Thursday, March 20, 2014

Dyip Tip (isang sanaysay)



Dyip Tip
ni Beverly Siy

Unang beses kong makakita ng gayong pagbabawal sa loob ng dyip.
BAWAL MATULOG.

Lantaran, walang ligoy, direkta sa punto. Bawal.

Teka, tama ba naman iyan? Pagbawalan daw bang matulog ang pasahero?
Kung sino man ang may pakana ng pagbabawal na nabanggit, sigurado akong hindi siya…

1. Nagtatrabaho sa malayo. Ang bahay niya ay malapit lang sa kanyang opisina o place of work. Kaya maikli ang oras ng kanyang biyahe at hindi siya nakakatulog sa dyip. Dahil ang tulog niya ay malamang na nakukumpleto sa steady at malambot na higaan sa kanilang tahanan. Samakatuwid, hindi niya KAILANGANG matulog sa dyip. Suwerte niya, dahil bukod sa mahaba ang oras niya para sa ibang bagay, tipid pa siya sa pamasahe.

2. a. Construction worker na walong oras nagbubuhat, nagpapala at naghahalo ng semento, banat na banat ang lahat ng piraso ng buto at himaymay ng muscle buong maghapon (o buong magdamag kung gabi ang shift), na ang tingin sa kapirasong espasyo niya sa dyip ay isang pagkalambot-lambot na kama, iyong kamukha ng nasa brochure na ipinamimigay ng mga ahente ng bahay at lupa sa kanilang site.

b. Kahera ng SM Hypermart na walong oras na nakatayo sa de takong na sapatos habang nagpa-punch ng mga grocery item at kadalasan pang naglilingkod bilang bagger na rin dahil sa kakulangan ng mga bagger sa puwesto nila, na ang tingin sa kapirasong espasyo niya sa dyip ay isang pagkaganda-gandang sofa bed na ibinebenta sa furniture section ng kanilang groserya.

c. Service crew ng Jollibee na anim hanggang walong oras na nakatoka sa dining area, nagde-deliver ng order sa mesa ng customer, nagba-bus out ng mga pinagkainan, nagpupunas ng mesa, at nagma-mop ng sahig at kadalasan pang naglilingkod bilang pseudo-waiter dahil kailangang sumunod sa pakisuyo ng mga kustomer na humihingi ng ketchup, tinidor o di kaya ay tissue, itong service crew na ito, ang tingin sa kapirasong espasyo niya sa dyip ay ang malambot at eleganteng upuan para sa mga kustomer ng reservation area ng kanilang fast food restaurant.

3. Call center agent na laging puyat at walang tulog dahil sa baliktad na oras ng trabaho at sa pag-aalala dahil sa matinding pressure na dulot ng quota system para sa ibinebenta nilang health plan sa mga Amerikano, na ang tingin sa kapirasong espasyo niya sa dyip ay ang magara at mamahaling couch sa lobby ng kanilang magara at mamahaling building.

4. Nanay na may limang anak at ang bunso ay isang bagong silang na sanggol, at ang araw-araw na ruta ng nanay na ito ay kusina, hapag, kubeta, kuwarto, eskuwela dahil sa kaluluto, kahahain, kapapakain, kapapaligo, kabibihis at kahahatid sa mga bata, ang iilang oras na kalayaan sa mga nag-aaral na anak ay kailangan ding ilaan sa sanggol na umaasa sa kanyang gatas kaya ang tingin sa kapirasong espasyo niya sa dyip ay isang duyan, driver ang nag-uugoy, busina ang oyaying pampahimbing.

5. Working student na solo parent na ipinagkakasya sa bente-kuwatro oras ang mga obligasyon sa bahay, eskuwela at trabaho.

Naranasan kong maging ganito, mahal kong kapasa-hero. Anim na buwan pagkapanganak ko kay EJ ay umuwi na ako sa bahay ng nanay ko dahil gusto ko nang maghanapbuhay. Ang sakit kasi sa dibdib (literal at matalinghagang dibdib) na makitang nagugutom ang anak ko at wala akong gatas na mapadede sa kanya.

Nakahanap ako ng trabaho sa Vito Cruz, sa likod ng St. Scholastica’s College Manila bilang Food Attendant (FA) sa Zeus Restaurant. Isa itong class B-C na kainan na may dalawang palapag at sa gabi lang binubuksan. Pag-aari ito ng may-ari ng Zafra Motors. Disente naman ang restaurant namin pero nagse-serve kami ng beer. At dahil kadalasan ay lalaki ang mga kumakain doon, mga kaibigan o kliyente ng may ari, may mga gabing nagmumukha tuloy kaming beer house… na medyo sosyal. Ang bukas ng restawran ay 5:00. Nagsasara ito pagsapit ng alas-2:00 ng madaling araw. Ang last call ng lahat ng order (pagkain man o inumin) ay 1:00 ng madaling araw.

Ang bayad sa amin ay P100 kada araw. Mayroon din kaming service charge na natatanggap kada closing time ng Sabado. Nang panahon na ito ay nasa P180 ang minimum wage kaya para sa akin, malaki na itong sinasahod ko sa Zeus. (Ano ba naman ang aasahan kong mapapasukang trabaho ng isang AWOL sa kolehiyo? Isang semestre pa lang ang natatapos ko noon, pagkatapos ay huminto na ako. Inutang ko lang kasi sa loan program ng eskuwelahan ang malaking bahagi ng tuition fee at pagkatapos ng sem, nang wala akong maibayad sa eskuwela, nag-AWOL na nga ako. ) Sa Zeus, kumikita rin kami sa tip na iniiwan ng kustomer sa tip jacket. Nakokolekta namin ito gabi-gabi. Meron ding centralized tip na hinahati sa lahat ng FA at waiter. Pero bihira iyon, kapag sinabi lang ng kustomer na para sa lahat ang tip sa tip jacket, saka lang ito mapupunta sa tip box. Ang laman ng kahon ay hahatiin nang patas sa lahat ng FA at waiter kada closing time ng Sabado.

Bagama’t alas-singko pa ang bukas namin, maaga akong pumapasok araw-araw. Mga alas-tres ng hapon. Ang mesa kasi na naa-assign sa akin ay nakabatay sa kung pang-ilan akong dumating sa lahat ng FA at waiter. Halimbawa, una akong dumating sa lahat ng FA at waiter, ako ang magse-serve sa unang kustomer. “Akin” ang mesang uupuan ng unang kustomer. Akin din ang tip sa tip jacket ng mesang iyon (puwera na lang kung ideklara ng kustomer na para sa lahat ang tip sa tip jacket). Ang FA o waiter na susunod na darating ay siya namang maa-assign sa mesang uupuan ng ikalawang kustomer. Kung mayroong sampung FA o waiter na dumating at ako ang nauna sa kanilang lahat, ang mesang uupuan ng ikalabing-isang kustomer ay maa-assign uli sa akin. Akin uli ang tip sa tip jacket ng mesang iyon (puwera na lang kung ideklara ng kustomer na para sa lahat ang tip sa tip jacket). Nakadepende sa oras ng pagdating ko ang dami ng kikitain ko mula sa tip sa isang gabi. Pero hindi lahat ng kustomer ay nagti-tip kaya parang sugal din ang pagpasok sa araw-araw. Kaya ako pumapasok nang maaga, para mas mataas ang tsansa kong may maengkuwentrong tip jacket na may laman. Kadalasan, nakakatatlong mesa ako sa isang gabi. Suwerteng-suwerte na ako kapag nagtip ang mga kustomer ng tigbebente. May P160 akong iuuwi.

Paglabas ng trabaho, dyip ako mula Vito Cruz hanggang Baclaran at Baclaran hanggang Bamboo Organ, sa Las Pinas. Doon ako nakatira, doon ang bahay ng nanay ko. Kahit na pagod na pagod ako, mula alas-singko ng hapon hanggang alas-dos ng madaling araw akong nakatayo at nag-aasikaso ng mesa, hindi ako natutulog sa biyahe dahil sa takot ko na madukutan o maholdap. Alas-dos iyon ng madaling araw! Oras ng trabaho ng masasamang elemento!

Pagkaraan ng halos isang taon, sa gitna ng pagbili ng gatas at diaper, nakaipon ako ng pambayad ng utang ko sa eskuwela. Binayaran ko na nga ito at nangutang uli sa eskuwela para makapag-enrol. Kumuha ako ng mga klaseng pang-umaga, iyong puro alas-diyes ang umpisa. Pagsapit ng ala-una ng hapon, bumibiyahe na ako papuntang Vito Cruz, para pumasok sa trabaho. Dyip ako mula eskuwela hanggang Philcoa tapos isa pang mahabang biyahe ng dyip mula Philcoa hanggang Vito Cruz. Pagsayad na pagsayad ng puwet ko sa ikalawang dyip, tulog agad ako. Sa biyahe pauwi mula sa trabaho, natutulog na rin ako sa dyip. Talo ng pagod ang takot ko sa masasamang elemento tulad ng mandurukot. Minsan, sa sobrang sarap ng tulog ko, lumalampas ako sa Bamboo Organ. Nakakarating ako hanggang Zapote, boundary ng Cavite at Las Pinas. Sasakay na lang uli ako ng dyip pabalik sa Bamboo Organ. Muli akong makakatulog at muli akong lalampas. Nakakarating ako hanggang Kabihasnan, malapit sa boundary ng Las Pinas at Paranaque. Kaysarap lagi ng tulog ko. Ang tingin ko kasi sa kapirasong espasyo ko sa dyip ay bahagi ng kama namin sa bahay kung saan nakahimlay ang anak kong si EJ.

Napakaraming dahilan kung bakit natutulog ang pasahero sa dyip, kaya hindi talaga tama na ipagbawal ito. Kung sino man ang gumawa ng pagbabawal at concern lang naman pala siya sa pasahero, baka nga madukutan, manakawan o di kaya ay lumampas sa takdang bababaan, palitan na lang sana niya ang signage ng mula sa BAWAL MATULOG patungo sa BAWAL MANDUKOT . Para naman sa mga lumalampas dahil tulog pa nang marating ng dyip ang takdang bababaan, ang mungkahi kong signage ay PATATAWARIN, PALALAMPASIN.

Hayaan na nating matulog sa dyip ang mga antukin. Kanya-kanyang trip lang ‘yan.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...