Wednesday, September 30, 2009

overnight kung overnight

Dahil sa karanasan ko noong Sabado at Linggo, magmumungkahi ako ng mga dapat gawin para sa mga emergency case tulad ng pagka-stranded sa eskuwela o sa opisina dahil sa bagyo o baha. Eto:

1. Huwag mag-panic.

Ang isa sa nagpaganda ng karanasan kong ito ay ang mga kasama ko. Cool na cool. Siguro ang isang dahilan ay huli na nang ma-realize naming seryoso ang sitwasyong kinalalagyan namin. Noong tanghalian, nagmiminiminimaynimo pa kami kung saan oorder ng pagkain. At habang nagmiminimaynimo kami, umaakyat na pala ang tubig-baha hanggang ngala-ngala. Mabuti na lang talaga at nag-deliver pa ang Eva’s. Pagkakain, nagkantahan pa kami ng Huling El Bimbo at Magasin. ‘Yong iba sa amin, nag-check ng papers. ‘Yong iba, nagte-text na. ‘Yong iba, binisita na ang mga estudyante. ‘Yong iba, nakibalita sa aming mga superior na nasa 4th floor. Ako naman, nagbabasa-basa pa ng The Lost Symbol na ipinahiram ni Ms. Claire. Walang nagbabanggit ng overnight-overnight. Hindi pa nagsi-sink in sa amin ang realidad.

Pero nang gumagabi na, medyo nag-alala na ang mga tao. Siyempre ang unang concern, hapunan. Pero wala pa ring panic-panic. Cool na cool pa rin. Nakatulong din ang gitarang iniwan ng isang dating faculty sa aming faculty room. Dahil sa musika, medyo relaxed ang mode ng mga tao. Si Sir Lawi nga, ginitarahan pa ang ibang mga estudyante niya.

Buti na lang ganoon. Kasi walang nagsisisihan, nag-uutusan, nagsisigawan, walang tensiyon. Natapos ang Ondoy, dumami pa ang aking kaibigan.

2. Huwag nang tangkaing umuwi.

Mas maganda nang ma-stranded sa lugar na pamilyar sa iyo at komportable ka. Sa kaso naming mga naiwan sa faculty room nang kasagsagan ni Ondoy, nagpapasalamat talaga kami dahil tuyo, maganda, mabango at malinis ang aming kinalalagyan. Ang ibang faculty na nakaalis nang maaga, na-stranded sa kalsada, sa kotse, sa LRT, ‘yong iba sa Mendiola (nakituloy na lang tuloy siya sa bahay ng dati niyang estudyante) at 'yong ibang estudyante, sa overpass.

3. Tumutok agad sa telebisyon o radyo para makakuha ng pinakahuling impormasyon.

Noong me koryente pa, eto ang nakaligtaan naming gawin. Kasi naman, nakaiskedyul kaming maglakwatsa noong gabi dahil delayed birthday celebration sana ni Ms. Claire. At nagtatalo-talo pa kung saan pupunta. Me nagyayaya sa Korean Filmfest sa Shang (ako ‘yon, ako yon). Meron ding nagyayaya sa dampa na malapit sa MOA. Lahat kasi kami, hopeful na titigil ang bagyo.

4. Umorder agad sa kung saang kainan na kaya pang mag-deliver ng pagkain. Huwag nang umasa sa ipadadala ng iba. Kung walang tubig na maiinom, magpadeliver na agad.

May nagbalitang magpapadala raw ng pagkain ang Sec. Gen. Mabuti na lamang at segurista ang mga kasama ko. Umorder pa rin kami ng pagkain sa ipinadalang assistant ni Kuya Ed, may-ari ng karinderyang Kuya Ed’s sa may Asturias St.

