Sunday, January 6, 2013

Kung paano akong nagkaroon ng mens

Kung paano akong nagkaroon ng mens in five parts
ni Bebang Siy

Part one- 100% BEBENTA ITO!

Hindi ko inakalang magiging koleksiyon ng sarili kong mga sanaysay ang It’s A Mens World. Sa pinakasimpleng pag-uugat, nagsimula talaga ito as a book project, pero hindi akin kundi sa isang grupo.

Taong 2008 noon nang mag-publish ang Psicom ng Pinoy version ng Chicken Soup for the Soul, ito ay ang Sopas Muna 1. Binubuo ito ng mga sanaysay na isinulat ng members ng aming grupo, ang Panpilpipol. Pagkaraan lamang ng ilang buwan mula nang mailabas ang Sopas Muna 1, ang sabi sa amin ng Psicom ay isulat na raw namin ang Sopas Muna 2. (Hindi ako naka-monitor sa sales pero para abisuhan kami ng ganito, I guess, bumenta ang Sopas Muna 1.) Agad kaming nag-meeting, ang mga taga-Panpilpipol: ako, Wennie, Jing, Rita, Haids at Mar. Dito pinag-usapan kung ano ang magiging tema ng Sopas Muna 2 (childhood ang napagkasunduan) at tulad ng dati, tag-aanim na libong salita kami para makasapat sa 24,000 words per book na requirement ng Psicom. Sa anim na libo, bahala nang mag-budget ng number of words per essay ang bawat writer sa amin. Kung gusto kong magpasa ng anim na tag-iisang libong salitang sanaysay, puwede. Kung gusto ko ay isang mahabang sanaysay composed of 6,000 words, puwede rin naman. Ito ang naisip naming rule sa Sopas Muna 1 para iba-iba ang length of works sa loob ng aklat, at ito na nga rin ang napagkasunduan namin para sa sequel ng nasabing aklat.

Nag-umpisa kaming magsulat at nagtakda na ng deadline. Pagkatapos ng deadline ay isinalang namin ang aming mga sanaysay sa isang self-imposed workshop. Nag-meeting kami sa bahay ko, kanya-kanyang bitbit ng photocopy ng mga sanaysay, latag ng banig, tagayan ng balde-baldeng kape. Bawal antukin. Nagkatayan kami ng mga akda buong magdamag. Katayan talaga kapag workshop, hindi sinasanto ang mga relasyon, ang mga friendship, ang special memories. Maganda kung maganda. Retain! Palitan ang alanganin. Rewrite! Kung maraming alanganin, major make over! Pangit kung pangit! Tanggalin ang pangit!

Pero buti na lang at walang nagsolian ng kandila (ninong at ninang kami ng panganay ni Jing) bagkus ay lalong tumatag ang pagkakaibigan namin dahil lumabas na bonding time din naman ang mga workshop na ganito. Bukod doon ay gumanda pa ang koleksiyong nabuo namin. (Kaya 100% sure kami, bebentang muli ang Sopas Muna 2.)

Sa workshop na ito unang nasilayan ng ibang tao ang mga sanaysay ko na Nakaw na Sandali, Pinyapol at It’s A Mens World (na noon ay pinamagatan kong Regla Baby).

Excited kaming mga taga-Panpilpipol. Isa na namang aklat ang aming isisilang. Panglima na ito with Psicom kung sakali. Ang mga nauna ay:

1. Hilakbot (tungkol sa mga haunted house na binisita namin para sa aming research paper sa isang subject sa masteral course kung saan kami naging magkakaklase);

2. Haunted Philippines 8 (ang ibinayad sa amin sa Hilakbot, P15,000 na one time payment at divided by 6 pa ‘yan sa lagay na ‘yan, ay ipinanglakwatsa namin. Nagpunta ang buong grupo sa Sagada. Pagbaba namin sa Maynila paglipas ng ilang araw, inalok uli kami ng Psicom na magsulat ng aklat ng katatakutan. Ginawan namin ng horror stories ang mga napuntahan naming pasyalan sa Sagada. Ito ang laman ng aklat na HP 8.);

3. Haunted Philippines 9 (nag-isip kami ng bagong tema para sa 3rd horror book namin, at dahil uso ang ukay-ukay noon, second hand items ang aming naisip. Nag-field trip kami sa mga tindahan ng antique at segunda mano sa Cubao Expo para lamang dito.); at ang

4. Sopas Muna 1 (ang unang aklat namin na inspirational ang himig).
Habang nirerebisa ng bawat isa ang mga na-workshop na sanaysay, nakipag-ugnayan uli ako sa Psicom.

