Thursday, September 24, 2009

papel 7

Paksa: Ilang Tala sa ilang bahagi ng Orality at Literacy ni Walter Ong

Ang Dalawang Mundo ng Salita

Ang introduksiyon at ikaanim na kabanata ng Orality at Literacy ni Walter Ong ay nagbigay-diin sa kaibhan ng Orality at Literacy. May sariling mundo ang bawat isa. Ang mundo ng orality ay may distinct na katangian at tuntunin sa pag-inog nito. Samantalang ang mundo ng literacy, bagama’t may sariling mundo rin ay hindi naman maaaring makapag-exist nang hindi muna dumaan sa mundo ng orality.

Marami akong natanto pagkabasa ng babasahing ito. Tunghayan ang ilan:

1. ang dalawang mundong nabanggit sa itaas ay nagluwal ng dalawang uri ng kultura: ang kulturang oral at kulturang pasulat.

Panganay ang kulturang oral. May mga kulturang oral na hanggang ngayon ay walang ideya kung ano ang kulturang pasulat. Ngunit ang kulturang pasulat ay dumaan muna sa kulturang oral bago naging kulturang pasulat. Ibig sabihin, lahat ng kulturang pasulat ay nagmula sa pagiging kulturang oral.

Magkaibang magkaiba ang mga kulturang ito. Kailanman ay hindi magkakapareho maging ang isang salita para sa taong mula sa kulturang oral at sa mga taong namulat na sa kulturang pasulat. Halimbawa ang salitang diwata. Sa kulturang oral, ang salitang ito ay nagpapasulpot na sa isip ng nakarinig (ng salita) ng iba’t ibang imahen ng diwata at lahat ng kaugnay nitong bagay. Samantalang ang taong mula sa kulturang pasulat ay uulit-ulitin muna ang salitang diwata at ang mga titik D-I-W-A-T-A nito sa isip saka lamang maaaring mag-generate ang kanyang isip ng imahen ng isang diwata, iyan ay kung alam niya ito, at ng mga bagay na kaugnay nito.

2. hindi angkop ang oral literature para itawag sa mga akdang ito.

Ito ay dahil ang literature ay nagmula sa salitang letter na tumutukoy sa pasulat na simbolo ng mga tunog na kung tawagin ay wika. Sa Filipino ay gayundin. Ang salitang panitikan ay nagmula sa salitang titik.

Ayon kay W. Ong, ang mas angkop na tawag sa mga akdang ito ay text na ang
root meaning ay to weave. Sumasang-ayon ako. Lahat ng nabasa kong akda para sa klaseng PP 230 ay nagpakita ng sining ng paghahabi ng mga pangyayari, kuwento, paglalarawan, kultura, panlipunang pagtatakda at iba pa. Ang mga oral performance naman daw ay mas mainam kung tatawaging voicing. Sang-ayon din ako halimbawa na lang ang manobo storytelling, ito ay hindi naman basta pagtatanghal gamit ang bibig kundi ito ay pagsasatinig, pagsasatinig ng alaala ng isang storyteller.

3. ang lahat ng wika ay mayroong komplikadong grammar at ito ay nalinang at
napalawig nang walang tulong mula sa kulturang pasulat (dahil hindi pa nga ito naimbento noon).

Ibig sabihin, malaki ang posibilidad na ang pagkakabuo ng mga sistema at
tuntunin sa grammar ng mga wika ay nakabatay lamang sa kung ano ang maganda sa pandinig ng mga gumagamit nito.

4. Hindi na posible ang pinakamataas at pinakamahusay na verbal performance dahil sa pag-iral ng kultura ng pagsusulat.

Dahil nga malay na ang tao sa pagsusulat, hindi na ito makalikha ng pinakamahuhusay at pinakamagagandang “voicings.” Kapag ang isang tao ay nagtatanghal sa oral na paraan, imposibleng hindi siya maging malay sa anyo nito kapag ito ay nakasulat na. Nariyan na ang pag-aalala niya sa grammar, sa organisasyon ng ideya, sa balangkas ng kuwento o salaysay, sa punto de bista at iba pa.

