Ito ay revised version ng isang akdang sumailalim sa subject na Malikhaing Pagsulat 210 sa patnubay ni Dr. Jun Cruz Reyes.
Maskara
ni Beverly Siy
Di mo akalaing mauuwi sa patayan ‘yang ginawa mo, ano? Nakialam ka pa kasi sa buhay nilang tatlo. Nakialam ka pa kasi sa buhay ni Christian. Ipinadala mo pa kasi ‘yong clippings galing sa mga diyaryo at libro. Mano bang hinayaan mo na lang sana si Ina na umusad sa araw-araw niya nang walang alam sa totoong pagkatao ni Christian? Mano bang hinayaan mo na lang siyang mabuhay sa impiyerno sa piling ng lalaking iyan? Mano bang hinayaan mo na lang iyong bata, si Nina? Ano ba ang napala mo? Wala. Concern-concern ka pa kasi. Gaga.
Tigilan mo na ‘yang pagngungunguyngoy mo sa harap ng TV. Wala rin namang silbi iyang mga luha mo. Baka ma-dehydrate ka pa niyan sa ginagawa mo. Inom ka muna ng tubig. Lakad. Doon ka sa kusina.
Iyan, tama, huminga ka nang malalim. Hinga lang nang hinga. Damhin mo ang hangin sa baga mo para luminaw nang konti iyang isip mo. Pagkatapos mong simutin iyang nasa baso at bago ka magdrama dito sa kusina, patayin mo na muna ang TV. Ganyan. O, balik na sa kusina. Upo, upo. Kailangan mong kumalma. Kailangan mong pag-isipan kung ano ang susunod mong hakbang. Lalantad ka ba o magtatago? Posibleng madawit ka sa imbestigasyon.
Nakita sa crime scene ang clippings na ipinadala mo kay Ina. Nakakalat ang mga iyon sa sahig, malapit sa dark room ni Christian kung saan natagpuan ang dalawa. Basang-basa ng dugo ang clippings na matiyaga mong inipon nang ilang buwan. Para saan? Para makatulong kay Ina. Para matuklasan ni Ina kung anong uri ng hayop si Christian.
Iyon lang naman talaga ang gusto mong mangyari. Kawawa naman kasi si Ina. Naïve na naïve. Wala na kasing magulang, sila na lang dalawa ng kapatid niyang si Nina. Di ba, nabalitaan mo, kade-debut pa lang ni Ina nang maging sila ni Christian. Katutuntong lang ng eighteen. Ano ba namang alam niyon sa buhay? Anong alam no’n sa mga putangamang tulad ni Christian? Animal. Animal talaga. Alam na alam kung sino ang pinakamainam na bibiktimahin.
Ngayon, kahit pa malinaw na si Ina ang gumawa ng lahat kay Christian bago siya maglaslas ng sariling pulso, siguradong nire-review na ng mga pulis ang mga narekord sa CCTV at log book ng mga guwardiya ng subdivision. Diyan ka madadawit. Nag-log book ka at nag-iwan pa ng ID sa mga guwardiya noong pumasok ka sa subdivision nina Christian, di ba? Para lang maisuksok sa ilalim ng kanilang gate ang sobre ng clippings.
Kaya malamang, naka-line up ka nang puntahan ng pulis. Lalantad ka o magtatago?
Kung lalantad ka, mauungkat ang naging relasyon ninyo ni Christian. Mauungkat kung anong uri ng kababuyan ang dinanas mo sa kanya. Kailangang idetalye mo ang mga ito, para maunawaan nila kung sino si Christian at kung ano ang posibleng dahilan kung bakit nagawa iyon ni Ina sa ka-live in niya.
Kailangan mong ikuwento na noong ikaw pa ang kinakasama ni Christian, bago kayo mag-sex, manonood muna kayo ng porn na ang tampok ay mga Japanese na teenager. Kailangan mong ikuwento na ginagawa niya sa iyo ang ginagawa ng mga Japanese na lalaki sa kapareha nilang dalaginding. Pinagbibihis ng puting sando bra at panty bago himasin at pigain ang buong katawan. Pinagsusuot ka rin niya niyan. Bakit nga ba? Para daw malinis kang tingnan. Para mukhang virgin. Pagkatapos ay reretratuhan ka niya suot-suot ang puting sando bra at panty. Pinipisil-pisil din niya ang magkabila mong pisngi sa gitna ng pagtatalik. Reretratuhan ka niya uli, close up naman. Ayaw din niyang may bulbol ka kaya linggo-linggo ang pag-aahit mo nito.
