Monday, January 28, 2013

Mga Batang Makata mula sa Lupang Pangako

Kahapon, nagturo ako ng tula sa mga batang taga-Gawad Kalinga, Cox Village, Payatas B, Quezon City. Na-shock ako nang makitang dalawa lang ang nagpatala sa writing workshop. Ang iba raw ay lumipat na sa Arts and Crafts. (Late si Ate Bebang, hmp!)

Noong umpisa, nahirapan akong i-introduce ang konsepto ng tugma sa dalawa kong workshopper. Inumpisahan ko kasi ang lahat sa may impit at walang impit. E, medyo komplikado ito dahil kahit araw-araw itong nararananasan ng mga Pilipino, hindi sila aware sa impit-impit na iyan.

Ang impit ay glottal stop. Parang may naiipit sa bandang lalamunan at ngala-ngala mo kapag bumibigkas ka ng salitang may impit. Paano ko ‘yon ipapaliwanag sa mga bata?

Anyway, nakausad naman ako mula rito. Humingi lang ako nang humingi ng mga salitang nagtatapos sa a at tinatanong ko sila kung may impit ba iyon o wala. So grouping-grouping muna kami ng mga salita according to sound of the last syllable.

Ang saya ko nang makapagsulat sila! Burger ang paborito nilang pagkain kaya tungkol dito ang isinulat nina Ryan at Shara. Naisip kong mas madali siguro kung tugmang katinig muna ang ituro ko. Kaya pinalista ko na rin sila ng mga salitang nagtatapos sa –ot, -ok, -is at iba pa. Tapos ay pinagawa ko sila ng tula tungkol sa mga salitang inilista nila. Nasa baba ang resulta.

May iba pang dumating na mga bata sa session namin. Kaya habang sumusulat ng ikalawa/ikatlong tula sina Ryan at Shara, tinuruan ko ang mga bagong dating.

Basahin at namnamin ang kanilang mga akda. Enjoy!

(Ito ang sample ng tugmaang walang impit sa "A".)

Ang Tungkol sa Aming Papa, Mangga, Santa at Bola

Bumili kami ng burger kasama si Papa.
Bumili rin kami ng santol at mangga.
Nakita namin noong Pasko si Santa,
Maglalaro sana kami ng batuhan-bola.
-Ryan O. Palmones, 11 taong gulang, Grade 5 student sa Lupang Pangako Elementary School



Ben-10

Niligtas ni Ben-10 ang buntis.
Ang buntis ay kumain ng mais.
Ang mais pala ay panis.
Kaya bumili uli siya ng mais na matamis.
-Ryan O. Palmones, 11 taong gulang, Grade 5 student sa Lupang Pangako Elementary School


(Ito ang sample ng tugmaang walang impit sa "O".)

Sa Payatas-Aklan

Nakakita kami ng multo.
Sumakay kami sa malaking lobo.
Bumagsak kami sa bato.
Nabukulan kami sa ulo.
-Ryan O. Palmones, 11 taong gulang, Grade 5 student sa Lupang Pangako Elementary School


(Ito ang sample ng tugmaang may impit sa "A".)

Naggawa si Papa ng bintana
Upang makakita ng tala
Ngunit ito ay nabasa
Baka nasabuyan ito ng suka.
-Merry Grace F. Candido, 12 taong gulang, Grade 4 student sa Lupang Pangako Elementary School

(Ito ang sample ng tugmaang walang impit sa "O".)

Sa Court

Pagkatapos naming maglaro ng sipa, naglaro kami ng lobo.
Kumain din kami ng puto.
Bigla kaming nakakita ng multo.
Tumakbo kami at nabangga namin ang lolo.
-Shara Marie C. Andres, 10 taong gulang, Grade 4 student sa Lupang Pangako Elementary School


Sailor Moon

Si Sailor Moon ay kulot.
Ang kanyang aso ay may mahabang buntot.
Ang kanyang kaibigan ay kumain ng balot.
Ang kapatid niya ay kinagat ng surot.
-Shara Marie C. Andres, 10 taong gulang, Grade 4 student sa Lupang Pangako Elementary School

(Ito ang sample ng tugmaang walang impit sa "A".)

Paborito kong Burger na May Itlog

Pagkatapos kong kumain ng burger na may itlog, kumain ako ng mangga.
Ang ketchup ng burger ay natapon sa kurtina.
Gumawa ako ng drama.
Pero ako pa rin ang nagtapon ng lahat sa basura.
-Shara Marie C. Andres, 10 taong gulang, Grade 4 student sa Lupang Pangako Elementary School

Basketball

Minsan, naglalaro ako ng basketball nang nagpapanik
Dahil nakatama ako ng biik.
Pagkatapos mag-basketball, kami ay nagpiknik.
Ang dinaanan namin ay kalsadang batik-batik.
-Jhon Vincent R. dela Bajan, 12 taong gulang, Grade 6-Meteor, Lupang Pangako Elementary School

Tungkol sa Pag-aaral

Kahit laging tag-araw ang panahon,
Nag-aaral ako taon-taon.
Kinse ang aking baon-baon.
Kapag kumakain ako, walang natatapon.
-Jessa Martinico, 12 taong gulang, Grade 5 student sa Lupang Pangako Elementary School

Pasahan

Pumunta kami sa iba’t ibang pook.
Pagkauwi namin, nakawala ang manok.
Nakita namin sa lamesa, saging na bulok.
Nahuli na ako ng pasok, nagpasahan na sila ng notebook.
-Jeralyn Libores, 9 na taong gulang, Grade 3 student sa Lupang Pangako Elementary School

Pagkatapos ng buong umagang pagsusulat at workshop, time to present na. Siyempre pa, ang stage mother persona ko ay biglang nag-take over. Piniktyuran ko sila habang tumutula sa harap. Pagkatapos ng bawat tula, marami ang tumatawa mula sa hanay ng mga Pinoy na volunteer at pumapalakpak talaga sila sa mga workshopper ko (Meron kasing Korean, Taiwan at Australians na volunteers, e hindi naman sila maka-relate dahil sa wikang Filipino sumulat ang lahat ng bata).

O di ba, one proud mama lang ang peg?

Congratulations, kiddos! Hanggang sa uulitin!


Ang mga tula ay ipinost dito nang may pahintulot mula sa lahat ng may akda.

2 comments:

Isabel Laguitan said...

nakaka-touch naman ito ate bebs :) May God Bless you for having such a warm heart <3

babe ang said...

Hello, Isabel! ang gagaling ng mga bata ano? kumusta ka na? salamat sa pagbasa mo ng entry na ito. punta ka lagi sa fwgp ha

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...