Tuesday, March 4, 2014

Copyright at Manunulat na Filipino

Kahapon ay may ginanap na forum para sa mga manunulat ng trade books sa National Book Development Board, 2401, Prestige Tower, Ortigas Center, Ortigas, Pasig.

Ito ay tungkol sa negosyo ng paglilimbag ng aklat. Nang pinaplano ito, isa ako sa mga nagbigay ng mungkahi kung paano itong makakatugon sa mga usapin na kinakaharap ng manunulat. Dalawang beses akong nakipagpulong sa NBDB. Ang una’y sa tanggapan nila at naroon sina Mam Ciela Cayton, ang Executive Director, Camille dela Rosa, ang Deputy Executive Director, Wilfred Castillo, Director I, Jun Briola, Project Development Officer at Alvin J. Buenaventura, Executive Director ng FILCOLS.

Ang pinag-usapan noon ay kung paanong makakatulong ang NBDB sa mga manunulat. Isa lang ang Cry of Pugadlawin ko: 100% copyright sa writers. Siyempre, may mga nag-devil’s advocate sa meeting na iyon. Sabi ni Boss Alvin, “kunwari, ako ay publisher. Hindi puwede sa akin iyan. Ang laki ng puhunan ko para maging aklat iyan. Marami akong gastos. Marami akong pinapasuweldo. Kaya dapat, 50-50 tayo.” Sinegundahan ito nina Mam Ciela at Camille. Sabi pa ni Camille, “paano naman iyong ambag ng publisher sa editing ng manuscript mo? Hindi ba dapat may share siya sa copyright kapag libro na ito?”

Ang sagot ko, unang-una, wala namang negosyo ang publisher kung wala ang akda, kung walang manuscript. At hindi naman lahat ng akda, dumadaan sa heavy editing. Isang halimbawa ay ang Marne Marino kong kuwentong pambata. Nagbayad ako para ma-edit ang akda ko sa Ingles dahil hindi naman Ingles ang wika ko sa pagsusulat. Duda ako sa grammar ko kaya pina-edit ko muna ito bago ipadala sa Vibal Publishing.

Ibinahagi ko rin na hindi totoong imposible ang 100% copyright para sa authors. Dahil nangyayari naman ang pagbibigay ng copyright sa kasalukuyan.

Sa Visprint, ang copyright ay nasa authors nila. Walang hati rito ang publisher. Kaya andami-daming nakapila sa kanilang manunulat, nag-a-apply, nagbibigay ng book proposal. Alam ng mga manunulat na protektado ang akda nila sa publisher na ito. (Napakabait pa ng publishing manager nilang si Mam Nida Ramirez.) Kung nagagawa ito ng Visprint, na relatively ay batang-bata pa sa publishing industry sa Pilipinas (mahigit sampung taon pa lang ito at higit 40 pa lang ang titles nito sa merkado), bakit hindi ito magawa ng higanteng mga publisher sa mga manunulat nila?

Isa pang halimbawa, kapag nagbuklat ng copyright page ng anumang libro ni Virgilio S. Almario, ang makikita doon ay pangalan niya sa tabi ng copyright symbol. Kanya ang copyright ng kanyang libro. So, bakit hindi ito magawa ng mga higanteng publisher sa lahat ng uri ng manunulat? Dahil ba Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan ang taong ito ay automatic nang kanya ang copyright?

Therefore, kayang ibigay ng publisher ang copyright sa isang author. Hayan sa mga nabanggit ko ang dalawang ebidensiya.

E, bakit humahati ang publisher sa copyright ng bagitong manunulat o ng batang manunulat? Kapag ang isang bagitong manunulat, first time na mapa-publish, hindi puwedeng umangkin ng copyright sa kanyang sariling akda?

Hindi pa rin kumbinsido sa mga sinabi ko ang mga nakaharap ko sa meeting na iyon. Kahit nang sabihin ko, o sige, kung hindi talaga puwede ang 100% copyright for authors, gawin na lang itong batas para doon sa mga bagito, bata at writers na first time na mapa-publish. Para hindi sila maging vulnerable sa mga maltreatment at abuse ng salbaheng publishers sa industriya. At least, ito man lang uri ng mga manunulat na ito ang maprotektahan.

Hindi pa rin kumbinsido ang mga nasa meeting.

So kinailangan kong magbago ng taktika. Appeal to emotions na.

Ikinuwento ko ang mga nakasalamuha kong authors. Sina Sir Lamberto Antonio, na nasa Nueva Ecija, bihira nang makaluwas dahil sa sakit niya, lahat ng pera niya (mula sa royalty at pagsusulat ng akda) at ng pamilya nila ay ambag para sa kanyang mga gamot, Mam Damiana Eugenio, na mag-isa lang sa buhay dahil hindi nakapag-asawa’t anak dahil sa pananaliksik tungkol sa mga mito, alamat at salawikaing Filipino, matandang-matanda na, higit nobenta, lahat ng perang dumarating sa kanya mula sa mga royalty ng kanyang aklat, pambili na lang ng gamot, pagkain at pangsuweldo sa kasambahay na mag-isang nag-aalaga sa kanya, at Sir Frank Rivera, na nagpapagamot dahil sa kanser, kabi-kabila pa ang fundraising para sa gastusin sa ospital, sa kasalukuyan, pumapatak na ng milyon ang bill sa ospital (naroon pa siya hanggang ngayon).

Iyan ang future ng mga kabataang writer natin ngayon, kako. Hindi sa lahat ng panahon ay malakas ang writer, produktibo at nakakapagsulat. Tumatanda rin sila, nagkakasakit din sila. Ang source ng income nila ay ang mga akda nila. Kung hahati pa ang publisher sa copyright ng mga akda ng writers, kalahati ng lahat ng potensiyal ng akda nila. Kalahati ng kinabukasan ng writers ang kinukuha ng publishers.

Mukhang hindi pa rin masyadong nakumbinsi ang mga ka-meeting ko.

The thing is, kaya nababahala ang NBDB, magkakaroon kasi ng ASEAN integration sa 2015. Inaasahang papasok sa publishing industry natin ang mga publisher ng ASEAN nations. Siyempre, ang writers, dahil hindi naman nakatali sa mga publisher sa Pilipinas, ay inaasahang dadagsain ng alok ng mga ASEAN publisher. At lahat ng akda nila ay lilipad, dadapo sa mga kamay ng ASEAN publishers.

So?

So, ang nakikita rito ng NBDB, mas mabubuhay ang Filipino writers sa ganitong sitwasyon. Ang mga publisher sa Pilipinas, maiiwang nakatunganga. Wala nang mai-publish dahil lahat ng akda ng mga Filipino ay makukuha na nga ng foreign publishers.

Kaya, ang mga event na inoorganisa ng NBDB ay mas nakakiling sa kung paanong mananatiling buhay ang publishers natin come ASEAN integration 2015.

Wrong perspective.

Palagay ko, hindi porke't dadagsain ng offers from abroad ang Pinoy writers e mananatili na silang buhay.

Kung hindi marunong ang writers na makipagnegosasyon para sa kanilang copyright at iba pang karapatan, malaki ang posibilidad na malugi na naman sila, maloko at mapagsamantalahan. Kumbaga, nag-iba lang ng amo, alipin pa rin ang alipin.

That night, pag-uwi ko, di ko napigilan ang sarili ko. Tinext ko si Boss Alvin. Sabi ko, ba't mo ko hindi sinuportahan? Ba't nasa kabilang panig ka? Ikaw ang nag-train sa akin kaya ganito ang mind set ko tungkol sa kapwa ko manunulat. Bakit bigla-bigla e, iniwan mo ako sa ere sa pagtatanggol ng copyright ng writers?

Sagot niya, playing devil's advocate lang naman ako. Wala namang representative ang publisher doon, kaya kunwari, ako nga ang publisher. Sinabi ko lang ang mga posibleng sasabihin ng isang publisher sa ipinapanukala mo.

Saka ko naisip, oo nga naman. Tama naman siya. Pero naisip ko rin na kung gusto ng NBDB na marinig ang opinyon ng publisher, hindi siya, si Alvin ng FILCOLS, ang iimbitahan sa meeting na iyon. Ang meeting na iyon ay para sa mga manunulat na Filipino. Hindi para sa publisher.

Nang gabing iyon, naisip ko rin na hindi naman hinihingi ng writers ang 100% profit. Kaya para isagot ni Alvin (bilang representative kuno ng publisher) ang tungkol sa mga gastos nito at pamumuhunan para lang mailabas ang isang aklat, palagay ko ay nagkamali siya roon. Ang hinihingi ng writers, represented by me, ay 100% copyright. Magkaiba iyon.

Dahil imposibleng mahingi ng writer ang 100% profit, hahaha. Kahit baliw ang isang publisher, hinding-hindi siya papayag sa ganoong uri ng hatian. 100% profit sa writer? hahaha! IMPOSIBLE. Sa kasalukuyan, 10-15% ng retail price ng isang aklat ang napupunta sa writer. Ang tawag sa 10-15% na 'yan ay royalty.

Sa libro ko with Anvil, ganyan. No cash out sila. Yearly ang bayad ng royalty. Sa libro ko, ang Marne Marino, with Vibal, 5% lamang. Yearly din ang bayad ng royalty na 5%. Pero meron silang binigay sa akin na P10,000 bago pa man ma-publish ang Marne Marino.

So ayun, hindi 100% profit ang hinihingi ko (representing writers). Dahil naiintindihan ko na kailangan ding mabawi ng publisher ang kanyang puhunan at kailangan nitong kumita.

Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kailangan pang humati ng publisher sa copyright ng writer.

Bakeeeeeeet?

(Ipagpapatuloy)

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...