Wednesday, September 3, 2014

Tanaga Mula sa Tacloban 1

Noong 27-29 Agosto 2014, ako ay nasa Leyte para magturo ng basics ng tula at magkuwento tungkol sa aking paglalakbay bilang isang manunulat, sa mga elementary at high school student ng Leyte. National Book Development Board ang nag-imbita sa akin at pinamagatang Booklatan sa Bayan ang event. Kasama ko rito si Bb. Daryll Delgado na isang manunulat na tubong-Tacloban, at ngayon ay naninirahan na sa Quezon City.

Sa pag-iimbita at pag-aasikaso sa amin, nagpapasalamat ako kina Mam Ciela Cayton, Executive Director, Camille dela Rosa, Deputy Executive Director, Wilfred Castillo, Director IV, Salvador Briola, Project Development Officer III at Bb. Marfe de Castro, Project Development Officer I.

Kakaiba ang workshop na ito para sa akin. Dito ko naisip, may kongkretong silbi talaga ang tula kahit sa modernong mundo at panahon.

Kayrami kong natutuhan mula sa mga participant! Maraming salamat sa inyo, mga batang Leyte.

*******************************************************************************************************************************

Ang unang session namin ay ginanap sa San Fernando Central School sa Tacloban.

Heto ang mga akda ng mga estudyante:

Tanaga mula sa Tacloban

Lugar namin sa Taal,
Lamang-dagat ay mahal.
Tao’y nagtutulungan
Nang yaman ay makamtan.

-Jacynth Mae Gamba
Bliss Elementary School

Doon sa aming bayan,
Lagi nang may sapakan.
Kahit na walang laban,
Patuloy ang bakbakan.

-Kyla Jeanne O. Ngoho
A.P. Banez Memorial Elementary School

Nulatula

Dito sa bayan namin,
Tao ay nagigising,
Hindi alam ang gagawin,
Titig lang sa salamin.

-Rhecca Mae Alfanta
Nulatula Elementary School


Paboritong Balyuan:
Kakaibang daanan
Ang sementong tapakan.
Di ko malilimutan.

-Jose Andrew R. Olbisano
Leyte National High School


Bayan ko ay Sagkahan,
Na nagsisilbing tirahang
Nagbibigay ng buhay
Para sa ‘king tagumpay.

-Connie B. Merin
Sagkahan National High School



Sa amin ay malinis
Walang peste o ipis.
May sampalok at tambis,
Mga tao’y makinis.

-Janamarey Victoria M. Penaranda
Manlurip Elementary School


Dito sa ‘ming barangay,
Tulong ay umaapaw,
Puso ng iba’y bukal,
Di sila nag-alangan.

-Erika Setosta
San Jose National High School


Pag-uwi ko sa bahay,
Mayroong isang dollar.
Sabi ko sa Maykapal,
“Ito’y aking inasam.”

-Lovely Julia M. Bag-ao
Basper Elementary School


Kuya ko’y laging bigo
Dahil siya’y mabaho.
Di siya naliligo
Kaya s’ya nagtatago.

-Samantha B. Zosa
Panalaron Central School


Merong lalaking tsuper,
Pangalan niya’y Toper,
Sumusulat sa pader,
Nakatira sa Basper.

-Jhon Edcel O. Calites
Tacloban National Agricultural School



Sa Barangay Bagacay,
Naro’n ang aming bahay.
Ngiti doon ay panay
Kahit saan ka malagay.

-Jamaica Mae B. Verano
Tacloban City National High School


Itinuring na bahay
Ang nasa Caibaan.
Pamilya’t kaibigan
Ang ligaya ng lugar.

-Hannah Rose M. Cuaderno
Marasbaras National High School


Maharlika*

Isang daang madilim
Ngunit maraming gising.
Hindi ka maaaliw
Dahil sa mga rocker.

*Maharlika- isang major na kalsada sa Leyte

-Anna Patriz N. Bareja
Marasbaras National High School


Para sa aming bayan,
Ako ay nagdadasal
Na laging matugunan,
Aming pangangaylangan.

-Kathleen Kaye Rostata
Tigbao-Diit Elementary School


Bakuran ay malinis,
Walang ahas at ipis,
May tambis at kamatis,
Prutas, hayop ay labis.

-Lorie Jane E. Dela Cruz
Tagpuro Elementary School


Sa barangay ng Iscan,
Laging nagtutulungan.
D’yos lang ang tatawagan,
Problema’y lalampasan.

-Phoebe Toni Arteche
Scandinavian National High School


Sa aming lugar sa Bliss,
May bumisitang ipis
Na laging nagbibihis
para maghanap ng chicks.

-Danica P. Gaata
Mercyville Elementary School


Gising sa umagahan,
Masaya ang Sagkahan.
Mga bata sa daan,
Sila’y nagtatawanan.

-Andreah Lorraine M. Labadia
Rizal Central School


Sa bahay na masikip,
Kahit ito’y maliit,
Basta at may internet
Ulo’y di mag-iinit.

-Patricia Mei Bianca D. Abrenatia
Cirilo Rey Montejo National High School


Ang GB* ay malinis.
Ito rin ay tahimik.
Mayro’n doong pag-ibig
At mabuting mag-isip.

*GB-

-Angelica Sofia Romae A. Priaz
V&G dela Cruz Memorial School


Kaming taga-Fisherman,
Palaging nagwa-Waray.
Minsa’y nag-iibigan,
Minsan ay away-away.

-Arnold A. Catuday
Fisherman’s Village Elementary School


Doon sa Pericohon,
Aso ay tumatahol,
Tao ay nagmomotor.
Hilig nila ay kangkong.

-Marielle Flores
San Fernando Central School


Sa Barangay Pangarap.
Kapitan si Mang Brolap.
Siya’y taong maagap,
Mabait sa mahirap.

-Joshua Clint A. Deloso
Sta. Elena Elementary School


Sa daang lubak-lubak,
Nagsasaya ang lahat.
Sasakya’y nanghagilap!
Nasagasaa’y apat.

-Shaine Shaine Abuda
San Jose Night High School




Ilang tala:

Inedit ni Beverly W. Siy ang ilang akda.
Isinalin ni Daryll Delgado sa wikang Filipino ang ilang salitang Waray at ipinaliwanag niya ang ilang icon mula sa Leyte.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...