Monday, March 31, 2014

Ang Pambansa sa Ilang Kuwento at Tulang Pambata



Sa papel na ito ay lilimitahan lamang ang anyong gagamitin sa isa o dalawang anyo – ang

tula at maikling kuwentong pambata at ilang kuwento o tulang naisaaklat lamang ang susuriin.

Simulan natin ang panunuri sa kuwentong pambata na Marne Marino (2013) na isinulat ni

Bebang Siy. Ang kuwentong ito ay tungkol sa isang marinong OFW na nagngangalang Marne.

Oiler siya sa MV Lumba-Lumba Forwarders, isang barkong nagkakarga ng prutas at iba pang

produkto at nagdadala nito sa ibang bansa. Bagama’t isa ang oiler sa pinakamababang posisyon

sa barko, may dalang tuwa kay Marne ang makitang maayos niyang nagagampanan ang trabaho

niya at malinis at maayos niyang iniiwanan ang silid ng makina ng barko. Isang araw, matapos

ang duty ni Marne, hinanap niyang muli ang bagay na pinakamahalaga sa kaniya na hindi niya

natagpuan sa paghahalughog niya sa kuwarto niya nang magising siya kaninang umaga. Isa-isa

niyang linapitan ang mga kaibigan niyang nagtatrabaho sa barko magmula sa kapitan hanggang

sa kusinero. Ipinagtanong niya kung nakita nila ang bagay na pinakamahalaga sa kaniya. Wala ni

isa mang nakakita sa kanila ng hinahanap niya. Naunawaan nila ang tinutukoy ni Marne na

bagay na pinakamahalaga sa kaniya, nakisimpatiya sila sa kaniya at pinalalakas ang loob niya sa

paghahanap. Bawa’t isa ay nagpasalamat na hindi nawawala ang bagay na pinakamahalaga sa

kanila na bigay rin ng kani-kanilang pamilya. Nang susuko na si Marne Marino, humingi siya ng

saklolo sa langit. Nagkaroon siya ng inspirasyon na halughuging muli ang kuwarto niya at doon

nga sa ilalim ng kama niya ay nakita niya ang kaniyang Bibliya, at sa pagitan ng mga pahina

nito, naroon ang bagay na pinakamahalaga sa kaniya – ang retrato ng Pamilya Marino.

Ang pangunahing tauhan ay isang tipikal na Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa

bilang marino. Ikinararangal niya ang makapagtrabaho nang maayos at malinis. Malayo man

ang marinong ito sa kaniyang bayan, sa kaniyang pamilya, pamilya pa rin at ang alaala ng

kaniyang pamilya ang pinakamahalaga sa kaniya. Ang pamilya niya ay sinisimbolo ng kanilang

larawan na nakaipit sa kaniyang Bibliya. Ang bagay na nagbubuklod sa kaniyang pamilya

malayo man siya ay ang kanilang pananampalataya sa Diyos, na sinisimbolo naman ng kaniyang

Bibliya. Palakaibigan si Marne. Kaibigan niya kahit na ano pa ang puwesto sa barko. Bagama’t

tulad niya ay pinahahalagahan rin ng kaniyang mga kaibigan sa barko ang mga bagay na bigay sa

kanila ng kanilang pamilya, walang bagay na pinakamahalaga kay Marne kung hindi ang

kaniyang pamilya mismo. Hahanap-hanapin niya ang kaniyang pamilya saan man siya

makarating. Ang mensaheng ito ay maaaring maunawaan ng isang bata kahit hindi pa siya

nakakapagbasang mag-isa. Bagama’t hindi tuwirang binabanggit ng awtor ang mensahe,

maaaring mahiwatigan ito ng batang mambabasa lalo na kung mayroon rin siyang bagay na

pinahahalagahan na nawawala o mayroon siyang amang nagtatrabaho sa malayo, kahit hindi sa

ibang bansa sapagka’t wala pa namang konsepto ng salitang OFW ang isang bata. Masining

ang kuwento na unang naisulat sa wikang Ingles at unang nailathala bilang bahagi ng aklat na

It’s a Mens World. Gumamit ng nagtutugmang mga salita at pag-uulit at mga salitang nag-iiwan

ng imahen sa isip ng mambabasa, gumamit din ng mga pangalan ng mga tauhan na maiiugnay sa

gawain nila sa barko, halimbawa ay si Kapitan Uno na siyang pinakamataas na opisyal sa barko.

