Thursday, January 24, 2013

Para sa mga kalahok ng Pinoywrimo (November 2012)

Para ito sa Pinoywrimo participants. Pero ito rin ang gagamitin kong structure para sa talk ko bukas sa PNU. Tungkol naman 'yon sa maikling kuwento. Yey! Nakatapos din!



Mahal na kalahok ng PINOYWRIMO:

Binabati kita sa iyong pagsali sa challenge na ito. Pero bago ang lahat, gusto kong mag-sorry at ngayon ko lang naisulat ang mga tip sa pagsusulat ng nobela. Matagal magproseso ang utak ko basta’t para sa sulatin. At hindi na rin ako nagulat na hindi ako nakaabot sa deadline na ibinigay ni Tina Matanguihan(November 15 paaaaa). Kaya, sori na.

Maiba tayo, alam mo ba na ang una kong aklat ay isang erotikong nobela at halos limang buwan ko itong isinulat? Hindi pa kasama diyan ‘yong conceptualization phase na, unfortunately, ay mas matagal! Kaya naman, isang mabigat na challenge talaga itong ginagawa o ginawa mo sa PINOYWRIMO. Saludo ako sa ‘yo.

Ngayon, dadako naman tayo sa aking munting payo sa pagsusulat ng nobela.

Tatlong bagay lang ang gawin mong interesante at solb ka na sa nobela mo.

1. Tauhan

Siyempre, dapat ang tauhan ay interesante. Di ba laging tauhan ang pinakanaaalala natin sa mga paboritong babasahin at pelikula? Sinong makakalimot kina Ibarra, Maria Clara, ang mag-irog na Florante at Laura, kay Eponine ng Les Miserables, kay Nemo?

Kung boring ang tauhan mo, sino ang mahahalinang magbasa ng kanyang activities, likes, dislikes, crush, thoughts, feelings, everyday life?

So kailangan talaga interesting ang ating tauhan.

Pero hindi naman kailangang lagi siyang explosive. Baka naman lahat na isangkap mo sa tauhan mo para lang maging unforgettable siya at interesting tapos wala namang meaning at koneksiyon ang trabaho at characteristics niya doon sa buong naratibo ng nobela. Ay, walang kuwenta ‘yong ganon.

Kasi puwedeng-puwede namang pangkaraniwan lang ang iyong tauhan. Tulad mo, tulad ko, tulad ng simpleng mamamayang Filipino. Pero magiging unique pa rin siya at interesante kung lalagyan mo siya ng kakaibang ugali o katangian para mag-stand out sa tauhan ng iba pang nobela.

Sa nobela kong Mingaw, isang pangkaraniwang mag-asawa lang ang mga bida ko. Childhood sweethearts sila na sobrang adik sa pagsusulatan sa isa’t isa. Kahon-kahong love letters at sweet notes ang ibinunga ng kanilang relasyon. After some time at di na mapigil ang panggigil, napasubo sa maagang pag-aasawa ang dalawa kasi nabuntis si babae. Nang magkaanak sila, tulad ng karaniwang pamilya, gusto nila ng magandang buhay kaya nag-decide na mag-abroad si lalaki.

O, di ba, napaka-common ng mga tauhan na ‘yan? Pero ano ang catch? ‘Yong pagkaadik nila sa pagsusulatan! Na siyang naging sagot sa problema nilang mag-asawa. Ano ang problema? Tatalakayin ko mamya sa number 2.

Alam mo, natural sa mambabasa ang ma-focus sa tauhan ng isang nobela. Kasi minsan, ginagamit niya ito para sukatin ang sarili. Habang nagbabasa, tatanong-tanong siya sa sarili: Masama ba akong tao kumpara sa tauhan na ito? Kung ako ang mapunta sa sitwasyon niya, gagawin ko rin ba ito? Para palang ako ‘yong bida, mahilig mag-travel mag-isa!

Lahat naman ng tao, may kakaibang kombinasyon ng ugali at katangian. At 'yan ang ilalapat mo sa iyong mga tauhan. Kahit gaano sila kaordinaryo pero may kakaiba naman silang ugali plus katangian (yes, para bagang combo meal), tiyak na maho-hook sa iyong tauhan ang mambabasa.

By the way, ang tauhan ay hindi kailangang laging tao. Puwede itong maging bagay, hayop, pagkain, bahagi ng katawan, lugar at iba pang category sa Pinoy Henyo. So many to choose from, di ba? Pumili ka ng isa at bigyan siya ng unique na combo meal (ugali + katangian), ayan, may interesante ka nang tauhan.

2. Conflict o problema

Kung walang problema, walang nobela. Kaya kailangan, magkaroon ka niyan. Ang nobela, parang life, tandaan mo. Pag tayo, nawalan ng problema, ay, ang saklap, sobrang boring ng buhay natin. Ano, kain, tulog lang? Anong uri naman ‘yan ng buhay? Na-imagine mo? So dapat, may problema tayo whatever happens.

Unfortunately, hindi nabibili ang problema. (Kung meron lang nito sa 711, naku, tiyak na magiging opisyal na tambayan na ‘yan ng mga writer.) Kailangan talagang pigtasin ito mula sa isip. Makaisip ka lang ba ng problema, solb ka na? Hindi, a. Kasi hindi lang basta problema ang dapat mong ihain sa isang nobela, kundi problemang super interesante. Ibig sabihin, very challenging, hindi para sa ‘yo o sa mambabasa kundi para sa tauhan mo.

Sa isang maikling akda ng manunulat na si Eros Atalia, may conflict ang pisikal na katangian ng bida sa pangarap niya sa buhay. Gustong-gusto niyang maging mahusay na holdaper. Ang problema, ngongo siya, at maralita, walang perang pampaopera ng cleft lip! Minsan siyang nangholdap ay pinagtawanan lang siya ng mga hinoholdap niya. Ang problema niya, hindi siya sineryoso ng mga tao pag sumigaw na siya ng "olnap no!"

Sa nobela ko naman, ‘yon ngang Mingaw, ang naging problema ng batambatang mag-asawa ay ang zero sex life pag-abroad ni lalaki. No’ng time na sinusulat ko ang Mingaw, nagtataka ako kung bakit walang sumeseryoso sa problemang ito ng mga OFW at ng mga asawa nilang naiiwan sa Pinas. Bakit parang hindi ito natatalakay? Mayroon bang mga forum para dito? May concrete steps ba ang gobyerno para dito? Ang laking problema nito, ha? Imagine, kaliwa’t kanan ang ilegal na relasyon dahil nga sa seksuwal na pangangailangan ng isang tao lalo pa’t nagkaasawa na siya bago mag-abroad. At ilang pamilya ba ang nawawasak ng mga ilegal na relasyon na ‘yan? Ilang bata ang napo-produce ng mga ‘yan? Hindi kaunti. Kaya hindi biro at dapat lang na seryosohin.

Anyway, sa Mingaw, ang problema nila ay kung paano maiibsan ang pangungulila ngayong magkalayo na sila. Ang solusyon ng bidang mag-asawa ay isulat ang kanilang mga desire sa isa’t isa. Di ba nga adik sila sa sulat-sulat? So, ayun, nagpalitan sila ng mga erotikong sulat/email. Doon nila idinetalye ang mga dati nilang ginagawa sa kuwarto at ang mga plano nilang gawin (sa kuwarto pa rin) pag-uwi ng lalaki mula sa abroad. So nagkakaroon ng release sa sexual tensions ng kanilang katawan. (‘Yan naman ang magic ng writing. Nakakapag-release ng kung ano-ano.) Sumapat ba sa problema ang naisip nilang solusyon?

Secret.

Joke lang.

Mababasa mo sa ibaba ang sagot.

Balik tayo sa writing, so dapat relevant ang conflict sa mga tauhan lalo na sa mga bida at kontrabida. At dapat din, realistic. Realistic hindi sa lipunan mo kundi realistic para sa tauhan at sa lipunang ginagalawan nila. Kunwari malaki ang conflict, bibigyan mo naman ng higanteng tools at equipment ang mga tauhan para makatulong ang mga ito sa paglutas ng conflict.

Tandaan ang mga batayang uri ng conflict:

Conflict sa sarili o sa loob,
Conflict sa kapwa
At conflict sa kalikasan.

Para maging interesante, puwede mo ring i-combo meal ang dalawa o lahat ng conflict na iyan para sa iyong tauhan. Basta ba, realistiko nilang malulutas ang inilatag mong mga problema.

Puwede mo ring lagyan ng mga subplot para mas maging interesting ang problema.

Sa Mingaw, nagkaroon ng relasyon si husband sa kasama niya sa pabrika sa Korea. Ang karelasyon niya ay isang tipikal na single Pinay, mabait, maambisyon at mabilis mainlababong tunay. Si wife, nagkarelasyon sa tatay ng estudyante niyang pre-schooler. Biyudo ang tatay ng estudyante at malaon nang naghahanap ng magmamahal sa kanilang mag-ama. Actually, kapwa sila naghahanap ng pagmamahal nang time na nagkalapit sila sa isa’t isa (si wife at si biyudo).

Puwedeng ituring na pang-hook sa mambabasa ang mga subplot pero ‘wag mong kalilimutan na subplot lang sila. Bigyan mo sila ng moments to shine sa iyong nobela pero ibalik mo pa rin ang 100% ng atensiyon ng mambabasa sa paglutas ng mga bidang tauhan sa problema later on. Kumbaga, ang mga subplot, tools mo lang iyan para hindi maumay ang mambabasa pero at the same time, supportive ang subplot sa pagharap ng mga bidang tauhan sa kanilang problema.

(Si Eponine at ang kanyang buhay ay isang magandang halimbawa ng subplot! Hay, kapapanood ko lang kasi ng Les Miserables.)

3. Wika

Kung boring ang wika mo, hindi ka dapat maging manunulat. Ke tula ang sinusulat mo o maikling kuwento o dula o nobela o sanaysay, kung boring ang wika mo at paraan ng pagpapahayag, I say quit. Now na.

See, ang pagsusulat ay laro sa mga titik, salita at pangungusap (TSP). Ang mga pintor, ang nilalaro nila ay shades, shapes at colors. Tayo, mga titik, salita at pangungusap (TSP) kaya dapat hindi ka mauubusan ng palaro gamit ang TSP.

Lagi mo ring isasaisip ang iyong mga tauhan kapag naglalaro ka na ng TSP. Hinding-hindi mo mapaghihiwalay ang TSP sa kapaligiran o lipunan ng iyong mga tauhan. Unless, ang gusto mong gawin ay comedy o absurd. Halimbawa, ang setting mo ay panahon ng Kastila pero jejemon ang wika ng lahat ng tauhan pati ng buong nobela. Puwede. (Hindi ka naman makukulong or something.)

So paano ba maglaro? Try mo ito: sabihin sa “mapaglarong” paraan na mahal ng bida mong tauhan ang teacher niyang hunk na chef sa culinary school. Gagamit ka ba ng mga salita mula sa milieu ng tauhan mo: luto, umuusok, mainit, hiwain ang hotdog, garnish, nagmumurang kamias, sauté, serve hot? E, paano kung hindi pala type ni hunky chef ang bida? At kailangan mong sabihin ‘yon nang hindi nanggagaling mismo sa bibig ni hunky chef! Gagamit ka ba ng TSP na tadtad ng ganito: mantikang tulog, ibabad sa malamig na tubig, banlawan muna ang ingredients, ihalo nang ihalo hanggang matuyo?

Eto pa: kunwari naman ang bida mo ay isang bagong dive instructor (teacher ng scuba diving) na may kahindik-hindik na karanasan sa mga librarian noong siya ay paslit pa lang. Tatalon na sila sa dagat nang matuklasan niyang librarian pala ang kauna-unahan niyang estudyanteng tuturuan ng scuba. Subukan mong isulat ang damdamin ni dive instructor kapiling ang librarian sa ilalim ng dagat. Paano ba inilalarawan ang fear sa ganitong pagkakataon? Pagsasanibin mo ba ang TSP mula sa mundo ng scuba divers at ng librarians?

Importante rin ang consistency sa wika all through out the novel. Ang wika kasi ang lumilikha ng mood o ng ambience. Halimbawa sa pelikula, umpisa pa lang, alam mo na kung horror o suspense ang pinapanood mo, tama? Kasi ‘yong anggulo ng mga shot, ‘yong lighting, ‘yong kulay ng mga bagay-bagay, ‘yong make up ng tauhan, nakakatakot agad, parang di mapapakali ang puwit mo.

Sa nobela, sa pamamagitan ng TSP mo lang maipapakita ang lahat ng ito. Kung horror o suspense ang isinusulat mo, makakatulong kung ang pipiliin mong TSP ay may negatibong kahulugan o iyong nagdudulot agad ng fear. ‘Wag mo nang hintayin na ang sitwasyon ang maging nakakatakot. Gamit ang wika, ipahiwatig mo agad na nakakatakot ang babasahin kahit sa umpisa pa lang ng iyong nobela.

Ayan. Matatapos na ang letter ko! So remember, sa pagsusulat ng nobela, tatlo lang ang bagay na kailangan mong gawing interesante: ang tauhan, ang conflict o problema at ang wika. Hindi ‘yan madali, alam ko, dahil katakot-takot na pag-iisip ang dapat na ibuhos dito. Pero gayon naman ang pinakapaborito nating mga babasahin, di ba? Mga bunga ng masinsing pag-iisip ng malikhain AT MATITIYAGANG nobelista.

Good luck at pakaaabangan ko ang iyong mga akda, kalahok ng PINOYWRIMO!

Hanggang sa muli,
Bebang Siy

PS Kung may violent reaction, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.


No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...