Saturday, September 21, 2013

Thesis, Smile!


Puwede nang kunan ng retrato ang mga thesis sa Archives Section ng UP Diliman.

Although isa ako sa nakikinabang sa bagong rule na ito, hindi ako komportable dito. Copyright advocate ako. Alam kong paglabag ito sa karapatan ng may akda ng thesis. Ang pagkuha ng retrato sa isang akda ay isang paraan ng pag-reproduce dito. Para din itong pagphotocopy, mas hi-tech lang ang pagkuha ng retrato dahil hi-tech ang gadgets na kailangan para maisagawa ito: point and shoot na camera, camerang DSLR o iyong type na masalimuot, tablet, smart phone at iba pa.

Noong unang panahon sa UP Diliman, bawal ang pag-photocopy sa thesis o sa anumang bahagi nito. Kahapon, nang tanungin ko ang librarian kung puwede na bang i-photocopy ang thesis (dahil nakita kong pinapayagan niya ang pag-picture-picture ng isang lalaking estudyante sa hawak nitong thesis), ang sagot niya ay hindi puwede. Hindi raw kasi puwedeng ilabas ang thesis.

Oo nga naman. Kapag pinayagan ang pag-photocopy ng thesis, puwedeng maluray-luray ito. Hardbound pa naman ito kaya talagang magdi-disintegrate ang quality ng binding kapag ibinuka ito para i-photocopy ang kahit isa lamang na pahina.

Pero naniniwala ako na isa ring dahilan (at ang mas malalim na dahilan) kung bakit hindi maaaring ipa-photocopy ang thesis ay para mahirapan sa pagkopya ang sinumang nais kumopya ng bawat salita na nakasaad dito. Mapipilitang magbasa ang researcher na may pagnanasang kopyahin lamang ang mga salita sa thesis. Mapipilitan siyang mag-research. Kasi kung hindi niya gagawin iyon, paano niya malalaman kung aling bahagi ng thesis ang kailangan niyang kopyahin word per word?

Kapag puwedeng i-photocopy ang thesis, mas madali na para sa tamad na researcher ang magkaroon ng kopya ng lahat ng sinasabi ng may akda ng thesis. E, di may kopya na si Tamad, so anytime at anywhere ay puwede na niya itong buklatin, basahin, kopyahing muli at iba pa. At kung enterprising si Tamad, puwede niya ring i-photocopy muli ang thesis at ipagbenta ang mga kopya nito.

llegal lahat ng iyan. So tamad na nga, ilegal pa.

Tulad ng sabi ko sa umpisa ng sanaysay na ito, ang pagpayag ng isang library para piktyuran ang materyales at mga koleksiyon ng mga akda nila ay para na ring pag-oo sa photocopying. Pisikal na materyal lamang ang napoprotektahan ng library kapag ipinagbabawal nila ang photocopying pero ang essence ng thesis ay hindi nila napoprotektahan, dahil pumapayag sila sa pag-picture dito.

Ano ang assurance ng library na hindi ia-upload ng photographer ang buong thesis na piniktyuran nito? Wala namang pinapirmahan sa lalaking kasabay ko sa Archives Section. Basta na lang itong naglabas ng camera (‘yong mamahaling camera, mind you! Mayayaman na talaga ang mga taga-UP ngayon!) at nagpiktyur nang nagpiktyur. Ang ingay-ingay pa nga ng klik-klik niya, istorbo sa iba pang researcher that time.

Ano ang assurance ng library na hindi magli-leak sa internet o sa anumang uri ng medium ang mga retrato ng thesis?

Wala.

Kawawa naman ang may akda ng thesis. ‘Yong pinaghirapan niya, baka nasa isang blog na pala at pinagkakakitaan ng isang enterprising na researcher! And all because pinadali ng UP Archives ang proseso ng pagkuha ng bawat pahina sa mga thesis na nasa kanilang pag-iingat.

E, sa kabilang banda, bakit hindi na lang piktyuran ng UP ang mga thesis doon at i-upload na lang sa kanilang website ang lahat? Bakit kailangan pang dayuhin ng isang researcher ang UP Diliman, akyatin ang Archives Section, mag-request ng thesis sa counter, maghintay, magbigay ng ID kapag nariyan na ang thesis, kunin ang thesis at umupo sa isang tabi at saka mag-picture?

Ano ang essence ng mga prosesong ito? Na saksakan talaga ng tagal, anlakas kumain ng oras.

Kung ang pagpayag sa pagpipiktyur sa thesis ay para sa convenience ng researcher ng Archives, bakit hindi nila i-all the way ang proseso? Nagiging kumbinyente lang ito sa mga may camera. At sino ba ang may camera? Ay, di iyong may pera!

I am for convenience. Sabi ko, di ba, isa ako sa nakikinabang sa bagong rule na ito? Pero kung
ilegal, di makatarungan at pagnanakaw na maituturing ang paraan para lang maranasan ko ang convenience na ito, aba’y dapat kong pag-isipan nang bonggang-bongga ang proseso.






No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...