5. Napakahalaga ng naratibo.

Ang naratibo ay pagsasalaysay ng mga pangyayari. Ito ay may konsepto ng paglipas ng panahon. Ayon sa akda ni W. Ong, kahit ang pinaka-abstract na ideya ay maaaring naratibo ang maging daluyan. Ang mga kuwento ay naratibo. Kahit ang mga salawikain at kasabihan ay may bahid ng naratibo dahil para mabuo ang mga ito, kailangang dumaan ang mga karanasan ng tao sa pagsasalaysay na nakabatay sa pagdaloy ng panahon. At naratibo nga ito.

Ang naratibo ay pinakamahalaga sa kulturang oral dahil gumagamit sila ng kuwento kung saan nila itinatago, inoorganisa at itinatalastas ang marami sa kanilang nalalaman.

6. Magkaibang magkaiba ang storyline at characterization ng dalawang kulturang
ito.

May bahid ng spontaneity ang kulturang oral at ito ay nababago at nagaganap habang binibigkas kaya iba-iba ang haba, iksi at ligoy ng iisang kuwento. Ang kuwento ay laging work in progress. Ang kulturang pasulat naman ay mahaba ang panahon na ginugugol sa pag-iisip ng storyline. Bago lumabas ang pinal na produkto o ang pasulat na akda ay gawa na ang storyline. Hindi na ito nababago. Kasi nga, nakasulat at nakalimbag na. kung sakaling may pagbabago sa storyline, ito ay itinuturing nang bago o ibang akda.

Sa karakterisasyon naman ay ganon din. Ang tauhan sa kulturang oral ay hindi naman talaga tauhan lang. Sa Manobo Storytelling ni H. Wrigglesworth, tinawag niya itong story-participant. Ibig sabihin, napaka-flexible ng pagiging tauhan sa mga kuwento, gayundin ang mga tagapakinig sapagkat sa anumang panahon sa loob ng naratibo ay maaaring maging isa ang tauhan at mga tagapakinig. Kaya malaki ang pagsasaalang-alang ng taong nagtatanghal o bumibigkas sa lahat ng gawi, ugali, hangarin at iba pa ng mga tao sa kanyang komunidad. Sasalaminin ng kanyang mga nililikhang tauhan o story-participant ang mga ito. Ang tinig ng buong komunidad ay maririnig sa mga tauhan o story-participant.

Samantala, malinaw ang pagkakahati ng papel ng tauhan at mambabasa sa kulturang pasulat. Ikaw na tagapagbasa ay tagapagbasa lamang ng mga iniisip at gagawin ng tauhan. Nakalatag na ang lahat, babasa ka lang. Kaya masasabing passive ang tagapagbasa. Hindi siya kasali sa kuwento. Maaaring nararamdaman niya ang nararamdaman ng tauhan ngunit hanggang doon lamang. Hindi niya katabi ang manunulat para marinig ang kanyang komento. Ang tauhan naman ay parang puppet. Ang panginoon ng tauhan sa kulturang pasulat ay ang awtor. Ito ang magdidikta sa mga iisipin at gagawin ng tauhan. Ito ay likha ng isip ng iisang tao lamang. (Bagama’t masasabi rin naman na bunga ng lipunan ng manunulat ang kanyang mga likha.)

Bilang pagtatapos, hindi dapat natin (tayong mga namulat sa kulturang pasulat at halos hindi na nakakakilala sa purong kulturang oral) binibigyang-kahulugan at tinatasa ang kulturang oral batay sa nalalaman natin sa ating kultura. Mahalagang alamin din ang kaligirang pinagmumulan ng kulturang oral upang mas makabuluhan at mas makatarungan ang gagawin nating pagtatasa at pagbibigay-kahulugan sa anumang inaalok nito sa atin.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...