Wednesday, February 12, 2014

Interview tungkol sa kasalang Beboy

This will come out in poc.net on Valentine's.

Thank you, kapatid na Filliffe Anorico, sa iyong mga nakakalokang tanong!



1. Bakit po ninyo napili ang “aklat” para maging tema ng inyong kasal?

Pareho kaming book lovers. Pareho din kaming manunulat at ang love story namin ay umikot sa pagmamahal sa panitikan. Kaya palagay namin, it’s time to feature in our wedding what made us find each other: books!

I met Ronald Verzo when I was a researcher for panitikan.com.ph. He was the president of Cavite Young Writers Association during that time and Prof. Vim Nadera, Jr., my boss (sa panitikan.com.ph) and former college professor assigned me to research about writers organizations. So he gave me Ronald’s number, I got in touch with him and we met for an interview.

Since then, nagkagusto na pala siya sa akin (kuwento niya hehe after naming maging kami). Hindi ko naman ito napansin noon. Saka hindi ko rin iniisip kasi I was in a long term relationship with someone I thought I would grow old with.

Tapos after the interview, lagi pa rin kaming nagkikita dahil sa mga literary project ng CYWA at ng aming volunteer organization (Dagdag Dunong Project). In-introduce ko sa CYWA ang Unang Halik sa Panitik: Pagtuturo ng Tula, ito ang nanay ng STS (Sining ng Tugma at Sukat ng LIRA). Bago ko dalhin ang STS sa LIRA, maraming beses na namin itong nagawa ni Ronald sa lalawigan ng Cavite sa anyo ng Unang Halik sa Panitik. Dahil doon, naging close kami ni Ronald and for the first time, I had a guy friend whom I could talk to, face to face, about literature, writing, writers, books and art. Lahat kasi ng ex ko, mga halang ang bituka, harharhar, joke! Lahat sila, walang kinalaman sa mga nabanggit ko. Kung saan-saan ko kasi napulot, hahaha. ‘Yong isa, salesman ng kung ano-ano, ‘yong isa, engineer na naging kahero sa isang groserya sa US, ‘yong huli, scuba diver.

Kaya it was so refreshing to have Ronald by my side during that time. Dahil sa kanya, I was always thankful, I felt appreciated, I felt important kahit na lagi akong inaapi nang panahon na iyon ng mga kasama ko sa organisasyon at sa ginagalawan kong lit circle.

Tapos iyon, I decided to break up with my bf during that time tapos naging kami na ni Ronald. Saka ko lang na-realize na ang surname niya ay Verzo. Aba, literary pa rin? I think we were really meant to be.

So nagpapasalamat talaga ako sa mga aklat kasi kung hindi ako minahal nito, at hindi ako binigyan ng kasiyahan ng mga ito, I won’t find my true love.

So read up and find the love of your life, hihihi.

2. Mas naging magastos/matipid po ba ang ganitong uri ng tema sa kasal?

Oo. Haha! Kasi ayaw ko ng fresh flowers. Nanghihinayang ako sa pera para sa bulaklak. Imagine, mamamatay din the next day, malalanta. And yet, libo-libo ang halaga? Nakakainis, di ba? So sinabi ko ito kay Ronald (Poy ang nickname niya). Naisip namin, imbes na flowers ang table centerpiece sa reception, books na lang. E, libre pala ang flowers sa caterer namin, kinausap namin ang caterer tungkol dito. Kaya imbes na flowers, ang ibibigay na lang niya ay iba pang freebies at mga cake na maliit para sa aming mga ninong at ninang (na hindi naipamigay dahil nakalimutan ng aming wedding coordinator). So okey na rin, di ba?

Kaya sinukat namin ang venue at ang mesa, gaano karaming aklat ang kailangan namin? Teng…teng…teng.. Around 600! So halos lahat ng aklat sa bahay, inihanda na namin. Humiram din kami ng aklat sa isa naming kaibigan na book lover din at book club moderator, si Doni Oliveros ng Pinoy Reads Pinoy Books (PRPB) Book Club.

Dahil ang color motif ng kasal ay masyado nang makulay (lahat ng kulay ng bugambilya), naisip ng aming venue designer na si Kulay Labitigan na gawing puti ang lahat ng nasa venue: table cloth, books, upuan, at iba pa. So kailangan naming ibalot sa puti ang 600 aklat. Grabe.

Noong umpisa, ‘yong mga kapatid (Rianne at Ging Verzo) at isang kasambahay (Hazel) nina Poy ang nagbalot ng aklat. Tapos niyon, pamangkin ko (Joshua Dominic Siy) at kaklase niya (Exanne) naman sa bahay namin. Tapos mga kaibigan namin na sina Mae Catibog, Maru de Castro ng Pandora’s Books Online, Jon Lazam, Rap Ramirez, Wendell Clemente ng Rental Monsters, Joshelle Montanano at ang mag-asawang sina Azee Barbero-Ramos at Juan Angelo Ramos.

So mga twice a week noong Disyembre, itong mga kaibigan namin ay pumupunta sa bahay para magbalot ng aklat at para tumulong na rin sa paggawa ng iba pang pandekorasyon sa reception.

Di nagtagal, nagtatawag na talaga kami ng grupo ng kaibigan para lang matapos ang pagbabalot ng 600 aklat bago ang wedding day dahil kulang na talaga kami sa oras. Hiningi na namin ang tulong ni Kuya Doni at mga kasapi ng PRPB na sina Vonn Howard “Po” Villaraza, Jason Vega, Clare Almine, Zim dela Pena, Phoebe Andamo, Clai Flores, Ingrid Membrere, Yani Dimaunahan, Ella Betos at Reev Robledo. Kami ang nag-provide ng mga tape, puting papel at tela na pambalot sa aklat tapos buong maghapon silang magbabalot ng mga aklat.

Napakasaya ng proseso kasi nagkikita-kita kami rito sa bahay, nagkakakuwentuhan tungkol sa buhay-buhay at mga aklat. Instant bonding time ng grupo at magkakaibigan.

Pero talagang magastos din. Hindi namin na-foresee ang pagdadala ng mga aklat sa venue. Alangan namang maglakad mag-isa ang mga aklat, di ba? Hay naku. So, nag-arkila pa kami ng sasakyan para madala ang mga ito sa venue noong umaga ng wedding day at para maibalik ang mga ito sa bahay pagkatapos ng kasal.

Sa iba pang gagamitan sana ng flowers, nakatipid din naman ako. Halimbawa, ang aking bridal bouquet ay ako lang ang gumawa at ang ginamit ko rito ay isang gothic romance novel ng Precious Pages. Maputi kasi ang papel nito compared sa iba pang romance novel. Second hand lang ‘yong aklat, natagpuan ko lang sa bahay ng nanay ko at hiningi ko lang ito, so walang cost. Ang gastos ko lang ay ‘yong butones sa ibabaw ng bawat paper flower. P5.00 ang bawat isang butones, 15 butones. Binili ko ang mga ito sa tindahan ng mga sewing needs na malapit sa amin, as in 1 minute walk away lang. Labingtatlong piraso ng paper flowers ang ginawa ko kaya may sobra pa akong dalawang butones. Ginawa ko ang bouquet ko sa loob lamang ng dalawang oras, three days before the wedding. Na-Google ko lang ang directions sa paggawa nito kaya wala ring cost ‘yon.

Ang flowers naman para sa aking entourage ay ginawa ng friend kong si Azee for free (kasi mahal niya kami, haha!). Nag-provide kami ng materials tulad ng glue, tissue paper core, colored paper at mga photocopy ng manuscript na It’s Raining Mens, ang paparating na sequel ng aklat kong It’s A Mens World. So, ayun. Wala rin itong masyadong cost kasi nga puro papel lang ang ginamit. (Unfortunately, hindi namin nagamit ang paper flowers na gawa niya kasi naiwan ang mga ito sa hotel noong wedding day )

Para naman sa aking bridal car (na mobile library ng Museo Pambata), hindi rin kami gumamit ng fresh flowers. Colored paper flowers uli ang ipinandekorasyon dito ni Azee at ng PRPB friends namin. So, hindi rin ito magastos.

Overall, matipid ang aming book-themed wedding at talaga namang swak sa badyet ng dalawang manunulat na nagmamahalan at walang masyadong perang pangkasal.

Pero, at kailangan talagang i-stress ito, naging posible lamang ang lahat dahil sa limpak-limpak na labor of love ng aming mga kapamilya at kaibigan. Kung susumahin ang professional fee ng mga taong tumulong sa aming kasal, baon na baon kami sa utang. Kaya taos-puso talaga aming pasasalamat. Kung hindi dahil sa kanila, pagkapurdoy-purdoy ng kasalang Beboy.

3. Anu-anong pagsubok ang kinaharap ninyo sa proseso ng preparasyon?

Bilang magjowa? Marami! Nagkaproblema kami sa pagiging sobrang hands on. Gusto kasi ni jowa, siya ang gagawa ng imbitasyon. E, antagal ng conceptualization process niya. Kaya medyo na-late ang submission namin ng design sa Visprint Publishing (regalo nila ang pag-print ng aming wedding invitation). Kaya late na naming naipamigay ang imbitasyon. Pero na-realize ko rin na hindi na uso ang printed invitation nowadays. Text at FB na lang talaga. Sa kaso namin, dumating naman ang mga bisita kahit na hindi nila nasilayan ang aming printed invitation.

Ito pa, ayoko kasi ng sinusurpresa ako. Kasi ayoko ng mga gastos na unnecessary. Kaya gusto ko, lahat, alam ko. E, itong jowa ko, maarte. Gusto niya, may surprise-surprise pa para sa akin. Gusto niya, iba ang belo na isusuot ko (okey na ako sa belo na libre lang dahil kasama na sa aking wedding gown package) kaya secretly ay nagpabili pa siya kay Azee ng bagong belo, which is additional gastos, di ba? Nakakainis. So, iyon, nagtatalo kami roon.

Nagkaproblema rin kami sa pera kasi trickle ang pagdating ng aming suweldo, payment sa mga raket at iba pa. Mabuti na lang at laging may dumarating na tulong na hindi namin inaasahan. Nagpauna ng bigay ang ninang naming si Mam Ruby Alcantara, ninong na si Sir Efren Abueg, at ang kaibigan naming si Irene Chia. Malaking bagay pala talaga iyong tulong before the wedding. Kasi kung hindi, malamang na may utang kami sa kung sinong supplier the moment na ikinakasal kami at nakaharap sa altar.

4. Anu-ano po ang naging suliranin sa mismong araw ng kasal?

Ang major e, matatawa ka, nagdugo ang ulo ko. Literal.

So ako na, eto na, lalakad na ako papasok ng simbahan. My last walk as a single, unmarried person in my entire life.

Nakasarado ang pintuan ng simbahan. Nasa loob na ang lahat ng tao. Ako at ang kaibigan kong si Azee (na hair and make up artist ko rin that day) nasa loob pa ng mobile library/bridal car. Nandoon din si Miss Melody Remorca, kaibigan ko na storyteller. Tinawag na kami ng aming wedding coordinator na si Maru (friend din namin).

Te, ikaw na. Diz iz it. Lalakad ka na, sabi niya sa akin.

Bumaba ako ng mobile library, kasunod ko si Azee, akay niya ang trail ng aking wedding gown. Kabuntot namin si Miss Melody. Pagharap ko sa pinto ng simbahan, nilipad nang nilipad ang aking belo. Habang inaayos ni Azee ang aking belo, may narinig akong nagsalita mula sa kabila ng pinto.

