Saturday, May 10, 2014

Copyright at Manunulat na Filipino Part 2

ni Beverly Siy

Para sa kolum na Kapikulpi ng pahayagang Perlas ng Silangan Balita

Noong Marso 3, 2014 ay natuloy nga ang Publishing Realities Writers Must Know, ang unang sesyon ng Limbag Kapihan na inorganisa ng National Book Development Board (NBDB). Ang Limbag Kapihan ay isang serye ng mga pagpupulong para sa book publishing industry players ng ating bansa. Ang unang sesyon na iniaalay sa mga manunulat na Filipino ay ginanap sa tanggapan ng NBDB sa Unit 2401, Prestige Tower, F. Ortigas Jr. Road (formerly Emerald Ave.), Ortigas Center, Pasig City.

Ang isa sa mga layunin ng pulong ay maitampok ang mahahalagang usapin na may kinalaman sa paglikha ng isang akda upang matulungan ang manunulat na Filipino na mamulat sa kanyang mga karapatan at sa kanyang papel sa industriya ng paglilimbag. Layunin din nito ang makatulong upang maihanda ang manunulat na Filipino para sa ASEAN Integration na magaganap sa 2015. Sa ASEAN Integration kasi ay inaasahang dadagsa ang offer ng publishers mula sa mga bansang kasapi sa ASEAN para mailathala ang mga gawa ng mga manunulat sa Pilipinas.

Kaya kailangan talaga, ma-equip at maarmasan ang mga manunulat na Filipino ng tamang kaalaman tungkol sa publishing industry para hindi siya malugi o maloko sa pakikipagtransaksiyon sa mga foreign publisher, kung saka-sakali.

Sa kasawiampalad ay hindi ako nakapunta sa Limbag Kapihan. Ang nakapunta ay ang asawa ko, na manunulat din (at columnist ng Kapikulpi!) na si Ronald Verzo. Sabi niya, bagama’t maganda ang layunin ng pulong, hindi ito naging produktibo para sa audience na binubuo ng mga manunulat na freelancer at iyong mula sa iba’t ibang publikasyon.

Nagkaroon lamang ng serye ng talks buong maghapon. Ang una ay ang Executive Director ng NBDB na si Graciela Cayton na tumalakay sa publishing industry supply chain. Ang sumunod ay si Atty. Louie Calvario na naglahad ng basics sa copyright at iba pang kaugnay na intellectual property rights. Nagsalita rin si Lirio Sandoval, ang presidente ng Book Development Association of the Philippines (BDAP) tungkol sa distribution. Ang literary writer at editor na si Angelo Lacuesta naman ay nagkuwento tungkol sa karanasan niya sa pagiging editor. Sina Isagani Cruz at Ricky Lee, mga batikang manunulat, ay nagbahagi ng kanilang writing process. Nagbigay din ng impormasyon tungkol sa pagiging literary agent ang manunulat at abogadang si Andrea Pasion-Flores. Ang huli ay ang blogger at book club organizer na si Honeylein de Peralta. Ibinahagi niya ang resulta ng kanyang munting study tungkol sa mga mambabasang Filipino.

Ayon kay Verzo, napakarami pa raw na usapin ang hindi nahimay nang husto. Sana raw ay idinaan na lang sa talakayan o kaya ay sa Q and A session ang buong pulong para na-address ang mga kinakaharap na isyu ng mga manunulat na mismong naroon. Halimbawa nito ay:

Paano ang copyright ng mga akda sa isang antolohiya?
Bakit hindi nababayaran ang mga contributor ng isang antolohiya? Iyong editor ba ay binabayaran ng publisher?
May “say” ba ang manunulat sa pagpepresyo ng kanyang aklat?
Puwede bang maging literary agent ang isang publisher?
Kung nais niyang makipagtransaksiyon sa publisher mula sa Singapore, kailangan bang magpaalam muna ng manunulat sa kanyang publisher sa Pilipinas?
Dapat nga bang problemahin ng manunulat ang distribution system ng kanyang akda?
Magandang option ba ang indie publishing?

Batay sa pagkakakuwento sa akin ng proceedings, ang naiparating ng Limbag Kapihan na ito sa manunulat na Filipino ay: unawain ang buong industriya, unawain ang sistema at proseso ng paglikha ng aklat lalong lalo na ang pagpaparating ng aklat sa mambabasa.

Para sa akin, hindi maganda ang perspektibong ito. Matagal nang nagtitiis ang mga manunulat sa mga publishing industry practice na hindi makatarungan. Dapat ito ang in-address ng pulong nang sa gayon ay matutukoy ito ng mga manunulat kapag foreign publishers na ang kanilang kausap. Kapag alam ng manunulat ang mga hakbang na dapat niyang gawin sa pakikipagnegosasyon o pakikipagtransaksiyon, kung alam niya kung paanong itatama ang mali na nakasaad sa isang kontrata, madadagdagan ang kanyang kumpiyansa sa sarili para ipaglaban ang kanyang karapatan at igiit ang isang patas at higit na kapaki-pakinabang na kasunduan para sa kanya at sa kabilang partido.

Dapat din ay ipinasok sa bawat paksa ng Limbag Kapihan ang mga posibleng scenario na idudulot ng ASEAN Integration. Halimbawa, para sa copyright session, sana ay tinalakay nang husto ang copyright ng mga salin, adaptation, paghahalaw at iba pang akda na “based on…” at “inspired by…” Paano kung in-edit nang husto ng isang foreign publisher ang salin ng isang copyrighted na akdang Filipino, kanino ang copyright ng salin? Sa foreign publisher ba na nagsagawa ng heavy editing o sa gumawa ng pagsasalin? Halimbawa uli, para naman sa distribution, sana ay tinalakay nang husto ang distribution ng electronic book, dahil malamang, ang foreign publisher na lalapit sa mga manunulat na Filipino ay hindi lamang printed book ang produkto. Tiyak na gumagawa rin sila ng e-books. At di hamak na madali itong i-distribute sa pamamagitan ng internet dahil halos wala itong cost. Kung ganon, may geographical boundary pa ba ang naturang publisher/distributor? Ibig bang sabihin nito ay hindi na basta-basta makakapirma ng ibang kontrata ang manunulat na Filipino sa iba pang e-book publisher at distributor?

Hay. Mauubos ang pahina ng ating pahayagan kapag inisa-isa ko pa ang mga dapat na pag-usapan.

Nananalig ako na ang Limbag Kapihan ay una lamang sa napakarami at mahahabang serye ng pagpupulong at pakikipagtalakayan para sa manunulat na Filipino. Kailangang kailangan natin ito. Higit lalo ngayon. Dahil tayo ay isang bansang namumutiktik sa talino sa paggawa ng malikhaing mga akda.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...