Makulay ang kuwento na dapat lamang para sa mga aklat pambata. Nailathala ang Marne Marino

bilang isang aklat pambata upang magbigay-pugay sa lahat ng OFW, marino o hindi.

Patungkol sa kung may pagtanggap sa mga kuwento at tulang susuriin, maaaring sabihing

mahirap gawing batayan kung gaano karaming kopya ang nabili sapagka’t ang kadalasang

namimili ay hindi naman ang batang mambabasa kung hindi ang matatandang pumipili ng

babasahing ito para sa kaniya. Kung gayon hindi maaaring sabihing may pagtanggap sa aklat

batay lamang sa dami ng nabiling kopya nito o dami ng na-download na app nito. Sa kaso ni

Marne Marino, tatlong libo ang bilang ng kopyang unang nailathala. Mayroon na rin itong e-

book. Sa panayam kay Bebang, sinabi niyang ang alam niya ay hindi pa nauubos ang

mga unang nailathala nguni’t tila hindi siya nababahala rito. Hindi man matiyak kung

nakakarating sa batang mambabasa ang mga kuwento at tulang naisaaklat na at binili ng

matatandang nakapaligid sa kanila, nagdudulot ng tuwa ang mga puna mula sa ilang nakabasa

na. Ayon sa kapuwa manunulat ni Bebang, maganda ang kuwento dahil hindi ito melodramatiko.

Maaaring sabihing ang punang ito ay mula sa kritiko at hindi sa batang mambabasa.

Mayroon rin siyang magandang feedback na nakuha mula sa isang batang nakabasa na ng

kaniyang aklat at nag-e-mail sa kaniya. Nirerekomenda rin ng mga miyembrong Pilipino sa

Goodreads na babasahin para sa mga bata ang kuwento ni Marne Marino. Sila mismo ay nagbasa

nito kahit hindi sila mga bata. Lubhang mahirap arukin ang pagtanggap sa isang katha lalo’t

hindi personal na mamimili ang batang mambabasa nguni’t kung iisipin kung paanong mag-isip

ang batang mambabasa, na kapag mawala lamang sa paningin niya ang kaniyang mga magulang

ay umiiyak na’t naghahanap sa mga ito, maaaring sabihing magiging katanggap-tanggap para sa

batang mambabasang may tinatawag na separation anxiety ang kuwento ni Marne. Halos umiyak

na si Marne at sumuko na sa paghahanap. Tinuturuan ang batang manalig na makakasama niya

ang pinakamahalaga sa kaniya, ang kaniyang pamilya.

Maiuugnay ba ang kuwento ni Marne sa pambansang panitikan? Bagama’t ilinalagay nito

ang Pilipinong OFW sa mababang katayuan, ipinakikita pa ring marangal ang Pilipino anuman

ang tungkulin niya. Sapagka’t ang realidad ng OFW ay malayo sa kaniyang bayan at pamilya, at

milyon ang OFW sa Pilipinas, ipinakikita ang halagahang pampamilya bagaman malayo ang

OFW sa pamilya at bayan. Ipinakita rin na bagama’t nawawala ang bagay na pinakamahalaga

para sa kaniya, ginampanan pa rin ni Marne nang maayos ang kaniyang tungkulin. Nang matapos

ito ay saka siya naghanap uli. Hindi niya inuna ang pansariling interes kung hindi ang interes

na pangkalahatan. Ito ang tunay na kabayanihan ni Marne at hindi ang kakayahan niyang

magdagdag ng salapi sa kabang bayan. Batay sa panunuring ito, masasabing maaaring maihanay

ang Marne Marino bilang pambansang panitikang pambata batay sa nilalaman, pagtanggap ng

batang mambabasang pinatutungkulan at kaugnayan nito sa panitikang pambansa. Masasabing

may malalim na pagkaunawa ang awtor sa pangangailangan ng kaniyang batang mambabasa.

(isang bahagi ng sanaysay na PAANO NAGIGING PAMBANSA ANG PANITIKANG PAMBATA? ni Mary Angelica H.

Reginaldo, estudyante ng Malikhaing Pagsulat sa masteral na antas, Departamento ng Filipino at

Panitikan ng Pilipinas, UP Diliman, 25 Marso 2014, hindi pa nailathala)


Maraming salamat, Me-ann!

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...