Malapit na pong buksan ang pinto. Kayo na po, ha. Antabay lang. Five… four…

May countdown pa? sa isip-isip ko. Kabadong-kabado na ako noon. Lalo pa akong kinabahan. Numbers? Numbers? Haha. Kaya nga ako nag-writer, e.

Pero ganon pala ang pakiramdam ng magba-bridal walk. Kabado ako dahil hindi ko alam kung ano ang magiging hitsura ko at kung ano ang iisipin ng mga tao pagbukas ng pinto. Pumasok din sa isip ko, na wala nang urungan ito. Ikakasal na ako. Habambuhay na commitment. Yari ka, Bebang, sabi ng isang parte ng utak ko. Pag maling desisyon ito, tiyak na di ka magpapa-annul, perang malinaw ‘yon. Kuripot ka pa naman. Nyak, nyak, nyak. Numbers? Numbers!

Lipad pa rin nang lipad ang belo ko.

Three… sabi ng nasa kabila ng pinto.

Ayan na. Ayan na. Ayan na ang forever, kako sa sarili.

Pinakalma ng taong nasa likod ko ang belong nagwawala at gustong lumipad sa kawalan. May humagod sa buhok ko, may nagsuksok ng mga hairpin, may humagod ulit. Ang kulit pa rin ng belo. Bigla-bigla, may tumusok sa bumbunan ko. Putik, ang hapdi. Aruy. Aruy. Pero kumalma na ang belo ko. Hindi na nililipad. Ano ‘yong masakit? Aray talaga. Hairpin! May bumaon na hairpin sa ulo ko! Anak ng bakal naman, o.

Two… sigaw ng tao sa kabilang pinto.

Azee! Azee! sigaw ko. Tanggalin mo iyong huling hairpin na itinusok mo! Tanggalin mo! Masakit! Ang hapdi! Dali! Dali! Aray!

May iba pang tao na lumapit sa amin. May humagod uli sa buhok ko. May kumapa sa mga hairpin. May kumakapa sa bumbunan ko.

One…

Biglang nagpulasan silang lahat palayo sa akin. Naiwan akong nag-iisa sa harap ng sarado pang pinto.

Na-imagine ko ang matalas na dulo ng hairpin, tumutusok sa utak ko. Nang mga panahon na iyon, nakalimutan ko na may bungo pa pala tayo. So akala ko, mamatay na ako. Nakalimutan ko na rin ang kasal, ang lalaking pakakasalan ko, ang habambuhay na commitment, ang gastos sa annulment, ang pagiging kuripot ko. Ang tanging nasa isip ko ay ang ganda ko naman, Lord, para mamatay sa tetano.

Pumikit ako. Tapos hinigpitan ko ang hawak ko sa aking bouquet.

Pagdilat ko, bukas na ang pinto ng simbahan.

Lumipad ang lahat ng aking pangamba.

(Naglakad ako papalapit sa altar nang tumutulo ang dugo sa aking batok. Later on, nalaman namin na si Miss Melody pala ang nataranta at nagtusok ng hairpin sa aking ulo.)

5. Ano sa palagay ninyo ang epekto ng temang ito sa inyong mag-asawa?

Well, na-affirm ang aming pagmamahal sa aklat. Naisip namin na puwede naman pala talaga naming isabuhay iyong pagmamahal namin sa pagbabasa, sa panitikan, sa pagsusulat.

Dumami rin ang aming kaibigan as a couple. Noon, hindi namin super ka-close ang karamihan sa tumulong sa amin, pero dahil sa theme namin, naging mas close na kami sa mga taong ito, na may katulad na pagmamahal sa mga aklat. Marami kaming nakilala na kapareho namin ang pananaw sa mga aklat.

Naranasan din namin ang ma-feature sa ilang blog dahil sa kakaibang tema ng aming kasal. At proud kaming magjowa kasi napanindigan namin ang tema na iyon.

Ang pinakabonggang epekto siguro ay iyong naganap sa pamilya namin. Nalaman ng family namin kung gaano kami kaseryoso sa aming mga advocacy, sa writing, sa reading. Iyong nanay at mga kapatid ko, namangha sila na andami pala talaga naming kaibigan sa industriya. Kasi ‘yong pagiging writer di ba wala namang physical na manifestation? Siguro, doon sa wedding, na-realize nila na, nakita, nadama, nahawakan at nakasalamuha nila ‘yong pagiging writer namin ni Poy. Sa kasal, nandoon ang mga manunulat at mambabasang kaibigan namin. Ganon din siguro sa family ni Poy.

6. Paano sa tingin mo naiiba ang kasal ninyo sa mga “pangkaraniwang kasal”?

a. May mini book fair sa aming reception! Lumahok dito ang Pandora’s Books Online, Visprint Publishing, Vibal Publishing, Crazy Dreamy Crafts at si Joel Pablo Salud. Ang 20% ng total sales ng mini book fair ay napunta sa mga guro ng Filipino courses sa Mindanao State University-Main Campus, Marawi City. Ipambibili nila ito ng mga aklat na kailangan nila sa pagtuturo.

b. Iyong theme. Palagay ko wala pang gumagawa nito sa Pilipinas. Ang petsa ng kasal: Dec. 30. Rizal Day, araw ng pinakamalupit na nobelista sa buong Pilipinas! Ang bridal car ko ay isang mobile library. Siguro wala pa ring gumagawa nito sa Pilipinas. Karamihan ng mga picture ko sa loob ng bridal car/mobile library, may librong kasama, nakakatuwa! At palagay ko, naiiba rin ang mga table centerpiece naming, kasi gawa sa libro! Kasi usually, flowers or fruits iyan, at iba pang eleganteng pandekorasyon. Pero iyong sa amin, lahat ay books talaga. Ang nakaukit sa aming wedding ring ay Para sa panitikan, (singsing ni Poy) para sa bayan (singsing ko).

c. Ang designer namin ng venue ay hindi taga-wedding industry. Si Kulay ay isang visual artist, at theater space ang madalas niyang dinidisenyuhan. Kaya naman, walang kamukha ang design sa aming reception. Imagine, books at book shelves ang dekorasyon ng stage? Kakaiba, di ba?

d. Iyong bridal shoes ko nga pala ay pinagkaguluhan din. Andaming nag-picture dito. Customized kasi, gawa ni Ajie Alvarez-Taduran, isang writer at artist na taga-Quezon City. Nagdrowing siya ng mga eksena sa buhay namin ni Poy sa rubber shoes na binili ko sa Divisoria. May kapareho ba ako ng wedding shoes sa buong mundo? Siyempre, wala, haha!

e. Wala nga rin pala kaming presidential table. Dahil meron kaming principal sponsors (na mga batikang manunulat ng mga akdang Filipino) na medyo magkasalungat ng politika sa buhay, hehe. Kaya imbes na pagsamahin sila sa isang mesa, napagdesisyunan naming huwag na lang mag-presidential table. Naisip din namin na mabo-bore ang parents namin sa table na iyon kung sakali dahil hindi naman galing sa industriya ang parents namin ni Poy. Lalo na ‘yong nanay ko, baka mag-nosebleed lang iyon habang kausap ang mga writer, haha! E, later on, nalaman namin, hindi pala um-attend sa reception ang dalawang magkasalungat ang chorva sa buhay. Hay naku. ‘Kainis.

f. Iyong aming prenup video na gawa ng award winning film maker na sina Jon Lazam at Rap Ramirez (friends ni Poy) ay hindi tungkol sa amin o sa relasyon namin. It was a short film, ang ganda-ganda. Panoorin mo, nasa Vimeo. Usually ang mga prenup video ay tungkol sa magjowang ikakasal. Pero iyong sa amin, hindi. At ang setting nga pala nito ay library, book-related pa rin.

g. Sa reception, wala kaming games for single people. Dapat meron kaso naubusan kami ng oras. Kaya ang ginawa na lang namin, tinawag namin ang lahat ng taong tumulong sa wedding. Puro single naman ang mga ito. Sabi ko, “gusto po naming kayong pasalamatan.” Pinapunta namin sila sa harap, sa may stage tapos sabi ko, “picture-picture!” Noong pumo-pose na sila, bigla akong tumalikod at inihagis ko ang aking bouquet. Nagulat silang lahat. Bumagsak ito sa tapat ni Maru, ‘yong wedding coordinator. Tapos, nagreklamo si Maru, kasi tumalbog daw ‘yong bouquet ko. Hindi daw talaga siya ang natapatan nito. So sabi ko, “sige, ulit, ulit.” E, di tumalikod ako at inihagis ko uli ang bouquet. This time, bumagsak ito sa harap ng lalaki naming kaibigan, na photographer din namin that day. Si Karl Orit. Sabi namin ni Poy, tutal babae’t lalaki naman sila, sila na ang magga-garter ceremony. Nyahaha!

h. Palagay ko, kakaiba rin ang wedding dahil sa aming love story. Para talaga siyang “written” in the stars, haha! I’ll send you an essay that will explain this further.

i. Higit sa lahat, dahil sa community of writers and readers, nag-flourish ang pag-iibigan namin sa isa’t isa ni Poy. Dahil sila rin ang mga involved sa pag-oorganisa ng aming kasal, parang sila rin ang nagkasal sa amin.

7. Ano ang mensaheng gusto ninyong iparating sa madlang nakasaksi sa inyong kasal?

Haha, wala namang madla doon, Filliffe! Joke time ka, ha? 99% ng naroon ay kaibigan, kapamilya at kaindustriya. Iyon lang sigurong mga nagbukas ng pinto, usher at usherette, waiter at waitress at iba pa ang kabilang sa madla kasi hindi namin kilala. Sila ba ang bibigyan ko ng mensahe dito sa tanong mo?


8. Anu-anong pagbago ang nangyari sa inyong relasyon kumpara noong mag-bf pa lang kayo?

Wala naman masyado. Kasi live in kami bago kami ikasal. Dito pa rin siya sa apartment namin nakatira. Share pa rin kami sa expenses sa bahay. Lagi pa rin kaming nagkukuwentuhan tungkol sa mga nababasa at napapanood namin. Lagi pa rin kaming nag-uusap tungkol sa anak ko, si EJ, at sa pamangkin ko, si Iding. Lagi pa rin kaming magkasama. Pumupunta pa rin kami sa bahay ng parents niya at sa bahay ng nanay ko kapag may okasyon. Madalas pa rin kaming pumupunta sa mga literary event.

Pareho pa rin naming kinukulit ang isa’t isa pagdating sa mga deadline ng raket. Nagtutulungan pa rin kami kapag may project ang bawat isa sa amin. Masaya pa rin kami every morning. Masaya kami araw-araw kasi we are so compatible sa personal o sa professional side ng aming personality. Kaya walang masyadong nagbago. Nagko-complement kami. Tipong kung ano ang hindi ko kaya, kaya niya. Kung ano ang hindi niya kaya, kaya ko. So hindi kami masyadong nagkakaproblema.

Siguro mas dumalas lang at naging kongkreto, mula nang ikasal kami, ang mga usapan tungkol sa pagkakaroon ng supling. Balak namin, late this year magseseksi-seksihan kami para sa first half ng 2015 ay may baby na kami! Wee!

1 comment:

Anonymous said...

Kaloka tong comment na may hearing ek ek ah. Kilig na kilig ako sa blog ni mam bebang tapos biglang may ganito?!? Panira ka ng moment kuya!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...