Ang sanaysay na ito ay revised version ng isa sa aking mga blog entry.
Memory Lane
ni Beverly Siy
Bago ka sumakay ng dyip, alalahanin mo kung saan ka pupunta. O bago ka man lang mag-abot ng bayad, alalahanin naman kung saan ka bababa, para masabi mo ito sa ating driver.
Dahil sa isang matandang babaeng nakasakay ko kamakailan lamang, naisip kong ibahagi ang tip na ito sa iyo, mahal kong kapasa-hero.
Katabi ko ang matandang babae at sa gitna kami nakaupo. Pag-abot niya ng bayad, maagap kong ipinasa ang perang papel sa katabi kong pasahero. Iniabot naman ng katabi ko ang pera ng ale sa kundoktor. (May kasamang ‘kundoktor’ ang aming driver, ito ang tumatanggap ng bayad at nagbibigay ng sukli. )
Bente ang ibinigay ng matandang babae. Papangalanan ko siyang Inang, tutal naman ay may konti nang uban-uban ang kanyang mahabang buhok. Pagkatanggap sa bente, biglang lumingon sa amin si kundoktor. Mister Katuwang ang ibibigay kong pangalan sa kanya, bilang katuwang ng driver.
“Saan po ito?” tanong ni Mister Katuwang.
“Sa ano,” umaarangkadang sagot ni Inang.
“Saan po?” tanong uli ni Mister K.
“Sa…” nagtangka si Inang na sagutin ang komplikadong tanong. Pero siya’y nabigo.
Dahil nakasimpleng blusa at puruntong short si Inang, siguro ay napagkamalan ni Mister K. na mamamalengke ito. Kaya’t tinanong niya ito ng: “Sa may palengke po?”
“Hindi,” sagot ni Inang.
Mahabang patlang ang sumunod.
At pagkatapos ay nangulit uli si Mister K. “Sa?”
“Sa ano nga,” sabi naman ni Inang.
“Sa may Tramo?” tanong uli ni Mister K.
Tuluyan na akong napalingon sa dalawa. Unang beses kong maka-engkuwentro ng Pinoy Henyo sa loob ng dyip. Palagay ko, unang beses din ito ng iba pang pasahero. Lingon silang lahat.
“Hindi, hindi,” nagmamadaling sagot ni Inang.
Gumewang-gewang ang ulo ni Inang at humahagibis sa pagkumpas ang kaliwa niyang kamay habang ang kanang kamay ay nakakapit sa bakal sa loob ng dyip.
“Sa Niog po?”
“Hindi!”
Nababanas na ang boses ni Inang. Hindi ako magtataka kung bigla siyang atakihin sa puso nang segundong iyon.
“Sa may ano nga,” buong diin na sagot ni Inang. Pumapaling na ang mukha niya sa magkabilang pisngi ng dyip dahil sa inis.
“Sa may ano. Doon. Doon ako bababa,” buong tatag na sabi ni Inang.
Malaki yata ang premyo ng Pinoy Henyo na ito dahil napahigpit ang hawak ni Mister Katuwang sa bente ni Inang. Nagbubundulan na ang mga kilay ni Mister K. Unti-unti niyang nalulukot ang hawak na bente. Palagay ko, determinado siyang manalo.
“A! Sa 711 po?”
“Hindi!” humaharurot na sagot ni Inang.
Galit na si Inang. Ang tanga nga naman ng ka-partner niya. Bakit hindi nito mahulaan kung saan siya bababa?
Kasi naman, kung ako si Mister K, didiretsuhin ko na si Inang.
Tao ba ‘yan? Roxas Boulevard? Macapagal Avenue? Bonifacio Shrine? Victoria Court?
Hayop? El Kabayo Inn? Barangay Pasong Buaya? Talaba? Jollibee?
Bagay? Barangay Buhay na Tubig? Tanzang Luma?
Kalagayan? Bagong Silang Street? Kalyeng Sikat? Kalyeng Wakas?
Dumagundong ang boses ni Mister K. “A! Sa may eskuwela? Susundo kayo?”
“Hindi! Hindi!”
Sa tono ng boses ni Inang at sa agap ng pagsagot niya kay Mister K, parang tatlong segundo na lang ang natitira sa timer ng “Pinoy Henyo.”
Tatlo.
“Sa may munisipyo?”
“Hindi!”
Dalawa.
“A … sa may Jollibee?”
Isa.
“Para!” sigaw ni Inang. Doon na pala siya bababa.
Maagap na ibinigay ni Mister K. ang sukli ni Inang . Iiling-iling si Mister K. “Dito lang pala bababa si Nanay.”
“Ano po ang tawag sa lugar na ‘to?” usisa ko kay Mister Katuwang.
Sumagot naman si Mister K. Kaya lang, ‘takte, di ko na maalala ang kanyang sinabi.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
2 comments:
Unang beses kong makabasa ng isang sanaysay na sobrang nakapagpatawa sakin. Hindi ko alam kung natatandaan niyo pa, pero isa ako sa miyembro ng Multimedia Division na nagdaos ng film festival at kinuha kayong judge. Naaalala ko pa nung makita ko yung It's A Mens World na dala dala mo, napa-isip ako noon kung bakit yun yung title eh parang tungkol sa isang batang babae yung libro. Binasa ko yung nasa likuran ng libro, at tungkol pala sa mens as in menstruation. Napangiti ako non at sobrang humanga sa paglalaro mo sa mga salita. Kung may dala dala lang sana akong pera nuon, bumili na ako ng kopya, nagsisisi tuloy ako. Anyway, ang galing, galing niyo po talaga! Na-excite tuloy akong basahin yung It's A Mens World! Kapag pasukan na, yun agad una kong bibilin gamit yung allowance ko. Haha. Ang galing niyo po! <333
Hello, Dotty Potato! Maraming salamat sa pagbabasa at pagbisita sa blog ko. Yes, naalala ko ang pagpunta ko sa Bulacan para mag-judge, hehe! Kaya lang ay sino ka sa Multimedia Division members? Medyo marami akong nakilala mula sa group na iyon hahahah! congrats sa inyong event, ha? sobrang successful. ang gaganda ng pelikula!
Post a Comment