Gabing gabi na (mga 8pm) nang dumating ang sinasabing pagkain: spaghetti ng Jollibee. At pailan-ilang piraso ng styro kada dating. At dahil hindi sapat ang bilang ng spag, pinaghati pa ang dalawang estudyante sa iisang styro pack. Kung umasa kami rito, malamang na nagutom kaming mga guro. Wala nga rin palang drinks na ipinadala ang Sec. Gen. Mabuti na lamang at may bottled mineral water at juice ang Commerce Student Council. Iyon ang ipinamigay noong hapon pa lang.

Nagpadala ng isang galon ang seminary noong gabi pero sinabihan naming silang huwag na iyon ang unahin. Mas kailangan ng mga bata ang pagkain. Marami sa kanila ang hindi pa nanananghalian.

5. Kumilos hangga’t may koryente at ilaw. Mag-imbak ng tubig na maiinom. Mag-
charge ng cellphone. Maghanap ng mga kandila para pag dumilim ay may aasahang liwanag.

Walang kandila sa faculty room. Kaya pinuntahan namin ni Mam Lanie si Ate
Chona. Nagpasama ako sa kanya na umakyat sa Pax Romana Office. Buti na lang at maraming kandila doon para kay Mama Mary. Sorry, Mama Mary. Kami ang dahilan kung bakit wala kang kandila ngayon.

6. Tanggalin ang mga kasangkapan na maaaring makasagabal sa pagkilos-kilos ninyo kapag madilim na.

Maaga pa lang, pinalitan na namin ang galon sa water dispenser. Konti na lang
naman ang laman niyon. Pero naisip naming mas mahirap i-shoot ang galon sa dispenser kapag madilim na. Pagkapalit, itinabi din naming ang walang lamang galon para hindi makatisod ng iba.

7. Ilayo ang mga bulaklak o halaman, kung meron man, sa kinalalagyan ninyo dahil
mag-aattract lang ito ng insekto at lamok. Baka makaligtas ka nga sa baha, e ma-Dengue ka naman.

Katatapos lang ng Commerce Week kaya sangkaterbang bulaklak at bouquet ang
nakahambalang sa faculty room. Itinabi namin ni Sir Bondame ang mga bulaklak para mas maaliwalas ang aming faculty room at para lumayo-layo nang konti ang mga lamok pagdatal ng gabi.

8. Tumawag kung may landline pa o mag-text sa mga kamag-anak at alamin ang
kalagayan nila. Kung ligtas sila, magpabili ng load at i-update sila sa iyong sitwasyon kada isa o dalawang oras. Huwag na huwag magpasundo. Baka sila rin ay ma-stranded. Iyong isang estudyante namin, nagpasundo sa buong pamilya. Dumating naman ang buong pamilya: nanay, tatay, kapatid. Lumusong sila sa pagkarumi-ruming bahang hanggang dibdib lang naman. Ayun, awa ng diyos, sama-sama silang na-stranded sa UST.

Siyempre, nag-aalala rin ang mga mahal namin sa buhay at nag-aalala kami para sa kanila. Cool na cool kami pero hindi na lang siguro pinahalata ng marami sa amin. Wala naman kasi kaming magawa talaga kundi kausapin si Ondoy.
Si Sir Art nga, di mapakali kasi ang in laws niya e nasa bubong na ng bahay nila sa Marikina noong hapon. Tapos yung sarili niyang pamilya, nasa 2nd floor na. Hapon pa lang iyon. Kaya naman, pagbukangliwayway, umuwi na agad si Sir Art. Siya ang unang umuwi sa aming lahat na nag-overnight.

Ako naman, salamat na lang talaga sa pagiging malilimutin ko, naiwan ang cell sa sasakyan ni Joji. Kaya wala akong maitext. Ni hindi ko makumusta ang nanay ko. at ang worse pa, kapag mini-missed call ko si Joji gamit ang cell ni Mam Cora, Sir Bondame at Mam G, ay hindi siya makatawag-pabalik dahil ampangit-pangit ng signal. Hay, bad trip talaga!
Naunang nawala ang dial tone ng telepono sa faculty room. Buti na lang, hindi nasira ang direct line sa dean’s office. Pero kinagabihan ko na nalaman ito. Ngek.

9. Huwag na huwag bababa sa tubig hangga’t maaari lalo na kung may koryente pa.
Baka maihaw ka lang.

Walang sinabi ang Titanic sa eksena sa ground floor ng AB/Commerce Building. Noong gabi, sobrang dilim, paisa-isang flashlight ng guwardiya ang rumoronda sa itim na tubig. Lumulutang ang mga bench, ang mga plastic na upuan, ang plastic na lalagyan ng mga scratch paper para sa recycling project ng eskuwela, kalat, basura, ipis at iba pa. Kalahati ng elevator namin, lubog. At ang center for creative Writing Studies ni Mam Ophie Dimalanta, lubog din.

Kahapon, tinext ko si Eros tungkol dito. Napa-fuck at tangna siya. Marami pa raw siyang gamit sa center. Sabi ko na lang, sori, sori talaga. Sa totoo lang, ayokong pinagmumulan ng ganitong balita. Putsa, kahit ako, di ko ma-imagine na malunod sa tubig-baha ang mga libro ko at computer, ‘no? Sabi ko na lang din kay Eros, magpalipat sila ng opisina sa Sec. Gen.

Dapat lang naman talaga na ang document-intensive offices na tulad ng Center for Creative Writing (na actually ay non-existent na dahil ginawa nang Office of Writer-in-Residence) ay ilipat sa mas mataas na area sa university.


Yes, I strongly suggest na lahat ng ground floor sa uste ay gawin na lamang receiving area o parking lot para walang maapektuhang dokumento o mga aklat o equipment o kagamitan. Amen.

10. Mag-organisa ng community praying.

Natuwa ako sa AB nang makita kong nagdarasal sila. Faculty nila ang namuno. May birhen pa sa gitna ng kumpol-kumpol na estudyante. Umakyat agad ako para sabihin sa mga student leaders ng Commerce ang nakita ko. Iminungkahi kong mag-organisa din sila ng community praying. Sabi nila, pagkatapos na lamang kumain. Pero hindi ako sigurado kung nagawa nga ito.

Sa totoo lang, aligaga na ang mga estudyante. Kahit may dumarating na pagkain, hindi naman sapat. Noong hapon, may dumating na dalawang bandehado ng pansit. Naghati ang AB at Commerce. Ang problema, hindi sapat. Wala ring paper plates at tinidor. Ang mga nakita kong taga-1LAM, pasikreto kong pinahiram ng mga plato at tinidor mula sa cabinet ng faculty room.

Umakyat kami ni Mam Lanie sa Dean’s Office. May natirang isang naka-colored cellophane na mga delata na offering sana sa church. Puro sardinas. Sinabi namin sa Asst. Dean na gutom pa rin ang ilang bata dahil hindi nakakain ng pansit. Ibinigay ito ng Asst. Dean. Dinagdagan din niya ng biskuwit. Naghagilap kami ng can opener at mga lalagyan ng pagkain. At natuklasan ko ang mga paper plate, plastic spoon and fork, cups sa isa sa mga cabinet sa faculty room. Salamat sa mga cabinet ng faculty room.

Sardinas at biskuwit ang kinain ng ilan sa mga estudyante ng commerce. Me nakakatawa pa ngang eksena. Kasi si Mam Lanie, sobrang maalalahanin, siya pa ang nagbubukas ng lata ng sardinas. Sabi ko, ipabukas na lang sa mga bata. Ang problema, hindi pala marunong ang karamihan sa mga bata. Tiyak na hindi kumakain ng sardinas ang mga ito. At kung kumakain man, e mga yaya at nanay ang nagbubukas para sa kanila. Susmaryosep. Pag nagkadelubyo, unang unang magugutom ang mga batang ito.

Lalo na nung gabi, mas aligaga na sila. Sigurado akong hindi sila nakapagpahinga. Nakasalampak sila sa sahig. Diyaryo at karton lang ang sapin sa likod. Me nagbigay sa kanila ng mga t-shirt. Me nagbigay ng ilang kumot. Hindi ko na naitanong kung saan galing. Pero makalat ang paligid. Madilim. Kandila lang ang tanglaw nila. Mabuti na lamang, marami ang magkakagrupo. Umpok-umpok sila. Mas maganda talaga ‘yung may kakuwentuhan ka sa panahong ganito. Hindi ka masyadong maaawa sa sarili mo dahil nakikita mong hindi ka nag-iisa. Pare-pareho kayong stranded at walang magawa para makauwi.

Sinabi ko rin sa mga co-faculty ko na nagdasal ang AB. Pero pagod na rin siguro ang mga tao. Hindi na namin nagawa ito nang sama-sama pagkatapos ng hapunan. Pero earlier that night, mga 6:00 pm, tahimik na nagdasal sina Mam Imelda, Mam Cathy, Mam Nora at Mam Lanie. Niyaya nga ako pero tumanggi ako. Hindi naman sa ayaw kong magdasal, wala lang sa isip kong magdasal nang saktong oras na iyon.

11. Ilista ang pangalan ng mga taong kasama.

Importante ito para alam ninyo kung ilan ang nawawala sa buong maghapon at magkakaroon ng search at rescue kung kinakailangan. Sa kaso namin, hindi naman umabot sa ganoon. Naging useful ito noong umoorder na kami ng pagkain dahil alam namin kung ilan kaming lahat.

12. At higit sa lahat, ngayon pa lang, ngayong walang humahagupit na bagyo at
rumaragasang baha, maglaan ng isang cabinet para sa mga emergency na sitwasyon.

Lagyan ito ng:
1. kandila (mga limang piraso, isang dangkal ang haba)
2. posporo o lighter
3. flashlight na may baterya
4. baterya (isang bagong pack)
5. radyong de-baterya
6. maraming maraming biskuwit, iba’t ibang klase
7. maraming maraming bottled water
8. noodles, pancit canton at iba pang hindi nabubulok na pagkain (i-check ang expiration date once in a while)
9. maraming maraming delata (i-check ang expiration date once in a while)
10. dalawang can opener at kutsilyo
11. paper plate, plastic spoon at fork, plastic na baso (maraming marami)
12. tunay na plato, kubyertos at baso
13. mga tigsasampung tableta ng multivitamins, pang-diarrhea, paracetamol, mefenamic acid, antibiotic, aspirin,
14. band aid, alcohol, gasa, sabon, toothpaste at toothbrush
15. directory ng mga phone number na dapat tawagan kapag emergency
16. tsinelas na goma, bota, kapote at payong
17. kalan na may maliit na tangke ng gas
18. tag-isang call card ng smart at globe
19. sanitary napkin at tissue
20. life vest, lubid at mga karton
21. unan at maraming maraming maraming kumot (kahit super luma)
22. mga long sleeves at pantalon para iwas-lamok (panlalaki at pambabae)
23. katol
24. charger ng pinakakaraniwang cellphone
25. papel at panulat
26. pito (whistle)
27. Bibliya at rosaryo (para sa mga Katoliko)

Siguraduhing hindi mababasa ang cabinet na ito. Siguraduhin ding madali itong
maaabot at mabubuksan ng kahit na sino: bata, matanda, babae, disabled at iba pa.

Pagkatapos ng lahat, kapag normal na ang situwa-situwasyon, dapat ay pinasasalamatan pa rin ang mga nakasama at tumulong. Salamat sa mga ka-Ondoy ko:

Mam Cora
Mam Nora
Sir Bob
Sir Mario
Mam Imelda
Mam Cathy
Sir Bondame
Mam Claire
Mam G
Sir Art
Sir Paguts
Mam Vivien
Mam Lanie
Mam Ruby
Sir Lawi
Sir Cabs

Mula naman sa Dean’s Office
Sir Jim
Mam Calara
Ate Chona
At ang mga SA

At mula sa CR ng babae sa Commerce Faculty Room: ikaw na mahiwagang teenager na babae ka, salamat sa pagpaparamdam.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...