Wednesday, March 5, 2014
Introduksiyon sa Divistorya
‘Te, ano pong hanap n’yo?
Pasok po.
Meron kami niyan dito.
Maligayang pagdating sa Divistorya, kaibigan!
Ang Divistorya Koleksiyon ng Sanaysay at Tula ng Kabataang Filipino ay binubuo ng 17 tula at 30 sanaysay na isinulat mula Enero hanggang Pebrero 2014 sa loob at labas ng aming classroom. Ito ang huling kahingian sa aking klase, Filipino 1, ng ikalawang
semestre ng akademikong taong 2013-2014.
Labinlima ang mga manunulat nito at sila ay mga estudyante ng Philippine Cultural College, isang bagong kolehiyo sa Abad Santos Avenue, Tondo, Maynila. Iba-iba ang kursong inaaral ng aking mga estudyante. Mayroong kumukuha ng BS Business Administration, ng BS Information Technology, ng BS Tourism, at ng BS Hotel and Restaurant Management. Ang mga estudyante ko ay nasa 17 hanggang 21 taong gulang at naninirahan sa Maynila, Malabon, Caloocan City, Quezon City at Valenzuela City.
Ang aklat na ito ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang una ay naglalaman ng tula at ang ikalawa, sanaysay. Itinampok sa mga akda ang sumusunod:
1. pagbiyahe mula sa tahanan hanggang eskuwelahan, hirap at panganib sa public transportation, at masalimuot na mga kalye ng Divisoria,
2. buhay-kolehiyo, pagpili ng paaralan at kurso at nakilalang mga kaibigan (at crush), at;
3. kultura ng Filipino Chinese na makikita sa pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ipinanukala ko ito sa klase noong Nobyembre 2013. Naisip kong ipuhunan sa akda ang napakagandang lokasyon ng aming kolehiyo sapagkat ilang minutong lakaran lang ay nasa kasagsagan na kami ng Divisoria.
Divisoria, ang marumi, mabantot at masikip na Divisoria.
Na sa totoong buhay ay sentro ng kalakalan ng Maynila. At ayon pa sa Wikipilipinas.org ay sentro ng kalakalan ng buong National Capital Region. Sakop nito ang Binondo, Tondo at San Nicolas.
Dahil sa pagiging sentro ng kalakalan, likas lamang na napakaraming uri ng tao, bitbit ang sariling wika at kultura, ang nagkakatagpo-tagpo rito. Samakatuwid, napakayaman ng Divisoria, hindi lamang sa larangan ng kalakalan, kundi pati sa kultura. Ay, bakit nga ba bihira itong maitampok bilang isang batis ng mga personal na naratibo?
At sa palagay ko, ang nararapat na magbahagi ng mga naratibong ito ay walang iba kundi ang mga indibiduwal na nakakaranas ng
ganitong lunan. Isang malaking bentahe ang punto de bista ng aking mga estudyante, silang mga nasa Divisoria araw-araw (maliban na lamang kung walang pasok), linggo-linggo, mapa-Chinese New Year o Christmas season.
Tuwang-tuwa ako sa mga isinulat nila. Sa mga akda ay lumabas kung gaano sila ka-observant sa kapwa, kung ano ang pananaw nila sa pagkakatulad at pagkakaiba ng kulturang Filipino at Chinese, kung gaano nila kamahal ang sariling pamilya, at pati ang mga tradisyon na bagama’t noong una’y hindi nila lubos na maunawaan ay pinagsisikapan naman nilang sundin at maipagpatuloy, kung gaano kaimportante ang kaibigan (at crush) at mga kasama sa eskuwela bilang support group sa kolehiyo, kung paano nilang sinusuri ang problemang panlipunan, at kung paano nila kinikilala ang lugar at ang kultura nito mula sa kanilang perspektibo.
Hindi man malay ang mga estudyante noong isinusulat nila ang kanilang mga akda, ang aklat na ito ay maaaring makapagbigay-
inspirasyon sa mga taga-Divisoria at taga-Maynila na maglahad pa, magkuwento at lumikha ng marami pang naratibo.
Tungkol saan? Tungkol sa mga sarili sapagkat ang kanilang lugar, ang puwesto ng mga kalakal, ang kanilang tahanan, ay isang napakayaman na tagpuan.
Iyan ang dahilan kung bakit laging naririnig dito ang mga katagang:
‘Te, ano pong hanap n’yo?
Pasok po.
Meron kami niyan dito.
Maligayang pagdating sa Divistorya!
Beverly W. Siy
Kamias, Quezon City
Marso 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment