Kagabi, sa klase namin kay Sir Jun Cruz Reyes, na-realize ko na marami pa talaga akong dapat matutuhan.
Sabi ni Sir JCR, puwede naman daw akong gumamit ng flashback. Pero dapat ay mag-trigger ng flashback. May nahawakan daw siyang gamit o di kaya ay may nakausap siya that would prompt the character to think of the past. Ang pumasok sa isip ko nang time na narinig ko ang payo na ito, hindi ba lumang style na ‘yan? Erk. Parang bigla akong nakornihan!
But I am thinking of revising my work. Kaya siguro nahihirapan din ang mga bumasa ng Birhen na ma-distinguish kung ito ba ay sanaysay o fiction. Baka itong dramatic present na nga ang sagot!
Pero naisip ko rin, hindi ba’t mas maganda kung hindi malaman ng reader kung sanaysay nga ba ang binabasa niya o fiction? Does it matter? Mag-iiba ba ang pagtingin niya sa akda kung sanaysay ito? Kung fiction ito? Bakit hindi natin guluhin paminsan-minsan ang utak ng reader? Puwede naman.
Nag-discuss din si Sir tungkol sa term na essay at non-fiction. Sabi niya, bakit hindi mo gamitin ang non-fiction (na termino)? Huwag matakot sa termino sa Ingles. Kasi nag-e-evolve ang form. Mula sa sanaysay, naging investigative journalism, naging literary journalism, tapos ngayon, naging non-fiction. Gamitin mo ang term na iyan, sabi niya.
Hindi ako sumagot. Mula nang sabihin niya ito, non-fiction na nga ang terminong ginamit ko pag bumubuka ang bibig ko sa klase.
Pero ang nasa isip ko, para sa akin, essay pa rin ito. Isang informal, personal na essay. Hindi ito non-fiction. Naaartehan ako sa terminong ‘yan. Anong klaseng termino ba ‘yan? Sa mundo ng mga dictionary, ang tawag dito ay negative definition. Ang hina-highlight ay ‘yong wala, ‘yong hindi nag-e-exist. So non-fiction. Ibig sabihin, hindi gawa-gawa. Hindi kuwento. Kundi nangyari talaga. So bakit hindi na lang sabihin, real? Reality? True? Bakit kailangang tuntungan ang salitang fiction? Samantalang ang kahulugan nga ng fiction ay gawa-gawa lang? Bakit gagawing tuntungan para sa something na totoo ang mga something na hindi totoo?
Para sa akin, ang terminong non-fiction ay mas nagbibigay-diin sa fiction. E sa totoong buhay, secondary ang fiction. Ang truth at ang reality ang nangunguna.
Kaya siguro naimbento ang term na non-fiction, e dahil feeling ng mga fictionist, sila ang mas superior kesa sa mga nagsusulat ng totoo. Kaya para sa point of view nila, non-fiction ang mga ito. Kumbaga, “the other.”
-litaw na litaw ang middle class na POV
Sa akdang Dyip Tip, ang opening sentence ko: First time kong makakita ng ganoong babala. Sabi ni Sir JCR, ang wika raw ay hindi pangmasa. Medyo mas mataas kaysa sa masa.
Sa isip-isip ko, huwat? Hahaha… ano bang uri ng masa ang nasa isip ni Sir? Hindi ba’t napakakaraniwan ng “first time” sa pananalita ng karaniwang Pinoy?
Anyway, hindi ko na ito kinontra. Nagsabi pa siya ng iba pang ebidensiya tulad ng ikinuwento ko tungkol sa ice cream na Rocky Road. Kasi ginawa kong analogy ang pagkain ng ice cream at ang pagtulog sa tabi ng driver.
Heto ang bahagi ng essay na tinutukoy ko:
Ikalawa, noong bata ako, lagi kaming nag-aaway ng kapatid kong si Colay. Pero hindi ko iniinda ang mga sugat ko o galos o gasgas o pagkalagas ng buhok sa ilang engkuwentro namin ng sabunutan. Ang pinakamaigting na alaala ko sa mga away namin na hanggang ngayon ay nagdudulot sa akin ng pagkainis ay noong may matindi akong ubo at lumantak siya ng ice cream sa harap ko.
Isang napakatangkad na basong punompuno ng ice cream ang hawak-hawak niya. Pagkalagkit-lagkit ng titig sa akin ni Colay habang ipinapasok niya ang isang kutsara ng rocky road sa kanyang bibig. Tapos isinara niya ang mga labi niya. Naiimadyin ko ang rocky road, bilog na bilog pa sa loob ng kanyang bibig. Mapapaubo ako sa inggit. Iyong yumuyugyog-yugyog ang balikat na uri ng ubo.
Maiinis akong lalo kasi mapapapikit ako at mapapayuko. At pipigilin ko ang ubo ko sa pamamagitan ng pagtatakip ng bibig. May bimpo na, may kamay pa. Tumatagos pa rin ang ubo! Dinig na dinig ito ng tatay ko at lalo siyang makukumbinsi na hindi pa ako puwedeng kumain o uminom ng kahit na anong malamig.
Ahuhuhubo-ubo-ubo-hohohoh. Ang saklap namang talaga.
At pag-angat ko ng tingin ay hinahatak na ni Colay ang kutsara papalabas mula sa nakatikom niyang mga labi. Tapos ngingiti si Colay nang pagkatamis-tamis. May bahid pa ng rocky road sa ngipin.
Ito ang tunay na kahulugan ng salitang torture.
Masahol pa sa animal ‘tong kapatid kong ‘to.
Well, ‘yang damdamin kong ‘yan, ‘yan din ang nararamdaman ng mga driver na may katabing pasaherong napakasarap ng tulog.
‘Yon daw pagbanggit-banggit ko ng ice cream, ‘yan daw ang senyales ng pagiging middle class.
Huwat? Hahaha… parang feeling ko, ang idea ni Sir sa mahirap e napaka-oldies! Diyosmio. Anyway, hindi ako sumagot tungkol dito. Dahil alam kong hindi talaga ako taga-middle class haha. Lumaki ako sa hirap, ‘no? Rare ‘yang ice cream moment na ‘yan, haha. Kaya nga sabik na sabik akong makapag-ice cream, hindi ko kaya iyon naparamdam sa bahaging iyan ng sanaysay?
-masyadong feeling superior ang nagsasalita rito
Dito ako muntik nang maiyak. Dahil hindi ito ang kondisyon ng utak ko nang isulat ko ang mga akda. Sa Dyip Tip, pinangalanan kong Paul Goso ang kundoktor ng dyip at San Chai naman ang ale na kapasahero ko. Masyado ko raw iniinsulto ang kundoktor. Ano raw ang gusto kong palabasin? Na mukhang aso ang kundoktor? Bakit San Chai ang ale? Ano’t alusyon sa Koreanobela ang napili ko? (Although hindi Korean si San Chai, hindi ko na kinorek si Sir.) Ito bang akdang ito ay patama sa Pop Culture?
Wah. Siyempre, hindi. Nagpapatawa lang ako. Feeling ko, nakakatawa ang pangalang Paul at ang apelyidong Goso dahil katunog siya ng pangalan ng asong kaibigan ni Marimar. Nag-isip lang ako ng karaniwang pangalan (John, Paul, Joel, Mark, etc.) tapos nag-isip ako ng sikat na icon noong 90’s. Naalala ko si Pulgoso at si San Chai.
Sabi pa ni Sir, masyado raw mayabang ang nagsasalita sa akda. Wala raw konsiderasyon sa kapwa, ‘kala mo kung sino, ganon.
Sa Dyip Tip kasi, pinagagalitan ko ang isang imaginary pasahero. Ito ‘yong mga mahilig matulog sa tabi ng driver. Sinabi ko roon ang mga dahilan kung bakit hindi dapat matulog ang isang pasaherong katabi ng driver.
Sabi ni Sir JCR, anong pakialam mo kung pasahero ako at gusto kong matulog? E, kung pagod na pagod ako sa trabaho, 5 oras ang biyahe at 4 na oras lang ang tulog ko? Anong gagawin mo kung ang pasahero ay construction worker na sagad sa hirap ang ginagawa maghapon? Anong gagawin mo kung call center agent iyan na nakatira sa napakaingay na lugar, me mapuputak na mga kapitbahay at nagtitilian sa hapon ang mga bata, hindi conducive sa tulog ang bahay niya? Hindi mo pa rin siya patutulugin sa dyip?
Nang mga panahon na sinasambit ito ni Sir JCR, hindi ako sumasagot. Workshop iyon, e. Alam ko, mabibigyan ako ng panahon para sagutin ang lahat ng tanong at komento. Kaya pagkatapos niyang i-workshop ang akda ko, nagsalita talaga ako. Ipinagtanggol ko ang bandera ng aking pagkatao.
Sir, kako, sa akda pong iyan, hindi ko po sinabing huwag matulog sa dyip. Ang sabi ko po, huwag matulog sa tabi ng driver. Dahil nga po, puwede itong maging delikado dahil nagmamaneho si Manong.
Sabi niya, kahit pa. Wala kang karapatang sabihin iyan dahil imaginary ang pasahero mo. Hindi mo alam kung bakit gusto niyang matulog. Ke sa tabi ng driver iyan o hindi.
Patuloy kong ipinagtanggol ang sarili ko. Pero dahil teacher siya, nanindigan din siya sa kanyang mga sagot.
May mga sumusulat sa akin na readers, ganito para sa kanila ang mens world. Dahil sa mens world, ganyan-ganyan, blah-blah. Yung message daw ng mens na __________ ay nakatulong sa kanya at na-enrich siya blah-blah. Kadalasan, ang mga mensahe na sinasabi ng readers ay hindi ko naman inilagay sa mens. Pero natagpuan iyon doon ng mga reader. Ang suwerte ko. kasi akala nila ay inilagay ko ang mga ito doon.
This time, ang malas ko. Wala akong inilagay na patungkol sa pangmamata sa kapwa o sa mas mahirap na tao pero iyon ang nabungkal dito ni Sir JCR. Hindi ako dapat magalit. Hindi ako dapat maiyak. Ganon talaga. May mga mensaheng nakapaloob sa akda na hindi ang manunulat ang naglagay niyon. O hindi niya sinasadyang mai-insert iyon doon.
Kaya kelangan talaga ng doble-tripleng ingat sa pagsusulat. Dapat maging sobrang conscious ako sa isinusulat ko at kailangang matuto akong tingnan ito mula sa iba’t ibang anggulo para mabago ko ang mga kailangan pang baguhin at para ma-anticipate ko rin ang reaksiyon ng mambabasa.
Hindi na akin ang akda ko. Malaya ang mambabasang bumungkal ng mensahe sa akda, kung gusto nila.
Payo rin ni Sir JCR, dapat ang pinagtatawanan mo ay ‘yong mas mataas sa iyo. Hindi ‘yong ka-level mo lang o iyong mas mababa sa iyo. I am fully aware of this! Nag-moderate kaya ako ng talk tungkol sa pagiging politically incorrect ng humor. Kaya talagang kino consider ko rin ang power play kapag humihirit ako ng mga patawa.
-may mga exaggeration na sloppy ang pagkakasulat
Isang halimbawa ay “maagap kong sinalo ang perang papel.”
Oo nga, hindi sinasalo ang perang papel hahaha! Lilipad ‘yon pag sinalo mo ‘yon.
Isa pang halimbawa, “yumungyong ang ulo.”
Ang nasa isip ko, ‘yong nakatingala na parang sumasahod ng patak ng ulan. Sabi ni Sir JCR, ang yumungyong, ‘yong ganito. Tapos inaksiyon niya ang yumungyong. Tumungo si Sir JCR.
Tama. May mga lapses ako doon. Ire-revise ko ang mga bahaging ‘yon.
Bago matapos ang klase, may isa pang sinabi si Sir JCR na talagang ikinasama ng loob ko. Eto:
“Ang sensibility mo rito, makata ng LIRA. ‘Yong feeling mo, ikaw lang ang tama. Ganyan ang mga makata ng LIRA.”
OMG. Ang personal naman nito, haha. Inis na inis ako. Kasi una, hindi ko kino consider ang sarili ko na makata ng LIRA. Hindi pa ako makata. Taga-LIRA ako, oo, pero hindi ako makata. Marami pa akong kakaining bigas para makasulat ng tula. Ikalawa, hindi totoong ganyan ang makata ng LIRA. May mangilan-ngilan na know it all, pero harmless naman ang mga ito, at very expressive lang sila sa kanilang mga opinyon. Kung feeling nila, may mali sa kanilang nababasa o naririnig, sasabihin nila ang naiisip nilang tama. Pero hindi yata nila quality ‘yong “feeling na sila LANG ang tama.” Ikatlo, para ipasok ang politika sa konteksto ng pag-workshop ng akda, foul ‘ata ‘yon. E, noong moment na iyon, e buweltahan ko kaya si Sir ng… “kumusta po ba ang lagay ninyo sa BLIND ITEM? Naka-sked na po ba kayong maipadala bilang winner ng BLIND ITEM award?” Matuwa kaya siya?
Tiyak na hindi. Tatadyakan siguro ako no’n mula Faculty Center hanggang Padre Faura, Ermita.
All in all, isa ito sa pinakagusto kong workshop sa trabaho ko. Andami kong natutuhan. Nalaman ko rin kung gaano at paano ko ipagtatanggol ang mga akda ko kapag nagkapitpitan na ng bayag. Kahit pa ang namimitpit ay isang higante.
Copyright ng mga larawan: Beverly Siy
Friday, February 7, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment