Paksa: Kumposo ni Montor na inawit ni Tiya Amparing ng Pavia, Iloilo at Si Montor, maikling katha ni Angel Magahum
Si Montor bilang Moro at Katoliko
Ang dalawang akda ay ukol sa tauhang si Montor na isang Moro. Siya ay naging bantog dahil sa pagiging kilabot ng bayan. Ngunit di nagtagal ang pagiging tinik niya sa lalamunan ng mga tao sapagkat siya ay nahuli at binitay ng awtoridad.
Bagama’t tumutukoy sa buhay ng iisang tauhan, maraming pagkakaiba ang dalawang akda. Narito ang ilan:
1. Ang Kumposo ni Montor na tatawagin kong AKDA 1 ay isang kumposo. Ang kumposo ay isang anyo ng kanta mula sa Visayan Region na pumapaksa ng kuwento ng digmaan o pag-iibigan. Ang AKDA 1, samakatuwid, ay may anyong patula at lirikal. Taludtod at saknong ang gamit nito sa pagsasalaysay. Ang AKDA 2 naman, ang Si Montor, ay pakuwento. Papangungusap at patalata ang pagsasalaysay. Ang AKDA 2 ay may pagka-creative non-fiction ang dating.
2. Madamdamin ang AKDA 1 dahil sa malulungkot na eksena. Dito ay isinaad na may babaeng minamahal si Montor at ito ang nais niyang makita habang nakabilanggo at bago mabitay. Ang AKDA 2 ay may pagka-dyornalistiko. Dahil sa mga detalye tulad ng mga pangalan ng tao (Heneral Angel Corteza, Heneral Fullon, Koronel Brandais) at mga lugar sa Iloilo (Parian, Ogtong, Tigbawan) mukhang balita ang buong akda.
3. Sa AKDA 1, makikita ang human side ni Montor. Pinagsalita siya rito at nagpahayag nga ng hiling na makita ang minamahal. Ang dating ay kahit ang pinakamaton o siga sa lahat, may soft side pa rin. Sa AKDA 2, mas pinalitaw ang pagiging mandirigma niya. Dito idinetalye ng tagapagsalaysay na si Ramon, isang lalaking naging kaibigan daw ni Montor, kung paanong naging sundalo si Montor, kung paanong makipaglaban si Montor at kung sino-sino na ang kanyang napatay.
Narito naman ang pagkakatulad:
1. Parehong sinabi ang Iloilo bilang pinangyarihan ng lahat. Ginamit pa nga sa AKDA 1 ang Ilong-Ilong na pinaniniwalaang hugis ng islang Iloilo at siyang pinagmulan ng pangalan ng lalawigan.
2. Parehong sinabi na si Montor, bagama’t isang Moro, ay nagkaroon ng kaugnayan sa Simbahang Katoliko. Sa AKDA 1, ang mga huling linya ay
LUMUHOD KA’T MANALANGIN,
TANDA NG PAGSASAMANG MALAMBING.
na maaaring tumutukoy sa pagsasamahan nina Montor at ng mahal na si Asuncion ngunit maaari ring tumutukoy sa relasyon niya at ng relihiyong Katoliko. Sa AKDA 2 naman ay sinabing nagmula sa Antike si Montor at nang tumuloy sa Iloilo ay sa kumbento tumuloy. Binanggit din na bininyagan siya at si Heneral Rios ang ninong. Ang heneral na ito ay isa sa mga napatay ni Montor at kanya pang ipinagmamalaki ang pagkakapatay niya rito.
3. Pareho ring sinabi na may ginawang masama si Montor sa bayan. Sa AKDA 1 ay ito ang umpisa. Bigla na lamang itong naisip ni Montor (na para bang normal na ganon mag-isip ang isang tao, pabigla-bigla kahit pa grabeng pagkawasak ang idudulot ng ideyang iyon.) At nilapastangan nga niya agad-agad ang bayan. Sa AKDA 2 ay sa dulo ito matatagpuan. Pagkatiwalag daw ni Montor sa tropang Kastila ay sumama ito sa rebolusyonaryo pero kapagdaka ay tumiwalag din daw ito sa mga rebolusyonaryo saka nagkalat ng lagim sa mga bayang nakalaya na. Nanunog siya, nagnakaw at pumatay doon nang walang tigil.
Sa palagay ko, ang dalawang akda ay pumapatungkol sa naging ugnayan ng mga Muslim at Katoliko sa bayan ng Iloilo. Sa unang basa, aakalaing ukol lamang ito sa iisang taong kathang isip lang, isang taong pasaway sa may awtoridad kaya dapat parusahan. Ngunit hindi. Hindi ito kasing-inosente ng inaakala natin.
Si Montor ay maaaring ituring na kinatawan ng mga Moro o Muslim. Ang problema ay, sa dalawang akda, kitang kita agad na dehado ang pagkaka-portray sa mga Muslim.
1. Sa AKDA 2, ang sabi rito ay dati silang Katoliko. Bininyagan. Ngunit tumiwalag nang matapos ang pagrerebolusyon laban sa Kastila. Ito rin ang pinahihiwatig ng dulo ng AKDA 1. Dati siyang Katoliko kaya siya ay nagpapadasal kay Asuncion.
2. Nanggulo sila. Sa AKDA 1, sinabing sa isang bayan lang. At ang bayang ito ay hindi ang Iloilo (sapagkat nang mahuli si Montor ay saka pa lamang siya ipinadala sa Iloilo). Sa AKDA 2, nanggulo daw sila sa mga pinalayang bayan. At karumal-dumal pang mga krimen ang ginawa roon.
3. Ipinapahiwatig na sa AKDA 1 na sila ay nagbabalik-loob sa dating relihiyon o nagre-reminisce ng dati nilang relihiyon na Katolisismo bago malagutan ng hininga.
4. ang pagiging kaliwete ni Montor at ang parang inosenteng tanong ng
tagapagsalaysay ng kuwento ng “Ang mga Moros, kaliwete gid bala kumaon?” ay isang foreshadowing ng gagawin ni Montor sa pinagsilbihan nitong amo, ang mga Kastila at ang Katolisismo. Ang kanan ay laging naiuugnay sa tama at ang kabaliktaran nito, ang kaliwa, ay siya namang naiuugnay sa mali.
5. Ang paglalarawan kay Montor o sa mga Muslim ay salit-salitang positibo at negatibo. Sa AKDA 2, mapagmahal daw sa lupang tinubuan ang mga Muslim tulad ng kapuwa niya Pilipino. POSITIBO. Mainit at masidhi siyang nakipaglaban para sa kanyang mga kapatid. POSITIBO. Ngunit parang hayop sa gubat ang kanyang tapang at bangis. Wild, parang ganon. NEGATIBO. Pagkatapos, ang ending ay nanunog siya, nagnakaw at pumatay sa mga bayang nakalaya na sana sa digmaan. NEGATIBO. Salit-salitan man ang paglalarawang ito, dama kong mas negatibo ang paglalarawan kaysa positibo. Para kasing walang utang na loob si Montor sa AKDA 2. At pinagsisihan at natanto niya ito kaya nabuwal at nahimatay siya nang bibitayin na siya. Samantalang sa AKDA 1 ay masama si Montor, nilapastangan ang bayan, inuna pa ang kumbento! Ngunit nagsisi siya at ang naiwang positibong imahen ni Montor sa tagapakinig o mambabasa ay dulot ng ligayang nadama niya pagkakita kay Asuncion, na maaaring kumakatawan sa relihiyong Katolisismo. Maaaring sabihin na nang makita niyang muli ang Katolisismo sa Iloilo habang siya ay nakabilanggo, nalimutan niya ang lungkot na dulot ng napipintong kamatayan. Bukod dito ay nag-utos din siya magpadasal kay Asuncion. Kung hindi niya ito pinagawa kay Asuncion, maaaring kasuklaman siya ng tagapakinig o mambabasa. Sa madaling salita, kung hindi siya nagbigay-pugay sa Diyos ng mga Katoliko, masamang masama talaga siya. Wala siyang katubusan.
At kung susundan ang teorya kong si Montor ay kinatawan ng Muslim, ang nais iparating ng mga akda ay: ang mga Muslim ay nagdudulot lamang ng pagkawasak at matagal na paghahari-harian. Sa puntong paghina at pagkalipol, ang lahat nang ito ay mapapatawad basta’t dumulog lamang sa Diyos ng mga Katoliko at magdasal bilang Katoliko. In short, huwag mo nang igiit ang pagiging Muslim mo dahil teritoryo ito ng Katoliko.
Thursday, September 24, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment