Tuesday, September 15, 2009

papel 5

8 Setyembre 2009

Paksa: Ilang Tala sa Sanaysay na Ang Dalumat ng Panahon at Espasyo sa mga Traki ng Dulangan Manobo ni Rosario Cruz Lucero

Tampok sa Ang Dalumat ng Panahon at Espasyo sa mga Traki ng Dulangan Manobo ni Rosario Cruz Lucero ang isang pag-aaral sa mga duyuy nga traki o awit na pasalaysay ng Dulangan Manobo ng Mindanao.
Dalawang bagay lamang ang nais kong paksain sa papel na ito:

1. Si Bebang Tulos bilang bayani ng kultura

Sa traking Si Tagane, naawa si Bebang Tulos sa pinakamaralitang tao sa lahat. Iyon si Tagane. Nagpasiya si Bebang Tulos na isama na lamang siya sa langit. Mula noon ay nagpakita na lamang sa panaginip ng mga tao si Tagane. Pinapayuhan niya ang mga tao na magpakasipag at magtanim.

Ngunit ang akin, paanong naging bayani ng kultura si Bebang Tulos?

Ayon sa sanaysay, ang bayani ng kultura ay may tatlong ginagawa: una, lumilikha ng kultura sa pamamagitan ng pagtuturo ng bagong kaalaman gamit ang kalikasan; ang ikalawa at ikatlo ay magkamukha, nagtatanggal ng mga balakid sa kasaganahan o lumulutas ng mga suliranin sa buhay ng tao at sinasagip ang manobo sa dalamhati at kahirapan. Hindi naman nagawa ni Bebang Tulos ang una. Sa traki, maaaring si Tagane pa nga ang nagturo ng bagong kaalaman dahil ipinayo niya sa mga tao ang pagtatanim para hindi na sila magkutkot ng lupa. Sa ikalawa naman, sa tingin ko ay hindi naman niya nalutas ang suliranin. Ang suliranin ay mahirap kumuha ng ube dahil nasa ilalim ng matigas na lupang kailangan pang kutkutin. Marahil nalutas niya ito kung nagbigay siya ng pinakamahusay na kasangkapang pangkutkot ng lupa o di kaya ay pinalambot niya ang lupa para mas madali ang pagkuha ng ube o di kaya ay pinatubo na lang niya ang ube sa balag. Ang ikatlo lamang ang nagawa ni Bebang Tulos. Dapat na nga ba siyang tawaging bayani ng kultura?

2. at ang pananaig ng lungkot at dusa sa mga traki

Sa traking Kung Bakit Nagdurusa ang mga Manobo: Si Ine Tomig’l at si Bebang Tulos, iisang manobo lamang ang nagtagumpay na makaakyat sa baya (langit) at ang langit ay maaaring i-equate sa kaginhawaan. Ibig sabihin, lahat ng manobo, maliban kay Ine Tomig’l ay hindi nakakatikim ng kaginhawaan. Bagkus nga ay naghihirap pa dito sa lupa.

Sa Ang Pinagmulan ng Maraming tribu ay ipinakita namang nagkagulo, nagkahiwa-hiwalay at nagpangkat-pangkat ang lahat ng manobo dahil sa pag-uutos nila sa isa’t isa. At dahil pangkat-pangkat na ay malaki ang posibilidad na maging magkakalaban pa sila.

Ang tauhan namang si Tagane ay sinasabing pinakamaralita sa lahat. Isang hiwalay na traki ang nagtatampok kay Tagane. Sinabi rito ang hirap ng kanyang buhay dahil nagkukutkot lang siya ng lupa para may makain.

Si Kulaman naman, na sa tingin ko’y isang bayani dahil siya ang nakadiskubre ng isda sa pamamagitan ng paghuhukay sa putik, ay isang trahedya naman ang sinapit. Bumaha sa ilog kung saan siya ay nakahanap ng isda at doon nga’y nalunod.

Sa traking Bundok Iliyan, ang pangunahing tauhan na si Iliyan ay inagawan ng ari-arian ng isang busaw. Pagkatapos niyon ay naglaho na si Iliyan.

Tampok sa mga traking ito ang lungkot at pagdurusa ng mga manobo. Isa na naman itong patunay na ang panitikang oral ay hindi lamang salamin ng kultura, ito rin ay daluyan ng damdamin at isip ng mga tao. Ayon sa sanaysay, napakahirap ng buhay ng mga manobo. Isang araw ay maaari silang datnan ng pagbaha ng mga ilog o kaya ay matagal na tagtuyot, o di kaya’y perwisyuhin ng balang o daga ang kanilang palayan.

Ilang ulit ding nauudlot ang payapa nilang pamumuhay dahil sa mga dayo: Muslim, Bisaya, Ilokano, Kastila, Amerikano at higit sa lahat, ang gobyerno na siyang gumagawa ng mga hakbang para makapanamantala ang maalam at may pera sa manobo at sa kanilang likas na yaman.

Bakit nga ba aasahang masaya ang himig at paksa ng mga traki nila kung ganito ang kanilang karanasan noon hanggang ngayon?

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...