Thursday, October 8, 2009

papel 8

PANITIKANG ORAL 230
7 Okt. 2009


Paksa: Mariang Makiling ni Jose P. Rizal

Si Maria at Ang Endo

Nalathala sa La Solidaridad noong 1890 ang bersiyon ng kuwento ni Mariang Makiling na isinulat ni Rizal sa ilalim ng sagisag-panulat na Laong Laan. Sa lahat ng nabasa at narinig kong kuwento ukol sa babaeng ito, ang kay Rizal ang pinakanagustuhan ko. Madulas ang wika at kahit mahaba ay hindi nakakabagot. Kung gaano ka-magical si Mariang Makiling, ganon din ka-magical ang dating ng akda. May pakiramdam din na para akong nakikinig lang sa isang kaibigang nagkukuwento. Isang kaibigang ubod ng lungkot.

Narito ang buod:

May isang mahiwagang babaeng ang ngalan ay Mariang Makiling. Mag-isa siyang naninirahan sa bundok. Napakabait niya sa kapwa. Lahat ng humihiling sa kanya ay kanyang binibigyan. Ngunit marunong din siyang magparusa. Ang sinumang manakit ng hayop ay makakatikim ng parusang may halong kapilyahan ni Maria.

Lumipas ang pagkarami-raming taon ay hindi nagbago sa hitsura at ugali si Mariang Makiling. Ngunit dumating ang panahong bigla na lang siyang naglaho. Tatlo ang itinuturong dahilan: ang pagiging abusado ng mga tao sa paligid, ang pangangamkam ng mga prayle sa kanyang ari-arian at ang ikatlo ay kasawian sa pag-ibig.

Isang binatang magbubukid ang inibig daw ni Mariang Makiling. Wala sanang suliranin sa kanilang suyuan kundi lang dumating ang panahong kailangang makipagbunutan ang binata para maging kintos o kawal. Lahat ng binata’y takot sa sitwasyong gayon. Nagiging masamang tao ang sinumang mamuhay sa kuwartel. Ngunit may paraan naman para doon ay hindi magtuloy: ang magputol ng sariling daliri, sirain ang sariling ngipin sa pamamagitan ng pagpapabunot, mamundok, magpatiwakal o mag-asawa.

Ang huli ang pinili ng binata. Ngunit sa iba at hindi kay Maria. Mula nga noon ay hindi na napagkita ang mahiwagang dalaga.

Muni-muni

Nang mabasa ko ito ay naalala ko ang pelikulang Endo. Tungkol naman ito sa isang lalaking paiba-iba ng trabaho dahil sa contractual lamang ang kanyang napapasukan. Pagkaraan ng anim na buwan ay endo na siya. End of contract. At kailangan niyang iwan ang trabaho kahit napamahal na ito sa kanya. Kailangan din niyang iwan ang mga kasama. Kahit pa napamahal na rin ang mga ito sa kanya. Bigla na lang ay hindi na sila magkikita-kita tulad ng nakagawian nila dahil magtatrabaho siya sa ibang kompanya naman.

Ipinakita sa pelikula kung paanong naapektuhan ng kontraktuwalisasyon ng trabaho maging ang personal na buhay at pakikipag-ugnayan sa kapwa ng karaniwang Filipino. Napakatingkad ng mensahe: ang kontraktuwalisasyon ay hindi nakakatulong sa pagkakabuo at pananatiling buo ng pagkatao ng isang Filipino. Ito ang dahilan ng pagkakawasak ng mga relasyon, sa pag-ibig man, pagkakaibigan at iba pa.

Nakita ko ito sa Mariang Makiling ni Jose Rizal.

Palagay ko’y mananatili ang ugnayan ni Maria at ng binata kung hindi naman dumating ang “panahong nararapat nang makipagbunutan kung sino ang sa bawa’t lima katao’y magiging kintos o magiging kawal.” Ito ang pumutol sa maliligayang araw ng dalawa. Ito ang “istorbo.” Katulad ng kontraktuwalisasyon, ito ay hindi nagdudulot ng kabutihan sa pagkatao ng tao. Binanggit ni Rizal ang mga dahilan kung bakit tiyak na aayaw ang binata tulad ng marami pang katutubo sa pagiging kintos o ang paglilingkod sa hukbo:

1. Mawawala ang kabataan, tahanan, angkan, mga dakilang damdamin, hiya, kung minsa’y karangalan.
2. Pito o walong taong pamumuhay sa kuwartel na ipinagiging hayop at nakapagtuturo ng mga bisyo…
3. …na ang malalaswang salitang pabulas ay nagpapakilalang walang kinikilalang batas na umiiral sa hukbo na hangga ngayo’y nasasandatahan pa ng panghagupit…
4. …na ang tao’y natutulog nang may mga luha sa mata at nananaginip ng kakila-kilabot na bagay, upang magising na matanda na, walang kabuluhan, masama ang kaasalan, mahilig sa dugo, at malupit.

Sa kontraktuwalisasyon, iniipit ng sistema ang manggagawa. Lumalabas na dadalawa lamang ang mapagpipilian: kawalan ng trabaho o trabahong kontraktuwal. Sa ibang salita: gutom o basag-basag, putol-putol na relasyon sa kapwa. Parehong bangin.

Sa Mariang Makiling, heto ang pagpipilian ng binata:

kintos/ O pagputol ng sariling daliri
kawal pagpapabunot ng ngipin noong
(balikan ang bilang 1-4 sa itaas) panahong kailangan pang
kagatin ang kartutso,
pamumundok/panunulisan
pagpapatiwakal
pag-aasawa (na madalas ay arranged
marriage sa taong hindi mo gusto)

Pareho ring bangin. Katulad ng manggagawang walang masyadong pagpipilian, pikit-matang tumalon ang binata sa bangin para lang “mabuhay.”

Kaya masasabi kong wala talagang hatid na maganda ang “panahong nararapat nang makipagbunutan kung sino ang sa bawa’t lima katao’y magiging kintos o magiging kawal.”

At maaaring basahin bilang “ang mananakop na mismo” ang tinutukoy na panahong ito dahil sila naman ang nagdala niyan sa ating bayan. Kung hindi dumating ang mananakop, walang ganitong panahon, walang kailangang pagpiliang mga bangin, walang kailangang maghirap at mamatay. Patuloy lang ang matamis na ugnayan. Patuloy ang buhay sa piling ni Mariang Makiling.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...