Sinakyan mo na lang ang lahat ng hilig ni Christian. Dahil mahal mo siya. Dahil siya ang ideal man mo. Kasingguwapo ni John Lloyd Cruz, mabait, sikat na photographer sa magasing panlalaki, may kaya at sobrang sipag sa trabaho. Noong nagsama kayo, maski disoras ng gabi, nagtatrabaho ito sa kanyang dark room. Minsan, buong gabi at magdamag itong nagla-laptop doon. Wala ka namang magawa kundi ipagtimpla siya ng kapeng pampagising para matulungan siyang matapos ang sangkaterbang trabaho. Pati mga elementary school kasi, pinapasok niya, kahit maliit lang ang kita sa mga ito. Barya-barya, ika nga ni Christian. Class picture, ID picture ng mga bata. Kahit ang pinakamalikot at pinakamakulit na bata ay kaya niyang kunan ng magandang anggulo. Magiliw siya sa mga ito lalo na sa batang babae. Kaya, mahapding-mahapdi man sa loob mo, kailangan mong aminin sa mga pulis na naloko ka ni Christian. Akala mo, perfect boyfriend ito, tipong husband material. Medyo “weird” lang siya pagdating sa sex pero hinayaan mo na lang iyon. Kailangan mo ring aminin na naging tanga ka. Na huli na’t ipinagpalit ka na niya kay Ina nang matuklasan mo kung anong uri ng lalaki si Christian. Sino kasi ang mag-aakala na “ganito” rin pala siya sa lahat ng batang babaeng makatagpo niya?
Oo, nakakahiya. Sobra. Pero importante ‘yang mga bagay na nalalaman mo. Kaya okey lang iyan, lumantad ka na. Makakatulong ka pa. Kung magtatago ka ay lalo ka lang gagawan ng kontrobersiya. Mas pag-uusapan ka. Lalong-lalo na ng mga kapamilya at kaibigan ninyo ni Christian. Wala ka namang nagawang krimen. Hindi mo naman alam na may violent tendency pala si Ina. Ang akala mo, pagkabasa sa mga clippings na ipinadala mo, ay kokomprontahin lang nito si Christian. Ang akala mo, ang pinakamasamang resulta na ng ginawa mo ay ang hiwalayan ng dalawa. Hindi mo naman naisip na kayang pumatay ni Ina.
O, ba’t ka tumatayo? Saan ka pupunta? Bubuksan mo na naman ang TV? Huwag na. Steady ka lang. Buksan mo na lang ang bentilador para umikot ang hangin. Upo lang. Magsalin ka uli ng tubig sa baso. Iyan, ganyan. Huwag ka nang manood ng TV. Mag-aalala ka lang. Siguradong ibabalita na naman sa susunod na news program ang nangyari. Ipapakita na naman ang bahay at ang akto ng paglalabas ng bangkay nina Christian at Ina. Makikita mo na naman iyong mapa-mapa ng dugo sa kumot ng isa sa mga bangkay na nakasakay sa stretcher. Pag narinig mo na naman ang balita, mapapaisip ka na naman kung gaano kaya karaming dugo ang tumagas kay Christian sa dami ng taga sa kanyang katawan. Lalo na sa leeg. Di ba, sabi sa balita, halos humiwalay ang ulo ni Christian sa sarili nitong katawan? Ano nga uli iyong natagpuan sa crime scene? Butcher knife? Gaano kaya kalaki ang butcher knife ni Ina? Kasinlaki kaya ito ng butcher knife ng suki mong matadero sa palengke? Halos isang dangkal ang talas niyon. Kapag ipinangtaga, kahit anong salag ng taong tatagain, makakahiwa. Nang malalim. Mahaba-haba at malalim na hiwa. Isang taga sa leeg, malamang na kamatayan ang katapat. Pero hindi yata nakontento si Ina sa isang taga lang. Hindi pa nabanggit sa balita kung ilan ang taga pero sabi ng nag-uulat, marami raw ang tama ni Christian sa katawan. Tinadtad daw ito. Tinadtad na parang baboy.
