Wednesday, September 3, 2014

Diona Mula sa San Joaquin

Noong 27-29 Agosto 2014, ako ay nasa Leyte para magturo ng basics ng tula at magkuwento tungkol sa aking paglalakbay bilang isang manunulat, sa mga elementary at high school student ng Leyte. National Book Development Board ang nag-imbita sa akin at pinamagatang Booklatan sa Bayan ang event. Kasama ko rito si Bb. Daryll Delgado na isang manunulat na tubong-Tacloban, at ngayon ay naninirahan na sa Quezon City.

Sa pag-iimbita at pag-aasikaso sa amin, nagpapasalamat ako kina Mam Ciela Cayton, Executive Director, Camille dela Rosa, Deputy Executive Director, Wilfred Castillo, Director IV, Salvador Briola, Project Development Officer III at Bb. Marfe de Castro, Project Development Officer I.

Kakaiba ang workshop na ito para sa akin. Dito ko naisip, may kongkretong silbi talaga ang tula kahit sa modernong mundo at panahon.

Kayrami kong natutuhan mula sa mga participant! Maraming salamat sa inyo, mga batang Leyte.

*******************************************************************************************************************************

Ang ikalawang session namin ay ginanap sa San Joaquin Central School sa Palo, Leyte.

Heto ang mga akda ng mga estudyante:


Diona mula sa San Joaquin
Madilim ang paligid
Nang ako ay mag-igib.
Tuhod ko ay nanginig.

-John Rey A. Tobias, 12
Liberty Elementary School


Sumusunod s’ya agad
Sa trabaho ma’y sagad
At sa araw ay bilad.

-Ma. Angelica G. Sevilla, 11
Tanauan II Central School


Ang bata’y nanganganib
Sa malulubhang sakit.
Dapat siyang masagip.

-Mickylla Claire M. Tupaz, 10
Macupa Central School

Ang batang sawingpalad,
Ayan, palaging tamad,
Kaya s’ya’y nakabilad.

-Kaye L. Vinculado, 10
Lamak Central School


Sa kuwebang masikip
Doon ay walang tubig.
Ayoko nang bumalik.

-Joesam T. Yu, 11
La Paz Central School


Akho si Nena Vavoy,
Nagsasalithang vulol.
Gustso ko nang uminom.

-Angelica Mae C. Salatan, 11
Tunga Central School


Kakauwi pa lang…

Pakibuksan ang ilaw.
Kukunin ko ang sitaw,
Ilalagay ko sa sabaw.

-Jyllyn Gayle Mendoza, 11
Tanauan I Central School


Nandiyan na si Edith,
Nakakita ng yagit.
Ito’y kanyang kinulit.

-Carl Joseph S. Fuerzas, 12
Matalom North School


Ang aso ay tumahol
Dahil ito’y nagutom.
Natakot tuloy si Boy.

-Mabeth M. Lugasan, 11
San Jose Central School


Sobrang ingay ng tambol!
Galit ang asong ulol!
Kahol ito nang kahol!

-Hannah Joy C. Kahano, 11
Daniel Z. Romualdez Memorial Elementary School


Mayro’ng dalawang langaw
Na palaging maingay
Sa ulo ng kalabaw.

-Nickson Andrew G. Tejones, 11
Binongtoan Central School


Guro ay laging galit
Sa malalaking bibig
Ng batang makukulit.

-Dawn Marie Julianna V. Murillo, 11
Palo I Central School


Daan

Ang kanyang mga damit,
Isinabit sa lubid,
Tuyong-tuyo sa init.

-Sherika Abundo, 11
Inopacan Central School


Nagsusulat si Dan-Mark,
Biglang may lumagapak.
May multong pumalakpak!

-Shama Becera, 11
Libertad Elementary School


Ang batang gutom,
Kumain ng lechon.
Ang panghimagas ay butong.*

*butong-kinayod na buko

-Maria Jansheen V. Semblante, 12
Hindang Central School


Tumayo na sa sapin,*
Magbenta ng kakanin
Upang may makakain.

*sapin-telang inilalapat bilang higaan

-Louise Raquim P. Verona, 11
Gabaldon Central School


Sa malaking bahay,
Maraming alalay,
Sa gawain ay sanĂ¡y.

-Justin Julienne Jo. Almeria, 12
Pawing Elementary School


Walang kamalay-malay
Si Tatay na may patay
Doon sa kapitbahay.

-Angelica A. Navarra, 9
Granja Central School


Mayroon akong biik.
Ito’y ubod ng liit.
Kulungan ay masikip.

-Nicolas M. Echavez, 10
Mac Arthur Central School


Nawala ang aking bag.
Hanap ako nang hanap,
Nandoon na sa dagat.

-Janine Clarisse Antaran
San Joaquin Central School


Pag-aaral ay dapat,
Mamaya na ang usap.
Tayo na at magsikap.

-Jean Lourd B. Misa, 11
Cassidy Elementary School


Tinapay na malaman,
Di naman malinamnam.
Hayun, nakatiwangwang.

-Cindy D. Luego, 29
Teacher, Palompon South Central School


Si Biki na makulit,
Ayaw niyang makinig
Sa may malaking bibig.

-Benjielyn L. Estremos, 27
Teacher, Palompon North Central School


Sa bundok na madilim
Nandoon si Mang Libid.
May bahay na maliit.

-Kemart E. Villegas, 10
Capoocan Central School


Mga lugar na liblib,
Mga bato ay dikdik,*
Hayop ay mababangis.

*dikdik-

-Mhel Christele P. Palmares, 10
Sta. Fe Central School


Ang aso ay nagutom
Kaya siya ay tumahol.
Napakain na ngayon.

-Mary Rose N. Abanes, 9
Leyte Central School


Si Rosa ay may hardin,
Tinaniman ng butil,
Tumubo ang yellow bell.

-Reina G. Aureo, 11
Bato Central School


Kain tayo ng pansit
Habang tayo’y naka-sit.
Ay! Nalaglag na! Wit it!

-Chezka Dannielle B. Alve, 12
Alang-alang I Central School


Si Jayson ay naratol*
Nang umiyak ang baboy
Dahil ito ay bahol.*

*ratol-nagulat
*bahol-malaki at mabigat

-Johanna Maraie F. Remandaban, 12
Tabango Central School


Ako ay nabibilib
Sa batang nasa tubig
Kahit s’ya’y nasa gilid.

-Herlyn A. Terano, 11
Burauen South Central School


Mayroong isang kawal,
Sobra ang kanyang yabang!
Lagi s’yang may kaaway.

-Darlene Jehan C. Balais, 11
Barugo II Central School


Sina Tatay sa bukid
Ay gumawa ng lubid
Na gamit sa pagtawid.

-Marielle Ann M. Atarca, 11
Barugo I Central Elementary School




Ilang tala:

Inedit ni Beverly W. Siy ang ilang akda.
Isinalin ni Daryll Delgado sa wikang Filipino ang ilang salitang Waray at ipinaliwanag niya ang ilang icon mula sa Leyte.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...