Thursday, May 29, 2014

the bad abad

so ayon kay pnoy, "malinis" daw si abad, ang secretary ng department of budget and management.

paanong nangyari iyon? hindi ba pera ng bayan ang P10 billion na nakulimbat ni napoles at ng iba pang opisyales ng gobyerno? sino ba ang nag-release ng pera na iyan na ganyan kalaki? hindi ba DBM? Kaninong lagda ang hinihintay bago mairelease ang perang galing sa DBM? di ba kay abad?

so ano itong paandar ng malacanang na "malinis" si abad?

utang na loob.

paulit-ulit na lang na niloloko ng pamahalaan ang bayan. kaya tuloy nawawalan na ng tiwala ang lahat sa pamahalaan.

at kay abad, hay naku lord, wag nang magmalinis. alam mong nakukulimbatan ka ng pera. wag nang magmaang-maangan pa. hindi ka tanga. kung tanga ka, ilalagay ka ba diyan sa dbm?

umamin ka na. me consent mo yan. yang lahat ng paglabas ng pera sa ahensiya mo.

kaya imposibleng "malinis" ka.



Rebyu para sa pelikulang Godzilla - 3 stars

Pros

Napakaganda ng sound. Sana manalo ito ng award dahil talagang pinerfect ang bawat elemento ng tunog sa pelikulang ito.

Guwapo ang bidang lalaki. Marunong din siyang umarte.

Andito ang Pilipinas! Wah! Pero ang sinasabi nito, dito sa atin galing ang isa sa mga halimaw, hahaha. Sa isang minahan daw sa Mindanao! (Minsan na lang tayo masali sa Hollywood film, kanlungan pa ng halimaw ang peg? Nge. Anyway, baka iyong senado at kongreso ang pinagbabatayan nila ng research. Oo nga naman. Sagana sa halimaw ang dalawang sangay na iyan ng pamahalaan.)

Cons

Parang robot ang acting ng tatay. Nakukulangan ako.

Nakatulog ako sa gitna ng pelikula. I’m sorry. Sadya talagang hindi ako na-hook sa premise ng pelikula.

Premise: May mag-asawang scientist na nagtatrabaho sa isang planta sa Japan. Si Papa Joe Brody at si Mama Sandra Brody. May isa silang anak. Si Baby Ford Brody. Ilang linggo nang naoobserbahan ni Papa Joe ang paggalaw ng lupa sa kanyang workplace. Patindi ito nang patindi. Matagal na niyang ini-report ito sa mas nakakataas sa kanya. Pero hindi siya pinapansin ng mga ito. walang ginawang anumang hakbang. Isang araw, birthday pa naman niya ito, napasugod siya sa planta. Kasama niya si Mama Sandra na papasok din sa trabaho nang araw na iyon. Iniwan nila si Ford, na naghanda pa naman ng surprise birthday banderitas para kay Papa Joe.

Tapos pagdating sa planta, pumunta na sa designated workplace niya si Mama Sandra. Sa ilalim ito ng lupa, sa isang parang network ng mga tubo. Si Papa Joe, gayundin. Pero ilang saglit lang, dumating ang nakakayanig na lindol. Walang tigil ito at napakalakas. Kumikindat-kindat na ang kuryente at nagkandasira-sira na ang mga aparato sa planta kaya nag-panic na ang mga tao. Takbuhan sila. nagkagulo na. si Mama Sandra, kasama ang buo niyang team ay naka-experience ng pagputok ng isang malaking tubo at nagdulot ito ng mala-daluyong, gray na gray na steam. Takbuhan sila pabalik sa entrada ng underground network na iyon ng mga tubo. Si Papa Joe, pababa na para puntahan at i-rescue si Mama Sandra kasi ila-lock na ang entrada, utos iyon ng mga boss niya. Ang kaso, nagkaaberya sina Mama Sandra noong malapit na sila sa entrada. Nadapa ang isang kasamahan niya kaya tinulungan pa niya ito at inakay hanggang sa entrada. Pagdating nila doon, saktong pasara na ang massive na pintuan. Nagkita pa sina Mama Sandra at Papa Joe pero hindi na silang magkakasama pang muli.

Naulila sa ina si Baby Ford.

After 15 years, sundalo na si Ford at may sarili na siyang pamilya sa USA. Nakatanggap siya ng tawag mula sa Japan. Nakulong daw ang tatay niya sa salang trespassing. Iyon palang area ng bahay nila, na malapit lang din sa planta, ay restricted area na dahil daw may radiation-radiation leak mula sa kung saan. In short, nakamamatay daw ang pumunta roon. Iyong tatay niya ay bumalik sa bahay nila para mag-retrieve ng ilang gamit. At nahuli nga ito ng awtoridad bago pa ito makalapit sa kanilang bahay.

So mula sa USA, pinuntahan ni Ford si Papa Joe sa Japan. At nalaman niya, iyong tatay niya ay hindi naka-move on sa sawimpalad na araw na iyon 15 years ago. Naniniwala ang tatay niyang hindi lindol ang nagdulot ng pagyanig ng lupa noon. Hinala nito, may itinatago ang kanilang planta. At iyon ang dahilan kung bakit namatay si Mama Sandra. Kaya kailangan itong matuklasan ng kanyang Papa Joe.

Sa loob ng tinutuluyan na bahay ng ama, nakita ni Ford ang iba’t ibang balita at articles tungkol sa mga pagyanig ng lupa at sa mga research na may kinalaman sa planta. Talaga palang sinusundan ito ng kanyang tatay. Sabi ng kanyang Papa Joe, tulungan mo akong ma-retrieve ang mga diskette sa bahay natin. Makakatulong iyon sa research ko. Pumayag naman si Ford kahit na inis na inis na siya sa di maka-move on niyang ama.

Pagdating nila sa lumang bahay (hindi sila nahuli sa pagpunta doon), natuklasan nilang walang radiation leak whatever. Malaya silang nakahinga kahit nang tanggalin nila ang suot na facial mask. Doon na nakumpirma ng dalawa na talagang may itinatago lang sa planta ang mga awtoridad. Nalaman din nila na operational pa hanggang ngayon ang planta. Dahil pagkaraan ng ilang minuto, nahuli sila at dinala sila sa planta para imbestigahan.

Sa planta, nang araw na iyon, mauulit ang matinding pagyanig ng lupa katulad ng nangyari 15 years ago. At matutuklasan ng mag-ama ang tunay na dahilan.

Sori ang haba ng premise ko, hehe.

Sa pagpapatuloy ng cons…

Nagulat ako na marami palang higanteng halimaw sa pelikula. Akala ko, si Godzilla lang. Kaya nang una akong makakita ng halimaw sa pelikula, akala ko si Godzilla na iyon. E, hindi naman kamukha ni Godzilla. So, parang na-disappoint na ako. Nang makita ko ang ikalawang halimaw, akala ko, talagang si Godzilla na iyon. Pero hindi siya kamukha ni Godzilla. So, akala ko, nag-evolve na si Godzilla at nag-iba na ang itsura niya. Pero hindi. Iba pa pala ang halimaw na iyon. So, medyo naiinis na ako. Kasi ang pumasok sa isip ko, akala ko ba, Godzilla ito? E, nasaan iyong bida? Antagal. Hahaha, natagalan ako sa paglabas niya. Kahihintay ko, nakatulog ako.

Medyo napagod din ang mata ko sa dami ng effects. Sadya lang yata na tumatanda ako. Hindi na ako sanay sa ratratan, sa action, at sa napakaraming nangyayari sa screen all at the same time. Pero siguro batay na rin ito sa type kong genre ng pelikula. Baka hindi na pang-sci-fi ang taste ko.

After naming manood (ako, tulog), tinanong ko si EJ kung nagandahan siya sa palabas. Sabi niya, okey lang. Sabi ko, nakatulog ako, ano ba ang nangyari? Sagot niya, saan ka ba nakatulog? Tapos nagkuwento na siya. HEP…HEP…SPOILERS ALERT… It turned out, tatlo ang halimaw. Si Godzilla ang naging hero kasi siya iyong pumuksa doon sa dalawang halimaw. Tapos naging hero si Ford dahil siya ang nakapagpasabog ng itlog ng isa sa mga halimaw. Hmm… I didn’t see that coming! Mukhang interesting naman pala ang plot.

Dudugtungan ko pa ang rebyu na ito. Panonoorin ko uli ang Godzilla. This time, ang kasama ko naman ay ang tunay na may ari ng title role na ito, si Poy.

27 May 2014
Kamias, Q.C.


Tuesday, May 27, 2014

Rebyu para sa pelikulang Spiderman - 4 stars

Pros

Ang galing ng cast. Sobra. Favourite ko talaga si Andrew Garfield. Sa pelikulang Never Let Me Go pa lang! Hindi OA ang acting niya. Sapat lang. Nakakatawa kapag nagpapatawa. “We don’t have a chimney.” “Huwaaaat?” Nakakaiyak kapag nagpapaiyak.

Natutuwa rin ako kay Emma Stone. Napapatawa niya ako sa iba niyang pelikula. Though parang gusto kong tumawa tuwing makikita ko ang mukha niya sa screen, napipigilan ko ito dahil mas lumilitaw naman ang tauhang si Gwen Stacy, ang papel na kanyang ginagampanan.

Pero I believe walang chemistry masyado ang dalawang ito onscreen. Mag-jowa pa naman sa totoong buhay, haha! Pero oks lang, siguro hindi ko lang napansin ang kilig moments nila dahil nakasentro ang isip ko kay Spiderman habang nanonood ako ng pelikula.

Nagustuhan ko iyong konti lang ang series ng shots kung saan parang playground ni Spiderman ang mga building ng New York. Sa huling Spiderman kasi, bago ito, parang nagsawa ako. Sobrang dami ng ganong eksena sa iisang pelikula.

Natuwa ako na naipakita ang internal struggle ng isang superhero. Na katulad din natin sila. May mga wants, may mga needs, emotional, psychological and all. Nagkataon lang na may superpowers sila pero they are very human. So, inspiring ang aspektong ito kasi nakaka-relate
ang sangkatauhan sa mga ganitong uri ng superhero.

Natuwa rin ako na ang valedictorian ng graduating class nina Peter Parker ay si Gwen Stacy na isang babae, yey! More! More!

Pero hindi ko na-predict na mamamatay si Gwen Stacy (hindi ako nagbabasa ng Spiderman comics. Sa pelikula ko lang nakakasalamuha si Spiderman). Nalungkot ako pero nakakatuwa na maipakita sa audience na hindi lahat ng ganitong pelikula ay happy ang ending para sa bida. Kahit superhero pa siya.

Natuwa ako na si Spiderman, may pagka-local siya. Haha! Hindi katulad ng ibang superhero na parang buong mundo ang gustong iligtas! At inililigtas! Haha! Diyosmio naman. Ang helpless naman ng buong mundo pag ganon. At sa totoo lang, di ba uunahin ng superhero ang bansa niya kapag nagkagipitan? So, hindi rin reliable ang mga ganong superhero. Pero in the first place, wala ba kaming sariling superhero? Me Darna kami, Captain Barbell, at iba pa. Huwag na kaming isama ng ibang superhero diyan sa misyon nila. Dahil pag may gustong sumakop sa buong daigdig, ang unang mag-aasikaso sa Pilipinas ay hindi si Superman o ang Avengers kundi si… Inday Bote, haha. Etong si Spiderman, sa New York lang siya, malinaw sa pelikula iyon. At happy ako doon. Tutal, swak naman sa needs ng New York ang kakayahan ni Spiderman. Saka doon siya lumaki. Kumbaga, alam na alam din niya ang needs ng sarili niyang komunidad.

Cons

Napanood ko na dati ang lahat ng effects na nakita ko sa pelikulang ito. It’s just me. Nagsasawa lang talaga ako sa mga effects-effects, hehe. Sawa na ako sa mga pa-epek ng Hollywood.

Sana ay dinagdagan pa ang pagpapakilala sa motivation ni Electro. Nagulat ako na siya pala ang main kontrabida. Parang nakukulangan ako sa characterization sa kanya. Nagulat ako na bigla siyang nagwala. Naging masama siya, etc. etc.

Sa pelikulang ito, dalawa ang naging kontrabida: Si Electro at si Harry Osborn. Palagay ko, hindi ako masyadong naka-focus ang pelikula sa alinman sa kanila. Kasi si Harry Osborn, nakulangan din ako sa characterization sa kanya. Parang mabuti naman siyang bata, masama lang ang loob niya sa tatay niya. Tapos all of a sudden, salbahe na siya! Biglang binu-bully na niya ang mga kasosyo ng tatay niya sa negosyo. Tapos nagkaroon na siya ng masasamang plano. I know, bigla niyang natuklasan ang sakit na namana niya sa kanyang tatay, pero palagay ko, masyadong mabilis ang mga pangyayari. Gusto kong makita iyong mga struggle niya bago siya magpasyang idaan na lang sa speed at violence ang lahat para makuha ang gusto niya.

Para sa akin, mas okey kung isa lang ang kontrabida sa isang pelikula tapos paigtingin na lang ang conflict ng bida at kontrabida. Dapat established ang dalawang tauhan para mas maunawaan ng audience kung bakit kailangan mag-away ng mga ito at bakit kailangang ipagtanggol ang kanilang mga sarili, at sa pangkalahatan, para maunawaan ng audience kung bakit kailangan nilang panoorin ang isang pelikula.

Bilang isang babae, siyempre napapansin ko ang mga babaeng tauhan sa pelikula. Medyo kulang. Sana dinagdagan nila ang babaeng kasosyo ni Papa Osborn sa negosyo. Isa lang yata ang babae doon. Wala pang speaking line, haha. Tapos ang ikalawang babae ay si Felicia, ang secretary. Secretary! Na naman! Haha, di ba kayang gawin ng isang lalaki ang ginagawa ng isang office secretary? Iyong boss ni Max Dillon/Electro, lalaki! Samantalang puwede namang babae. Hello, bagong milenyo na, meron na ngang babaeng astronaut (tauhan ni Sandra Bullock sa Gravity), meron nang lalaking yayo o babysitter. Bakit sa makabagong pelikula, hindi pa rin realistic ang representation ng mga gender? O kung hindi babae, queer! Ang dami-dami kaya nila sa lahat ng field.

27 Mayo 2014
Kamias, Q.C.

Monday, May 26, 2014

rejected comics script for gospel komiks

na-reject ang comics script kong ito, haha tuwang-tuwa pa naman ako kasi tungkol sa octopus. naisip ko, recently, na nakakatuwang gawing character ang octopus kasi parang bagay siya sa panahon natin, ang presence ng galamay ay simbolo ng pagmu-multitask ng karamihan sa atin.

(gusto kong magsulat ng children's story about solo parents at ang mga tauhan ay octopus.)

anyway, ang comics script na ito ay ibinatay ko sa parable of the tenants mula sa bibliya. iyon kasi ang in-assign sa akin na bible reading. medyo nahirapan din ako dito kasi palagay ko lalabas na masama ang landlord. kasi siyempre, landlord siya. i mean, napakapiyudal at kapitalista ng nature ng parable hahaha at pagka medyo diskumpiyado ako sa nakukuha kong mensahe mula sa isang bible reading, ang ginagawa ko ay ipina-pattern ko ang comics script ko sa mismong bible reading, in this case, isang parable. para safe, haha!

ang problema, ang una kong isinumite para sa isa pang bible reading (tungkol naman sa parable of the talents) ay kamukha rin nito. halos pareho ng plot. pero panda naman ang mga tauhan ko doon sa parable of the talents.

so na-reject itong tungkol sa mga octopus.

buti na rin at na-reject dahil nang basahin ko ito uli, iyong ending ko pala ay parang nagsa-suggest na magkakaroon ng away dahil lang sa anak ng may-ari ng ice cream shop. ang may ari ng ice cream shop ay simbolo ni jesus. so parang ang ending ko ay nagsa-suggest na mag-aaway-away ang mga tao dahil sa relihiyon :(

anyway, id like to share it here. enjoy!


Isang Araw, Sa Ocean’s 12 Ice Cream Shop
ni Beverly W. Siy

MGA TAUHAN: Iba’t ibang size ng octopus

Toto- pinakamaliit na octopus
Mga kasamahan sa Ocean’s 12 Ice Cream Shop-malalaki, matatabang octopus
Dencio Ocean-may ari ng Ocean’s 12 Ice Cream Shop
Andy Ocean- anak ni Dencio
Dalawang karaniwang octopus bilang mga kolektor ni Dencio
Mga kamag-anak ni Toto, maliliit na octopus

SETTING: Modern times, sa isang urban na lugar sa ilalim ng dagat. May ice cream shop na malaki, kamukha ng isang restaurant at ang isine-serve ay puro ice cream lamang. Makulay ang loob ng ice cream shop na ito.

FRAME 1: Tinadyakan palabas ng mga taga-ice cream shop ang isang octopus. Buhol-buhol ang mga galamay ng octopus na sinipa kaya nahihirapan itong mag-swimming palayo. Ang octopus na ito ay ang ikalawang kolektor na ipinadala ni Dencio Ocean sa kanyang ice cream shop.
I-establish ang Ocean’s 12 Ice Cream Shop sa pamamagitan ng signage sa labas ng shop.
Makikita naman sa likod ng mga sigang octopus si Toto, saksi siya sa lahat ng nangyari.

CAPTION: Nasaksihan ni Toto ang ginawa ng kanyang mga kasama sa kolektor ni Dencio Ocean.
KASAMAHAN 1 (mayayabang ang itsura at pinagtatawanan ang kanilang pinalayas na octopus): ‘Wag ka nang babalik dito! Hahaha!
KASAMAHAN 2: Magtatanda na si Dencio Ocean. Hindi na ‘yan magpapadala uli ng kolektor!

FRAME 2: Hati sa dalawa ang frame na ito. Close up. Kausap ni Toto si Mang Dencio sa cellphone. Alalang-alala ang itsura ni Toto. Alalang-alala rin si Mang Dencio.
DENCIO (may hawak na cellphone): Ginawa nila iyon? Ipapadala ko ang anak kong si Andy para kausapin sila at para makolekta na ang renta sa ice cream shop.
TOTO (may hawak na telepono, landline): Naku, ‘wag po. Baka saktan lang po nila ang anak ninyo!

FRAME 3: Flashback, kamukha ng FRAME 1, tinadyakan palabas ng mga taga-ice cream shop ang isang octopus. Naka-duct tape ang bibig at mga galamay ng octopus na sinipa kaya nahihirapan itong mag-swimming palayo. Ang octopus na ito ay ang unang kolektor na ipinadala ni Dencio Ocean sa kanyang ice cream shop. I-establish ang Ocean’s 12 Ice Cream Shop sa pamamagitan ng signage sa labas ng shop. Makikita naman sa likod ng mga sigang octopus si Toto, saksi siya sa lahat ng nangyari.
CAPTION: Ikinuwento ni Toto ang nangyari sa unang kolektor na ipinadala ni Dencio Ocean.
LAHAT NG KASAMAHAN : (mayayabang ang itsura at pinagtatawanan ang kanilang pinalayas na octopus) TOTO (off frame, word balloon): Ginulpi at sinaktan po nila ang unang kolektor na inyong ipinadala.

FRAME 4: Hati sa dalawa ang frame na ito. Close up pareho. Kausap ni Toto si Mang Dencio sa cellphone. Close up ni Toto. Kitang kita ang takot sa mukha ni Toto. May hawak na cellphone si Mang Dencio, landline naman si Toto.
MANG DENCIO: Anak ko si Andy. Iyon ang huling pag-asa nila para maipadala sa akin ang inyong renta sa ice cream shop. Hindi nila sasaktan si Andy.
TOTO: Kahit po anak ninyo si Andy, hindi pa rin po sila makikinig, Mang Dencio.

FRAME 5: Nagswimming nang mabilis si Toto para kausapin ang mga kasamahan sa trabaho.
TOTO: Kailangang makumbinsi ko silang magbayad ng upa sa ice cream shop. Para hindi nila saktan si Andy. Kawawa naman, wala namang gagawing masama sa kanila ang anak ni Mang Dencio.

FRAME 6: Naabutan niyang nagtatrabaho ang kanyang mga kasamahan. Nagti-twirl sila ng ice cream sa bawat cone. Bawat galamay ng bawat octopus ay may hawak na ice cream na matatangkad. Mahaba ang pila ng mga gustong makabili ng ice cream. Itampok ang iba’t ibang hayop na pandagat: dugong, clown fish, sea anemone, pusit, sari-saring isda, sea horse, eel, manta ray, pawikan at iba pa.
CAPTION: Pilit na kinumbinsi ni Toto ang kanyang mga kasama.
KASAMA 1: Pag nagpadala pa siya ng kahit na sino rito, bubugbugin uli namin at tatadyakan palabas.
KASAMA 2: Lalo na kapag iyong anak niya ang ipinadala niya rito para mangolekta ng upa. Aba, iyon yata ang tagapagmana ng ice cream shop na ito.
KASAMA 3: Siyempre, pag wala nang tagapagmana, wala na ring kailangang kolektahin mula sa atin.

FRAME 7: Medium shot ni Toto.
CAPTION: Nangatwiran si Toto.
TOTO: Hindi atin ang ice cream shop na ‘to, umuupa lang tayo. Bakit bigla-bigla ay ayaw nating ibigay kung ano ang inaasahan mula sa atin? Kaya nga niya ipinadala sa atin ang anak niya dahil naniniwala si Mang Dencio na susunod pa rin tayo sa dating napagkasunduan. Naniniwala siyang hindi na tayo gagawa ng mali.

FRAME 8: Nagsalita ang pinakamalaking octopus.
CAPTION: Pero hindi pa rin pinakinggan si Toto ng kanyang mga kasamahan.
KASAMA 1: ‘Wag ka nang masatsat at makulit diyan. Tumulong ka na lang dito para may pakinabang ka!
TOTO (thought balloon): Gagawa na lang ako ng paraan para di mapahamak ang anak ni Mang Dencio!

FRAME 9: Payat ang frame na ito. Ipakita na may kausap sa cellphone si Toto. At alerto ang kanyang mga mata, patingin-tingin sa paligid.

FRAME 10: Mahaba-habang frame po ito.
Dumating na nga si Andy sa Ocean’s Twelve Ice Cream Shop. Nasa may pinto siya. Si Andy ay payat, mukhang geek, may black rimmed glasses, may bag siyang dala, iyong parang laptop bag at nakalabas na ang kanyang lapis at papel. Takang-taka siya sa itsura ng mga trabahador ng ice cream shop. Parang galit na galit ang mga ito sa kanya.
KASAMA 1: Aba, talagang makulit ang tatay mong si Dencio, ano?
KASAMA 2: Akala mo, may makukuha ka sa amin?
KASAMA 3: Wala! Bugbugin na ‘yan.

FRAME 11: Susulpot si Toto. Ipakita kung gaano kaliit ang octopus na si Toto.
CAPTION: Pumagitna si Toto.
TOTO: Mga kasama, si Andy ang huling pagkakataon para mapatawad tayo ni Mang Dencio. Pati na ng mga kolektor na binugbog ninyo. Igalang natin si Andy. Siya ang magiging tulay natin para lalo pang gumanda ang relasyon natin kay Mang Dencio.
KASAMA 1: Anong kadramahan iyang sinasabi mo, Toto? Tumabi ka nga riyan!

FRAME 12: Lalabas ang lahat ng kapamilya at kamag-anak ni Toto. Gigitna sila at poproteksiyunan si Andy. Kaharap ng maliliit na octopus ang tatlong malalaking octopus. Lahat ng maliit na octopus, may dalang duct tape. Ipakita kung gaano kadeterminado si Toto.
CAPTION: Nagsisulputan ang mga kamag-anak ni Toto.
TOTO: Puwes, hindi ako papayag sa gusto ninyo. Walang ginagawang masama si Mang Dencio. At lalo na si Andy.

Wakas.

PRPB with Janus Silang

Noong Sabado, 24 Mayo 2014, nagpunta kami ni Poy sa book discussion ng PRPB tungkol sa Janus Silang, ang pinakabagong YA novel sa wikang Filipino sa Fully Booked SM North. Naroon din ang author ng aklat, si Sir Egay Samar.



Sa Fully Booked na kami bumili ng aklat. Ang ibang members ng book club namin, ang Pinoy Reads Pinoy Books (PRPB), ay binigyan ng aklat ng publisher na Adarna House para mabasa nila ito nang mas maaga, bago pa mag-book discussion.

Before the discussion, naghanda ng ilang tanong si Doni Oliveros, ang aming moderator at founder. At kanina, bago mag-umpisa ay ipinakilala muna niya ang PRPB dahil may mga participant ng book discussion na hindi pa member ng PRPB.

Pagkatapos, ipinakita ni Kuya Doni ang mga tanong. Nakasulat ang mga ito sa papel na nakabilot at nakalagay sa loob ng isang bote ng mineral. Bawat isa (na nakabasa ng nobela) ay bubunot ng tanong. Kapag hindi nasagot nang kumpleto o maayos ang tanong, puwedeng tulungan ng sinuman na nakakaalam ng kumpletong sagot ang nakabunot ng tanong.



Walang consequence para sa mga hindi makasagot (at kalahati lang ang sagot, merong gumawa nito haahaha), pero wala rin namang premyo para sa mga sumali sa discussion. Premyo na kasing maituturing na kasama namin ang author that afternoon! Aaaat... binigyan din kami ng libreng bag ng Adarna, yey!

Kahit hindi pa namin nababasa ang Janus, nag-enjoy kami ni Poy sa discussion. Maraming nilalang mula sa Philippine mythology ang nabanggit during the discussion: tiyanak, berberoka at iba pa.

Kaya naman, excited na akong umpisahan ang nobela.

Copyright ng mga larawan: beverly w. siy

si iding



kabi-kabila ang problema sa pamilya namin. ang pinakamalaki ay ang tungkol sa pamangkin kong si iding.

sa akin pinakahuling nanirahan si iding. dito siya nag-grade 8 sa poder ko. medyo sumakit ang ulo namin ni poy to the point na nag-iisip na si poy kung gusto pa niyang magkaanak kami in the future o di bale na lang, hahaha

may kung ano sa loob ni iding na hindi namin mawari. hindi namin siya maintindihan, hindi tuloy namin siya matulungan.

sa loob ng isang taon niya sa amin, ilang beses kaming napatawag sa eskuwela. ang una ay noong september, noong mahulihan siya ng marijuana sa bag.

isang umaga, pagkaalis ni iding papuntang eskuwela, ginising kami ni ej. nag-iwan daw ng sulat sa mesa si iding. nagsosori ito sa amin lalo na kay poy na siyang madalas na nagbibigay ng baon kay iding. tapos sabi pa nito sa sulat, hahanap na lang siya ng trabaho. magko-construction na lang daw siya. sori daw kasi naimpluwensiyahan lang daw siya ng barkada niya.

hangos kami sa eskuwela, walang ligo-ligo. pagdating namin doon, natuklasan naming matagal na pala kaming pinapatawag. kasi nga, nahulihan daw ng marijuana si iding. pinabasa sa amin ng assistant principal ang kasulatan na pinirmahan ni iding. sabi niya roon, binentahan daw siya ng kaklaseng si quedilla at kaya lang daw niya binili iyon ay dahil gusto niyang manghiram kay quedilla ng speaker para sa nalalapit nilang field trip.

pero nag-request din siya sa kasulatan na iyon na huwag na siyang ipa-test dahil sigurado raw na magpa-positive, dahil nakasubok na rin daw siya ng marijuana sa las pinas noon. baka raw nasa dugo pa niya ang epekto niyon.

hinanap namin si iding. hindi pala siya pumasok sa eskuwela that morning. may dala na pala siyang ilang damit sa kanyang school bag. nalaman din namin na may girlfriend siya sa ibang section at iyon ang pinakontak namin kay iding. pinapunta namin si iding sa eskuwela.

habang hinihintay namin si iding, sa sobrang galit ko, inaway ko ang batang si quedilla. sabi ko bat siya nagbebenta ng marijuana sa school. sabi nito, ginawa raw niya iyon para sa tumulong sa mga kaibigan. me kaibigan daw siya na naghahanap ng mabebentahan. me kaibigan din daw siyang naghahanap ng nagbebenta. pinagkonek lang daw niya. ganon lang. just for friendship. diyos ko! anong logic ito? grabe. it turned out, me supplier ng marijuana sa loob ng eskuwelahan. isang 4th year high school na naninirahan sa balara.

ito pala iyong estudyanteng naabutan namin sa opisina ng asst. principal. hindi naman mukhang estudyante! mukha nang tatay. bakit naman pinapapasok pa ito? dapat pagkaganon at may kaso, automatikong tanggal na sa eskuwela! pero hindi. sabi ng asst. principal, wala raw silang tinatanggal doon lalo at 4th year high school na. dahil lalo raw walang future ang bata kapag pinatigil sa pag-aaral. bata? e, baka nga apat na ang anak ng hinayupak na pusher na ito. baka nagpapanggap lang na estudyante ito at ginagawa lang market place ng marijuana and god knows what else ang eskuwelahan nila!

anyway, hindi nagtagal, dumating nga si iding at iyon, nagkaharap-harap kami. nalaman kong matagal na palang kinakaibigan si iding ng mga siga doon. at sumasama naman siya!

nagpasya kaming patigilin si iding. one month siyang hindi pumasok sa school. ang orihinal naming plano ay mag-home schooling na muna siya. after one month, bumalik kami ni poy sa eskuwela para pakuhanin ng exam si iding para sa 3rd grading period. gusto naming magkaroon ng grades si iding sa grading period na iyon. sayang nga naman. kaso pinigilan siya ng principal. dahil hindi raw ito nakauniporme. nagkaaberya pa that day. papayag ba naman ang tita sa ganong dahilan lang?

(may back story pa ito. umpisa pa lang ng school year ay iritado na sa amin ang principal dahil isa ako sa mga tumulong sa mga magulang na nagrereklamo hinggil sa compulsory payment ng PTA fee na P500. ang PTA fee na ito ay kasama sa kailangang bayaran ng magulang bago i-release ang clearance at report card ng kanilang anak. actually, wala naman talaga akong pakialam dito. unang taon pa lang ng pamangkin ko sa eskuwelahan nila, public school nga pala ito, wala pa akong karanasan sa pagkuha ng clearance at report card doon. pero na-feel ko ang isang ale na umiyak pa noong parents-teachers assembly. hindi makapag-enrol ang anak niya dahil hindi niya makuha ang card nito sa eskuwelahan na iyon. therefore, the katipunera in me stood up. sabi ko, baka po puwedeng ihiwalay ang financial obligation ng magulang sa academic requirements ng estudyante? ayun na, medyo napag-initan na ako ng principal dahil lamang dito. at isa pa pala, nagtanong din ako hinggil sa ID. kayang-kaya kong magbayad ng P50 na id na talaga namang maganda. iyong kamukha ng ATM. walang problema sa akin ang presyo. pero ako iyon. ako na may kabuhayan nang kaunti. e paano naman ang mga magulang na halos walang kita sa araw-araw? bakit ire-require na magbayad sila ng P50? hindi ba dapat nga ay libre naman ang ID? actually, hindi naman tatalino ang bata kung mala-atm ang id nila o kung iyong simple lang. ang tanong ko sa principal noong parents-teachers assembly, baka po puwedeng iyong simpleng id na lamang ang ipagamit sa mga bata, iyong papel/karton na tagsasampung-piso kapag ni-laminate, para po mas abot-kaya ng lahat? ayan. kaya iritado sa akin/ sa amin ang principal, hahaha)

anyway, ang ending ay hindi nakakuha ng exam si iding. (dahil nga sa principal) pero after a few days, natuklasan namin na inilipat ang principal sa isang elementary school sa proj. 2-3 area. hindi namin alam kung bakit. nag-imbestiga rin kami kung pumapasok pa si quedilla. ang sabi ng mga kaklase ni iding, once a week na lang daw. sobra daw bulakbol iyon sa klase. kinausap din kami ni mam canlas, ang adviser ni iding. pabalikin na lang daw namin ang bata sa eskuwela. wala naman na raw ang mga problema.

pinabalik na nga namin siya sa school. november na iyon. mabuti at pinayagan pa siya ng iba pa niyang mga teacher. talaga namang inunawa rin nila ang kalagayan ni iding.

(lahat ng teacher ni iding ay nakilala ko noong panahon na hindi namin pinapapasok si iding. dahil gusto naming makapagpadala pa rin si iding ng schoolwork para sa 3rd grading period niya. sabi ng mga teacher, tahimik lang daw si iding noong una pero nitong mga nakaraang linggo ay medyo distracted daw sa klase. pero hindi lang naman daw si iding ang ganon. halos lahat ng estudyante ay maingay, makulit at magulo.)

so akala ko, normal lang din talaga ang nangyayari kay iding at ang mga pinagdadaanan niya.

noong katapusan ng january, isang araw ay nagpapasundo si iding sa school. pinuntahan siya ni poy. pero wala naman ito sa eskuwela. iyon pala umalis na ito at tumuloy sa bahay ng isang kaklase. pag-uwi ni iding, tinanong namin kung ano ang nangyari. meron daw nag-aabang sa kanya sa labas ng eskuwela, mga 3rd year high school student. mga kaibigan daw ng kaklase niyang si quedilla. siyempre, natakot kami. at hindi na namin alam ang gagawin kay iding.

so nagpatuloy pa rin si iding sa pagpasok sa school. wala kaming unusual na napansin. umuuwi siya on time. minsan, atrasado nang 30 minutes to one hour. pero ang sasabihin lang niya sa amin, kumain lang daw sila ng street food ng mga kaklase niya sa may anson's.

kaya laking gulat namin nang noong early feb, pinatawag uli kami sa eskuwela. nakipagsuntukan daw si iding. natural, galit na galit ako. ano ba talaga ang gusto ni iding sa buhay? bakit ganon? anong meron? bakit hindi siya mapakali?

nang time na iyon, natuklasan din namin na lagi pala siyang tumatambay sa isang squatter's area sa may sikatuna. after class, doon daw siya madalas na dumidiretso. iyong kaklase niyang naging kaibigan na niya ay nakaaway niya at iyong mga kaibigan ng estudyanteng iyon (na mas matanda kina iding) ang nakaaway ni iding. isang grupo iyon. iyon ang kaaway ni iding. mga hindi taga-eskuwela.

sabi ni iding, wala naman daw siyang ginagawa. naangasan lang daw sa kanya ang mga iyon. siyempre, sinermunan namin ang bata. bakit, kako, kailangan kang tumambay doon? bakit kailangang makipagkaibigan sa mga siga? naiinip daw siya sa bahay namin. wala raw tv. bawal daw mag-internet. bawal lumabas. andami raw bawal. at marami pa siyang sinabi. batay sa mga sagot ni iding sa paulit-ulit kong tanong at imbestigasyon, nahinuha kong bumubuo ng grupo si iding sa eskuwela niya. wow, may leadership skills! juskoday. gang leader itey in the making.

maangas siya. gusto niya, laging cool ang dating niya, maayos ang damit hanggang sapatos. at gusto niya, lagi siyang sunod sa uso. mahilig din siyang bumili at kumain ng kung ano-ano. (kaya lagi siyang walang pera. nauubos sa gamit at pagkain.) gusto rin niya, meron siyang girlfriend. gusto rin niya, humahanga sa kanya ang mga kaibigan niya.

at dahil sa panlabas niyang anyo, laging sunod sa uso ang mga gamit niya, nagkakaroon siya ng image na sobra siyang cool. dinidikitan siya at kinakaibigan ng iba niyang kaklase. doon siya nagiging leader.

inis na inis ako sa mga ginagawa ni iding. hindi na namin alam ang gagawin sa kanya. okey lang naman ang maging leader, ang maging cool, ang pumorma, o sige na nga, pati ang mag-jowa, pero ang makipagsuntukan?

binigyan namin ng ultimatum si iding. kapag may ginawa pa siyang kalokohan sa eskuwela, hindi na kami ang haharap doon. papuntahin na lang niya roon si colay o si tisay. kaya noong ipatawag uli ang magulang ni iding, hindi na kami nagpunta ni poy. pinatawag namin si tisay, pero hindi makapunta si tisay sa pag-aasikaso ng negosyo niya sa las pinas. pinahanap namin si colay pero hindi ito mahagilap. walang nagpunta in behalf of iding. buti na lang at hindi na kinulit ng guidance office si iding. suko na talaga kasi kami ni poy.

binigyan din namin ng parusa si iding. tinanggalan namin siya ng baon na pera.

noong last day ng final exams ni iding (at ni ej), agad na naming pinauwi sila sa las pinas. sobra na kaming stressed sa presence ni iding (at ni ej). ayaw pang umuwi noon ni iding dahil clearance week pa raw nila the following week pero kami ang nanaig. umuwi sila ni ej kay tisay. doon, nabalitaan namin, hindi raw nalabas si iding ng bahay. nagbabantay lang daw ito ng pisonet.

good kako. pero wala pang isang buwan, nalaman namin na lagi na raw lumalabas si iding. nabarkada uli doon sa las pinas. worse ang mga bata doon. si colay ay doon nga tuluyang napariwara. nag-text ako sa kapatid kong nasa mindoro. sabi ko, ipoder na lang niya doon si iding pansamantala. sabi ni incha, hindi raw puwede. mas malala raw ang mga kabataan doon. may mga adik-adik nga raw sa malapit sa kanila. baka doon naman daw mapabarkada si iding.

ang helpless na ng pakiramdam namin ni poy, hindi puwedeng bumalik si iding sa QC. hindi niya mapigilan ang sarili niya. labas din siya nang labas sa qc. at may nagbabanta na raw sa buhay niya rito. iyon ngang mga siga sa sikatuna. hindi naman namin siya mababantayan 24 hrs. maraming araw na wala kami sa bahay. ito rin ang panahon na inaabot ako ng hatinggabi sa library.

so nag-stay si iding sa las pinas. isang araw, pinalayas na siya ni tisay. nalaman namin, kailan lang, na nagnanakaw na raw si iding ng kita ng pisonet. noong una, hindi ako naniniwala. kahit na pasaway si iding, hindi siya nagnanakaw ng kahit ano sa bahay namin. may pera din naman kasi siya kahit paano. kapag inuutusan ko siyang pumunta sa isang lugar, binibigyan ko siya ng pera. bukod pa iyon sa baon niya.

sinabihan ko si sak, ang isa kong kapatid, na hanapin si iding. dito na lang sa bahay namin ito uli maninirahan. sa qc. natakot ako na baka mapariwara na nga si iding ngayong summer. wag naman. ang purpose ko, at least mai-delay man lang, hahaha, natatakot ako para sa pamangkin ko, parang naroon na kasi talaga ang tunguhin ng buhay niya. pero kung makakagawa ako ng paraan para mai-delay ito at makita niya na maganda ang buhay na maayos, malay natin baka magbago ang takbo ng utak niya, di ba?

pinag-usapan namin ito ni poy. ngani-ngani kong i-suggest na doon na lang mag-stay si iding kay rianne. sa bacoor. tutulong-tulong na lang si iding sa clinic ni rianne. tutal tuwang-tuwa si rianne kay iding. guwapo raw kasi at mukhang behave (iyon nga ang dating ni iding, mukha siyang behave. mukhang maayos na bata, pero sa unang tingin lang, sa totoo lang). pero naisip ko, masyadong malapit ang bacoor sa las pinas. siguradong pupunta at pupuntahan ni iding ang mga barkada niya doon. at baka puntahan pa sila ng mga barkada niya sa bahay o clinic ni rianne, mapaano pa silang dalawa. delikado!

naisip ko rin na patirahin si iding kina tita nerie (sa bahay nina poy sa sta. mesa) tutal ay wala silang taumbahay noon. at may eskuwelahang malapit sa bahay nila. as in less than a block away. pero marami ding loko doon, baka mabarkada rin si iding. ang magkakapatid nga ay walang barkada roon dahil hindi sila lumalabas ng bahay. at kapag mabarkada si iding doon, baka punta-puntahan din si iding sa bahay at ma-endanger pa ang buhay ng pamilya ni poy. naku, delikado!

isang araw, biglang may nag-text sa akin. papunta raw siya at si mama niya at si iding sa bahay namin sa qc. nasa labas kami noon ni poy. sabi ko, si bianca itong nag-text, ang bunsong kapatid ni iding. sabi rin ni ej, nag-text sa kanya si tita colay, ang mama ni iding. nasa araneta cubao na raw sila at papunta nga sa amin. sabi ko, paghintayin sila hanggang 3pm. wag paalisin sina tita colay dahil gusto ko sanang kausapin si colay sa harap ni iding. tinext ko rin si colay na hintayin ako.

maya-maya pa, nag-text si ej na umalis na raw sina colay at bianca. iniwan nila si iding sa bahay namin. galit na galit ako kay colay. tinawagan ko ito. sabi niya, di ba pinapahanap mo si iding, o ayan na. ipa-check up mo si iding dahil hinimatay daw iyan noong isang gabi. nahanap ko iyan sa cavite. sa bahay ng girlfriend niya. sabi ko kay colay, pabalik na ako ng bahay, kakausapin kita sa harap ng anak mo. ayaw bumalik ni colay. nasa ortigas na raw sila. sabi ko ay bumaba siya sa ayala at sumakay ng mrt na pabalik ng qc. pinatayan ako ng cellphone ni colay. sa galit ko ay sabi ko (sa text), wag mong iwan ang anak mo sa bahay ko. hindi na iyan sumusunod sa akin. sumagot si colay na itetext daw niya si iding at pababalikin na lang ito ng las pinas. sabi ko, mas gusto mo pang pabalikin sa katarantaduhan iyang anak mo kesa ang magkausap tayo? hindi na nag-reply si colay. tinawagan ko ito pero patay na ang kanyang cellphone.

pagdating ko sa bahay, wala na si iding. sabi ni ej, sobra daw payat nito. at ang suot ay sandong puti lang. hindi iyon nagdadamit ng ganon lang. lagi iyong maporma. kako, baka nagbenta na ng gamit o nanakawan sa tinutuluyan niya.

noong mothers' day, umuwi kami ng las pinas. ikinuwento ni daddy ed na nag-iba na raw talaga si iding. nahuli niya minsan na nakadistrungka ang isang kahon ng pisonet. si iding ang bantay noon sa mga computer. mula din daw nang umuwi si iding doon, pag naka-cash out sila, halos wala nang laman ang mga kahon. nabubuksan daw kasi iyon ni iding bago pa sila mag-cash out. nalaman din nila na pag lumalabas ng bahay si iding, sa cavite ito nagpupunta. sa isang barangay na malapit na sa dasmarinas. may girlfriend daw doon si iding. sabi pa ni daddy ed, kung wala siyang pera, paano siya makakapunta doon?

hindi ko na malaman kung ano ang gagawin ko. ansama ng loob ko kay colay. siya dapat ang namomroblema sa anak niya. may sarili akong anak na dapat problemahin. magkokolehiyo na si ej, hanggang ngayon ay hindi ko pa ito napaghahandaan financially. pero alam kong hopeless case na rin si colay. wala na talaga siya, hindi na magbabago. para asahan ko pa na mag-alala siya sa kapakanan ng mga anak niya, katangahan na lang iyon.

recently ay nagtext si iding kay ej. pinatatawag ni iding si ej sa cellphone na iyon. pagtawag ni ej, pinakukuha ni iding ang report card niya sa school. gusto na raw ni iding na doon na lang mag-aral sa las pinas. through ej, pinatanong namin ang mga gusto naming malaman tungkol sa kanya.

saan ka nakatira?
sa barkada ko
sino ang magpapaaral sa iyo?
sarili ko. me trabaho na ako
anong trabaho mo?
kung ano-ano. diskarte lang. pero hindi ako nagnanakaw.
kumain ka na ba?
hindi pa (11:00 p.m. na ito)
asan ka?
dito-dito lang (nagsuspetsa kaming nasa qc area siya o iba pang lugar dahil kung nasa las pinas siya, sasabihin niya, las pinas)
anong plano mo?
pupuntahan ko papa ko sa munti, hihingi ako ng pera sa kanya para mapag-aral ko sarili ko.
ayaw mong bumalik dito?
ayoko. daming bawal diyan. 'tsaka baka mapatay ako diyan.

nagkuwento pa si iding na wala na nga raw siyang pera. nabebenta na raw niya ang mga naipundar niyang gamit noong nandito siya sa qc: mga original na shirt at sapatos.

ano na lang ang natira sa iyo?
nasa akin pa ang mga orig kong damit.

after that, nag-usap kami ni poy tungkol kay iding. sabi na lang ni poy, ipagdasal namin ang pamangkin ko. ganon na kami ka-hopeless, kadesperado. naniniwala ako sa dasal pero para sa akin, last resort na iyon. at dahil wala na akong maimungkahi na hakbang para kay iding, i guess, wala na talaga kaming magagawa.

noong isang gabi, nag-text sa akin si sak, ang isa kong kapatid na nakatira sa las pinas, sa bahay ni tisay. nawalan daw siya ng P2000 at si iding ang pinagbibintangan niya. nagulat ako. umuwi pala doon si iding. pero agad din itong pinalayas ni tisay. hindi na nabanggit ni sak kung bakit pinalalayas na naman si iding. pero ang sabi lang ni sak sa akin, pag-akyat niya ng bahay, nakabukas ang bag niya at nakalabas ang lalagyan niya ng pera, wala na ang P2000 sa wallet niya. wala na rin daw si iding na nag-empake ng mga gamit a few minutes ago.

kung talagang si iding nga ang kumuha, ilang araw o linggo lang ba ang itatagal ng P2000? after that, paano na siya? at pag desperate na siya, saan siya babaling? ano na ang mangyayari sa kanya? sa mundong ginagalawan niya ngayon, sino ang mga puwedeng lumapit sa kanya o manggamit sa kanya?

i know all the answers.

i-deny ko man hanggang kamatayan, kapag may nangyari sa pamangkin ko, isa ako sa mga dapat na sisihin.

Monday, May 19, 2014

SECRETS TO HEALTH & LONGEVITY: A Workshop on Traditional Chinese Medicine & Internal Energy Exercise (Qigong)



This workshop introduces and discusses Qigong and Traditional Chinese Medicine (TCM) and is designed for anyone who prefers a low impact workout and who is interested in self-healing and reaching better health conditions. It is also designed for those who want to gain a basic understanding of TCM.


About the resource persons:

QIGONG OR INTERNAL ENERGY EXERCISE
Master Zhou Baofa is currently an Instructor of Qigong, Tai Chi, and Calligraphy at the Confucius Institute (Philippines), Master Zhou has extensive experience teaching the Chinese Internal Energy Exercises from around Shanghai, China. He specializes in teaching Health and Wellness seminars based on the Traditional Chinese Medicine’s perspective.


Health and Wellness Talk: TRADITIONAL CHINESE MEDICINE
Trained by a certified Chinese Medicine Physician in the Philippines, Mr. Robert Ma Yee is a practicing Acupuncturist with a clinic at Networld Hotel, SM Kenko Spa & Wellness Center. His unique background in Chinese Medicine enables him to share the intricacies of TCM’s perspective on health to the layperson and to those without any theoretical background of Chinese Medicine.


DATE & TIME: June 7, 2014, Saturday, 1 pm to 5 pm
VENUE: Ananda Marga, 46 Maamo St., Sikatuna Village, Quezon City
Workshop Fee: PhP 1,000. Limited slots only. To ensure that you have a slot, kindly reserve on or before May 31, 2014.

For inquiries and reservations, please contact
Irene Chia
Landline: (+63 2) 436 1860
Mobile: +63 917 845 6856
E-mail: peace.blossoms.society@gmail.com


Sunday, May 18, 2014

ang mga magulang ngayon

kahapon ay nag-guest speaker ako sa isang church sa cavite. dati kong estudyante ang head ng youth sector ng church na iyon, si nowie pahanel.

ang topic ko, family members: duties and responsibilities.

noong una, tinanggihan ko nang todo si nowie. ano naman ang sasabihin ko sa paksang 'yan? produkto nga ako ng broken home. kaso talagang nagsabi si nowie na feeling niya bagay daw sa akin ang paksa. e mapaniwalain ako. go kako. sige na nga.

so ayun natuloy nga ang talk ko sa church nila.

karamihan sa miyembro ng audience that day ay nasa early teens. pero may mga bata rin, hanggang 9 years old, at meron ding lampas-lampasan na sa teen years nila, like 22-24 years old.

nag-umpisa ang aking talk sa pagkakaiba ng magulang sa anak. aba, kahit sa iisang tahanan naninirahan ang mga yan, marami silang pagkakaiba sa isa't isa.

halimbawa:

1. pagkakaiba sa kultura
2. pagkakaiba sa wika
3. pagkakaiba ng milyu

kako, kapag na-realize natin na may pagkakaiba pala ang ating kultura, wika at milyu sa kultura, wika at milyu ng ating magulang, mas lalawak ang ating pag-unawa natin sa gusto nilang sabihin, sa kanilang gawi at iba pa. less away, less sigawan, less trouble sa pamilya.

pinaalala ko rin sila na ang pamilya ay laging binubuo ng higit sa isa. minimum dalawa. so ibig sabihin, kailangan laging iisipin na may ibang tao na kailangang kausapin, kailangang alagaan at kailangang mahalin para mag-work ang isang family. in short, always think that you are partners or a part of a team.

iyon kasi palagay ko ang di nare-realize ng ibang bata. na ang pamilya, para mag work kailangan present ang team spirit. at kapag may isang barubal sa loob ng isang pamilya, humihina ang team spirit nito. the other team members should work harder para mapanatiling nagwo-work ang buong pamilya.

sunod kong tinalakay ang sphere of influence. ipinakita ko na ang tanging nakokontrol nila sa buhay nila ay ang kanilang mga sarili. hindi nila maaaring makontrol ang kanilang magulang o kapatid, maaari lamang nilang maimpluwensiyahan ito. lalong hindi nila maaaring makontrol ang hindi nila kakilala, ni hindi nila ito maiimpluwensiyahan ang mga ito.

so huwag nang mag-ubos ng energy sa mga tao o bagay na iyan. focus na lang sa sarili.

naniniwala ako na kapag na-realize ng mga bata ang power nila over themselves, their thoughts, words and action, mas magiging careful sila sa kanilang mga iniisip, sinasabi at ginagawa. at mare-realize din nila ang kanilang limitasyon. na wala naman talaga silang magagawa para mabago ang ibang tao. might as well, sila mismo ang gumawa ng paraan para matanggap ang mga bagay na hindi nila mababago at ang mga bagay na hindi rin nila maiimpluwensiyahan.

all through out the talk, ibinigay kong halimbawa ang attitude ko sa aking pamilya. ikinuwento ko kung gaano kami ka-imperfect. siguro akala nila, ang ganda at ang ayos ng pamilya ko kaya ako naimbitahang magsalita roon.

naku! aliw na aliw sila nang sabihin kong sugarol ang nanay ko at ang tatay ko ay mabisyong babaero. na nagkahiwalay sila noong bata pa ako. na pinagpasa-pasahan kaming magkakapatid. na lumaki kami nang hindi magkakasama-sama. i always feel broken. ganon talaga.

pero ikinuwento ko rin na hindi naging sagka ang aming sitwasyong pampamilya para ipursue ko ang mga bagay na gusto ko at pinaniniwalaan ko. kasi sabi ko, tanging ang sarili kong buhay ang makokontrol ko. so bat ko pa ito pababayaan?

tinalakay ko rin, bago ako magtapos, ang mga katangian ng isang pamilyang pilipino. what sets us apart? why are we like this? and what makes us so lovable as a family?

kasama sa subtopic na ito ang katangian ng panganay na anak, ng middle child, bunso at ng mga only child, katangian ng mga pilipinong nanay, pilipinong tatay, mga auntie, uncle, lolo at lola.

tinanong-tanong ko rin ang participants, kumusta ba ang kuya mo? kumusta ba ang bunso ninyo? bunso ka? hindi ba lagi kang pinag-iinitan ng ate mo? ng kuya mo? ang gaganda ng kanilang mga sagot. laging pa-negative! hahaha makulit po, pasaway po, palautos po, bossy po.

bago magtapos ang session, pinag-isip ko sila ng goal. ano ang gusto ninyong ma-achieve next year? puwedeng ito ay may kinalaman sa inyong pamilya, at puwede ring pansarili muna.

pagkatapos inilabas na ni nowie at ng iba pang assistant ng youth sector ang mga t-shirt at pang-decorate na gamit. ido-drowing ng mga participant ang lahat ng kanilang sagot sa mga t-shirt nila. ido drowing nila ang kanilang mga pangarap.

halos isang oras ang itinagal ng pagdo-drowing. pinatuyo pa kasi nila ang mga t-shirt. ang gaganda naman ng resulta! (will post photos soon!)

tapos nananghalian na ang lahat. (free! c/o the church!) ang sarap ng giniling. best giniling ever!

pagkatapos ng sumptuous lunch, balik seminar kami. ipinakita ko naman sa mga participant ang iba't ibang challenges na kinakaharap ng mga pamilya ngayon. halimbawa, solo parent household, bullying, dysfunctional parents, black sheep sa pamilya, etc.

nagtapos ako sa suggestions on how to strengthen family ties. like eating together, building memories, pasyal pasyal na hndi mahal (yes,posible yan. pooritang turista kasi ako hahaha)

nag-iwan din ako ng tatlong letra that stand for the most important things for a family:

RTC=

Respect
Tolerance
Constant communication

yown. tapos bigla, may seremonyas ng pagpapasalamat sa akin. OMG. ang arte ni nowie! binigyan nila ako ng bouquet!!! at gift na nakalagay sa cute na baul (gawa sa papermache): shirt, waxed paper na hugis coin purse at iba pa.

(thank you nowie and the gang!)

sayang at nauna na akong umalis. hindi ko na natapos ang iba pa nilang activity kasi kailangan kong habulin ang PRPB sa maynila.

kanina, nagtext sa akin si nowie. sabi niya:

haha mam nakakatawa. pinagawa ko po yung sinabi mo na tatlong bagay na ayaw ninyo sa magulang at tatlong bagay na gusto ninyo sa inyong mga magulang...tapos mam ikinuwento ko sa elders ang mga sagot ng bata. Tapos sabi ng elder, "aba kailangan magpaseminar sa magulang." Pano mam, ang sagot ng mga bata, lagi raw lasing ang mga tatay nila at ratatat ang mga nanay.

hahaha! iba na ang kabataan ngayon. kasi iba na rin ang magulang ngayon.

ganon talaga!









Sunday, May 11, 2014

Done!

eto ang regalo ko sa sarili ko para sa araw na ito wehehe

idedeliver ko na mamya ang pinakahuling proofs ng raining mens sa anvil.

juscolored. ang huling note ng editor ay agosto pa ang petsa. agosto 2013. talaga namang napaka-challenging ng pagbubuo sa manuscript na ito.

sa part ko tapos na.

heto na lang ang kulang:

2 studies ng cover mula kay poy
adjustment ng isang font sa isang akda
blurb ni mam elyrah
table of content (shemps gusto namin happy uli ang table of content)

harinawang lumabas ang aklat na ito ngayong 2014.

happy labor day sa lahat ng nanay!!! mabuhay ang uring manggagawa!

thoughts on a mothers' day

hay. antagal ko ring hindi naka-blog. nalulukring na ako sa mga ginagawa ko sa buhay.

Fail. me. in the past few weeks. and months.

walang pag-usad ang thesis ko. pino-postpone ko nang pino-postpone ang pagharap dito. lagi kong katwiran sa sarili, ay, marami pa akong backlog, iyon muna ang uunahin ko.

pero gusto ko nang bumalik sa sibilisasyon! gusto ko nang tumanggap ng trabaho, ng writing gig, ng pagsasalin, ng tanghalian kasama ang mga kaibigan, ng lakwatsa, at ng marami pang iba. gusto ko naaaa. gusto ko na ng normal na buhaaaay.

at netong huli, nang matanto kong wala pala akong makakapitan na institusyon samantalang tumatanda na ako, naisip kong parang kailangan ko na ring maghanap at tumanggap ng permanenteng trabaho.

lahat halos ng kaibigan ko, settled na sa mga institusyong pinaglilingkuran nila. si jing, permanent na sa kwf. si rita, sa bar, fossil na nga siya doon. si haids, permanent writer na sa up. si mam cora at wennie, permanent na teachers na sa ust. sina vlad at anna, permanent na sa up. si adam, may sariling bltx. si beng, 10 years na sa ateneo high school. si badong, isang dekada nang guro sa Miriam high school. si sir tolits, alamat na sa MSU marawi. si boss Alvin, permanent na sa filcols, at papatatag na nang patatag ang filcols.

mahirap kasi para sa akin iyon, iyong papasok araw-araw sa iisang opisina o sa iisang paaralan. bibiyahe araw-araw papunta sa iisang lugar. at makakasalamuha araw-araw ang pare-parehong tao. mahirap para sa akin iyon. well, hanggang ngayon kasi, wala pa rin akong sense of permanence. kaya para akong kitikiti. kung saan-saan napupunta. isang padyak, kaliwa. isang padyak, sulong. isang padyak, patimog. ewan ko ba.

iniisip ko tuloy, parang nanghihinayang ako ngayon na natanggal ako sa unibersidad na pinaglingkuran ko dati dahil sa MA ko. ang ganda na ngayon ng kalagayan ng mga Filipino teacher doon, very academic na ang kanilang tunguhin. at palagay ko ay makakasundo ko ang karamihan sa mga Filipino teacher doon ngayon dahil halos lahat naman ay kakilala at kaibigan din. mga bata. higit sa lahat, ang LAKI ng suweldo. at balita ko ay tataasan pa ang suweldo nila in the next few years.

e, kailangan ko ng pera.

hindi na uubra ang pa-freelance-freelance ko at ni poy. oo't nakakaalpas kami sa araw-araw. pero wala nang nangyari sa savings ko. at ngayong me asawa na ako, namin. wala pa kaming savings. (oa ba? hahaha e kalahating taon pa lang akong may asawa.) (pero kasi, dati, magaling akong mag-ipon! hehe kahit paano may nasusubi ako sa pagtatapos ng bawat taon!)

isa pa, magkokolehiyo na kasi si ej next year. what if makapasa siya sa up? hindi na mura ngayon ang up. 20-25k na per sem. saan ko na kukunin ang pantuition niya? (meron nga pala akong prudential educational plan na na fully paid ko noong 5 years old pa lang si ej, pero my gas, hindi ba nagsara na ang prudential?) ok lang kung di siya makapasa sa up, kasi di hamak na mas mura na ang iba pang state u (assuming na makapasa siya sa iba pang state u). kumbaga, makakayanan na ng bulsa namin ang tuition nya pag sa ibang state u siya pumasa.

isa pa (uli), gusto na talaga naming mag-baby. saan kami kukuha ng panggastos sa panganganak ko? sabi ko kay poy, ok naman ako sa public hospital. sabi nya, wag naman. pag-iipunan na lang natin iyan. sabi ko, e sakaling dumating ang time na wala talaga tayong pera at manganganak na ako, kesa naman magkautang tayo, sa public hospital na lang ako. hindi umimik si poy.

san kami kukuha ng pambili ng pampers? keri na yung gatas kasi mukhang sagana ako sa gatas (wala sa laki ng boobs yan, I swear).

iniisip ko rin ang aking pagsusulat. kaya ko pa rin bang pagsabayin ang pagsusulat at ang karir na pagtuturo?

siguro naman. doon ko kaya natapos ang its a mens world?!

hay. andaming dapat isaalang-alang.

eto pa pala, parang ayoko nang maging empleyado. at si poy, interesado ring magnegosyo. sabi ko nga, karerin na lang namin ang balangay. sa ngayon kasi, parang past time pa lang namin ito. (past time pa sa lagay na iyan, nanalo ng best poetry anthology sa Filipino readers choice award ang ebook na Lita: Poems for Women na produkto ng balangay books last year). pero may potential kasi ang balangay. lalo na at napakabilis ng pag-evolve ng teknolohiya kahit sa book publishing industry ngayon.

ano nga ba ang gusto kong sabihin?

nagpa-panic na ako dahil I still don't know what to do because of the things that I really want to do.

gusto kong magsulat na lang nang magsulat. at magpublish nang magpublish at magworkshop nang magworkshop. sa buong pilipinas! ang problema, hindi ka naman iimbitahan sa mga workshop para magpanel kung hindi ka nakadikit sa isang educational institution. hahaha para ngang naisip ko, eto ang mafia. mafia ng writers na mula sa akademya.

gusto ko pa naman iyong ganon, iyong magta-talk ako sa mga school. sa mga estudyante. though not exclusively sa mga estudyante. gusto ko ring magturo ng pagsusulat sa lahat ng uri ng tao

pero seriously, if this is what I want to do (write, publish, workshop, lecture about writing, publishing and copyright) does that mean I have to teach and work as a teacher as well? or be part of and work for an institution?

hay.

I have to make up my mind! tumatanda na ako :(

Saturday, May 10, 2014

Copyright at Manunulat na Filipino Part 2

ni Beverly Siy

Para sa kolum na Kapikulpi ng pahayagang Perlas ng Silangan Balita

Noong Marso 3, 2014 ay natuloy nga ang Publishing Realities Writers Must Know, ang unang sesyon ng Limbag Kapihan na inorganisa ng National Book Development Board (NBDB). Ang Limbag Kapihan ay isang serye ng mga pagpupulong para sa book publishing industry players ng ating bansa. Ang unang sesyon na iniaalay sa mga manunulat na Filipino ay ginanap sa tanggapan ng NBDB sa Unit 2401, Prestige Tower, F. Ortigas Jr. Road (formerly Emerald Ave.), Ortigas Center, Pasig City.

Ang isa sa mga layunin ng pulong ay maitampok ang mahahalagang usapin na may kinalaman sa paglikha ng isang akda upang matulungan ang manunulat na Filipino na mamulat sa kanyang mga karapatan at sa kanyang papel sa industriya ng paglilimbag. Layunin din nito ang makatulong upang maihanda ang manunulat na Filipino para sa ASEAN Integration na magaganap sa 2015. Sa ASEAN Integration kasi ay inaasahang dadagsa ang offer ng publishers mula sa mga bansang kasapi sa ASEAN para mailathala ang mga gawa ng mga manunulat sa Pilipinas.

Kaya kailangan talaga, ma-equip at maarmasan ang mga manunulat na Filipino ng tamang kaalaman tungkol sa publishing industry para hindi siya malugi o maloko sa pakikipagtransaksiyon sa mga foreign publisher, kung saka-sakali.

Sa kasawiampalad ay hindi ako nakapunta sa Limbag Kapihan. Ang nakapunta ay ang asawa ko, na manunulat din (at columnist ng Kapikulpi!) na si Ronald Verzo. Sabi niya, bagama’t maganda ang layunin ng pulong, hindi ito naging produktibo para sa audience na binubuo ng mga manunulat na freelancer at iyong mula sa iba’t ibang publikasyon.

Nagkaroon lamang ng serye ng talks buong maghapon. Ang una ay ang Executive Director ng NBDB na si Graciela Cayton na tumalakay sa publishing industry supply chain. Ang sumunod ay si Atty. Louie Calvario na naglahad ng basics sa copyright at iba pang kaugnay na intellectual property rights. Nagsalita rin si Lirio Sandoval, ang presidente ng Book Development Association of the Philippines (BDAP) tungkol sa distribution. Ang literary writer at editor na si Angelo Lacuesta naman ay nagkuwento tungkol sa karanasan niya sa pagiging editor. Sina Isagani Cruz at Ricky Lee, mga batikang manunulat, ay nagbahagi ng kanilang writing process. Nagbigay din ng impormasyon tungkol sa pagiging literary agent ang manunulat at abogadang si Andrea Pasion-Flores. Ang huli ay ang blogger at book club organizer na si Honeylein de Peralta. Ibinahagi niya ang resulta ng kanyang munting study tungkol sa mga mambabasang Filipino.

Ayon kay Verzo, napakarami pa raw na usapin ang hindi nahimay nang husto. Sana raw ay idinaan na lang sa talakayan o kaya ay sa Q and A session ang buong pulong para na-address ang mga kinakaharap na isyu ng mga manunulat na mismong naroon. Halimbawa nito ay:

Paano ang copyright ng mga akda sa isang antolohiya?
Bakit hindi nababayaran ang mga contributor ng isang antolohiya? Iyong editor ba ay binabayaran ng publisher?
May “say” ba ang manunulat sa pagpepresyo ng kanyang aklat?
Puwede bang maging literary agent ang isang publisher?
Kung nais niyang makipagtransaksiyon sa publisher mula sa Singapore, kailangan bang magpaalam muna ng manunulat sa kanyang publisher sa Pilipinas?
Dapat nga bang problemahin ng manunulat ang distribution system ng kanyang akda?
Magandang option ba ang indie publishing?

Batay sa pagkakakuwento sa akin ng proceedings, ang naiparating ng Limbag Kapihan na ito sa manunulat na Filipino ay: unawain ang buong industriya, unawain ang sistema at proseso ng paglikha ng aklat lalong lalo na ang pagpaparating ng aklat sa mambabasa.

Para sa akin, hindi maganda ang perspektibong ito. Matagal nang nagtitiis ang mga manunulat sa mga publishing industry practice na hindi makatarungan. Dapat ito ang in-address ng pulong nang sa gayon ay matutukoy ito ng mga manunulat kapag foreign publishers na ang kanilang kausap. Kapag alam ng manunulat ang mga hakbang na dapat niyang gawin sa pakikipagnegosasyon o pakikipagtransaksiyon, kung alam niya kung paanong itatama ang mali na nakasaad sa isang kontrata, madadagdagan ang kanyang kumpiyansa sa sarili para ipaglaban ang kanyang karapatan at igiit ang isang patas at higit na kapaki-pakinabang na kasunduan para sa kanya at sa kabilang partido.

Dapat din ay ipinasok sa bawat paksa ng Limbag Kapihan ang mga posibleng scenario na idudulot ng ASEAN Integration. Halimbawa, para sa copyright session, sana ay tinalakay nang husto ang copyright ng mga salin, adaptation, paghahalaw at iba pang akda na “based on…” at “inspired by…” Paano kung in-edit nang husto ng isang foreign publisher ang salin ng isang copyrighted na akdang Filipino, kanino ang copyright ng salin? Sa foreign publisher ba na nagsagawa ng heavy editing o sa gumawa ng pagsasalin? Halimbawa uli, para naman sa distribution, sana ay tinalakay nang husto ang distribution ng electronic book, dahil malamang, ang foreign publisher na lalapit sa mga manunulat na Filipino ay hindi lamang printed book ang produkto. Tiyak na gumagawa rin sila ng e-books. At di hamak na madali itong i-distribute sa pamamagitan ng internet dahil halos wala itong cost. Kung ganon, may geographical boundary pa ba ang naturang publisher/distributor? Ibig bang sabihin nito ay hindi na basta-basta makakapirma ng ibang kontrata ang manunulat na Filipino sa iba pang e-book publisher at distributor?

Hay. Mauubos ang pahina ng ating pahayagan kapag inisa-isa ko pa ang mga dapat na pag-usapan.

Nananalig ako na ang Limbag Kapihan ay una lamang sa napakarami at mahahabang serye ng pagpupulong at pakikipagtalakayan para sa manunulat na Filipino. Kailangang kailangan natin ito. Higit lalo ngayon. Dahil tayo ay isang bansang namumutiktik sa talino sa paggawa ng malikhaing mga akda.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

Wednesday, May 7, 2014

Mula sa mambabasang si Jan Denmark Avila

Hi Ms. Beverly! Alam nyo po yung It's A Mens World? Syempre naman, isa yun sa mga nobelang kumiliti sa aking damdamin at kili-kili. Gusto ko lang sabihin na isa po ako sa mga taong na-inspire sa nobela n'yo dahil maaring may katatawanan ito, subalit, madarama mo rin ang malalim na pinanghugutan nito. At dahil d'on, napagdesisyunan kong palitan ang password ng aking FB account nang aking minamahal na nobela, ngunit sa kasamaang palad... hindi ko na ito muling nabuksan Though, you're still my idol.

-Rumerespeto't nagmamahal,
Jan Denmark Avila, 2014

Thank you, Jan Denmark!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...