Sa palagay ko, tama rin ang ginawa ni Ina kay Christian. Malamang kasi na pinagdadaanan din ni Ina ang lahat ng pinagdaanan mo sa baliw na iyon. At marahil, kung hindi sa tulong ng clippings mo, ay hindi rin mauunawaan ni Ina ang ugat ng hilig ni Christian pagdating sa kama. Kaya sa isang banda, tama rin iyang ginawa mo kay Ina. Iyang pagpapadala mo ng clippings. Kailangang makilala niya sa lalong madaling panahon ang totoong Christian. Kung hindi niya ito matutuklasan agad, baka ang nakakabata niyang kapatid na si Nina ang mag-suicide sa hinaharap. Kawawa, di ba, samantalang wala namang sala iyong bata. Dahil siguradong dadaan nang ilang ulit si Nina sa mga kamay ni Christian. At baka hindi lang kay Christian, baka kamo pati sa mga kaibigan nitong “photographer” din. Katulad ng… katulad ng muntik nang mangyari sa iyo.
Ilang araw bago ang out of town assignment na iyon kung saan kasama ang mga kaibigan niyang “photographer,” biglang dumating ang balita na hindi na makakasama sa inyo ang model na kukunan ng retrato. Dahil kasama ka naman sa biyaheng iyon, napapayag ka nila na ikaw na lang ang magmodel ng ilang damit na panloob. Katawan lang naman kasi ang kukuhaan ng retrato at wholesome naman iyon, paliwanag ni Christian. Puting sando bra at panty ang costume, kaya okey lang sa iyo. Something familiar. At hindi bastos. Isa pa, hindi ka pababayaan ni Christian. Tiyak din na gentleman din ang mga kaibigan nito. Matitino at disente rin tulad ni Christian.
Mabuti na lang, mabuti na lang at dinatnan ka ng mens sa unang araw ng shoot. Imposibleng hindi tagusan ng dugo ang puting costume na kailangan mong isuot. Kaya minabuti ni Christian na i-cancel na lang ang pagkuha nila ng retrato mo. Wala ka pang bahid ng pagdududa kay Christian noon. Tiwalang-tiwala pa. Kung natuloy ang shoot, ano na kaya ang nangyari sa iyo? Baka napagpiyestahan ng iba’t ibang camera ang katawan mo. Baka ibinebenta na ngayon sa internet ang mga picture mo.
Kung ikaw ang nasa kalagayan ni Ina, hindi ba gagawin mo rin iyon kay Christian? Lalo na kung may nakakabata kang kapatid tulad ni Nina, at natuklasan mo ang tunay na dahilan kung bakit si Nina lang ang pilit na isinama ni Christian sa out of town “photography session” kasama ang mga kaibigan nitong “photographer” din?
Paano nga pala ang mga kaibigan ni Christian kapag lumantad ka? Baka kung ano ang gawin nila sa iyo? Baka… baka ngayon ay pinag-iisipan ka na nang masama at hinahanap ka na nila. Baka pagbantaan ka para di ka magsasalita. Para di ka lalantad. Kilala mo silang lahat, e. Kaya nga dapat talaga ay unahan mo na sila. Makipagtulungan ka na sa pulis, ngayon na. Tiyak na hindi pa makapagsalita si Nina sa trauma. At hindi niya lubos na kilala ang mga photographer na kaibigan ni Christian. Ikaw. Ikaw ang nakakaalam. Ng tungkol sa kanila. Ng tungkol sa lahat. Tama, sige, magbihis ka na. Palagay ko, ito ang pinakamatapang mong desisyon sa buong buhay mo. Hindi lang ito para sa sarili mong peace of mind, para din ito sa ikatatahimik ng isip ng lahat ng posibleng maging biktima pa ng mga tulad ni Christian.
A, teka. Ano ‘yon? A… Naririnig mo ba? Parang may kumakatok. Teka. Saglit. Punyeta. May kumakatok nga. O, kumalma ka. Huwag kang mataranta. Baka naman pulis na iyan. O baka… baka… sila. Bakit naman kasi walang ibang tao dito sa bahay? Nasaan ba si Ate Dang? Si Jayjay? Gabi na, a. Natrapik ba ang mga punyeta? Punyeta. Kumalma ka. Huwag kang iiyak-iyak diyan. Ngayon pa. Ano na ang gagawin mo? Bubuksan mo ba ang pinto?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment