Friday, February 28, 2014

Book Spine Poetry Contest sa Beacon Academy

Ngayong National Arts Month, kakaibang patimpalak sa tula ang aking nilahukan bilang isang hurado. Pinamagatan itong Book Spine Poetry Contest na nilahukan ng mga estudyante ng Grades 9-12 ng Beacon Academy at inorganisa ng kanilang librarian na si Bb. Zarah C. Gagatiga.

Lahat ng kalahok ay kailangang makagawa ng isang tula gamit ang iba’t ibang pamagat ng aklat, na nakalimbag sa spine ng aklat. Ang isang spine ay katumbas ng isang taludtod.

Dito ay hindi ako nagbago ng criteria sa ginawa kong paghusga sa mga kalahok. Ang ginawa ko ay katulad din ng paghusga ko sa karaniwang patimpalak sa tula.

Bakit?

Sapagkat ang proseso lamang ng paglikha ng tula ang naiiba rito. Ang Book Spine Poetry ay isang halimbawa ng Found Poetry. Ito ‘yong uri ng tula na binubuo ng mga salita o pariralang basta na lamang natagpuan. Malabo ba? Ganito, halimbawa ay ang tula na gawa sa ilang headline ng ilang diyaryo. O kaya ay ang tula na gawa sa unang pariralang matatagpuan sa unang pahina ng unang sampung libro na madadampot sa isang aklatan. Ibig sabihin, pre-selected ang (mga) salita na siyang titindig bilang isang taludtod. Walang babaguhin ang sinumang nais gumawa ng tula mula sa mga natagpuan niyang salita o parirala. Ang maaari lamang baguhin (depende na sa makata) ay ang pagkakasunod-sunod ng taludtod at/o ang mga bantas na nakapaloob sa mga ito.

Kumbaga, hindi kailangang likhain mula sa bula ang isang taludtod. Sa patimpalak na ito ng Beacon Academy, nariyan ang mga spine ng aklat, nariyan ang salita o parirala sa bawat spine na siyang bubuo sa taludtod. Kailangang piliin ang mga ito at ayusin ang pagkakasunod-sunod para makalikha ng isang tula.

At dahil tula pa rin ito, inaasahang matatagpuan pa rin dito ang mga elemento ng nasabing anyong pampanitikan.

Narito ang ilan sa palagay ko na dapat taglayin ng isang tula (in no particular order po!):

1. Mapaglarong gamit ng wika

-ito ang dahilan kung bakit nagiging manunulat ang isang karaniwang tao. Nagbabago ang simpleng salita dahil sa mapaglarong gamit niya rito. Nagbabago ito ng anyo, ng kulay, ng hugis, ng amoy, ng lasa, ng tunog dahil sa masining na paggamit ng isang manunulat.

Sa kaso ng mga spine bilang taludtod, maaaring nagbabago ang kahulugan ng orihinal na pamagat sa spine dahil sa mapaglaro at masining na pagkakasunod-sunod ng bawat spine. Nalalaro niya ang mga salita, at ang kahulugan at tunog nito batay sa pagkakasunod-sunod ng spine.

2. Talinghaga

Ito raw ay pinagsanib na dalawang salita: nakataling hiwaga. Walang eksaktong salin sa Ingles ang salitang talinghaga. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, ito ay mapagbuong simulain ng isang akda, lalo na kaugnay ng malikhaing pangangasiwa sa tayutay at retorika.

Ito ‘yong bagay sa loob ng tula na kapag naaninag mo, ikaw ay mapapa-“aaa… iyon pala!” Maaaring maipahayag ang talinghaga sa pamamagitan ng paggamit ng tayutay tulad ng simile, metaphor, irony, personification at marami pa. Maaari din namang ang talinghaga ay ang bagay na siyang hindi ipinapahayag sa isang tula.

3. Mapaglarong gamit ng taludtod

Dahil sa patimpalak na ito, pre-selected ang (mga) salita sa isang spine o taludtod, ang kailangang bantayan ay kung paanong nagagamit ang pagkakaputol ng mga salita at diwa ng bawat spine. Nakakapagdagdag ba ito sa mensaheng nais iparating ng tula? Nakakapagdagdag ba ito para lalong maging interesting ang talinghaga sa tula? Dahil ba sa huling salita ng piniling spine ay nadagdagan ang pananabik para basahin ang susunod na spine? Ika nga ay, page turner ba ang huling salita ng bawat spine?

4. Persona

Ang persona ay ang mata na pinagmumulan ng isang tula. Kaninong mata ang nakakakita ng karanasan na nasa tula? Sa isang bata ba? Sa isang teenager o sa isang matanda? Sa isang mayaman ba, mahirap o middle class? Sa isang tao ba noong unang panahon o ngayong modernong panahon?

Paalala: hindi kailangang tao ang may ari ng mga mata na ito. Maaaring maging mata ito ng isang yelo o kaya ng isang penguin. Puwede ring mata ng isang buong bansa na naghihikahos. O kaya ng isang bansang gustong manakop ng ibang bansa. Kahit anong persona ay posible, walang hanggan ang posibilidad na mapagpipilian ng sinumang gustong tumula.

5. Mensahe at Tema

Bilang hurado, mahalaga rin sa akin ang tema o mensahe, hindi lang ang paraan kung paanong nilalaro ang mga salita o kung paanong ibinabaon sa mga salita ang isang talinghaga o kung paanong nayayari ang isang taludtod. Aanhin natin ang tulang napakahusay sa mga teknikalidad na nabanggit ngunit ampaw naman ang mensahe o di naman makabuluhan ang tema?

Napakahirap gumawa ng tula ngunit sa kasawiang-palad, ang tula ay isa lamang messenger. Mas importante pa rin ang message na dala-dala ng messenger. Ang pogi nga ng messenger, wala namang kuwenta ang message niya, wala rin, di ba? Sayang lang ang panahon ng nakatanggap ng message.

Kaya para sa akin, mahalagang nagbibigay ng angkop at makabuluhang mensahe ang isang tula o ang anumang pampanitikang akda.

Ngayon ay dadako na ako sa ilang kalahok na nanalo:

Last Night I Dreamed of Peace
Looking Back
The First Escape
Before We Were Free
A Hero of Our Time
Jump
Fences
Shaking the Foundation

Nagustuhan ko ang tulang ito sapagkat buo ang naratibo at nagtapos ito sa mga action word tulad ng jump at shaking na kapwa nagpapakita ng paglampas sa mga harang sa pangarap tulad ng “fence” at pagbabanta sa “foundation.” Nagustuhan ko rin ang pag-isolate ng makata sa salitang jump dahil ipinakita nito kung gaano kahalaga ang action na iyon sa buong tula. Palagay ko, ang persona ay isang nilalang na nangangako ng matinding uri ng pakikilahok sa isang bagay na napakahalaga sa kanyang panahon. At naramdaman ko sa pagsasalita ng persona kung gaano karaming pag-asa ang itinataya nito sa kanyang sarili at sa mga tulad niya. Bilib ako sa tangan na ideyalismo ng akdang ito.

Dear Bully
You say more than you think
Solitude
When No One Understands
The idea of evil
On Truth and Untruth
This I believe

Relevant ang paksa. Napapanahon at napakalinaw ng mensahe. Para sa akin, matapang ang persona dahil diniretso niya ang pakikipag-ugnayan sa bully. Ipinakita rin dito na may alam siya sa utak ng mga bully (na palagay ko ay hindi alam ng karamihan sa mga aktuwal na bully, sa tunay na buhay) at sa kanilang mga sinasabi sa kanilang mga biktima. Isa itong tunggalian ng nilalang na malalim ang pag-unawa at ng isang nilalang na bully lamang at wala nang iba.

In the Country of Men
Seeking the Heart of Wisdom
Atlas Shrugged
…and a hard rain fell

Natuwa ako dahil may alusyon ito kay Atlas, isa sa mga diyos sa mitolohiyang Griyego. Mukhang well read ang estudyanteng sumulat nito. Napakatingkad din ng imahen na lumabas sa tula. Gaano nga ba kaliit ang tao sa iskema ng isang uniberso? Nagustuhan ko rin kung paanong nagpokus sa tao ang unang taludtod at sa abalang mundo nito na siyang nangyayari ngayon. Ang ikalawang taludtod ay paglalarawan sa information era na ginagalawan nating lahat. Akala natin, tayo at ang ating talino ang sentro ng uniberso. Ay, maling-mali. Nariyan si Atlas para ipakita kung gaano tayo kaliit, gaano ka-insignificant. Siyang may hawak ng daigdig! Magkibitbalikat lamang siya’y puwede nang masira ng ulan ang iyong araw.

Snow falling on cedars
Unclean
Unholy
Undead
In between the sheets
Of the dawn of freedom

Nagustuhan ko ang ipinipintang imahen ng tulang ito, ang pag-ulan ng niyebe sa lugar na may mga puno ng cedar, isang madaling araw ng kalayaan. May ritmo ang pagkakasunod-sunod ng mga salitang unclean, unholy, undead dahil sa paulit-ulit na tunog ng prefix na “un” at maiikling salitang karugtong nito: clean, holy, dead. Nakakagulat din kung paanong tinapos ang serye ng “un”. Unclean, negative. Marumi, nakakadiri. Unholy, negative. Hindi banal, pariwara, walang kuwenta, bastos. At undead. Undead, negative. Kumbaga, zombification ng mga patay na nilalang.

Maaaring ang tula ay nagpipinta ng larawan ng isang katatapos lamang na digma. Lahat ng digma ay nagluluwal ng mga unclean, unholy at undead na pagkatao. Dahil sa imahen sa mga taludtod, parang gusto kong sabayan ang persona sa pag-aabang ng mga susunod na pangyayari sa umagang ito.

Maligayang bati sa lahat ng nanalo sa Book Spine Poetry Contest at sa mga nag-organisa nito lalo na kay Bb. Zarah C. Gagatiga. Nawa’y magpatuloy kayong lumikha at tumula. Mabuhay ang kabataang makata!

Bebang Siy
Kamias, Quezon City
Pebrero 2014

PS Para sa dagdag na detalye hinggil patimpalak na ito at sa mga nanalo, bumisita sa:

http://lovealibrarian.blogspot.com

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...