Tuesday, September 15, 2009

patay-buhay

Kabi-kabila ang mga kakilala kong namamatay. Puro kasing-edad ko o mas bata pa sa akin. 26, 24, 30.

Parang may quota si kamatayan sa age bracket ko. Napaisip tuloy ako sa araw-araw kong buhay. Sa mga nangyayari sa akin ngayon, nakaka-frustrate talaga. Marami akong plano pero wala akong ganang gawin ang mga ito. Ganado lang ako sa pagpa-plano, pero wa naman galaw, move or anupaman. Kainis talaga. Mahirap itong naiinis sa sarili. Parang gusto kong sunugin ang sarili ko minsan.

Pero naisip ko rin na hindi ako dapat nagrereklamo. Pasalamat nga ako at buhay pa ako, maraming marami pang puwedeng gawin. Iyon talaga ang ipinagkaiba ng buhay at patay. Maraming posibilidad kapag buhay ka. Kapag patay ka na, wala na.

Well, meron man, katulad halimbawa ng parangal sa mga yumaong alagad ng sining at ang pagtaas ng presyo ng kanilang mga likha, ay hindi naman mae-enjoy ng pinararangalan. Kasi nga patay na siya.

Kapag wala akong magawa kundi magbilang ng deadline, sa trabaho at eskuwela, ay nagbababad ako sa ukayan. Humihiling ang puso ko na sana huminto saglit ang oras o di kaya mamatay nang tuluyan ang mga deadline.

Isang araw, habang iniisa-isa ko ang sari-saring disenyo ng mga pangginaw mula sa first world na bansa, bigla ko na lang naisip na paano kung biglang lumindol at gumuho ang building na ito? Amputa, mamamatay ako na naghahalukay ng nangungutim na bestida at pinaglumaang pantalon? Hindi puwede ito.

Hindi ko hinahamak ang ukay-ukay at matagal na akong suki niyan. At hindi ko rin hinihiling na sana naman kunin ako ni lord habang ako ay pumipili kung alin ba ang dapat bilhin: ang mango na blouse worth P3250 ba o people are people na girly kamiseta worth P3520?

Ang iniisip ko, paano kung time ko nang sunduin ni kamatayan? Susunduin niya akong nagsha-shopping? Siyet. Nakakahiya yata iyon. Wala bang mas magandang Gawain kaysa mag-ukay-ukay? Hindi ba’t mas marangal na sunduin niya ako habang nagkukuwento sa nanay ko’t mga kapatid tungkol sa mga blooper sa klase? O kaya habang ako’y nagsusulat ng baybayin sa whiteboard ng classroom? O di kaya ay nagliligtas ng kuting sa nasusunog na condominium 4599 floors high? O di kaya ay nananaliksik ng kuwentong oral ng mga katutubo sa patuloy na pinasasabog at pinaliliguan ng balang Mindanao?

Kaya nag-iisip na ako ngayon tungkol sa mga gawain ko. Dapat ko ba itong pinag-aaksayan ng panahon? Kailangan ba talaga ako rito? Ano bang silbi nito sa akin at sa aking pamilya? Nagiging mabuti ba akong tao dahil dito?

May nagtext sa akin ng forwarded message. Sabi, how you spend your day is how you spend your life.

Mahina ako sa time management. Netong mga nakaraang araw nga ay lagi pa rin akong late sa lahat ng lakad ko: sa birthday ni nehya, sa klase ni sir vim at iba pa. Pero netong mga nakaraang araw, mas naging malay ako sa mga bagay na dapat kong unahin. Para na akong lagari dahil sa trabaho at eskuwela. Nakakalimutan ko na ang tunay na kahulugan ng buhay. Para na akong patay. Nag-aaral at nagta-trabahong patay.

Noong sabado, nanood ako ng Kimmy Dora kasama ang aking mabubuting kaibigan. Ilang buwan na rin mula nang huli kaming nagkita-kita. Kaya parang agos sa disyerto ang mga balita namin sa isa’t isa. Refreshing, ika nga. At noong linggo, nagsine rin kami ni ej. Trailer pa lang ang up ay ipinangako ko na iyon sa kanya. Kaya lang tambak na trabaho ang kalaban ng paglabas namin. Kaya noong linggo lang natuloy ang aming date. Pagkatapos naming manood ng sine, nagtuloy kami sa paborito niyang hantingan ng mga pokemon: ang ukayan sa anonas.

1 comment:

Dyord said...

Ate Bebs, saan yung anonas? Anung pokemon? Mga stuff toys o action figures? Buhay pa kaya iyon ngayon?

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...