Sa telepono:

AKO: Good news po. Malapit na naming matapos ang Sopas Muna 2.
PSICOM: Ay, may kinuha na kaming ibang writers para sa Sopas Muna 2.
AKO: Wah!

Part two- JURASSIC BEAUTY

Ibinalita ko sa Panpilpipol ang sinabi ng Psicom at tulad ko, shocked na shocked din sila. Pero hindi kami nasiraan ng loob. Napagkasunduan naming ituloy pa rin ang pagpapalathala ng aklat pero sa pagkakataong ito, maghahanap kami ng ibang publisher.
Kaya lang, ang problema, hindi naging mabilis ang mga sumunod na hakbang. Naging abala kami sa kani-kaniyang gawain at hindi ko naharap ang tuloy-tuloy na pagka-copy edit sa mga sanaysay. (In short, medyo nabaon sa limot ang dream project ng grupo.) Isang araw, sabi sa akin ng pinagsisilbihan kong pamantasan, kailangan ko nang tapusin ang aking masteral course. Tatlong taon na kasi ako sa kanilang pamantasan at nahalukay nila ang sulat ko sa aming dekana noong unang taon ko sa paglilingkod bilang guro. Sabi ko sa sulat na ‘yon, tatapusin ko ang kurso sa loob ng tatlong taon, ang takdang probationary period.

Natakot ako siyempre. Kasi naman, ang layo-layo ko pa sa finish line. Mga five thousand na tumbling pa ang kailangan kong bunuin.

Pero hindi ako nasiraan ng loob.

Tutal, maganda naman ang rekord ko sa pamantasan, kasundo ko ang mga estudyante doon, natatapos ko ang mga ekstrang gawain na iniaatang sa akin, at aktibo ako sa departmento namin, baka kako makakasapat na ang pagpapasa ng mga grado sa dalawang subject na aking in-enrol that semester sa masteral course ko. Baka puwedeng mga grado na muna ang isumite ko sa aming dekana, saka na ang diploma.

Sa graduate school kung saan ako nag-aaral, tadtad ng INC (o incomplete bilang grado) ang aking rekord. Kaya naman major-major na pagsisikap ang ginawa ko para lang magka-numerical grade ako sa dalawa kong subject: ang isa ay Panitikang Oral, at ang isa, Seminar sa Editing, Kapirayt at Paglalathalang Pampanitikan. Itong huli, Seminar sa Editing at iba pa ay isa nang penalty course. Penalty dahil sobra na ako sa bilang ng taon ng pananatili sa grad. school. Tipong nakapila na ang pangalan ko sa mga iki-kick out nila dahil super-duper overstaying na talaga. Kumbaga sa pick up line…

Grad. School: Alam mo, para kang dinosaur.
Ako: Bakit?
Grad. School: Jurassic ka na, Ate.

Kelangan ko na talagang magkagrado at maka-move on sa mga subject-subject, utang na loob.

Si Sir Vim Nadera ang teacher ko sa nasabing penalty course. Ang huling requirement sa klase niya ay draft ng thesis. Nakupo. Ni paksa nga para sa thesis, wala sa hinagap ko, draft pa kaya?

Nakiusap ako sa kanya, kung puwedeng ang isumite ko na lang ay katulad ng isusumite ng mga kaklase kong ang major ay malikhaing pagsulat: collection of creative works, ganon, kahit na ang major ko ay panitikan at hindi naman malikhaing pagsulat.

Hindi raw puwede.

Nakupong nakupo. E, wala pa talaga akong kapaksa-paksa. Nag-panic ako. Paano, usapin ito ng trabaho. Usapin ng sahod. Usapin ng pera. DKP (Diyos ko po)! Di ako puwedeng mawalan ng trabaho. Ng sahod. Ng pera. Solo parent ako. At ayokong mamalimos ng pangkain namin ni EJ. Napabayaan kong talaga ang pag-aaral ko kaya hindi ako nakatapos sa takdang oras, oo na, sige na, pero kelangan ko talaga ng trabaho lalo na ngayon at magpakailanman. Hindi, hindi talaga ako puwedeng mawalan ng mapagkukunan ng kita.

Kaya muli kong kinausap si Sir Vim.

AKO: Sir, baka po puwedeng collection of creative works na lang po ang ipasa ko sa subject natin.
SIR VIM: Hindi nga puwede. Hindi ka naman malikhaing pagsulat, e.
AKO: Sir, wala pa po talaga ako sa thesis writing stage. Hilaw po ang maipapasa ko sa inyo kung pipilitin kong magsulat ng kahit ano pong para sa thesis sa ngayon.
SIR VIM: Hindi. Huwag kang makulit.

E, hindi ako nasisiraan ng loob, di ba, kaya humirit pa ako.

AKO: Sir, sige na po, pumayag na kayo. Tutal naman po, editing ang subject natin. I-check na lang po iyong quality ng editing ko sa sarili kong mga akda.
SIR VIM: Bakit ba ang kulit mo?
AKO: Sir, kasi po …

Sinabi ko na kay Sir ang totoo. Na hindi lang ito usapin ng grado. Usapin ito ng trabaho. Ng sahod. Ng pera. Ng buhay naming mag-ina. At naawa naman ang tabaching-ching at mapagpatawad kong guro.

SIR VIM: O, sige. Sige. Hay naku. Ba’t naman kasi… ilang taon ka na rito sa grad. school, a?
AKO: Wah!

(Hindi ko na pinansin ang huli niyang sinabi. Pumayag siya. Pumayag. Woho! Ang kasunod ay mala-Pep Squad performances ko in the beat of UP Naming Mahal (kung saan ako nag-o-overstay nag-aaral): cart wheel, triple turn sa ere, jumping jack, running man, roger rabbit at scissor-scissor. Ang saya ko. Ang saya-saya ko.)

SIR VIM: Wah. Huwag ka munang magdiwang diyan. Me kondisyones, una, kelangan book-length ang ipapasa mo sa akin. Ikalawa,
kelangan publishable ang kalidad ng mga isusumite mo, hindi basta-basta, iyon tipong makapagpasa ka lang. Kuu, huwag na huwag kang magtatangka, Bebang, tandaan mo. At ikatlo, ang pinakamataas na gradong puwede mong makuha para diyan ay dos.

Dos? Sa masteral level, ang dos ay equivalent sa 74.45 %, meaning pasang-awang halos bagsak. Ngik. At bawal sa masteral level ‘yon. Lalong-lalo na ang kahit anong gradong mas mababa pa sa dos. Mapapatalsik ka sa graduate program pag ganon.
Either kelangan ko talagang pag-igihan ito nang bongga o ‘wag ko na lang ituloy ang pagsa-submit ng kahit ano kay Sir.

Magpapa-INC na lang ako uli. Oo, isa ring option ang magpa-INC. Sanay naman ako sa tatlong letrang iyan. Sa lahat na nga yata ng subject ay INC. na ang grado ko. E, ano ba naman ‘yong madagdagan ako ng isa pang INC.? Magbabago ba ang buhay ko? Hello?

Oo, anak ka ng tutong, oo, magbabago ang buhay mo, sigaw ng isip ko. ‘Te, mawawalan ka ng trabaho, ano ba? Mawawalan ka ng sahod, ng pera, ano ba? Bigla akong nagising sa katotohanan. I must grab this chance. It’s now or never.

AKO: Okey. Okey po, Sir Vim.

At umalis akong sindak na sindak at nanginginig ang neurons sa kaba. Kaya ko ba ‘to? Kaya ko bang makabuo ng ganong koleksiyon? Ano ba ‘tong napasok ko? Umurong na lang kaya ako? Pero na-imagine ko ang payslip ko, nagka-cart wheel, nagti-triple turn sa ere, nagja-jumping jack, nagra-running man, nagro-roger rabbit at nagsi-scissor-scissor palayo sa akin. Kaya hindi talaga option ang umurong. Eto na ‘to.

Part three- ANG SWIMMING POOL NG PIGHATI

Pag-uwing-pag-uwi, hinalungkat ko ang lahat ng nasulat ko sa mga journal ko, sa blog, sa computer, sa mga notebook pang-eskuwela, sa resibo, sa report card ng anak ko, sa pader ng banyo, sa lahat. Suyod. Isinama ko ang mga tula ko, kuwento, kuwentong pambata, sanaysay, dula, comics script, radio drama at kung ano-ano pa, tapos inihiwalay ko ang mga akdang sa palagay ko ay publishable. And for that, dalawa lang ang natira. Joke. Marami-rami din. Buti na lang.

Sinuri ko’t tiningnan kung ano ang namamayaning tema sa mga ito.

Pamilya. At childhood.

(Noon ko lang na-realize, mahilig pala akong magsulat tungkol sa pamilya ko. Andami ko kasing sama ng loob sa magulang, e. Parang sa sobrang dami ng dinaanan ko at ng aking mga kapatid, hindi pa pala ako nakaka-get over sa mga karanasan na ‘yan. Kaya siguro unconsciously sulat ako nang sulat tungkol sa kanila.)

Kasama sa nakalap kong akda ang mga sanaysay ko na para sana sa Sopas Muna 2. Pero unfortunately, kulang pa rin ang naipon kong akda. Hindi pa makakabuo ng isang aklat. Kaya nagsulat pa ako. Sulat, sulat, sulat. Pagkatapos ay nag-edit ako. Revise-revise. Edit-edit uli. Proofread. Parang kulang pa. Sulat uli. Edit. Revise. Proofread. Sulat. Revise. Edit. Proofread. Edit. Proofread. Walang pahinga. Ilang linggong ito lang ang ginagawa ko, wala nang iba, alang-alang sa grado. Ang intense. Kulay-estero na ang laway ko, amoy-pusali na ang kilikili ko, pati singit. Ayaw nang magpayakap sa akin ng anak ko, pero tuloy ang buhay: sulat, edit, proofread.

Nang matapos ang lahat ng ito, isinubmit ko na kay Sir Vim ang aking koleksiyon: It’s A Mens World. Taimtim ko itong kinausap, sa isip ko. Mens, anak, ako ito, si Bebang, ang nanay mo. Isinilang kita para sa matatayog na pangarap, kaya go for gold. Ye. Ye. Ye. Andito lang ako sa likod mo, magchi-cheer para sa ‘yo. Go, anak. Go, Mens. Para sa ‘yo ang mundong ito, kaya nga iyan ang ipinangalan ko sa iyo. It is your fucking world. IT’S A MENS WORLD.

Pagkaraan, sa wakas, dumating ang isang numerical na grado. From Sir Vim. Pasado. Yesssss. Anak ng dinuguang panty, numerical na, pasado pa? Ye.

Sinecure ko rin ang grado ko sa isa pang subject, ‘yong Panitikang Oral (na saksakan naman ng dami ang requirements: class participation, pitumpu’t isang reaction paper, isang final paper tungkol sa paksang pandisertasyon ang level, 688 exams, 43,239 quizzes, required din ang dugo’t pawis ng estudyante, apdo, atay, sikmura, gulugod, alulod, lahat na). Pagkatapos ay nagpunta ako sa pinaglilingkuran kong pamantasan para isumite naman ang katibayan na may grades na nga ako sa dalawang subject. Plano ko ring sabihin sa aming dekana na mag-e-enrol na ako ng thesis sa parating na semestre. “Makakapagtapos din po ako, huwag po kayong mag-alala,” ito sana ang peg ko.

Ni-renew ba ako?

Hindi. O, hindi. Nakatanggap ako ng thank you letter at the end of the semester. Itsura ko? Masahol pa sa cheerleader na dinaanan ng kabayong nagra-running man at nagro-roger rabbit. Ay, talaga naman. Hindi ko na alam kung saan ako babaling. Wala akong trabaho. Walang sahod. Walang pera. Wala pa akong diploma. Di nagtagal, nabalitaan ito ni Sir Vim. Sabi niya, ‘wag ka nang malungkot, Bebang. May manuscript ka naman. Maghanap ka ng publisher.

Oo nga.

Sobra na ang paglulunoy sa swimming pool ng pighati.

So ang first step ay alamin kung ano-anong mga publisher ang tumatanggap ng manuscript na tulad ng sa akin. In-email ko si Sir Jun Balde. Si Sir Jun ay consultant ng National Book Store. Isa siya sa mga tagapayo kung saang category nararapat ilagay ang isang aklat. Saang category nga ba maisisingit ang manuscript ko sakaling maging libro na nga ito? Malay.

Anyway, si Sir Jun din ang tagapangulo ng UMPIL o Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas kung saan matagal-tagal akong naglingkod bilang bahagi ng Secretariat at Board of Directors. Nakiusap ako kay Sir Jun kung puwede niyang basahin ang manuscript ko. Umoo siya agad pero kelangan daw, hard copy ang babasahin niya. Di siya sanay tumitig nang matagal sa computer screen. Dahil wala akong printer at wala rin akong ekstrang pera pamprint ng manuscript, sabi niya, makisuyo ako kay Sir Dan Pinto (SLN). Si Sir Dan ay kasamahan din namin sa UMPIL at dabarkads ni Sir Jun. Sabi ni Sir Jun, i-email ko lang daw kay Sir Dan Pinto ang file at ito na ang bahalang mag-print para sa kanya. ‘Yon nga ang ginawa ko at pagkaraan ng ilang linggo, salamat na lang at may mga Dan Pinto sa daigdig na ito, nag-email sa akin si Sir Jun.

Bebang,

Nabasa ko na ang iyong IT’S A MENS WORLD. Hindi lahat. Actually ‘yong intro, tatlong unang kuwento, and huli, Emails, at ilan sa gitna, for example tungkol sa First Date, Super Inggo, Hiwa, atbp. Hirap magsinungaling. Pero alam ko na halos ang laman, ang estilo, ang kabuuan para makapag-comment.

1. Di mo dapat tatakan na sanaysay ang mga piyesa. Creative non-fiction ito. Parang memwa (memoir) na parang mga kuwentong totoo/di totoo/ni-romanticize. Oks lang. Pero hindi sanaysay kundi kuwento, istorya.

2. Di kailangang ipaliwanag sa intro ang bawat nilalaman. Nakaka-spoil ng istorya. Pabayaan mo ang mambabasang manabik sa nilalaman nito. Dapat nga lituhin mo nang kaunti.

3. Magaan ang lengguwahe, nakakalibang basahin, kahit ang iba ay mga angst at spiel lang. Parang chiclit na gawa ni CENSORED (pardon the comparisson). Konti pa, magiging mas nakakatawa ka na kaysa kay CENSORED at definitely, mas totoo ang dating mo kaysa kay CENSORED. Di ka nga lang kasingkulit ni CENSORED.

4. May mga maaaring iklian. Halimbawa: Ang Aking si Uncle Boy. Puwedeng Uncle Boy o Si Uncle Boy lang, iyo naman talaga. May mga kuwento ring puwede pang paigtingin, para makapigil-hininga ang climax (na dapat naman talaga, dahil ang climax ay makapigil-hininga).

5. Ang bestseller ngayon ni John Updike na “My Father’s Tears,” na published posthumously, ay pulos introspection at stream of conciousness lang. Halimbawa ang kuwentong “The Full Glass” ay tungkol lamang sa baso ng tubig na gusto ng matanda na naroon na kung magto-toothbrush o iinom ng mga maintenance medicine. Ang “Personal Archaeology” ay tungkol sa mga bato-bato, damo, basag na plato, pako, kapirasong kahoy, basag na baso at bola ng golf, na nasusudsod ng kanyang paa habang naglalakad sa malawak na lupaing minana. Ganoon din sana ang estilo mo. Lalo ang pagme-mens ay napakapersonal na experience. Sana ni-research mo pa nang kaunti ang matatanda at sinaunang gamit sa mens, kung saan-saan at para sa ano ito ginagamit.

6. Maganda sanang nasa mga unang kuwento ang medical significance ng mens. Kung bakit kailangang dumaan sa ganitong experience ang isang batang babae. Pero dapat ay humorous ang pagkukuwento. Magpakuwento ka sa isang medical doctor. Hindi mo kailangang mag-take note. Maganda nga na kunwari ay layman’s understanding ng medical situations, para madaling magpatawa.

7. Dapat marami ring humorous situations sa pagme-mens. Halimbawa, ang mga heavy-days experience sa mataong lugar, sa eskuwelahan, sa unang date, sa unang pagtatangkang makipag-CENSORED. Hindi kailangang sa iyo nangyari. Kunwari narinig mo o nabasa o napanood sa sine na experiences.

8. Mag-interview ka rin sa mga lalaki. Ako, noong binata pa, naka-experience na ng CENSORED, CENSORED, CENSORED, CENSORED, CENSORED, CENSORED AT CENSORED PA. Sigurado, may mai-interview kang may ganoong experiences, pero dapat kasing edad mo para fresh at current ang language.

9. Pareho tayo, may pagka-plot-driven ang mga kuwento. Kailangang concisously habaan ang pagpapaliwanag ng saloobin. At dapat palaging namamayani ang sense of the ridiculous para magaan at humorous ang istorya.

10. Kailangang maliit lang ang size ng libro. Siguro kasinlaki lang ng Bob Ong books. Mahalaga ito. Kung manipis ang material mo, kailangang maliit ang size ng libro para kumapal-kapal ang spine ng libro. Sa ganoon, nababasa ang title kapag naka-display nang patagilid sa mga book shelf ng bookstore. Huwag aasa na naka-face-up ang display, lalo’t di ka pa naman si Stephanie Meyer o si Jessica Zafra.

11. Kung gusto mong mapansin ang title, alisin ang apostrophe at gawing: ITSA MENS WORLD. Maraming magtatanong kung anong salita ang ITSA. Tapos ang subtitle mo: Memwa sa Regla atbp (alliteration).

12. Kailangang unusual ang cover. Halimbawa, kung gusto mong sakyan ang kasikatan ng Eclipse, gawin mong itim ang cover ng libro, tapos may umaagos lamang na dugo, o sampatak na dugo. Mapagkakamalang vampire book! Ayos! Kung gusto mong erotic ang dating, itim pa rin ang background, ang retrato ay blurred na kapirasong seksing balakang na may bahid ng dugo (pero hi-definition ang dugo). Maipagkakamaling na-CENSORED ang nasa larawan! Puwede ring kakatiting na bahagi ng isang panty na may dugo. Kung gusto mong suspense ang dating, kunwari may kapirasong punit ang panty!

13. Sa likod, tiyaking naroon ang short description ng nilalaman. Huwag puro blurb. Mahalaga rin ito. Ang mga nagseset-up ng libro sa bestseller list at sa website ay kadalasan mga OJT at kinokopya lang ang nakasulat sa likod. Kung pangit ang text sa likod, pangit din ang nakasulat sa computer sa database. Ugaliin din na maglagay ng pinakamaganda at pinaka-seductive mong retrato sa likod para may face value at face recall sa mambabasa. Ang mga nagba-browse sa bookstore, pag di nagustuhan ang cover, ang susunod na gagawin ay titingnan ang likod ng libro. Kung di attractive ang nakasulat, at least seductive ang nasa retrato.

14. Tiyakin mong simple at medyo malalaki ang font para madaling basahin. Walang fancy wingdings o retrato na makaka-distract sa pagbabasa. Ibuhos mo na ang lahat ng kaartehan sa cover. Pag nasa loob na, kailangang buo ang focus ng mambabasa sa teksto.

Ayan, palagay ko may mapupulot ka na sa mga puna at sinabi ko. Puwede itong dalhin sa UST Publishing o sa Milflores Publishing. Pag nagdalawang-isip, ilapit mo sa Visprint, publisher ni Bob Ong, patulong ka kay CENSORED. Tatanggapin nila ito doon. Good luck!

Jun Balde
5jun2010

Part four- HAHAHAHA PUWEDE PO? HAHAHAHA PLEASE?

Tuwang-tuwa ako sa mga sinabi ni Sir Jun sa kanyang email. Agad kong ginoogle ang mga publisher na binanggit niya.
Una ay ang Milflores dahil marami-rami akong kaibigan na pinublish nito. Kaya lang, lahat naman sila ay connected sa UP as teachers. Baka ‘yon kako ang unang qualification ng authors nila. Ay, disqualified agad ako. Next.

UST Publishing. That time kasi, balitang naghahanap sila ng manuscript dahil kailangan nilang maka-400 books para sa Quadricentennial Celebration bilang unibersidad. Ang lakas ng loob ko, feeling ko, makakalusot itong Mens. Ngi. Kaya naman bigla-bigla rin akong nilukuban ng matinding hiya sa sarili. Pinatalsik na nga ako, e feeling ko tatanggapin pa rin ang manuscript ko, ano ba? Next.

Visprint. Sinong nilalang ang di nakakakilala sa publisher ni Bob Ong? Excited akong nag-surf sa kanilang website. Kaso, puno na pala ang schedule ng paglalabas nila ng bagong aklat. Year 2012 pa sila muling tatanggap ng proposal. Ganon karami ang nakapilang mga awtor sa Visprint, patok sa takilya ini.

Wala na pala akong ni katiting na pag-asang matanggap ng publisher nang taon na iyon, 2010.

Pero hindi pa rin ako nasiraan ng loob. Ginoogle ko ang Anvil Publishing. Siyempre, alam ko ang Anvil, andami kong aklat na Anvil at kasama ko sa UMPIL ang publishing manager nito na si Mam Karina Bolasco. At Filipiniana talaga ang pina-publish nila. Baka puwede. Baka lang.

Pagtuntong ko sa website nila, hinanap ko agad ang guidelines sa pag-submit ng manuscript. Ayun, detalyadong-detalyado pa. Nakikiliti na ang tumbong ko pagkat eto na, putik, eto na, mapa-publish na nga yata ako. Klik. Biglang sumulpot sa mukha ko ang deadline nila ng manuscript: January-March pala. Wah, e, Hunyo na. Next year na pala talaga kung saka-sakali.

Nagdesisyon ako sa isang iglap: tantanan na muna ang pag-aasikaso sa publishing-publishing na ‘yan. Kaya naman, parang aklat,
shelved na muna ang pangarap ko.

Pagdaan ng ilang araw, nagpunta ako sa isang meeting ng UMPIL. Hindi na kasi ako tatakbo bilang kasapi ng UMPIL Board sa parating na Agosto nang taong iyon, kaya nagtu-turn over ako ng mga dokumentong nasa akin pa. Nandoon sa meeting na iyon sina Sir Jun, Sir Vim at Mam Karina at siyempre ang iba pang UMPIL Board members. Tulad ng dati, pagkatapos ng meeting, kuwentuhan, salusalo at inuman ang kabuntot. Inusisa ni Sir Vim kung ano na ang nangyari sa manuscript ko. Ay, di wala, Sir, sagot ko, saka na po ‘yon, naghahanap po ako ng trabaho. Bilang reply, inginuso niya sa akin si Mam Karina, tapos nag-up and down, up and down ang mga kilay ni Sir. Buti na lang, sa ibang tao nakatingin si Mam, hindi kay Sir Vim. Tumawa lang ako. Naku. Ayoko i-approach si Mam. Nakakahiya. ‘Tsaka isa pa, allergic ako sa mga taong seryoso.

Natanong mo na ba si Mam Jing? Naghahanap sila ngayon ng manuscript, pangungulit sa akin ni Sir Vim.

Para saan? Biglang tanong ni Mam Karina. Nakalingon na pala siya sa amin. At ako na ang santa ng mga torpe, hindi ako nakapagsalita.

Si Sir Vim ang maagap na sumagot, Mam, may gusto pong sabihin sa inyo si Bebang.

Tumawa ako nang malakas. Baka kako, mabura ng lakas ng tawa ko ang mga lumalabas sa bibig ni Sir Vim.

Pero narinig pa rin ito ni Mam. Ano ‘yon? May mga works ka bang ipapa-publish? Tula? usisa pa ni Mam Karina habang kumukulubot ang sarili niyang mukha.

Dalawa na kaming tumawa ni Sir Vim.

Bakit parang nandidiri kayo, Mam? Tanong ni Sir Vim sa pagitan ng mga hagikgik.

Tawa rin ako nang tawa pero siyet lang, sa totoo, nahihiya ako, nanliliit ako. Kasi parang ibinebenta ko ang sarili ko noong point na ‘yon. Parang inilalako ko sarili ko.

Mam, hindi po. Hindi po, tanggi ko.

(Madalas kasing humorous ang mga tula ko, hindi tuloy sineseryoso. ‘Tsaka hindi pa ito makakabuo ng koleksiyon, kahit nga idamay pa lahat ng mga tulang naisulat ko since birth.)

Oo, Karina, hirit out of nowhere ni Sir Jun Balde. Nabasa ko na ang manuscript ni Bebang. Nakakatawa. Memoir siya.

Talaga, Bebang? Patingin nga. Mayroon kasing author na hindi nakapagpasa ng revisions kaya may slot kami para sa isa pang manuscript, sabi naman ni Mam Karina.

Automatic na bumuka ang bibig ko, gumawa ng walang sound na wah.

Gatong pa ni Sir Jun, parang Bob Ong nga ang pagkakasulat ni Bebang.

By this time, high na high na ako sa pinagsama-samang feeling ng hiya, panliliit, pagkamangha, stress, happiness, kaba at excitement kaya humalakhak na lang ako habang sinasagot si Mam, mapahiya man ako sa pagtatanong kong ito, at least mapapahiya akong humahalakhak. Haahahaha, puwede pa po ba, Mam Karina? Haahahaha Ie-email ko po agad sa inyo hahahaha ang koleksiyon ko kung puwede pa. Hahahahaha at puwede po bang Babe Ang hahahahaha ang gamitin kong hahahahaha pen name? Kung sakali lang naman po hahahahaha!

Biglang dumilim ang mukha ni Mam Karina. Nawirdohan siguro sa akin. Ha, ano? tanong niya.

Isa-isang naglaho ang mga hahahaha ko. Hindi na uli ako nakapagsalita.

Part 5- ANG TUNAY NA BEB ANG

Buti na lang sumingit sina Sir Vim at Sir Jun sa usapan namin ni Mam Karina. E, bakit hindi pa Beb Ang ang gawin mong pen name? Tanong nila sabay halakhak din. Ang masama, nahawa ang buong UMPIL. Tinatawag na nila akong Beb Ang pagkatapos ay hahalakhak ang lahat. Napapahalakhak na rin ako. Para naman kasing joke, pen name pa lang.

Pero biglang naging seryoso ang torpe kong sarili. Bebang, gagi ka, you must grab this chance. It’s now or never.

Kaya naman to make the long story short, ipinadala ko sa Anvil via email ang manuscript ko at nagustuhan naman nila ito. Beb Ang na nga ang magiging pen name ko. Haping-hapi naman ako, ke ano pang pen name ‘yan. Basta’t lalabas bilang isang buong aklat ang koleksiyon ko, ayos na ayos! Blessing sobra, di ba? Tinext ko agad ang mahal ko sa buhay.

Poy, s wkas, mgkka-Mens n ko! -Beb Ang

Isang araw, pag-uwi ko, may cake sa mesa, ma-chocolate ang bati sa akin: Congrats, Beb Ang! Nag-picture-picture kaming mag-anak bago sumugod sa cake. Ang saya kong tunay. At ang suwerte kong tunay. This is really is it is it.

Pero di nagtagal, may ilang glitch na bumulwak during the “menstruation” period. Matagal ang copy editing. Tengga is the right word. Natengga sa copy editing ang koleksiyon. Nakadalawang copy editor ako. ‘Yong una, di makatawid sa deadline dahil sa problema niya sa kalusugan. Ang dream copy editor ko ay abalang-abala naman sa ibang bagay, century bago mag-reply sa text at email. Natagalan bago ako nakahanap ng isa pang copy editor. Bukod dito, nagkaroon din ng miscommunication tungkol sa cover design. Iginiit ko na nakapili na ang mga manager/big shots mula sa unang set ng studies at hindi na kailangan ng panibago na namang set ng studies. Kakain na naman ng panahon kapag nagpagawa pa ng bagong set of studies, made-delay pang lalo ang paglabas ng mens. At ang pinakamalupit sa lahat ng glitch na ito: may nag-submit ng book proposal sa Anvil, Beb Ang ang pangalan. At tunay niyang pangalan ang Beb Ang. Inabisuhan agad ako ni Mam Karina, Bebang, hindi mo na puwedeng gamitin ang pen name mo. Malilito ang mga tao kapag naglabas na kami ng aklat niya.

Opo, Mam, kako.

Ay, anong magagawa ko, hindi naman ako ang totoong Beb Ang?

Agad akong nagpasya, gagamitin ko na lang ang tunay kong pangalan: Bebang Siy. (Well, almost tunay na pangalan...)

At para bagang signos! Pagkat sa maniwala kayo’t sa hindi, nagtuloy-tuloy na sa paglabas ang ano ko, dumaloy ito, lumigwak, umagos, hala ang ragasa nito sa mga bookstore sa sangkapuluan, hanggang ngayon. Kaya bumabaha na nga, ng mens. At plano ko ngayon ay lunurin sa mens ang buong Pilipinas.

Mahirap iyon, alam ko, tipong matagal, madugo, pero okay lang. Kakayanin ko ‘yan. Babae akong hindi nasisiraan ng loob.



Disyembre 2012
Kamias, Quezon City


*Ang paglalathala ng email ni Abdon M. Balde, Jr. para kay Bebang Siy ay may pahintulot mula kay G. Balde.

**Ang sanaysay na ito ay nalathala sa panitikan.com.ph noong Enero 2013 at kabilang sa exclusive content ng nasabing website.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...