Sunday, September 20, 2009

Wikang Filipino at Komersiyo

Isinulat ko ang pagpapakilalang ito sa eksibit na pinangunahan ng mga guro sa Filipino ng paaralang pinaglilingkuran ko. Nakakalungkot na kakaunti ang nakita kong tumitingin-tingin sa eksibit. :(

Cambridge Berkeley Residences
Esplanade Green Cross
Watson’s Toy Kingdom

Sawang-sawa ka na ba sa mga produkto o kainan o lugar na ang pangalan ay alien sa iyong hinagap o di kaya ay wala namang kinalaman sa iyong buhay?

Kung oo ang sagot mo, para sa ‘yo ang eksibit na ‘to.

Handog ng Kolehiyo ng Komersiyo at Komite para sa Pagdiriwang ng Papel ng Pambansang Wika sa Komersiyo ang KALAKALAN, isang eksibit ng mga larawang tampok ang iba’t ibang produkto, negosyo at kompanya sa Pilipinas na ang pangalan ay Filipino.

Layon ng eksibit na ito na makapag-ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagpapakita na ang pambansang wika ay maaaring paghanguan ng pangalan para sa mundo ng kalakalan.

Mula sa mga larawang kinunan ng ilang piling mag-aaral sa unang taon sa Kolehiyo ng Komersiyo ng Unibersidad ng _______, mababakas ang kakaibang hatak ng wikang Filipino bilang pangalan ng produkto, negosyo at kompanya.

May ilang negosyanteng pinili ang literal na paggamit ng salitang Filipino para sa kanilang negosyo tulad ng: Lugawan at Tokwa’t Baboy, Kakanin (tindahan ng mga kakanin), ML Kwarta Padala (serbisyong money transfer mula sa M.Lhuillier Group of Companies), Regalong Pambahay (isang chain ng mga tindahan ng handicrafts na gawa sa Pilipinas at madalas ay ibinibigay bilang regalo para sa bahay ng iba) at Handaan (isang restawran).

Ngunit mayroon din namang may pagkamakabayan at nagpapakita ng paglingon sa kasaysayan tulad ng K.K.K. na isang restawran at Kalye Juan na isa ring kainan sa Tomas Morato. Bagama’t Espanyol ang pinagmulan ng pangalang Juan, malaon na itong naging simbolo ng karaniwang Pinoy. Kaya si Juan dela Cruz ay maaaring maging sino man sa atin sa kasalukuyan.

Mayroon ding mga negosyante na mas hayag ang pagpo-promote ng kulturang Filipino sa pamamagitan ng ngalan ng kanilang negosyo. Halimbawa ay ang Pasalubong (tindahan ng buko pie, minatamis na kendi, ube, kropek, sitsaron at iba pa). Ang pinakamalapit na salin ng pasalubong sa Ingles ay take out. Bakit walang eksaktong salin nito? Simple lang. Wala sa kulturang Amerikano ang pagpapasalubong. Pilipino lang naman ang nagpauso ng ‘take home,’ dahil sa pagtatangkang Ingles-in ang salitang pasalubong.

Dagdag din sa halimbawa ang restawran na Kamayan at Kamay-kainan. Bantog ang mga Filipino sa paggamit ng kamay sa hapag-kainan. At ang Hilot Pinoy na isang massage center. Ipinapahiwatig ng salitang hilot na ang Pilipino ay may sariling paraan ng pagmamasahe na hindi lamang nakakatanggal ng stress, nakapagpapagaling pa ng sakit.

May mga negosyante ring naglaro o nag-imbento ng mga salita. Halimbawa niyan ay ang Kapetolyo (isang coffee shop), Anak ng Tapa (isang kainan), Sarsarap (masarap na sarsang pino-promote ng komedyanteng si Jimmy Santos), Bibingkinitan (tindahan ng maliit o balingkinitang bibingka), Bibingkako (isa pang tindahan ng bibingka), Nakudnubak (tindahan ng mga gamit sa pag-akyat ng bundok) at Adobo Putoshop (isang coffee shop na nagtitinda ng puto.)

Mayroon ding sumabak sa popularisasyon ng inimbentong salita. Halimbawa nito ay ang Tapsilogan sa UST. Mayroon pang may pagka-interaktibo. Halimbawa ay ang Ibadiba? Na isang maliit na tindahan ng abubot o palamuti sa katawan na madalas ay pambabae. Pangalan pa lang ay hinihimok nang tumugon ang mamimili.

May mga gumamit din ng varayti ng wika. Halimbawa ay ang Alaeh! Shirt na tindahan ng mga kamiseta. Pangalan pa lamang ay alam mong Tagalog Batangas na ang pinagmulan.

May mga salita rin mula sa iba pang wika sa Pilipinas. Ang ilan sa mga salitang ito ay itinuturing nang ambag ng iba pang wika sa Pilipinas sa wikang Filipino.

Mangan-isang restawran at salitang Iloko para sa ‘kain na!’

Cabalen- isang restawran at salitang Kapampangan para sa ‘kababayan’

Mekeni-brand ng mga processed food at salitang Kapampangan para sa ‘halika’

Ang ilan naman ay gumamit ng mga salitang hiram sa Espanyol. Ngunit ang mga salitang ito ay napakatagal nang ginagamit ng dilang Pilipino kaya na-integrate na o ‘inangkin’ na ng ating pambansang wika. Halimbawa:

Kamiseta (camiseta na isang panlalaking damit)- isang retailer ng mga pambabaeng damit

Okasyon (ocasion na isang pagkakataon o pagdiriwang)- isang restawran

Maldita (maldita na isang taong isinumpa)- isa pang retailer ng mga pambabaeng damit

Mang Inasal (pandiwang asar na ang ibig sabihin ay ihaw)- isang restawran na nag-aalok ng manok na inihaw

Arte (arte na ang ibig sabihin ay sining sa Espanyol. Ngunit sa kulturang Filipino, ang arte ay hindi kapantay ng sining. Mas mababang uri ito. Ito rin ang dahilan kung bakit negatibo ang salitang maarte.) –isang maliit na tindahan ng mga abubot o palamuti sa katawan na madalas ay pambabae.

Mahusay rin ang mga pumili sa Sinag Pawnshop at Lakambini Diagnostic Center.

Ang isang negosyo o produkto o kompanya ay parang anak ng negosyante, imbentor o administrador. Sinasalamin ng pagpapangalan niya sa kanyang anak kung anong uri siya ng Filipino. Siya ba iyong may malasakit sa sariling kultura? O siya ba iyong nagpo-promote ng kultura ng iba at mas nanaisin pang makadagdag sa nananaig nang alienation ng karaniwang Pinoy sa sariling bayan?

Hinahamon ng Komite para sa Pagdiriwang ng Papel ng Pambansang Wika sa Komersiyo ang mga mag-aaral ng komersiyo, kabataang negosyante at kabataang administrador na mag-ambag pa sa intelektuwalisasyon ng pambansang wika. Gamitin nang gamitin sa kalakalan ang Filipino. Ito ang ipampangalan. Wala namang mawawala kundi ang kamalayang dayuhan.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...