa pamangkin ko, isa ako sa mga dapat na sisihin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment