Thursday, January 3, 2013

Pop Lit at iba pa

Dear Rom Ms. Beb,

You don’t have to worry about your mentors’ opinions. Just answer it to the best that your honest heart and mind can.

1) What is pop lit? Describe it comprehensively.

Ang pop lit ay pinaikling popular literature. Ito ‘yong panitikan o mga akdang tinatangkilik ng mas nakararami. At dito sa bansa natin, ang nakakarami ay ang masa, ang maralita o ang mga karaniwang tao. Kadalasan, ang paksa nito ay ang buhay ng karaniwang tao, karanasan nila at mga aspiration nila sa buhay. Mabilis basahin ang pop lit dahil ito ay isinulat sa magaan na paraan at wikang alam na alam ng karaniwang tao. Bihirang gumamit ng mga metapora ang pop lit. Kung gagamit man ito ng metapora ay ipaliliwanag din sa loob ng akda para di masyadong mag-isip nang matagal o malalim ang mambabasa. Ang pop lit din ay gumagamit ng mga pampanitikang anyo na tested nang patok sa masa. Hindi ito mahilig mag-experiment. Kumbaga, may formula na at ‘yon ang laging ginagamit ng mga sumusulat ng pop lit. Napapalooban din ang mga akda ng mga popular na icon sa lipunan para madaling maka-relate ang mambabasa.

2) Tell something about its history and background. Relate it to the Philippine literature.

Napakahirap ng tanong. Pang –research na ito. Mas maganda kung mag-research ka sa library at pandagdag na lang itong sagot ko.

Suwerte ka dahil natalakay ito last meeting sa klase namin sa masters under Prof. Vladimeir Gonzales. Noong unang panahon, ang panitikan (o ang sining) at ang buhay ng tao ay sabay na nangyayari. Walang espesyal na okasyon para sa panitikan o sining. Nakapaloob ang sining sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Halimbawa ang mga tula, sa anyo ng bugtong, ay pampalipas-oras. Kahit sino, puwedeng bumigkas o sumulat ng bugtong. Ang mga kuwento tungkol sa diyos o mga mito ay isinasalaysay sa mga community gathering o sa gabi na walang magawa ang mga tao. Makikinig lang sila sa community poet na magsasalaysay ng mga kuwentong ito sa paraan na patula (para mas madaling maikintal sa memory dahil may tugma, ang mga tugma ay mnemonic device, isang paraan para madaling maalala ang mga salita). Walang nagmamay-ari sa mga panitikang ito kundi ang buong community (in other words, walang bayad). Para sa lahat. Lahat ng panitikan na ‘yan, nakapaloob sa buhay ng mga karaniwang tao.
Pagdating ng mga mananakop, ang Kastila, biglang nagkaroon ng espesyal na pagtatangi sa panitikan, sa sining. Biglang nagkaroon na ownership sa mga akda. Dala ng mga Kastila ang printing press, pati ang konsepto ng pagkakaroon ng iisang author para sa akda. Dahil may printing press, nagkaroon ng gastos ang pag-produce ng mga akda. Dahil may gastos, nagkaroon ng bayad.

Nagkaroon din ng espesyal na espasyo para sa mga dula o performances. E, dati, ang mga performances ay isinasagawa for all to see. Puwedeng sa may bakuran, puwedeng sa gitna ng daanan. At libre ang manood at makisaya, para sa lahat. Kapag may hihingiin ang mga tao sa mga bathala, nagpe-perform sila. Nagsasayaw sila habang nag-aalay ng baboy o ng pagkain. Kapag may ikinakasal, nagpe-perform sila. Kapag nagbabayo sila ng palay, kumakanta at nagsasagutan nang patula ang mga nagbabayo (para magkaroon ng rhythm ang pagbabayo nila ng palay, para di sila sabay-sabay sa pagbabayo, salit-salitan baga). Performances din ang mga ito.

Pagdating ng Kastila, nagtakda ng espasyo para sa mga performance ang dayuhan. Naglagay sila ng stage para sa performances. Inihiwalay ang stage sa audience. Nagkaroon ng takdang set of performers, hindi lang basta ‘yong member ng community (unlike dati, members ng community ang mga performer, kumbaga sila-sila rin). Ngayon, iba na. Hindi basta-basta ang performers. Tapos nagkaroon na ng bayad ang bawat performance. Kung gusto mong manood, magbayad ka.

Dahil dito, nahati ang sining. Nagkaroon ng “espesyal na sining” at “karaniwang sining.” Yung espesyal, kadalasan ay ‘yong may gastos sa produksiyon, kaya may bayad (nakalimbag, nasa entablado, etc.). ‘Yong karaniwan, ‘yon namang walang bayad at gawa ng community (oral literature, ritual performances, etc.). Nagkaroon ng high art at popular art. Lumawak nang lumawak ang difference ng dalawa. Pati sa lugar. Nanatili sa akademya ang high art na ito. at nanatili naman sa labas ng akademya ang popular art. Nagkaroon ng high art at pangmasang art. Nagkaroon ng sosyal na art at “bakya” na art. Mula sa mga “bakya” na art na ito, isinilang ang popular literature. Nakalimutan ko kung ano ang tawag sa kabaliktaran ng popular literature pero ito ‘yong mga literature o akda o mga aklat na mas mahal kumpara sa ibang aklat. Mas mahirap intindihin. Mas kakaunti ang number of akda na inilimbag (dahil konti ang demand sa market). Kadalasang inaaral sa eskuwela at hindi binabasa ng masa.

Kadalasang gumagamit ng espesyal na wika, wikang mas mahirap intindihin, gumagamit ng mga icon na hindi sikat at kelangan pa ng matinding research para makilala ang mga icon na ito. Kadalasan din, lalo na sa Pilipinas, sila ‘yong mga may award kasi “very artistic” ang pagkakagawa sa kanila. At kadalasan din, very experimental ang mga akdang ganito. Experimental in the sense na nagde-deviate sila doon sa formulang nakagisnan sa popular literature.

3) How can we say that a literary work is considered as a pop lit? Cite examples.

Nasagot ko na sa question number two.

4) Is pop lit an advantage to our culture?

Yes. Kasi ito ang tunay na daluyan ng ating isip at damdamin. Ang pop lit, kapag pinag-aralan nang maigi, makikitang mas sumasalamin ito sa kultura natin. Kaya nga siya gusto ng maraming tao kasi mas nakaka-relate sila rito. At kapag naipapakita mo sa mga tao ang sarili nilang kultura, mas napa-process nila ito, nakakapag-reflect sila. Nalalaman nila kung maganda ba ito o pangit o nakakapagdagdag ba sa progress nila bilang tao. ‘Yon naman ang isa sa mga layunin ng akda, ang mapag-reflect niya ang audience.

Isa pa, napapalaganap nito ang culture. For example, ang koreanovelas. Nakakatulong ang mga koreanovela para ma-dominate ng Korea ang mundo sa ngayon. Patok na patok ang kanilang kultura sa lahat ng sulok ng mundo, patok ang kanilang pagkain, ang kanilang wika, ang fashion, ang hairstyle, dahil sa mga koreanovela nila. And to think, ang koreanovela ay popular culture sa Korea, ha? At ang script ng mga koreanovela ay kabilang sa pop lit. Kung magagawa natin ito sa sarili nating mga telenobela, hindi ba’t napakalaki ng potensiyal natin, at ng ating kultura?

Imadyinin mo kung biglang sumikat ang adobo o kaya ang sinigang na kasingsikat ng jamppong? At si Bayani Agbayani magiging kasingsikat ng kumanta ng Gangnam Style?

5) Why or why not? How so or how not so?

Naipaliwanag ko na sa number 4.

6) If you will become a writer, on what part and field of literature will you be at? Convince us.

Naniniwala ako na ako ay nasa gitna ng pop lit at ng “lit.” Alam ko ang elements ng pop lit at ginagamit ko ito para sa mga isinusulat ko. Every time I write, I always inject something new. It could be a form, it could be a theme, a thought, o style o language. Okey lang sa akin ma-brand na pop lit. Walang problema. Diyan ako nag-umpisa at ito ang bumuhay nang matagal sa akin at kay EJ. Ang akin lang, basta’t may naio-offer akong bago sa mambabasa, masaya na ako. ‘Yon ang mas importante sa akin. Kasi ang pag-o-offer ng bago ay katangian ng “lit” o ng “high art”.

Pinagsasabay ko ang dalawa kasi naniniwala ako na mas makakapang-impluwensiya ako sa ganitong paraan.

7) Story tell the process of producing a book.

May makikita kang ganito sa internet. Paki-Google ang ibang detalye.

Iba-iba ang proseso ng pag-produce ng book. Puwedeng magsimula ang idea sa publisher, puwede rin namang sa author. Kapag sa publisher…

a. Kokontakin ng publisher ang natipuhan niyang writer para sumulat ng aklat.

b. Mag-uusap sila. Kung okay ang resulta ng usapan, magse-set sila ng deadline. Magkakapirmahan ng contract. Puwedeng may downpayment for author kasi kakain ito ng oras niya at wala siyang pambayad ng pagkain niya, upa sa bahay, kuryente, pamasahe at iba pa kung walang ibabayad sa kanya. Puhunan na ang kanyang effort, ‘wag naman sana ang pera.

c. Follow up-follow up si publisher kay writer.

d. Si writer, research, research, tapos writing time tapos revision, ina-update niya si publisher everytime. Nagko-consult din siya kay publisher everytime.

e. Tapos isa-submit ni writer kay publisher ang manuscript.

f. Ipapa-edit, copy edit at proofread ng publisher ang libro. Hahanap siya ng lay out artist at cover book designer.

g. Ipapa-ISBN ni publisher ang book kahit nasa anyo pa lang ito ng manuscript.

h. Kung may mga dapat pang baguhin sa manuskrito, babaguhin na ito ni writer.

i. Final version of manuscript submitted. Dapat nagkakabayaran na rito si writer at si publisher. Full payment. Or advance royalty.

j. Printing na ng aklat.
k. Kung ila-launch, bahala na si publisher. Tapos ima-market na ang aklat.

Puwedeng advance ang marketing ng aklat, para ready na ang market pagdating ng aklat. Depende na ito sa diskarte ng publisher.

Puwede ring magsimula ang idea sa writer o author. Kapag sa writer o author…

a. Si writer, research, research.

b. Tapos writing time. Madugo.

c. Tapos revision. Mas madugo.

d. Tapos hahanap si writer ng publisher na tatanggap ng kanyang manuscript. Submit siya ng cover letter, query letter, etc etc. Google-google, ganyan.

e. Pag may nag-positive response, aalamin niya ang payment scheme, ang publishing contract at iba pang fine print. Pag maraming nag-positive response, pipili siya ng isa at kokontakin ang natipuhan niyang publisher.

f. Imi-meet niya ang publisher. Question and answer portion ito para sa dalawang entity: ang manggagawa at ang may puhunan.

g. Kapag ayos na sa dalawang partido ang mga napag-usapan, magkakapirmahan ng
contract.

h. Isa-submit ni writer kay publisher ang buong manuscript. Puwedeng may downpayment for writer/author kasi kumain ng oras niya ang pag-research, pagsusulat at pagre-revise so by this time, wala na siyang pambayad ng pagkain niya, upa sa bahay, kuryente, pamasahe at iba pa. Puhunan na ang kanyang effort at talino, oras at pera, dapat lang na ma-nourish siyang muli. Makakatulong ang downpayment.

i. Follow up-follow up si writer kay publisher kung nasaan na ang manuscript, kumbaga, nile-lay out na ba? Pino-proofread pa lang? O ano.

j. Ipapa-edit, copy edit at proofread ng publisher ang libro. Hahanap siya ng lay out artist at cover book designer. Ipapa-ISBN din ni publisher ang aklat (na nasa manuscript form pa lang by this time).

k. Kung may mga dapat pang baguhin, babaguhin na ni writer.

l. Final version of manuscript submitted. Dapat nagkakabayaran na rito si writer at publisher. Full payment. Or advance royalty (mas favorable ito for the writers).

m. Printing na ng aklat.

n. Kung ila-launch, bahala na si publisher. Tapos ima-market na ang aklat.

Puwedeng advance ang marketing ng aklat. Depende na sa diskarte ng publisher.

8) Which book is more important to a child’s development: books from the academe or books from the “creative minds”?

From creative minds din naman ang books from academe!

Ang sagot ko sa tanong mo ay pareho. Dapat nino-nourish ang bata ng books mula sa academe at sa “creative minds.” Kapag mas malawak ang exposure ng isang bata, mas marami siyang matututuhan. Mas exposed siya sa mas maraming kultura, mas malayo ang mararating niya. Mas magiging malawak ang pang-unawa niya.

Eto mga follow-up Qs namin. Labas na ‘to sa skul hahaha. Wala, gusto lang kasi naming may mas malaman. Lalo na sa’yo.

1) Ano’ng klase ng panitikan ang dominante sa kasalukuyan? Bakit at papano?

Pop lit, definitely. Dahil mas marami ang tumatangkilik dito. ‘Wag natin kalimutan na ang mga aklat ay isang commercial product pa rin. At dahil commercial product, may involved na sales. At kapag mabenta, siya ‘yong dominant. Kasi mas kilala siya ng mga tao, mas marami siyang naiimpluwensiyahang tao, etc. etc.

2) Kung mas lumalago ang pera at produksyon ng pop lit, malaki rin ba ang tsansang mawawalan ng producers / publishers for other classifications ng literature especially yung mga maformal?

Hindi. Hindi puwedeng mawalan ng publisher at producer ang “other classification ng literature.” Kasi laging may need for that. Ang academe for one. Lagi silang nangangailangan ng “other classification ng literature” yung tinatawag mong maformal. At kadalasan dahil wala ngang makitang “other classification ng literature” sa usual market ang academe, sila na mismo ang nagpo-produce ng mga kailangan nila. Sino ang mga producer na ito? Ang mga university at academic publishing house.

Isa ‘yan sa kanilang mga layunin, ang mag-publish ng mga akdang nabanggit mo. Kaya never mawawalan ng producer/publisher ang mga book na ganyan. Siguro mag-iiba sila ng form, like magiging mas pangmasa tingnan ang physical na book, mas manipis ang papel (kamukha ng papel ng romance pocketbooks) or mas simple ang packaging, pang-student edition (gaya ng ginawa ng UP Press sa kanilang mga classic na aklat, me student edition, simpleng-simple ang cover ng mga ito) or puwede rin nilang gawing ebook ang mga aklat nila dahil mas mura ang production ng ebook, ico-convert lang ang final manuscript sa PDF file tapos puwede nang ibenta online.

See, maaaring magkaroon ng mga pagbabago pero hindi mawawala ang sinasabi mong aklat at mga producer ng ganyang aklat.

3) May tendency ba talaga na mangyari yun o nangyari na?

Wala. Dahil hangga’t may need, may magpo-produce.

4) Kung ganito kaganado at kadali ang pagpoproduce sa popular literature, e di pabor pala “sila” sa Taglish / bilingualism na umiiral?

‘Yong tinatawag mong Taglish, most probably, ‘yan ‘yung wikang Filipino, ‘yan ang pangalan ng pambansang wika natin ngayon. Ang wikang Filipino ay nahahaluan na ng mga banyagang salita tulad ng computer, virus, emergency room at napakarami pang iba. Nakapaloob na ang mga salitang ‘yan sa wikang Filipino, sa wika natin. Hindi na tulad noon na exclusive o may pagkapurista ang ating wika, ang Pilipino. Ibang-iba na ang wikang Filipino. Modern na, bukas sa impluwensiya mula sa iba’t ibang kultura. Tulad ng maraming wika sa buong mundo. Dahil sa ganitong paraan nag-e-evolve ang buhay na wika.

Hindi lang naman English (mula sa term mong Taglish) ang nakahalo sa wikang Filipino. Napakaraming term diyan ang mula sa iba’t ibang wika sa Pilipinas, halimbawa: inday, palangga, mingaw (mga bisayang termino), manong, manang (mga ilokanong termino) at iba pa. Ano ang tawag n’yo diyan kung ipipilit n’yong Taglish pa rin ang wikang gamit ngayon? Tag plus languages all over the Philippines? Tagplangoldaphil?

E, pa’no naman ‘yong mga salita mula sa ibang bansa na nakapasok na pang-araw-araw nating pagsasalita? ‘Yon nga ‘yong jamppong na pinagkakaguluhan sa grocery, laging out of stock. ‘Yong Gangnam style (na I’m sure ay pinatugtog, sinayaw at kinanta ng lahat ng pamilyang Filipino noong kainitan ng Christmas season)? Gangnam is not an English word, ha? E, ‘yong rendezvous? Di ba French ‘yan? Pati origami, di ba Japanese ‘yan? Hindi English! So ‘wag nang tawaging Taglish dahil ang totoo, hindi lang English ang lahok ng Tagalog, kundi maraming marami pang wika, lalo na ngayon! Mas appropriate na tawagin itong wikang Filipino. Utang na loob, lumang term na ang Taglish.

Okay lang ba talaga na ganun? Half-half? Slang? Wala masyadong formality?

Depende kung saan gagamitin. Ang wika, parang damit. Kung pormal ang okasyon, alangan namang mag-swimsuit ka. Kung nasa beach ka, alangan namang mag tuxedo o evening gown ka doon. Kung nasa school ka, alangan namang magpambahay ka. Unless, allowed sa school mo. Kung nasa bahay ka naman, alangan namang suot mo ang school uniform mo hanggang matulog ka. Unless, tamad ka talagang magpalit ng damit.

Ang half-half o slang o walang masyadong formality na wika ay angkop lamang sa angkop na sitwasyon. Ang kabaliktaran niyan ay angkop lamang sa angkop din na sitwasyon.

5) Hindi ba pinapatay ng pop lit ang formality/pinagmula ng isang wika? Let’s say Filipino language for not being purely Filipino --- Taglish? Ganyan.

Hindi. Actually, mas nakakapagpalaganap nga ito. Si Ricky Lee at marami pang ibang writer na hindi Tagalog (as an ethnic group) o galing sa rehiyon na hindi Tagalog ay natutong mag-Tagalog (Tagalog pa ang tawag sa language natin noon) dahil sa komiks at pelikula na pawang mga pop literature.

Ngayon, they write in Filipino, (na composed mostly of Tagalog words PLUS words from different culture). Kung hindi sila na-expose noon sa pop lit na nasa wikang Tagalog (wikang Tagalog noon ang tawag sa language natin, remember), hindi siguro sila magiging writer sa wikang Filipino ngayon.

So basically, nakatulong ang pop lit para ma-expose sila sa nasabing wika. Nakakapagpalaganap ng wika ang pop lit.

6) May pag-unlad ba talaga sa pagsusulat?

Anong uri ng pag unlad ang tinatanong dito? Emotionally? Yes, of course. Mas nakikilala mo ang sarili mo pag nagsusulat ka. Intellectually? Yes of course, kailangan mo kasing magbasa nang marami bago ka magsulat. So sa pagbabasa pa lang, ang dami mo nang natututuhan. Ang dami mong nare-realize. Socially? Yes, of course, natututo kang makisalamuha sa ibang tao, kasi mas sensitive ka sa kanila, sa culture nila. Sa dami ba naman ng nabasa mo tungkol sa iba’t ibang kultura, e. (Pero hindi ito applicable sa iba. Ang iba kasi, mas nagiging recluse o isolated habang lumalalim sa craft nila sa pagsusulat. Pero hindi naman lahat ng writer, ganyan. Lalo na kapag Pinoy. Pinoys are very social beings hahahahah hindi lalampas ang araw nang wala tayong kinakausap. Una kasi, very family oriented tayo. Kahit ang pinakaseryosong writer sa Pilipinas ay very caring pa rin sa pamilya. So kwento-kwento with anak, with asawa paglabas ng kuwarto o during writing break. So very social being talaga.

Financially? HINDI. Next question.

7) Magkano (raw) ang sweldo o kita?

Depende sa writing project. Yung mga article-article, dapat piso per word. Ito ang isinusulong ngayon ng Freelance Writers Guild of the Philippines. So kung 1000 words, dapat 1000 pesos ang minimum na bayad.

Pero depende rin kung gaano na katagal nagsusulat ang isang manunulat at kung ano ang ipapasulat ng nagpapasulat. Siyempre kung bago ang paksa, mas matagal at mas maraming research ang kailangan, mas mahal ‘yon. Minsan, depende rin sa nagpapasulat. Lalo na kung politiko siya at biography ang pinasusulat niya. Mas mahal ‘yon. Kasi pati ‘yong kaluluwa ng writer, dapat bayaran ng nagpapasulat. Siyempre, magsisinungaling nang bongga diyan ang writer, di ba?

Sa kaso ko with publishers, heto: I get P800 for a two page comics script for kids. Sobrang baba niyan, ha? Tinatiyaga ko na lang. Mabait at friend ko kasi ang nagpapagawa nito once a month. Bale isang taon ko na itong raket.

I got P700 for a 700-800 word horror story (for the book Haunted Campus.) Nakasampung stories ako doon. So 7k din ‘yon. That was 2007 yata. Dapat nagtaas na ng rate para sa mga horror story na ‘yan. Tumataas ang presyo ng mga bagay-bagay, dapat tumataas din ang presyo ng intellectual work tulad ng mga akda.

Sa unang nobelang isinulat ko, Mingaw, I got P7000. For the whole novel na. Pati ‘yong copyright, if I remember it right, kasama na sa P7000. Sobrang tanga ko pa kasi noon. At first time kong ma-publish kaya oo lang ako nang oo. Dapat talaga, nagkokonsulta ang mga writer lalo na ang mga first time na mapa-publish. Kasi kadalasan, inaabuso ng ilang salbaheng publisher ang mga ganitong uri ng manunulat.

For magazine articles naman, (nagsulat ako dati sa Masigasig Magazine ng Summit, oo, ng mga Gokongwei!), I got P2500 per article. Around 1500 to 1800 words per article. Kailangan kong mag-interview ng artistang negosyante para maisulat ko ang article. Iko-coordinate ito ng Summit para sa writer tapos pupunta ang writer sa venue of interview at mag-i-interview. Tapos isusulat ang article at isa-submit online sa editor. Masaya ito at marami akong na-meet na artistang negosyante. Sina Isay Alvarez at ang asawa niyang si Robert Sena, Monsour del Rosario, John Lapuz, Gabe Mercado (the okay ka ba tiyan commercial model) at… ang master rapper nating si Francis Magalona!

Kaso medyo naipit ako sa pera, kasi laging after 3 months ang bayaran. Dapat daw after ma-publish ang article, saka pa lang babayaran ang writer. Nge. E, kung hindi ma-publish ang article? Hindi babayaran ang writer? Unfair di ba? Samantalang, nagawa naman ng writer ang kanyang trabaho. Anyway, hindi lang ‘yon, pupuntahan ko pa sa Ortigas ang bayad sa akin at pipila ako sa pilahan nila during office hours. Kasabay ko sa pila ‘yong mga naniningil ng bayad for plumbing services, paper clip and other office supplies. Hindi ako kilala ng cashier. Hihingian ako ng ID. Kapag wala akong ID na valid sa kanilang panlasa, wala akong tseke. And speaking of tseke, dahil tseke ang bayad sa akin, kakain pa ng oras ang pagpapa-encash ko ng tseke. Pupunta ako sa bangko ng Summit at doon ay muling pipila para sa encashment ng check. Ay, talaga naman. Napakahirap ng buhay–writer. At di rin ako binibigyan ng compli copy ng magazine kung saan nalathala ang article ko. Bili ako kung gusto kong magkakopya nito. May kita pa sila sa bibilhin kong kopya ng magazine nila! Talaga naman.

Dito naman sa It’s A Mens World, may 15% akong royalty mula sa net price ng aklat. Mga P19.00 per copy ang halaga niyan. Tuwing March lang ito ibinibigay. Taong 2010 na-publish ang aklat ko sa Anvil, wala pa akong natatanggap na royalty ever. Baka ngayong March pa lang. Hay, sana naman. Please, kelangan ko ng pangkasal hahahaha!

8) Hahaha. E kapag nananalo sa Palanca Awards etc?

I-google nyo. Nasa Google ang mga premyo ng Palanca at iba pang awards. Unfortunately, di pa ako nananalo sa Palanca. College pa lang ay pangarap ko na ang manalo diyan. Di bale, ako yata ang taong hindi nasisiraan ng loob, ever. Mananalo din ako diyan.

9) Importante ba ang pagsusulat sa’yo?

Oo naman. Dahil dito, sumikat ako. Joke!

Hindi ko ine-expect ang impact ng mga sinusulat ko. There was a time, nag-talk ang boyfriend ko sa isang college sa cavite. Tapos bigla niya akong tinawag at the end of his talk. Magkuwento daw ako ng karanasan ko as a writer. Gagi ‘yon, pinag-i-impromptu ako. Anyway, tumayo naman ako at nagsalita. (Para lang ‘wag mapahiya si boyfriend hahahaha)

College students ang audience. Ang ikinuwento ko na lang ay ang writing gigs namin sa Psicom. Biglang hiyaw ng isang estudyante, ikaw po si Beverly/Bebang Siy, ‘yong nagsulat ng Sungka? (‘Yong Sungka ay ang kuwentong isinulat ko para sa Haunted Philippines 9, group namin, ang Panpilpipol, ang nagsulat nito.) Sabi ko, oo, ako nga, meron ka no’n? (‘yong book, I mean) Opo, sabi niya. Tuwang-tuwa siya. Tapos ikinuwento niya sa audience ang Sungka. Buong plot talaga. Tuwang-tuwa ako. Luma na kasi ‘yong book. Years ago pa na-publish. At isa lang ‘yon sa napakahabang series ng mga Haunted Philippines ng Psicom. Para maalala niya ‘yong kuwento ng Sungka that day, palagay ko talagang unforgettable ‘yong kwento, di ba?

Ang saya ko kapag may ganong moment.

More that ten years na akong nagsusulat pero paglabas ng It’s a Mens World, ngayon ko lang talaga na-realize ‘yong impact ng mga sulatin sa ibang tao. Ako, nagbabago ang mga pananaw ko dahil sa ilang books, sa ilang stories. Pero kahit kelan di ko naisip na makakapagpabago rin ako ng pananaw ng ibang tao. Ngayon, I regularly receive emails, texts, private messages na nagpapasalamat sa akin na nasulat ko ang aklat, natutuwa sa akin dahil nabasa nila ang sulat ko, na marami raw silang na-realize sa sarili nila at sa pamilya nila, at naka-relate sila sa mga sinusulat ko.

Meron pang estudyante na sumulat sa akin. Sabi niya, bigla daw siyang na-homesick after mabasa ‘yong book ko. Nasa ibang bansa kasi siya, sa Europe. Do’n nagma-masters. Na-homesick siya noong nabasa n’ya ‘yong mga eksena sa Ermita. Kasi raw alam niya ‘yong place na tinukoy ko. Pati raw Divisoria. Pati ‘yong Pangasinan kasi may kamag-anak daw sila sa Dagupan. Naiyak ako, grabe. I never thought na makakapag-evoke ng ganong feelings ang mga sulat ko. I was just there to record what I had, what I experienced, na ayoko ring basta na lang malimutan. Tapos ayun na, natutuwa na ang ibang tao.

Writing made me realize I am important even to strangers. I am here not just to entertain people, but to inspire them, to make them hold on to feelings they never thought they had in the first place. Tsaka dahil sa pagsusulat, na-realize ko, mayroon ako na wala ang iba, at ito ay ang kapangyarihan ng salita. May kapangyarihan ako to change things. To change how my own people think.

10) Bakit ka nga ba nagsusulat?

Nasagot ko na, hahahah sori, excited.

11) Alin ang mas mahal mo, wikang Filipino o Ingles? Gaano?

Siyempre, Filipino. Ito ang wikang kinamulatan ko. Ito ang wika ng nanay ko, ng mga kapatid ko, ng mga kaibigan ko, ng teachers ko, at lahat ng taong mahalaga sa akin.

Isa pa, may mga bagay na hindi ko masabi sa ibang wika kundi sa wikang Filipino lang.

Noong nagtuturo pa ako, ginagawa ko ang lahat ng paraan para ma-realize ng mga estudyante ko na napakaimportante ng sariling wika. Na may function ito sa modernong panahon. At kahit anong sabihin ng iba, ito lang ang makakapagsalamin ng sarili nating aspiration, dreams, reality. Wala nang iba. Paano mo isasalin sa ibang wika ang daing na bangus with kalamansi? Ang salitang pasalubong? At ang diwa ng pahabol nating salita na ingat? Pa’no mo isasalin ang mga ‘yan sa ibang wika?

12) Pro-RH Bill?

May nagtanong na sa akin nito. Hindi ko masagot kasi di ko pa nababasa ang lahat ng tungkol sa RH Bill. Ayoko naman magbigay ng opinyon sa isang bagay na di ko gaanong na-research.

But definitely, pro-women ako. Kung saan magkakaroon ng mas maayos na buhay ang kababaihan, do’n ako. Kapag ang babae, maayos ang buhay, kadalasang maayos ang buhay ng buong pamilya. Kasi ang babae ang least priority noon. Sa pamilya, ang unang kakain ay ang mga bata. Sunod ang tatay kasi siya ang lalabas para magtrabaho. Kung ano ang matira sa pagkain, ‘yon ang sa nanay. See? Kawawa siya, di ba? So pag nakakakain nang maayos ang nanay, ibig sabihin, nasa maganda-ganda nang kalagayan ang kalagayan ng buong pamilya.

13) Kung patatakbuhin kang Presidente ng bansang ito ng mga nireregla, papayag ka ba?

Hindi ko thing ang maging president ng bansa, feeling ko, hindi ko kaya! Siguro bigyan ako ng mga thirty years? Or twenty tapos… pag iisipan ko uli hahahaha!

Hindi kasi ako mahilig sa malakihan. Mas gusto ko, intimate na group. Mas kaya ko mag-lead ng ganon.

14) Bakit at bakit hindi? (Tawa muna hahahahaha bago sumeryoso)

Ay, nasagot ko na!

15) Kung papipiliin ka, family o writing career? Isa lang (daw).

Ang hirap naman. Nagawa ko naman nang sabay, nabuhay kami ni ej sa pagsusulat ko, bakit ako papipiliin ngayon ng isa? Hahahaha

Writing is a work of heart.

Happy reflecting! Damo nga salamat sa paglalaan ng oras sa napakapakahabang tanungan. We’ll accept kung ano man at kung ano lang ang babalik basta galing sa’yo. 

Pahabol: Di kaya UFC TAMIS ANGHANG BANANA CATSUP ang mantsa sa shorts mo 25 years ago? Ma at pa. Malay mo, paimbestigahan natin? 

Palagay ko nga. Baka lang mantsa ng pagkain or… dyebs? Eww.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...