Friday, August 23, 2013
Karir
Para sa kolum na Kapikulpi ni Beverly W. Siy sa pahayagang Perlas ng Balita Cavite
Kung gusto natin ng pagbabago, huwag tayong matutulog. Huwag tayong lilimot. Huwag tayong susuko. Huwag tayong lilinga. Huwag tayong magpapatinag.
Kaya naman paulit-ulit ang katiwalian at maling pamamaraan ng mga nasa puwesto, patulog-tulog kasi tayo, ang sambayanang Filipino. Madali tayong maaliw. Madali tayong malingat. Mamya nakatutok sa usapin, mamya naman, hayun na at iba na ang binubusisi. Iba na ang binibigyan ng opinyon. Iba na ang tinititigan.
Konsistensi lang po, kabayan. Iyan sa palagay ko ang kailangan natin. Karirin natin ang pagtutok sa mga anomaly at katiwalian. Di biro ang dugo’t pawis na itinataya ng mga whistleblower para lang maibunyag ang kalokohan na alam nila. Huwag nating hayaang masayang ang mga ito.
Paano, mag-asawa lang si Celebrity number 88, wah, distracted na naman tayo. Kapag inilunsad ang pinakabagong inuming alkohol, distracted na naman tayo.
Sa bawat paglingat natin, kupit nang kupit ang mga nakaabang na politiko! Bago pa natin mamalayan ang kanilang ginagawa, ay, ang lalim na ng uka at anlaki na ng butas ang naidulot nila kakakupit sa kaban ng bayan.
We have something to learn from our nanays.
Di ba, lagi nila tayong nahuhuli kapag nangungupit tayo? Kasi kinakarir nila ang pagmamatyag sa atin. Binabantayan nila tayo nang mahigpit. Sinusundan ang bawat kilos natin. At higit sa lahat, kilalang-kilala nila tayo kaya kaunting pagbabago lang sa gawi natin, alam nila, something is fishy na. Tapos uuriratin na tayo at hindi tatantanan hanggang sa tayo ay umamin sa nagawang kasalanan.
Sana ganyan din tayo sa ating mga politiko. Bantayan natin silang maigi. Kilalanin natin silang maigi. Mahirap ba si Congressman? Mayaman? Middle class? Ba’t may limampung mansiyon? Saan galing iyan? Imbestiga-imbestiga rin pag may time. Dati, hindi naman relihiyoso, bigla at ngayon e oras-oras kung magpamisa? Aba, i-check na ang kalusugan niyan at baka napipinto na ang kamatayan! Maigi nang handa para nariyan agad ang kapalit niya sa serbisyo-publiko. Dalaga ba iyan? Good. Pero kumusta ba ang mapapangasawa? Ha? Nababalitang illegal logger sa Mindanao? Aba’y baka magtandem ang dalawa sa terminong ito at makalbo ang mga gubat sa Mindanao!
Kung kakaririn natin ang pagbabantay sa mga politikong ito, mas mahihirapan nang mangulimbat ang mga nangungulimbat. Therefore, mas malaking pera ang maiiwan sa kaban ng bayan. At mapipilitan din ang mga politikong ito na magtrabaho nang totoo. Ano pa ba ang gagawin nila sa puwesto nila kung nakatutok sa kanila ang mata ng bayan? Kapag di sila nagtrabaho, aba’y palayasin na ‘yan, palitan na ‘yan. Ano’t uupo-upo siya doon? Nagpapalaki ng tumbong?
Friend, huwag na tayong umasa sa iba. Sa atin na lamang mga sarili. Karirin natin ito at tiyak akong gaganda ang sitwasyon ng karaniwang Filipino.
Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment